48. Pagninilay Tungkol sa Pagsusukli sa mga Kabutihan

Ni Nathan, Timog Korea

Noong 2022, nakatanggap ako ng liham mula sa iglesia sa bayan ko, na humihingi ng ebalwasyon sa isa sa mga sister na si Zhang Hua. Nakasaad sa liham na ginagambala niya ang buhay iglesia, pinag-aaway ang mga tao at bumubuo ng sarili niyang grupo. Ilang beses na sinubukang makipagbahaginan ng mga lider pero walang nangyari, at lumaban siya sa pamamagitan ng pagtukoy mismo sa mga sariling pagkakamali ng mga lider. Naghahanda ang iglesia ng impormasyong kinakailangan para patalsikin si Zhang Hua at hiniling sa aking magsulat ng ebalwasyon sa kanya. Nang makita ko ang liham, napagtanto kong malamang ay patatalsikin na si Zhang Hua sa pagkakataong ito dahil matagal nang nananatiling ganoon ang pag-uugali niya, at hindi pa rin nagbabago. Napakaseryoso ng kondisyong ito. Kapag iniisip ko ang pagtitiwalag kay Zhang Hua, hindi maganda ang pakiramdam ko tungkol dito. Itinaas niya ang ranggo ko noon, at palagi akong sinubukang alagaan. Kung malaman niyang inilantad ko ang kanyang masasamang ginawa, ano ang iisipin niya sa akin? Sasabihin ba niya na wala akong utang na loob at walang puso? Habang iniisip ito, gusto ko na lang iwasan ang bagay na iyon. Nagkataon na mayroon akong ibang gagawin, at ipinagpaliban ko ito nang ilang araw.

Patuloy na bumabagabag sa isip ko ang isyu—may naalala akong pangyayari sampung taon na ang nakararaan. Noon, si Zhang Hua ang lider ng iglesia at itinaas niya ang ranggo ko sa gawaing nakabatay sa teksto, para mas makapagsanay ako. Kalaunan, paulit-ulit na itinaas ang ranggo ko, at lumabas ako ng aking bayan para gawin ang tungkulin ko. Naisip ko na ang makapagpatuloy sa gawaing nakabatay sa teksto ay may kinalaman sa pagtataas niya ng ranggo ko sa lahat ng mga nagdaang taong iyon. Naisip ko ang pagbabahaginan, tulong at suporta na ibinigay niya sa mga taon niya bilang lider—madali kaming nagkasundo, at inalagaan niya kami nang mabuti sa aming pang-araw-araw na buhay. Hindi lang siya naghanda ng mas maaayos na bahay para tanggapin kami, kundi kapag kapos kami sa mga damit o pang-araw-araw na pangangailangan, ipinadadala rin niya agad ang mga iyon sa amin. Naaalala ko na minsan ay nagdaos siya ng pagtitipon para sa amin. Nang nabalitaan niyang may sakit ako sa atay, nakipag-ugnayan siya sa isang brother na may kasanayan sa medisina, ikinuha niya ako ng isang dosenang bote ng mga gamot sa atay nang libre. Sobrang naantig ako roon. Maliban sa pamilya ko, walang sinumang nagpakita ng ganoong malasakit para sa sakit ko. Palagi kong nararamdaman na kinikilala at pinahahalagahan niya ako at habambuhay akong nagpapasalamat para roon. Kaya halos hindi ko makaya ang pagkaasiwa nang hilingin noon sa akin na sumulat ng ebalwasyon ni Zhang Hua, dahil alam kong marami siyang masasamang gawa—kung malalantad ang mga iyon, hahantong ito sa pagpapatalsik sa kanya. Halimbawa, sa kanyang tungkulin bilang lider, pabaya siya at walang ingat, lubhang pinipinsala ang gawain ng iglesia. Matapos tanggalin bilang lider, humayo siya para ipangaral ang ebanghelyo pero nagsimulang sumunod sa mga anticristo, hinuhusgahan at tinutuligsa ang mga lider bilang mga huwad na lider sa kanyang pakikibaka para sa pamumuno. Dahil dito, hindi magawa ng mga lider at manggagawa ang kanilang tungkulin, at lubhang nagulo ang gawain ng iglesia. Masamang tao ang kapatid niya at nang patalsikin ito, hindi natuwa si Zhang Hua at ipinagtanggol ito, nagpapakalat ng mga kuru-kuro. At iba pa. Hindi ko maiwasang magtaka kung bakit palaging sinusuportahan ni Zhang Hua ang mga maling tao. Pagkatapos ay naisip ko ang salita ng Diyos: “Marami sa iglesia ang hindi makakilala. Kapag nangyayari ang mga insidente kung saan nalilihis ang mga tao, hindi inaasahan na pumapanig sila kay Satanas; pakiramdam pa nga nila ay labis silang naaagrabyado na tinatawag silang mga alipin ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilala, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtunggali kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkakilala? Bakit pumapanig sila kay Satanas nang hindi inaasahan? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkakilala ang mayroon ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustung-gusto ng mga taong walang pagkakilala ang kasalanan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay ang mga tapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalitang kagaya nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang walang-kuwentang mga diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katotohanang ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Sa pamamagitan ng pagbubunyag ng salita ng Diyos, at paghahambing nito sa mga nakaraang masasamang gawa ni Zhang Hua at sa kasalukuyan niyang pag-uugali, nakita ko na palagi siyang pumapanig kay Satanas, ginugulo ang gawain ng iglesia. Naunawaan kong, ang totoo, alipores siya ni Satanas—isang masamang tao na ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Kung ilalantad ko ang lahat ng masasamang gawa at pag-uugali ni Zhang Hua, kung gayon ayon sa mga prinsipyo ng iglesia, tiyak na paaalisin siya. Pagkatapos, matatanggalan na siya ng papel na gagampanan sa sambahayan ng Diyos at mawawalan ng pagkakataon sa kaligtasan. Medyo may katandaan na siya, at hindi pa nakakabuo ng pamilya. Kung patatalsikin siya, may mapupuntahan ba siya? Nang maisip ko ang pag-aalaga at promosyon na ibinigay niya sa akin, nalagay ako sa pag-aalinlangan. Kung ilalantad ko siya, malamang na patatalsikin siya dahil sa kanyang masamang pag-uugali. Kung hindi naman, hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia o nagiging tapat sa Diyos. Sa pag-iisip tungkol dito, naisipan kong magkompromiso. Lumipas na ang mga taon, at hindi gaanong matalas ang memorya ko. Nakalimutan ko na ang maraming detalye, kaya wala nang silbi ang magsikap na maalala ang mga ito. Isusulat ko na lang ang ilang halatang bagay at tama na iyon. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng kaunting paninisi sa puso ko. Hindi ba’t panlilinlang at panlalansi lamang ito? Ngayon ang huling yugto ng pagbubunyag sa gawain ng Diyos, kung kailan pinagbubukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri. Kapag naalis na ang masasamang tao, mga anticristo, mga hindi mananampalataya at masasamang espiritu, saka lang malilinis ang iglesia at maisasakatuparan nito nang maayos ang gawain nito. Alam na alam kong masama si Zhang Hua, pero ayaw kong ilantad siya—gusto ko siyang protektahan at pagtakpan. Ito ay pagpanig kay Satanas at paglaban sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, natakot ako. Sinubukan kong alalahanin ang lahat ng naging pagkilos niya at isinulat ang mga iyon para sa lider.

Nang maipadala ko na ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko, pero may pakiramdam pa rin ng lungkot na naiwan. Kung babalik ako sa bayan ko balang araw at malalaman ni Zhang Hua na ako ang naglantad sa kanyang masasamang gawa, sasabihin ba niya na wala akong pagmamahal, at walang utang na loob? Sa loob ng maraming araw, kapag naiisip ko ang tungkol dito, pakiramdam ko ay may nagawa akong mali. Patuloy akong nagbulay-bulay: Alam kong naaayon sa layunin ng Diyos ang paglalantad at pag-uulat sa masasamang tao at tungkulin ito ng lahat ng hinirang ng Diyos, kaya bakit ako sobrang nalulungkot, at ayaw siyang ilantad? Bakit pakiramdam ko ay parang may utang ako sa kanya? Sa pagninilay-nilay, naalala ko na noong himayin ng Diyos ang iba’t ibang kasabihan tungkol sa moral na pag-asal binanggit Niya ang paksa ng pagsusukli sa mga kabutihan, kaya sinimulan kong basahin ang salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang ideya na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian ay isa sa mga klasikong pamantayan sa tradisyonal na kultura ng Tsino para husgahan kung ang isang tao ba ay moral o imoral. Kapag kinikilatis kung ang pagkatao ng isang tao ay mabuti o masama, at kung gaano katuwid ang moralidad ng kanyang asal, isa sa mga pinagbabatayan ay kung sinusuklian ba niya ang mga pabor o tulong na natatanggap niya—kung siya ba ay isang tao na buong-pasasalamat na sinusuklian ang kabutihang natanggap o hindi. Sa tradisyonal na kultura ng Tsina, at sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, itinuturing ito ng mga tao bilang mahalagang pamantayan ng moralidad. Kung hindi nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian, at siya ay walang utang na loob, kung gayon, siya ay itinuturing na walang konsensiya at hindi nararapat na makaugnayan, at dapat siyang kasuklaman, itaboy, at tanggihan ng lahat. Sa kabilang banda, kung nauunawaan ng isang tao na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian—kung siya ay tumatanaw ng utang na loob at sinusuklian ang mga pabor at tulong na natatanggap niya sa abot ng kanyang makakaya—itinuturing siya na isang taong may konsensiya at pagkatao. Kung ang isang tao ay nakatatanggap ng mga pakinabang o tulong mula sa ibang tao, pero hindi niya ito sinusuklian, o nagpapahayag lang siya ng kaunting pasasalamat dito sa simpleng ‘salamat’ at wala nang iba pa, ano ang iisipin ng ibang taong iyon? Mababahala kaya siya tungkol dito? Iisipin ba niya, ‘Ang taong iyon ay hindi nararapat na tulungan, hindi siya mabuting tao. Kung ganoon ang reaksiyon niya kahit labis ko siyang tinulungan, wala siyang konsensiya o pagkatao, at hindi nararapat na makaugnayan’? Kung muli niyang makasasalamuha ang ganitong uri ng tao, tutulungan pa rin ba niya ito? Hindi niya ito gugustuhin man lang. Sa katulad na mga sitwasyon, hindi ba ninyo pag-iisipan kung dapat ba kayong tumulong o hindi? Ang aral na matututuhan ninyo mula sa dati ninyong karanasan ay, ‘Hindi ko pwedeng tulungan ang kung sino lang—kailangan nilang maunawaan na ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung sila ang tipong walang utang na loob na hindi ako susuklian sa tulong na ibinigay ko sa kanila, mas mabuti pang huwag na akong tumulong.’ Hindi ba’t iyon ang magiging pananaw ninyo sa usaping ito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nahanap ko ang dahilan kung bakit ako masyadong nalulungkot, at nakararamdam na parang may utang ako sa kanya. Naligaw at nalason ako ng kasabihan ng pagsusukli sa mga kabutihan. Mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda ko, kapag nag-uusap ang mga magulang ko, matatanda, o mga taga-nayon, ang kasabihang “pagsusukli sa mga kabutihan” ay madalas nilang napag-uusapan. Kapag nababalitaan nila kung paanong sinusuklian kalaunan ng isang nakatanggap ng tulong ang pabor, pinupuri nila ang taong ito at sinasabing mabuti siya, may konsensiya, at nararapat kaibiganin. Hinahangaan at iginagalang nila ang gayong tao, at magiliw itong binabati kapag nakikita nila ito. Pero kapag hindi sinusuklian ng isang tao ang isang pabor, ayaw nilang makisama rito. Palihim nilang binabansagan ang gayong tao na walang utang na loob, walang konsensiya at pagkatao, at hindi man lang ito binabati. Dahil nababad ako sa kapaligiran ng aking kabataan, palagi kong sinusubukang isagawa ang pagsukli sa mga kabutihan. Kailangan kong alalahanin ang lahat ng tumulong sa akin o sa pamilya ko, at suklian sila sa lalong madaling panahon. Kung hindi ko ito magagawa agad, kailangan kong maghintay at suklian sila sa susunod, kapag kaya ko na. Mukhang ganito dapat kumilos ang isang marangal, may konsensiya, at matuwid na tao, at pinaboran ako ng mga nakapaligid sa akin dahil dito. Pero kay Zhang Hua, pakiramdam ko ay hindi ko nasuklian ang lahat ng kanyang promosyon, malasakit, at tulong, at pinuna ko pa nga ang kanyang masasamang gawa. Nakonsensiya ako at pakiramdam ko ay wala akong utang na loob. Kinokontrol pa rin ako ng mga ideyang ito na kahit alam kong nakakagambala lang ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya sa gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ng mga kapatid, ayaw ko pa ring ilantad ang kanyang masasamang gawa. Labis akong nailigaw at nahadlangan ng konsepto ng pagsusukli sa mga kabutihan.

Sa sandaling iyon, marami pa akong nabasang salita ng Diyos na nagsabing: “Ang mga pahayag sa wastong asal gaya ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’ ay hindi eksaktong sinasabi sa mga tao kung ano ang mga responsabilidad nila sa lipunan at sa sangkatauhan. Sa halip, paraan ang mga ito upang igapos at pwersahin ang mga tao na kumilos at mag-isip sa partikular na paraan, gusto man nila o hindi, at kahit ano pa ang sitwasyon o konteksto ng pagsapit sa kanila ng mga kabutihang ito. Maraming halimbawang katulad nito mula sa sinaunang Tsina. Halimbawa, ang isang nagugutom na pulubing batang lalaki ay inampon ng isang pamilya na nagpakain, nagbihis, nagsanay sa kanya sa martial arts, at nagturo sa kanya ng lahat ng uri ng kaalaman. Naghintay ang pamilya na lumaki siya, at pagkatapos ay sinimulang gamitin siya bilang mapagkakakitaan, pinalalabas siya para gumawa ng masama, pumatay ng mga tao, at gumawa ng mga bagay na ayaw niyang gawin. Kung titingnan mo ang kwento niya batay sa lahat ng pabor na natanggap niya, iisipin mong mabuting bagay ang pagkakaligtas sa kanya. Pero kung iisipin mo ang mga napilitan siyang gawin kalaunan, mabuti ba talaga ito o masama? (Masama ito.) Pero sa ilalim ng pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura gaya ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,’ hindi nakikita ng mga tao ang pagkakaiba nito. Sa panlabas, mukhang walang pagpipilian ang batang lalaki kundi gumawa ng masasamang bagay at manakit ng mga tao, maging mamamatay-tao—mga bagay na hindi gugustuhing gawin ng karamihan. Ngunit hindi ba’t ang katunayang ginawa niya ang masasamang bagay na ito at pumatay siya ayon sa utos ng kanyang amo, sa kaibuturan, ay nagmumula sa kanyang pagnanais na suklian ang kanyang amo para sa kabutihan nito? Partikular na dahil sa pagkokondisyon ng tradisyonal na kultura ng Tsina gaya ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,’ hindi mapigilan ng mga taong maimpluwensiyahan at makontrol ng mga ideyang ito. Ang paraan ng kanilang pagkilos, at ang mga layunin at motibasyon sa likod ng mga pagkilos nila ay tiyak na napipigilan ng mga ito. Nang malagay sa ganoong sitwasyon ang batang lalaki, ano kaya ang unang naisip niya? ‘Iniligtas ako ng pamilyang ito, at naging mabuti sila sa akin. Hindi pwedeng hindi ako tumanaw ng utang na loob, dapat kong suklian ang kanilang kabutihan. Utang ko ang buhay ko sa kanila, kaya dapat ko itong ilaan sa kanila. Dapat kong gawin ang anumang hinihingi nila sa akin, kahit pa nangangahulugan iyon ng paggawa ng masama at pagpatay ng mga tao. Hindi ko pwedeng isaalang-alang kung tama ba ito o mali, dapat ko lang suklian ang kabutihan nila. Karapat-dapat pa ba akong matawag na tao kung hindi ko gagawin ito?’ Dahil dito, kahit kailan naisin ng pamilya na pumatay siya ng isang tao o gumawa ng masama, ginagawa niya ito nang walang pag-aatubili o pasubali. Kaya, hindi ba’t ang kanyang asal, mga ikinikilos, at ang kanyang walang pag-aalinlangang pagsunod ay pawang dinidiktahan ng ideya at pananaw na ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’? Hindi ba’t isinasakatuparan niya ang pamantayang iyon ng moralidad? (Oo.) Ano ang nakikita mo mula sa halimbawang ito? Mabuti ba o hindi ang kasabihang ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’? (Hindi, walang prinsipyo rito.) Ang totoo, ang isang taong nagsusukli sa kabutihan ay mayroon namang prinsipyo. Ito ay ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian. Kung may gumagawa sa iyo ng kabutihan, dapat mo itong suklian. Kung hindi mo ito magagawa, hindi ka tao at wala kang masasabi kung ikaw ay kokondenahin dahil dito. Ayon sa kasabihan: ‘Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,’ pero sa sitwasyong ito, ang natanggap ng batang lalaki ay hindi munting kabutihan bagkus ay isang kabutihang nagligtas ng buhay niya, kaya mas higit ang dahilan niyang suklian din ito ng buhay. Hindi niya alam kung ano ang mga limitasyon o mga prinsipyo ng pagsusukli sa kabutihan. Naniniwala siya na ang kanyang buhay ay ibinigay sa kanya ng pamilyang iyon, kaya dapat niya itong ilaan sa kanila bilang kapalit, at gawin ang anumang hinihingi nila sa kanya, kasama na ang pagpatay o iba pang paggawa ng kasamaan. Ang ganitong paraan ng pagsusukli sa kabutihan ay walang mga prinsipyo o limitasyon. Naging kasabwat siya ng masasama at sa paggawa nito ay sinira niya ang kanyang sarili. Tama bang suklian niya ang kabutihan sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Kahangalan ang ganitong pagsasagawa ng mga bagay-bagay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Sa pamamagitan ng halimbawa ng Diyos tungkol sa pulubing sumukli sa kabutihan, nakita ko na ang tradisyonal na kultura ng pagsusukli sa mga kabutihan ay isang satanikong panlilinlang na naglalayong lasunin tayo. Ang ideya ng pagsusukli sa mga kabutihan ay hindi lang pumipigil sa ating kaluluwa, kundi binabaluktot din nito ang ating mga kaisipan, ginagawang utang na loob ang ordinaryong tulong sa pagitan ng mga tao na dapat tandaan at suklian, para ang isa ay hindi matawag na walang konsensiya at pagkatao. Ilang tao ang hindi na alam ang wastong asal dahil sa nakaliligaw at nakalalasong tradisyonal na kulturang ito! Kahit sino pa ang gumagawa ng pabor, kahit ito ay masamang tao o taong may mga lihim na motibo, sino man ang makikinabang ay kailangang suklian ito ng kanilang buong pagkatao, kahit umabot pa sa patayan, at iba pang kasamaan. Kaya’t napagtanto ko na ang panlilinlang ng pagsusukli sa mga kabutihan ay talagang nakalalason sa mga tao. Kapag naiisip ko na inaatake ni Zhang Hua ang mga lider at manggagawa at ginagambala ang gawain ng iglesia, alam kong ang layunin ng lider sa paghingi ng ebalwasyon ay para malinaw na maunawaan kung paano karaniwang kumikilos si Zhang Hua para mapagpasyahan kung patatalsikin siya o hindi. Pero sa ilalim ng panlilihis at impluwensiya ng “pagsusukli sa mga kabutihan,” ang maisip pa lang si Zhang Hua na nagtataas ng aking ranggo at nag-aalaga sa akin—lahat ng kanyang pabor—ay nagparamdam na sa akin ng kagustuhang pagtakpan ang kanyang masasamang gawa. Litong-lito ako para malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, itim at puti! Sa puntong ito, nagawa ko nang matukoy ang ilang bagay tungkol sa ideya ng pagsusukli sa mga kabutihan. Nakita kong hindi ito positibong bagay, kundi isang panlilinlang na ginagamit ni Satanas para iligaw at gawing tiwali ang mga tao. Alam kong hindi ako dapat mamuhay ayon dito, hindi ko ito dapat ituring na prinsipyo ng pag-uugali.

Kalaunan, marami pa akong nabasa sa salita ng Diyos na nagsabing: “Ang tradisyonal na pangkultural na konsepto na ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’ ay kailangang kilatisin. Ang pinakamahalagang bahagi ay ang salitang ‘kabutihan’—paano mo dapat tingnan ang kabutihang ito? Anong aspekto at kalikasan ng kabutihan ang pinatutungkulan nito? Ano ang kabuluhan ng ‘Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian’? Dapat alamin ng mga tao ang mga sagot sa mga tanong na ito, at sa anumang pagkakataon ay hindi sila dapat mapigilan ng ideyang ito ng pagsusukli ng kabutihan—para sa sinumang naghahangad sa katotohanan, ito ay lubos na mahalaga. Ano ang ‘kabutihan’ ayon sa mga kuru-kuro ng tao? Sa mas mababang antas, ang kabutihan ay ang pagtulong sa iyo ng isang tao kapag may problema ka. Halimbawa, ang pagbibigay sa iyo ng isang tao ng isang mangkok ng kanin kapag gutom na gutom ka, o isang bote ng tubig kapag uhaw na uhaw ka, o pag-alalay sa iyong makatayo kapag nadapa ka at hindi makabangon. Lahat ito ay paggawa ng kabutihan. Ang dakilang paggawa ng kabutihan ay ang pagliligtas sa iyo ng isang tao kapag nasa desperado kang kalagayan—iyon ay kabutihan na nakapagliligtas ng buhay. Kapag nasa mortal kang panganib at may tumutulong sa iyong makaiwas sa kamatayan, sa esensya ay sinasagip niya ang iyong buhay. Ang mga ito ay ilan sa mga bagay na sa tingin ng mga tao ay ‘kabutihan.’ Ang ganitong uri ng kabutihan ay higit na nalalagpasan ang anumang maliliit at materyal na pabor—ito ay dakilang kabutihan na hindi masusukat sa pera o materyal na mga bagay. Ang mga nakatatanggap nito ay nakararamdam ng pasasalamat na imposibleng maipahayag sa iilang salita lamang ng pagpapasalamat. Ngunit tumpak ba na sukatin ng mga tao ang kabutihan sa ganitong paraan? (Hindi.) Bakit sinasabi mong hindi ito tumpak? (Dahil ang panukat na ito ay nakabatay sa mga pamantayan ng tradisyonal na kultura.) Ito ay isang sagot na batay sa teorya at doktrina, at bagamat mukhang tama ito, hindi nito natutukoy ang diwa ng usapin. Kaya, paano ito maipapaliwanag ng isang tao sa mga praktikal na termino? Pag-isipan itong mabuti. Kamakailan, nabalitaan Ko ang tungkol sa isang video online ng isang lalaking nakalaglag ng pitaka nang hindi niya namamalayan. Isang maliit na aso ang nakapulot sa pitaka at hinabol ang lalaki, at nang makita ito ng lalaki, binugbog niya ang aso dahil inakala niyang ninakaw nito ang pitaka niya. Kakatwa, hindi ba? Mas wala pang moralidad ang lalaking iyon kaysa sa aso! Ang ikinilos ng aso ay ganap na alinsunod sa mga pamantayang pangmoralidad ng tao. Ang isang tao ay makasisigaw sana ng ‘Nalaglag ang pitaka mo!’ Ngunit dahil hindi nakapagsasalita ang aso, tahimik lang nitong pinulot ang pitaka at sumunod sa lalaki. Kaya, kung ang isang aso ay kayang isakatuparan ang ilan sa mabubuting asal na hinihikayat ng tradisyonal na kultura, ano ang sinasabi nito tungkol sa mga tao? Ang mga tao ay ipinanganak na may konsensiya at katwiran, kaya mas may kakayahan silang gawin ang mga bagay na ito. Hangga’t may konsensiya ang isang tao, maisasakatuparan niya ang mga ganitong uri ng responsabilidad at obligasyon. Hindi na kailangang magsumikap o magbayad ng halaga, kaunting pagsisikap lang ang kinakailangan nito at paggawa lang ito ng isang bagay na nakatutulong, isang bagay na kapaki-pakinabang sa iba. Ngunit ang kalikasan ba ng ganitong kilos ay talagang maituturing na ‘kabutihan’? Umaabot ba ito sa antas ng paggawa ng kabutihan? (Hindi.) Dahil hindi, kailangan pa bang pag-usapan ng mga tao ang pagsukli rito? Hindi na ito kakailanganin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Habang pinagbubulayan ko ang salita Niya, nabigyang-liwanag ang puso ko. Sabi ng Diyos: “Ang pinakamahalagang bahagi ay ang salitang ‘kabutihan’—paano mo dapat tingnan ang kabutihang ito?” Sa sandaling malaman ko kung paano tingnan ang “kabutihan,” makikita ko ang katotohanan at hindi na maliligaw o mapipigilan nito. Kaya pinag-isipan ko ito. Naniwala ako na nagpakita ng kabutihan si Zhang Hua sa akin sa dalawang pangunahing paraan. Unang-una, itinaas niya ang ranggo ko. Pangalawa, pinabigyan niya ako sa isang kapatid ng gamot noong lider siya. Ngayon, talaga bang kabutihan ang mga ito? Sa totoo lang, kapag ang isang tao ay may sakit o nahaharap sa ilang paghihirap, ang pag-aalok ng tulong para magbigay ng kaunting ginhawa ay normal na asal—ito ay isang responsabilidad at sentido komun. Sinumang may konsensiya at katwiran ay kayang makamit iyon, at malayo ito sa espesyal na kabutihang dapat suklian. Pero isinapuso ko ang tulong niya at itinuring ko itong espesyal na kabutihang dapat suklian, sinubukan pa ngang panatilihin siya sa iglesia sa pamamagitan ng pagtatakip sa kanyang masasamang gawa. Sa pagsusukli sa kanyang kabutihan sa ganitong paraan, hindi ba’t isinasakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para sa sarili ko? Lubos akong nalito! Inisip ko rin kung ang pagtataas ni Zhang Hua sa ranggo ko ay maituturing na espesyal na kabutihan. Naisip ko ito sa mga salita ng Diyos: “Dapat ninyong maunawaan na anumang oras o saanmang yugto ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang kailangan ng ilang tao upang makatuwang Niya. Na ang mga taong ito ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos o nakikipagtulungan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pauna na Niyang itinakda. … Sino sa inyo ang gumagampan sa inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon nang aksidente lamang? Anuman ang pinagmulan mo upang gampanan ang tungkulin mo, wala sa mga ito ang nagkataon lang. Hindi magagampanan ang tungkuling ito sa pamamagitan lang ng basta-bastang pagpili ng ilang mananampalataya; ito ay isang bagay na pauna nang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan. Ano ang ibig sabihin kapag ang isang bagay ay nauna nang itinalaga? Ano sa partikular? Ang ibig sabihin nito ay sa Kanyang kabuuang plano ng pamamahala, matagal nang naiplano ng Diyos kung ilang ulit kang darating sa mundo, sa aling lipi at sa aling pamilya ka isisilang sa panahon ng mga huling araw, ano ang mga magiging kalagayan ng pamilyang ito, ikaw ba ay magiging lalaki o babae, ano ang iyong magiging mga kalakasan, anong antas ng edukasyon ang maaabot mo, gaano ka magiging mahusay magsalita, ano ang iyong magiging kakayahan at ano ang magiging itsura mo. Pinlano Niya ang edad na darating ka sa sambahayan ng Diyos at magsisimulang gumanap ng iyong tungkulin, at anong tungkulin ang iyong gagampanan at anong oras. Matagal nang paunang itinalaga ng Diyos ang bawat hakbang para sa iyo. Bago ka pa isinilang, at nang namuhay ka sa lupa sa iyong nakaraang ilang buhay, naisaayos na ng Diyos para sa iyo ang tungkuling iyong gagampanan sa panahong ito ng huling yugto ng gawain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang mas pinagbubulayan ko ang mga salita ng Diyos, mas nagiging malinaw ang mga bagay-bagay. Kung titingnan, ang aking gawaing nakabatay sa teksto ay dahil sa promosyon ni Zhang Hua, pero sa realidad, ang Diyos ang Siyang nagsasaayos ng lahat. Ang Diyos ang umakay nang hakbang-hakbang sa akin sa papel na ito. Kung hindi nagtataglay ang sambahayan ng Diyos ng gawaing ito, hindi ko magagampanan ang tungkuling ito. Kaya hindi ba’t nangyari ang lahat ng ito bilang resulta ng gawain ng Diyos? Ang Diyos ang dapat kong pasalamatan at tanawan ng utang na loob, pero inisip kong si Zhang Hua ang pinagmulan ng pabor na ito, at ginusto kong suklian siya para rito. Hindi ko makita ang biyaya ng Diyos, ang kabutihan lamang ng tao. Tunay akong naging bulag, ignorante, hindi makatwiran at hangal. Ang tungkulin ni Zhang Hua bilang lider ng iglesia ay para sanayin at itaas ang ranggo ng mga tao ayon sa mga hinihingi ng gawain ng sambahayan ng Diyos—dapat pinasalamatan ko ang Diyos, sa halip na iukol ang kabutihang ito sa ibang tao. Nang maunawaan ko na ito, gumaan ang pakiramdam ko. Ang pagtanaw ko ng utang na loob sa kanya sa mahigit sampung taon, ang pasasalamat na naramdaman ko sa pagpapahalaga niya sa akin, at ang pagnanais kong masuklian siya ay nawala lahat. Hindi na ako nakaramdam ng utang na loob sa kanya o pagsisisi sa paglalantad sa kanyang masasamang gawa. Nawala rin ang pagkakonsensiya sa pagiging walang utang na loob at wala nang kuwestiyon ng anumang kabutihan sa pagitan namin. Gaya ng sinabi ng Diyos: “Para sa Akin, wala talagang ganitong uri ng ‘kabutihan,’ at sana ay ganoon din para sa inyo. Kung gayon ay paano ninyo ito dapat ituring? Ituring lang ninyo itong isang obligasyon at isang responsabilidad, at isang bagay na dapat gawin ng isang taong may mga likas na gawi ng tao. Dapat ninyo itong ituring bilang inyong responsabilidad at obligasyon bilang isang tao, at gawin ninyo ito sa abot ng inyong makakaya. Iyon lang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Pinalaya ako ng salita ng Diyos mula sa gapos ng ideya ng pagsusukli sa mga kabutihan at itinama ang aking pananaw sa mga usaping ito. Lubos akong nagpapasalamat sa Kanya.

Kaya, akala ko ay tapos na ang isyu. Pero hindi nagtagal pagkatapos niyon, muli akong sinulatan ng iglesia sa bayan ko, hinihiling sa aki na isulat nang malinaw ang asal ni Zhang Hua, pati na rin ang mga oras at lugar na naganap ito, nang ipagtanggol niya ang mga anticristo at masasamang tao, at sumunod sa mga anticristo na gumawa ng kasamaan. Kung walang ganoong ebidensiya, imposibleng mapatalsik siya. Matapos matanggap ang liham, medyo hindi pa rin ako mapakali. Kung isusulat ko ito, tiyak na mapapatalsik si Zhang Hua. Naging napakabuti niya sa akin, at kung gagawin ko ito, hindi ba’t … Pero agad kong napagtanto na umaandar na naman ang satanikong prinsipyo ng pagsusukli sa mga kabutihan. Kailangan kong balewalain ang ideyang ito at magsagawa ayon sa salita ng Diyos. Naalala ko na sinasabi ng salita ng Diyos: “Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?’ ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: ‘Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.’ Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Ginawa itong napakalinaw ng salita ng Diyos: Dapat nating tratuhin ang mga tao nang may prinsipyo, mahalin ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Ang mga naghahangad at nagsasagawa sa katotohanan ay mga kapatid natin at dapat tratuhin nang may pagmamahal. Iyong mga talagang hindi naghahangad sa katotohanan o nagsasagawa nito, o gumagawa pa nga ng kasamaan na nakakagambala sa gawain ng iglesia ay hindi mga kapatid kundi mga alipores ni Satanas, masasamang tao. Kailangan silang mailantad, matukoy, at mapaalis mula sa iglesia. Ito lang ang naaayon sa layunin ng Diyos. Hindi na ako nagdalawang-isip matapos itong maunawaan. Kalakip ang mga dokumentong ibinigay ko noong una at kasama ang masusing paggunita, gumawa ako ng salaysay ng kanyang masasamang gawa. Matapos ipadala ang aking tugon, naging mapayapa at magaan ang pakiramdam ko. Sa wakas ay nakatakas na ako sa mga hadlang ng konsepto ng pagsusukli sa mga kabutihan at nakaramdam ng ginhawa ang puso ko.

Sinundan:  47. Mga Pagninilay-Nilay sa Pakikipagkompetensiya para sa Kasikatan

Sumunod:  49. Bakit Napakahirap Umamin sa mga Pagkakamali?

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger