22. Ang Aking Karanasan sa Pangangaral sa Isang Pastor

Ni Li Zhi, Tsina

Isang gabi noong Abril ng taong 2021, biglang sinabi sa akin ng isang lider na ang isang nakatatandang pastor, na mahigit limampung taon na sa pananalig, ay gustong siyasatin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw—ito ay si Pastor Cao, na mula sa Caojia Village. Pinapunta ako sa kanya at inutusang bahaginan siya ng ebanghelyo. Sinabi sa akin ng lider na nakapangaral na si Pastor Cao sa maraming bansa, na hindi niya ipinagkanulo ang Panginoon kahit nang ikinulong siya ng CCP dahil sa kanyang pananalig, at na tunay siyang nanampalataya sa Panginoon. Nang marinig ko ang lahat ng ito, naalala ko ang maraming pastor at elder na nakilala ko habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Karamihan ay kumakapit sa literal na mga salita ng Bibliya at sa mga kuru-kurong panrelihiyon. Hindi nila makilala ang tinig ng Diyos at mahirap para sa kanila na matanggap ang katotohanan. At labis nilang pinahahalagahan ang kanilang katayuan at kinikita, na narinig naman nila ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at kinilala na ito ang katotohanan, pero hindi tinanggap ang Makapangyarihang Diyos. Talaga kayang matatanggap ng matandang pastor na ito ang katotohanan? O mapagmatigas siyang kakapit sa kanyang mga kuru-kurong panrelihiyon tulad ng iba? Medyo kinakabahan din ako—ilang taon na akong nasa ibang tungkulin, at matagal na akong hindi nagpalaganap ng ebanghelyo. Ngayon ay bigla kong kinailangang harapin ang matandang pastor na ito, na puno ng kaalaman sa Bibliya at mga kuru-kurong panrelihiyon. Kung hindi ako malinaw na makapagbahagi sa katotohanan at mabigo akong lutasin ang kanyang mga kuru-kurong panrelihiyon, hindi ba’t mabibigo ako sa tungkulin ko? Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kinakailangan ang pananalig ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananalig kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan sa iyo ay magkaroon ka ng pananalig at manindigan at magiging matatag sa iyong patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Gumagawa ang Banal na Espiritu batay sa prinsipyong ito: Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktibong pagdarasal, paghahanap at paglapit sa Diyos, matatamo ang mga resulta at maaari silang bigyang-liwanag at matanglawan ng Banal na Espiritu. Hindi ito kaso ng kumikilos nang mag-isa ang Banal na Espiritu, o kumikilos ang tao nang mag-isa. Pareho silang lubos na kinakailangan, at kapag mas nakikipagtulungan ang mga tao, at habang mas hinahangad nilang maabot ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, mas tumitindi ang gawain ng Banal na Espiritu(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Makikilala ang Realidad). Totoo iyon. Ang pakikipagkita sa potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na ito ay kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Bagama’t nabigo ako sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga pastor at elder noon, hindi ko puwedeng basta na lang bansagan silang lahat na hindi kayang tumanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kailangan kong manalig sa Diyos, at talagang magbayad ng halaga sa pamamagitan ng pakikipagtulungan. Naririnig ng mga tupa ng Diyos ang Kanyang tinig—hangga’t nananabik siya sa katotohanan, at handang siyasatin ang tunay na daan, tungkulin kong patotohanan sa kanya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kung mayroong kahit katiting na pag-asa, hindi ako puwedeng sumuko. Kailangan kong tuparin ang aking tungkulin at responsabilidad sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos at pagbabahagi nang may pagmamahal at pagtitiyaga—nang sa gayon ay hindi ako magkakaroon ng mga pagkakautang o pagsisisi. Sa wakas ay binigyan ako ng pananalig ng pagkakaroon ng ganitong mga kaisipan.

Pagkakita ko kay Pastor Cao, tinanong ko ang kanyang mga pananaw sa pagbabalik ng Panginoon. Mataimtim niyang sinabi sa akin, “Mahigit dalawampung taon na ang nakalipas, ilang beses nang ipinangaral sa akin ng ilang tao ang ebanghelyo. Nagpatotoo sila na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, ipinapahayag ang katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol sa mga huling araw. Sinabi nila na itinala ng Bibliya ang mga naunang salita at gawain ng Diyos—ngayon ay nagbalik na ang Panginoong Jesus, at nagpahayag Siya ng mga bagong salita, at na sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga bagong salita ng Makapangyarihang Diyos at tunay na pagtanggap sa mga ito saka ko lang mauunawaan ang katotohanan at maililigtas ng Diyos. Nang marinig ko iyon, hindi ko iyon matanggap. Malinaw na sinabi ni Pablo, ‘Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos’ (2 Timoteo 3:16). Ibig sabihin nito, ang Bibliya ay salita ng Diyos, ang Kristiyanong panuntunan, na hindi maitatanggi. Ang langit at lupa ay lilipas; ang mga salita ng Diyos ay mananatili. Kaya, ang mga mananampalataya ay dapat na magbasa ng Bibliya sa lahat ng oras, at sumunod dito. Naniniwala ako na mali sila at ayaw ko nang marinig pa ang mga pagbabahagi nila.” Sinabi ko sa kanya, “Pastor Cao, naiintindihan ko kung bakit ganyan ang naisip mo. Karamihan sa mga tao sa mundo ng relihiyon ay gumagawa ng kongklusyon na ang lahat ng salita sa Bibliya ay mga salita ng Diyos batay sa sinabi ni Pablo. Pero naaayon ba talaga ang pahayag na ito sa mga katunayan?” Sumagot si Pastor Cao, “Siyempre naman.” Ang sabi ko sa kanya, “Kung ang Bibliya ba ay ganap na salita ng Diyos, ang tumpak na sagot ay ibinigay noon pa man ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Mas mabuti pa, basahin natin ang mga salita Niya.” Medyo seryoso ang hitsura niya, at nag-alinlangan siya bago tumango at sinabing, “Dahil nandito na kayo, sige makikinig ako.” Kaya, ibinahagi namin sa kanya ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Bibliya ay Diyos, at na ang Diyos ay ang Bibliya. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Bibliya ay ang tanging mga salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang baluktot na pagkaarok ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta ang lahat ng ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat ang mga ito para sa mga iglesia, at mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi rin siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga liham ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Corinto, Galacia, at iba pang mga iglesia noong panahong iyon. Kaya ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga liham ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aaliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng karamihan ng ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3). “Hindi lahat ng nasa Bibliya ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Bibliya ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga propesiya ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nababahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Matatagpuan sa maraming aklat sa Bibliya ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga baluktot na pagkaarok ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na ang mga ito ay tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, at lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga taong ito, na nakatanggap ng mga inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3).

Habang binabasa namin ang mga salita ng Diyos, matamang nakikinig si Pastor Cao, tumatango paminsan-minsan. Pagkatapos niyon, nagbahagi ako, “Napakalinaw ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos—ang Bibliya ay nagdodokumento lamang ng nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Bukod sa mga salita ng Diyos na si Jehova at ng Panginoong Jesus, at sa mga propesiya na ipinahayag ng mga propeta, iyong iba pa ay makasaysayang talaan at karanasan ng tao. Naglalaman ang Bibliya hindi lang ng mga salita ng Diyos, kundi pati na rin ng mga salita ng tao, at ni Satanas. Dapat nating matukoy ang kaibahan ng mga ito, at huwag malito sa mga ito. Katulad ito ng kung paanong itinatala ng Lumang Tipan ang mga propesiya ng mga propetang tulad nina Isaias, Elias, o Ezekiel. Sa unahan ng kanilang mga salita, palaging may isinasaad na tulad ng ‘Kaya sabi ni Jehova,’ o ‘Si Jehova ay nagsalita kay’—na nagpapatunay na direkta nilang inihahatid ang mga salita ng Diyos. Ang mga sulat, gayumpaman, ay karanasan ng tao, isang talaan ng tao. Ang mga sulat sa mga simbahan, tulad ng kay Pablo, ay kanyang sariling pagkaunawa batay sa karanasan. Kapag natatanggap ng mga kapatid noon ang mga liham ni Pablo, sinasabi nilang ‘May dumating na sulat mula kay Pablo.’ Hinding-hindi nila sinasabi na ‘Dumating na ang mga salita ng Diyos,’ hindi ba? Kaya ang mga sulat ay hindi masasabing mga salita ng Diyos. Ang tanggapin ang mga salita ng tao at ni Satanas sa Bibliya, at sabihing ang mga ito ay mga salita ng Diyos, hindi ba ito kalapastanganan? Ibig sabihin, ang paniniwalang ito na ‘Ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at ganap na mga salita ng Diyos’ ay talagang hindi tama.”

