4. Huwag Pagdudahan ang mga Taong Kinukuha Mo sa Trabaho: Tama Ba Iyon?
Noong Hulyo 2020, nahalal ako bilang lider, at pinamahalaan ko ang gawain ng ilang iglesia. Kahahalal lamang kay Sister Liu Jing bilang lider sa isa sa mga iglesiang iyon. Nakatrabaho ko na siya dati, at medyo kilala ko siya. Siya ay may hustong pag-iisip, matatag, tumitingin sa mga bagay-bagay mula sa lahat ng anggulo, at may pasanin sa kanyang tungkulin. Lagi niya akong tinutulungan gamit ang pagbabahagi ng mga salita ng Diyos kapag nagkakaroon ako ng mga problema o paghihirap. Pakiramdam ko ay maaasahan naman siya, kaya pakiramdam ko ay hindi ko na masyado kailangang alalahanin ang kanyang iglesia at maibibigay ko ang higit na lakas ko sa iba pang iglesia. Kaya, pagkatapos pagbilinan si Liu Jing kung paano aasikasuhin ang iba’t ibang aytem ng gawain, hindi ko na masyadong inalala ang gawain niya. Sa panahong ito, nakita kong may landas siya sa gawain niya at nakakukuha ng mga resulta sa iba’t ibang aytem ng gawain niya, at lalo pang napalagay ang isipan ko dahil dito. Naisip ko na kahit na hindi ko sinusuri ang mga bagay-bagay, mabilis niyang malulutas ang anumang paghihirap o problemang kahaharapin niya. Kaya sa loob ng sunud-sunod na tatlong buwan, hindi ko sinuri o detalyadong kinumusta ang gawaing pinamamahalaan niya, at inirekomenda pa nga siya bilang kandidato sa isang halalan para sa mas mataas na posisyon ng pamumuno.
Tapos noong Disyembre, nakatanggap ako ng liham mula sa lider ko na nagsasabing nasuri ng ilang kapatid na hindi gumagawa ng tunay na gawain si Liu Jing. Sinabihan niya ako na kumustahin at suriin ang gawain nito, at sinabi na, sa ngayon, hindi ito angkop na kandidato para sa halalan. Nabigla talaga ako nang makita ito: “Hindi siya gumagawa ng tunay na gawain? Paano nangyari ito? Kung ganito ang sitwasyon, paano nagkakaroon ng mga resulta ang iglesia niya sa gawain nito nitong nakaraang ilang buwan? Katatapos pa lang magsanay bilang lider ng kapareha niyang si Sister Wu Xinming, kaya hindi pa ito lubos na pamilyar sa gawain. Hindi ba’t pinapasan ni Liu Jing ang lahat ng gawain para sa iglesiang iyon? Ang mga lider bang nagsasabi na hindi siya gumagawa ng tunay na gawain ay pinagbabatayan lang ang sinasabi sa mga pagsusuring iyon nang hindi talaga nauunawaan ang sitwasyon? Nakatrabaho ko na si Liu Jing noon at medyo kilala ko na siya. Kamakailan, naaresto sa kanyang iglesia ang ilang kapatid. Abala siya sa pagharap sa naging resulta matapos ang pangyayari, at malamang na wala nang oras para sa iba pang bagay. Kahit na tila nga hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, katanggap-tanggap naman iyon. Hindi ako puwedeng magkamali tungkol sa kanya.” Tiningnan ko ang mga pagsusuri mula sa mga kapatid at natuklasan kong isinulat nila ang mga paraang hindi nakagawa si Liu Jing ng mga tunay na gawain sa tungkulin niya noon. Napaisip ako, “Ano ba ang problema nila? Sinusunggaban lang nila ang mga dating pagsalangsang ni Liu Jing sa halip na tingnan kung nagbago na ba siya. Ang gawain sa iglesia na siya ang namamahala ay naging epektibo nitong nakaraang ilang buwan. Nagawa niyang gumawa ng ilang tunay na gawain.” Mabilis kong ipinaliwanag ang sitwasyon sa lider at iminungkahi na tulutan si Liu Jing na patuloy na tumakbo sa halalan.
