5. Kailangan ng Pagkamatapat Para Magampanan Nang Maayos ang Tungkulin

Ni Marion, USA

Ako ang namamahala sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya sa iglesia. Ang ilang bagong mananampalataya ay medyo kamakailan lamang sumapi, at nakita ko na ilan sa kanila ay hindi gaanong nagsasalita sa mga pagtitipon at hindi regular na pumupunta. Pumupunta lang sila kapag gusto nila. Nang isa-isa akong nakipagbahaginan sa kanila, gusto nilang pag-usapan kung paano kumita ng pera at kung paano makakaipon ng yaman ang pamilya, pero sa sandaling banggitin ang pananalig, naghahanap sila ng dahilan para ibaba ang tawag. Pakiramdam ko ay hindi sila interesado sa katotohanan at parang hindi sila mga tunay na mananampalataya. Pero hindi ako lubos na nakatitiyak dahil bago pa lamang sila sa pananalig, kaya patuloy ko silang sinuportahan. Ganoon pa rin sila makalipas ang ilang panahon at unti-unti silang tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon. Saka ko lang sinabi sa lider ang mga sitwasyon nila. Tinanong niya ako, “Paano mo sila dinidiligan? Normal silang dumadalo noong kasama nila ang ibang mga tagapagdilig, kaya bakit hindi na ganoon ngayong kasama mo sila? Talaga bang natupad mo ang mga responsabilidad mo at malinaw kang nagbahagi? Kung hindi regular na nagtitipon ang mga bagong mananampalataya dahil sa pabaya nating paggawa sa ating tungkulin, tayo lamang ang may pananagutan dito.” Alam kong sinasabi niya iyon dahil nakararamdam siya mismo ng pagpapahalaga sa responsabilidad para sa gawain, pero hindi ko mapigilang mag-isip ng mga pangangatwiran. Naisip ko, “Lahat ng tao ay puwedeng magbago.” “Dahil lamang regular na dumadalo ang mga bagong mananampalataya noon ay hindi nangangahulugang lagi nilang gagawin iyon. Isa pa, hindi sila regular na nakikipagtipon noong una ko silang makilala, kaya hindi ito biglaang pagbabago. Gusto ko lang silang diligan sandali at tingnan kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay, kaya hindi ko agad sinabi sa iyo. Kung ako ang pananagutin mo dahil sa hindi nila pagdalo, kakailanganin kong pasanin ang mga kahihinatnan, at maaari akong pungusan, o tanggalin pa nga. Kung una pa lang ay alam ko na iyon, kinausap na sana kita nang mas maaga para hindi ko kailangang akuin ang buong pananagutan.” Hindi ako pinanagot ng lider dito, matapos niyang suriin ito, ngunit pagkatapos noon ay hindi ko maiwasang maging mapagbantay tungkol dito sa mga pakikipag-ugnayan ko sa mga bagong mananampalataya. Kapag nakita kong ang isa sa kanila ay may problema o hindi pumupunta sa mga pagtitipon, nagmamadali akong sabihin sa lider. Minsan, tinatanong ako ng lider kung ano ang ipinupunto ko at kung binabalak ko bang ihinto ang pagdidilig sa kanila. Sinasabi ko, “Hindi, ikaw ang lider. Gusto ko lang malaman mo kung ano ang nangyayari sa mga bagong mananampalataya.” Wala na siyang sinasabi pa pagkatapos kong sabihin iyon. Kung minsan, pagkatapos kong sabihin sa kanya ang tungkol dito, sinasabi niyang patuloy ko silang diligan pa nang kaunti at kung ayaw talaga nilang makipagtipon, hindi sila mapipilit, at kailangan na lang namin silang bitawan. Lubos akong sumasang-ayon, at naiisip ko, “Ngayong alam na ng lider ang sitwasyon sa mga bagong mananampalataya, ang kailangan ko na lang gawin ay ang sumuporta. Kung gagana ang pagsuporta, mas mabuti, at kung hindi naman, at ayaw nang dumalo ng mga bagong mananampalataya, hindi na iyon nakagugulat at hindi sasabihin ng lider na naging iresponsable ako sa aking tungkulin.” Nang nasa isip iyon, tumigil ako sa pagiging napakamaasikaso sa tungkulin ko. Araw-araw, nagdidilig lang ako sa nakagawiang paraan. Tuwing tinatawagan ko ang isang bagong mananampalataya, nagbabahagi ako nang kaunti kapag sumagot siya, at hindi nag-aalala kung hindi. Iniisip ko na wala na akong magagawa pa kung hindi siya sumagot, at hindi ko iniisip kung ano ang puwede kong gawin para makatulong na lutasin ang kanyang mga isyu. Sa isang pagtitipon kalaunan, sinabi ng lider na kapag nagtatanong siya tungkol sa gawain ng pagdidilig mula noon, habang nakikinig sa sinasabi ng mga tagapagdilig tungkol sa mga sitwasyon ng mga bagong mananampalataya, gusto niya ring malaman kung anong mga aspekto ng katotohanan ang ibinahagi sa kanila ng mga tagapagdilig at partikular na kung paano sila sinuportahan ng mga ito. Batay roon, tinataya niya kung gumagawa ba ng tunay na gawain ang mga tagapagdilig. Kung hindi isinasapuso ng isang tagapagdilig ang pagbabahagi sa mga bagong mananampalataya tungkol sa katotohanan, at dahil dito ay hindi sila regular na dumadalo o kaya ay umaalis pa nga, magiging responsabilidad iyon ng tagapagdilig. Nang marinig ko iyon, naisip ko kung paanong noong nagbabahagi ako sa mga bagong mananampalataya, hindi ko itinatala kung aling mga salita ng Diyos ang binasa ko o kung tungkol sa anong mga katotohanan ako nagbahagi. Nangangahulugan iyon na wala akong patunay ng gawain kung sakaling tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon ang isang bagong mananampalataya. Iisipin ba ng lider na hindi ako gumagawa ng anumang tunay na gawain at na iresponsable ako sa pagdidilig, at pagkatapos ay pupungusan niya ako? Kaya, sinimulan kong mas bigyang-pansin ang pagpapadala ng mga mensahe at mga salita ng Diyos sa mga bagong mananampalataya, at pagtatala ng pinag-usapan namin sa tuwing nakikipagbahaginan ako sa isang bagong mananampalataya. Kung minsan ay hindi sumasagot ang isang bagong mananampalataya kapag nagpapadala ako sa kanya ng mensahe, pero hindi ako masyadong nababagabag. Naiisip ko na ipinadala ko na sa kanya ang lahat ng salita ng Diyos na dapat kong ipadala at nagbahagi na ako tungkol sa kung anong kailangan kong pagbahaginan. Kung titigil siya sa pagpunta sa mga pagtitipon, makikita ng lider ang talaan ko at malamang ay hindi niya ako tatawaging iresponsable.

Makalipas ang ilang panahon, napansin ng lider na ang ilan sa mga bagong mananampalataya ay ayaw pa ring makipagtipon, at tinanong niya kung paano ko sila diniligan. Agad kong ipinakita sa kanya ang mga itinala ko, iniisip ko, “Mabuti na lang ay nakapaghanda ako at gumawa ng mga rekord. Kung hindi, wala akong anumang kongkretong maipakikita at ano na lang ang sasabihin sa akin ng lider kapag nagkagayon.” Habang nasisiyahan ako sa sarili ko, sinabi ng lider, “Wala akong makitang anumang problema mula sa mga talang ito, pero ilang bagong mananampalataya ang magkakasunod na huminto sa pagdalo sa mga pagtitipon, kaya tiyak na may isyu sa gawain mo. Hindi ko makita nang malinaw sa ngayon kung ano iyon, ngunit sa ating mga pag-uusap kamakailan ay marami kang sinabi tungkol sa mga isyu sa mga bagong mananampalataya, na medyo hindi karaniwan. Kailangan mong pag-isipan kung nasaan ang problema. Kung umaalis sa iglesia at tumatalikod sa pananalig ang mga bagong mananampalataya dahil pabasta-basta ang paggawa mo sa trabaho at hindi mo sila maayos na nadidiligan, pagiging iresponsable mo iyon at hindi paggawa nang maayos sa iyong tungkulin.” Talagang tinamaan ako sa sinabi niya. Natulala ako. Natakot ako na kung mga isyu sa akin ang dahilan ng pag-atras ng mga bagong mananampalataya, paggawa iyon ng kasamaan. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, may pahintulot Mo na ginulat ako nito ng lider ngayong araw, kaya siguradong may aral akong dapat matutunan. Ayaw ko pong mapinsala ang mga bagong mananampalatayang ito dahil sa mga isyu ko, pero napakamanhid ko rito, at hindi ko alam kung nasaan ang problema ko. Pakiusap bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako para makilala ko ang sarili ko at makapagbago ako agad.”

Sa mga sumunod na araw, nanalangin ako nang husto sa Diyos tungkol dito. Pagkatapos isang araw, may nabasa akong isang artikulo ng patotoong batay sa karanasan na may isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakaantig sa akin. Sinasabi ng Diyos: “Dapat mong suriin nang maigi ang iyong sarili para makita kung ikaw ay isang tamang tao. Ginagawa mo ba ang mga layon at intensiyon mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga iniisip at ideya. Hindi ka ba nakokonsensiya? Nagbabalatkayo ka at mahinahon kang umaasta nang may pagmamatuwid sa sarili; ginagawa mo ito para ipagsanggalang ang sarili mo. Ginagawa mo ito para ikubli ang iyong kasamaan, at naghahanap ka pa nga ng mga paraan upang itulak ang kasamaang iyan sa iba. Anong panlilinlang ang nananahan sa puso mo!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na magsisinungaling at magpapanggap ang mga tao para ipasa ang responsabilidad sa iba, upang maprotektahan ang kanilang mga interes at pagtakpan ang paggawa nila ng kasamaan, at sa ganitong paraan ay maprotektahan ang kanilang sarili. Mapanlinlang na pag-uugali ito. Pakiramdam ko ay nailantad ng mga salitang ito ang sarili kong kalagayan. Nagsimula akong pagnilayan ang aking sarili, napapatanong kung bakit palagi kong sinasabi sa lider ang mga problema sa mga bagong mananampalataya. Sa tuwing may nakikita akong may mga problema o hindi pumupunta sa mga pagtitipon, nagmamadali kong sabihin sa lider. Mukhang ibinabahagi ko lang ang mga katunayan, pero ang totoo ay mayroon akong personal na mga layon at layunin. Natakot ako na pananagutin ako ng lider o tatanggalin pa nga kung may huminto sa pagdalo, kaya agad kong pinigilang mangyari iyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga problema ng bagong mananampalataya, para bigyan ang lider ng maling impresyon na hindi mabuti ang bagong mananampalataya at na hindi ako ang responsable. Kung hindi ko siya sapat na masuportahan at tumigil siya sa pagdalo, problema na niya iyon. Sa ganoong paraan, magiging ganap na malinis ang mga kamay ko. Kung pagkatapos ay gusto niyang pumuntang muli sa mga pagtitipon, masasabing iyon ay dahil sa akin. Sa puntong ito ng pagninilay ko sa sarili, nagulat ako. Hindi ko kailanman inakala na may itinatago akong napakasama at kasuklam-suklam na mga motibo sa aking mga salita. Napakamapanlinlang ko!

Kalaunan, napaisip ako kung paanong hindi ko namalayang nauwi ako sa paggawa ng isang bagay na labis na hindi matapat at na mapanlinlang. Nagsimula lang ako na medyo maunawaan ang aking sarili sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, noong nagninilay ako. Sinasabi ng Diyos: “May isang halatang katangian ang kabuktutan ng mga anticristo, at ibabahagi Ko sa inyo ang sekreto sa pagkilatis dito: Ito ay na kapwa sa kanilang pananalita at sa kilos, hindi mo maarok ang kaibuturan nila o makilatis ang puso nila. Kapag kinakausap ka nila, umiikot ang mga mata nila, at hindi mo malaman kung anong klaseng pakana ang binabalak nila. Minsan, pinaparamdam nila sa iyo na tapat o talagang sinsero sila, pero hindi ito totoo—hindi mo sila kailanman makikilatis. May partikular kang nararamdaman sa puso mo, nararamdaman mo na may natatago silang intensiyon sa mga isipan nila, isang di-maarok na kalaliman, na sila ay mapanlinlang(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). “Tuso ang pag-uugali ng mga anticristo. Paano sila naging tuso? Lagi silang kumikilos sa paraang nakasalalay sa panlilinlang, at ang kanilang mga salita ay walang katuturan, kaya nahihirapan ang mga tao na maarok ang kanilang mga layunin at mithiin. Iyon ay tuso. Hindi sila madaling nakakapagdesisyon sa anumang sinasabi o ginagawa nila; hinahayaan nilang maramdaman ng kanilang mga nasasakupan at taga-pakinig ang kanilang intensyon, at ang mga taong iyon, matapos maunawaan ang anticristo, ay kumikilos ayon sa kanilang plano at mga motibasyon at isinasagawa ang kanilang mga utos. Kapag natapos ang isang gampanin, masaya na ang anticristo. Kung hindi pa, walang sinumang makakahanap ng anumang laban sa kanya, o makakaarok sa mga motibasyon, layunin, o mithiin sa likod ng ginagawa niya. Ang pagiging tuso ng ginagawa ng mga anticristo ay nasa mga tagong pakana at mga lihim na layon, na pawang para linlangin, paglaruan, at kontrolin ang lahat ng iba pa. Ito ang diwa ng tusong pag-uugali. Ang pagiging tuso ay hindi simpleng pagsisinungaling o paggawa ng masamang bagay; sa halip, kinasasangkutan ito ng mas malalaking intensyon at layon na hindi maarok ng mga ordinaryong tao. Kung may nagawa kang isang bagay na ayaw mong malaman ng sinuman, at nagsinungaling ka, maituturing bang pagiging tuso iyon? (Hindi.) Pagiging mapanlinlang lamang iyon, at hindi umaabot sa antas ng pagiging tuso. Paano naging mas matindi ang pagiging tuso kaysa sa pagiging mapanlinlang? (Hindi ito maarok ng mga tao.) Nahihirapan ang mga tao na maarok ito. Isang bahagi nito iyon. Ano pa? (Walang masasabing masama ang mga tao laban sa isang tusong tao.) Tama iyan. Mahirap kasi para sa mga tao na makakita ng anumang masamang masasabi laban sa kanya. Kahit alam ng ilang tao na nakagawa ang taong iyon ng masasamang bagay, hindi nila matukoy kung siya ba ay isang mabuting tao o masamang tao, isang masamang tao o isang anticristo. Hindi siya nahahalata ng mga tao, kundi iniisip nila na mabuting tao siya, at maaari niya silang mailihis. Pagiging tuso iyon. Ang mga tao ay karaniwang mahilig magsinungaling at mag-plano ng mga munting pakana. Pagiging mapanlinlang lamang iyon. Ngunit mas mapanira ang mga anticristo kaysa sa mga karaniwang mapanlinlang na tao. Para silang mga haring diyablo; walang sinumang makaarok sa ginagawa nila. Kaya nilang gumawa ng maraming masasamang bagay sa ngalan ng katarungan, at pumipinsala sila ng mga tao, pero pinupuri pa rin sila ng mga tao. Ito ay tinatawag na pagiging tuso(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay may buktot na disposisyon at ginagawa nila ang mga bagay sa mapanlinlang na mga pamamaraan. Iba ito sa pagpapakita ng katiwalian na pagiging mapanlinlang. Ang ibig sabihin ng pagiging mapanlinlang ay ang malinaw na pagsisinungaling at panlilinlang, at madali itong makita. Ang ibig sabihin ng mapanlinlang na paggawa ng mga bagay ay ang pagtatago ng personal na mga layunin, layon, at adyenda ng isang tao nang napakalalim, ang paggawa ng maling impresyon para walang makitang anumang problema ang iba sa sinasabi at ginagawa niya. At kahit pa maramdaman ng iba na mayroon ngang problema, walang mahanap ang mga ito na magagamit laban sa kanya. Napakahirap para sa mga tao na maarok siya. Ganoon inililigaw ng isang mapanlinlang na tao ang mga tao at nakakamit ang kanyang lihim na mga layunin. Nang suriin ko ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na bagama’t mabilis at maagap akong nakikipag-usap sa lider tungkol sa mga bagong mananampalataya, na binibigyan siya ng maling impresyon na mayroon akong pagpapahalaga sa pasanin sa tungkulin ko at na masaya kong tinatanggap ang pangangasiwa niya, ang totoo ay tinatalakay ko ang mga isyu ng mga bagong mananampalataya para ihanda ko siyang magkaroon ng negatibong impresyon sa mga bagong mananampalataya na hindi regular na dumadalo. Sa ganoong paraan, kung balang araw ay hindi na dumalo sa mga pagtitipon ang isang bagong mananampalataya, hindi niya ako pananagutin doon. Isa pa, noong gusto ng lider na detalyadong malaman ang tungkol sa gawain ko, kung titingnan ay parang wala namang isyu sa nilalaman ng aking pagbabahagi. Nagsaayos ako ng mga oras para magbahagi sa mga bagong mananampalataya at nagpapadala ako sa kanila ng mga salita ng Diyos, para makita ako ng lider bilang masipag at mapagmahal sa kanila. Pero ang totoo ay alam kong hinding-hindi ako taos-puso sa pakikipagbahaginan ko sa mga bagong mananampalataya. Labag sa loob kong iniraos ang mga bagay-bagay dahil alam kong susuriin ng lider ang mga tala ng gawain at kailangan kong managot para sa kanya. Sa pagbabalik-tanaw rito, gumamit pa nga ako ng iba’t ibang taktika, inililigaw ang iba kapag nagsasalita ako at nagiging maingat ako na huwag magpahalata kapag ginagawa ko ang mga bagay-bagay, para hindi ako mapanagot, at para maprotektahan ang katayuan at hinaharap ko. Malinaw na wala ang puso ko sa aking tungkulin, at dahil dito ay huminto na sa regular na pagdalo ang ilang bagong mananampalataya. Naramdaman din ng lider na may mga problema sa tungkulin ko, pero hindi niya alam kung ano ang mga iyon at wala siyang mahanap na anumang ebidensya para panagutin ako. Masyado akong magaling manlinlang ng mga tao. Hindi ko kailanman iniugnay noon sa pagiging mapanlinlang ang paraan ng pag-uugali at pagkilos ko. Lagi kong inakala na mga taong matatanda na may mahaba nang karanasan ang karaniwang mga tuso, mapagkalkula, at mapanlinlang, samantalang ako ay bata pa, walang gaanong karanasan o komplikadong paraan ng pag-iisip. Parang hindi akma na tawaging mapanlinlang ang pag-uugali ko. Pero malinaw na ipinakita ng mga katunayan na taglay ko ang buktot na disposisyon ng mga anticristo. Pagkatapos, may isa pang pumasok sa isip ko. May isang bagong mananampalataya na madalas magtanong at napakadirekta. Kung hindi niya naiintindihan ang ibinahagi ko sa isang pagtitipon, direkta niyang kokontrahin ang sinabi ko, na nakahihiya. Para hindi mapahiya, ayaw ko nang makasama siya sa mga pagtitipon, pero hindi ko iyon masabi nang lantaran dahil natatakot akong pupungusan ako ng lider. Gusto kong makahanap ng paraan para maipasa siya sa ibang tagapagdilig. Minsan, kaswal na binanggit ng bagong mananampalatayang iyon na mas kaunti ang tao sa grupong ito kumpara sa dati niyang grupo. Ginamit ko ang pagkakataong iyon para sabihin sa lider na sa tingin ng bagong mananampalataya ay masyadong maliit ang pagtitipon namin, at na gusto niya ang mas malalaking grupo, at hiniling ko sa lider na ilipat siya sa iba. Agad itong isinaayos ng lider. Sa ganitong paraan, naalis ko ang bagong mananampalataya mula sa grupo ko. Mali pa ngang inakala ng lider na mayroon akong pagpapahalaga sa pasanin sa aking tungkulin at na inaalala ko ang bagong mananampalataya. Talagang mapanlinlang at buktot ako, at mahilig manloko ng iba.

Kalaunan, kumain at uminom ako ng marami pang salita ng Diyos tungkol sa kalagayan ko. Nabasa ko ang mga salitang ito: “Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, ang pinakakinasusuklaman at gustong sukuan ng Diyos ay ang ganitong uri ng mapagmatigas na mga tao. Alam na alam nila ang kanilang mga maling ginagawa ngunit hindi sila nagsisisi, hindi nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali at palaging nagdadahilan at nakikipagtalo upang bigyang-katwiran ang kanilang sarili at iwasan ang masisi, at sinusubukan nilang makahanap ng mga mahusay at tusong paraan para sa mga isyu, tinatakpan ang kanilang mga kilos sa mga mata ng iba, at patuloy silang gumagawa ng mga pagkakamali nang walang katiting na pagsisisi o pag-amin sa kanilang puso. Ang gayong tao ay nakayayamot at hindi madali para sa kanila na makamit ang kaligtasan. Sila ang mismong mga tao na gustong pabayaan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Habang pinag-iisipan ito, napagtanto ko na kahit anong mangyari, ang mahalaga ay ang tanggapin ang katotohanan. Ang uri ng tao na hindi umaako ng pagkakamali sa kanyang tungkulin, at patuloy na nangangatwiran o nagtatakip sa kanyang sarili kahit kapag pinupungusan, ay hindi ni katiting na tinatanggap ang katotohanan. Sa Diyos, kamuhi-muhi at kasuklam-suklam siya. Naisip ko kung paano ako itinalaga ng iglesia bilang tagapagdilig, at na dapat kong tulungan at suportahan ang mga bagong mananampalataya nang may pagmamahal at pagtitiyaga, dapat akong malinaw na magbahagi tungkol sa mga katotohanan ng mga pangitain at tumulong sa kanila na mabilis na mapatatag ang kanilang sarili sa tunay na daan. Lubos kong nauunawaan na hindi regular na nakadadalo sa mga pagtitipon ang ilang bagong mananampalataya, at na nakaatang sa akin ang responsabilidad na iyon, ngunit nang magtanong tungkol dito ang lider at pungusan ako, hindi ko ito tinanggap mula sa Diyos at hindi ko tinanggap ang pagsaway at paalala ng lider. Sa halip na isipin agad kung paano ko masusuportahan ang mga bagong mananampalataya, nagsimula akong maging mapagkalkula, tuso, at mapanlinlang upang pagtakpan ang hindi ko wastong paggawa sa aking tungkulin. Pinananatili kong walang alam ang lider para hindi niya malaman ang mga isyu at paglihis sa aking gawain. Nasiyahan ako sa sarili ko na makalusot dito, at natuwa ako sa aking katusuhan. Ngunit ngayon ay nauunawaan ko na, mula sa mga salita ng Diyos, na sa katunayan ay alam ng Diyos ang lahat ng tungkol sa aking mga palihim na pakana at maliliit na panlilinlang. Hindi maitatago ang mga ito. Ang mga isyu sa kung paano ko ginawa ang aking tungkulin ay tiyak na malalantad. Kung hindi dahil sa babala ng lider, hindi ko sana malalaman kung paano pagnilayan ang sarili ko, lalo na ang naising magsisi. Naging manhid talaga ako. Hindi ko tinanggap ang katotohanan, o ibinuod at itinama ang mga paglihis at problema sa gawain ko. Inisip ko lang na linlangin ang lider para hindi ako mapahiya at maprotektahan ang katayuan ko. Naging tuso at mapanlinlang ako, para pagtakpan ang realidad na hindi ko ginagawa nang maayos ang tungkulin ko. Hindi ko isinapuso ang pagdidilig sa mga bagong mananampalataya at ang pagtulong sa kanila na harapin ang kanilang mga problema at paghihirap, kung kaya, matagal na hindi nalutas ang mga problema ng ilan sa kanila. Kahit ngayon, ang ilan sa kanila ay hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Ang lalong ikinatakot ko pagkatapos ay na ayaw nang dumalo sa mga pagtitipon niyong bagong mananampalatayang ipinasa ko sa ibang grupo dahil hindi siya sanay sa biglaang pagbabago ng tagapagdilig. Kinailangan siyang matiyaga at matagal na bahaginan ng ibang mga kapatid bago siya pumayag na bumalik sa mga pagtitipon. Nakababalisa talagang isipin kung paano ako umasal at kung ano ang nagawa ko. Hindi madali para sa bawat isang bagong mananampalataya na tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nangangailangan ito ng maraming maingat na pagsisikap nila. Ngunit naging napakapabaya ko rito. Gumagawa ako ng kasamaan. Kung hindi dahil sa babala at pagpupungos ng lider, hindi ko mapagtatanto kung gaano ako kalapit sa kapahamakan. Hindi ko nais na patuloy na mamuhay ayon sa buktot na disposisyon ng isang anticristo. Nais kong umalis sa masamang landas na iyon at magsisi sa Diyos.

Nang magkamit na ako ng kaunting kaalaman, tinanong ako ng lider kung kumusta ang kalagayan ko kamakailan. Sinabi ko sa kanya ang napagtanto ko sa pagninilay ko sa sarili. Pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sinasabi ng Diyos: “Maraming aspekto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspekto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, pabibo, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, ‘Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.’ Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na hindi ka naging masigasig, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang ginagawa ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng nasa loob mo, ng mga intensiyong nasa iyong kalooban, ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at masusuri ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, ‘Medyo nagpapaliban ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at hindi nag-asikaso. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at ninanasa ko ang mga kaginhawahan ng laman. Kaya, hindi epektibo ang mga pagtatangka kong gawin ang aking tungkulin. Nagbabago na ang sitwasyon nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kasanayan, at isagawa nang maayos ang aking tungkulin.’ Pagsasalita ito nang taos-puso. Ang isang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka ng mga tao, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay ipinapasa mo sa iba ang responsabilidad, upang maiwasan mong mapungusan ka. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong totoo at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang matukoy at maipagkaiba ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging mabulaklak, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan o hindi nila magawang maging tapat, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daan tungo sa pagiging matapat? Dapat kayong matutong magsalita ng katotohanan at magawang magbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Talagang nakakaantig sa akin na mabasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Kilalang-kilala tayo ng Diyos. Alam Niyang lahat tayo ay magkakaproblema at malilihis sa ating mga tungkulin. Hindi ito maiiwasan. Pero ang susi ay kung anong uri ng saloobin mayroon ang isang tao kapag dumarating ang mga problema. Siya ba ay totoo, matapat ba niyang inaamin at itinatama ang pagkakamali, o sinusubukan ba niyang mangatwiran at manlinlang para pagtakpan ang problema? Noon ay namuhay ako ayon sa aking satanikong disposisyon. Naging mapanlinlang at tuso ako, at maling daan ang tinatahak ko. Hindi ako puwedeng magpatuloy sa ganoong paraan. Gusto kong maging isang matapat na tao at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Anumang mga paglihis o problema ang dumating sa tungkulin ko, o kung magtanong ang lider tungkol sa gawain ko, kailangan ko itong harapin nang may sinseridad at harapin ito nang matapat, maging totoo at sabihin kung anuman ang nasa puso ko. Kailangan kong sabihin ang totoo, at diretsong sabihin kung mayroon akong napabayaang gawin, sa halip na magsinungaling o makipagtalo para makalusot. Dagdag pa sa pagsasalita nang matapat, gusto kong isagawa ang regular na pagninilay-nilay sa mga intensyong nasa likod ng aking mga salita at pagkilos, at baguhin kaagad ang mga ito kung mali ang mga ito. Kailangan kong huminto na sa panlilinlang sa mga tao para protektahan ang sarili kong mga interes.

Isang araw, napansin ko na ang isang bagong mananampalataya ay hindi dumalo sa ilang magkakasunod na pagtitipon. Ilang beses ko siyang tinawagan, pero hindi siya sumasagot at hindi rin siya tumutugon sa mga mensahe. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi ko maiwasang mag-alala na hindi na siya pupunta sa mga pagtitipon at inisip ko kung dapat ko ba itong banggitin sa lider para hindi niya ako pananagutin kung huminto ito sa pagdalo balang araw. Nang maisip ko iyon, napagtanto kong lumilitaw na naman ang dati kong isyu ng pagiging mapanlansi. Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Totoo ito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng ating mga puso. Maaari kong maloko ang mga tao sa pamamagitan ng mga mapanlinlang kong pakana, pero napakalinaw na sinisiyasat ng Diyos ang lahat, at ibubunyag Niya ang lahat sa huli. Ginagawa ko ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos, hindi ako nagtatrabaho para sa sinumang tao. Hindi ko kailangang manlansi at pagtakpan ang sarili ko sa harap ng mga tao. Tulad noon, ginawa ko ang lahat para suportahan ang ilang bagong mananampalataya, pero hindi pa rin sila dumadalo sa mga pagtitipon o nagpapakita ng interes sa pananalig at katotohanan. Nang maunawaan ng lider ang totoong sitwasyon, natukoy niyang hindi sila mga tunay na mananampalataya kung kaya hindi niya ako pinanagot. Nakikita ko na may mga prinsipyo ang iglesia sa kung paano nito tinatrato ang mga tao. Hindi ko kailangang mapanlinlang na alisin sa sarili ko ang responsabilidad o magpakana ng malalabasan. Namuhay ako ayon sa aking satanikong disposisyon noon at hindi ko nagampanan nang maayos ang aking tungkulin. Sa pagkakataong ito, hindi puwedeng iniraraos ko lang ang gawain. Kailangang maging mabuti ang mga layunin ko at kailangan kong tuparin ang aking mga responsabilidad. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, handang magbago at gawin ang lahat ng aking makakaya para tulungan at suportahan ang mga bagong mananampalataya. Kung makikipagbahaginan ako tungkol sa lahat ng katotohanang dapat kong pagbahaginan, at ayaw pa rin nilang dumalo sa mga pagtitipon, puwede ko itong direktang harapin at mabibigyan ko ang lider ng isang matapat na pagsasalarawan ng sitwasyon. Matapos kong baguhin ang mentalidad ko, muli akong nakipag-ugnayan sa bagong mananampalatayang iyon at nagulat ako nang agad siyang sumagot, sinasabing naging abala siya sa trabaho at talagang napagod, kung kaya’t hindi siya nakadalo sa mga pagtitipon. Nagbahagi ako sa kanya gamit ang mga salita ng Diyos, at mula sa mga ito ay naunawaan niya ang layunin ng Diyos at nakahanap siya ng landas ng pagsasagawa, at nagsimula nang muling regular na dumalo. Pagkatapos noon, sa tuwing hindi nakadadalo nang regular sa mga pagtitipon ang mga bagong mananampalataya, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang suportahan at tulungan sila, at nagbabahagi ako sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos. Taos-puso ko silang sinusuportahan. Kasunod nito, karamihan sa mga bagong mananampalataya na dinidiligan ko ay nakadalo na nang regular sa mga pagtitipon. Napapanatag at napapayapa ang pakiramdam ko sa pagsasagawa sa ganitong paraan. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  4. Huwag Pagdudahan ang mga Taong Kinukuha Mo sa Trabaho: Tama Ba Iyon?

Sumunod:  6. Mga Araw ng Pagdurusa Ko sa Maling Pag-unawa sa Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger