61. Hindi Ako Nakapag-isip Nang Malinaw Dahil sa Aking Emosyon

Isang Liham Para sa Aking Asawa

Ni Zhou Ming, Tsina

Mahal kong Huijuan,

Natanggap ko ang sulat mo. Sinabi mo sa sulat mo na pinaalis ang mga anak natin sa iglesia. Hindi ko talaga ito matanggap noong una. Naalala ko ilang taon na ang nakalipas nang umuwi ako, nagtitipon pa rin at gumaganap ng mga tungkulin sina Xiaotao at Xiaomin, kaya paanong naalis sila? Bagama’t hindi talaga nila hinangad ang katotohanan, pareho silang totoo sa pananalig. Sobra ba ang hinihingi ng lider sa kanila? Mali ba ang pagpapaalis sa kanila? Itinuon ko pa ang mga reklamo ko sa iyo. Sinusunod ng mga anak natin ang mga kalakaran ng mundo, inaalala lang ang paghabol sa pera, at ayaw gumawa ng tungkulin o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Nagtataka ako kung bakit hindi ka nagsumikap na makipagbahaginan sa kanila. Kung nasa bahay lang sana ako, mas matutulungan at masusuportahan ko sila at hindi ko sana hinayaang umabot sila sa puntong mapaalis. Ito ang mga isiping pumupuno sa utak ko noong mga panahong iyon, at nahihiga ako sa gabi, hindi makatulog, binabagabag ng masasayang alaala nating lahat, umaawit ng papuri sa Diyos at kumakain at umiinom ng Kanyang salita. Naalala kong sinabi ko sa iyo na umaasa akong ang pamilya natin ay masikap na hahangaring lahat ang katotohanan, maililigtas ng Diyos, at mamumuhay sa Kanyang kaharian, at kung gaano ito magiging kaganda. Hindi ko kailanman inasahan na habang patapos na ang gawain ng Diyos, mabubunyag ang mga anak natin bilang mga hindi mananampalataya at mapapaalis sa iglesia. Hindi ba’t nangangahulugan ito na nawalan sila ng pagkakataon na mailigtas? Mas lalong sumama ang loob ko habang mas iniisip ito. Nang makita kong dumarami ang mga sakuna at lumalala ang pandemya, lalo akong nag-alala sa kinabukasan ng mga anak natin. Gusto ko pa ngang sumulat ng liham sa lider ng iglesia, para tanungin kung puwedeng manatili ang mga anak natin para magtrabaho para sa iglesia, para magkaroon ng kaunting pag-asa sa kanilang kaligtasan. Matapos ang maraming taon ng paggawa ng tungkulin sa malayo dahil sa pag-uusig ng CCP, pakiramdam ko ay hindi ko sila naalagaan at hindi ko nagampanan ang mga responsabilidad ko bilang ama nila. Pakiramdam ko ay may utang ako sa kanila. Huijuan, alam mo ba na habang namumuhay ako sa kalagayang iyon, napuno ng kadiliman at pagkasira ng loob ang puso ko, at hindi ako makapagtuon sa tungkulin ko? Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Masakit sa akin na malamang napaalis sa iglesia ang mga anak ko. Bagama’t alam kong pinahihintulutan Mo ito at dapat akong magpasakop, hindi ko lang kayang bitiwan ang mga anak ko at pakiramdam ko ay napakalaki ng utang ko sa kanila. O Diyos, pakiusap bigyan Mo po ako ng kaliwanagan para maunawaan ang katotohanan sa bagay na ito at hindi mapigilan ng aking mga pagkagiliw.”

Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Mayroon bang mga partikular na detalye sa pagsasagawa ni Job? Pag-usapan muna natin kung paano niya tinrato ang kanyang mga anak. Ang layunin niya ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay; hindi siya nagtangka na ipagpilitan ang mga bagay na hindi ginawa ng Diyos, ni gumawa ng anumang mga plano o kalkulasyon batay sa kalooban ng tao. Sa lahat ng bagay, nakinig at naghintay siya sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos. Ito ay isang pangkalahatang prinsipyo. … Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsabilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo at nagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Gayumpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manampalataya sa Diyos—hindi niya sila pinuwersa, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? ‘Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos sa kanila, o aantigin sila, hindi ko sila susubukang pilitin.’ Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng aktibong pamumwersa sa mga bagay. … Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa isang posisyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkatapos ay pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling layunin at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos). Sa pagbabasa sa siping ito ng salita ng Diyos, nanliit at napahiya ako. Hindi umasa si Job sa mga pagkagiliw sa pangangasiwa sa kanyang mga anak at nagawa niyang maging makatwiran. Bagama’t ninais niyang manampalataya sa Diyos ang mga anak niya at mailayo ang sarili nila sa kasamaan para hindi sila lubos na magkasala at tumahak sa daan tungo sa pagkawasak, nang makita niyang hindi sila sumasamba sa Diyos at nagdiwang araw-araw, hindi niya sila pinilit na baguhin ang kanilang mga gawi o pilitin silang tahakin ang isang partikular na landas. Nagpasakop lang siya sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos at umiwas sa pagkakasala sa Diyos. Kalaunan, nang matabunan hanggang sa mamatay ang kanyang mga anak, hindi sinisi ni Job ang Diyos. Nakita ko na sa pangangasiwa sa kanyang mga anak, si Job ay may takot at pagpapasakop sa Diyos. Pero ako, nang malaman kong umalis ang anak ko sa iglesia para sa mga makamundong hangarin at napaalis ang anak kong babae, tumuon ako sa pagmamahal ng laman para sa pamilya. Naisip ko kung paano sila makakakapit sa kaunting pag-asa na mapagpala. Tapat man o hindi ang kanilang pananalig, o hinahangad man nila ang katotohanan, gusto ko lang na makapanatili sila sa iglesia. Gusto ko pa ngang bigyan sila ng lider ng isa pang pagkakataon, hayaan silang manatili upang magtrabaho para sa iglesia sa anumang posibleng paraan. Pagdating sa mga anak ko, gusto ko lang gumamit ng mga pamamaraan ng tao para maisalba ang mga bagay-bagay. Hindi ako nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan o mga pagsasaayos ng Diyos. Lalo na nang malaman kong tinukoy ang mga anak ko bilang mga hindi mananampalataya, hindi ko lang hindi hinanap ang katotohanan para makilala ang kanilang mga diwa, kundi namuhay pa ako sa ilalim ng maling pagkaunawa, pinagdududahan kung napangasiwaan ba ng lider nang patas ang mga bagay-bagay, at nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko. Ang mga anak ko lang ang nasa puso ko; walang puwang ang Diyos dito. Naalala ko ang isa sa malilinaw na hinihingi ng mga atas administratibo ng Diyos na nagsasabing: “Ang kaanak na iba ang pananalig (ang iyong mga anak, ang iyong asawa, iyong mga kapatid o magulang, at iba pa) ay hindi dapat piliting sumapi sa iglesia. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kulang sa mga kasapi, at hindi kailangang pataasin ang bilang nito ng mga taong walang silbi. Hindi na dapat akayin sa iglesia ang lahat ng hindi malugod na nananampalataya. Ang atas na ito ay para sa lahat ng tao. Dapat ninyong siyasatin, subaybayan at paalalahanan ang isa’t isa sa bagay na ito, at walang sinumang maaaring lumabag dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Naalala ko na sinabi mo sa sulat mo na maraming beses silang sinuportahan ng mga kapatid, at na sila mismo ang pumiling huwag magsisi, at hindi kailanman nagbasa ng mga salita ng Diyos o nakipagtipon sa loob ng mahabang panahon. Ipinapakita na nito na sila ay mga hindi mananampalataya, pero hindi ko pinansin ang mga salita ng Diyos at ginusto kong umasa sa mga pagkagiliw ko para mapanatili sila sa iglesia. Napakarebelde ko! Hindi ako puwedeng patuloy na umasa sa mga pagkagiliw ko. Sa pangangasiwa sa mga anak natin, kailangan kong maging katulad ni Job, hanapin ang katotohanan, at magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwirang dapat kong taglayin.

Pagkatapos, naisip ko ang lahat ng tao na nabunyag at natiwalag nitong mga nakaraang taon. Wala akong anumang mga kuru-kuro tungkol doon dahil alam kong matuwid ang Diyos at na sa sambahayan Niya, naghaharing pinakamataas ang katotohanan at walang tao ang inaagrabyado. Pero nang makita kong naalis ang mga anak natin, bakit hindi ako nagpasakop sa Diyos o pinuri ang Kanyang pagiging matuwid, sa halip ay umaasa sa aking mga pagkagiliw at nagdududa kung pinangasiwaan ba ng iglesia nang patas ang mga bagay-bagay?

Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng salita ng Diyos: “Ano ang nagbibigay-katangian sa mga damdamin? Tiyak na hindi ang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga pisikal na relasyon at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagtatanggol sa maling gawa, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga damdamin. Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga damdamin, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga damdamin; sa kanilang puso, alam na alam nilang mali ito, gayumpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhetibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging napipigilan ng mga damdamin ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito! Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga damdamin; itinuturing nila ang mga damdamin bilang napakahalaga, inuuna nila ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, at pagkiling; ito ang mga damdamin. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga damdamin at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao? Ang ilang tao ay palaging napipigilan ng kanilang mga damdamin, hindi nila maisagawa ang katotohanan, at bagama’t nais nilang magpasakop sa Diyos, hindi nila magawa, kaya pakiramdam nila ay pinahihirapan sila ng kanilang mga damdamin. Maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa; ito rin ay dahil napipigilan sila ng mga damdamin. Halimbawa, nililisan ng ilang tao ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit araw-gabi nilang iniisip ang kanilang pamilya, at hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Ang ilang tao ay may lihim na nagugustuhang tao, at ang taong iyon lang ang may puwang sa kanilang puso, na nakaaapekto sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t problema ito? Hinahangaan at iniidolo ng ilang tao ang iba; wala silang ibang pinakikinggan kundi ang taong iyon, hanggang sa puntong ni hindi na sila nakikinig sa sinasabi ng Diyos. Kahit na may ibang taong nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, ayaw nila itong tanggapin; ang mga salita lang ng taong iyon ang pinakikinggan nila, ang mga salita ng idolo nila. Ang ilang tao ay may iniidolo sa kanilang puso, at hindi nila pinahihintulutan ang ibang taong magsalita tungkol sa kanilang idolo o banggain ito. Kung may magsasalita tungkol sa mga problema sa idolo nila, nagagalit sila at kinakailangan nilang ipagtanggol ang kanilang idolo at baligtarin ang mga salita ng taong iyon. Hindi nila hinahayaang dumanas ang kanilang idolo ng kawalang-katarungan nang hindi nila naipagtatanggol at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila upang protektahan ang reputasyon ng idolo nila; gamit ang kanilang mga salita, ang mga kamalian ng kanilang idolo ay nagiging tama, at hindi nila hinahayaan ang mga taong magsabi ng totoo o ilantad ang kanilang idolo. Hindi ito pagkakaroon ng pagkiling; mga damdamin ang tawag dito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Mula sa salita ng Diyos naunawaan ko na ang mga pagkagiliw ay kabilang sa isang satanikong tiwaling disposisyon, at na sa pag-asa sa mga pagkagiliw, bukod sa hindi natin nagagawang tratuhin nang patas ang mga bagay o tao, may mga kinikilingan tayo at nagkakaroon tayo ng paborito, at lalabagin natin ang mga prinsipyo para protektahan ang mga relasyon natin sa laman. Katulad noong nalaman kong napaalis sina Xiaotao at Xiaomin, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos o pinagbulayan ang mga aral na dapat kong matutunan, o ang katotohanan na dapat kong pasukin. Sa halip, naghinala ako na kumikilos ang lider nang walang mga prinsipyo. Ginusto kong ayusin ito sa pamamagitan ng pagsulat ng liham sa lider, hilingin na patawarin ang mga anak ko at pahintulutang patuloy na gumawa ng tungkulin sa iglesia. Nakita ko na ang sentimental na pagkilos tungkol sa mga anak ko ay isang uri ng pagkakaroon ng paborito at pagkiling, at kawalang prinsipyo. Pagkatapos ng lahat ng taon na ito sa pananalig, alam kong may mga prinsipyo ang iglesia para sa pag-aalis ng mga tao at na ginagawa ito batay sa palagiang pag-uugali ng isang tao sa halip na sa isang panandaliang pagpapamalas. Tanging kung ang isang tao ay hindi magsisisi pagkatapos ng malawak na tulong at pagbabahagi, at matutukoy sa huli bilang isang masamang tao o isang hindi mananampalataya, ay saka lang siya pakikitunguhan ayon sa mga prinsipyo, at kung may pag-apruba lang mula sa hindi bababa sa 80% ng iglesia, ay saka mapapaalis ang isang tao. Ito ay patas at naaayon sa katotohanan. Naisip ko ang anak natin at kung paano ko siya tinanong kung bakit siya lumabas para gawin ang isang tungkulin. Sinabi niya sa akin, “Lumabas ako para gumawa ng tungkulin dahil na-miss kita.” Nakita ko na walang puwang ang Diyos sa puso niya, na hindi niya talaga mahal ang katotohanan, at na hindi niya ginagawa ang kanyang tungkulin para hangarin ang katotohanan. Nang makita niyang patuloy na nagbabahagi sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos at hindi nito mapapalugod ang kanyang mga ninanais, ginusto niyang sumuko sa kanyang tungkulin. Sobrang daming beses nang nakipagbahaginan sa kanya ang mga lider pero hindi talaga siya nakikinig. Pagkauwi, kapag may oras siya, mas gusto pa niyang maglaro sa halip na magbasa ng salita ng Diyos. Isa siyang hindi mananampalataya! Gayundin ang anak nating babae, nanampalataya siya sa loob ng mahigit isang dekada pero bihirang kumain o uminom ng mga salita ng Diyos at ang mga pananaw niya ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Bagama’t ginagawa niya ang kanyang tungkulin paminsan-minsan, sa tuwing hindi ito umaayon sa kanyang mga kuru-kuro o naaapektuhan nito ang kanyang mga interes, hindi niya ito gagawin. Wala siyang tunay na pananalig sa Diyos at sa diwa, isa rin siyang hindi mananampalataya.

Naaalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay talagang natukoy na sa paningin ng Diyos na umatras na, ito ay hindi lang talaga usapin ng paglisan niya sa sambahayan ng Diyos, ng hindi na pagkakita sa kanya, at ng kanyang pagkatanggal mula sa mga talaan ng iglesia. Ang totoo ay na kapag hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, gaano man kalaki ang kanyang pananalig, at kinikilala man niya na mananampalataya siya ng Diyos, pinatutunayan nito na hindi niya kinikilala sa puso niya na umiiral ang Diyos, o na katotohanan ang Kanyang mga salita. Para sa Diyos, ang taong iyon ay umatras na at hindi na mabibilang na miyembro ng Kanyang sambahayan. Ang mga hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isang uri ng mga tao na umatras na. … May isa pang uri: ang mga tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Anuman ang hilingin sa kanila ng sambahayan ng Diyos, anumang uri ng gawain ang gusto nitong ipagawa sa kanila, alinmang tungkulin ang ipagawa nito sa kanila, sa kapwa malalaki at maliliit na bagay, maging sa isang bagay na napakasimple gaya ng pagpapasa nila ng paminsan-minsang mensahe—ayaw nilang gawin ito. Sila, na nagsasabing mga mananampalataya umano sila ng Diyos, ay hindi man lang nakagagawa ng mga gampaning maaaring hilingin sa isang walang pananampalataya na tumulong. Ito ay pagtanggi na tanggapin ang katotohanan at pagtanggi na gawin ang isang tungkulin. Gaano man sila hinihimok ng mga kapatid, tinatanggihan nila at hindi tinatanggap ito; kapag nagsasaayos ang iglesia ng ilang tungkulin na gagawin nila, binabalewala nila ito at nagbibigay sila ng napakaraming dahilan para tanggihan ito. Ang mga ito ay mga taong tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Para sa Diyos, ang gayong mga tao ay umatras na. Ang pag-atras nila ay hindi usapin ng pagpapaalis sa kanila ng sambahayan ng Diyos o pagtanggal sa kanila mula sa mga talaan nito; sa halip, ito ay sa kawalan nila ng totoong pananalig—hindi nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananalig, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila mapag-iba ang mabuti sa masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang mga layunin ng Diyos o magawang ituring bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama).

Huijuan, nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, napagtanto ko kung gaano ako naging hangal. Gusto kong gumamit ng mga pamamaraan ng tao para mapanatili ang mga anak natin sa iglesia, iniisip na baka makaligtas sila sa huli kung magtatrabaho sila nang kaunti sa iglesia. Pero batay sa salita ng Diyos, nakikita ko kung gaano kakatwa ang pag-iisip ko. Sa katunayan, ang lahat ng nananampalataya sa Diyos pero hindi nagbabasa ng Kanyang salita o gumagawa ng isang tungkulin ay hindi talaga kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya, kahit na hindi pa sila napapaalis, dahil sa mga mata ng Diyos ay napalayo na sila. Ikinumpara ko ito sa ugali ng mga anak natin. Pagkatapos ng lahat ng taon ng kanyang pananalig, sumusunod pa rin si Xiaotao sa mga makamundong kalakaran, at hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos o gumagawa ng tungkulin. Nakita kong hindi talaga niya mahal ang katotohanan at sa diwa ay tutol sa katotohanan at isang hindi mananampalataya. Maraming taon nang nasa pananalig si Xiaomin pero hindi kailanman tumuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa kondisyong ito pa lang ay maaari na sana siyang mapaalis bilang isang hindi mananampalataya. Hindi nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng mga ganitong tao para madagdagan ang bilang nito, lalong hindi kailangan ang pagtatrabaho ng gayong mga hindi mananampalataya. Kahit na hindi sila inalis ng iglesia, hindi sila kikilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya. Sa mga pagkatantong ito, lubos kong naunawaan na ang pagkakaalis kay Xiaotao at Xiaomin ay ganap na naaayon sa mga salita ng Diyos at ng mga katotohanang prinsipyo. Dapat akong magkaroon ng pagkakilala sa kanila, suportahan ang Diyos sa pagtrato sa mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Pero umasa ako sa aking mga pagkagiliw para pangasiwaan ang mga anak natin, at nang hindi nalalaman ang mga katunayan, naghinala akong nagkamali ang lider sa pagpapaalis sa kanila at ginusto kong mapanatili itong mga hindi mananampalataya at palakihin ang bilang ng iglesia. Palagi kong pinoprotektahan ang aking mga relasyon sa laman. Hindi ba’t nakikihalubilo ako sa mga demonyo, nagbibigay ng mabubuting layunin at pagmamahal kay Satanas, gaya ng ibinunyag ng Diyos? Hindi ko matukoy ang tama sa mali, nakikisama ako sa mga demonyo, at sa diwa ay lumalaban sa Diyos.

Napaisip din ako kung bakit labis akong nakokonsensiya at nagsisisi nang malaman kong pinaalis ang mga anak natin, at kung bakit naramdaman kong hindi ko natupad ang mga responsabilidad ko bilang isang ama, nag-aakala na kung nakahanap lang sana ako ng oras para makauwi at makapagbahagi at makatulong pa sa kanila, hindi sana sila umabot sa puntong ito. Huijuan, pareho ba tayo ng kalagayan? Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsusuri at naglalantad sa tradisyonal na pag-iisip at nakita ko na naimpluwensiyahan ako ng tradisyonal na kuru-kuro ng “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Sabi ng mga salita ng Diyos: “Anong uri ng ekspresyon ang ‘Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang’? Sa anong paraan ito mali? Ang ibig sabihin ng ekspresyong ito ay na kung masuwayin o wala pa sa hustong gulang ang mga anak, responsabilidad ito ng ama, na ibig sabihin ay hindi sila naturuan nang maayos ng kanilang mga magulang. Ngunit ito ba talaga ang lagay? (Hindi.) May ilang magulang na umaasal sa wastong paraan, sa kabila nito, ang mga anak nilang lalaki ay mga kriminal at ang mga anak nilang babae ay mga kalapating mababa ang lipad. Ang lalaking gumaganap sa papel bilang ama ay nagagalit nang husto at sinasabi niya: ‘Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang. Pinalayaw ko sila!’ Tama ba ang sabihin ito o hindi? (Hindi, mali ito.) Sa anong paraan ito mali? Kung naiintindihan mo kung ano ang mali sa ekspresyong ito, pinatutunayan nito na nauunawaan mo ang katotohanan at nauunawaan mo kung ano ang mali sa problema sa loob ng ekspresyong ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan sa bagay na ito, hindi mo maipapaliwanag ang bagay na ito nang malinaw(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). “Ang unang bagay na dapat linawin ay na mali ang sabihin na, ‘Ang pagkabigo ng mga anak na sumunod sa tamang landas ay may kinalaman sa kanilang mga magulang.’ Sinuman ito, kung siya ay isang partikular na uri ng tao, tatahak siya sa isang partikular na landas. Hindi ba’t natitiyak ito? (Oo.) Ang landas na tinatahak ng isang tao ay tumutukoy sa kung ano sila. Ang landas na tinatahak niya at kung magiging anong uri siya ng tao ay nakasalalay sa kanya. Ito ay mga bagay na pauna nang itinakda, likas, at may kinalaman sa kalikasan ng tao. Kaya, ano nga ba ang silbi ng mga turo ng magulang? Kaya ba nitong pamahalaan ang kalikasan ng isang tao? (Hindi.) Hindi kayang pamahalaan ng mga turo ng magulang ang kalikasan ng tao at hindi nito kayang lutasin ang problema sa kung anong landas ang tatahakin ng isang tao. Ano ang tanging maituturo ng mga magulang? Ang ilang simpleng pag-uugali sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga anak, ilang medyo mababaw na kaisipan at mga tuntunin ng pag-asal—ito ang mga bagay na may kinalaman sa mga magulang. Bago umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang responsabilidad, na turuan ang kanilang mga anak na sumunod sa tamang landas, mag-aral nang mabuti, at magsumikap na maging mas magaling kaysa sa iba paglaki nila, na huwag gumawa ng masasamang bagay o maging masamang tao. Kailangan ding pangasiwaan ng mga magulang ang pag-uugali ng kanilang mga anak, turuan ang mga ito na maging magalang at bumati sa mga nakatatanda sa tuwing nakikita ang mga ito, at turuan ang mga anak ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa pag-uugali—ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Ang pag-aalaga sa buhay ng kanilang anak at pagtuturo sa kanila ng ilang pangunahing tuntunin ng pag-asal—iyan ang saklaw ng impluwensiya ng magulang. Tungkol naman sa personalidad ng kanilang anak, hindi ito maituturo ng mga magulang. Ang ilang magulang ay mahinahon lang at ginagawa nila ang lahat nang hindi nagmamadali, samantalang ang kanilang mga anak ay lubos na walang pasensiya at hindi mapirmi sa kinaroroonan kahit sandali man lang. Lumalayo sila nang sila-sila lang para maghanap-buhay pagdating ng 14 o 15 taong gulang nila, gumagawa sila ng kanilang sariling mga desisyon sa lahat ng bagay, hindi nila kailangan ang kanilang mga magulang, at kayang-kaya nilang magsarili. Itinuturo ba ito ng kanilang mga magulang? Hindi. Kaya, ang personalidad, disposisyon, at maging ang diwa ng isang tao, pati na ang landas na kanyang pipiliin sa hinaharap, ay walang kinalaman sa kanilang mga magulang. … Ang ilang magulang na nananampalataya sa Diyos at nagtuturo sa kanilang mga anak na manampalataya sa Diyos, ngunit anuman ang sabihin nila, hindi naniniwala ang kanilang mga anak, at walang nagagawa ang mga magulang tungkol dito. May ilang magulang ang hindi nananampalataya sa Diyos, samantalang nananampalataya naman sa Diyos ang kanilang mga anak. Kapag nagsimulang manampalataya sa Diyos ang kanilang mga anak, sumusunod ang mga ito sa Diyos, gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya, at nagagawang tanggapin ang katotohanan, at nakakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, at kaya, nagbabago ang kanilang tadhana. Ito ba ang bunga ng pagtuturo ng mga magulang? Hindi, ito ay may kinalaman sa paunang pagtatakda at pagpili ng Diyos. May problema sa ekspresyon na ‘Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.’ Bagaman may responsabilidad ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak, ang tadhana ng isang anak ay hindi naitatakda ng kanyang mga magulang, kundi ng kalikasan ng isang anak. Malulutas ba ng edukasyon ang problema sa kalikasan ng isang anak? Talagang hindi nito malulutas iyon. Ang landas na tinatahak ng isang tao sa buhay ay hindi naitatakda ng kanyang mga magulang, kundi ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Sinasabi na ‘Ang kapalaran ng tao ay itinakda ng Langit,’ at ang kasabihang ito ay ibinuod ng karanasan ng tao. Bago umabot sa hustong gulang ang isang tao, hindi mo malalaman kung anong landas ang kanyang tatahakin. Kapag nasa hustong gulang na siya, at may sariling mga kaisipan at kakayahang magnilay-nilay sa mga problema, magpapasya siya kung ano ang gagawin sa labas sa mas malawak na komunidad. Sinasabi ng ilang tao na gusto nilang maging mataas na opisyal, ang iba naman ay nagsasabing gusto nilang maging abogado, at ang iba ay gustong maging manunulat. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang pasya at mga ideya. Walang sinuman ang nagsasabi ng, ‘Hihintayin ko na lang na turuan ako ng aking mga magulang. Anuman ang ituro nila sa akin, magiging ganoon ako.’ Walang taong ganito kahangal. Kapag umabot na sila sa hustong gulang, nagsisimulang mapukaw at unti-unting lumalago ang mga ideya ng mga tao, kaya lalong nagiging malinaw ang landas at mga layon sa kanilang hinaharap. Sa panahong ito, unti-unting nagiging halata at malinaw kung anong klaseng tao sila at kung saang grupo sila nabibilang. Mula sa puntong ito, unti-unting malinaw na natutukoy ang personalidad ng bawat tao, pati na rin ang kanilang disposisyon, ang landas na kanilang hinahangad, ang kanilang direksiyon sa buhay, at ang grupong kinabibilangan nila. Saan nakabatay ang lahat ng ito? Sa huli, ito ay pauna nang itinakda ng Diyos—wala itong kinalaman sa mga magulang ng isang tao. Malinaw na ba ito sa iyo ngayon?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Malinaw na sinuri ng salita ng Diyos ang tradisyonal na kuru-kuro na “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng magulang.” Ang kinabukasan ng mga anak natin at ang mga landas na tinatahak nila ay ganap na napagpapasyahan ng kanilang mga kalikasan. Wala itong kinalaman sa ating pagiging magulang. Ang pagiging magulang ay nakakaapekto lang sa pang-araw-araw na buhay ng isang bata o sa ilan sa kanilang panlabas na pag-uugali, pero hindi sa kanilang mga kalikasan. Sa sandaling mature na ang mga bata sa kanilang pag-iisip, pumipili sila ng iba’t ibang landas alinsunod sa kanilang angking kalikasan, hinahanap ang kanilang daan tungo sa mga kategoryang kinabibilangan nila. Ito ay paunang itinakda ng Diyos at hindi mababago ng sinumang tao. Pero hindi ko maunawaan ang kalikasang diwa ng mga anak natin pagdating sa landas na tinatahak nila sa kanilang pananalig. Ginusto ko pa ngang tulungan ang mga anak natin sa sarili kong paraan, para manatili sila sa pananalig at sa iglesia. Walang saysay akong umasa sa sarili kong mga pamamaraan para isalba ang kanilang mga kapalaran. Mapagmatigas kong nilalabanan ang Diyos. Isa lang akong hamak na nilikha at wala man lang kontrol sa sarili kong kapalaran, kaya paano ako makakaasa na makokontrol ko ang kinabukasan ng mga anak natin o mababago ang kanilang mga kapalaran? Masyado akong mayabang at ignorante, at mataas ang tingin sa sarili kong kakayahan. Tapos napaisip ako, “Bakit ganito ako mag-isip?” Naalala ko kung paanong noong maliliit pa sila, lahat tayo ay sama-samang naniniwala sa Panginoon at nang tanggapin natin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, dinala natin sila sa iglesia at hinikayat sila na umako ng tungkulin. Inakala ko na ang kanilang kakayahang manampalataya sa Diyos ay direktang nauugnay sa ating pagiging magulang. Kaya’t nang malaman kong napaalis na sila, naisip ko na hindi ko nagampanan ang mga responsabilidad ko bilang ama at na kung mas nakasama ko lang sana sila para tulungan at bahaginan sila, marahil ay hindi nila tatalikuran ang kanilang pananalig at hindi nila hahangarin ang mundo. Mula sa salita ng Diyos, nakikita ko na ngayon kung gaano lubos na kakatwa ang mga pananaw ko at kung paanong hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Mahigit isang dekada silang nanampalataya sa Diyos, binasa ang Kanyang salita, nakinig sa mga sermon at alam na ang totoong buhay ay kailangang isabuhay sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha. Pero wala silang interes sa katotohanan at nang makitang hindi sila pinagpapala pagkatapos ng kanilang mga taon ng pananalig, nagsimula silang maghangad ng mga makamundong bagay at magpakasasa sa laman. Ipinagkanulo nila ang Diyos at sinunod ang mga makamundong kalakaran sa kabila ng pagkaalam sa tunay na daan, at kahit na madalas na nakikipagbahaginan sa kanila ang iba at tinutulungan sila, sila ay mapagmatigas at hindi nagsisisi. Ipinapakita nito na sa kalikasan ay tutol sila sa katotohanan at itinataguyod nila ang kasamaan. Hindi sila kabilang sa mga ililigtas ng Diyos, kundi nabibilang sila sa mundo at sa demonyo. Kapag nawasak sila sa darating na mga sakuna, ito ay dahil sa ipinagkanulo nila ang Diyos, at sila lang ang may kasalanan nito. Naisip ko rin kung paanong maraming tao sa iglesia na hindi napagbalik-loob ng kanilang mga magulang, kundi sa pamamagitan ng pagkakataon, ng mga kasamahan, kaibigan, o ng mga estranghero pa nga na nagbahagi ng ebanghelyo sa kanila, at hindi sila napigilan ng pang-uusig ng kanilang mga magulang na manampalataya o gumawa ng tungkulin. Ang ilang magulang ay umaasa sa mga pagkagiliw para patuloy na mangaral sa kanilang mga anak, pero hindi naniniwala ang mga anak at naghihinanakit at lumalaban pa nga sa mga magulang nila. Ang ilang magulang ay itinitiwalag dahil sa kanilang walang pagsisisi na paghahangad sa katayuan at maraming kasamaan, pero nananatiling hindi apektado ang kanilang mga anak at nauunawaan pa nga ang mga diwa ng kanilang mga magulang ayon sa salita ng Diyos at tinatanggihan ang mga ito. Gayundin, maraming anak ang pinapaalis at itinitiwalag at nakakayang makilatis ng kanilang mga magulang ang kanilang mga diwa gamit ang mga salita ng Diyos. Mula rito makikita natin na tama man o mali ang tinatahak na landas ng isang tao, mabuti o masamang tao man siya, mahal man niya o kinapopootan ang katotohanan, at ano man ang kanyang huling kahihinatnan, ay ganap na itinatakda ng kanyang kalikasang diwa at hindi bunga ng pangangasiwa ng magulang. Ang responsabilidad na maisasakatuparan ng mga magulang ay ang pagpapalaki ng kanilang mga anak hanggang sa wastong gulang at pagdadala sa kanila sa harap ng Diyos. Pero ang landas na tatahakin at ang kapalaran ng mga ito ay ganap na wala sa kontrol ng mga magulang. Pinili ng mga anak natin mismo na tahakin ang maling landas at hindi sila maibabalik kahit ng pagsasakatuparan ko ng mga responsabilidad ko bilang ama. Wala itong kinalaman sa kung natupad ko man ang mga responsabilidad na ito. Ang mga kalikasan nila ay tutol sa katotohanan. Kahit na manatili ako kasama nila at gugulin ang lahat ng araw ko sa pagbabahagi sa kanila, magiging walang kabuluhan ito. Nang tingnan ko ang mga anak natin ayon sa salita ng Diyos, mas malaya na ang pakiramdam ko at hindi na naaabala sa tungkulin ko.

Huijuan, ito ang nakamit ko mula sa sitwasyon nitong mga araw. Alam kong matindi ang mga pagkagiliw mo sa mga anak natin at na napakahirap siguro ng lahat ng ito para sa iyo. Hindi ko alam kung paano mo ito nalampasan. Bagama’t maaaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro natin ang pagkakaalis sa mga anak natin, siguradong may mga aral tayong matututunan sa sitwasyong isinaayos ng Diyos. Umaasa ako na magagawa mong hanapin ang katotohanan dito at harapin nang tama ang isyu. Puwede kang sumulat sa akin kung mayroon ka ring anumang nakamit mula sa sitwasyong ito. Inaasahan ko ang iyong tugon.

Sumasaiyo,

Zhou Ming

Agosto 20, 2022

Sinundan:  60. Binabalewala Ba ng Isang Mabuting Kaibigan ang Isang Maling Gawa?

Sumunod:  62. Mga Pagninilay Matapos ang Bulag na Pagsamba sa mga Tao

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger