47. Mga Pagninilay-Nilay sa Pakikipagkompetensiya para sa Kasikatan
Noong 2019, napili ako bilang lider ng iglesia. Noong panahong iyon, pangunahing pinangangasiwaan ko ang paggawa ng video. Sa pagkatuto mula sa ilang lider ng pangkat, unti-unti akong nabihasa sa mga prinsipyo ng produksyon at nakabuo ng sarili kong perspektiba. Sa mga talakayan, sinasang-ayunan ng lahat ang ilang puntong binabanggit ko. Habang paganda nang paganda ang mga video na ginagawa namin, dumarating ang mga kapatid sa ibang mga iglesia para matuto mula sa amin. Pakiramdam ko ay malaki ang natamo ko, iniisip na, “Maliban sa napapangasiwaan ko ang gawain ng iglesia, nauunawaan ko rin ang propesyonal na gawain at kaya kong matukoy ang mga problema sa paggawa ng video. Kung may nakakapagpalito sa lahat, madalas silang humihingi sa akin ng payo. Sa kabuuan, tingin ko ay kalipikado akong lider.” Kalaunan, hindi nakayanan ng brother na nakapareha ko ang gawain at tinanggal siya, at si Sister Lisa ang naging bagong kapareha ko para gawin ang gawain ng iglesia. Nagsimula akong magkalkula: May higit na kabatiran ang pagbabahagi ni Lisa tungkol sa katotohanan kaysa sa akin, pero mas matagal na akong nangangasiwa sa paggawa ng video at mas may karanasan. Hindi niya kayang pantayan ang mga kasanayan ko at medyo kaswal siya sa mga salita at kilos niya. Sa kabuuan, may lamang pa rin ako, at ako ang kadalasang gagabay sa gawain namin. Pero habang unti-unting nakasanayan ni Lisa ang gawain ng iglesia, naging mas mabisa siya sa kanyang pagbabahagi at sa paglutas ng mga isyu. Lumalapit na sa kanya ang mga kapatid para sa lahat ng katanungan nila. Nang makita kong masipag at responsable si Lisa sa gawain niya at nagbibigay ng mas aktuwal na pagbabahagi sa mga salita ng Diyos kaysa sa akin, hindi namamalayang nakaramdam ako ng pangamba. At lalo na nang mapansin kong madalas na sinasang-ayunan ng mga lider ng pangkat ang mga ideya niya, lalo pa akong nainggit. Kung magpapatuloy iyon nang ganoon, sa malao’t madali ay masasapawan niya ako, at mas lalo akong magiging walang halaga. Hindi iyon maaari, naisip ko. Kailangan kong gumawa ng paraan para malampasan siya. Pagkatapos noon, nang talakayin namin ang gawain kasama ang mga lider ng pangkat, sinisiguro kong ako ang unang magbabahagi ng mga ideya.
Isang beses, nang tinatalakay namin ang isang isyu sa isang video, nagbigay ako ng payo, pero sa tingin ng iba ay hindi ito isang isyu ng prinsipyo kaya iwinaksi nila ang ideya ko at binago ang paksa. Medyo napahiya ako. Noong simula ay gusto kong ipakita na mayroon akong magandang ideya at may kabatiran, kaya bakit hindi ko maipaintindi ang punto ko? Nasamid ako sa pinakamahalagang sandali. Ipinakita kong hindi ako kapantay ni Lisa sa diskarte kong ito. Habang nagbabahagi si Lisa, pakiramdam ko ay sobrang napahiya ako nang husto, at lalo akong nainggit. Isang beses, pagkatapos ng talakayan, personal na lumapit sa akin ang isang lider ng pangkat at sinabing, “Mukhang medyo taranta ka nitong mga nakaraang araw. Nagmamadali kang maunang magsalita bago mo pa maunawaan kung ano ang tinatalakay, at nagagambala nito ang daloy ng pag-iisip namin. Tapos, kailangan naming ipaliwanag ulit sa iyo ang lahat, at naaantala niyon ang pag-usad ng gawain natin. Kailangan mong pagnilayan ito.” Talagang nasiraan ako ng loob nang marinig ito. Noon, karamihan sa mga ideya ko ay nasasang-ayunan sa mga talakayan kasama ang mga lider ng pangkat. Pero mula nang dumating si Lisa, unti-unting lumiit ang katayuan ko sa iba, wala nang may pakialam sa sasabihin ko at nagagambala ko pa nga ang gawain ng iglesia. Kung magpapatuloy ito, paano ko pa maipapakita ang mukha ko? Bukod sa hindi ako nagnilay-nilay, isinisi ko ang lahat kay Lisa. Sa loob ng ilang araw, nagmukmok ako tungkol dito at lalo akong nanlumo, at unti-unting nabawasan ang pagkaepektibo ko sa gawain ko. Isang beses, dumating ang isang nakatataas na lider para sabihin sa akin na ang parte ng gawaing pinangangasiwaan ko noon ay itatalaga kay Lisa. Hindi ako natuwa rito, pero wala akong sinabi. Naisip ko, “Pagkatapos ng pagtatalaga sa ibang tungkulin na ito, malinaw na pangangasiwaan ni Lisa ang karamihan sa gawain ng iglesia at magiging assistant ako. Iisipin ba ng iba na itinalaga ang gawain dahil hindi ko ito kaya? Dati akong namumuno at naging bahagi sa lahat ng gawain ng iglesia, pero ngayon nasapawan na ako ni Lisa sa lahat. Hangga’t nandito siya, patuloy akong maisasantabi.” Habang mas iniisip ko ito, mas lalong sumasama ang loob ko. Bumalik ako sa aking kuwarto nang may isang mabigat na pakiramdam, at nahiga sa kama na nanghihina, hindi ko matanggap ang bagong realidad na ito. Hindi mas mahusay kaysa sa akin ang kakayahan at abilidad ni Lisa sa gawain. Matagal ko na ring pinangangasiwaan ang gawaing pangvideo at may karanasan ako, kaya bakit natatalo niya ako? Hindi ako puwedeng madaig nang ganoon. Kailangan kong bawiin ang reputasyon at katayuan ko kahit ano ang mangyari! Simula noon, hinihintay kong magkamali si Lisa para mapagsikapan kong makabalik sa dati. Isang beses, hindi ako kinontak ni Lisa nang makipagtalakayan siya sa gawain sa mga lider ng pangkat, at sinimulan ang gawain nang hindi ko nalalaman. Sinamantala ko ang pagkakataon para magsimula ng di-tuwirang pagbatikos sa kanyang mga di-makatwirang kilos, inilabas ang lahat ng kinikimkim kong sama ng loob. Sinabi ko na isa lang akong tau-tauhan at wala nang karapatan sa gawain ng mga lider ng grupo. Habang nagsasalita ako, namumula ang mukha ni Lisa. Sa kabila ng paggamit ng pagkakataon para mailabas ang mga sama ng loob ko, sa loob-loob ko ay nalulungkot pa rin ako. Noong panahong iyon, nagsaayos ng isang proyekto ang lider namin, pero sa ilang kadahilanan, umusad lang ito nang kaunti. Sa totoo lang, marami akong oras para tumulong sa proyekto, pero naisip ko, “Si Lisa ang pangunahing superbisor sa proyektong ito, kaya’t kahit na magawa ito nang maayos, hindi ako mapupuri para dito. Mabuti pang hayaan ko na lang si Lisa rito. Mas mabuti pa nga kung mabibigo siya—nang sa ganoon ay mawawalan ng respeto ang mga tao sa kanya.” Noong panahong iyon, palagi akong nakikipagkompetensiya para sa kasikatan. Hindi ako nagdala ng pasanin sa gawain ng iglesia at iniraraos ko lang. Hindi ko rin malutas ang mga isyu sa gawain, at parami nang paraming problema ang lumitaw sa gawain ko. Nang maharap dito, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko at lalo lang akong nainis. Madalas kong pagtuunan ng pansin ang mga pagkakamali ng iba at pinagagalitan sila, na nakakagulo sa gawain. Nang malaman ito ng nakatataas na lider, nagbahagi siya sa akin at inilantad niya ang isyu ko. Pero sa loob-loob ko, nakipagtalo ako: “Hindi lang ako ang responsable kung bakit nabigong makakuha ng mga resulta ang gawain. Bakit ako ang pinupuntirya?” Hindi lang ako walang anumang kamalayan sa sarili ko pero isinisi ko kay Lisa ang lahat. Sinisi ko rin ang mga lider ng grupo sa hindi pagkilos ayon sa prinsipyo. Matapos akong mabigong tanggapin ang paulit-ulit na pagbabahagi ng lider at hindi gumawa ng tunay na gawain, tinanggal niya ako. Matapos matanggal, nakaramdam ako ng kahungkagan, hinagpis at pagkanegatibo. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para matuto mula sa sitwasyong ito.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kamalayan sa sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang mga kasabihan ng mga anticristo, kahit saang grupo man sila naroroon? Ibahagi ang inyong mga kaisipan. (Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa Langit ay isang walang katapusang kasiyahan.) Hindi ba’t kabaliwan ito? Kabaliwan ito. May iba pa bang gustong magsalita? (Diyos, hindi kaya iniisip nila na: ‘Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa’? Ibig sabihin, gusto nila na maging sila ang pinakamataas, at kahit sino pa ang kasama nila, palagi nilang gustong higitan ang mga ito.) Isa ito sa kanilang mga ideya. Sino pa ang may sasabihin? (Diyos, naisip ko ang apat na salita: ‘Ang panalo ay hari.’ Sa tingin ko, gusto nila palagi silang nakalalamang kaysa sa iba at mamukod-tangi, saan man sila naroroon, at nagsisikap sila na maging pinakamataas.) Karamihan sa sinabi ninyo ay mga uri ng ideya; subukan ninyong gumamit ng isang uri ng pag-uugali para ilarawan sila. Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saan man sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay ‘Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!’ Bakit tatlong ‘makipagkompetensiya,’ bakit hindi iisang ‘makipagkompetensiya’? (Kompetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, iyon ay ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkokompetensiyahan nila? Karaniwan, nakikipagkompetensiya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa mga ito, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang layon. Ang kagustuhan nilang makipagkompetensiya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkompetensiya sila para sa reputasyon at katayuan. Ngunit kung magkamit sila ng katayuan, ano ang silbi nito sa kanila? Anong buti ang idudulot sa kanila kung pakinggan, hangaan, at sambahin sila ng iba? Ni hindi nga ito maipaliwanag ng mga anticristo mismo. Ang totoo, gusto nilang magtamasa ng reputasyon at katayuan, na ngitian sila ng lahat ng tao, at batiin sila nang may pambobola at papuri. Kaya, tuwing pumupunta sa iglesia ang isang anticristo, isa lang ang ginagawa nila: nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya sa iba. Kahit magkaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, hindi pa sila tapos. Para maprotektahan ang kanilang katayuan at masiguro ang kanilang kapangyarihan, patuloy silang nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya sa iba. Gagawin nila ito hanggang sa mamatay sila. Kaya, ang pilosopiya ng mga anticristo ay, ‘Hangga’t buhay ka, huwag kang tumigil sa pakikipaglaban.’ Kung may isang masamang taong katulad nito sa loob ng iglesia, makakagulo ba ito sa mga kapatid? Halimbawa, sabihin nating ang lahat ay tahimik na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at ang atmospera ay payapa at masaya ang lagay ng loob. Sa panahong ito, magngingitngit sa kawalang-kasiyahan ang isang anticristo. Maiinggit siya sa mga nagbabahaginan tungkol sa katotohanan at kinamumuhian niya ang mga ito. Sisimulan niyang tuligsain at husgahan ang mga ito. Hindi ba nito magugulo ang payapang kapaligiran? Masamang tao siya na dumating para guluhin at inisin ang iba. Ganyan ang mga anticristo. Kung minsan, walang balak ang mga anticristo na sirain o talunin ang mga kinokompetensiya at sinusupil nila; basta’t nagtatamo sila ng reputasyon, katayuan, pagpapahalaga sa sarili, at dangal, at napapahanga nila ang mga tao, nakamit na nila ang kanilang layon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Habang mas nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang puso mo, at lalo kang makadarama ng inggit at pagkamuhi, at lalo lang titindi ang hangarin mong makamit ang mga bagay na ito. Habang lalong tumitindi ang hangarin mong makamit ang mga ito, lalo mo itong hindi magagawang matamo, at habang nangyayari ito, mas nadaragdagan ang pagkamuhi mo. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Habang lalong nagdidilim ang iyong kalooban, lalong pumapangit ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at habang lalong pumapangit ang pagganap mo sa iyong tungkulin, lalo kang nawawalan ng silbi sa sambahayan ng Diyos. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, unti-unti kang ititiwalag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naalala ko ang lahat ng pag-uugali ko na nakikipagkompetensiya para sa kasikatan. Ang ipinakita ko ay tulad mismo ng anticristong disposisyon na inilantad ng Diyos. Mula nang makita kong mas maganda ang mga resulta ni Lisa kaysa sa akin at nakuha niya ang respeto ng mga kapatid, tahimik kong ninais na patunayan na hindi siya mas magaling kaysa sa akin, para hindi ako matalo sa kanya. Ang tanging naiisip ko ay kung paano siya malamangan. Kapag tinatalakay ang gawain, sumasabad ako para ipahayag ang mga pananaw ko, gusto ko lang mamukod-tangi at madaig si Lisa, nang hindi iniisip kung maaapektuhan ba nito ang gawain namin. At nang italaga ng nakatataas na lider ang ilang gawain ko kay Lisa, lalo pa akong nainggit, iniisip na nasapawan na niya ako. Pagkatapos, lumabas ang mga mapanira kong layunin—nagsimula akong maghanap ng mga pagkakataon para masunggaban ang mga paglihis at pagkalingat ni Lisa at mailabas ang mga sama ko ng loob, para lamang makamit ang mga layon ko, gaano man kalaking pinsala ang maidulot ko sa kanya. Nang hindi umuusad ang isang partikular na proyekto, kahit malinaw kong nakikita kung nasaan ang mga problema at may oras ako para tumulong, wala akong ganang makialam sa kanila, dahil alam kong si Lisa ang nangangasiwa. Ninais ko pa nga na mabigo siya at mapahiya. Nakita ko na labis kong ninanais ang reputasyon at katayuan, nagiging malupit, at hindi ko talaga pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Nakikipagkompetensiya ako para sa kasikatan, palaging sinusubukang lampasan ang iba, at hindi iniisip ang tungkulin ko. Halos huminto ang gawaing pinangangasiwaan ko at nasadlak ako sa kadiliman. Naipit ako sa isang masamang siklo dahil sa “pakikipagkompetensiya” na ito. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, unti-unti kang ititiwalag.” Isinadlak ko sa kaguluhan ang gawain ng iglesia at hindi man lang ako nagnilay sa sarili. Kung nagpatuloy ako nang ganoon, anong nakakagambalang pag-uugali kaya ang maaari kong magawa. Ang pinakamalala, baka maitiwalag pa ako. Buti na lang, dahil sa pagkakatanggal sa akin ay natigil na agad ang paggawa ko ng kasamaan. Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong makapagnilay-nilay at makilala ang sarili ko, at pungusan ang pagnanais ko sa reputasyon at katayuan. Natanto ko na pagliligtas ito ng Diyos sa akin at paraan Niya ng pagprotekta sa akin. Nagpasalamat ako sa Diyos at bumuti nang husto ang kalagayan ko. Nagpasya ako sa sarili ko na tuparin ang tungkulin ko nang praktikal at itigil ang pakikipagkompetensiya para sa kasikatan.
Pagkatapos niyon, mas naging mababang-loob ako sa tungkulin ko. Kahit nang italaga sa akin ang gawain ng pangkalahatang usapin at kinailangan kong gumawa ng ilang ordinaryo at mga simpleng trabaho, handa akong magpasakop, batid kong dahil binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong ito para magsisi, dapat kong gawin ang tungkulin ko nang praktikal. Hindi nagtagal, isang bagong proyekto ng video ang inilunsad at sa gulat ko, pinili ako ng lahat para gawin ito. Pinahalagahan ko ang pagkakataon at masigasig akong nagsaliksik at naghanap ng mga nauugnay na prinsipyo. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimulang umayos ang pangunahing istraktura ng video, at, nang makita ko ang kinalabasan nito, medyo nasiyahan ako sa sarili ko. Muling sumiklab ang pagnanais ko sa karangalan at katayuan. Naisip ko, “Maaaring natanggal ako bilang lider, pero palaging darating ang araw para sa isang taong may talento. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito para ibuhos ang mga kalakasan ko at patunayan ang aking talento. Maaaring mas mahusay si Lisa kaysa sa akin sa pagbabahagi sa katotohanan at paglutas ng mga isyu, pero mas lamang ako pagdating sa propesyonal na mga kasanayan. Hangga’t naglalaan ako ng oras at ginagawa nang maayos ang video na ito, makikita ng lahat ang paghusay ko at baka mapili ako ulit bilang lider at malampasan ko si Lisa.” Isang araw, nabalitaan kong sa pangkalahatan ay mabagal na umuusad ang gawain, at pinungusan ng lider si Lisa dahil sa mga video na lumalabag sa mga prinsipyo. Nasiyahan ako nang kaunti sa kasawian niya, iniisip na, “Tingnan mo, hindi bumuti ang paggawa ng video simula nang matanggal ako. Mas masahol pa kaysa dati. Noon, nakakatuklas ako ng mga problema at nakakapagbigay ng mga ideya, kaya mas mabuti kung hindi sila umusad. Makikita nila na hindi lang ako ang hindi gumagawa nang maayos sa trabaho ko, kundi pati na si Lisa.” Kalaunan, nabalitaan kong nasa masamang kalagayan si Lisa kamakailan—walang liwanag ang pagbabahagi niya sa mga pagtitipon, at nababalot ang iba ng mga isyu at nagiging negatibo. Naisip ko, “Kung magpapatuloy ito, baka magkaroon ng seryosong isyu sa gawaing pangvideo at matanggal si Lisa. Kung magkagayon, baka mapili ako bilang lider at maipagpatuloy ko ang pangangasiwa sa gawaing ito.” Kaya’t patuloy kong inaasikaso ang video, habang sinusubaybayan din ang sitwasyon ni Lisa. Nang mabalitaan kong natuto na si Lisa mula sa pagkakapungos, bumuti na ang kalagayan niya, naunawaan na ng mga kapatid ang ilang prinsipyo sa pamamagitan ng kabiguan at mga problema at nakakakuha na sila ng mas magagandang resulta, medyo nadismaya ako at nanlumo. Lalo na noong sa isang pagtitipon, ibinahagi ni Lisa ang kanyang nakamit at naranasan sa lahat ng ito, at sinang-ayunan siya ng lahat, mas lalo akong nadismaya. Nag-uumapaw ang inggit at poot sa isipan ko. Pakiramdam ko ay wala nang pag-asa sa pagbabalik ko. Pagkatapos niyon, wala na akong motibasyon at lumilipad ang isip ko habang ginagawa ang video. Makalipas ang ilang araw, natapos na ang video. Pero sa gulat ko, napansin ng lider ko ang isang malaking problema nang suriin niya ito. Kaya nagtalaga siya ng ibang mag-e-edit nito at hindi ako hinayaang ipagpatuloy na gawin ang video o binigyan pa ng mga tungkulin. Talagang nabigla ako. Nawalan ako ng pagkakataong magawa ang video, wala na ang isang bagay na maaari akong makapagpakitang-gilas. Habang abala ang lahat ng ibang kapatid sa kanilang mga tungkulin, wala akong ginagawa, at halatang-halata ito. Talagang masama ang loob ko—nalulumbay ako, sira ang loob at nahihirapan, at nababalot ng pagdurusa. Luhaan akong nagdasal sa Diyos, “Mahal na Diyos, alam kong sa pamamagitan ng katuwiran Mo kaya ako nahaharap sa sitwasyong ito. Matapos matanggal, hindi ako totoong nagnilay-nilay sa sarili at kinilala ang sarili ko, sa halip ay naghanap lang ako ng mga paraan para makabalik sa dati at mamukod-tangi. Naging mapaminsala at mayabang ako at nagsanhi ng pagkasuklam Mo. Ngayon ay hindi ko magawa ang anumang tungkulin at naging pabigat lang sa iglesia. O Diyos, ayaw ko nang makipagkompetensiya para sa kasikatan. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako at tulutang magkaroon ng tunay na kamalayan sa sarili ko para kamuhian at paghimagsikan ko ang sarili ko at huwag nang bumalik pa sa dati kong mga gawi.”
Pagkatapos niyon, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagiging mapanlaban. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang nalilihis, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin sila ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kamuhian nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinamumuhian din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao. Kahit kapag ginaganap ang mga pagtitipon online, kung nakikita nila na maganda ang signal, tahimik silang napapamura at sinasabi sa kanilang sarili: ‘Sana humina ang signal! Sana humina ang signal! Mas maigi kung walang makarinig sa mga sermon!’ Ano ang mga taong ito? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila! Talagang hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung gaano kasama ang kalikasan ng isang anticristo. Sa sandaling mawala ang kanilang katayuan at pagsuporta ng iba, bukod sa iniraraos lang nila ang kanilang mga tungkulin, napupuno rin sila ng poot, nagiging mainggitin at mapaghiganti, nananabik na lumitaw ang mga problema sa gawain ng iglesia para walang awa nilang mapagtawanan ang sambahayan ng Diyos at ang iba. Nakita ko na katulad mismo ng inilantad ng Diyos ang sarili kong pag-uugali. Nang mabalitaan kong lumitaw ang mga isyu sa gawaing pinangangasiwaan ni Lisa at na pinungusan siya, lihim akong natuwa, at nanabik akong lumitaw ang isang seryosong problema na magpapatanggal kay Lisa para mapalitan ko siya. Nang marinig kong bumuti na ang kalagayan ni Lisa, na may natutunan ang iba, at nakabawi ang gawain ng iglesia, nalungkot ako. Ibinubunyag ko lang ang disposisyon ng isang anticristo! Tanging ang mga anticristo, diyablo at si Satanas ang napopoot sa Diyos at sa katotohanan, umaasa na mahihinto ang gawain ng iglesia, magiging negatibo ang lahat, aabandonahin ang kanilang mga tungkulin, mawawalan ng pagliligtas ng Diyos, at sa huli ay bababa sa impiyerno kasama nila. Sa kabila ng pagiging miyembro ng iglesia na nakatanggap ng labis na pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos, hinangad ko ang reputasyon at katayuan sa halip na ang katotohanan, ginambala ang gawain ng iglesia at nabigong magsisi. At dahil hindi natugunan ang pagnanasa ko sa katayuan, umasa akong lilitaw ang mga isyu sa gawain ng iglesia para hindi magmukhang mas magaling sa akin si Lisa. Ito ay mga malisyoso at kasuklam-suklam na mga kaisipan. Dapat na kaisang-puso ng Diyos ang mga tao ng sambahayan ng Diyos. Masaya sila kapag nakikitang mas maraming tao ang naghahangad sa katotohanan, gumagawa nang maayos sa kanilang mga tungkulin at isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos. Kapag nahahadlangan ang gawain ng iglesia, naninindigan sila para mapanatili ang gawain. Subalit noong nakita kong lumitaw ang mga isyu sa paggawa ng video at naging negatibo ang iba, hindi ko sila tinulungang lutasin ang kanilang mga isyu at pinagtawanan pa nga sila. Nang bumuti ang kanilang mga kalagayan at nagsimulang umayos ang paggawa ng video, talagang nalungkot ako. Malisyoso talaga ang mga iniisip ko. Hindi ko talaga pinoprotektahan ang gawain ng iglesia at hindi ako karapat-dapat na maging parte ng sambahayan ng Diyos. Sobrang kahiya-hiya para isipin kong dapat akong gawing lider!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking satanikong disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod-tangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging maingat ka sa pagpoprotekta sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Pinagnilayan ko ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos: Ang dahilan kung bakit palagi kong nadaramang kaya ko at nagsisikap na makipagkompetensiya kay Lisa ay dahil napakayabang ko, walang katwiran, at hindi alam kung ano talaga ako. Mula pa noon, naniwala akong may propesyonal akong kaalaman at maraming karanasan. Ipinagmamalaki ko ito at pakiramdam ko ay mas magaling ako kaysa kay Lisa sa mga aspektong ito. Inakala ko na sapat na ang mga kalipikasyong ito para magawa nang maayos ang gawain, kaya nang makakuha ng mas magagandang resulta si Lisa kaysa sa akin sa kanyang tungkulin, at itinalaga ng nakatataas na lider ang ilang tungkulin ko sa kanya, naging hindi ako kumbinsido, iniisip na hindi siya mas magaling kaysa sa akin. Ginusto ko pang bumalik sa dati pagkatapos matanggal. Sa paggunita, nakita kong medyo mas pamilyar at may karanasan lang ako sa gawain, at nakakapagbigay ng payo sa paggawa ng video, pero hindi iyon nangangahulugan na naaangkop ako maging lider. Ang pinakamahalagang trabaho ng isang lider ay ang gabayan ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa katotohanang realidad, at lutasin ang lahat ng problemang lumilitaw sa iglesia para matiyak ang normal na daloy ng gawain ng iglesia. Pero hindi talaga ako gumagawa ng tunay na gawain na dapat gampanan ng isang lider. Kapag hindi magkasundo ang mga lider ng pangkat, madalas nagtatalo at walang nagpapakumbaba, hindi ko alam kung paano ibahagi ang katotohanan para malutas ang isyu at tulungan silang makipagtulungan nang matiwasay. Gayundin, nang naging negatibo at pasibo ang ilang kapatid sa kanilang mga tungkulin at nangangailangan ng pagbabahagi ng mga salita ng Diyos para suportahan sila, wala akong karanasan, walang kalaliman ang pagbabahagi ko, at hindi ko nalulutas ang mga isyu nila. Hindi ako pasok sa pamantayan sa lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia. Maaaring may mga kakulangan si Lisa sa kanyang mga propesyonal na kasanayan, pero kaya niyang lutasin ang ilang paghihirap na lumilitaw sa gawain ng iglesia. Itinalaga sa kanya ng nakatataas na lider ang ilang gawain alang-alang sa kapakanan ng iglesia, pero masyado akong mayabang at walang mabuting pag-unawa sa mga kakayahan ko. Malinaw na hindi ko mapapantayan si Lisa, pero iniisip ko pa rin na kaya ko at hindi ako nagpapakumbaba, laging nakikipagkompetensiya. Napakayabang ko talaga! Pagkatapos niyon, nabasa ko itong sipi ng mga salita ng Diyos: “Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t may kaunting katangian ng pagiging antagonistiko sa Diyos sa lahat ng ito? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Pagkatapos basahin ito, nangilabot ako sa mga ikinikilos ko, lalo na nang mabasa ang seksyon na nagsasabing: “Kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan.” Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko kung paanong di-nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong gawin ang tungkuling ito, para hangarin ko ang katotohanan sa tungkulin ko at maging kalipikadong nilikha sa huli. Pero sa halip, patuloy akong nakikipagkompetensiya para sa katayuan. Hindi ba’t sinasadya kong labagin ang mga hinihingi ng Diyos? Ito ang pinakakinapopootan ng Diyos. Kahit na matagal na akong responsable para sa gawaing pangvideo, mayroon lamang akong teoretikal na pundasyon sa mga teknikal na aspekto ng gawain, at hindi ako masyadong magaling sa mga iyon, kaya nang aktuwal akong hilingan na gumawa ng video, hindi ko ito magawa nang maayos. Kapag nakakakuha kami ng magagandang resulta sa mga video namin habang ako ang lider, lahat iyon ay dahil sa patnubay ng Banal na Espiritu at sa mga pagsisikap ng aming grupo, hindi dahil sa mga kontribusyon ko. Pero isinuot ko ang mga tagumpay na ito na parang korona sa aking ulo at hindi hinahayaan ang ibang nakawin ang aking kabantugan, walang humpay na nakikipagkompetensiya para sa kasikatan at isinasadlak sa kaguluhan ang gawain ng iglesia. Lahat ng ginawa ko ay masama at laban sa Diyos, at kasuklam-suklam sa Kanya. Nang sandaling iyon, naalala ko ang isang sister na nakapareha ko noong nakaraang taon. Matindi ang pagnanais niya sa katayuan at reputasyon, at kumapit siya sa kanyang kapangyarihan. Sinusupil at inaatake niya ang sinumang nagbabanta sa kanyang katayuan, at walang takot na sinasabotahe pa nga ang gawain ng iglesia para lang maprotektahan ang kanyang katayuan. Dahil dito, nabunyag siya bilang isang anticristo dahil sa lahat ng kanyang kasamaan at pinatalsik siya. Samantalang ako, malinaw na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain, pero gusto ko pa ring makipagkompetensiya, na nakagambala at nakagulo sa gawain ng iglesia. Kung hindi ako magsisisi at sa halip ay magpapatuloy nang ganoon, malamang na ititiwalag ako ng Diyos. Nang matanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong magsanay bilang lider, pero hindi ko inasikaso ang aking mga tungkulin at hindi ako tumahak sa tamang landas, sa halip ay nakipagkompetensiya para sa kasikatan. Masama ang lahat ng iniisip at ikinikilos ko, at kung parurusahan ako, ganap na nararapat ito. Mahal na Diyos, ayoko na pong mamuhay nang napakasama. Handa na po akong magsisi at magsimulang muli.”
Pagkalipas ng ilang araw, nagmensahe sa akin ang lider ko, sinasabing naatasan akong gumanap ng isang parte sa isang video ng himno at hiniling sa akin na pag-aralan muna ang himno. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang mensahe. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko sa pagbibigay sa akin ng isa pang pagkakataon. Ang himnong dapat kong pag-aralan ay may pamagat na “Ang Pagpapahalaga ng Diyos sa Sangkatauhan.” Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos sa himno: “Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, buktot at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tunay na pagpapasakop sa Diyos at tunay na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at taos pusong pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang taos-pusong pagpapahalaga at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagpapahalaga sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman, at imposibleng taglayin ng sinumang tao ang awa ng Diyos, ang Kanyang pagpaparaya, o maging ang Kanyang sinserong damdamin sa sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang Kanyang layunin na iligtas ang sangkatauhan. Nagalit ang Diyos at lilipulin na Niya ang mga tao ng Ninive dahil sa kanilang katiwalian at kasamaan, pero nang taimtim na nagsisi sa Diyos ang mga taga-Ninive, pinayapa Niya ang Kanyang galit at hindi sila nilipol. Sa pamamagitan nito, natanto ko na pinahahalagahan ng Diyos ang taos-pusong pagsisisi ng mga tao. Gaano ko man ginambala at ginulo ang gawain ng iglesia at sumalangsang, hindi ako itiniwalag ng Diyos. Ginamit Niya ang pagkakatanggal at pagkakapungos sa akin para obligahin akong magnilay-nilay. Ang lahat ng ito ay pagliligtas ng Diyos! Hindi ako puwedeng patuloy na mamuhay sa panghihinayang at pagkanegatibo. Kailangan kong magsisi sa Diyos, hanapin ang katotohanan at lutasin ang aking tiwaling disposisyon para maiwasang gumawa pa ng masama at labanan ang Diyos.
Minsan, sa panahon ng debosyonal ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—makakamit lang ito ng mga tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang maaabandona ng isang tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na niyang nakilala ang kanyang sarili. Hindi madaling iwaksi ang sariling tiwaling disposisyon. Kung napansin mo na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagbubunyag ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na makakasalubong ka ng mga balakid at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagbubunyag ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. … Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang kahihinatnan ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na para tunay na maisantabi ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, kailangan ko munang magkaroon ng kamalayan sa sarili, aktibong ilantad at aminin ang mga pagkakamali ko at hayaan ang iba na makita ang tunay kong sitwasyon. Kapag nanumbalik ang pagnanais na makipagkompetensiya, dapat akong magdasal sa Diyos, maghimagsik laban sa sarili ko at makipagtulungan sa iba. Saka ko lang magagawa nang maayos ang tungkulin ko. Napagtanto kong hindi ako tumuon sa pagninilay-nilay at kamalayan sa sarili. Sobra akong nainggit at hindi direktang ibinahagi ang kalagayan ko, at hindi ko hinanap ang katotohanan para sa paglutas. Bilang resulta, namuhay ako sa isang kalagayan ng pakikipagkompetensiya para sa kasikatan, na nagdudulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia. Kailangan kong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos magmula noon. Pagkatapos niyon, sadya akong nagtapat tungkol sa kalagayan ko sa aking tungkulin, at masigasig na naghangad na matuto mula sa mga nakapareha ko. Pagkaraan ng ilang panahon, napansin kong may ilang kalakasan ang mga kapatid na wala sa akin. Lalo kong ikinahiya ang aking kayabangan at kamangmangan. Ginunita ko kung paanong naging mapagkompetensiya ako para sa kasikatan, nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, at lalo pa akong nakaramdam ng pagsisisi. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, sa pagkakabunyag at pagkakatanggal, nagkaroon ako ng kaunting kamalayan. Noon, nakikipagkompetensiya ako para sa kasikatan nang hindi pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia. Bukod sa ginulo ko ang gawain ng iglesia, pininsala ko rin ang mga kapatid ko. Hindi talaga ako karapat-dapat na tawaging tao! Mula ngayon, handa na po akong magsagawa ayon sa mga salita Mo, matuto mula sa mga kalakasan ng iba, at matiwasay na makipagtulungan sa iba sa aking tungkulin.”
Kalaunan, lumitaw ang ilang problema sa isang bagong proyekto ng video, at inatasan kami ni Lisa ng nakatataas na lider na lutasin ang mga ito nang magkasama. Sa pagkakataong ito, hindi na ako nakipagkompetensiya kay Lisa sa aming pagtutulungan. Sa halip, aktibo akong nakikipagtalakayan at humihingi ng payo sa kanya kapag nagkakaproblema, saka lang ako umaaksyon kapag nagkasundo na kami. Minsan, kapag mas malinaw ang mga pagbabahagi ni Lisa at mas may kabatiran kaysa sa akin, di-sinasadyang sinusubukan kong patunayan ang sarili ko. Pero agad kong napagtatanto na muli akong nakikipagkompetensiya at nagdarasal ako sa Diyos at maghihimagsik laban sa sarili ko, tinatanggap ang mga mungkahi ni Lisa, at masigasig na pinagninilayan at hinahanap ang mga ito. Napagtanto kong talagang mas maganda ang mga ideya ni Lisa kaysa sa akin at nagawa kong buong-pusong tanggapin ang mga ito. Talagang mapayapa at magaan ang pakiramdam ko sa pagsasagawa nang ganito. Tinuruan ako ng mga salita ng Diyos kung paano makipagtulungan nang maayos at isabuhay ang wangis ng tao.