Nang matapos ako, natigilan siya. Sabik niyang sinabi sa akin, “Naaalala ko ang sinabi sa akin ng aking guro sa teolohiya na lahat ng nasa Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at ito ay salita ng Diyos. Iyan ang sinasabi namin sa lahat ng taon na ito. Maaari kayang nagkamali si Pablo tungkol doon?” Nang marinig ko ang tanong niya, biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Nakita ko lang siyang tumango-tango, at inakala ko na naiintindihan niya, pero hindi talaga niya naiintindihan. Katulad din ba si Pastor Cao ng iba pang mga lider ng relihiyon, na hindi nakauunawa sa mga salita ng Diyos? Ngunit pagkatapos ay naisip ko, “Maraming dekada nang kumakapit ang matandang pastor na ito sa mga kuru-kurong panrelihiyon—madali ba niyang maisasantabi ang mga ito? Kailangan kong matiyagang magbahagi.” Kasunod niyon ay sinabi ko, “Huwag muna nating alalahanin kung tama ba o mali si Pablo. Pagtuunan natin ang mga katunayan. Pastor Cao, tiyak na alam mo kung paano nabuo ang Bibliya. Ilang taon pagkatapos ng Panginoon isinulat ni Pablo ang 2 Timoteo?” Walang pag-aalinlangang sinabi niya na ito ay makalipas ang higit sa animnapung taon. “At ilang taon pagkatapos ng Panginoon nabuo ang Bagong Tipan?” Sinabi niya na ito ay makalipas ang higit sa tatlong daang taon. Kaya sabi ko, “Ngayon isipin natin—noong isinulat ni Pablo ang 2 Timoteo, mayroon na bang Bagong Tipan?” Gulat na sinabi niyang, “Wala pa.” Nagpatuloy ako, “Kung wala pa, ang mga salita ba ni Pablo, ‘Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos,’ ay kabilang sa Bagong Tipan?” Nanlaki ang mata niya at sinabing, “Naiintindihan ko na. Hindi maaaring kasama ang Bagong Tipan sa mga salita ni Pablo. Salamat sa Panginoon! Paanong hindi ko ito naisip noon? Sa lahat ng taon na ito ng pananalig, palagi naming pinaniniwalaan na ‘Ang lahat ng kasulatan ay bigay-inspirasyon ng Diyos, at Kanyang mga salita,’ at nangaral kami tungkol dito sa lahat ng dako. Hindi namin kinuwestyon kahit kailan ang katotohanan ng pahayag na ito. Sa pamamagitan ng pagbabahaging ito, naiintindihan ko na—ang Bibliya ay hindi ganap na mga salita ng Diyos at dapat ituwid ang aking mga kuru-kuro na ilang dekada na. Salamat sa Diyos!” Nang makita kong nalutas ang kuru-kuro ni Pastor Cao, mas naging kumpiyansa ako sa pangangaral ng ebanghelyo sa kanya.

