43. Mga Sanga-sangang Daan

Ni Kara, Timog Korea

Dati akong may masayang pamilya, at ang asawa ko ay napakabuti sa akin. Nagbukas kami ng isang restawran na pang-pamilya at naging maganda ang takbo nito. Lahat ng aming kaibigan at kamag-anak ay naiinggit sa amin. Pero nakapagtataka, na palaging hungkag ang pakiramdam ko sa loob ko. Pakiramdam ko ang bawat araw ay gaya lang nang nauna, na parang walang kahulugan ang buhay, pero wala akong ideya kung ano ba ang tamang paraan para mabuhay. Tapos sa huling bahagi ng 2010, nahirapan ako sa panganganak at nauwi ito sa pagdurugo. Naglabas ang ospital ng abiso ng isang kritikal na kondisyon nang panahong iyon. Ang aking mama, na balisang-balisa, ay bumulong sa aking tainga, “Mahal, manalangin ka sa Makapangyarihang Diyos!” Tumawag ako sa Makapangyarihang Diyos sa puso ko na iligtas Niya ako, na para bang nakakapit ako sa puwedeng magligtas sa akin. Hindi nagtagal, tumigil ang pagdurugo, at mula sa kaibuturan ng aking puso ay nagpasalamat ako sa Diyos. Mula noon ay nagsimula na akong magbasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos araw-araw at palaging nakikipagtipon at nakikipagbahaginan kasama ang mga kapatid. Sa paglipas ng panahon, natutunan ko na nilikha ng Diyos ang tao at ang lahat ng mayroon ang tao ay galing sa Diyos. Kailangan nating magkaroon ng pananalig, sambahin ang Diyos, at gawin ang tungkulin natin bilang mga nilikha; saka lamang magkakaroon ng kahulugan ang buhay. Kaya, inako ko ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang bawat araw ay naging talagang kasiya-siya. Hindi tinanggap ng pamilya ko ang ebanghelyo, pero hindi sila kontra sa aking pananalig.

Sa huling bahagi ng 2012, nagsimula ang Partido Komunista ng Tsina ng isa na namang mabangis na panunupil laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nag-imbento ito ng kung anu-anong sabi-sabi para paratangan at dungisan ang iglesia. Maraming istasyon ng radyo at telebisyon ang nagpapakalat ng mga kasinungalingang ito. Simula noon, nababakas ang pagka-inis sa mukha ng asawa ko at nagmamaktol siya sa tuwing babalik ako mula sa isang pagtitipon. Isang araw bandang tanghalian, bumalik ako sa restawran mula sa isang pagtitipon, at agad niya akong hinaltak at kinaladkad papalapit sa TV, at sinabing, “Tingnan mo ang Diyos na ito na pinaniniwalaan mo!” Nakita kong ipinapalabas nila ang kung anu-anong mga salita ng paglalapastangan at paninirang-puri ng Partido Komunista laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, na lubos na walang basehan at binabaligtad ang katotohanan. Talagang nagalit ako, humarap sa kanya at sinabing, “Puro kasinungalingan ang mga balita. Mga sabi-sabi lang iyan na gawa-gawa ng Partido Komunista. Kinamumuhian nila ang Diyos at nilalabanan Siya nang higit sa anupaman, at malupit nilang inuusig ang mga relihiyosong pananampalataya mula nang magkaroon sila ng kapangyarihan. Paano mong paniniwalaan ang anumang sinasabi nila na kumokondena sa iglesia? Marami na tayong nakita sa loob ng maraming taon nang pagnenegosyo, kaya para namang hindi mo alam kung anong klase ang pamahalaang ito, kung anong klase ang Partidong ito. Nag-imbento sila ng kung anu-anong mga di-makatarungan, huwad, mga maling kasong legal, at gumawa ng mga pekeng ulat. Ni ayaw ko nang magsalita pa tungkol sa Rebolusyong Pangkultura, pero sa mga kalilipas pa lang na taon, nariyan ang Insidente sa Tiananmen Square, ang malupit na pagsupil sa mga protesta ng mga taga-Tibet, at iba pa. Ang palagi nilang ginagawa ay nagsisimula sila sa paggawa ng mga kasinungalingan, binabaluktot ang katotohanan para pagmukhaing masama ang isang grupo, at magpasimuno ng kaguluhan, tapos susunod ang isang marahas na pagtugis. Pareho ito sa kung paano nila tratuhin ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Ito ang karaniwang taktika ng Partido para puksain ang pagtutol. Bukod diyan, ang mga kapatid ay nagsagawa na ng mga pagtitipon sa ating tahanan