44. Ang mga Kahihinatnan ng Paggawa ng Tungkulin Ayon sa Sariling Kalooban
Noong Hunyo 2020, napili ako bilang isang lider ng iglesia. Noong una, kapag may problema ako sa gawain, sadya akong naghahanap ng mga prinsipyo, at kahit na alam ko kung paano gawin ang isang bagay, hinihingi ko pa rin ang payo ng mga katrabaho, at kumikilos lamang ako matapos naming magkasundo. Gayumpaman, pagtagal-tagal, napansin kong madalas na angkop ang sarili kong mga mungkahi. Bukod pa roon, dahil naging lider at manggagawa na ako noon, pakiramdam ko ay nauunawaan ko na ang ilang mga prinsipyo, at pareho kong tumpak na nakikita ang mga tao at mga bagay-bagay, at nagagawa ang mga pagsasaayos sa gawain nang mas tumpak. Sa partikular, noong minsang hindi nagkakaroon ng magagandang resulta ang gawain ng ebanghelyo, at hindi alam ng nakapareha kong sister kung paano ito lulutasin, iminungkahi kong magpulong ang lahat ng mga kapatid na kasali sa gawain ng ebanghelyo, para makapagbahaginan kami tungkol sa mga paghihirap sa gawaing ito at hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon. Noong tumagal-tagal, matagumpay na nagamit ng bawat isa sa mga kapatid ang kanilang mga kalakasan sa paggawa ng kanilang tungkulin, at bumuti nang husto ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo. Hindi ko namalayang napunta na pala ako sa isang kalagayan ng pagpapahalaga sa sarili at pagkakampante, nadaramang may abilidad ako sa paggawa at parehong maayos na napamamahalaan ang mga tauhan at ang gawain ng iglesia.
Makalipas ang ilang buwan, kinailangan ng iglesia na maghalal ng diyakono ng ebanghelyo. Bago ang halalan, sinuri ko ang lahat ng mga tao sa iglesia, at naisip kong si Sister Li Yang ang pinaka-angkop. Maraming taon na siyang mananampalataya, kaya niyang tumalikod at gumugol, at matalas ang kanyang isip. Nakapunta na rin siya sa maraming lugar para ipangaral ang ebanghelyo noon, na may ilang resulta. Ngayon, kababalik lang niya mula sa labas ng bayan at nakapagpabalik-loob na siya ng ilang tao, kaya naisip ko na angkop siya na maging isang diyakono ng ebanghelyo. Ngunit matapos kong makita ang ilang ebalwasyon na nagsasabing siya ay may napakamapagmataas na disposisyon, madalas na pinipigilan ang iba, at dinidismaya ang sigasig ng mga tao sa kanilang tungkulin, nag-alangan ako. Pero naisip ko, “May mahusay siyang abilidad sa paggawa at kayang mabisang ipangaral ang ebanghelyo, at kahit pa may mga isyu siyang ganito, basta tutulong kaming lahat ay hindi iyon magiging problema.” Pagkatapos kong pag-isipan iyon nang ilang panahon, sa huli ay nadama ko pa ring angkop si Li Yang na maging diyakono ng ebanghelyo. Kinabukasan, ibinahagi ko sa kapareha ko ang mga pananaw ko. Tumugon siya, “Mahigpit na pinipigilan ni Li Yang ang iba. Ayos lang sa kanya na ipangaral ang ebanghelyo nang mag-isa, pero nag-aalala ako na magugulo niya ang gawain ng ebanghelyo kung maging diyakono siya ng ebanghelyo, kaya dapat tayong mag-ingat.” Hindi ako gaanong natuwa nang marinig kong sabihin ito ng sister. Naisip ko, “Maikling panahon ka pa lang na nananampalataya sa Diyos, kaya masyadong hindi patas ang pananaw mo. Mas tumpak kong nakikita ang mga tao at mga bagay-bagay, kaya hindi mali na makinig ka sa akin.” Sinabi ko nang may bakas ng paghamak sa mukha ko, “Sa pagpili ng mga diyakono ng ebanghelyo, ang pinakamahalagang bagay ay kung ang isang tao ay may abilidad sa gawain at kadalubhasaan na ipangaral ang ebanghelyo. Maaaring mayabang si Li Yang at gawi niyang pigilan ang iba, pero may abilidad siyang gumawa, at kaya niyang magkamit ng mga resulta sa pangangaral ng ebanghelyo. Kailangan nating matutunan kung paano gamitin ang mga tao ayon sa kanilang mga kalakasan at mga abilidad at hindi mapako sa maliliit nilang mga problema.” Masyadong nadismaya ang kapareha ko matapos itong marinig, kaya hindi na siya nagsalita pa.
Sumunod, habang nakikipagbahaginan ako sa mga kapatid ko tungkol sa halalan, hindi ako nagbahagi tungkol sa mga prinsipyo ng halalan, kundi sa halip ay sadya kong binigyang-diin na kung sino man ang may abilidad sa paggawa at epektibo sa kanilang tungkulin ay dapat mahalal. Dahil naimpluwensiyahan ng aking ibinahagi, karamihan sa mga kapatid ay inihalal si Li Yang para maging diyakono ng ebanghelyo. Noong oras na iyon, lubos akong natuwa. Pero pagkatapos, nang mabasa na ng nakatataas sa akin na lider ang pagsusuri kay Li Yang, sinabi niyang palaging pinipigilan ni Li Yang ang iba, dinidismaya ang sigasig ng iba, na napakayabang niya, at hindi tinatanggap ang payo ng mga kapatid, kaya ang pagpili sa kanya bilang diyakono ng ebanghelyo ay madaling makakaabala sa gawain. Naisip ko, “Hindi mo alam ang sitwasyon ng mga tauhan ng iglesia. Kung napakahigpit mo lagi sa mga bagay-bagay, hindi tayo makahahanap kailanman ng sinumang angkop para sa trabaho. At saka, hindi naman lubusang tutol si Li Yang sa mga mungkahi ng iba. Noong huli ko siyang pinungusan, tinanggap niya ito. Naaakma naman siya para sa papel na ito.” Habang iniisip ito, mabilis kong sinabi, “Kayang tumanggap ni Li Yang ng pagpuna at pagpupungos, at epektibo ang kanyang pangangaral ng ebanghelyo. Mas matutulungan natin siya sa kanyang mapagmataas na disposisyon sa hinaharap; kaya niya pa rin ang posisyong ito. Isa pa, sa kasalukuyan ay walang mas angkop kaysa sa kanya sa iglesia.” Matapos makinig, hindi na makatutol na sinabi ng lider, “Sige, hayaan mo siyang magsagawa sandali at makikita natin. Kapag nalaman mong inaatake niya ang mga tao at ginugulo ang gawain, alisin mo siya agad.” At kaya, naging diyakono ng ebanghelyo si Li Yang.
Hindi nagtagal, sinabi ng kapareha ko, “Kamakailan, nakipag-ugnayan ako kay Li Yang at nalaman kong malubha pa rin niyang pinipigilan ang mga tao. Kapag ang mga manggagawa ng ebanghelyo ay may mga pagkukulang, hindi niya sila tinutulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi, kundi sa halip ay inaatake pa nga sila, sinasabing wala silang silbi at napakabagal umusad. Sinasabi niyang mag-isa niyang ginagawa ang lahat ng gawain at sobrang nakapapagod na makipagtulungan sa ibang mga kapatid, na naglalagay sa lahat sa negatibong kalagayan.” Hindi ko sineryoso ang sinabi niya, iniisip na, “Lahat naman ay may katiwalian. Hangga’t nagagampanan ni Li Yang ang kanyang mga tungkulin nang epektibo, ayos lang ito. Napakababaw pa rin ng karanasan at kabatiran mo. Marami na akong nakitang kagaya niya. Basta madalas natin siyang babahaginan at pupungusan, kaya pa rin niyang gumawa ng gawain.” Kaya sinabi ko sa kapareha ko, “Mas tingnan natin ang mga kalakasan niya. Mapagmataas siya, pero kaya niyang ipangaral ang ebanghelyo. Kailangan nating magpasensiya sa maliliit na kapintasang ito. Mas magbabahagi pa ako sa kanya sa hinaharap.” Dahil pinabulaanan ko ang kapareha ko, wala na siyang sinabi. Kalaunan, nang makita ko si Li Yang, gusto kong ilantad at himayin ang kanyang mga problema, ngunit sa sandaling nagkita kami, sinabi niya na ang gawain ng ebanghelyo ay napakaepektibo na ngayon. Nakita kong napakaagap niya sa tungkulin niya, kaya daglian ko lang sinabi sa kanya ang isyu ng kanyang mapagmataas na disposisyon at pagpipigil sa iba, at nakipagbahaginan sa kanya kung paanong kailangan niyang tratuhin nang tama ang mga kapatid. Pagkatapos niyang makinig, sinabi niyang handa siyang magbago, kaya hindi na ako nagsalita pa. Kalaunan, ilang sister ang sunud-sunod na nagsumbong na bukod sa hindi gumagawa si Li Yang ng tunay na gawain, hindi rin siya nagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema kapag nahihirapan ang mga kapatid, at nagagalit pa nga siya, pinagagalitan o inaatake sila, na naglalagay sa kanila sa negatibong kalagayan. Bilang resulta, bumaba nang todo ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo. Naisip ko, “Mali ba talaga na iginiit kong piliin siya bilang diyakono? Dahil maraming beses na itong binanggit ng mga kapatid, hindi ko na puwedeng panghawakan pa ang mga pananaw ko.” Pagkatapos niyon, tinipon ko ang mga pagsusuri ng lahat kay Li Yang, at nakita kong madalas siyang umaasa sa ilang taon niyang karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo para pagalitan at atakihin ang iba mula sa itaas, na iniiwan silang nakararamdam na napipigilan at nasa negatibong kalagayan, at hindi magampanan nang normal ang kanilang mga tungkulin. Nang tukuyin ng iba ang kanyang mga problema, nakipagtalo siya at ipinagtanggol ang kanyang sarili. Maraming tao na ang nagbahagi sa kanya, pero hindi niya ito tinanggap. Natulala ako nang mabasa ko ang mga pagsusuring ito. Hindi ko inaasahan na napakalubha pala ng mga problema ni Li Yang. Pagkatapos ng napakaraming taon ng paggawa, maling tao ang napili ko para maging diyakono, ginulo ko ang gawain, at nagdulot ako ng mga reklamo sa ibang mga kapatid. Nahirapan ako nang mapagtanto ko ang lahat ng ito. Pagkatapos, batay sa palagiang pag-uugali ni Li Yang, natukoy na hindi siya angkop bilang isang diyakono ng ebanghelyo, at tinanggal siya.
Pagkatapos tanggalin si Li Yang, may naramdaman akong hindi ko maipaliwanag, na para bang sinampal ako nang malakas. Naisip ko ang lahat ng pagkakataong tinalakay ng kapareha ko ang mga problema tungkol kay Li Yang, pero hindi ko ito sineryoso, na nagdulot ng matitinding kawalan sa gawain ng iglesia bilang resulta. Labis na nagsisi at nakonsensiya ako, at tinanong ko ang sarili ko, “Paano ba ako nakagawa ng ganoon kalaking pagkakamali sa pagpili kay Li Yang? Paano ko dapat pagnilayan ang mga pagkakamaling ito, at aling aspekto ng katotohanan ang dapat kong pasukin?” Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para makilala ko ang aking sarili. Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman naghahanap ng katotohanan ang ilang tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa lamang nila kung anong gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, at palaging pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi talaga sila tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘pabasta-basta at padalos-dalos’? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong pag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba? Hindi madali para sa mga taong masyadong nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, ‘Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!’ sumasagot ka, ‘Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,’ at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, ‘Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,’ hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: ‘Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.’ Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Tumpak na isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Akala ko, dahil maraming taon na akong naging lider, nakabisado ko na ang ilang mga prinsipyo, at nagtamo ng ilang mga resulta sa gawain ko, pakiramdam ko ay nauunawaan ko na ang katotohanan at nakikita ko nang malinaw ang mga tao at mga bagay-bagay. Bilang resulta, nagtiwala ako sa sarili ko. Kapag may nangyayari, ginagawa ko ang anumang gusto ko, at walang anumang puso na naghahangad. Tinukoy ng kapareha ko na kailangan naming alamin kung nagsisi at nagbago na ba si Li Yang, na ganap na naaayon sa mga prinsipyo, pero hindi ko ito tinanggap, at nagpumilit akong pakinggan niya ako. Noong halalan, sinadya kong bigyang-diin ang sarili kong mga pananaw para iligaw ang iba. Pagkatapos ng halalan, ipinaalala sa akin ng lider na nakatataas sa akin na hindi angkop si Li Yang, pero mayabang kong pinanghawakan ang sarili kong mga pananaw at naghanap ng mga dahilan para pabulaanan ang lider. Matapos maging diyakono ng ebanghelyo si Li Yang, pinigilan niya ang iba sa lahat ng mga bagay. Nang muling ipaalam ng kapareha ko ang problemang ito, hindi ko pa rin pinagnilayan ang pag-uugali ko. Pakiramdam ko ay