31. Labis na Nakakapagpalaya ang Hindi Na Pagiging “Eksperto”
Dati akong deputy chief sa departamento ng orthopedics ng isang ospital. Sa loob ng apat na dekada, dedikadong-dedikado ako sa aking trabaho, at may malawak na karanasan sa klinika. Kinikilala ng lahat ng mga pasyente at ng mga kasamahan ko ang husay ko sa larangan ng medisina, at saanman ako magpunta, tinitingala ako at iginagalang. Pakiramdam ko ay namumukod-tangi ako sa karamihan, at mas mahusay kaysa sa ibang tao. Pagkaraang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nakita kong nagsilbi bilang mga lider at diyakono ng iglesia ang ilang kapatid, at madalas nilang ibinabahagi sa iba ang katotohanan para makatulong sa paglutas ng mga problema. Ang ilang kapatid ay gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto o kaya ay gumagawa ng mga video. Talagang kinainggitan ko sila, at naramdaman kong malamang na mataas ang tingin ng mga tao sa kanila dahil sa pagganap nila ng mga tungkuling ito. Mababa ang naging pagtingin ko sa pagho-host o sa pag-aasikaso ng mga pangkalahatang usapin dahil pakiramdam ko ay ordinaryo at hindi ka magiging kilala sa mga tungkuling iyon. Naisip ko, “Hinding-hindi ko magagawa ang ganoong uri ng tungkulin. May katayuan ako sa lipunan at may mataas na pinag-aralan. Dapat bumagay ang tungkulin ko sa aking pagkakakilanlan at katayuan.”
Pagkatapos ng Chinese New Year noong 2020, sinabi sa akin ng isang lider ng iglesia na, “May ilang sister na gumagawa ng mga gawaing nakabatay sa teksto na walang ligtas na lugar na matutuluyan. Wala pa masyadong nakakaalam ng pananampalataya mo sa Diyos, kaya medyo ligtas ang bahay mo. Maaari mo bang patuluyin ang mga sister na ito?” Naisip ko, “Handa akong gawin ang aking tungkulin, pero paanong ang isang kapita-pitagang deputy chief na gaya ko, isang eksperto sa larangan ko, ay ibababa sa pagho-host ng mga kapatid, haharap sa mga kaldero at kawali, at magpapakahirap magluto sa kalan araw-araw? Hindi ba’t katulad iyon ng pagiging isang yaya?” Ayaw ko niyon at naisip ko, “Anumang tungkulin ay mas kapita-pitagan kaysa sa pagho-host. Anuman ang gawin mo, kailangang magsaayos ka para sa akin ng tungkuling may katayuan, o nangangailangan ng ilang kasanayan. Nang sa ganoon ay hindi mawawala ang aking dignidad! Hindi ba’t isang pag-aaksaya ng talento ko ang pagho-host sa mga sister? Kapag nalaman ng aking mga kaibigan at kapamilya na iniwan ko ang katayuan ko bilang eksperto para lang manatili sa bahay at magluto para sa ibang tao, hindi ba’t pagtatawanan nila ako?” Habang lalo ko itong naiisip, lalo kong naramdamang agrabyado ako. Pero noong panahong iyon, kailangang-kailangan ng iglesia ng isang tahanang matutuluyan. Kaya bagama’t ayaw ko ng tungkuling iyon, hindi ako makatanggi sa ganoon kakritikal na pagkakataon—na magpapakita iyon ng kawalan ng pagkatao. Kalaunan, napag-isip-isip ko na maliit ang aking tayog, at kakaunti ang pang-unawa ko sa katotohanan. Pero kung palagi akong makikisalamuha sa mga kapatid na ito na gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto, maaaring matuto ako mula sa kanila. Pagkatapos, baka isaayos ng iglesia na ilagay din ako sa ganoong tungkulin. Pansamantala lang naman ang pagho-host sa mga sister. Bukod dito, hindi masyadong maganda ang mga pang-ekonomikong benepisyo ng pagtatrabaho sa ospital nang panahong iyon, at ayaw kong pumasok sa trabaho. Kaya nagbitiw ako sa aking posisyon, at agad na tinupad ang tungkulin ng pagho-host.
Dati, lagi akong abala sa trabaho at bihirang magluto. Pero para masigurong makakatikim ng masasarap na pagkain ang mga sister, nag-aral ako kung paano magluto. Pero pagkaluto ng pagkain, ayaw kong ihain ito sa mesa, dahil pakiramdam ko, iyon ay gampanin ng paglilingkod sa iba. Noong nagtatrabaho ako sa ospital, ibang tao ang naghahanda ng pagkain para sa akin, tumatayo ang mga kasamahan ko sa bawat departamento para makipag-usap sa akin kapag dumarating ako, at pinahahalagahan ako saan man ako magpunta. Pero ngayon, araw-araw akong nakasuot ng apron at mga damit na namantsahan ng mantika at naglilinis ng masesebong kaldero at kawali, habang ang mga sister ay nakasuot ng malilinis na damit at nakaupo sa harapan ng mga kompyuter. Naramdaman ko ang kirot sa puso ko, at pakiramdam ko ay naagrabyado ako, iniisip na, “‘Ang mga nagpapagal gamit ang kanilang isipan ay namamahala sa iba, at ang mga nagpapagal gamit ang kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba,’ at ‘Nagsasama-sama ang mga ibong magkakatulad ang balahibo.’ Pisikal na trabaho ang pagluluto at ang pagiging isang host, at hindi kapantay ng antas ng ginagawa ng mga sister.” Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalong sumama ang loob ko. Para bang nagbubuhat ako ng mabigat na pasanin na hindi ko maibaba, at ayaw kong gawin ang tungkuling iyon nang pangmatagalan. Naisip ko, “Nagsulat ako ng mga akdang pangmedisina at napuri sa aking larangan, kaya hindi naman siguro ganoon kasama ang kasanayan ko sa pagsusulat. Kung makapagsusulat ako ng ilang magagandang artikulo ng patotoong batay sa karanasan, baka makita ng lider na may talento ako, at isaayos na gawin ko ang gawaing nakabatay sa teksto.” Kaya nagsimula akong bumangon nang maaga at magpuyat para magsulat ng mga artikulong batay sa karanasan. Binasa ng mga sister ang mga ito at sinabi nilang maganda ang pagkakasulat ko. Natuwa ako, at ipinadala ko ang mga artikulo sa lider. Naghintay ako nang naghintay, pero hindi pa rin isinaayos ng lider na gawin ko ang gawaing nakabatay sa teksto. Bigong-bigo ako, at unti-unti akong nawalan ng gana sa pagsusulat ng mga artikulo.
Pagkaraan ng ilang araw, nabalitaan kong kailangan ng iglesia ng mga tauhan para gumawa ng mga video, at naisip ko, “Ang paggawa ng mga video ay isang gampanin na nangangailangan ng ilang kasanayan. Isa itong pagkakataon, at kung matututo akong gumawa ng mga video, magkakaroon ako ng natatanging kasanayan.” Kaya sinimulan ko muling bumangon nang maaga at magpuyat sa gabi, at matuto ng kasanayan sa paggawa ng mga video. Pero dahil matanda na ako, hindi ko na kayang magtrabaho nang mabilis para makipagsabayan sa mga mas bata. Kaya nauwi rin sa wala ang pag-asang iyon. Pinanghinaan ako ng loob. Tila hindi ako nakatadhanang makakuha ng tungkulin na may mas “mataas na antas” at maaari lang gumawa ng pisikal na trabaho. Pakiramdam ko ay parang binabalewala ako, at sa loob ng ilang araw hindi ako kumain o natulog nang mabuti. At sa gitna ng pagluluto, paulit-ulit ko ring nakalilimutan kung ano ba ang ginagawa ko, at hindi ako makapagtuon sa kahit anong bagay. Minsan ay nasusugatan ko ang sarili ko habang naghihiwa ng mga gulay, o napapaso ang aking kamay. Lagi kong naibabagsak sa sahig ang mga mangkok at kutsara at takip, na lumilikha ng malakas na kalampagan na ikinagugulat ko. Kapag naririnig ng mga sister ang ingay, iniiwan nila kung anuman ang kanilang ginagawa at dali-daling tumutulong sa akin na maglinis. Nang makita ko kung paanong naaapektuhan ko ang mga sister habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sobra akong nakonsensiya. Sa gitna ng aking paghihirap, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Ang pagho-host sa mga sister na ito ay palaging nagpaparamdam sa akin na mas mababa ako kaysa sa ibang tao. Pakiramdam ko ay naagrabyado ako, at hindi ako makapagpasakop. Hindi ko alam kung paano ito malalampasan. Pakiusap gabayan Mo ako.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gampaning ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gampaning ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong mamukod-tangi ako sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas sa iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang isang perpektong repleksyon ng sarili kong kalagayan. Tiningnan ko ang aking sarili bilang isang eksperto na may mataas na katayuan na pinahahalagahan at tinitingala saan man ako magpunta. Batay roon, pakiramdam ko ay namumukod-tangi ako sa karamihan. Nang italaga ako para i-host ang mga sister, pakiramdam ko ay nawala ang “eksperto” kong katayuan, at iyon ay kawalan ng katarungan. Sa pamamagitan ng paghahatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang dahilan kung bakit lubhang mababa ang tingin ko sa gawain ng pagho-host ay dahil lagi kong tinitingnan ang aking mga tungkulin mula sa pananaw ng isang walang pananampalataya. Tinitingnan ko ang mga tungkulin batay sa kung mataas ba ito o mababa, iniraranggo ang mga ito sa isang herarkiya. Masaya akong gawin ang kahit anong tungkulin na magbibigay sa akin ng pagkilala at kasikatan, pero minamaliit ko ang hindi gaanong kapansin-pansing mga tungkulin. Dahil ginapos ako ng mga pananaw na iyon, ginawa ko ang aking tungkulin nang may pag-aatubili, at naisipan pa ngang bitiwan na lang ito. Nakita ko na sa pagganap ko ng aking tungkulin, hindi ko man lang binigyan ng kaunting pagsasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Malinaw na ang lahat ng ito ay para lang mamukod-tangi sa karamihan at maghangad ng reputasyon at katayuan. Biyaya ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pagkakataon para gawin ang aking tungkulin, pero namimili at nagpapasya ako batay sa sarili kong mga personal na kagustuhan. Wala talaga akong anumang pagpapahalaga katwiran. Nang mapagtanto ko iyon, naramdaman kong napakalaki ng utang ko sa Diyos, at tahimik akong nagpasya na ipanatag ang isipan ko para subukang gawin ang makakaya ko sa aking tungkulin.
Pagkatapos niyon, sadya akong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at nanalangin sa Kanya tungkol sa aking kalagayan, at nagawa kong ipanatag ang aking loob at i-host ang mga sister. Pero muli akong niyanig ng mga sumunod na pangyayari. Nahalal bilang lider ng iglesia ang isa sa sister na hino-host ko. Talagang kinainggitan ko siya at naisip ko, “Nakikita ko na pinapahalagahan ang mga taong gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto. Kinikilala sila at namumukod-tangi, at puwede pang maging lider ng iglesia. Pero ako na nagho-host ng mga sister, anong pagkakataon ang mayroon ako para itangi ang sarili ko? Araw-araw akong nakasuot ng apron, at palaging amoy mantika at usok mula sa pagluluto. Tuwing lalabas ako para mamili ng pagkain, natatakot ako na may makakilala sa akin, at tanungin nito kung bakit ang isang magaling na doktor na may mahusay na kasanayang medikal na gaya ko ay hindi nagtatrabaho. Kaya sa tuwing lalabas ako, nakayuko ako, nananatiling malapit sa sulok, at sinusubukang hindi mapansin. Pagkauwi ko sa bahay, sa wakas ay nakakahinga na ako nang maluwag. Dati, sa anumang okasyon, tatayo ako sa harapan, at madalas na umaakyat sa entablado para magsalita. At saan man ako magpunta, magkukusa ang lahat na kamayan ako. Pero ngayon, ayaw kong may makakita sa akin, at kapag bumibili ako ng mga gulay, pakiramdam ko ay para akong may pinagtataguan.” Habang lalo ko itong naiisip, lalo naman akong nagdurusa sa loob ko. Hindi ko maiwasang isipin ang nakaraan kong kaluwalhatian sa sekular na lipunan, at hinahanap-hanap ko lalo na ang mga titulong gaya ng “eksperto,” “direktor,” at “propesor.” Hindi ko maiwasang maalala ang mga lider na mataas ang pagtingin sa akin, mga kasamahang pumupuri sa akin, at mga pasyenteng labis ang pasasalamat sa akin, ipinaramdam sa akin na nakapamuhay ako ng isang desente at kapita-pitagang buhay. Pakiramdam ko, mula sa tuktok ng mundo ay napunta ako sa pinakailalim ng bunton, at napaisip ako kung kailan matatapos ang kasalukuyan kong tungkulin. Hindi ko maiwasang malungkot. Nakita kong nasisiyahan ang mga sister sa kanilang pagkain, pero wala akong ganang kumain at hindi nagtagal, malaki-laki ang nabawas sa aking timbang. Pagkatapos, nakatanggap ako ng isang hindi-inaasahang tawag mula sa direktor ng ospital, iniimbitahan akong bumalik sa trabaho. Muli na naman akong niyanig nito, at naisip ko, “Mas makabubuting bumalik ako sa trabaho, mamuhay ng uri ng buhay kung saan tinitingala ako ng mga tao, at makamit muli ang aking katanyagan bilang isang eksperto. Pero napakahalaga ng pagho-host. Kailangang nasa bahay ako at protektahan ang kaligtasan ng mga sister, at kung babalik ako sa trabaho, hindi ko na magagawa ang tungkuling ito.” Nagmadali akong manalangin sa Diyos, “O Diyos! Hindi ko mabitiwan ang aking katayuan at ang kaluwalhatian ng aking nakaraan. Pakiusap gabayan Mo ako para makilala ang aking sarili at magpasakop.”
Habang naghahanap ako, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pag-isipan ninyo ito—paano ninyo dapat tingnan ang halaga, katayuang panlipunan, at pinanggalingang pamilya ng tao? Anong tamang saloobin ang dapat ninyong taglayin? Una sa lahat, dapat ninyong makita mula sa mga salita ng Diyos kung paano Niya tinitingnan ang usaping ito; sa paraang ito lamang ninyo mauunawaan ang katotohanan at na hindi kayo gagawa ng anumang sumasalungat sa katotohanan. Kaya, paano tinitingnan ng Diyos ang pinanggalingang pamilya ng isang tao, katayuang panlipunan, ang edukasyon natanggap niya, at ang yamang taglay niya sa lipunan? Kung hindi mo nakikita ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos at hindi mo kayang pumanig sa Diyos at tanggapin ang mga bagay-bagay mula sa Diyos, kung gayon ang paraan ng pagtingin mo sa mga bagay-bagay ay siguradong malayo sa nilalayon ng Diyos. Kung walang masyadong pagkakaiba, na may kaunting hindi pagkakaayon lang, kung gayon ay hindi iyon problema; kung ang paraan ng pagtingin mo sa mga bagay-bagay ay ganap na salungat sa nilalayon ng Diyos, kung gayon ito ay taliwas sa katotohanan. Para sa Diyos, kung ano ang ibinibigay Niya sa mga tao at kung gaano karami ang ibinibigay Niya ay nakadepende sa Kanya, at ang katayuang mayroon ang mga tao sa lipunan ay itinalaga rin ng Diyos at ganap na hindi lamang gawa-gawa ng sinumang tao. Kung idinudulot ng Diyos na magdusa ng sakit at kahirapan ang isang tao, ibig sabihin ba niyon ay wala siyang pag-asang maligtas? Kung mababa ang halaga niya at mababa ang katayuan sa lipunan, hindi ba siya ililigtas ng Diyos? Kung mababa ang katayuan niya sa lipunan, mababa rin ba ang katayuan niya sa paningin ng Diyos? Hindi ganoon. Saan ito nakadepende? Nakadepende ito sa landas na tinatahak ng taong ito, sa paghahangad niya, at sa saloobin niya sa katotohanan at sa Diyos. Kung napakababa ng katayuang panlipunan ng isang tao, napakahirap ng kanyang pamilya, at mababa ang antas ng edukasyon niya, pero nananampalataya siya sa Diyos sa isang praktikal na paraan, at minamahal niya ang katotohanan at mga positibong bagay, kung gayon sa mata ng Diyos, mataas o mababa ba ang halaga niya, marangal o aba ba ito? Mahalaga siya. Kung titingnan ito sa ganitong perspektiba, saan ba nakadepende ang halaga ng isang tao—kung mataas man o mababa, marangal man o hamak? Nakadepende ito sa kung paano ka nakikita ng Diyos. Kung nakikita ka ng Diyos na isang taong naghahangad ng katotohanan, kung gayon ikaw ay may kabuluhan at mahalaga—ikaw ay isang mahalagang sisidlan. Kung nakikita ng Diyos na hindi mo hinahangad ang katotohanan at na hindi mo tapat na ginugugol ang sarili mo para sa Kanya, kung gayon ikaw ay walang kabuluhan at walang halaga—ikaw ay isang hamak na sisidlan. Gaano man kataas ang pinag-aralan mo o gaano man kataas ang katayuan mo sa lipunan, kung hindi mo hinahangad o inuunawa ang katotohanan, kung gayon kailanman hindi magiging mataas ang halaga mo; kahit na maraming taong sumusuporta sa iyo, nagtataas sa iyo, at sumasamba sa iyo, isa ka pa ring hamak na kawawa. Kaya, bakit ganito ang tingin ng Diyos sa mga tao? Bakit ang isang ‘marangal’ na tao, na may mataas na katayuan sa lipunan, na pinupuri at hinahangaan ng maraming tao, na maging ang katanyagan niya ay napakataas, ay nakikita ng Diyos bilang hamak? Bakit ang paraan ng pagtingin ng Diyos sa mga tao ay ganap na salungat sa mga pananaw ng mga tao sa iba? Sinasadya ba ng Diyos na gawing salungat Siya Mismo ng mga tao? Hinding-hindi. Ito ay dahil ang Diyos ay katotohanan, ang Diyos ay katuwiran, samantalang ang tao ay tiwali at walang katotohanan o katuwiran, at sinusukat ng Diyos ang tao sa Kanyang sariling pamantayan, at ang pamantayan Niya sa pagsukat ay ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Pinagliwanag ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Ang ugat na dahilan ng aking pagdurusa ay dahil hindi ko nakita ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa halip, ginamit ko ang pananaw ni Satanas para iranggo kung mataas o mababa ang mga tungkulin, at gumamit ng herarkiya ng mga ranggo, at ginamit ang katayuan sa lipunan, reputasyon, edukasyon, at mga propesyonal na nakamit bilang mga pamantayan ng tagumpay. Pinangingibabawan ng mga pananaw na ito, nakita ko ang aking sarili bilang nakaaangat at marangal. Pakiramdam ko ay isa akong eksperto na may katayuan at magandang posisyon, at na namumukod-tangi ako mula sa karamihan, at mas magaling kaysa sa ibang tao. Kahit noong manampalataya na ako sa Diyos, ganoon pa rin ang naging pananaw ko. Kaya naman tiningnan ko bilang mahalaga ang mga tungkuling gaya ng lider at manggagawa, at ang mga nangangailangan ng matataas na kasanayan. Pero ang pagho-host o pag-aasikaso ng mga pangkalahatang usapin ay hindi mahalaga para sa akin, at pakiramdam ko ay mabababang posisyon ang mga ito na hindi nababagay sa aking katayuan sa lipunan. Nang ginusto ng lider na mag-host ako sa mga sister, hindi ko magawang magpasakop. Habang ginagawa ko ang aking tungkulin, hinahanap-hanap ko ang dati kong katanyagan, kaya hindi ako makakain o makatulog nang mabuti. Naging balisa ako, at nangayayat. Sobrang sakit nito na hindi ko kayang tiisin. Pero sa pamamagitan ng pagsisiwalat at paghahatol ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang Kanyang katuwiran. Hindi Niya tinitingnan kung mataas ba o mababa ang katayuan ng isang tao, o ang kanilang mga kalipikasyon, o mga naabot na edukasyon. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung hinahanap ba ng mga tao ang katotohanan, at kung anong landas ang tinatahak nila. Kahit gaano pa kataas ang kanilang katayuan, o kung gaano kataas ang kanilang mga akademikong tagumpay at ang reputasyon nila, kung hindi nila mahal ang katotohanan, at tutol sila sa katotohanan, mababang-uri sila sa paningin ng Diyos. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga naghahangad at nagkakamit ng katotohanan, kahit pa nga wala silang katayuan. Nalaman ko na kahit gaano pa karaming tao ang sumusuporta at pumupuri sa akin, at kahit gaano pa kataas ang aking katayuan, kung hindi ko kayang magpasakop sa Diyos at gawin ang tungkulin ng isang nilikha, wala talaga akong halaga.
Pagkatapos, napaisip ako kung ano ang dahilan kung bakit sa kabila ng malinaw na pagkaalam na may mali akong pananaw, hindi ko pa rin maiwasang hangarin ang mga tungkuling mas kilala at ikabubukod-tangi ko. Habang naghahanap ako, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, nakita ko na binibiktima at iginagapos ako ni Satanas gamit ang kasikatan at pakinabang, at mahigpit ang pagkakagapos sa akin. Mula noong bata pa ako, tinanggap ko ang mga bagay na ikinintal ng aking mga magulang, itinuro sa mga paaralan, at ibinahagi ng sekular na lipunan gaya ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Ang mga nagpapagal gamit ang kanilang isipan ay namamahala sa iba, at ang mga nagpapagal gamit ang kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba.” Maagang-maaga pa lang, nag-ugat na sa aking puso ang mga satanikong pilosopiya at kabulaanang ito. Ito ang nagtulak sa akin para isaalang-alang na mga tamang layon sa buhay ang kasikatan at pakinabang, at maramdaman na kung matamo ko ang mga ito, magiging mataas ang tingin sa akin ng ibang tao at susuportahan nila ako. Kaya sa paaralan man ito, sa lipunan, o sa iglesia, pinahalagahan ko ang ranggo at katayuan. Nagsikap akong mabuti para magkaroon ng mga natatanging kasanayan, sa pag-asang magtamo ng mas mataas na katayuan at katanyagan sa loob ng grupo. Pakiramdam ko ay iyon lamang ang uri ng buhay na makasasalamin sa halaga ng aking pag-iral. Nang hindi ko matamo ang kasikatan at katayuan, pakiramdam ko ang hinaharap ay malabo, miserable, at walang sigla tungkol sa pagganap ko ng aking tungkulin. Katayuan, kasikatan, at pakinabang ay parang mga kadena, na palagiang kinokontrol ako, kaya hindi ko maiwasang layuan at ipagkanulo ang Diyos. Napagtanto ko rin na bagama’t tila napakaordinaryo ng ginagawa kong pagho-host sa mga sister, tinulungan ako ng kapaligirang iyon para kilalanin na mayroon akong nakalilinlang na pananaw tungkol sa kung ano ang dapat hangarin, at para magawang hangarin ko ang katotohanan sa pagganap sa aking tungkulin at iwaksi ang mga gapos ng kasikatan at pakinabang. Nang maunawaan ko ang mabubuting layunin ng Diyos, pinasalamatan ko Siya mula sa kaibuturan ng aking puso, at napuno ako ng pagsisisi. Nanalangin ako sa Kanya, “O Diyos, salamat sa paglalatag ng kapaligirang ito para ibunyag ang maling pananaw ko sa paghahangad. Gusto kong magsisi at tumigil sa paghahangad ng katayuan at reputasyon. Gusto kong magpasakop, at gawin ang aking tungkulin nang maayos.” Pagkatapos ay magalang kong tinanggihan ang alok ng ospital, at patuloy na nanatili sa bahay at ginawa ang aking tungkulin.
Pagkatapos nito, nabasa ako ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? (Isang taong matatag na nakatapak ang mga paa sa lupa na tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha.) Oo, at ano pa? (Gusto ng Diyos ang isang matapat na tao na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan, at nagpapasakop sa Kanya.) (Isang taong nakikiisa sa Diyos sa lahat ng bagay, na nagsusumikap mahalin ang Diyos.) Tama rin ang mga sagot na iyon. Ito ay sinumang may parehong puso at isip sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan). “Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya ba nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, hindi isaalang-alang ang kanilang hinaharap at tadhana, at maging isang karapat-dapat na nilikha. Matuwid at banal ang Diyos, at ang mga ito ang pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang mga pamantayan na ito sa iyong isipan, at kahit anong oras, huwag mong isipin na maghanap ng iba pang landas sa paghahangad ng ilang bagay na hindi totoo. Ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa lahat ng nais na matamo ang kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Napagtanto ko na ayaw ng Diyos ng mga taong marangal. Gusto niya ang mga taong kayang tumupad ng tungkulin ng isang nilikha nang nakatapak ang mga paa sa lupa. Bagama’t may kaunting pagkakakilanlan at katayuan ako sa sekular na mundo, masyadong mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan. Ang pagiging isang lider at manggagawa, o ang paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto ay nangangailangan ng pagkaunawa sa katotohanan, at hindi ito magagawa ng pagkakaroon lamang ng katayuan, kaalaman, at edukasyon. Dapat maging makatwiran ako, at gawin ang anumang tungkulin na kaya kong gawin. Dahil angkop ang bahay ko para sa pagho-host, dapat i-host ko ang mga sister sa isang praktikal na paraan, at gawin ang makakaya ko para hangarin ang katotohanan. Iyon ang katwirang dapat mayroon ako. Kahit ano pang tungkulin ang gawin natin, bagama’t magkakaiba ang mga titulo at gampanin, ang pagkakakilanlan at diwa ng isang nilikha ay hindi nagbabago. Dati may mataas akong opinyon sa aking sarili, at inisip na napakamarangal ko. Palagi kong tinitingnan ang aking sarili bilang isang eksperto at kilalang doktor, na para bang mas magaling ako kaysa sa iba. Pakiramdam ko ay mababa ang katayuan ng pagho-host sa mga kapatid, at naghangad ako ng mas kilala at prominenteng tungkulin. Pakiramdam ko ay laging mas luntian ang damo sa kabilang panig, at hindi ko magawang manatiling nakaapak sa lupa at gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Sa puso ko, lumaban pa nga ako sa Diyos. Naging mapagmataas ako hanggang sa puntong lubhang wala sa katwiran. Naisip ko si Job, na pinakadakila sa lahat ng tao sa Silangan. May mataas siyang katayuan at kilalang-kilala, pero hindi niya tiningnan ang kanyang sarili batay sa katayuan, o inintindi ang tungkol sa maibibigay nitong katanyagan sa kanya. Hindi alintana kung may katayuan man siya o wala, nagawa ni Job na matakot at dakilain ang Diyos. Makatwiran si Job. Bagama’t hindi ako maikukumpara kay Job, gusto kong sumunod sa iniwan niyang halimbawa, at hangarin na maging isang kalipikadong nilikha. Nang tumigil ako sa paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagbago rin ang aking saloobin. Nakita ko na mahalaga ang bawat tungkulin, at kailangang-kailangan pa nga. Kung walang gaganap bilang host, mawawalan ng angkop na kapaligiran ang mga kapatid kung saan mapapanatag ang kanilang loob at magagawa nila ang kanilang tungkulin. Magmula noon, sadyang pinagsikapan kong maghimagsik laban sa aking sarili, at inilaan ang aking mga pagsisikap sa paghahanda ng masasarap na pagkain at sa pagprotekta sa kaligtasan ng mga sister para payapa nilang magawa ang kanilang tungkulin. Unti-unti, hindi ko na naramdaman ang anumang agwat sa katayuan sa pagitan namin, at tahimik na akong umaawit ng mga himno habang nagluluto. Pagkatapos ng aking gawain, magdadasal-magbabasa ako ng mga salita ng Diyos, papayapain ang aking puso, at pagbubulayan kung ano ang nakamit ko mula sa aking karanasan, at saka magsusulat ng mga artikulong batay sa karanasan. Araw-araw, namuhay ako ng isang kasiya-siyang buhay. Naramdaman ko na isa itong mapayapang paraan ng pamumuhay, at nakalaya na ang puso ko.