Kaya pagkatapos ay ibinahagi ko sa kanya na nagkatawang-tao ang Diyos para gawin ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, nagpapahayag ng milyon-milyong salita ng katotohanan—binubuksan hindi lamang ang mga misteryo ng Bibliya, kundi pati na rin ang lahat ng misteryo ng Kanyang 6,000-taong plano ng pamamahala, tulad ng mga misteryo ng tatlong yugto ng Kanyang gawain, ng Kanyang mga pangalan, at ng Kanyang pagkakatawang-tao. Naihayag na rin ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan ng paggawang tiwali ni Satanas sa tao, ang satanikong kalikasan ng paglaban sa Diyos ng tao, at iba’t ibang satanikong disposisyon, at tinukoy Niya ang daan para maialis natin ang ating sarili sa kasalanan at mailigtas Niya tayo. Ang mga katotohanang ito na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang mga salita ng Banal na Espiritu sa mga simbahan, ang daan ng walang hanggang buhay na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw, at ang tanging paraan para mailigtas at makapasok sa kaharian ng Diyos. Tinanggap niya ang lahat ng ito, ngunit mayroon pa rin siyang mga kuru-kuro tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw bilang babae. Sinabi niya sa akin, “Natatanggap ko na ngayon ang gawain ng paghatol at paglilinis ng Makapangyarihang Diyos, pero paano ka makapagpapatotoo na nagkatawang-tao ang Panginoong Jesus bilang isang babae? Noong huli Siyang pumarito, Siya ay isang lalaki—at madalas Siyang binanggit ng Bibliya bilang ‘Anak na lalaki’—kaya’t siguradong isa Siyang lalaki sa pagbabalik Niya. Paano Siyang naging babae? Hindi ko ito maisip! Maaari mo ba akong bahaginan nang kaunti tungkol dito?” Sabi ko, “Sa loob ng libo-libong taon, inisip ng lahat ng mananampalataya na dahil pumarito ang Panginoong Jesus bilang lalaki, siguradong babalik Siya bilang lalaki, tiyak na hindi bilang babae. Gayumpaman, nagkatawang-tao ang Makapangyarihang Diyos bilang babae sa mga huling araw—marami ang nahihirapang tanggapin ito. Pero dapat nating maunawaan na kung mas maraming kuru-kuro ang mga tao tungkol sa isang bagay, mas maraming katotohanan ang mahahanap. Sa Bibliya, kapag ipinopropesiya ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, palagi nitong binabanggit ‘ang Anak ng tao,’ ‘ang Anak ng tao ay nahahayag,’ ‘ang pagparito ng Anak ng tao,’ ‘pumarito ang Anak ng tao,’ at ‘ang Anak ng tao sa Kanyang araw.’ Ano ang ibig sabihin nitong ‘Anak ng tao’? Kapag binabanggit ito, ibig sabihin nito ay isang indibidwal na ipinanganak na isang tao, at may normal na pagkatao—lalaki man siya o babae. Kaya bakit paulit-ulit na binigyang-diin ng Panginoong Jesus ang pariralang ito, ‘Anak ng tao’? Sinasabi Niya sa atin na sa mga huling araw, babalik ang Diyos na nagkatawang-tao, bilang Anak ng tao, para magpamalas at gumawa. Pero hindi kailanman sinabi ng Panginoon kung ang Anak ng tao sa mga huling araw ay magiging lalaki o babae. Kaya paanong nagawa ng mga tao na pabasta-bastang limitahan Siya? Alam nating lahat ang Genesis Chapter 1, Verse 27: ‘Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya’y nilalang; nilalang Niya sila na lalaki at babae.’ Makikita natin dito, sa simula ay nilikha ng Diyos ang lalaki at babae ayon sa Kanyang imahen. Kung tutukuyin natin ang Diyos bilang lalaki, paano natin maipaliliwanag na nilikha rin ng Diyos ang babae sa Kanyang sariling imahe? Kaya hindi natin maaaring limitahan ang Diyos batay sa sarili nating mga kuru-kuro o imahinasyon.” Pagkatapos, binasahan ko si Pastor Cao ng ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bawat yugto ng gawaing ginawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noon, nang pumarito si Jesus, dumating Siya sa anyong lalaki, at nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, ang anyo Niya ay babae. Mula rito, makikita mo na ang paglikha ng Diyos sa kapwa lalaki at babae ay magagamit sa Kanyang gawain, at para sa Kanya ay walang pagkakaiba ng kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Siyang magbihis ng anumang katawang-taong gusto Niya, at maaari Siyang katawanin ng katawang-taong iyon; lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos basta’t ito ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Kung nagpakita si Jesus bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang lalaki, ang naipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, makukumpleto pa rin sa parehong paraan ang yugtong iyon ng gawain. Kung nagkagayon, kakailanganing kumpletuhin ng isang lalaki ang kasalukuyang yugto ng gawain, ngunit makukumpleto pa rin ang gawain sa parehong paraan. Ang gawaing ginagawa sa bawat yugto ay mayroong sarili nitong kabuluhan; hindi naulit ang alinmang yugto ng gawain, ni hindi ito magkasalungat(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao). “Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa pa ay babae, kaya nakukompleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at naiwawaksi ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos: Ang Diyos ay maaaring maging kapwa lalaki at babae, at sa diwa, ang Diyos na nagkatawang-tao ay walang kasarian. Nilikha Niya kapwa ang lalaki at babae, at para sa Kanya, walang pagkakahati ng kasarian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos). “Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao lamang bilang isang lalaki, ituturing Siya ng mga tao bilang isang lalaki, bilang Diyos ng mga kalalakihan, at hindi Siya kailanman paniniwalaan bilang Diyos ng mga kababaihan. Paniniwalaan ng mga kalalakihan na ang kasarian ng Diyos ay katulad ng kanilang kasarian, na ang Diyos ay ang pinuno ng mga kalalakihan—subalit paano naman ang mga kababaihan? Ito ay hindi makatarungan; hindi ba ito pagtratong may pagtatangi? Kung magkagayunman, lahat silang ililigtas ng Diyos ay mga lalaki na kagaya Niya, at wala ni isang babae ang maliligtas. Nang nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya si Adan at nilikha Niya si Eba. Hindi lamang Niya nilikha si Adan, kundi kapwa ginawa ang lalaki at babae sa Kanyang wangis. Ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga kalalakihan—Siya ay Diyos din ng mga kababaihan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3).

Nagpatuloy akong magbahagi, “Alam nating lahat na sa simula, nilikha ng Diyos ang lalaki at babae ayon sa Kanyang imahen. Kaya, natural na maaaring maging tao ang Diyos bilang lalaki, at bilang babae rin. Kung nagkatawang-tao ang Diyos nang dalawang beses bilang lalaki, maaari Siyang limitahan ng mga tao, at maniniwala sila na maaari lang Siyang maging tao bilang lalaki, hindi bilang babae—na Siya ay Diyos lang ng mga lalaki, hindi Diyos ng mga babae—hindi ba ito isang malaking maling pagkaunawa sa Kanya? Mangangahulugan ito ng walang hanggang diskriminasyon laban sa kababaihan. Talagang hindi ito magiging patas sa mga kababaihan. Ang Diyos ay unang nagkatawang-tao bilang lalaki, at sa mga huling araw, bilang babae. Napakamakabuluhan nito. Ganap nitong ipinapakita ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at na pantay Niyang tinatrato ang mga lalaki at babae. Nakumpleto nito ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa lalaki at babae. Sa katunayan, hindi mahalaga kung magkatawang-tao ang Diyos bilang lalaki o babae. Hangga’t kayang ipahayag ng taong ito ang katotohanan, at gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, maaari siyang kumatawan sa Diyos, at siya ang nagkatawang-taong Diyos Mismo. Sa mga huling araw, pumarito ang Makapangyarihang Diyos. Ipinapahayag Niya ang lahat ng katotohanang nagpapadalisay at nagliligtas sa tao, ginagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, sinisimulan ang Kapanahunan ng Kaharian, at winawakasan ang Kapanahunan ng Biyaya. Pinatutunayan nito nang walang pag-aalinlangan na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagkatawang-taong Diyos, at ang nagbalik na Panginoong Jesus.”

Sa puntong iyon, seryosong sinabi sa akin ni Pastor Cao, “Sister, makatwiran ang lahat ng sinabi mo at hindi ko ito mapabulaanan. Pero may isang bagay pa rin na hindi ko lubos na maunawaan. Sa Genesis 3:16, sabi ng Diyos, ‘Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.’ At sinasabi ng 1 Corinto 11:3: ‘Ang pinuno ng babae ay ang lalaki.’ Mula sa mga tekstong ito, makikita natin na ang babae ang pinagmumulan ng katiwalian, at nasa ilalim ng pamamahala ng lalaki. Kaya paanong babalik ang Panginoon bilang babae?” Nang marinig ko ang mga salita ni Pastor Cao, naisip ko, “Binasahan kita ng napakaraming salita ng Diyos, napakarami kong ibinahagi sa iyo, pero nililimitahan mo pa rin ang Diyos bilang lalaki at hindi matanggap ang katunayan ng Kanyang pagkakatawang-tao bilang babae. Mukhang hindi napakadali sa iyo na isantabi ang mga kuru-kuro mo.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Ang mga kuru-kuro niya ay dahil sa mga paglihis sa kanyang pagkaunawa sa kasulatan. Kung mauunawaan niya ang katotohanan, maaalis ang mga kuru-kurong ito.” Sabi ko sa kanya, “Pastor Cao, napakalinaw na nagsalita ang Makapangyarihang Diyos tungkol sa bagay na ito. Tingnan natin kung ano ang sinasabi Niya.”

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Noong araw, nang sabihin na ang lalaki ang pinuno ng babae, patungkol ito kina Adan at Eba, na nalinlang ng ahas—hindi sa lalaki at babae ayon sa pagkalikha sa kanila ni Jehova sa simula. Siyempre pa, kailangang sundin at mahalin ng isang babae ang kanyang asawa, at kailangang matutuhan ng lalaki na pakainin at suportahan ang kanyang pamilya. Ito ang mga kautusan at batas na itinakda ni Jehova na kailangang sundin ng sangkatauhan sa kanilang buhay sa lupa. Sinabi ni Jehova sa babae, ‘Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.’ Sinabi lamang Niya iyon upang ang sangkatauhan (ibig sabihin, kapwa ang lalaki at ang babae) ay mabuhay nang normal sa ilalim ng kapamahalaan ni Jehova, at upang ang buhay ng sangkatauhan ay magkaroon ng isang kaayusan, at hindi mawala sa tama nitong pagkakaayos. Samakatwid, gumawa si Jehova ng angkop na mga panuntunan tungkol sa nararapat na pagkilos ng lalaki at babae, bagama’t patungkol lamang ito sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa lupa, at walang kaugnayan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Paano magiging kapareho ng Diyos ang Kanyang mga nilikha? Ang Kanyang mga salita ay patungkol lamang sa sangkatauhan na Kanyang nilikha; para mabuhay nang normal ang sangkatauhan, itinakda Niya ang mga panuntunan para sa lalaki at babae. Sa simula, nang likhain ni Jehova ang sangkatauhan, gumawa Siya ng dalawang klaseng tao, kapwa lalaki at babae; kaya naman mayroong paghahati ng lalaki at babae sa Kanyang mga nagkatawang-taong laman. Hindi Niya ipinasya ang Kanyang gawain batay sa mga salitang sinabi Niya kina Adan at Eba. Ang dalawang beses na naging tao Siya ay natukoy nang lubusan ayon sa Kanyang iniisip noong una Niyang likhain ang sangkatauhan; ibig sabihin, nakumpleto Niya ang gawain ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao batay sa lalaki at babae bago sila nagawang tiwali. … Nang maging tao si Jehova nang dalawang beses, ang kasarian ng Kanyang katawang-tao ay may kaugnayan sa lalaki at sa babaeng hindi nalinlang ng ahas; alinsunod ito sa lalaki at babaeng hindi nalinlang ng ahas na dalawang beses Siyang naging tao. Huwag isipin na ang pagkalalaki ni Jesus ay kapareho ng kay Adan, na nalinlang ng ahas. Ganap na walang kaugnayan ang dalawa, sila ay mga lalaki na may dalawang magkaibang kalikasan. Tiyak kayang hindi maaari na ang pagkalalaki ni Jesus ay nagpapatunay na Siya ang pinuno ng lahat ng babae ngunit hindi ng lahat ng lalaki? Hindi ba Siya ang Hari ng lahat ng Hudyo (kasama na kapwa ang mga lalaki at mga babae)? Siya ang Diyos Mismo, hindi lamang ang pinuno ng babae kundi ang pinuno rin ng lalaki. Siya ang Panginoon ng lahat ng nilikha at ang pinuno ng lahat ng nilikha. Paano mo natutukoy ang pagkalalaki ni Jesus bilang ang sagisag ng pinuno ng babae? Hindi ba ito kalapastanganan? Si Jesus ay isang lalaking hindi nagawang tiwali. Siya ang Diyos; Siya ang Cristo; Siya ang Panginoon. Paano Siya magiging isang lalaki na tulad ni Adan na nagawang tiwali? Si Jesus ang katawang-taong ibinihis ng pinakabanal na Espiritu ng Diyos. Paano mo nasabi na Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng pagkalalaki ni Adan? Kung magkagayon, hindi ba’t mali ang buong gawain ng Diyos? Isasama kaya ni Jehova sa loob ni Jesus ang pagkalalaki ni Adan na nalinlang ng ahas? Hindi ba ang pagkakatawang-tao ng kasalukuyang panahon ay isa pang halimbawa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na iba ang kasarian kay Jesus ngunit katulad Niya ang kalikasan? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi maaaring maging babae ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil babae ang unang nalinlang ng ahas? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na, dahil ang babae ang pinakamarumi at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan, hindi posibleng maging tao ang Diyos bilang isang babae? Nangangahas ka bang magpumilit sa pagsasabi na ‘dapat palaging sundin ng babae ang lalaki at hindi maaaring magpamalas o direktang kumatawan sa Diyos kailanman’?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao).

Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, nagpatuloy ako, “Makikita natin mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na nang sabihin ng Diyos sa babae, ‘Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo,’ ito ang Kanyang hinihingi at pagkontrol sa tiwaling sangkatauhan, para makapamuhay ang tiwaling sangkatauhan sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos na si Jehova sa maayos na paraan. Walang anumang kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao ang hinihinging ito. Katulad na lang sa Lumang Tipan, noong inutusan ng Diyos na si Jehova ang tao na ipangilin ang Sabbath. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao—hindi ito mahihiling ng tao sa Panginoong Jesus. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Ginawa ang sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao ng dahil sa sabbath: Samakatwid ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng sabbath(Marcos 2:27–28). Kaya, kahit na sinasabi ng Bibliya, ‘Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo(Genesis 3:16), ‘Ang pinuno ng babae ay ang lalaki’ (1 Corinto 11:3), walang kinalaman ang mga bagay na ito sa Diyos na nagkatawang-tao. Magkatawang-tao man ang Diyos bilang lalaki o babae, ito ay ang parehong katawang-tao na isinusuot ng Kanyang Espiritu, at ang parehong Diyos Mismo. Kung gagamitin ng tao ang mga salitang ito para limitahan ang Diyos bilang lalaki, na hindi maaaring maging babae, at tatanggihan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, hindi ba ito paglalagay sa Diyos na nagkatawang-tao sa parehong kategorya ng tiwaling tao? Hindi ba ito kalapastanganan sa Diyos?” Pagkarinig sa akin, natigilan ang pastor. Seryoso niyang sinabi, “Sister, dahil pumarito ang Panginoon sa katawang-tao, kailangan Siyang isilang ng tao, at magkaroon ng kasarian. Pero hindi ko lang matanggap agad na nagkatawang-tao Siya bilang babae sa pagkakataong ito. Kailangan kong magdasal at hilingin sa Panginoon na bigyang-liwanag ako.”

Nang sabihin ito ng pastor, medyo nabalisa ako at naguluhan. Napakarami kong naibahagi—bakit hindi pa rin niya maisantabi ang kanyang mga kuru-kuro? Ano ba ang nangyayari? Hindi ba niya maunawaan ang salita ng Diyos? Hindi ba siya isa sa mga tupa ng Diyos? Dapat ba akong magpatuloy sa pakikipag-usap sa kanya? Anong mga aral ang dapat kong matutunan mula rito? Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko. Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat tuparin ng mga tao ang kanilang responsabilidad at makitungo nang masigasig sa bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Inililigtas ng Diyos ang tao sa abot ng makakaya, at dapat isaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, hindi nila dapat lagpasan nang walang ingat ang sinumang naghahanap at nagsisiyasat sa tunay na daan. … Ang ilang taong nagsisiyasat sa tunay na daan ay may kakayahang makaunawa at may mahusay na kakayahan, ngunit mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Mahigpit silang sumusunod sa mga kuru-kurong panrelihiyon, kaya dapat kang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan nang may pagmamahal at pagpapasensya para makatulong na lutasin ito. Dapat ka lang sumuko kapag hindi nila tinatanggap ang katotohanan paano ka man magbahagi sa kanila—kung magkagayon, nagawa mo na ang lahat ng magagawa mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Pinatahimik ng mga salita ng Diyos ang nababalisa kong puso. Hinihingi sa atin ng Diyos na maging mapagmahal at matiyaga tayo sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Tanggapin man nila o hindi ang ebanghelyo sa huli, kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya. Napagtanto ko na hindi ko pa nagagawa ang lahat ng dapat kong gawin sa pagbabahagi ng ebanghelyo kay Pastor Cao. Hindi ko pa natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Nang makita ko siyang kumakapit sa Bibliya, hindi pa rin nagbabago ang isip, inakala ko na hinding-hindi niya mauunawaan ang katotohanan. May mga kuru-kuro siya tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos bilang babae at hindi niya agad naunawaan ang pagbabahagi ko, kaya nawalan na naman ako ng pasensya. May kimkim akong masamang palagay laban kay Pastor Cao, iniisip na hindi madaling nakikilala ng mga pastor ang tinig ng Diyos. Sa sandaling nagkaroon siya ng kuru-kuro na hindi niya kayang lampasan, nahusgahan ko siya, ginusto ko pa ngang sukuan siya. Naisip ko kung paano nagsumikap ang Diyos para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, at kung paano Siya nagpahayag ng napakaraming salita para tustusan at alagaan tayo. Upang tulungan tayong maunawaan ang katotohanan, nagbabahagi Siya sa atin, masusing ipinaliliwanag ang bawat katotohanan. Nagsasalita Siya sa mga kuwento at metapora, at mula sa lahat ng anggulo, para magbigay ng sapat na detalye at kalinawan. Nakita ko na napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan at ng halagang binayaran Niya para sa atin na hindi ito kayang ipaliwanag ng mga salita. Pero sa aking tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo, umiwas ako sa paghihirap at ginusto kong sukuan si Pastor Cao. Nasaan ang puso kong nagmamahal? Paano ko matutupad ang tungkulin ko nang ganito? Bagama’t hindi agad nagbago ang isip ni Pastor Cao, hindi ako puwedeng mawalan ng pasensya. Kailangan ko siyang tratuhin nang may pagmamahal, at kung hindi niya maunawaan, kailangan kong gumugol ng mas maraming oras sa pagbabahagi, magdasal at umasa sa Diyos, at hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ang pastor. Sa pag-iisip tungkol dito, nagpatuloy akong magbahagi kay Pastor Cao, “Kapag nananampalataya tayo sa Makapangyarihang Diyos, naniniwala tayo sa katotohanang ipinahayag Niya. Lalaki o babae man ang pagkakatawang-tao ng Diyos, hangga’t ipinahahayag Niya ang katotohanan, at kayang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, Siya ang Diyos Mismo, kaya dapat natin Siyang paniwalaan at tanggapin. Mahigit tatlumpung taon nang gumagawa ang Makapangyarihang Diyos, nagpapahayag ng milyon-milyong salita. Ipinahayag Niya ang lahat ng katotohanan na mag-aalis ng kasalanan sa sangkatauhan at magdadala sa atin sa kaligtasan ng Diyos. Maraming nananabik na magpakita ang Diyos, mula sa lahat ng denominasyon, na nakilala ang tinig ng Diyos sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos at bumaling sa Kanya. Ang mga taong ito ay pawang matatalinong dalaga. Naranasan nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, nakita nila ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, nakaramdam ng pagsisisi, at kinamuhian ang kanilang sarili. Nang mapagtantong hindi maaaring salungatin ang disposisyon ng Diyos, nagkaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso, tunay na nagsisi, at unti-unting nagbago ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Nakagawa na ang Makapangyarihang Diyos ng isang grupo ng mananagumpay bago ang mga sakuna—sila ang mga unang bunga na ipinropesiya sa Pahayag. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang mga patotoong batay sa karanasan ng mga hinirang ng Diyos sa pagtatagumpay laban kay Satanas ay nai-post na online noon pa man, na nagpapatotoo sa buong sangkatauhan na nagbalik na ang Tagapagligtas. Parami nang parami ang mga tao mula sa lahat ng bansa ang nagsisiyasat ngayon sa tunay na daan. Winawakasan ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, ganap tayong inililigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas. Lahat ng natupad sa pamamagitan ng gawain ng Makapangyarihang Diyos ay walang pag-aalinlangang nagpapatunay na ang Makapangyarihang Diyos ay ang Diyos na nagkatawang-tao, ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ibig sabihin nito, ang pagtukoy kung ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus ay hindi maaaring gawin batay sa kasarian. Ang susi ay upang makita kung maaari ba Niyang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan.” Sa puntong ito, taimtim na sinabi ni Pastor Cao, “Sister, nauunawaan ko ang pagbabahagi mo. Kung kayang ipahayag ng isang tao ang katotohanan at isakatuparan ang gawain ng pagliligtas, kung gayon hindi mahalaga kung lalaki o babae, siya ay Diyos na nagkatawang-tao. Ngayon, nagliwanag na ang puso ko.”

Pagkatapos niyon, nagbasa si Pastor Cao ng marami pang salita ng Makapangyarihang Diyos, nalutas ang kanyang mga kuru-kuro, at tinanggap niya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.

Sa pamamagitan ng karanasang ito ng pagbabahagi ng ebanghelyo, nakita ko na ang gawain ng Diyos ay ginagawa lahat ng Diyos Mismo. Isa man itong pastor o isang elder, anuman ang kanilang kaalaman sa Bibliya, teolohikong pag-aaral, o mga kuru-kurong panrelihiyon, silang lahat ay walang kapangyarihan sa harap ng katotohanan. Hangga’t nauunawaan nila ang mga salita ng Diyos, may kakayahang makaunawa, at handang hanapin ang katotohanan, makahahanap silang lahat ng mga sagot sa mga salita ng Diyos, at malulupig sila ng mga ito sa huli. Noong ibinahagi ko ang ebanghelyo kay Pastor Cao, inakala ko na magiging mahirap para sa mga pastor at elder na tanggapin ang katotohanan, kaya nagkaroon ako ng masamang palagay laban kay Pastor Cao. Habang ibinabahagi ko sa kanya ang ebanghelyo, nang nakikitang kumakapit siya sa mga kuru-kuro, gumawa ako ng kongklusyon na hindi niya kayang maunawaan ang tinig ng Diyos, at muntik ko na siyang sukuan. Sa kabutihang-palad, binigyang-liwanag at ginabayan ako ng mga salita ng Diyos upang maunawaan ko ang sarili ko, at matupad ang aking tungkulin.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay-linaw kung paano pakikitunguhan ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na may mga matitinding kuru-kurong panrelihiyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung paulit-ulit na nagtatanong ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan, paano ka dapat sumagot? Dapat ayos lang sa iyo ang paglalaan ng oras at abala upang sagutin sila, at dapat maghanap ng paraan upang malinaw na magbahagi tungkol sa kanilang katanungan, hanggang sa maunawaan nila at hindi na muli pang magtanong dito. Sa gayon ay natupad mo ang iyong responsabilidad, at magiging malaya sa pagkakonsensiya ang iyong puso. Ang pinakamahalaga, magiging malaya ka sa pagkakonsensiya sa Diyos sa bagay na ito, dahil ang tungkuling ito, ang responsabilidad na ito, ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Kung ang bawat ginagawa mo ay ginagawa sa harap ng Diyos, ginagawa nang kaharap ang Diyos, kapag lahat ay nakaayon sa salita ng Diyos, at ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong pagsasagawa ay magiging lubos na nakaalinsunod sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, lahat ng ginagawa at sinasabi mo ay mapapakinabangan ng mga tao, at sasang-ayunan at tatanggapin nila kaagad ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gaano man karami ang kanilang mga tanong o gaano katindi ang kanilang mga kuru-kurong panrelihiyon, kung ang mga nagsisiyasat sa tunay na daan ay may mabuting pagkatao, nananabik sa katotohanan, at kayang maunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi tayo dapat magkaroon ng masamang palagay laban sa kanila o basta-bastang limitahan sila, lalo na ang sukuan sila. Sa halip, dapat nating isagawa ang mga salita ng Diyos: “Dapat ayos lang sa iyo ang paglalaan ng oras at abala upang sagutin sila, at dapat maghanap ng paraan upang malinaw na magbahagi tungkol sa kanilang katanungan.” Kailangan nating ibahagi sa kanila ang katotohanan na nauunawaan natin sa abot ng ating makakaya hanggang sa malinis na ang ating konsensiya. Responsabilidad rin natin ito bilang isang nilikha. Sa hinaharap, anumang uri ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang makakaharap ko, kung mayroon silang mabuting pagkatao at nauunawaan ang mga salita ng Diyos, handa akong gawin ang aking makakaya para ibahagi ang katotohanan at magpatotoo sa Diyos, para ang mga taos-pusong nananabik sa pagpapakita ng Diyos ay makababalik sa Kanya sa lalong madaling panahon, at masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  21. Isang Maling Ulat

Sumunod:  23. Kung Bakit Hindi Ko Nais Magbayad ng Halaga sa Aking Tungkulin

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger