29. Ang mga Pasikot-Sikot sa Aking Paglalakbay Papunta sa Diyos
Naging Kristiyano ako noong taong 2000. Madalas na nagbabahagi ng mga sermon sa amin ang mga pastor mula sa South Korea. Sa isang samba, binasa ng isang pastor ang isang sipi ng Kasulatan, pagkatapos ay sinabi sa amin na maging matiisin at matiyaga sa lahat ng bagay—na hindi sa pakikinig lamang sa mga sermon, kundi sa pagsasagawa ng mga ito tayo nagdadala ng kaluwalhatian sa Diyos. Saka lang tayo makapapasok sa kaharian ng langit sa hinaharap. Mula noon, sinimulan kong pakitunguhan ang pamilya at mga kaibigan ko nang may pagmamahal at kabaitan. Kung may nagpapasama ng loob ko, nagdarasal ako sa Panginoon para tulungan akong mapatawad sila. Minsan o dalawang beses, hindi ito naging problema. Pero sa paglipas ng panahon, hindi ko ito mapanindigan. Minsan naiinis ako, at nasesermunan ko sila sa ilang maliit na bagay. Nakokonsensiya ako pagkatapos niyon. Iniisip ko, “Palagi akong nagkakasala at nangungumpisal, at hindi makawala sa mga gapos ng kasalanan. Dadalhin ba ako sa kaharian ng langit pagparito ng Panginoon?” Lumapit ako sa pastor ko para magtanong kung paano lutasin ang problema ng kasalanan. Sinabi niya sa akin na mangumpisal at magsisi, higit na magdasal, magbasa pa ng Bibliya, at maging matiisin at matiyaga. Sa tuwing sinasabi niya ito, nang hindi ako itinuturo sa isang partikular na landas, nadidismaya ako. Naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Kayo nga’y magpakabanal, sapagkat Ako’y banal” (Levitico 11:45). At sinasabi sa mga Hebreo, “Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14). Naramdaman ko na ang isang tulad ko—na laging nagkakasala at nangungumpisal, na hindi naisasagawa ang mga salita ng Panginoon—ay hindi makapapasok sa kaharian ng langit. Araw-araw akong medyo miserable at nakasimangot ang mukha. Kalaunan, napansin ko na laganap sa simbahan ang inggit at kompetisyon. Dahil nag-aagawan sa pulpito, sa isang samba ay itinapon sa sahig ng isang mangangaral ang Bibliya ng isang nakatatandang mangangaral at pinilit siyang umalis. May ilang taong nagnenegosyo pa nga sa simbahan. Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Nasusulat, ang Aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan; ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga tulisan” (Mateo 21:13). Paano tataglayin ng ganoong simbahan ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba’t ito ay pugad ng mga magnanakaw? Naramdaman ko na walang paraan na magkamit ng panustos mula sa mga sambang iyon at hinding-hindi malulutas ang problema ko sa pagkakasala. Nais kong makahanap ng simbahan na taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Dinala ako ng ate ko sa ilan pang ibang simbahan, pero lahat sila ay nasa pare-parehong kalagayan. Nang tanungin ko sila kung paano iwaksi ang kasalanan, wala sa kanilang makapagturo ng landas. Sinabi nila na napatawad na ng Panginoong Jesus ang ating mga kasalanan—kailangan lang nating magdasal at magkumpisal. Pagkatapos na makinig, nakaramdam ako ng kahungkagan sa loob at ayaw ko nang dumalo pa sa mga samba. Isang araw, may bigla akong naisip: Baka hindi gumagawa ang Diyos sa mga simbahan banda rito? Nang bumisita dati ang mga Koreanong pastor, mukha napakarelihiyoso nila, at pumunta hanggang Tsina para umakay sa mga simbahan. Napakalaki ng kanilang pananalig. Gumagawa ba ang Diyos sa mga simbahan sa Korea? Kailangan kong pumunta sa Korea at hanapin ang simbahan na taglay ang gawain ng Banal na Espiritu roon.
Noong 2007, dinala namin ng ate ko ang mga pamilya namin sa Korea. Ipinakilala niya ako sa isang simbahan kung saan maraming Chinese ang dumadalo sa mga samba. Tinutulungan ng mga miyembro ng simbahan ang mga Chinese na makahanap ng trabaho, na nakatulong na lutasin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Talagang mapagmahal ang mga miyembro ng simbahang iyon, kaya dumalo ako sa mga samba roon—baka taglay nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa isang samba, sinabi ng pastor, “Sa pinakahuling paglalakbay ko sa Tsina, nabalitaan kong nagbalik na ang Diyos, na Siya ay nagpakita at gumagawa sa Tsina, at tinatawag na Makapangyarihang Diyos. Pero ang Tsina ay isang paurong na bansa. Ang mga tao roon ay may mahinang kakayahan. Napakamarangal ng Diyos—paano posibleng magpapakita at gagawa Siya roon? Marami ang nagpapalaganap ng pangangaral ng Kidlat ng Silanganan. Huwag kayong makinig. Sa tayog na kasingbaba ng sa inyo, sa sandaling masangkot kayo, hindi na kayo makalalabas.” Nang marinig kong sinabi niya ito, lubusan akong sumang-ayon, iniisip na, “Napakaraming simbahan sa Tsina ang walang gawain ng Banal na Espiritu. Inaapi ng pamahalaan doon ang mga mananampalataya, at ang mga Chinese ay sumasamba sa mga diyos-diyosan. Maaari bang magpakita at gumawa ang Diyos sa Tsina? Imposible iyon.” Pero hindi nagtagal, nalaman ko na bagama’t mahusay mangaral ang pastor, ibang usapin naman ang ginagawa niya pagkatapos; hindi niya isinasagawa ang daan ng Panginoon. Sobra akong pinanghinaan ng loob. Nang tanungin ko ang pastor kung paano lutasin ang pagkamakasalanan, iritado niyang sinabi, “Lahat ay tiwali. Normal lang na magkasala. Mangumpisal ka sa Panginoon, at patatawarin ka. Dahil handa kang magsisi, pinatawad na ng Panginoon ang mga kasalanan mo.” Nayamot ako sa sinabi ng pastor. Inisip ko, “Bakit parehong-pareho ang sinasabi niya sa mga Chinese na pastor? Hindi maiwawaksi ang kasalanan sa isang iglap, pero kahit papaano kailangan nating magsumikap na magbago. Bakit pa tayo mangungumpisal, kung wala naman tayong babaguhin pagkatapos mangumpisal? Hindi ba’t ginagawa tayo niyon na kapareho lang ng mga walang pananampalataya? Anong kabuluhan ng pananampalataya sa Panginoon nang ganito?” Muli akong nadismaya, pero ayaw kong sumuko. Naniniwala ako na hindi ako isasantabi ng Panginoon, na isang araw ay makahahanap ako ng simbahan na taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Maraming beses kong pinag-isipan ang isyung ito pagkatapos niyon. Habang naglalakad sa mga lansangan, naghahanap ako ng mga krus, ng mga Kristiyanong simbahan, at kapag nakaririnig ako ng mga positibong bagay tungkol sa mga sermon ng sinumang pastor, sinusuong ko ang hangin, ulan, niyebe, o yelo, kumakapit sa kaunting pag-asa, para makinig, nananabik na malutas ang kalituhan ko. Binisita ko ang mahigit 40 simbahan sa Korea ngunit hindi ako nakahanap ng ni isa na taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Walang sinuman sa mga pastor ang makalutas sa problema ko. Sa kalituhan, nagpabaling-baling ako sa mga gabi nang walang tulog. Nasumamo ako mula sa puso ko, “O Panginoon, nasaan Ka ba? Iniwan Mo na ba ako?” Noong mga taong iyon, sobrang bigat ng pakiramdam ko sa puso ko—napipigilan ako, at nasasaktan.
Sa gitna ng pasakit na ito at kawalan ng pag-asa, noong Hunyo 2015, pumunta sa bahay ko ang ate ko at masayang sinabi sa akin, “May maganda akong balita! Matagal nang nagbalik ang Panginoon. Nagpakita siya at gumagawa sa Tsina, nagpapahayag ng maraming katotohanan. Nakarating na ang ebanghelyo sa Korea ngayon.” Naisip ko, “Gumagawa ang Diyos sa Tsina? Paano nangyari iyon?” Matigas kong sinabi, “Sinabi sa amin ng isang pastor noong 2009 na imposibleng gagawa ang Diyos sa Tsina, dahil paurong ang Tsina at ang mga tao roon ay may mahinang kakayahan. Ang Diyos ay marangal at dakila—bakit Siya gagawa sa Tsina?” Pagkatapos ay naghugas na lang ako ng pinggan. Inilabas niya ang isang aklat at matiyagang sinabi, “Ang aklat na ito, Ang Balumbon na Binuksan ng Kordero, ay naglalaman ng mga salitang ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw. Babasahin ko ang ilan dito para sa iyo.” Habang sinasabi niya ito, sinimulan niyang basahin ang mga salita ng Diyos: “Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus kasama ng tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang satanikong tiwaling disposisyon nito. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). “Kung mananatiling nakatali ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na makakamit kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang manampalataya sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagkakamit ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at pati na rin ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: ‘At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi’ (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Sa pakikinig dito, natigilan ako. Ibinunyag nito ang mga misteryo ng Aklat ng Pahayag. Napakamaawtoridad nito—walang taong makabibigkas ng mga salitang iyon! Naisip ko ang awtoridad na ginamit ng Panginoong Jesus sa pagsasalita nang pumarito Siya para gumawa, at gusto kong malaman kung ang mga ito nga ba ay mga pahayag ng Diyos. Biglang nabuhayan ang espiritu ko, at nagsimula akong makinig nang mabuti. Lalo na nang basahin ng ate ko ang ilang propesiya mula sa Pahayag, iniisip ko na hindi ito mga bagay na kayang ibunyag ng sinumang tao. Sinasabi sa atin ng Pahayag, “Masdan mo ang Leon ng angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay na buksan ang aklat at ang pitong selyo nito” (Pahayag 5:5). Tanging ang Kordero, ang Diyos lamang ang makapagbubunyag ng mga misteryong ito. Ito ba ang salita ng Diyos? Posible bang nagpakita Siya at gumagawa sa Tsina? Mahahanap ko kaya sa aklat na iyon ang sagot sa gumugulo sa isip ko sa loob ng maraming taon? Labis nitong napukaw ang interes ko sa aklat na ito. Noon lang din, binasa ito ng ate ko: “Ang unang bahagi ng librong ito ay ang katuparan din ng mga salitang ito sa Pahayag: ‘Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.’ Ang mga salitang ito ay kumakatawan sa paunang yugto ng gawain na sinimulan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Naging mas interesado ako dahil doon—hindi ba’t ito ang propesiya sa Aklat ng Pahayag? Natupad na ba ang mga propesiya sa Pahayag? Ito ba ay mga salita ng Diyos? Dahil gusto kong basahin ito nang maigi, hiniling ko sa ate ko na iwan ang aklat sa akin.
Tuwang-tuwa ako nang iabot niya sa akin ang aklat. Sabik akong buksan ito. Pero mayroon din akong ilang alalahanin. Naaayon nga kaya ang aklat na ito sa Kasulatan? Pareho kong inilagay sa kama ang Bibliya at ang aklat na ito, ikinukumpara ang mga ito. Sa aklat, nabasa ko ang siping ito: “Tanging kapag nakapasok na Ako sa bagong langit at lupa ay saka Ko kukunin ang isa pang bahagi ng Aking kaluwalhatian at ibubunyag ito una sa lupain ng Canaan, na magsasanhi ng pagkislap ng liwanag na sumikat sa buong mundo, na nakalubog sa napakadilim na gabi, upang maaaring lumapit sa liwanag ang buong mundo; upang maaaring humugot ng lakas mula sa kapangyarihan ng liwanag ang mga tao sa buong mundo, na magbibigay-daan upang mapaibayo at muling maipakita ang Aking kaluwalhatian sa bawat bansa; at upang maaaring matanto ng buong sangkatauhan na matagal na Akong naparito sa mundo ng mga tao at matagal Ko nang dinala ang Aking kaluwalhatian mula sa Israel patungong Silangan; sapagkat ang Aking kaluwalhatian ay sumisikat mula sa Silangan at ito ay dinala mula sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa araw na ito. Ngunit sa Israel Ako lumisan at mula roon ay dumating Ako sa Silangan. Kapag unti-unti nang pumuputi ang liwanag sa Silangan ay saka lamang magsisimulang magliwanag ang kadiliman sa buong mundo, at saka lamang matutuklasan ng tao na matagal Ko nang nilisan ang Israel at muli Akong bumabangon sa Silangan. Dahil minsan na Akong bumaba sa Israel at kalaunan ay nilisan Ko ito, hindi na Ako maaaring isilang na muli sa Israel, dahil namumuno ang Aking gawain sa buong sansinukob at, bukod pa rito, kumikislap ang kidlat nang diretso mula sa Silangan patungong Kanluran. Dahil dito bumaba na Ako sa Silangan at dinala Ko ang Canaan sa mga tao ng Silangan. Dadalhin Ko sa lupain ng Canaan ang mga tao mula sa buong mundo, kaya nga patuloy Akong bumibigkas ng mga salita sa lupain ng Canaan upang kontrolin ang buong sansinukob. Sa pagkakataong ito, walang liwanag sa buong mundo maliban sa Canaan, at nanganganib na magutom at ginawin ang lahat ng tao. Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay kinuha Ko ito, sa paraang ito ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan, at dinadala rin ang lahat ng tao sa Silangan, dinadala silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makaugnay ito, at hindi na sila maghanap pa. Gagawin Kong posible upang ang lahat ng naghahanap ay magawang makitang muli ang liwanag, makita ang kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel, makita na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, at makita ang hindi mabilang na mga puting ulap at saganang bunga. Higit pa rito, gagawin Kong posible na makita nila ang Diyos na si Jehova ng Israel, makita ang ‘Guro’ ng mga Hudyo, makita ang pinakahihintay na Mesiyas, at makita ang buong anyo Ko, Siya na inusig ng mga hari sa lahat ng kapanahunan. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, ibinubunyag ang Aking buong kaluwalhatian at ang lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw, at ibinubunyag ang Aking buong maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal ko nang kinuha ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at na wala na ito sa Judea, sapagkat sumapit na ang mga huling araw!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). Pagkatapos ay ikinumpara ko ito sa isang propesiya sa Bibliya: “Gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27). Tumugma ito sa mga salita ng Panginoong Jesus—ito ay lubusang naaayon sa Bibliya. Sino pa bukod sa Diyos ang makapagbubukas ng mga misteryong ito? Naakit ako ng mga salitang ito—habang paparami ang nababasa ko, mas lalo ko pang gustong magbasa. Pakiramdam ko ay mahahanap ko sa aklat na ito ang sagot sa kalituhan sa puso ko.
Binasa ko ang isa pang sipi pagkatapos niyon: “Yamang hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya—sapagkat kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga bakas ng yapak ng Diyos, binalewala ninyo ang mga salitang ‘Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.’ At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga bakas ng yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan). Dalawang magkasunod na beses kong binasa ang siping ito. Iniisip ko na saanman matatagpuan ang tinig ng Diyos, matatagpuan din ang Kanyang mga yapak. Doon nagpapakita ang Diyos. Talaga bang mga salita ito ng Diyos? Walang sinuman maliban sa Diyos ang makapagsasabi ng ganoon. Iyon ang binabasa nila sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, kaya marahil ay gumagawa ang Diyos sa iglesiang iyon. Nasabik ako, at patuloy na nagbasa.
Kalaunan, nakita ko ang siping ito: “Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pinakatipikal na halimbawa ng mga diktadurya: ang Tsina, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong ito, tinutugis Siya ng namumunong partido ng Tsina gamit ang lahat ng paraan at sumailalim Siya sa lahat ng uri ng pagdurusa, nang walang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, at nang walang masisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang nilalayon: Sinasabi at binibigkas Niya ang Kanyang mga salita at ipinapalaganap Niya ang ebanghelyo. Walang tao ang makakaarok sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa Tsina, isang bansang itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Pero noong binasa ko ang bahaging ito, “Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pinakatipikal na halimbawa ng mga diktadurya: ang Tsina,” agad akong huminto, na dismayado. Habang nakatutok ang mga mata ko sa dalawang pangungusap na iyon, iniisip ko nang iniisip, “Ang Diyos, sa Tsina? Paano nangyari iyon? Baka hindi ko dapat basahin ito—paano kung maligaw ako?” Pero naisip ko na tila tinig ng Diyos ang mga salitang ito. Kung hindi ko ito sisiyasatin, at talagang nagbalik na ang Panginoon, hindi ba’t mapalalampas ko ang pagkakataon ko? Sobra akong nag-aalinlangan at hindi ko mapigilang magtaka: Bakit magpapakita at gagawa ang Diyos sa Tsina? Ikinumpara ko ito sa Bibliya at binasa ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27). Tumutukoy ba ang “silangan” sa Tsina? Pero napakapaurong ng Tsina, at may lubos na kapangyarihan ang ateismo sa bansa. Maaari bang magpakita at gumawa ang Diyos sa Tsina? Napakalinaw na isinaad ng aklat na ito na ganoon na nga. Nag-aalangan pa rin ako—dapat ba akong magpatuloy, o sumuko na? Pagkatapos ay naisip ko kung gaano ako nahirapan sa aking paghahanap, sa lahat ng taong iyon. Kaya hangga’t may kaunting pag-asa, hindi ako puwedeng sumuko. Kaya nagpasya akong pumunta sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para magsiyasat.
Kinabukasan, pumunta ako sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nasa kalagitnaan ng sermon ang isang brother, nagsasalita tungkol sa mismong iniisip ko—kung paano mapalaya mula sa kasalanan. Binabasa niya ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang mga tiwaling disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananalig, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi lubusang naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maarok ng tao ang landas ng paglago sa buhay, at maarok ang daan ng buhay, at maarok ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Dagdag pa, kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon sa mga layunin ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensiya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). Nagbahagi siya, “Makikita natin mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagtubos. Ipinangaral ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, sinasabi sa mga tao na mangumpisal at magsisi. Pinagaling niya ang mga may sakit, pinalayas ang mga demonyo, at pinatawad ang mga kasalanan ng mga tao. Nagkaloob din Siya ng walang hanggang biyaya sa sangkatauhan. Sa huli, ipinako Siya sa krus bilang handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Magmula noon, para mapatawad sa kasalanan at matamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, ang kailangan lang nating gawin ay magdasal at mangumpisal. Ito ang gawain ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya, ang pagkumpleto ba ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus ay nangangahulugan na tapos na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos? Siyempre hindi. Ang gawain ng pagtubos ay pinatawad lamang tayo sa ating mga kasalanan, pero hindi nalutas ang ugat ng ating pagkamakasalanan at ang ating makasalanang kalikasan. Hindi pa rin natin maiwasang magkasala palagi. Mayabang tayo, nagpapakitang-gilas tayo, nagsisinungaling at nandaraya tayo. Kung minsan ay nakakaramdam tayo ng inggit at poot. Namumuhay tayo sa isang kalagayan ng pagkakasala sa araw at pangungumpisal sa gabi na hindi tayo makawala. Sinasabi sa Hebreo 12:14, ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon.’ Ang Diyos ay banal at matuwid. Paanong tayo, na napakarumi at tiwali, ay karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng langit? Pumarito na ang Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nagpapahayag ng mga katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol, para malutas ang ating makasalanang kalikasan, para tulutan tayong ganap na maiwaksi ang mga gapos at paglilimita ng kasalanan, maging malinis, at madala tayo sa kaharian ng Diyos. Tinutupad nito ang mga propesiya ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan’ (Juan 16:12–13). ‘Hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw’ (Juan 12:47–48). Sa mga huling araw, nagpahayag ang Makapangyarihang Diyos ng milyun-milyong salita, ipinapahayag ang lahat ng kinakailangang katotohanan para dalisayin at ganap na iligtas ang sangkatauhan. Hinahatulan at inilalantad Niya ang lahat ng ating tiwaling disposisyon at ang satanikong kalikasan na sumasalungat sa Diyos, ganap na inilalantad ang ugat ng ating pagiging makasalanan at paglaban sa Diyos. Itinuturo din Niya tayo patungo sa landas ng pagwawaksi sa kasalanan at pagkakamit ng kaligtasan ng Diyos. Ang tanging paraan para makita ang katotohanan ng ating katiwalian ay ang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagkatapos ay makokonsensiya tayo, mapopoot sa ating sarili, at magsisisi sa Diyos, mapapalaya sa katiwalian at malilinis. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang tanging landas natin para madalisay, mailigtas, at makapasok sa kaharian ng langit.” Labis na nakapagbibigay-liwanag na marinig ang pagbabahagi ng brother na ito, parang naalis ang isang napakabigat na pasanin ko. Lumalabas na ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos at pinatawad lamang ang tao sa mga kasalanan sa pamamagitan Niya bilang handog para sa kasalanan, pero nananatili pa rin ang makasalanang kalikasan sa loob ng tao. Ang pagtanggap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang tanging paraan para malutas ang problema ng kasalanan, para makatakas sa mga gapos at paghihigpit ng kasalanan, maging malinis, at maging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng Diyos. Tanging ang Diyos Mismo ang makapaghahayag ng mga misteryo ng Kanyang gawain ng pamamahala, at ang Diyos lamang ang ganap na makapaglilinis at makapagliligtas sa sangkatauhan. Nakasiguro ako na ito ang gawain ng Diyos—Labis akong natuwa.
Kinabukasan, binasahan ako ng isang sister mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Matapos basahin ito, nagbahagi siya sa akin at nagpatotoo na nagbigay sa akin ng higit na kalinawan. Sa mga huling araw, nagpapahayag ang Diyos ng mga katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol para lutasin ang makasalanang kalikasan ng tao. Kung hindi natin tatanggapin ang paghatol ng Diyos, bagkus ay gugulin ang buong buhay natin sa loob ng relihiyon, hindi tayo makakatakas sa kasalanan at malilinis. Salamat sa awa at biyaya ng Diyos, sa wakas ay natagpuan ko ang landas tungo sa pagiging malinis sa kasalanan. Sobrang saya ko, hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Binalikan ko ang nakaraang walong taon, tungkol sa kung paanong nagpunta ako sa napakaraming simbahan, malalaki at maliliit, naghahanap ng landas para maalis ang kasalanan at makapasok sa kaharian ng langit. Pero sa bawat pagkakataon, pumupunta ako nang may pag-asa, at umaalis nang nabibigo. Ang biyaya ng Diyos ang nagtulot sa akin na marinig ang Kanyang tinig at masaksihan ang Kanyang pagpapakita. Labis akong pinagpala! Pakiramdam ko ay isa akong nawawalang bata na sa wakas ay nakabalik na sa kanyang nanay makalipas ang ilang taon ng pagpapalaboy-laboy. Hindi mailarawan ang kapayapaan at kasiyahan na nararamdaman ko.
Gayumpaman, mayroon pa rin akong kaunting kalituhan na hindi pa nalulutas. Tinanong ko ang sister na ito, “Mahina ang kakayahan ng mga Chinese at lumalaban sila sa Diyos. Bakit magpapakita at gagawa roon ang Diyos sa mga huling araw?” Binasa niya ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos para sa akin: “Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugto na ito ng gawain ay ang katapusan ng gawain, at ito ang kongklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ang simula ng isang bagong panahon sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay ihahayag, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar na ito ay nalupig na, at kinilala nilang lahat na mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katunayang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay simboliko: Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa Tsina ang nagtataglay ng makabuluhang pagsasagisag. Kinakatawan ng Tsina ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa Tsina ay kumakatawan sa lahat ng mga nasa laman, kay Satanas, at sa laman at dugo. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamababa at pinakamarumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling sangkatauhan. Hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bansa ay walang anumang mga suliranin; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila kilala ang Diyos, tiyak na sinasalungat nila Siya. … Sa mga tao sa Tsina lubos na naipapamalas at nabubunyag ang katiwalian, karumihan, pagiging di-matuwid, pagsalungat, at paghihimagsik sa lahat ng iba’t ibang anyo nito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay may isinasagisag, at pagkatapos ganap na gawin itong gawain ng pagsubok, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kung matatapos ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay matitiyak. Sa oras na maisakatuparan na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang nakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang nagwakas. Sa katunayan, kapag nagtagumpay na ang gawain sa inyo, ito ay magiging katumbas ng tagumpay sa buong sansinukob. Ito ang kahalagahan ng kung bakit pinakikilos Ko kayo bilang huwaran at uliran” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2). Pagkatapos ay nagbahagi siya, “Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Pinakamakabuluhan para sa Diyos na magpakita at gumawa sa Tsina sa mga huling araw. Ang gawain ng Diyos ngayon ay ang gawain ng paghatol at pagdadalisay. Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan para ilantad ang laban-sa-Diyos, satanikong kalikasan ng tao, at ang ating iba’t ibang tiwaling disposisyon. Ipinapakita Niya sa atin ang Kanyang matuwid, maharlika, at napopoot na disposisyon na hindi nalalabag. Kaya kailangan Niyang piliin ang mga taong pinakatiwali at lumalaban sa Diyos para gawin silang mga tipikal na halimbawa. Ang paggawa kasama ang mga taong ito ang tanging paraan para mabunyag ang bawat uri ng katiwalian sa sangkatauhan at higit na maipakita ang Kanyang kabanalan at pagiging matuwid. Sa ganoon Niya matatamo ang pinakamahusay na mga resulta sa Kanyang gawain ng paghatol. At saka, ang Tsina ang pugad ng malaking pulang dragon at ang mga Chinese ang pinakamalubhang nagawang tiwali ni Satanas. Sila ang pinakahigit na nagtatatwa at lumalaban sa Diyos, at ang may pinakamasamang pagkatao. Ang mga Chinese ang ehemplo ng tiwaling sangkatauhan. Kaya, ang pagpapakita ng Diyos, paggawa, pagpapahayag ng mga katotohanan sa Tsina, at paglalantad ng bawat katiwalian at pagrerebelde ng mamamayang Chinese ay higit na kayang lupigin ang sangkatauhan. Mas mabisa nitong maipapakita ang diwa at katotohanan kung gaano kalubhang ginawang tiwali ni Satanas ang tao. Isa pa, sa pamamagitan ng paggawa sa pinakamarumi, pinakatiwali, pinakalaban-sa-Diyos na bansa, sa pamamagitan ng paglupig, pagdalisay, at pagbago sa mga pinakatiwaling tao ng Tsina na may pinakamahinang kakayahan, mas madaling maliligtas ang mga tao sa ibang bansa. Ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay nagbibigay-daan sa lahat ng sangkatauhan na makita ang dakilang kapangyarihan ng Diyos at ganap na mapaniwala. Inihahayag nito ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, pati na rin ang Kanyang karunungan at walang hanggang kapangyarihan.”
Pagkatapos niyon, nagbasa pa siya ng mga salita ng Diyos: “Ang mga Tsino ay hindi kailanman naniwala sa Diyos; hindi nila napaglingkuran si Jehova kailanman, at hindi napaglingkuran si Jesus kailanman. Yumuyukod lamang sila, nagsusunog ng insenso, nagsusunog ng papel na joss, at sumasamba kay Buddha. Sumasamba lamang sila sa mga diyos-diyosan—napakamapaghimagsik nilang lahat. Kaya, kapag mas mababa ang posisyon ng mga tao, mas ipinapakita nito na ang nakakamit ng Diyos mula sa inyo ay higit pang kaluwalhatian. … Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, kailangan Akong maisilang sa isang magandang bansa upang ipakita na nagmula Ako sa mataas na katayuan, upang ipakita na malaki ang Aking kahalagahan, upang ipakita ang Aking karangalan, kabanalan, at kadakilaan. Kung naisilang Ako sa isang lugar na nakikilala Ako, sa isang elitistang pamilya, at kung mataas ang Aking posisyon at katayuan, tatratuhin Ako nang napakaayos. Hindi iyan makakabuti sa Aking gawain, at ibubunyag pa rin kaya ang gayon kadakilang kaligtasan kung nangyari iyon? Lahat ng nakakakita sa Akin ay magpapasakop sa Akin, at hindi sila madurungisan ng dumi. Dapat naisilang Ako sa ganitong klaseng lugar. Iyan ang inyong pinaniniwalaan. Ngunit isipin ninyo ito: Pumarito ba ang Diyos sa lupa para masiyahan, o para gumawa? Kung gumawa Ako sa gayon kadali at komportableng lugar, matatamo Ko kaya ang Aking buong kaluwalhatian? Magagawa Ko kayang lupigin ang lahat ng nilikha? Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya kabilang sa mundo, at hindi Siya nagkatawang-tao para tamasahin ang mundo. Ang lugar kung saan ibubunyag ng paggawa ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan ay ang lugar kung saan Siya isinilang. Banal man o marumi ang lupain, at saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t lahat ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayumpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ibunyag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito upang magpatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito ang pangingibabaw ng Diyos. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay naipapamalas sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay hindi man lang nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng mga nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas ibinubunyag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid, kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit nabubuhay Siyang kasama ng mga taong puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba’t ginawa ang Kanyang buong gawain para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang lahat ng Kanyang gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Pagkatapos ay nagbahagi siya: “Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, pagpapakita at paggawa sa Tsina ay lubos na makabuluhan. Ang mga Chinese ay mga taong pinakahigit na lumalaban at napopoot sa Diyos. Sila ang pinakahigit na walang kakayahan at pagkatao, pero nagkatawang-tao ang Diyos doon, gumagawa sa Tsina, nagpapahayag ng katotohanan nang may labis na pagpaparaya at pasensya. Tiniis ng Diyos ang napakalaking kahihiyan para iligtas sila, ang mga pinakamarumi at pinakatiwaling tao na may pinakamahinang kakayahan. Higit pa nitong ibinubunyag kung gaano kamapagpakumbaba at katago ang Diyos, at ipinapakita sa atin ang Kanyang kabanalan at pagiging matuwid, ang Kanyang di-makasarili, tunay na pagmamahal sa sangkatauhan. Higit pa rito, makikita natin na ang Diyos ang Lumikha. May karapatan Siyang gawin ang Kanyang gawain sa alinmang bansa, sa kahit na sinumang tao, pero saang bansa man Siya magpakita at gumawa, para sa buong sangkatauhan ang gawain Niya—ito ay para iligtas ang buong sangkatauhan. Sa mga huling araw, nagpakita ang Makapangyarihang Diyos at gumagawa sa Tsina, nagpapahayag ng mga katotohanan. Nakagawa na Siya ng grupo ng mga mananagumpay, at ngayon ay lumalaganap sa buong mundo ang Kanyang ebanghelyo. Ang gawain at mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay parang isang napakalaking liwanag na nagniningning mula sa Silangan hanggang Kanluran. Parami nang parami ang mga nakaririnig sa tinig ng Diyos, bumabaling sa Makapangyarihang Diyos, tinatanggap ang paglilinis at pagliligtas ng Diyos. Kung susundin natin ang ating mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip na dahil nasa Israel ang nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, Siya ang Diyos ng mga Israelita at hindi Siya magpapakita at gagawa sa Tsina, kung gayon, hindi ba iyon paglilimita sa Kanya? Sinabi ng Diyos: ‘Magiging dakila ang Aking pangalan sa mga Hentil’ (Malakias 1:11). Kung gayon, paano iyon matutupad? Sa mga huling araw, ang pagkakatawang-tao ng Diyos at paggawa sa Tsina, kung saan namumuno ang mga ateista, ay ganap na winawasak ang mga kuru-kuro ng tao. Ipinapakita nito sa atin na ang Diyos ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi Siya rin ang Diyos ng mga Hentil. Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan, at hindi lamang ng iisang bansa o iisang tao. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa Tsina, pagpapakita at paggawa roon, ay labis na makabuluhan!”
Nakadama talaga ako ng kahihiyan at pagkapahiya matapos kong marinig ang pagbabahagi niya. Hindi ko nauunawaan ang gawain ng Diyos, kundi sumunod lang sa mga pastor sa paglilimita sa Diyos, iniisip na imposibleng gagawa Siya sa Tsina. Masyado akong mayabang at ignorante! Nakakatakot ang isipin man lang iyon. Salamat sa biyaya ng Diyos, naging mapalad ako na marinig ang tinig Niya at matanggap ang Kanyang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, lilimitahan ko pa rin ang Diyos batay sa sarili kong mga kuru-kuro, kokondenahin ang Kanyang pagpapakita at gawain, at hindi ako magkakaroon ng pag-asa na makamit ang Kanyang kaligtasan. Nagpapasalamat ako sa pagliligtas ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko! Personal ko ring naranasan ang sinabi ng Panginoong Jesus: “At ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan” (Mateo 7:8). Napakatotoo ng mga salitang ito, at tapat ang Diyos. Hangga’t naghahanap tayo, aakayin at bibigyang-liwanag tayo ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!