23. Kung Bakit Hindi Ko Nais Magbayad ng Halaga sa Aking Tungkulin
Nagtatrabaho ako sa graphic design sa iglesia, at minsan, itinalaga ako ng lider ng pangkat na lumikha ng bagong uri ng larawan. Dahil wala pa akong masyadong karanasan nang panahong iyon, at hindi ko alam ang mga prinsipyo o ang mga kailangan sa gawain, kahit na pinagsikapan ko ito nang mabuti, hindi gaanong maganda ang nagawa ko. Maraming beses ko itong in-edit nang walang masyadong nakikitang pagbabago. Nadama ko noon na mahirap talaga ang magdisenyo sa bagong istilo na ito. Pagkatapos niyon, nang sabihin sa akin ng lider ng pangkat na gumawa ng isa pang katulad na larawan, medyo tutol ako. Nag-isip ako nang nag-isip ng mga paraan upang maipasa ito sa iba, at sadya ko pang sinabi, sa harap ng lider ng pangkat, na hindi ako magaling sa mga ganoong uri ng disenyo. Nahalata niya kung ano ang iniisip ko at tinigilan ang pagtatalaga ng mga ganoong trabaho sa akin. Kalaunan, hiniling sa akin ng lider ng iglesia na i-edit ang isang larawan sa huling sandali at sinabihan ang lider ng pangkat na bigyan ako ng ilang detalyadong tagubilin. Medyo madalian ito, at kailangan kong i-edit ang anyo nito base sa orihinal na komposisyon nang mabilisan, at linisin ang mas detalyadong mga bahagi. Parang simple lang ito sa akin. Dahil mayroon na itong pangunahing hugis, sapat na siguro ang ilang maliliit na pagsasaayos. Ngunit hindi nasiyahan ang lider ng pangkat sa aking mga edit at binigyan ako ng ilang mungkahi kung paano ito aayusin. Parang isang abala iyon at ayoko itong gawin. Pakiramdam ko ay maayos naman ang larawan—kung magagamit naman ito, sapat na iyon. Kailangan ba talagang maging sobrang mabusisi sa pag-aayos nito? Magsasayang lang ito ng maraming oras at lakas. Kaya napagpasyahan kong ibahagi ang mga nasa isip ko. Pero sa gulat ko, ipinadala sa akin ng lider ng pangkat ang mensaheng ito, “Hindi mo isinasapuso ang iyong tungkulin o sinusubukang magkamit ng magagandang resulta. Palagi mong sinusubukang makaiwas sa abala at nagiging pabasta-basta ka. Paano mo magagawa nang maayos ang isang tungkulin sa ganyang klase ng pag-uugali?” Nang makita ang sunod-sunod na kritisismong ito, naguluhan ako at pakiramdam ko ay hindi naging maganda ang trato sa akin. Ganoon ba talaga ako kalala? Makalipas ang ilang araw, pinungusan ako ng lider ng iglesia dahil sa pagnanasa sa kaginhawahan ng laman at pag-iwas sa anumang mahirap. Sinabi niya na gusto kong iwasan ang abala ng mahihirap na disenyo, at hindi nagsumikap na gawin ang mga ito, na palagi kong iniraraos lang ang aking tungkulin, at hindi ako maaasahan. Talagang tinamaan ako nang marinig ko ang sinabi niya. Kahit ang isang sister na kilalang-kilala ako ay tahasang sinabi na, “Bilang isang taga-disenyo, kung hindi mo pinag-iisipang mabuti ang paggawa ng magagandang disenyo, paano iyan naging paggawa ng iyong tungkulin?” Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig iyon, nanlamig ako hanggang sa kaloob-looban. Pakiramdam ko ay malamang tapos na ang panahon kong gawin ang aking tungkulin—alam na ng lahat kung anong klaseng tao ako, kaya wala nang magtitiwala sa akin mula noon.
Nang gabing iyon, nagbalik-tanaw ako sa lahat ng nangyari kamakailan at sa mga pagsusuri ng iba sa akin. Nainis talaga ako at nagalit sa aking sarili dahil binigo ko ang lahat. Bakit ganoon ko ginawa ang aking tungkulin? Umiyak ako nang umiyak. Sa pagdurusa ko, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag gumagawa ng isang tungkulin, palaging pinipili ng mga tao ang magaan na gawain, ang gawaing hindi nakakapagod, at na hindi nila kailangang suungin ang panahon sa labas. Pagpili ito sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kasiyahan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan siya, sinasabing mahina ang kakayahan niya at na wala siyang kakayahan sa gawain, at hindi niya kayang akuin ang gampaning ito—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. … Nariyan din kapag palaging nagrereklamo ang mga tao tungkol sa mga paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila, kapag ayaw nilang gumugol ng anumang pagsisikap, kapag, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting libreng oras ay nagpapahinga sila, nakikipagdaldalan, o nakikisali sa paglilibang at pagsasaya. At kapag dumarami na ang gawain at nasisira nito ang takbo at nakagawian nila sa mga buhay nila, hindi sila nasisiyahan at nakokontento rito. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at nagiging pabaya sila sa paggawa ng tungkulin nila. Pag-iimbot ito sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? … Angkop bang gumawa ng tungkulin ang mga taong nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman? Sa sandaling banggitin ng isang tao ang paksa ng paggawa sa kanyang tungkulin, o talakayin ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, iling nang iling ang ulo nila: Masyado silang maraming problema, ang dami nilang mga reklamo, at puno sila ng pagkanegatibo. Walang silbi ang mga gayong tao, hindi sila kalipikadong gumawa ng kanilang tungkulin, at dapat silang itiwalag” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagpili lamang ng simple at madadaling gawain sa tungkulin, at palaging pagpapagawa sa iba ng mas komplikado at mahirap na mga bagay ay hindi tungkol sa talino o kakayahan. Ito ay pagiging gahaman sa kaginhawahan, at pag-ayaw na magbayad ng halaga. Sa pagbabalik-tanaw, nang ipinagawa sa akin ng lider ng pangkat ang isang bagong uri ng disenyo, pakiramdam ko ay mahirap ito dahil kasisimula ko pa lamang na matuto. Kinailangan kong magdusa, magbayad ng halaga, pag-isipan ito nang mabuti at paulit-ulit na baguhin para makagawa ng maayos na trabaho. Dahil ayaw kong maabala, umatras ako mula rito, at humanap ng dahilan para ipasa ito sa iba. Ang gusto ko lamang ay gawain na simple at madali. Nang hilingin sa akin ng lider ng iglesia na i-edit ang isang larawan, binigyan ako ng lider ng pangkat ng mga detalyadong tagubilin, umaasa na makagawa ako ng mas mahusay na trabaho. Kahit na pumayag ako, inisip kong abala ito, kaya hindi ko ito tunay na pinag-isipan o pinagsikapan, sinubukan ko lang na gawing madali ito para sa akin. Nakita ko na kahit ano pa ito, nag-aatubili akong gumawa ng kahit anong bagay na nangangailangan ng maraming pag-iisip o pagsisikap. Naging abala ako sa pag-iisip sa laman. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Walang silbi ang mga gayong tao, hindi sila kalipikadong gumawa ng kanilang tungkulin, at dapat silang itiwalag.” Medyo natakot ako dahil dito. Palagi kong isinasaalang-alang ang laman at ninanasa ang ginhawa kapag ginagawa ang aking tungkulin, at hindi handang magdusa at magbayad ng halaga. Inisip ko lamang na iligtas ang aking sarili sa gusot at huwag pagurin ang aking puso o isip. Ang paraan ng paggawa ko sa aking tungkulin ay walang sinseridad o katapatan. Naisip ko na mairaos ko lang ang mga gawain ko at matapos ko ang mga ito, sapat na iyon. Hindi positibo ang papel na ginagampanan ko. Bukod dito, naapektuhan ko ang pag-usad ng gawain. Kung magpapatuloy ako sa ganoong paraan nang hindi nagbabago, hindi maglalaon ay ititiwalag ako ng Diyos.
Isang araw, nakabasa ako ng marami pang salita ng Diyos: “Sa panlabas, tila walang anumang mga seryosong problema ang ilang tao sa buong panahon na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Wala silang ginagawang lantarang kasamaan; hindi sila nagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, o tumatahak sa landas ng mga anticristo. Sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, wala silang anumang malalaking pagkakamali o problema ng prinsipyo na dumarating, gayunman, nang hindi nila namamalayan, sa loob ng ilang maiikling taon ay nabubunyag sila bilang mga hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, bilang isa sa mga hindi mananampalataya. Bakit ganito? Hindi makakita ng isyu ang iba, subalit sinusuri ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng mga taong ito, at nakikita Niya ang problema. Noon pa man ay pabasta-basta na sila at walang pagsisisi sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Habang lumilipas ang panahon, natural silang nabubunyag. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi nagsisisi? Nangangahulugan ito na kahit na nagampanan nila ang mga tungkulin nila hanggang sa matapos, palagi silang may maling saloobin sa mga ito, isang pag-uugali ng pagiging pabasta-basta, isang kaswal na pag-uugali, at hindi sila kailanman matapat, lalong hindi nila ibinibigay ang buong puso nila sa kanilang mga tungkulin. Maaari silang magsikap nang kaunti, ngunit gumagawa lamang sila nang wala sa loob. Hindi nila ibinibigay ang lahat nila sa kanilang mga tungkulin, at walang katapusan ang kanilang mga paglabag. Sa mga mata ng Diyos, hindi sila kailanman nagsisi; noon pa man ay pabasta-basta na sila, at kailanman ay walang anumang pagbabago sa kanila—ibig sabihin, hindi sila tumatalikod sa kasamaang nasa kanilang mga kamay at nagsisisi sa Kanya. Hindi nakikita ng Diyos sa kanila ang saloobing nagsisisi, at hindi Niya nakikita ang pagbaligtad sa kanilang pag-uugali. Patuloy sila sa pagturing sa kanilang mga tungkulin at sa mga atas ng Diyos nang may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan. Sa buong panahong ito, walang pagbabago sa sutil at hindi mabaling disposisyon na ito, at, higit pa rito, hindi nila kailanman nadama na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi kailanman nadama na ang kanilang pagiging pabasta-basta ay isang paglabag, isang masamang gawain. Sa kanilang puso, walang pagkakautang, walang pagkakonsensiya, walang panunumbat sa sarili, at mas lalong walang pagbibintang sa sarili. At, sa pagdaan ng panahon, nakikita ng Diyos na wala nang lunas ang ganitong uri ng tao. Anuman ang sabihin ng Diyos, at gaano man karaming pangaral ang marinig niya o gaano karaming katotohanan ang maunawaan niya, hindi naantig ang kanyang puso at hindi nabago o nabaligtad ang kanyang pag-uugali. Nakita ito ng Diyos at sinabing: ‘Walang pag-asa para sa taong ito. Wala sa sinasabi Ko ang nakakaantig sa kanyang puso, at wala sa sinasabi Ko ang makakapagpabago sa kanya. Walang paraan upang baguhin siya. Hindi nababagay ang taong ito na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi siya nababagay magtrabaho sa Aking sambahayan.’ Bakit ito sinasabi ng Diyos? Ito ay dahil kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho palagi na lang siyang pabasta-basta. Kahit gaano pa siya pungusan, at gaano man karaming pagtitimpi at pasensiya ang igawad sa kanya, wala itong epekto at hindi siya nito tunay na mapagsisi o mapagbago. Hindi siya nito magawang gawin nang mabuti ang tungkulin niya, hindi siya matulutan nito na pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya ang taong ito ay wala nang lunas. Kapag nagpasya ang Diyos na ang isang tao ay wala nang lunas, pananatilihin pa rin ba Niya ang mahigpit na pagkakahawak sa taong ito? Hindi Niya ito gagawin. Bibitiwan siya ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Akala ko dati na kahit hindi ko kunin ang mas mahirap at mas komplikadong mga proyekto, hindi ako nawalan ng ginagawa at minsan ay gumagawa ako hanggang sa gabi para sa isang disenyo. Pakiramdam ko ay sapat nang ginagawa ko ang aking tungkulin sa ganitong paraan. Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi Niya tinitingnan kung gaano karaming gawain ang ating natapos o pagsisikap ang ating ginugol, bagkus kung paano natin tinatrato ang ating tungkulin, kung isinasaalang-alang ba natin ang layunin ng Diyos, at kung taglay natin ang patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan. Ganoon Niya pinagpapasyahan kung ang tungkulin ng isang tao ay makakamit ang Kanyang pagsang-ayon. Kahit mukhang buong panahon kong ginagawa ang aking tungkulin, mayroon akong kaswal at pabasta-bastang saloobin patungkol dito, isinasaalang-alang lamang ang laman at binibigyang-layaw ang aking sarili. Ginawa ko kung ano ang madali para sa akin at ipinagwalang-bahala kung anuman ang mahirap, nang walang kahit kaunting katapatan o pagsunod. Ang paggawa ng aking tungkulin nang ganito ay ni hindi umabot sa pamantayan para sa pagtatrabaho, ito ay pagtatangkang dayain at linlangin ang Diyos. Naisip ko kung paanong itinalaga sa akin ng lider ng pangkat ang ilang mahahalagang gawain noong nagsisimula pa lamang ako, pero dahil palagi kong iniraraos lang ang aking tungkulin, ginugusto ang mas madadaling bagay, at hindi isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, bagkus ay ang laman ko lamang, tumigil siya sa pagbibigay sa akin ng mga importanteng proyekto. Naging isa akong tao na hindi maaasahan ng Diyos o ng ibang tao, at nakapagtrabaho lamang ng madadaling gampanin. Sa ganoong paraan ng pagtrato sa aking tungkulin, hindi ako naghahanda ng mabubuting gawa; kundi nag-iipon ako ng mga pagsalangsang. Kung hindi ko bibitiwan ang kasamaang ito at magsisisi sa Diyos, itataboy Niya ako habang dumarami ang aking mga pagsalangsang, at tuluyan Niya akong ibubunyag at ititiwalag. Sa puntong iyon ay napagtanto ko kung gaano kamapanganib ang aking saloobin sa aking tungkulin at nakaramdam ako ng kaunting takot dahil dito. Napagtanto ko rin na ang mapungusan sa pagkakataong ito ay paalala at babala ng Diyos para sa akin. Masyado akong manhid, masyadong mabagal makaunawa! Kung hindi dahil sa iba na talagang ipinaalala ito sa akin, hindi ko sana makikita na kinasusuklaman ng Diyos ang saloobin ko sa aking tungkulin. Alam ko na kailangan kong baguhin kaagad ang mali kong kalagayan at magsisi sa Diyos, at tigilan ang pagiging matigas ang ulo at mapaghimagsik.
Nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos tungkol sa aking kalagayan ng pagpapalayaw sa laman at paghahangad ng ginhawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, hindi sila mahusay roon, hindi nila ito kayang pasanin, hindi nila kayang tuparin ang anuman sa mga obligasyon o responsabilidad na nararapat tuparin ng tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging tao? Maliban sa mga utu-uto, walang kakayahan sa pag-iisip, at may mga pisikal na kapansanan, mayroon bang nabubuhay na hindi nararapat gawin ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsabilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging tuso at nagpapakatamad, at ayaw tuparin ang kanilang mga responsabilidad; ang pahiwatig ay na hindi nila nais na maging isang marapat na tao. Binigyan sila ng Diyos ng oportunidad na maging tao, at binigyan Niya sila ng kakayahan at mga kaloob, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa paggawa ng kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang lasapin ang kasiyahan sa bawat pagkakataon. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang pabasta-basta at tuso, at nagpapakatamad. Kapag nagkakaroon ng mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsabilidad sa ibang mga tao, hindi sila umaako ng pananagutan, at nais nilang patuloy na mamuhay na parang mga linta. Hindi ba mga walang-silbing basura sila?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). “Anong uri ng mga tao ang walang silbi? Ang mga taong magulo ang isip, mga taong walang ginagawa sa mga araw nila. Ang mga ganitong uri ng tao ay iresponsable sa anumang ginagawa nila, ni hindi nila ito sineseryoso; ginugulo nila ang lahat ng bagay. Hindi nila pinapakinggan ang mga salita mo kahit gaano ka pa makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Iniisip nila, ‘Magiging pabaya ako nang ganito kung gusto ko. Sabihin mo kung ano ang gusto mo! Ano’t anuman, sa ngayon ay ginagawa ko ang aking tungkulin at may makakain ako, sapat na iyon. Kahit papaano ay hindi ko kailangang maging pulubi. Kung balang araw ay wala na akong makain, saka ko ito iisipin. Laging magbubukas ng pinto ang langit. Sinasabi mong wala akong konsensiya o katwiran, at na magulo ang isip ko—ano naman kung gayon? Hindi ko nilabag ang batas. Ang pinakamalala na ay medyo kulang ang aking karakter, pero hindi iyon kawalan sa akin. Hangga’t may makakain ako, ayos na.’ Ano ang palagay mo sa ganitong perspektiba? Sinasabi Ko sa iyo, ang mga ganitong taong magulo ang isip na walang ginagawa sa mga araw nila ay pawang nakatadhanang matiwalag, at imposibleng makamit nila ang kaligtasan. Ang lahat ng nananampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon pero hindi kailanman tumanggap sa katotohanan at walang mga patotoong batay sa karanasan ay matitiwalag. Walang makakaligtas. Ang mga basura at ang mga walang kuwenta ay mga mapagsamantala lahat at nakatadhana silang itiwalag. Kung mga pabigat lamang ang mga lider at manggagawa, mas lalo silang dapat na tanggalin at itiwalag. Ang mga taong magugulo ang isip na kagaya nito ay gusto pa ring maging mga lider at manggagawa; hindi sila karapat-dapat! Hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, pero gusto nilang maging lider. Tunay ngang wala silang kahihiyan!” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Pinatanto sa akin ng malupit na pagsisiwalat ng Diyos na kung ang isang tao ay palaging pabasta-basta sa isang tungkulin, hindi kailanman umaako ng responsabilidad, katumbas nito ang pagiging isang basura. Kung hindi niya isinasapuso ang anumang bagay, kung palagi siyang nagpapakatamad, nagpapatangay sa agos ng buhay, hindi ginagawa ang kanyang mga nararapat na tungkulin o nag-aaral ng mga bagong kasanayan, kung gayon ay wala siyang silbi. Nagnilay-nilay ako at nakita kong ganoon ako sa aking tungkulin. Anumang trabaho ang ibigay sa akin, ayaw kong pag-isipan ito nang mabuti, magdusa, o magsikap para maging epektibo sa aking tungkulin. Kontento na akong magmukhang abala at hindi mawalan ng ginagawa. Hindi ba nanggugulo lamang ako sa ganoong paraan ng paggawa ko sa aking tungkulin? Sumagi rin sa isip ko na simula pa noong bata ako, palagi akong naiinggit sa mayayamang pamilya na walang pakialam sa mundo, na kayang mamasyal at mayroong komportable at madaling buhay. Gustong-gusto kong magkaroon ng ganoong uri ng buhay para sa aking sarili. Pakiramdam ko na dahil tayong mga tao ay nabubuhay lamang ng ilang dekada, kung hindi tayo magpapakasaya, hindi ba isa iyong buhay na walang kabuluhan? Nang tumanda na ako, nakita ko na ang lahat ay nagsisikap upang kumita ng pera, kaya nagsimula ako ng isang negosyo. Pero ayaw ko pa ring gumugol ng labis na lakas, at palagi akong nakatutok sa mga palabas sa TV at mga nobela. Hindi ko masyadong pinag-isipan ang aking negosyo at wala akong pakialam kung kumita ako o hindi. Sa pagtatapos ng taon, hindi lamang ako nabigong kumita ng anuman, kundi nawalan din ako ng pera. Pero hindi ko pa rin ito masyadong ikinasama ng loob. Inalo ko na lamang ang aking sarili, inisip ko na hindi mahalaga ang ilang pagkalugi hangga’t may pagkain sa mesa. Ang pananaw ko noon sa buhay ay “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” at “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya.” Dahil ako ay naimpluwensiyahan ng mga satanikong kaisipan na ito, hindi ko kailanman inasikaso ang aking mga nararapat na tungkulin, at hindi nagsikap na umusad; wala akong layon sa buhay. Namumuhay pa rin ako ayon sa mga kaisipang ito pagkatapos kong maging mananampalataya. Pakiramdam ko na ang palaging hindi pagsisikap sa tungkulin ko, hindi pagpapapagod sa aking sarili, pag-iisip nang husto, o pagiging stress ay isang magandang paraan para mabuhay. Pero ang totoo, hindi ko kayang pasanin ang anumang uri ng gawain. Hindi ako kapaki-pakinabang sa anumang bagay, para lang akong basura. Habang mas nagninilay ako sa aking pag-uugali, mas lalo akong nagugulat. Hindi ba ako mismo ang uri ng parasito na ibinubunyag ng Diyos? Upang iligtas ang sangkatauhan, hindi lamang ipinahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita at ibinigay sa atin ang katotohanan at buhay, pinagkalooban din Niya tayo ng lahat ng ating kinakailangan upang mabuhay at hinayaan tayong tamasahin ito nang masagana. Nagmamalasakit Siya sa atin at pinoprotektahan tayo, inilalayo tayo mula sa pagkahulog sa mga bitag ni Satanas. Ngunit wala akong pakialam. Hindi ko alam kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos sa aking tungkulin, at bagkus ay naging isang tamad na parasito. Nilason at naimpluwensiyahan ako ng satanikong pag-iisip na ito, mga kasiyahan at layaw ng laman ang tanging hinangad ko. Hindi ko kailanman seryosong isinaalang-alang ang mga tamang bagay, o kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin upang mapalugod ang Diyos. Sa puntong iyon ng aking pagninilay, nasuka at nasuklam ako sa aking sarili, at namuhi rin. Nadama ko na talagang labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Nawala ko ang lahat ng konsensiya at katwiran, at naging napakamanhid. Nakita ko rin kung paano ginagamit ni Satanas ang mga pag-iisip na ito upang paralisahin ang mga tao at gawin tayong mas at mas masama pa. Sa huli, nagiging basura tayo, parang mga naglalakad na bangkay na walang kaluluwa. Sobra akong nagsisisi na hindi ko ginawa nang tama ang aking tungkulin, na wala akong ginawang kahit isang bagay upang mapalugod ang Diyos. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa Diyos, at nagdasal ako, “O Diyos, lubos akong nagawang tiwali ni Satanas. Kung wala ang Iyong paghahayag, hinding-hindi ko makikita kung gaano kaseryoso ang aking problema. Naging iresponsable ako sa tungkulin ko at nawalan ng pagkatao, lubos na tinatamasa ang Iyong biyaya ngunit hindi nalalaman kung paano suklian ang Iyong pagmamahal. Naging parasito ako. Maghihimagsik ako laban sa laman at magsisi sa Iyo, sadyang hahanapin ang katotohanan, at gagawin ang aking tungkulin ayon sa Iyong mga hinihingi.”
Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil isa kang tao, dapat mong pagnilayan kung ano ang mga responsabilidad ng isang tao. Ang mga responsabilidad na pinakapinahahalagahan ng mga walang pananampalataya, gaya ng paggalang sa magulang, pagtustos sa mga magulang, at pagbibigay-karangalan para sa iyong pamilya ay hindi na kailangang banggitin pa. Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at walang totoong kahulugan. Ano ang pinakamababang responsabilidad na dapat man lang tuparin ng isang tao? Ang pinakamakatotohanang bagay ay kung paano mo ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin ngayon. Hindi mo tinutupad ang iyong responsabilidad kung kontento ka nang iniraraos lang ang tungkulin, at hindi mo tinutupad ang iyong responsabilidad kung ang nagagawa mo lang ay magbigkas ng mga salita at doktrina. Tanging ang pagsasagawa ng katotohanan at paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa prinsipyo ang pagtupad sa iyong responsabilidad. Kapag epektibo na ang pagsasagawa mo ng katotohanan, at kapaki-pakinabang na ito sa mga tao, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Anumang tungkulin ang iyong ginagawa, kapag iginigiit mong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, saka mo lamang tunay na matutupad ang iyong responsabilidad. Ang paggawa nang wala sa loob ayon sa paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay ang pagiging pabasta-basta; ang pagkapit lamang sa mga katotohanang prinsipyo ang maayos na paggampan sa iyong tungkulin at pagtupad sa iyong responsabilidad. At kapag tinutupad mo ang iyong responsabilidad, hindi ba ito pagpapamalas ng katapatan? Ito ang pagpapamalas ng tapat na paggampan sa iyong tungkulin. Kapag mayroon ka ng ganitong pakiramdam ng responsabilidad, ng ganitong adhikain at pagnanais, at ng ganitong pagpapamalas ng katapatan patungkol sa iyong tungkulin, saka ka lamang titingnan ng Diyos nang may pabor at pagsang-ayon. Kung ni hindi mo taglay ang ganitong pakiramdam ng responsabilidad, ituturing ka ng Diyos na isang batugan, isang tunggak, at kasusuklaman ka. … Kapag nagtalaga ang Diyos ng isang gawain ng iglesia sa isang tao, ano ang ekspektasyon ng Diyos sa taong ito? Unang-una, umaasa ang Diyos na masipag at responsable siya, na tatratuhin niya ang gawaing ito na parang isang malaking bagay at pangasiwaan ito nang naaayon, at gawin ito nang maayos. Pangalawa, umaasa ang Diyos na siya ay isang taong mapagkakatiwalaan, na kahit gaano pa katagal ang abutin niya, at kahit gaano pa katagal ang oras na lumipas, at paano man magbago ang kapaligiran, hindi magbabago ang pagpapahalaga niya sa responsabilidad, at masusubok na matibay ang kanyang integridad. Kung isa siyang mapagkakatiwalaang tao, mapapanatag ang Diyos, at hindi na Niya pangangasiwaan o kukumustahin ang bagay na ito. Ito ay dahil, sa puso Niya, may tiwala ang Diyos sa kanya, siguradong makukumpleto niya ang gampaning ibinigay sa kanya nang walang anumang mangyayaring problema. Kapag ipinagkakatiwala ng Diyos sa isang tao ang isang gampanin, hindi ba’t ito ang inaasahan Niya? (Ito nga.) Pagkatapos, kapag naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, dapat mo namang malaman sa puso mo kung paano kumilos para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung paano magiging pabor sa paningin ng Diyos at kung paano mo makukuha ang tiwala ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita ang sarili mong mga pagpapamalas at pag-uugali, at ang iyong saloobin sa pagharap mo sa tungkulin mo, kung mayroon kang kamalayan sa sarili, at alam mo kung ano ka, hindi ba’t hindi makatwiran kung hihilingin mo na paboran ka ng Diyos, pakitaan ka Niya ng kabutihan o bigyan ka ng espesyal na pagtrato? (Oo, hindi ito makatwiran.) Kahit mababa ang tingin mo sa sarili mo, kahit minamaliit mo ang iyong sarili, subalit hinihingi mong paboran ka ng Diyos—walang katuturan ito. Dahil dito, kung gusto mong paboran ka ng Diyos, kahit papaano, dapat ay mapagkatiwalaan ka sa mga mata ng ibang tao. Kung gusto mong pagkatiwalaan ka, paboran ka ng iba, pahalagahan ka nila, kung gayon, sa pinakamababa ay kailangan mong maging marangal, magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad, maging tapat sa iyong salita, at mapagkakatiwalaan. Higit pa rito, dapat kang maging masipag, responsable, at tapat sa harap ng Diyos—kung magkagayon, matutupad mo na sa kaibuturan ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Pagkatapos, magkakaroon ka ng pag-asa na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi ba? (Oo, may pag-asa.)” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang bawat tao ay may sari-sariling mga responsabilidad at obligasyon, at na para mabuhay nang may dignidad at kahalagahan, ang susi ay kung nagagawa nating isakatuparan ang ating responsabilidad sa tungkulin natin at tratuhin nang seryoso at alisto ang bawat gampanin na ibinigay ng Diyos. Hindi natin dapat na kailanganin ang ibang tao upang palagi tayong hikayatin at paalalahanan kundi dapat ay mayroon tayong pagpapahalaga sa responsabilidad. Anuman ang maging kahihinatnan ng mga bagay-bagay, ang importante ay kung paano isinasapuso ng isang tao ang kanyang ginagawa. Tanging ang mga taong may ganitong saloobin ang may integridad at dignidad, at maaasahan, at maaalala ng Diyos ang kanilang mga kilos. Ang pag-unawa sa layunin ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kaliwanagan at ng landas ng pagsasagawa. Sa tungkulin ko pagkatapos noon, madalas kong pinaaalalahanan ang aking sarili na mas maging alisto, na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at pagsikapang gawin ang makakaya ko.
Isang beses, nang nag-uusap kami ng isang sister tungkol sa plano para sa isang larawan, nabanggit niyang kailangan naming gumamit ng istilong Kanluranin bilang mga sanggunian, at gawin itong kahanga-hanga. Nang sabihin niyang “kahanga-hanga” ay nadama kong magiging mahirap ito, at kahit alam kong magandang tingnan ang istilong Kanluranin, magiging kumplikado ang paggawa ng iba’t ibang uri ng pampagandang effects. Noon pa man ay gumagawa na ng ganitong uri ng mga disenyo ang ibang mga sister, at hindi ako masyadong bihasa rito. Magiging mahirap sa akin na gawin ito nang mabuti, at uubos ito ng maraming oras at lakas. Nakaramdam ako ng pag-aalinlangan at gusto ko itong tanggihan, na ipagawa ito sa ibang sister, pero naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Ipagpalagay nating nagsasaayos ang iglesia ng trabaho para sa iyo, at sinasabi mong, ‘… Anumang trabaho ang iatas sa akin ng iglesia, tatanggapin ko iyon nang buong puso at lakas. Kung mayroon akong hindi maunawaan o magkaroon ng problema, mananalangin ako sa Diyos, hahanapin ang katotohanan, lulutasin ang mga problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gagawin ko nang maayos ang trabahong iyon. Anuman ang tungkulin ko, gagamitin ko ang lahat ng mayroon ako para gawin iyon nang maayos at mapalugod ko ang Diyos. Dahil anuman ang aking makamit, gagawin ko ang makakaya ko para balikatin ang responsabilidad na dapat kong pasanin, at kahit paano, hindi ako sasalungat sa konsiyensya at katwiran ko, o magiging pabaya, o magiging tuso at tamad, o magpakasasa sa mga bunga ng pagsisikap ng iba. Wala akong gagawin na hindi aabot sa pamantayan ng konsiyensya.’ Ito ang pinakamababang pamantayan ng asal ng tao, at ang taong gumagawa ng kanyang tungkulin sa gayong paraan ay maaaring maituring na isang taong may konsensiya at katwiran. Dapat kahit papaano ay malinis ang konsensiya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi maging pabigat. Ang tawag dito ay pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, sa anumang kaso, dapat mong taglayin ang saloobing ito: ‘Dahil ibinigay sa akin ang gawaing ito para gawin ko, dapat ko itong seryosohin, dapat kong alalahanin ito, at dapat kong gamitin ang buong puso at lakas ko para gawin ito nang maayos. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para gampanan iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magiging pabasta-basta tungkol dito. Kung magkaroon ng problema sa gawain, dapat kong tanggapin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gawin nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8). Naisip ko kung gaano ako naging iresponsable sa aking tungkulin noon. Palagi ko lang iniraraos iyon at marami akong ginawa na kinasuklaman ng Diyos. Sa pagkakataong ito ay hindi ko puwedeng palayawin ang laman at hangarin ang ginhawa. Kailangan kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos at akuin ang responsabilidad sa aking tungkulin. Tahimik akong nagpasya na gaano man karami ang kaya kong abutin, dapat muna akong magpasakop at magsumikap. Ang pinakamahalaga ay gawin ko ang aking makakaya. Sa mga isiping ito, nadama kong nagkaroon ako ng direksyon. Pinag-isipan ko ang mga prinsipyo ng aming gawain at pinagsama-sama ang ilang sangguniang materyal, tapos ay gumawa ako ng ilang bersyon at ipinadala ang mga ito sa ibang mga sister para sa mga mungkahi. Matapos ang ilang pagbabago, sa wakas ay natapos ito. Nakadama ako ng kapayapaan sa aking puso nang gawin ko ang mga bagay sa ganoong paraan at nadama kong mas naging praktikal ako kumpara sa dati.
Pagkatapos noon, pinagtuunan ko sa aking tungkulin ang pagninilay sa sarili at paghihimagsik laban sa laman. Siniguro ko na mas pag-isipang mabuti ang maliliit na bagay sa pang-araw-araw kong buhay at ang mga gawain na itinalaga sa akin ng iglesia, at pag-isipan kung paano ko magagawa nang mas mabuti ang tungkulin ko. Sa katunayan, hindi talaga ako napagod dito, ngunit sa halip ay nasiyahan ako. Kahanga-hanga ang umasal nang maayos gaya nito! Kahit na minsan ay gusto ko pa ring isaalang-alang ang laman at palayawin ang aking sarili, mas may kamalayan na ako sa aking katiwalian kaysa dati. Sa sandaling mapagtanto kong nabunyag ito, magdadasal ako kaagad at hihilingin sa Diyos na tulungan akong maghimagsik laban sa laman, at hilingin na disiplinahin Niya ako kung ako ay muling maging pabasta-basta, mapanlinlang, at iresponsable. Sa paglipas ng panahon, nakaya kong magdala ng pasanin sa aking tungkulin, at naging handang balikatin ang aking mga responsabilidad at gampanan ang aking tungkulin. Ito lamang ang paraan upang mabuhay nang may integridad, dignidad, at mapayapang kalooban.