masyadong kaunti ang karanasan niya at kabatiran, at hindi ko sineryoso ang mga sinabi niya. Sinabi ko pa nga na normal lang na medyo mayabang ang mga may talino at kakayahan. Ginamit ko ito bilang dahilan para protektahan si Li Yang at kunsintihin ang mga kilos niya. Matigas ang ulong kumapit ako sa sarili kong mga pananaw. Hindi ko sinuri kung gumawa ba siya ng tunay na gawain o nagdulot ng mga kaguluhan at mga panggagambala, na nagsanhi na maramdaman ng lahat na napipigilan niya sila sa kanilang mga tungkulin, na lubhang nakahadlang sa gawain ng ebanghelyo. Napakayabang ko, mapagmagaling, at walang ingat. Sa anong paraan ko nagampanan ang aking tungkulin? Ginagambala at ginugulo ko ang gawain ng iglesia, gumagawa ako ng kasamaan at nilalabanan ang Diyos, na kinaiinisan at kinasusuklaman ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, natakot ako, kaya dali-dali akong nanalangin sa Diyos para magsisi, sinasabing gusto kong baguhin ang mali kong kalagayan at mga pananaw at hanapin ang mga prinsipyo ng pagpili ng mga tao.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang ika-63 na prinsipyo “Ang mga Prinsipyo sa Paghahalal sa mga Lider at Manggagawa,” 170 Mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Katotohanan. Binabanggit nito: “Hindi naman lahat ng may mapagmataas na disposisyon ay pare-pareho na. Kung nagagawa ng isang tao na tanggapin ang katotohanan at makagawa ng praktikal na gawain, maaari silang maihalal.” Nakita ko na ang mga taong may mapagmataas na disposisyon ay maaari ding piliin, pero may isang pang-unang kailangan: Dapat kaya nilang tumanggap ng katotohanan at gumawa ng tunay na gawain. Bagaman may kaunting talino at kakayahan si Li Yang at mahusay sa pangangaral ng ebanghelyo, talagang mapagmataas ang disposisyon niya, at minamaliit niya ang iba dahil lang mas marami siyang karanasan sa ebanghelyo kaysa sa kanila. Nang ipaalam ng iba ang kanyang mga problema, hindi niya tinanggap o pinagnilayan ang sarili niya, at sa halip ay sinubukan niyang makipagtalo at pangatwiranan ang sarili niya. Kahit pa tinanggap niya ito sa panlabas paminsan-minsan, hindi talaga siya nagbago pagkatapos. Hindi siya isang taong tumatanggap sa katotohanan. May pagkiling din siya na gamitin ang kanyang katayuan para pigilan at atakihin ang mga kapatid, na nagdulot sa kanila na mamuhay sa isang negatibong kalagayan, na lubhang nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo. Ang mga taong tulad niya—mga hindi nakagagawa ng tunay na gawain at nanggambala at nang-abala pa sa gawain—ay hindi angkop para magamit at hindi puwedeng piliin bilang mga diyakono ng ebanghelyo, kahit pa sila ay may talento. Bukod pa roon, noong pinili ko si Li Yang, mali ang pananaw ko. Akala ko, hangga’t may karanasan at epektibo ang isang tao sa pangangaral ng ebanghelyo, maaari itong ihalal bilang diyakono ng ebanghelyo, pero ito ay ganap na kuru-kuro at imahinasyon ko lang. Ang kakayahan ni Li Yang na makaakit ng mga bagong mananampalataya sa pamamagitan lamang ng pangangaral ng ebanghelyo ay nagpapatunay na mahusay siya sa pangangaral ng ebanghelyo, ngunit hindi nangangahulugan na angkop siyang pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo. Gaano man karami ang karanasan niya, kung mayroon siyang masamang pagkatao, kung pinipigilan at inaatake niya ang iba mula sa kanyang mga satanikong disposisyon, at hindi siya tumatanggap ng pagpupungos, magdudulot ito ng problema. Ang paggamit sa gayong tao ay makagagambala at makaaabala lamang sa gawain ng iglesia. Kapag may nangyayari sa akin, hindi ko hinahanap ang katotohanan. Nakikita ko ang mga tao at mga bagay-bagay batay sa sarili kong mga kuru-kuro at mga imahinasyon. Paano ito naging pananampalataya sa Diyos? Habang pinagninilayan ko ito, nakaramdam ako ng lungkot sa kaibuturan ng puso ko. Nagdasal ako sa Diyos, sinasabing nais kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi na kumilos nang di-makatwiran batay sa sarili kong kagustuhan.
Bagaman nagkaroon ako ng pagnanais na magbago, napakalakas pa rin ng sarili kong kagustuhan, kaya hindi nagtagal ay nakagawa na naman ako ng parehong mga pagkakamali. Isang araw, habang inaalam ng nakatataas na lider ko ang tungkol sa aming gawain, nakita niya na si Sister Xu Jie, ang namamahala sa gawaing nakabatay sa teksto, ay may mahinang kakayahan. Mahabang panahon na siyang nilinang, pero walang ipinakitang malinaw na paglago, at hindi siya gumawa ng epektibong gawain. Iminungkahi ng lider ko na maghanap agad ako ng isang taong may mas mahusay na kakayahan at kabatiran para linangin, at sinabing hindi mahalaga kung maikli ang panahon ng pagsasanay nito. Naisip ko, “Kahit na hindi maganda ang kakayahan ni Xu Jie, matagal na niyang ginagawa ang tungkuling ito at kaya niyang magdala ng pasanin, kaya mas naaangkop siya kaysa sa sinumang bago sa trabaho. Ang mga bago rito ay hindi maarok ang mga prinsipyo at wala silang karanasan sa gawain, kaya matatagalan ang paglilinang sa kanila. Kung ikukumpara, mas angkop pa rin si Xu Jie sa papel na ito. Marahil ay hindi siya epektibo kamakailan dahil lang nasa masamang kalagayan siya. Kapag naiakma na niya ang sarili niya, natural na bubuti ang kanyang mga resulta.” Kaya, hindi ko itinalaga sa ibang tungkulin si Xu Jie. Pagkaraan ng sandaling panahon, nagpadala ng isa pang liham ang lider, hinihiling sa akin na italaga sa ibang tungkulin si Xu Jie, at inirerekomenda si Sister Xin Yu, sinasabing may mahusay itong kakayahan at mahusay na kasanayan sa pagsusulat at na nakagawa na siya ng parehong gawain noon, at karapat-dapat siyang linangin. Nakita kong maikling panahon pa lang na nananampalataya sa Diyos si Xin Yu at kakaunti ang karanasan niya, kaya nagduda ako kung kaya ba talaga niya ang gawain. Sa saloobing ito, iginiit kong panatilihin si Xu Jie at hindi ko nilinang si Xin Yu. Noong katapusan ng buwan ko lang nalaman na halos huminto na pala ang gawaing nakabatay sa teksto. Pinungusan ako ng lider ko, sinasabing masyado akong mapilit sa mga pananaw ko, na iminungkahi niyang italaga sa ibang tungkulin si Xu Jie nang dalawang beses, at linangin si Xin Yu, pero hindi ko ito ginawa, na lubhang nakahadlang sa gawaing nakabatay sa teksto. Ang bigat sa loob na marinig ito. Dalawang beses akong pinaalalahanan ng lider ko na may mahinang kakayahan si Xu Jie at hindi angkop para sa paglinang. Bakit hindi ko ito matanggap? Bakit ko ba palaging ipinipilit na gamitin ang mga tauhan ayon sa sarili kong kalooban? Nahaharap sa malaking kawalan na idinulot sa gawain, labis akong nagsisi, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako para mapagnilayan ko ang aking mga isyu.
Kalaunan, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong katangian, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ka dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong katangian, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay maikaklasipika bilang mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang katangian at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at mapigilan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka sasang-ayunan ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa pagtatrabaho, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon). “Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at madalas na kumikilos nang ayon sa sarili niyang kagustuhan, madalas siyang magkakasala sa Diyos. Itataboy siya ng Diyos, at isasantabi siya. Ang ginagawa ng gayong tao ay kadalasang nabibigong matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, at kung hindi siya magsisisi, nalalapit na ang parusa sa kanya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, medyo natakot ako. Akala ko, dahil matagal ko nang ginagawa ang tungkulin ko at nagkaroon ng ilang karanasan, na nangangahulugang nauunawaan ko na ang katotohanan, kaya kumapit at isinagawa ko ang sarili kong mga kuru-kuro na para bang ito ang katotohanan at itinuring ko ang karanasan ko sa gawain bilang kapital. Ang resulta ay yumabang ako nang yumabang. Kapag may mga nangyayari sa akin, wala akong lugar para sa Diyos sa puso ko—hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ako tumatanggap ng mga mungkahi mula sa iba, at matigas ang ulo kong ginagawa ang anumang gusto ko. Nagdulot ng mga kawalan ang lahat ng ito sa gawain ng iglesia. Sa wakas ay naunawaan kong ang pagkakaroon ng karanasan sa gawain ay hindi nangangahulugan na nauunawaan ko ang katotohanan at nagtataglay ako ng mga realidad. Sa hindi paghahangad sa katotohanan at sa pagkilos mula sa sarili kong karanasan at kagustuhan, magugulo ko lang at magagambala ang gawain ng iglesia. Ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at ang katotohanan ang pamantayan para sa mga kilos ng mga tao, pero napagkamalan ko pa rin ang sarili kong karanasan sa gawain at kalooban bilang ang katotohanan. Paano ito naging pananampalataya sa Diyos? Ito ay pananampalataya sa sarili ko! Naisip ko kung paanong ang mga anticristo na pinatalsik sa iglesia ay pawang mayayabang, palalo at di-makatwiran. Sa kanilang mga tungkulin, hindi nila pinansin ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at kumilos sila nang walang ingat, at kahit paano pa sila pinaalalahanan o pinungusan ng iba, hindi sila kailanman nagsisi. Sa huli, malubha nilang nagulo ang gawain ng iglesia, at bilang resulta ay pinatalsik at itiniwalag sila. Hindi ba mayroon akong kaparehong disposisyon gaya ng mga anticristo na ito? Oo, mayroon! Tinatahak ko rin ang landas ng isang anticristo. Lalo akong nagsisi at nakonsensiya, at kinasuklaman ko ang sarili ko sa pagiging napakayabang at napakamapagmagaling.
Kalaunan, nakakita ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at natutunan ko kung paano magsagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap ng mga tao ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo—tinitingnan Niya ang iyong saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad para ibunyag ka at ilantad ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan, kung makikipagbahaginan ka sa lahat, kung gayon ay magsisimulang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng isang ideya. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, hindi ba’t nagtagumpay ka nang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at kasabay niyon ay naiwasan mo na ang pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Hindi ba’t ito ang proteksyon ng Diyos? (Oo.) Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong nagpapasakop. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na anuman ang mangyari sa atin, dapat tayong magpanatili ng may-takot-sa-Diyos na puso, hanapin ang layunin ng Diyos, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Lalo na kapag ang mga kapatid natin ay may mga mungkahing naiiba sa atin, dapat muna nating tanggihan ang sarili natin at tanggapin ang mga iyon. Kahit pa iniisip natin na tama tayo, dapat nating pakawalan ang ating mga sarili, at maghanap at makipagbahaginan sa ating mga kapatid. Sa ganitong paraan lamang natin matatamo ang gabay at kaliwanagan ng Diyos. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero kahit ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang mga mungkahi na naaayon sa katotohanan. Ganap pa rin akong namumuhay ayon sa mapagmataas kong disposisyon. Sa kabila ng pagiging napakadukha, kaawa-awa, marumi, at tiwali, buong pagmamalaki ko pa ring inakala na magaling ako, at masyado akong naniniwala sa aking sarili kapag kumikilos ako. Nang mapag-isipan ko ito, napagtanto kong kawalan ito ng kahihiyan. Nagpasya ako na hinding-hindi na ako magtitiwala sa sarili ko, at na sa lahat ng bagay, hahanapin ko ang mga katotohanang prinsipyo at makikipagbahaginan pa sa iba, para magawa ko nang maayos ang tungkulin ko.
Pagkatapos niyon, nagsimula na akong maghanap kung paano makatwirang isaayos ang mga tungkulin batay sa kakayahan at mga kalakasan ng bawat isa. Natagpuan ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang lahat ay dapat isakatuparan ang kani-kanilang papel at mag-ambag ayon sa kanilang mga kakayahan. Ang mga pagsasaayos para sa pagganap ng tungkulin ay dapat iakma sa kani-kanilang mga kaloob, talento, kakayahan, edad, at kung gaano katagal na silang nananalig sa Diyos. Dapat na iayon ang pamamaraang ito sa iba’t ibang uri ng mga tao, upang mapahintulutan silang magampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at makapagbigay sila ng pinakamahusay na paggampan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Naniniwala ang ilang tao na magaling silang magsulat, kaya sinisikap nilang hilinging gumawa ng tungkuling nauugnay roon. Siyempre pa, hindi sila bibiguin ng sambahayan ng Diyos, pinahahalagahan ng sambahayan ng Diyos ang mga indibiduwal na may talento, at anuman ang mga kaloob o kalakasang mayroon ang mga tao, bibigyan sila ng puwang ng sambahayan ng Diyos para gamitin ang mga iyon, kaya nga isinasaayos ng iglesia na gumawa sila ng gawaing nakabatay sa teksto. Ngunit makalipas ang ilang panahon, natuklasan na wala talaga silang ganitong kasanayan, at hindi nila kayang gawin nang maayos ang tungkuling ito; hindi talaga sila epektibo. Ang kanilang mga talento at kakayahan ay ginagawa silang lubos na walang kahusayan sa trabahong ito. Kaya ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Posible bang tiisin na lang sila at sabihing, ‘Masigasig ka, at kahit wala kang gaanong talento, at katamtaman ang kakayahan mo, basta’t handa ka, at hindi tumatangging magtrabaho nang husto, titiisin ka ng sambahayan ng Diyos, at hahayaan kang patuloy na gawin ang tungkuling ito. Hindi mahalaga kung hindi mo ito magawa nang maayos. Magbubulag-bulagan ang sambahayan ng Diyos, at hindi ka kailangang palitan’? Ganito ba ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagharap sa mga usapin? Malinaw na hindi. Sa gayong mga sitwasyon, karaniwan ay nagsasaayos ng angkop na mga tungkulin para sa kanila batay sa kanilang kakayahan at mga kalakasan; isang parte iyon. Ngunit hindi sapat na dito lamang dumepende, dahil maraming sitwasyon na kahit ang mga tao mismo ay hindi alam kung anong tungkulin ang angkop na gawin nila, at kahit iniisip nila na mahusay sila roon, maaaring hindi iyon tama, kaya nga kailangan nilang subukan iyon at sanayin sila nang ilang panahon; ang magdesisyon batay sa kung epektibo ba sila o hindi ang siyang tamang gawin. Kung sasanayin sila sa loob ng ilang panahon, at walang makamit na anumang resulta o wala silang maging progreso, at kumpirmadong hindi sulit na linangin sila, dapat baguhin ang tungkulin nila, at dapat magsaayos ulit ng isang akmang tungkulin para sa kanila. Ang muling pagsasaayos at pagbabago sa mga tungkulin ng mga tao sa ganitong paraan ay ang tamang dapat gawin, at naaayon din ito sa prinsipyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Sa mga salita ng Diyos, nakita ko na isinasaayos ng iglesia ang mga tungkulin batay sa pagkatao, kakayahan, at mga kalakasan ng bawat tao, para pinakamabuting magampanan ng bawat isa ang isang papel sa tamang lugar. Gumagawa ng gawaing batay sa teksto ang ilang tao, pero pagkatapos malinang nang ilang panahon, ay hindi pa rin sila nakararanas ng paglago. Wala silang kakayahan at hindi kaya ang gawain, kaya hindi sila puwedeng magpatuloy sa gampaning iyon. Sa halip, dapat isaayos para sa kanila ang isang tungkuling angkop batay sa kanilang kakayahan, na kapaki-pakinabang sa kanila at sa gawain ng iglesia. Ayon sa mga prinsipyo, bagaman may mabuting pagkatao si Xu Jie at nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin, may mahina siyang kakayahan, kaya kahit na gumawa siya ng gawaing batay sa teksto sa loob ng maraming taon, napakabagal ng pag-usad, na nangangahulugang hindi talaga siya angkop para sa pamamahala ng gawain. Bagaman mas maikling panahon pa lang nananampalataya si Xin Yu kumpara kay Xu Jie, nauunawaan niya nang dalisay ang katotohanan, mapang-unawa siya, mayroon siyang mahusay na kakayahan, at mahilig siyang magsulat. Bagaman hindi pa siya kwalipikado para sa trabaho, kung lilinangin siya sa ilang panahon, maaari siyang makapagpakita ng pag-usad at maging maabilidad. Nang maunawaan ko na ang mga prinsipyo sa paggamit at paglinang ng mga tao, inilagay ko si Xin Yu sa pamamahala ng gawaing batay sa teksto at itinalaga ko si Xu Jie sa ibang tungkulin, at pagkaraan ng ilang panahon, unti-unting bumuti ang aming gawaing batay sa teksto.
Kalaunan, nakita ko na magaling magsulat si Sister Wang Chen mula sa ibang grupo, at pakiramdam ko ay puwede siyang linangin para sa gawaing batay sa teksto, kaya inirekomenda ko siya. Subalit, sinabi ng kapareha ko na mayabang ito at mapagmagaling, na may gawi itong pigilan ang mga tao, at palaging pinapakinig sa kanya ang iba, kaya hindi ito angkop para linangin. Medyo hindi ako natuwa nang marinig ang sinabi niya, at naisip ko, “Bagaman totoong mayabang si Wang Chen at may gawing pigilan ang mga tao, ang pag-uugaling iyon ay nakaraan nang lahat. Ngayon, kaya niyang tumanggap ng pagpupungos at nagpakita na siya ng kaunting pagbabago. Sa tingin ko ay talagang angkop siya sa gawaing batay sa teksto.” Kaya gusto kong kumapit sa pananaw ko, pero naisip ko, “Palagi akong pumipili ng mga tao batay sa sarili kong kalooban, na nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Ngayon, itinatalaga ko na naman si Wang Chen nang hindi hinahanap ang mga prinsipyo. Ginawa ko ang pasyang ito nang mag-isa. Kumikilos pa rin ako nang walang katwiran! Hindi na ako puwedeng kumapit sa sarili kong mga pananaw. Kailangan kong hanapin ang katotohanan dito. Ang tanging tumpak na paraan para matukoy ito ay ayon sa mga prinsipyo.” Kalaunan, nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Ang isa pang uri ng mga tao na maaaring itaguyod at linangin ay iyong mga nagtataglay ng mga espesyal na talento o kaloob, o iyong mga naging dalubhasa na sa ilang propesyonal na kasanayan. Ano ang pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang ng mga ganitong tao para maging mga lider ng grupo? Una, tingnan ang pagkatao nila—basta’t mahal nila ang mga positibong bagay at hindi sila masasamang tao, sapat na iyon. Maaaring itanong ng ilan, ‘Bakit hindi nila kailangang maging isang taong naghahangad sa katotohanan?’ Dahil ang mga lider ng grupo ay hindi mga lider ng iglesia o mga manggagawa, hindi rin sila mga tagadilig, at ang hingin sa kanila na tugunan ang pamantayan ng paghahangad sa katotohanan ay magiging kalabisan, at mahirap abutin para sa karamihan sa kanila. Hindi ito hinihingi sa mga taong gumagawa ng pangkalahatang gawain o ng mga partikular na aytem ng propesyonal na gawain; kung ganoon man, kakaunti lang ang magiging kwalipikado, kaya kailangang ibaba ang mga pamantayan. Basta’t nauunawaan ng mga tao ang kanilang propesyon at may kakayahang pasanin ang gawain, at hindi gumagawa ng kasamaan o nagsasanhi ng anumang kaguluhan, sapat na iyon. Para sa mga taong ito na may kadalubhasaan sa ilang kasanayan at propesyon, at may ilang kalakasan, kung isasagawa nila ang isang gawain na nangangailangan ng pagiging pamilyar nang kaunti sa kasanayan at may kaugnayan sa kanilang mga propesyon sa sambahayan ng Diyos, basta’t sila ay mga taong taos-puso at matuwid pagdating sa kanilang karakter, hindi masama, hindi baluktot sa kanilang pag-arok, kayang magtiis ng paghihirap, at handang magbayad ng halaga, kung gayon, sapat na iyon” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga taong may mga espesyal na kasanayan batay sa prinsipyong ito: Dapat mayroon silang katanggap-tanggap na pagkatao, nakauunawa nang walang pagkabaluktot, sineseryoso ang kanilang mga tungkulin, at minamahal ang mga positibong bagay. Medyo may mayabang na disposisyon si Wang Chen, pero kung tama at naaayon sa katotohanan ang iminumungkahi ng iba, kaya niya pa ring tanggapin ito. May talento siya sa gawaing batay sa teksto, kaya niyang magdusa at magbayad ng halaga sa kanyang tungkulin, at kaya niyang itaguyod ang gawain ng iglesia, kaya naaayon siya sa prinsipyong iyon. Kalaunan, ginamit ko ang prinsipyo para makipagbahaginan sa lider na nakatataas sa akin at sa ilang katuwang tungkol sa mga pananaw ko, at sumang-ayon ang lahat na maaaring linangin si Wang Chen, kaya isinaayos ko na gawin niya ang gawaing batay sa teksto. Pinahalagahan niya ang pagkakataon at nakagawa ng magagandang resulta sa kanyang bagong tungkulin. Nakita ko na kapag hinahanap natin ang layunin ng Diyos sa lahat ng bagay at ginagawa ang ating mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo, matatanggap natin ang patnubay ng Banal na Espiritu, at ang ating mga puso ay magiging magaan at payapa.