Pagkalipas ng ilang araw, nang makitang hindi ko sineseryoso ang usapin ng hindi paggawa ni Liu Jing ng aktuwal na gawain at na ipinagtatanggol ko pa rin siya, pinaalalahanan ako ng lider, “Kailangan nating tingnan ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon; hangga’t hindi pa natin nakakamit ang katotohanan at hindi pa tayo nagagawang perpekto, walang sinuman ang maaasahan—lahat tayo ay gagawa ng mga bagay-bagay sa sarili nating paraan, at batay sa ating tiwaling disposisyon. Kung walang pangangasiwa, makagagawa ang kahit na sino ng mga bagay na lumalaban sa Diyos at nakapipinsala sa gawain ng iglesia. Kaya pagdating sa gawain ng iglesia, hindi tayo puwedeng magkaroon ng lubos na tiwala sa kahit sino. Sa pamamagitan ng aktuwal na pagtatanong at pangangasiwa sa gawain, saka lang natin matutuklasan at malulutas ang mga problema sa oras. Ito ay pag-ako ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia.” Sinabi ko na gagawin ko ito, pero iniisip ko, “Ang pangangasiwa ay kinakailangan, pero hindi ako dapat maging mapaghinala sa lahat ng bagay. Sino ang may ayaw na hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang isang tungkulin? Ang sambahayan ng Diyos ay hindi katulad ng mundo ng walang pananampalataya. Dapat ay pagkatiwalaan ng mga kapatid ang isa’t isa at hindi maging bantay-sarado sa isa’t isa. Sinabi ko na sa iyo na may dahilan sa hindi paggawa ni Liu Jing ng ilan sa gawain niya, pero hindi ka naniniwala roon. Susuriin ko nang mabuti ang mga bagay-bagay para ipakita sa iyo na hindi siya ganoong klase ng tao.” Kaya, pumunta ako para suriin ang gawain ni Liu Jing. Hindi nagtagal ay natuklasan ko na pangunahing inako ng dati niyang kapareha na si Xinming ang karamihan ng kanilang gawain. Dahil naitalaga sa ibang gawain si Xinming kamakailan, nagsimula nang bumagsak ang mga resulta ng iba’t ibang aytem ng gawain. Isa pa, sinabihan ko si Liu Jing na tanggalin ang isang hindi angkop na lider ng grupo na may apelyidong Chen, at hindi pa rin ito nagagawa. Hindi rin niya magawang makipagtrabaho nang maayos sa diyakono ng pagdidilig at hindi nagbibigay-pansin sa gawain ng pagdidilig ng mga baguhan. Nang makita ko kung ano ang nagawa ni Liu Jing sa gawain ng iglesia, medyo nakonsensiya ako. Pinaalalahanan ako ng lider na kumustahin at pangasiwaan ang kanyang gawain, pero hindi ko ginawa iyon dahil masyadong malaki ang tiwala ko sa kanya. Naisip ko na yamang nasa puwesto na siya, dapat siyang mabigyan ng karapatan na magtrabaho nang malaya. Kailanman ay hindi ko inakala na magkakaganito ito. Nagbalik-tanaw ako sa mga pakikipag-ugnayan namin noon—mukhang hindi siya ang klase ng tao na puro salita lang, pero hindi gumagawa ng tunay na gawain. May mga kakaibang pangyayari ba na umaantala sa kanya? Habang pinag-iisipan ko ito, sinabi ni Liu Jing, “Ang ilan sa mga kapatid sa iglesia namin ay inaresto kamakailan. Naging mahirap ang pagharap sa mga resulta niyon at wala pa akong oras para sa lahat.” Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ko ito. Kagaya nga ng sinabi ko—hindi si Liu Jing ang klase ng tao na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Malaking oras at lakas niya ang kinain ng pamamahala sa lahat ng gawaing iyon pagkatapos ng pang-aaresto. Hindi nagawa nang mabuti ang ilang gawain, pero nauunawaan naman ito. Walang sinuman ang perpektong nakagagawa ng tungkulin. Kaya, nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa mga pinsala at kahihinatnan ng hindi paggawa ng tunay na gawain, at sinabihan siyang tanggalin agad-agad si Chen. Sumang-ayon siya rito. Ngunit lumipas na ang ilang panahon, at nabalitaan kong hindi pa rin natatanggal si Chen. Mabilis akong pumunta para alamin ang sitwasyon ng tungkulin ni Liu Jing. Sinabi sa akin ng kapareha niya, “Sa tuwing inaatasan mo kami ng gawain, lubos iyong sinasang-ayunan ni Liu Jing, pero hindi ko siya nakikitang ipinatutupad ang alinman sa mga ito. Katatanggap ko lang sa posisyon ng pamumuno, kaya hindi ako pamilyar sa mga detalye ng gawain, at hindi niya ako tinulungan. Kapag nahaharap sa mga problema o paghihirap, kailangan kong mangapa sa pamamagitan ng pagsandig sa Diyos.” Natigilan ako sa narinig ko sa sister. Paano nangyaring hindi nakagawa ng anumang tunay na gawain si Liu Jing? Hindi naman siya naging ganoon dati. Nakipagtipon ako sa kanya sa panahong ito—bakit hindi ko napansin ang mga problema sa kanya? Masyadong malaki ang tiwala ko sa kanya, at hindi ko pinangangasiwaan o sinusuri ang gawain niya. Humantong ito sa isang hindi angkop na lider ng grupo sa iglesia na nanatili sa puwesto nang napakatagal, at walang namamahala sa pagdidilig ng mga baguhan. Naantala nito ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng iba. Tunay na nakagawa ako ng kasamaan. Nang makita ko si Liu Jing pagkatapos niyon, sinabi niyang pinungusan siya ng ilang kapatid sa nakaraang dalawang araw dahil hindi siya nakagawa ng tunay na gawain. Talagang nagsisisi siya. Umiiyak siya, sinasabing naging iresponsable siya at iniraraos lang ang kanyang gawain, at na wala siyang pagkatao. Naisip kong napagtanto na niya kung gaano kalubha ang mga problema niya, at siguradong magbabago na siya pagkatapos niyon, kaya napagpasyahan kong bigyan siya ng isa pang pagkakataon na magsisi, huwag muna siyang tanggalin sa ngayon, at higit pa siyang suportahan mula ngayon. Hindi nagtagal, ipinaalam ko ang kanyang mga problema at sinabihan siyang itama agad-agad ang kanyang mga paglihis, at tanggalin ang lider ng grupo na iyon na kailangang tanggalin. Puro siya mga pangako, ngunit kahit pa tinanggal niya nga si Chen kalaunan, sa pangkalahatan ay hindi pa rin nagbunga ng mga resulta ang gawain. Kalaunan, binanggit sa akin ng iba na may natuklasan silang ilang malubhang problema kay Liu Jing. Matapos maaresto ang ilang kapatid, hindi niya kaagad pinrotektahan ang pag-aari ng iglesia, at hindi maagap na nakipagtulungan sa iba’t ibang aytem ng gawain, na nangangahulugang walang anumang natapos sa gawain. Ang pinakanakagagalit ay hindi niya agad iwinasto ang masasamang tao na nakagagambala sa iglesia, bagkus ay naging abala sa kanyang mga personal na gawain, inilalagay sa kaguluhan ang gawain ng iglesia. Nakita kong hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain si Liu Jing at hindi talaga totoong nagsisisi. Lubos akong nakonsensiya. Kailanman ay hindi ko inakalang magkakaganoon ang mga bagay-bagay. Naging bahagi ako ng kanyang kasamaan at nakagawa ng mga pagsalangsang sa harap ng Diyos. Namuhi rin ako sa sarili ko dahil masyado akong nagtitiwala, at dahil hindi ko kinumusta nang mas maaga ang gawain niya. Labis iyong nakapinsala sa gawain ng iglesia. Pinuntahan ko kaagad si Liu Jing para kausapin at inilantad ko ang bawat isa sa mga pag-uugali niya, at tinanggal ko siya sa huli.
Pagkatapos ay pinagalitan ako ng lider, “Bakit ba masyado kang nagtiwala sa kanya? Ipinagkatiwala mo sa kanya ang ganoon kahalagang gawain nang hindi ito pinangangasiwaan o nang hindi nagtatanong tungkol dito. Paano mo nagawang maging masyadong tiwala?” Nagbasa rin siya ng ilang salita ng Diyos para sa akin: “Hindi kailanman nag-uusisa ang mga huwad na lider tungkol sa mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o hindi nag-aasikaso ng kanilang marapat na gawain. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor, at tapos na ang usapin, at na pagkatapos ay maaari nang asikasuhin ng superbisor ang lahat ng gawain nang mag-isa. Kaya, paminsan-minsan lang nagdaraos ng mga pagtitipon ang mga huwad na lider, at hindi nila pinangangasiwaan o kinukumusta ang gawain, at kumikilos sila na parang mga boss na hindi nakikialam. Kung may nag-uulat ng problema sa isang superbisor, sasabihin ng isang huwad na lider, ‘Maliit na problema lang iyon, ayos lang. Kaya na ninyong pangasiwaan iyan nang kayo lang. Huwag ninyo akong tanungin.’ Sasabihin ng taong nag-ulat ng isyu, ‘Tamad na masiba ang superbisor na iyon. Nakatuon lang siya sa pagkain at paglilibang, at napakatamad niya. Ayaw niyang mahirapan kahit kaunti sa tungkulin niya, at palagi siyang nagpapakatamad nang mapanlinlang at nagdadahilan para makaiwas sa kanyang gawain at mga responsabilidad. Hindi siya bagay na maging superbisor.’ Sasagot ang huwad na lider, ‘Magaling siya noong pinili siyang maging superbisor. Hindi totoo ang sinasabi mo, o kahit pa totoo ito, pansamantalang pagpapamalas lang ito.’ Hindi susubukan ng huwad na lider na mag-alam pa tungkol sa sitwasyon ng superbisor, sa halip, huhusgahan at pagpapasyahan niya ang usapin batay sa kanyang mga nakaraang impresyon sa superbisor na iyon. Sino man ang nag-uulat ng mga problema tungkol sa superbisor, hindi siya papansinin ng huwad na lider. Hindi gumagawa ang superbisor ng aktuwal na gawain, at muntik pang mahinto ang gawain ng iglesia, ngunit walang pakialam ang huwad na lider, para bang hindi man lang siya sangkot dito. … may nakamamatay na kapintasan ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano ibinubunyag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit kailangan nilang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Ang mga huwad na lider ay masyadong mayabang at mapagmagaling, hindi ba? Ang iniisip nila ay, ‘Hindi maaaring nagkamali ako sa paghusga sa taong ito, wala dapat na maging anumang problema sa taong natukoy ko na angkop; siguradong hindi siya isang taong nagpapakasasa sa pagkain, pag-inom, at paglilibang, o mahilig sa kaginhawahan at namumuhi sa pagsisikap. Siya ay lubos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Mayroon ka ba ng natatanging kasanayan na iyon? Maaaring makasama mo ang isang tao nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasang diwa? Kung hindi siya ibinunyag ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasang diwang mayroon siya. At lalo pang totoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama. Basta-bastang nagtitiwala sa isang tao ang mga huwad na lider batay sa isang panandaliang impresyon o sa positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at nangangahas silang ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa gayong tao. Sa bagay na ito, hindi ba’t lubha silang nagiging bulag? Hindi ba’t kumikilos sila nang walang ingat? At kapag ganito sila gumawa, hindi ba’t nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, sinabi ng lider, “Hindi natin tunay na makikilatis ang diwa ng isang tao, kaya kailangan nating suriin at kumustahin nang regular ang gawain niya. Pagkatapos ay makikita natin ang mga paglihis at isyu sa gawain niya at mababago at malulutas ang mga ito sa oras. Halos mapahinto na ni Liu Jing ang gawain ng iglesia pagkaraan ng paggawa ng gawain sa loob lamang ng ilang buwan. Ito ang mga kahihinatnan ng pagiging palalo mo, bulag na pagkakaroon ng labis na tiwala sa kanya at hindi pangungumusta o pagsusuri sa kanyang gawain. Paggawa iyon ng kasamaan!” Dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos at sa pagbabahagi ng lider, nakaramdam ako ng takot pagkatapos niyon, nabalisa at nakonsensiya ako. Namuhi ako sa sarili ko dahil sa hindi pagtingin sa mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos, bagkus ay pikit-matang nagtiwala sa kanya, na nakapinsala sa gawain ng iglesia. Sa pagbabalik-tanaw kung paano ko hinarap si Liu Jing, hindi sa hindi ko matuklasan ang mga isyu niya, kundi sa tuwing nakikita ko ang mga iyon, kumakapit ako sa sarili kong paniniwala. Nagbatay ako sa dati kong kaalaman tungkol sa kanya para pikit-matang tukuyin na isa siyang responsableng tao na may pasanin sa kanyang tungkulin na nararapat pagkatiwalaan. Sa wakas ay ipinakita sa akin kapwa ng pagsisiwalat ng mga katunayan at ng paglalantad ng mga salita ng Diyos na ang panandaliang pagkilos nang maayos at paggawa ng ilang tunay na gawain ay hindi nangangahulugang laging magiging ganoon ang isang tao. Wala pang sinuman sa atin ang nagkakamit ng katotohanan, hindi pa nagbabago ang mga disposisyon natin sa buhay, kontrolado tayo ng ating tiwaling kalikasan, maaari pa rin nating iraos lang ang gawain at linlangin ang Diyos, at kung minsan ay gagawin lang natin ang gusto natin, kaya hindi tayo karapat-dapat pagkatiwalaan. Hindi mo talaga mauunawaan ang isang tao nang walang mahabang panahon ng pakikipag-ugnayan at obserbasyon, at, kahit na ganoon, maaaring hindi mo pa rin siya lubos na makilala. Kailangan mo ring maunawaan ang katotohanan para makilatis ang diwa ng isang tao. Nakatrabaho ko lang si Liu Jing sa maikling panahon, kaya inakala kong kilalang-kilala ko na siya at hindi na ako magkakamali sa paghusga sa kanya. Masyado ko siyang pinagkatiwalaan na hindi ko kinumusta o sinuri ang gawain niya. Paulit-ulit na akong pinaalalahanan ng lider, pero pikit-mata ko pa ring pinagkatiwalaan ang sarili kong paghusga—labis akong mapagmataas, labis na palalo, at talagang hindi ko pinanagutan ang gawain. Nagsisi ako nang husto nang mapagtanto ko ito, at ayaw ko nang manatiling ganoon.
Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili—bakit ba masyado kong pinagkatiwalaan si Liu Jing nang hindi kinukumusta ang gawain niya? Ano ang ugat nito? Isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ligtas na sabihin na halos lahat ng tao ay itinuturing ang kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’ bilang katotohanan, at nalilihis at nakatali sila rito. Naguguluhan at naiimpluwensiyahan sila nito kapag pumipili o gumagamit sila ng mga tao, at hinahayaan pa nila itong diktahan ang kanilang mga kilos. Dahil dito, maraming lider at manggagawa ang palaging nahihirapan at nag-aalala tuwing sinusuri nila ang gawain ng iglesia at itinataas nila ng ranggo at ginagamit ang mga tao. Sa huli, ang tanging magagawa nila ay aliwin ang sarili nila sa mga salitang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Tuwing nagsisiyasat sila o nagtatanung-tanong tungkol sa gawain, iniisip nila na, ‘“Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Dapat akong magtiwala sa aking mga kapatid, tutal naman, sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang mga tao, kaya hindi ako dapat palaging magduda at mangasiwa sa iba.’ Naimpluwensiyahan na sila ng kasabihang ito, hindi ba? Ano ang mga resultang dulot ng impluwensiya ng kasabihang ito? Una sa lahat, kung ang isang tao ay sumasang-ayon sa ideyang ito ng ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,’ sisiyasatin at gagabayan ba niya ang gawain ng iba? Pangangasiwaan at susubaybayan ba niya ang gawain ng mga tao? Kung nagtitiwala ang taong ito sa lahat ng ginagamit niya at hindi kailanman sinisiyasat o ginagabayan ang mga ito sa gawain nila, at hindi sila kailanman pinangangasiwaan, ginagawa ba niya nang tapat ang kanyang tungkulin? Magagawa ba niya nang mahusay ang gawain ng iglesia at makukompleto ang atas ng Diyos? Nagiging tapat ba siya sa atas ng Diyos? Pangalawa, hindi lang ito kabiguang sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, ito ay ayon sa mga pakana at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ni Satanas na para bang ang mga ito ang katotohanan, at pagsunod at pagsasagawa ng mga iyon. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa isang satanikong pilosopiya, hindi ba? Hindi ka isang tao na nagpapasakop sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Ganap na salbahe ka. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay pagsunod sa isang satanikong kasabihan at pagsasagawa nito bilang katotohanan, ay pagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos! Gumagawa ka sa sambahayan ng Diyos, pero ang mga prinsipyo ng iyong mga pagkilos ay mga satanikong lohika at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong nagkakanulo sa Diyos at isang taong labis na hinihiya ang Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyon ang diwa nito? (Iyon nga.) Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong lumaganap sa iglesia ang isa sa maladiyablong kasabihan ni Satanas at ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at inaalalayan mo si Satanas sa pagsasagawa ng mga gawain nito sa iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng iglesia. Napakalubha ng diwa ng problemang ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Namumuhay ako ayon sa satanikong pilosopiya na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,” iniisip na yamang pakiramdam ko ay ayos naman ang isang tao, at nasa puwesto pa rin siya, kailangan kong magtiwala sa kanya. Kaya naman napakalaki ng tiwala ko kay Liu Jing at hindi ko kinumusta o inunawa ang gawain niya. Kahit nang nalantad ang mga problema niya at pinaalalahanan ako ng lider na suriin ang kanyang gawain, hindi ko pa rin ito inintindi. Inisip kong ang pangungumusta at pangangasiwa sa gawain niya ay nangangahulugan ng kawalan ng tiwala, at kahit na nalaman kong hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, nang marinig ko siyang umiiyak, nagkukuwento tungkol sa kanyang mga tunay na paghihirap at nagpapahayag ng pagsisisi, nagpasya akong paniwalaan siya sa halip na tanggalin siya, pinahintulutan siyang pinsalain ang gawain ng iglesia at magdulot ng malalaking kawalan sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Bilang isang lider, hindi lamang ako nabigong protektahan ang gawain ng iglesia, kundi umakto ako bilang pananggalang para sa isang huwad na lider. Naging isa akong sagabal at balakid sa landas sa gawain ng iglesia. Ito ang mga kinahinatnan ng pagtrato ko sa mga tao batay sa satanikong kabulaanan na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Kinikilatis ito ngayon batay sa mga salita ng Diyos, nakita ko kung gaano talaga kakakatwa ang perspektibang ito. Lubos itong kontra sa mga salita ng Diyos at sa hinihingi Niya. Ang hinihingi ng Diyos na pangasiwaan at kumustahin ng mga lider ang gawain ay tinutukoy batay sa diwa ng tiwaling sangkatauhan. Dahil ang tao ay may tiwaling disposisyon, bago natin makamit ang katotohanan o mabago ang ating mga disposisyon sa buhay, hindi tayo maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Maging ang mga taong may mabuting pagkatao ay maaaring gawin ang gusto nila at gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila maprinsipyo sa kanilang mga kilos, at may mga tiwaling disposisyon. Walang makakapagkaila sa katunayang ito. Hinihingi ng Diyos na pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang gawain dahil nauunawaan ng Diyos ang diwa ng mga tao. Ang pangangasiwa at pagsusuri sa gawain ay nakatutulong sa mga tungkulin natin, at kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Pero itinutulak tayo ng satanikong ideya na, “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho,” na pikit-matang magtiwala sa iba, sa pag-iisip na ang pagpapasa ng gawain ay nangangahulugang puwede na nating hayaan ang taong iyon na gawin ang anumang gusto niya, at na ang pagsusuri at pangangasiwa sa gawain niya ay nagpapakita ng kawalan ng tiwala. Kung panghahawakan natin ang pananaw na ito habang ginagawa ang ating tungkulin, at hindi natin kukumustahin o papangasiwaan ang gawain sa oras, makaaantala at makapipinsala lang ito sa gawain ng iglesia. Ginawa ko ang mga tungkulin ko nang hindi tinitingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos, o nang hindi isinasagawa ang hinihingi Niya, at sa halip ay pinaniniwalaan at itinataguyod ang mga satanikong pilosopiya at sinusunod ang mga panlilinlang ni Satanas na para bang ang mga iyon ang katotohanan. Ito ay pagtatatwa sa katotohanan at pagkakanulo sa Diyos. Pagtayo rin ito bilang kasabwat ni Satanas at paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Lalo akong natatakot habang iniisip ito. Nakita kong wala akong mga prinsipyo sa tungkulin ko, at na hindi ako nagbabatay sa mga salita o hinihingi ng Diyos. Hindi sinasadyang nakagagawa ako ng kasamaan. Ang mga kahihinatnan ng hindi paggawa sa tungkulin ko batay sa mga katotohanang prinsipyo ay talagang nakatatakot!
Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Naniniwala ka ba na tama ang pananaw na ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’? Katotohanan ba ang kasabihang ito? Bakit gagamitin niya ang kasabihang ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa paggawa ng kanyang tungkulin? Ano ang problema rito? ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’ ay malinaw na mga salita ng mga walang pananampalataya, mga salitang nagmumula kay Satanas—kaya bakit niya itinuturing na katotohanan ang mga iyon? Bakit hindi niya masabi kung tama o mali ang mga salitang iyon? Malinaw na mga salita ito ng tao, mga salita ng tiwaling sangkatauhan, talagang hindi katotohanan ang mga ito, lubos na salungat ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at hindi dapat magsilbing pamantayan sa mga kilos, asal, at pagsamba sa Diyos ng mga tao. Kaya paano nararapat unawain ang kasabihang ito? Kung talagang may kakayahan ka sa pagkilatis, anong klaseng katotohanang prinsipyo ang dapat mong gamitin bilang kapalit nito para magsilbing prinsipyo mo sa pagsasagawa? Dapat ito na ‘isagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong isipan mo.’ Ang kumilos nang buo mong puso, at nang buo mong kaluluwa, at nang buo mong isipan ay ang hindi mapigilan ninuman; ito ay ang maging iisa ng puso at isipan, at wala nang iba pa. Ito ang iyong responsabilidad at ang iyong tungkulin, at dapat mong gampanan ito nang maayos, dahil ang paggawa nito ay ganap na natural at makatwiran. Anuman ang mga problemang nakakatagpo mo, dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Pangasiwaan ang mga ito ayon sa nararapat; kung kinakailangan ang pagpupungos, gawin ito, at kung kinakailangan ang pagtatanggal, gawin din ito. Sa madaling salita, kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang prinsipyo?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus: Kung Ano ang Katotohanan). “Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay unawain at arukin kung kumusta na ang gawain. Dapat naroroon mismo siya upang mag-asikaso ng mga bagay-bagay at magtanong, upang siya mismo ang makakuha ng impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga usap-usapan, o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao. Sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanyang mga mata ang sitwasyon ng tauhan, at kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at unawain kung anong mga problema ang mayroon, kung may anumang aspekto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng Itaas, kung may mga paglabag ba sa mga prinsipyo, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan o mga nauugnay na materyales sa pagtuturo tungkol sa propesyonal na trabaho—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa karami ang mahinuha niya mula sa mga sabi-sabi, wala sa mga ito ang makakatalo sa personal na pagbisita; mas tumpak at maaasahan kung makikita nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang mga mata. Sa sandaling pamilyar na siya sa lahat ng aspekto ng sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Lalong dapat mayroon siya ng isang malinaw at tumpak na pagkaarok sa kung sino ang may mabuting kakayahan at karapat-dapat na linangin, dahil ito lang ang nagpapahintulot sa kanila na tumpak na linangin at gamitin ang mga tao, na siyang napakahalaga para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang mahusay. Ang mga lider at manggagawa ay dapat may landas at mga prinsipyo sa kung paano lilinang at magsasanay ng mga taong may mabuting kakayahan. Dagdag pa rito, dapat may pagkaarok at pagkaunawa sila sa iba’t ibang uri ng problema at paghihirap na umiiral sa gawain ng iglesia, at alam nila kung paano lutasin ang mga ito, at dapat may sarili rin silang mga ideya at mungkahi kung paano mapapausad ang gawain, o ang mga pagkakataon nito sa hinaharap. Kung malinaw silang nakapagsasalita tungkol sa gayong mga bagay nang walang kahirap-hirap, nang walang anumang pagdududa o agam-agam, lalong magiging mas madaling isagawa ang gawain. At sa paggawa sa ganitong paraan, maisasakatuparan ng isang lider ang mga responsabilidad niya, hindi ba? Dapat batid nilang mabuti kung paano lutasin ang mga isyu sa gawaing nabanggit sa itaas, at dapat nilang pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito. Kapag nakakatagpo sila ng mga problema, kailangan nilang makipagbahaginan at makipagtalakayan tungkol sa mga bagay na ito kasama ang lahat, hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyu. Sa paggawa ng tunay na gawain sa ganitong praktikal na paraan, hindi magkakaroon ng mga problemang hindi malulutas” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Ibinigay sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa para sa paggawa ng tunay na gawain. Kailangan nating tuparin ang mga responsabilidad natin nang buong puso, at buong isip natin. Kahit sino pa ang ginagamit, kilala man natin ito o hindi, ang isang lider na may tunay na pasanin at tunay na pagpapahalaga sa responsabilidad ay palaging kukumustahin at aalamin ang pag-usad ng gawain, at agad na lulutasin ang mga problema sa oras na matuklasan ang mga ito, at itatalaga sa ibang tungkulin ang tauhang hindi angkop nang napapanahon. Makikipagtulungan din sila nang maayos sa lahat ng tao, at sama-sama silang maghahanap sa katotohanan para malutas ang anumang paghihirap o problemang kinahaharap. Tinitiyak nito na mayroong maayos at wastong pag-usad ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, nalaman ko kung bakit pinanghawakan ko pa rin ang satanikong kabulaanan na, “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho,” kahit na alam kong kailangan kong maging responsable sa tungkulin ko. Iyon ay dahil pinanghahawakan ko ang isang kakatwang pananaw, iniisip na ang pangangasiwa sa gawain ng isang tao ay kawalan ng tiwala, na napipigilan sila rito at pinagkakaitan sila ng kalayaan, gaya ng pagiging isang superbisor sa panlabas na mundo. Ngayon ay nakita ko nang kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos na pangasiwaan at ipatupad ng mga lider at manggagawa ang gawain, hindi ito para pigilan ang sinuman o hindi sila pagkatiwalaan. Bagkus ay ginagawa ito upang maghanap ng mga problema at mabilis na ayusin ang mga paglihis. Ito rin ay para tulungan ang mga kapatid na magawa nang mabuti ang kanilang mga tungkulin at protektahan ang mga interes ng iglesia. Isa sa malalaking responsabilidad ng isang lider at manggagawa ay mangasiwa at mangumusta sa gawain, maunawaan at maintindihan ang pamamaraan ng bawat tao sa gawain, mahanap ang mga paglihis at problema, at mabilis na maituwid at malutas ang mga ito. Nababawasan nito ang mga kawalang dala ng mga pagkakamaling mula sa pagiging iresponsable sa mga tungkulin ng mga tao. Iyon ang pag-ako ng responsabilidad para sa buhay pagpasok ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Pagkatapos niyon, detalyado kong siniyasat ang gawain ng bawat lider ng iglesia, at kahit pa pamilyar sila sa akin, masigasig kong siniyasat ang pag-usad ng iba’t ibang gawaing pinananagutan nila. Sa pamamagitan ng aktuwal na pagsusuring iyon, nakita ko ang isang lider na may apelyidong Xia na hindi gumagawa ng tunay na gawain o lumulutas ng mga tunay na problema. Mayroon din siyang mapaminsalang pagkatao, nambabatikos at nambubukod ng iba; ito ay mga gawa ng isang napakasamang kalikasan, at agad-agad namin siyang tinanggal. Kalaunan ay nalaman namin ang tungkol sa marami pang ibang masasamang gawa na nagawa niya sa pamamagitan ng paglalantad at mga ulat ng mga kapatid, at sa huli, hindi pa rin siya nagsisi pagkatapos ng maraming pagbabahaginan na naglalantad sa kanya. Sa huli ay natukoy namin na isa siyang anticristo at itiniwalag siya sa iglesia. Nang makita ko ang mga resultang ito, nagbalik-tanaw ako nang may takot. Kung hindi ko napagdaanan ang lahat ng iyon tungkol kay Liu Jing, na nagpabago sa mali kong pananaw na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho,” hindi ko sana maiisipang pangasiwaan o subaybayan ang gawain ni Xia. Kung nagkagayon, patuloy na pipinsalain ng anticristong iyon ang mga kapatid sa iglesia. Magiging kahindik-hindik ang mga kahihinatnan niyon. Ipinakita sa akin ng pagsasagawa dito ang kahalagahan ng pangangasiwa at pagsusuri sa gawain. Nadama ko na nakagawa na ako sa wakas ng kaunting tunay na gawain at napanatag na ang puso ko.
Ipinakita sa akin ng karanasang ito na ang paggawa ng tungkulin nang hindi tumitingin sa mga tao at bagay-bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos o nagsasagawa ng katotohanan, at sa halip ay nagtataguyod ng satanikong lohika at mga ideya, ay paglaban sa Diyos at paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kailangan nating sundin ang mga hinihingi ng Diyos tungkol sa pangungumusta at pangangasiwa sa gawain para magawa nang maayos ang isang tungkulin at maprotektahan ang gawain ng iglesia. Ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos ang nagpabago sa nakalilinlang kong pananaw. Salamat sa Diyos!