habang naroon ka. Alam mo na nagtitipon lang kami at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagbabahagi sa katotohanan, at umaawit ng mga himno. May pagkakatulad man lang ba kami sa mga sinasabi ng Partido?” Pero lubos nang nalihis ng mga kasinungalingan ng Partido Komunista ang asawa ko, kaya naging bingi siya sa sinasabi ko. Patuloy niya akong pinagalitan, sinasabing dapat na lang akong mamuhay ng isang magandang buhay sa halip na nagpupumilit na manampalataya sa Diyos, at na kung sinasabi ng pamahalaan na hindi ka puwedeng magkaroon ng pananalig, dapat ay isuko na lang ito. Sinabi ng asawa ko na kung magpapatuloy ako sa pagpunta sa mga pagtitipon, wawasakin niya ang aking electric motorbike para mawalan ako ng paraan na makapunta roon. Sinabi niya rin na pananatilihin na lang niya akong nakakulong sa loob ng bahay. Hindi ako gaanong nabahala noong una. Akala ko ay pansamantala lang na nalihis ng mga kasinungalingan ng Partido ang pamilya ko, at na ang galit nila ay dahil sa nag-aalala sila sa akin, at na lilipas din ang lahat ng ito makaraan ang ilang araw. Pero hindi ganoon kasimple ang mga bagay. Parami nang parami ang mga kasinungalingan na ipinalalabas sa TV at sa internet na umaatake at naninira sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at maraming ulat ng mga mananampalataya na inaaresto. Lalo pa akong hinigpitan ng aking pamilya nang makita nila ito. Sa pagtatangkang pilitin akong isuko ang aking pananalig, pinunit ng asawa ko ang aklat ko ng mga salita ng Diyos, at binasag ang MP3 player na ginagamit ko sa pakikinig sa mga himno. Inulit din niya ang lahat ng kasinungalingan ng Partido Komunista sa aming mga kapitbahay para hindi ako makapangaral ng ebanghelyo sa kanila. Nalihis din sila ng mga kasinungalingan, at iniwasan ako na para akong ketongin. Talagang nagulat ako sa inasal ng asawa ko. Napakasimple niya noon at taos-puso—paano siya nagbago nang husto, nang sobra-sobra? Makaraan ang mga taon ng aming pagsasama, paano siya naging lubos na walang pang-unawa at respeto? Lumipas ang panahon, at lagi niya akong pinipintasan, isinisisi pa sa akin at sa aking pananalig ang lahat ng naging problema sa bahay namin. Nang humina ang negosyo, sinisi niya ang aking pananalig at hindi niya ako pinapapasok sa restawran, na sinasabing nagdadala ako ng malas. Ang mga magulang niya ay laging sumisimangot at pinagagalitan ako, at madalas hinahampas ang mga bagay sa paligid sa galit. Pinigilan nila akong lumabas, at sa sandaling humakbang ako palabas, tinatawagan nila ako, tatanungin kung nasaan ako at kung sino ang kasama ko. Isinailalim nila ako sa kanilang pagbabantay ng panahong iyon. Hindi ako makapagbasa ng mga salita ng Diyos o makapag-ugnayan sa mga kapatid. Wala akong anumang personal na kalayaan. Talagang napakahirap nito para sa akin, at nagtataka ako kung bakit napakahirap na magkaroon ng pananalig, kung bakit ito isang pakikibaka, at kung kailan kaya hindi ko na kakailanganing mamuhay sa ganoong paraan. Minsan naisip ko na puwede akong tumigil na lang pansamantala sa pagpunta sa mga pagtitipon at sa paggawa sa aking tungkulin, pero pakiramdam ko ay hindi iyon naaayon sa layunin ng Diyos. Ramdam ang sakit, desperadong nanalangin ako sa Diyos at hiniling sa Diyos na gabayan ako. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at ang kanilang kinabukasan ay malabo. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! … Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Talagang naantig ako habang pinagbubulayan ang mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na hindi layunin ng Diyos na magdusa tayo, kundi ang gawing perpekto ang ating pananalig sa pamamagitan ng pang-uusig at paghihirap na ito para magkaroon tayo ng pagkakataong magpatotoo sa Diyos. Hindi ako puwedeng sumuko kay Satanas dahil natatakot akong magdusa; dapat akong magkaroon ng pananalig sa Diyos at manatili sa landas na ito hanggang dulo gaano man ito kahirap.

Kalaunan, dahil nagpatuloy ako sa pangangaral ng ebanghelyo, lalong naging mapang-api ang asawa ko. Isang araw pag-uwi ko mula sa isang pagtitipon, sinugod niya ako, nagsusumigaw, “Ano ang ginagawa mong pangangaral sa mga bisita sa restawran? Lahat ng tao ay pinag-uusapan ang pagiging mananampalataya mo. Paano mo nagawang ipahiya ako nang ganito? Nakita mo kung ano ang sinasabi nila sa TV. Kung magpapatuloy ka nang ganito, hintayin mo na lang na arestuhin ka!” Nakita ko na lalo lang siyang nababalisa, kaya hindi na ako nagsalita, at pumasok na lang sa aking silid. Natulala ako sa nakita ko roon. Pinunit niya ang aking mga aklat ng mga salita ng Diyos, at ang sahig ay napuno ng papel. Dumating din noon ang aking biyenang lalaki, at pagkapasok na pagkapasok niya, sinabi niya, “Ginusto namin na mag-asawa ang aming anak para magkaroon ng magandang buhay. Ang pamilyang ito ay masisira kung maaaresto ka dahil sa pananalig mo. Isuko mo ang iyong pananalig o kung hindi ay agad na kayong magdiborsiyo.” Tapos nagsimula siyang magsabi ng mga kalapastanganan. Hindi ko na napigilan ang galit ko, at pinutol ko ang kanyang pagsasalita, “Simula nang makapangasawa ako sa inyong pamilya, wala akong ipinakita sa inyo kundi paggalang. Ni minsan hindi ako nagalit o nakipagtalo sa inyo. Kung hindi ko nagampanan ang aking tungkulin sa pamilyang ito, may karapatan kayong pagsabihan ako, pero walang anumang mali sa aking pananalig, hindi ninyo ako dapat hadlangan lalo ang lapastanganin ang Diyos—” Bago pa ako natapos, nagbago ang ekspresyon sa kanyang mukha at sumigaw siya, “Anong masama sa pagsasabi ng gusto ko tungkol sa iyong Diyos? Hindi ako naniniwalang hindi kita kayang pakitunguhan!” Sinimulan niyang hatakin ang damit ko, sinisikap na kaladkarin ako papunta sa istasyon ng pulis, pero nagpumiglas ako at nakawala. Nang makita kung gaano ako kadeterminado at hindi ako bibigay, galit siyang umalis. Kasunod noon may narinig akong kalabog, nang papalingon na ako, nakita ko ang asawa kong sumusugod sa akin, at hinampas niya ako sa mukha, na nagpabagsak sa akin sa sahig. Nahilo ako, umugong ang aking mga tainga, at ang mukha ko ay humapdi sa sakit. Blankong-blanko ang isip ko. Sobra akong nagulat na nagawa niya iyon. Halos sampung taon na kaming nagsasama at kahit kailan ay hindi niya ako sinaktan, pero sinaktan niya ako noong araw na iyon dahil sa aking pananalig. Nang tingnan ko siya, pakiramdam ko ay isa siyang estranghero. Para siyang nabaliw, puwersahan niya akong kinaladkad mula sa sahig, isinalya sa pader at marahas na sinabi, “Sinasabi ko sa iyo, tatapusin na natin ito ngayon. Isuko mo ang iyong pananalig, o kung hindi ay magdidiborsyo tayo agad. Sabihin mo sa akin, mananampalataya ka pa ba o hindi? Gusto mo ba ang pananalig mo, o ang pamilyang ito?” Habang nagsasalita, parang baliw na iniuuntog niya ako sa pader. Nang nakita ko ang mukhang kilalang-kilala ko na naging mala-demonyo kalmado akong sumagot, “Pinipili ko ang aking pananalig.” Lalong nagalit, tinulak niya ako papunta sa kama at mahigpit na sinakal ang leeg ko. Hindi ako makahinga, at gusto kong makatakas, pero napakalakas niya. Walang paraan para malabanan ko siya. Habang nagpupumiglas ako para makahinga, nagsimula na talaga akong matakot at naisip ko, “Siguro sa ganitong paraan na ako mamamatay ngayon.” Noon din, biglang nagising ang aking tatlong-taong gulang na anak. Tumayo siya at nagsimulang tumawag, “Mama! Mama!” Nang nakita niyang sinasakal ako ng asawa ko, sinimulan niya itong paluin at itulak, tapos ay nagpumilit sumiksik sa aking mga bisig. Nang nakita ito, binitiwan ako ng asawa ko at marahas na sinabi, “Kung hindi dahil sa anak natin, namatay ka na sana sa mga kamay ko ngayon.” Umalis siya, at pinag-isipan ko ang kagaganap lang na pangyayari. Ganap na takot na takot ako. Dahil napanghimasukan ng pang-uusig sa pananalig ko ang kanyang mga personal na interes, nakagugulat na naging handa siyang patayin ako sa sakal. Hindi ba isa itong diyablo na nagbubunyag ng sarili? Habang lalo niya akong sinasaktan, mas nakikita ko kung anong klaseng tao siya, at lalo kong gustong sumunod sa Diyos hanggang sa wakas.

Dumating kinabukasan ang aking biyenang babae at sinabi niya agad pagkapasok niya, “Puwede bang tumigil ka na lang sa paniniwala sa Diyos? Alam kong isang mabuting bagay ang pagkakaroon ng pananalig, pero nangangahulugan iyon na aarestuhin ka ng Partido at gagawan ng masasamang bagay. Anong masasabi mo?” Sabi ko, “Alam mo kung gaano kahirap ang aking naging panganganak; naglabas ang ospital ng abiso ng kritikal na kondisyon. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagligtas sa akin at sa anak ko. Kailangan kong suklian ang pagmamahal ng Diyos; hindi ako maaaring kumilos nang walang konsensiya. Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, at Siya ang Tagapagligtas na bumalik upang iligtas ang sangkatauhan. Ang mga sakuna ay palaki nang palaki, at ang Diyos lang ang makapagliligtas sa mga tao. Kahit arestuhin ako at magdusa sa pagsunod sa Diyos, magiging pansamantala lang ito. Mas mabuti iyon kaysa mapunta sa impiyerno kasama ni Satanas.” Sumagot siya, “Naiintindihan ko ang sinasabi mo, ngunit bilang isang babae, dapat mong isipin ang iyong anak at asawa. Napakaliit pa ng anak mo. Makakayanan mo ba talaga siyang iisantabi nang ganoon na lang?” Nang marinig kong sabihin niya iyon, talagang gusto ko nang umiyak, pero walang luhang tumulo. Naisip ko, “Ako ba talaga ang nagsasantabi sa kanya? Ang Partido Komunista ang umaaresto at umuusig sa mga mananampalataya. At ang anak mo ang naniniwala sa mga kasinungalingan ng Partido at nanggigiit ng diborsyo at sumisira sa pamilyang ito. Paano mo nagagawang isisi ito sa aking pananalig?” Pero habang tinitingnan ko siya, na puti na ang lahat ng buhok at may nasasaktang ekspresyon sa kanyang mukha, at habang naiisip ko ang aking anak na ilalayo sa kanyang ina sa napakamurang edad, lalong naging miserable ang pakiramdam ko. Nagsimula akong manghina nang kaunti. Tahimik akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa kanya na patnubayan ako. Isang sipi ng Kanyang mga salita ang pumasok sa aking isip: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. … Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Naisip ko ang mga salita ng Diyos, at nakita na sa panlabas, mukhang lahat ng nangyayari sa akin ngayon ay gawa ng mga taong humahadlang at nang-uusig sa akin, pero mga panlalansi ni Satanas ang nasa likod ng lahat ng ito. Ginagamit ni Satanas ang aking pamilya para hadlangan ako, para guluhin ako, ginagamit ang damdamin ko para sa aking anak at kapamilya para pagbantaan ako, sinisikap akong kumbinsihing ipagkanulo ang Diyos at mawala ang pagkakataon ko sa kaligtasan. Alam kong hindi ako dapat mahulog sa mga panlalansi ni Satanas; dapat akong magkaroon ng pananalig sa Diyos, matatag na tumayong saksi, at ipahiya si Satanas. Kaya, sinabi ko sa aking biyenan, “Ang tao ay nilikha ng Diyos, kaya dapat tayong magkaroon ng pananalig at sambahin Siya. Bukod doon, ang buhay ko ay ibinigay sa akin ng Diyos, kaya anuman ang mangyari, susunod ako sa Kanya hanggang sa huli. Huwag na kayong magsayang ng lakas na subukan akong kumbinsihin.” Umiling siya, tapos tumalikod at lumakad paalis.

Nang gabing iyon, nalaman ng asawa ko na nagbabasa pa rin ako ng mga salita ng Diyos at nagalit siya nang husto. Sinabi niya, “May lakas ka pa rin ng loob na gawin ito? Hindi mo ba alam na makukulong ka dahil dito? Wala ka bang pakialam kung mabuhay ka o mamatay? Kung wala kang pakialam ayos lang, pero huwag mo kaming idamay ng anak mo rito. Kung alam ko lang na magiging mananampalataya ka, hindi na sana kita pinakasalan pa!” Tapos itinulak niya ako palabas ng pintuan at namumuhing sinabi, “Kung patuloy mong panghahawakan ang iyong pananalig, lumayas ka na sa bahay na ito!” Tapos ibinalibag niya pasara ang pinto at kinandado ito. Nang nakita ko ang asawa kong naging napakawalang-puso at nang narinig ko ang aking anak na sumisigaw ng “Mama” nang malakas na malakas, halos mabiyak na ang aking puso. Gabi na noon, lampas alas dos ng madaling araw, at wala akong dalang kahit anong pera. Napaisip ako sa pagkakataong iyon kung totoong aalis na ako ng bahay at iiwanan talaga ang anak ko. Hindi ko alam ang gagawin, at napakalungkot ng pakiramdam ko habang iniisip ito. Napagtanto ko na dala ko ang cellphone ko, kaya tinawagan ko ang mama ko. Sa sandaling narinig ko ang kanyang tinig, dumaloy ang mga luha sa aking mukha, at ang sakit at mga sama ng loob na matagal ko nang kinikimkim ay lumabas nang lahat. Pinipigil ang sarili niyang pag-iyak, sinabi niya, “Mahal, kumalma ka. Hindi ka Niya dadalhin nang ganito kalayo para lang abandonahin ka. Manampalataya ka lang sa Kanya at sumandig sa Kanya.” Sa pang-aaliw at pagbibigay ng lakas ng loob sa akin ng mama ko, na sinasabi sa akin na manampalataya ako sa Diyos at magtiwala sa Kanya, naibsan ang sakit sa aking puso.

Kinabukasan, nilalamig at nagugutom, naglalakad ako nang walang direksyon sa mga lansangan nang nakabunggo ko ang isang sister. Iniuwi niya ako sa kanyang bahay, at binasahan ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, na nakatulong para maunawaan ko ang aking pinagdaraanan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunod-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nang-aatake at nandarambong sila, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensiya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng malay. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). “Gigisingin ng Diyos ang mga taong ito, na labis na pinabibigatan ng pagdurusa, upang gisingin sila hanggang sila ay maging lubos na gising, at upang palakarin silang palabas ng hamog at tanggihan ang malaking pulang dragon. Gigising sila mula sa kanilang panaginip, makikilala ang diwa ng malaking pulang dragon, magagawang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos, aahon mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, tumayo sa Silangan ng mundo, at maging patunay ng tagumpay ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 6). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na ang Diyos ay naging tao at pumarito sa lupa sa mga huling araw, gumagawa at nagpapahayag ng katotohanan upang linisin at iligtas ang tao. Ang Partido Komunista ay natatakot na ang lahat ng tao ay tatanggapin ang katotohanan, susunod sa Diyos, at maililigtas Niya, pagkatapos ay makalalaya ang mga ito sa kontrol at pinsala ng Partido. Kaya hibang nilang sinusupil at inaaresto ang mga mananampalataya, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasinungalingan para kondenahin at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, nililihis at inuudyukan ang mga tao para itatwa at labanan nila ang Diyos kasama nito. Tunay na kasuklam-suklam ang Partido Komunista! Tinatrato lang ako nang ganito ng pamilya ko dahil nalihis sila ng Partido Komunista. Ginagamit ng Partido ang lahat ng kasinungalingan at kamaliang ito upang linlangin ang mga tao, para ang lahat ay lumaban sa Diyos kasama nito, at sa huli ay maparusahan sa impiyerno. Iyon ang pandaraya ni Satanas. Sa puntong iyon, naging napakalinaw sa akin na ang Partido Komunista ay isa lang kawan ng mga demonyo na lumalaban sa Diyos at pumipinsala ng mga tao. Alam kong hindi ako dapat mahulog sa mga panlalansi nito, at gaano man ako usigin ng pamilya ko, hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos kailanman; kailangan kong patuloy na sumunod sa Kanya at gawin ang aking tungkulin.

Kalaunan, upang makumbinsi akong isuko ang pananalig ko, tinawagan ng asawa ko ang ilang kamag-anak at kaibigan ko mula sa bayang kinalakhan ko para hilingin sa mga itong hikayatin ako. Tinawagan nila ako at pinagpasa-pasahan ang telepono, isa-isa nila akong pinagsabihan. Sabi ng kuya ko, “Bata ka pa, puwede mong gawin ang kahit na anong bagay. Bakit kailangang manampalataya ka pa sa Diyos? Isa kang maybahay, kaya ang pagkakaroon ng mga anak at pangangalaga sa iyong pamilya ang responsabilidad mo. Bakit mo pinagkakaabalahan ang pananampalataya sa Diyos? Kapag ginawa mo ito, aarestuhin ka ng Partido Komunista at itatapon ka sa kulungan. Mga ordinaryong tao lang tayo—paano natin lalabanan ito?” Kinuha ng tiyahin ko ang telepono at sinigawan ako, “Nasisiraan ka na ba? Ang isang perpektong magandang tahanan ay hindi dapat masira ng iyong pananalig! Wala ka bang pakialam sa pamilya mo? Napakatigas ng ulo mo!” Sinigawan ako ng isa pang tiyahin, “Hindi ka pa matagal na kasal at ang anak mo ay napakaliit pa. Kung ikaw ay makukulong, ano ang mangyayari sa kanya? Sundin mo na lang ang payo namin—para sa ikabubuti mo ito!” Tapos inagaw ng kuya ko ang telepono at idinagdag, “Kung magpupumilit kang gawin ito, hihiwalayan ka ng asawa mo, at kung magkagayon ay huwag na huwag kang magbalak na bumalik sa amin. Puputulin namin ang ugnayan sa iyo!” Maging ang walumpung-taong gulang kong lola ay umiiyak na sinabi sa telepono, “Hindi ka puwedeng manampalataya. Paano kung arestuhin ka? Makinig ka sa akin. Gusto lang namin ang pinakamabuti para sa iyo.” Matapos maibaba ang telepono, ang sama-sama ng pakiramdam ko. Napakarami kong gustong sabihin sa kanila, gaya ng “Sabi ninyo para sa ikabubuti ko ito, pero iyan ba ang totoong kaso? Namatay na sana ako noon pa kung hindi ako iniligtas ng Makapangyarihang Diyos, kaya narito pa ba sana ako ngayon? Sino ba talaga ang sumisira sa napakaayos na tahanan na ito? Sino ba talaga ang pinaghihiwalay ang pamilyang ito? Ito ay ang Partido Komunista, hindi ako. Inaaresto at inuusig ng Partido Komunista ang mga mananampalataya, pero sa halip na kamuhian ang Partido, kinakampihan niyo pa ito, inuusig ako at pinipilit na ipagkanulo ko ang Diyos, pinagbabantaan pang puputulin ang lahat ng ugnayan sa akin at itatakwil ako. Paanong hindi niyo alam ang tama sa mali? Gusto ba talaga ninyo ang pinakamabuti para sa akin? Anong klaseng pamilya kayo? Ang buhay ko ay ipinagkaloob ng Diyos, kaya ano ang mali sa paggawa ko sa aking tungkulin upang suklian ang pag-ibig ng Diyos? Anong mali sa pagkakaroon ng pananalig at pagtahak sa tamang landas sa buhay?” Sa loob ng ilang araw, walang tigil akong tinatawagan at pinagsasalitaan nang masama ng pamilya ko. Lubos ang paghihirap ko, kaya taimtim akong nanalangin sa Diyos at hiniling sa Kanya na bantayan ang aking puso. Sa huli, nagpatuloy ako sa pagpunta sa mga pagtitipon at sa paggawa ng aking tungkulin.

Binigyan ako ng asawa ko ng kasunduan ng pagdidiborsyo na siya mismo ang sumulat at sinabing, “Kung mananatili ka sa iyong pananalig, magdiborsyo na tayo. Hindi mo maaaring makita ang anak natin matapos tayong maghiwalay. Gayumpaman, kung handa kang tumigil na sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, kikilos ako na parang walang anumang nangyari.” Dinampot ko ang kasunduan at tiningnan: Ang mag-asawa ay walang magkabahaging ari-arian, walang magkabahaging negosyo, at walang magkabahaging pagmamay-ari; ang asawang lalaki ang may kustodiya sa anak, at ang asawang babae ay aalis nang walang makukuha. Pero kung hindi ako papayag sa diborsyo, dadalhin niya kami ng mama ko sa mga pulis, isusuplong na kami ay mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Nakita ko na matagal na niyang pinagplanuhan ito, palihim na inililipat ang lahat ng pagmamay-ari namin, para kung kami ay magdiborsyo, wala kaming paghahatiang ari-arian. Habang tinitingnan ang kasunduan ng pagdidiborsyo sa aking mga kamay, nasa isang paghihirap na naman ako. Kung lalagdaan ko ang papel na iyon, mangangahulugan ito na lilisanin ko ang tahanang ito at hindi ko na muling makikita ang anak ko. Napakaliit pa niya—hindi ko kayang mawalay sa kanya. Lubos akong nagdurusa. Tumawag ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako upang manindigan ako nang matatag. Tapos, naisip ko ang mga siping ito mula sa mga salita ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit sa pangkalahatan, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at tulad ni Job ay huwag itanggi ang Diyos. … Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa kasiyahan ng isang matiwasay na buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Inalo ako at binigyan ng lakas ng loob ng mga salita ng Diyos, at itinuro ako ng mga ito tungo sa landas ng pagsasagawa. Napagtanto ko na ang pagbabanta ng diborsyo ng asawa ko ay isang bagay na pinahintulutan ng Diyos na mangyari. Naisip ko noong si Job ay sinusubok. Lahat ng kanyang pagmamay-ari ay kinuha sa kanya ng mga bandido at lahat ng kanyang anak ay namatay sa loob ng magdamag. Nakaupo siya sa tumpok ng abo, puno ng mga pigsa. Maging ang kanyang asawa ay tinanggihan siya, at ang mga kaibigan niya ay kinutya at hinusgahan siya. Pero sa harap ng lahat ng paghihirap na ito, pinuri pa rin niya ang Diyos, sinasabing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Iyon lang ang tunay na pananalig. Taimtim akong nanumpa noon, at matatag kong sinabi sa Diyos na susunod ako sa Kanya hanggang sa huli anuman ang mangyari. Pero nang maharap ako sa mga pagbabanta ng asawa ko, naipit ako sa pagiging negatibo at panghihina. Hindi iyon tunay na pananampalataya sa Diyos. Mula nang marinig niya ang mga kasinungalingan ng Partido, hindi lang niya pinunit ang aking mga aklat ng mga salita ng Diyos, kundi naging bayolente siya sa akin, halos patayin ako sa sakal. Takot na madamay dahil sa aking pananalig, hindi lang niya gustong makipagdiborsyo, kundi iiwanan niya akong wala ni isang kusing at ilalayo ako sa aking anak. Dadalhin niya ako sa pulis kung hindi ako papayag. Anong klaseng asawa iyon? Hindi ba mas mukha siyang isang demonyo? Naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsabing: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Nakita kong pinagbabantaan ako ng diborsyo ng asawa ko dahil nakinig siya sa Partido Komunista at kinamumuhian niya ang Diyos. Kaya kahit na kami ay mag-asawa, sinusunod niya ang Partido, at nasa isang landas siya na sumasalungat sa Diyos at diretsong patungo sa impiyerno, samantalang ako ay nasa landas ng pagsunod sa Diyos upang makamit ang katotohanan at ang buhay na walang hanggan. Ang mga mananampalataya at walang pananampalataya ay nasa magkaibang landas. Alam kong hindi ko na siya puwedeng hayaan na limitahan pa ako. Habang mas inuusig niya ako, mas naging determinado ako na sumunod sa Diyos hanggang wakas, manindigan sa aking patotoo, at ipahiya si Satanas. Kaya sinabi ko sa kanya na pumapayag ako sa diborsyo.

Noong araw na nagpunta kami sa Civil Affairs Bureau para isa-pinal ang diborsyo, hindi ko naiwasang mabalisa nang kaunti na walang matitira sa akin. Paano ako makararaos pagkatapos nito? Habang iniisip kung paano ako nagsumikap para sa aming tahanan at sa aming negosyo sa loob ng maraming taon, na mauuwi lang sa wala akong kahit ano, talagang napakahirap tanggapin niyon. Tapos naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2). Napahiya talaga ako sa tanong na ito ng Diyos. Sinasabi ng lahat na sinusubok ng paghihirap ang sinseridad, pero nang maharap ako sa pag-uusig at kagipitan, inisip ko lang ang aking mga pansariling interes. Iyon ba ay tunay na pananampalataya sa Diyos? Lahat ng bagay tungkol sa akin ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya determinado akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at hindi na mag-alala sa daan ko palabas. Matapos naming lagdaan ang lahat ng papeles, tinanong ko siya, “Bakit masyado kang determinadong makipagdiborsyo?” Sabi niya, “Sinabi sa akin ng pinsan ko na ang pamahalaan ay nagpalabas ng mga sikretong dokumento na nagsasabing ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay mga kriminal na may mataas na prayoridad at ang sinumang miyembro ng Partido na matatagpuang may mananampalataya sa kanilang pamilya ay agarang patatalsikin sa Partido, sinumang kawani ng gobyerno ay sisisantehin, ang kanilang mga anak ay hindi makapapasok sa unibersidad, kakanselahin ang pensyon ng kanilang mga magulang, at ang mga ari-arian ng pamilya ay kukumpiskahin. Dati-rati ang pamilya ng isang kriminal ay idinadamay nang hanggang ika-siyam na henerasyon; ngayon, kung ang isang tao ay nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, ang lahat ng kamag-anak niya ay madadamay. Kailangan kitang pakawalan para protektahan ang lahat ng iba pa. Kung hindi, patatalsikin ang kuya ko sa Partido.” Galit na galit ako nang marinig kong sabihin niya iyon. Dumating na ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, na isang napakagandang bagay at isang pagpapala para sa lahat ng sangkatauhan. Pero ang Partido Komunista ay hibang na nilalabanan ang Diyos at kinamumuhian ang Diyos. Ginagamit nito ang lahat ng kasuklam-suklam na paraan upang gambalain at wasakin ang gawain ng Diyos, at hindi ito titigil sa harap ng anuman. Sila ay isang kawan ng mga pumapatay at walang habag na mga demonyo! Nakita ko talaga ang tunay na mukha ng malaking pulang dragon at hindi na nalinlang at naloko pa niyon. Nagpasya akong gawin nang mabuti ang aking tungkulin para suklian ang pag-ibig ng Diyos, at bigyang kahihiyan si Satanas. Pagkatapos niyon, nilisan ko ang aking tahanan at nagpatuloy ako sa paggawa ng aking tungkulin at pangangaral ng ebanghelyo. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  42. Ang Pagkakilala Gamit ang mga Salita ng Diyos ay Hinding-hindi Nabibigo

Sumunod:  44. Ang mga Kahihinatnan ng Paggawa ng Tungkulin Ayon sa Sariling Kalooban

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger