85. Ang Nakamit Ko sa Pagsusulat ng Aking Patotoo
Kamakailan ay napansin kong maraming kapatid ang nagsusulat ng mga artikulong batay sa karanasan para magpatotoo sa Diyos at gusto ko ring magsanay na magsulat. Ilang taon na akong mananampalataya, natamasa ko ang panustos ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng ilang karanasan. Gusto kong gamitin ang ilang oras sa aking debosyonal para magsulat ng isang artikulo, pero sa tuwing nagsusulat ako ng panimula, hindi ko na alam ang susunod kong isusulat. Naisip kong dumaan na ako sa ilang pagkakatanggal, pagkabigo, at pagkakamali, at maraming beses nang napungusan. Kahit papaano, may mga karanasan na ako. Bakit ba nabablangko ang isip ko kapag magsusulat na ako? Lumipas ang isa o dalawang buwan sa ganitong paraan, at sa huli wala talaga akong naisulat na artikulo. Pakiramdam ko ay parang napakahirap nito kaya nagkompromiso na lang ako. Alam ng lider na kulang ako sa kakayahan at mga ideya. Hindi ko dapat masyadong pinahihirapan ang sarili ko. Maraming bagay ang kailangan kong harapin araw-araw, at hindi ko mapakalma ang aking sarili para pagbulayan ang mga salita ng Diyos. At saka, nakakapagsulat naman ang ilang kapatid na may mahusay na kakayahan at may mga karanasan. Ayos lang na sila ang magsulat ng mga artikulo—hindi ko na kailangang magsulat. Kaya tuluyan na akong sumuko sa ideyang magsulat ng artikulo. Minsan ipinapaalala sa akin ng mga kapatid na puwede akong magsulat ng isang artikulo sa libreng oras ko, pero naiinis ako at ni ayokong tumugon sa mga mensahe nila. Paglipas ng ilang panahon, hindi ko regular na nagagawa ang mga debosyonal ko. Binasa ko ang mga salita ng Diyos pero wala akong kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi ko maramdaman ang Diyos. Maraming problema sa gawain na hindi ko maintindihan o malutas, at sunod-sunod na lumilitaw ang mga ito. Nakaramdam ako ng matinding kagipitan, at talagang nasa pasakit ako. Nanalangin ako sa Diyos, humihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako, na tulutan akong maunawaan ang aking mga isyu.
Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Boluntaryo ang paghahangad sa katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kung minamahal mo ang katotohanan, kung nagdarasal at umaasa ka sa Diyos, at nagninilay-nilay sa iyong sarili at nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili anuman kung pang-uusig o pagdurusa ang sumapit sa iyo, at kapag aktibo mong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema na natutuklasan mo at nagagawa mo ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, makakapanindigan ka nang matatag sa iyong patotoo. Kung mahal ng mga tao ang katotohanan, ang lahat ng mga pagpapamalas na ito ay magiging natural sa kanila. Gumagawa sila nang boluntaryo, nang nagagalak, at walang pamimilit, nang walang nakalakip na dagdag na mga kondisyon. Kung makasusunod sa Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, makakamit nila sa huli ang katotohanan at ang buhay, makapapasok sila sa katotohanang realidad, at maipamumuhay nila ang wangis ng tao. … Kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, wala sa mga dahilan o palusot na sasabihin mo ang magiging makatwiran. Subukan mong mangatwiran hangga’t gusto mo; magpakabalisa ka kung gusto mo—may pakialam ba ang Diyos? Kakausapin ka ba ng Diyos? Makikipagdebate at makikipagtalakayan ba Siya sa iyo? Kokonsultahin ka ba Niya? Ano ang sagot? Hindi. Talagang hindi Niya gagawin iyon. Gaano ka man mangatwiran, hindi ito magiging katanggap-tanggap. Hindi ka dapat magkamali ng pag-unawa sa mga intensiyon ng Diyos, at isipin na kung makapagbibigay ka ng kung anu-anong dahilan at palusot ay hindi mo na kakailanganing hangarin ang katotohanan. Nais ng Diyos na mahanap mo ang katotohanan sa lahat ng kapaligiran at sa bawat bagay na sumasapit sa iyo, at sa wakas ay makapasok ka sa katotohanang realidad at makapagkamit ng katotohanan. Anuman ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, sinumang tao at anumang pangyayari ang nakakaharap mo, at anumang sitwasyong kinalalagyan mo, dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makaya mong harapin ang mga ito. Ang mga ito mismo ang mga aral na dapat mong matutuhan sa paghahangad ng katotohanan. Kung lagi kang naghahanap ng mga palusot para makatakas, makaiwas, makatanggi, o labanan ang mga sirkumstansiyang ito, pababayaan ka ng Diyos. Wala nang dahilan pa para mangatwiran, o maging mailap o mahirap pakisamahan—kung wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Para sa Diyos, walang problemang hindi malulutas; gumawa na Siya ng mga pagsasaayos para sa bawat isang tao, at may paraan ng pagharap sa kanila. Hindi tatalakayin sa iyo ng Diyos kung ang mga dahilan at palusot mo ba ay makatwiran. Hindi makikinig ang Diyos kung rasyonal ba ang mga argumentong ginagamit mo para ipagtanggol ang sarili mo. Tatanungin ka lamang Niya, ‘Katotohanan ba ang mga salita ng Diyos? Mayroon ka bang tiwaling disposisyon? Dapat mo bang hangarin ang katotohanan?’ Kailangan maging malinaw lamang sa iyo ang isang katunayan: Ang Diyos ang katotohanan, isa kang tiwaling tao, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, walang dahilan o palusot, ang katanggap-tanggap—kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1). Agad pumukaw sa akin ang mga salita ng Diyos. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang bagay na personal at boluntaryo. Hindi ako dapat maghanap ng bawat katwiran, bawat dahilan para hindi magsulat ng artikulo o maghangad sa katotohanan. Walang pakialam ang Diyos kung gaano katama ang mga katwiran. Gusto ng Diyos na makinig tayo sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanyang mga hinihingi sa bawat sitwasyon, para sa lahat ng nangyayari. Iyon ang dapat kong gawin. Sinabi rin ng Diyos: “Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Ang pagpapatotoo sa Diyos ay ang hinihingi Niya, at tungkulin natin ito. Gaano man kalalim o kababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, dapat kong isulat kung ano ang nakamit ko mula sa aking pananalig para magpatotoo sa Diyos. Pero hindi ko sinubukang hanapin ang katotohanan o nagsikap na pagbulayan ang mga salita ng Diyos. Nakahanap ako ng lahat ng uri ng mga dahilan para tanggihan at labanan ang pagsusulat ng isang artikulo. Patuloy kong sinasabing wala akong kakayahan, at na wala akong oras dahil masyado akong abala sa gawain. Naisip ko na normal ang hindi pagsusulat ng artikulo. Minsan kapag sinasabi sa akin ng iba na magsulat ako ng isa, naiinis ako at nagdadahilan. Ni ayaw kong sumagot sa mga mensahe nila. Pero ngayon na tahimik ko itong pinag-iisipan, bagama’t kailangan kong sumabay sa bawat aspekto ng gawain ko bilang lider, hindi naman lahat ng isyu ay kailangang tugunan agad—puwede akong maglaan ng oras para sa maraming bagay. At saka, ang ilan sa mga karaniwang gampanin ay hindi kailangan ng ganoon karaming oras para matapos. Hindi naman ako masyadong abala na wala na akong anumang oras para magsulat ng artikulo. Nahanap ko lang ang mga dahilang iyon. Pakiramdam ko, mabilis at madaling gawin ang mga karaniwang gampaning iyon, at hindi nangangailangan ng napakabigat na pag-iisip, pero hindi ko talento ang pagsusulat, kaya gusto ko itong iwasan. Ginamit ko pa ngang katwiran na alam ng lider na wala akong kakayahan at mga ideya. Nagawa ko talagang baluktutin ang mga bagay-bagay at mag-imbento ng mga kamalian. Sa katunayan, ang pagsusulat ng artikulo ng patotoo ay puwedeng mag-udyok sa atin na magsikap sa paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagninilay sa mga salita ng Diyos at paghahanap sa katotohanan, malulutas natin ang ating katiwalian, magagawa ang mga bagay nang may mga prinsipyo, at magagampanan ang ating tungkulin nang mas mahusay. Tungkulin natin ang pagsusulat ng mga artikulong nagpapatotoo sa Diyos, at walang mga dahilan para hindi ito gawin. Sabi ng Diyos: “Ang Diyos ang katotohanan, isa kang tiwaling tao, kaya nga dapat magkusa kang hanapin ang katotohanan. Walang problema o paghihirap, walang dahilan o palusot, ang katanggap-tanggap—kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, ikaw ay masasawi” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1). Pagkatapos ay napagtanto ko na ang pagkakaipit ko sa mga dahilan ko, nang hindi hinahanap o tinatanggap ang katotohanan ay lubos na sisira sa akin, at ang kalalabasan ko sa huli ay pagkawasak. Sobrang nakatatakot na kalagayan! Kaya nagmadali akong magdasal: “O Diyos! Ngayon ko lang napagtanto na hindi ako isang taong tumatanggap ng katotohanan. Nabasa ko ang napakaraming salita Mo, nakinig sa napakaraming sermon, pero wala akong katotohanang realidad at hindi ako handang magsanay sa pagsusulat ng artikulo ng patotoo. Kahiya-hiya talaga ito. Ngayon ay nakikita ko na ang mga pagkukulang ko, ang mga kapintasan ko. Gusto kong baguhin ang maling kalagayang ito at magsikap na gawin ang hinihiling Mo.”
Kalaunan, nanalangin ako sa Diyos, na naghahanap: Ano ba ang tunay na dahilan kung bakit hindi ko hinahangad ang katotohanan at ayokong isulat ang aking patotoo? Sa aking pagninilay-nilay, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maraming tao ang nakatuon lamang sa paggawa para sa Diyos, at kontento na sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, ngunit hindi man lang nila hinahangad ang katotohanan. Bilang resulta, wala silang pagkakilala sa gawain ng Diyos matapos manalig sa Kanya sa loob ng sampung taon, dalawampung taon, tatlumpung taon, at hindi sila makapagsabi ng anumang mga karanasan o kaalaman tungkol sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos. Sa mga pagtitipon, kapag sinusubukan nilang magbigay ng kaunting patotoo, wala silang masabi; hindi talaga nila alam kung maililigtas ba sila o hindi. Ano ang problema rito? Ganito ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ilang taon man silang naging mananampalataya, hindi nila kayang unawain ang katotohanan, lalong hindi nila ito maisagawa. Paano makapapasok sa katotohanang realidad ang isang taong hindi man lang tumatanggap dito? May mga tao na hindi nauunawaan ang problemang ito. Naniniwala sila na kung isinasagawa ng mga nag-uulit lang ng mga salita at doktrina ang katotohanan, makapapasok din sila sa katotohanang realidad. Tama ba ito? Ang mga taong nag-uulit lang ng mga salita at doktrina ay likas na hindi nakakaunawa sa katotohanan—kaya paano nila maisasagawa ito? Ang kanilang isinasagawa ay mukhang hindi lumalabag sa katotohanan, at mabubuting gawa, at mabubuting pag-uugali, ngunit paano matatawag na katotohanang realidad ang gayong mabubuting gawa at mabubuting pag-uugali? Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay hindi nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad; itinuturing nila ang mabubuting gawa at mabubuting pag-uugali ng mga tao na pagsasagawa ng katotohanan. Kakatwa ito, hindi ba? May pagkakaiba pa ba ito sa mga kaisipan at pananaw ng mga taong relihiyoso? At paano malulutas ang gayong mga problema ng baluktot na pagkaunawa? Dapat munang maunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos mula sa Kanyang mga salita, dapat nilang malaman kung ano ang pag-unawa sa katotohanan, at kung ano ang pagsasagawa sa katotohanan, para magawang tingnan ang mga tao at makilatis ang tunay nilang pagkatao, at matukoy kung taglay ba nila o hindi ang katotohanang realidad. Ang gawain at pagliligtas ng Diyos ay may layuning ipaunawa at ipasagawa sa mga tao ang katotohanan; saka lamang maiwawaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magagawang kumilos ayon sa mga prinsipyo, at pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at kontento ka na sa paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga para sa Diyos ayon sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, kakatawan ba ang lahat ng ginagawa mo sa pagsasagawa mo ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na nabago mo na ang iyong disposisyon sa buhay? Ipapakita ba nito na taglay mo na ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos? Hindi. Kung gayon ano ang kakatawanin ng lahat ng ginagawa mo? Maaari lang nitong katawanin ang iyong sariling personal na mga kagustuhan, pag-unawa, at pangangarap nang gising. Puro lang ito mga bagay na gusto mong gawin at handa kang gawin; lahat ng ginagawa mo ay tinutugunan lamang ang iyong sariling mga pagnanasa, kapasyahan, at minimithi. Malinaw na hindi iyan paghahangad sa katotohanan. Wala sa mga kinikilos o inaasal mo ang anumang may kaugnayan sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos. Lahat ng kilos at asal mo ay para sa iyong sarili; nagtatrabaho ka lang, nakikibaka, at nagpaparoo’t parito para sa kapakanan ng sarili mong mga mithiin, reputasyon, at katayuan—dahil dito ay wala kang ipinagkaiba kay Pablo, na nagpakapagod at nagtrabaho buong buhay niya para lang magantimpalaan, makoronahan, at makapasok sa kaharian ng langit—ipinapakita nito na malinaw na tinatahak mo ang landas ni Pablo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2). Ang mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos ay iniwan akong walang mapagtataguan. Mananampalataya na ako sa lahat ng taong iyon, nakabasa na ng napakaraming salita ng Diyos, nagkaroon ng ilang pagkabigo at pagkadapa, at napungusan, pero hindi pa ako nakapagsulat ng anumang artikulo ng patotoo. Hindi ko rin maipahayag ang pagkaunawa ko na batay sa karanasan sa katotohanan, dahil hindi ko hinangad ang katotohanan. Kontento na lang akong magmukhang kaya kong magdusa at magbayad ng halaga, para gawin ang gawaing responsabilidad ko nang walang anumang pagkakamali o kapabayaan. Ang totoo, hindi naman apurahan ang ilang karaniwang gawain, pero natatakot akong sasabihin ng iba na hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain o lumulutas ng mga totoong isyu. Pagkatapos, paano kung malaman ng lider at tanggalin ako? Sa isiping iyon, sumuko ako sa pagsusulat ng isang artikulo at sa pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, at kahit kapag minsan ay babangon ako at gusto kong gumawa ng pang-umagang debosyonal, pero kapag binuksan ko na ang computer ko at nakita ang lahat ng uri ng mga mensahe na nangangailangan ng sagot, isinusuko ko ang mga debosyonal at nagsisimulang sumagot, inaasikaso ang lahat ng isyu. Pero sa totoo lang, hindi lahat ng bagay ay kailangang asikasuhin agad. Kung sasagot ako kapag nagkaoras ako, walang maaantala. Pero dahil abala ako sa bagay na iyon, isinuko ko ang oras ko na kumain at uminom at pagbulayan ang mga salita ng Diyos. Naisip ko pa ngang nagpapakaresponsable ako sa tungkulin ko, nagdadala ng pasanin, at kaya kong gumawa ng tunay na gawain, pero sa totoo lang, gusto kong gamitin ang paimbabaw kong paghihirap at mga pagsisikap para makakuha ng paghanga. Paano iyon naging paggawa ng tungkulin? Gusto kong gamitin ang tungkulin ko para protektahan ang karangalan at katayuan ko, para tuparin ang mga personal kong ambisyon. Nasa isang landas ako na laban sa Diyos. Alam kong ang proseso ng pagsusulat ng isang artikulo ay ang proseso ng paghahanap ng katotohanan, pero hindi ko hinahangad ang katotohanan at hindi ko ginustong magsulat ng isang artikulo para magpatotoo sa Diyos. Abala ako sa mga bagay-bagay araw-araw, at kahit na magkaroon ako ng oras, nakahahanap ako ng lahat ng uri ng dahilan para hindi magsulat. Hindi ba’t nagtatrabaho lang ako sa pamamagitan ng paggawa sa tungkulin ko sa ganitong paraan nang hindi hinahangad ang katotohanan? Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Wala sa mga kinikilos o inaasal mo ang anumang may kaugnayan sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos. Lahat ng kilos at asal mo ay para sa iyong sarili; nagtatrabaho ka lang, nakikibaka, at nagpaparoo’t parito para sa kapakanan ng sarili mong mga mithiin, reputasyon, at katayuan—dahil dito ay wala kang ipinagkaiba kay Pablo.” Napagnilayan kong tinatahak ko ang landas ni Pablo. Palagi kong inaalala ang paggawa ng mga bagay-bagay, paggawa ng gusto ko, kung ano ang madali sa akin, pero kapag tungkol sa mahalagang gawain ng iglesia na hinihingi ng Diyos, bukod sa hindi ko hinahanap ang katotohanan, tutol pa ako rito at iniwasan ko ito. Dahil dito, kahit maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, hindi ko pa rin naunawaan ang katotohanan at may ilang mahalagang aspekto ng gawain na ganap akong hindi kalipikado na lumahok, kaya pinapangasiwaan ko lang ang mga pangkalahatang usapin na gawain. Gumagawa lang ako para matugunan ang pagnanais ko sa katayuan. Nasa landas ako ng pagiging kaaway ng Diyos. Kung magpapatuloy iyon, kahit gaano pa karaming gawain ang gawin ko, ititiwalag ako ng Diyos sa huli. Natakot ako nang mapagtanto ko ito, at gusto kong baguhin agad ang sitwasyong ito.
Isang araw ay nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Ang pinakanakikitang kalagayan ng mga taong tutol sa katotohanan ay na hindi sila interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, nasusuklam at namumuhi pa nga sila sa mga ito, at gustong-gusto nilang sumunod sa mga kalakaran. Hindi nila tinatanggap sa kanilang puso ang mga bagay na minamahal ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao. Sa halip, wala silang pakialam at wala silang interes sa mga ito, at madalas pa ngang kinamumuhian ng ilang tao ang mga pamantayan at prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nasusuklam sila sa mga positibong bagay, at palagi silang nakadarama sa puso nila ng paglaban, pagtutol, at labis na pagkasuklam sa mga ito. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Sa buhay-iglesia, ang pagbabasa ng salita ng Diyos, pagdarasal, pagbabahaginan sa katotohanan, pagganap sa mga tungkulin, at paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ay pawang mga positibong bagay. Kasiya-siya ang mga ito para sa Diyos, pero ang ilang tao ay nasusuklam sa mga positibong bagay na ito, walang pakialam sa mga ito, at walang interes sa mga ito. … Hindi ba’t pagiging tutol sa katotohanan ang disposisyong ito? Hindi ba’t paghahayag ito ng isang tiwaling disposisyon? Maraming taong nananalig sa Diyos ang gustong gumawa ng gawain para sa Kanya at masiglang magpakaabala para sa Kanya, at pagdating sa paggamit ng kanilang mga kaloob at kalakasan, pagbibigay-layaw sa kanilang mga kagustuhan at pagpapakitang-gilas, hindi sila nauubusan ng enerhiya. Pero kung hihilingin mo sa kanila na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nawawalan sila ng enerhiya, at nawawalan sila ng sigla. Kapag hindi sila pinapayagang magpakitang-gilas, nawawalan sila ng gana at nasisiraan ng loob. Bakit sila may enerhiya para sa pagpapakitang-gilas? At bakit sila walang enerhiya para sa pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang problema rito? Gusto ng lahat ng tao na maging natatangi; nagnanasa silang lahat ng hungkag na kaluwalhatian. Ang lahat ay may hindi maubos-ubos na enerhiya pagdating sa pananalig sa Diyos alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, kaya bakit sila nawawalan ng gana, bakit sila nasisiraan ng loob pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan at paghihimagsik laban sa laman? Bakit ito nangyayari? Pinatutunayan nito na may karumihan ang puso ng mga tao. Nananalig sila sa Diyos para lang magtamo ng mga pagpapala—sa madaling salita, ginagawa nila ito para makapasok sa kaharian ng langit. Kapag walang hahangaring mga pagpapala o pakinabang, nawawalan ng gana at nasisiraan ng loob ang mga tao, at wala silang kasigla-sigla. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang tiwaling disposisyon na tutol sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay-liwanag sa akin. Iniiwasan kong magsulat ng isang artikulo at ayokong magsikap na hangarin ang katotohanan ganap na dahil sa aking satanikong disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Alam na alam kong hinihingi ng Diyos na magsulat tayo ng mga artikulong nagpapatotoo, at kung hindi man isang bagay na malalim, puwede naman akong magsulat ng mas simple. Basta’t praktikal ito, may pagkaunawa na batay sa karanasan, at nakapagpapakita ng magandang halimbawa, ayos lang iyon. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga patotoo ng mga tao, at ang isang magandang patotoo ay higit na umaaliw sa puso Niya. Kaya, umaasa ang Diyos na isusulat natin ang ating mga karanasan at mga nakamit bilang mga artikulo na magpapatotoo sa Kanya. Pero sa halip na magsikap sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, naghanap ako ng mga dahilan para iwasan iyon, para tumanggi. Ipinapakita ko ang isang satanikong disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Kung gayon, ano ang tingin ng Diyos sa disposisyong pagiging tutol sa katotohanan? Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Anong uri ng mga tao ang mga tumututol sa katotohanan? Sila ba iyong mga lumalaban at sumasalungat sa Diyos? Maaaring hindi sila hayagang lumalaban sa Diyos, subalit ang kanilang kalikasang diwa ay ang itatwa at labanan ang Diyos, na katumbas ng hayagang pagsasabi sa Diyos na, ‘Ayaw kong naririnig ang mga sinasabi mo, hindi ko ito tinatanggap, at dahil hindi ko tinatanggap na katotohanan ang iyong mga salita, hindi ako naniniwala sa iyo. Naniniwala ako sa sinumang kapaki-pakinabang at makabubuti sa akin.’ Ganito ba ang saloobin ng mga walang pananampalataya? Kung ganito ang saloobin mo patungkol sa katotohanan, hindi ka ba hayagang napopoot sa Diyos? At kung hayagan kang napopoot sa Diyos, ililigtas ka ba ng Diyos? Hindi ka Niya ililigtas. Iyan ang dahilan ng matinding galit ng Diyos sa mga nagtatatwa at lumalaban sa Diyos. … Kapag ang isang tao ay tumututol sa katotohanan, walang duda na ito ay mapanganib sa pagkakamit niya ng kaligtasan. Hindi ito isang bagay na maaari o hindi maaaring mapatawad, hindi ito isang anyo ng pag-uugali, o isang bagay na panandaliang nahayag sa kanila. Ito ay kalikasang diwa ng isang tao, at ang Diyos ay pinakayamot sa gayong mga tao. Kung paminsan-minsan kang naghahayag ng katiwalian ng pagtutol sa katotohanan, dapat mong suriin, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang mga paghahayag na ito ay sanhi ng pagkainis mo sa katotohanan o ng kawalan ng pang-unawa sa katotohanan. Nangangailangan ito ng paghahanap, at nangangailangan ito ng kaliwanagan at tulong ng Diyos. Kung ang kalikasang diwa mo ay gayon na tutol ka sa katotohanan, at hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, at ikaw ay partikular na umaayaw at mapanlaban dito, mayroong problema. Ikaw ay tiyak na isang masamang tao, at hindi ka ililigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay lantarang paglaban sa Diyos, hayagang pagiging kaaway Niya. Sinasabi ko na nananampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos, nagdarasal ako sa pangalan Niya, kumakain at umiinom ng mga katotohanang ipinahayag Niya, sa bawat pagtitipon ay nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, at ipinangangaral ang mga ito sa mga kapatid. Pero ang paraan ng pag-asal ko, ang paraan ng pamumuhay ko ay hindi naaayon sa mga salita ng Diyos, at hindi ko sinusunod ang mga hinihingi ng Diyos. Sa halip ay nakararamdam ako ng pagtutol sa katotohanan. Paano ko matatanggap at maisasagawa ang katotohanan nang ganoon? Ang tanging paraan para mailigtas bilang isang mananampalataya ay ang tanggapin ang katotohanan. Pero hindi ko minahal ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Sa kaibuturan ng aking puso, lumalaban ako sa Diyos. Kahit ang satanikong disposisyong iyon lang ng pagiging tutol sa katotohanan ay puwede nang sumira sa akin. Sa puntong iyon nakita kong talagang nakatatakot ang isang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, isa itong nakapagpapabagsak na kahinaan para sa kaligtasan. Pagkatapos ay lumapit ako sa Diyos para magsisi: “O Diyos! Tutol ako sa katotohanan, hindi ako nakatutok sa pagsusulat ng artikulo o sa pagsisikap na hangarin ang katotohanan, at ngayon nakikita ko na ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ay kinasusuklaman Mo. Gusto kong magsisi at hangarin nang maayos ang katotohanan—pakiusap, gabayan Mo po ako.”
Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Kung talagang mahal mo ang katotohanan sa puso mo, at sadyang medyo mahina lang ang kakayahan mo at wala kang kabatiran, medyo hangal, at madalas kang nagkakamali, ngunit hindi mo intensiyong gumawa ng masama, at nakagawa ka lamang ng ilang kahangalan; kung taos-puso kang handang makinig sa pagbabahagi ng Diyos sa katotohanan, at taos-puso kang nasasabik sa katotohanan; kung ang iyong saloobin sa pagtrato mo sa katotohanan at mga salita ng Diyos ay may sinseridad at pananabik, at kaya mong pahalagahan at itangi ang mga salita ng Diyos—sapat na ito. Gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit na medyo hangal ka kung minsan, gusto ka pa rin ng Diyos. Mahal ng Diyos ang puso mo na nananabik sa katotohanan, at mahal Niya ang iyong sinserong saloobin sa katotohanan. Kaya, may awa ang Diyos sa iyo at palaging nagkakaloob ng biyaya sa iyo. Hindi Niya iniisip ang iyong mahinang kakayahan o ang iyong kahangalan, ni hindi Niya iniisip ang iyong mga pagsalangsang. Dahil sinsero at masigasig ang iyong saloobin sa katotohanan, at tapat ang iyong puso, kung gayon, dahil sa pagiging totoo ng puso mo at ng saloobin mong ito—lagi Siyang magiging maawain sa iyo, at gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Iminulat ako ng mga salita ng Diyos at binigyan ako ng landas ng pagsasagawa. Lumiwanag ang puso ko at nakaramdam ako ng paglaya. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mahinang kakayahan o ang kamangmangan ng mga tao. Hangga’t nauuhaw sila sa katotohanan at tinatrato ang katotohanan nang may saloobin ng sinseridad, kaaawaan sila ng Diyos. Napansin kong may ibang mga kapatid na katamtaman ang kakayahan na nauuhaw sa mga salita ng Diyos, at masinsinang nagbubulay-bulay, at naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga isyu kapag nangyayari ang mga bagay-bagay. Sa huli ay nagawa nilang magsulat ng talagang nakakaantig na mga sanaysay tungkol sa kanilang mga karanasan para magpatotoo sa Diyos. At ang ilang sumapi sa pananalig kailan lang ay hindi tumakas kahit ano pang hirap ang kinaharap nila sa kanilang tungkulin, at nagpasakop sila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumandal sa Diyos para hanapin ang katotohanan at malampasan ang paghihirap. Sa huli ay nagkapagbigay sila ng mga nakakaantig na patotoo. At ang ilang bagong mananampalataya ay nakatuon sa paghahanap sa katotohanan kapag nagbubunyag sila ng katiwalian. Binasa nila ang mga salita ng Diyos at nagnilay-nilay sa sarili. Ang pagkaunawang ibinahagi nila ay talagang tunay at praktikal. Walang pakialam ang Diyos kung gaano katagal nang may pananalig ang isang tao, kung siya ay mangmang o may mahinang kakayahan, bagkus kung hinahanap niya ang katotohanan, minamahal ang katotohanan, nauuhaw sa katotohanan, at kung itinuturing niya o hindi ang mga salita ng Diyos nang may sinserong puso. Ang mahinang kakayahan ay hindi nakamamatay. Ang susi ay kung mayroon tayong pusong nagmamahal sa katotohanan, kung kaya nating tanggapin at isagawa ang katotohanan. Ang Diyos ay tapat at matuwid, at wala Siyang pakialam kung ang kakayahan ng isang tao ay mahusay o mahina. Hangga’t tayo ay nauuhaw at nagsusumikap para sa katotohanan, at ipinapatupad natin ang ating nalalaman, makakamit natin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ang ating pagkaunawa at kabatiran ay bubuti. Hindi ako dapat mapigilan ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan o maghanap ng mga dahilan para maiwasan ang pagsusulat ng artikulo. Gusto kong tunay na kumain, uminom, at maranasan ang mga salita ng Diyos, na mailagay ang aking mga karanasan sa isang artikulo para magpatotoo sa Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay-linaw sa akin sa layunin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Walang landas sa pagkakamit ng kaligtasan ang mas makatotohanan o praktikal kaysa sa pagtanggap at paghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo makakamit ang katotohanan, walang kabuluhan ang paniniwala mo sa Diyos. Ang mga nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita at doktrina, na palaging nagbabanggit muli ng mga salawikain, nagsasabi ng matatayog na bagay, sumusunod sa mga patakaran, at hindi kailanman tumututok sa pagsasagawa ng katotohanan ay walang nakakamit, kahit ilang taon na silang naniniwala. Sino ang mga taong may nakakamit? Ang mga taos-pusong gumaganap ng kanilang tungkulin at handang isagawa ang katotohanan, na itinuturing na kanilang misyon ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na masayang ginugugol ang kanilang buong buhay para sa Diyos at hindi nagpapakana para sa sarili nilang mga kapakanan, na umaasal nang praktikal at nagpapasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos. Nagagawa nilang maarok ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at maingat na inaasikaso ang lahat ng usapin nang wasto, na nagbibigay-daan para makamit nila ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, at matupad ang mga layunin ng Diyos. Kapag may nakahaharap silang mga paghihirap habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nananalangin sila sa Diyos at sinusubukang arukin ang mga layunin ng Diyos, nagagawa nilang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos na mula sa Diyos, at hinahanap at isinasagawa nila ang katotohanan kapag gumagawa ng mga bagay. Hindi sila muling nagbabanggit ng mga salawikain o nagsasabi ng magaganda-pakinggan na bagay, kundi tumututok lang sila sa paggawa ng mga bagay-bagay nang may praktikal na saloobin, at sa metikulosong pagsunod sa mga prinsipyo. Isinasapuso nila ang lahat ng kanilang ginagawa, at natututunang pahalagahan ang lahat ng bagay nang buong puso, at sa maraming bagay, nagagawa nilang isagawa ang katotohanan, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng kaalaman at pagkaunawa, at nagagawa nilang matutunan ang mga aral at talagang may nakakamit. At kapag may mga mali silang saloobin o mga maling kalagayan, nananalangin sila sa Diyos at hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito; kahit ano pang mga katotohanan ang nauunawaan nila, pinahahalagahan nila ang mga ito sa kanilang puso, at nakapagsasalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan. Nakakamit ng gayong mga tao ang katotohanan sa huli. Iyong mga walang ingat at hindi nakatutok ay hindi kailanman iniisip kung paano isagawa ang katotohanan. Nakatutok lang sila sa pagsisikap at paggawa ng mga bagay-bagay, at sa pagtatanghal ng kanilang sarili at pagpapakitang-gilas, pero hindi nila kailanman hinahanap kung paano isagawa ang katotohanan, dahilan kaya nahihirapan silang matamo ang katotohanan. Pag-isipan ninyo, anong uri ng mga tao ang makapapasok sa mga katotohanang realidad? (Iyong mga praktikal, na mga makatotohanan at nagsusumikap.) Mga taong praktikal, na nagsusumikap, at may puso: mas pinagtutuunan ng gayong mga tao ang realidad at ang paggamit ng mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos sila. Pinagtutuunan din nila ang mga praktikalidad sa lahat ng bagay, makatwiran sila, at gusto nila ang mga positibong bagay, ang katotohanan, at mga praktikal na bagay. Ang mga taong gaya nito ang siyang nakauunawa at nagtatamo ng katotohanan sa huli” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga naghahangad sa katotohanan ay nakatuon sa mga salita ng Diyos, madalas magbulay-bulay sa mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito. Kaya nilang hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula sa mga tao, bagay, at pangyayari sa paligid nila, at umani ng mga gantimpala mula sa kanilang mga karanasan. Ang pagsusulat ng artikulo ay isa sa magagandang paraan para hikayatin tayong lumapit sa Diyos, pagbulayan ang Kanyang mga salita, at hanapin ang katotohanan. Nang maunawaan ko na ang layunin ng Diyos, nakaramdam ako ng pasanin, at nakaramdam ako ng motibasyon na magsulat ng isang artikulo. Pakiramdam ko, dapat kong tuparin ang tungkuling iyon para aliwin ang puso ng Diyos at napagtanto ko na makahahanap ako ng mas maraming katotohanan at makauusad ako sa buhay sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga artikulo.
Pagkatapos niyon ay sinimulan kong planuhin ang araw-araw na gawain, at tukuyin kung anong oras ang gagamitin ko para sa kung aling isyu, ayon sa pinakadapat unahin. Sa tuwing may oras ako, kakain at iinom ako ng mga salita ng Diyos at magsusulat ng isang artikulo. Noong una akong nagsimulang magsulat, ang isinulat ko tungkol sa pagkaunawa ko sa mga salita ng Diyos ay medyo mababaw. Gusto kong sumuko at tumigil na sa pagsusulat sa puntong iyon, at ayoko nang pagbulayan pa ang mga salita ng Diyos. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Ayokong sumuko. Gusto kong pag-isipang mabuti ang mga salita Mo, na maisulat ang kung ano ang aking nalalaman sa ngayon, at pagkatapos ay magpatuloy na magsulat habang lumalago ang karanasan ko. Ayoko nang mamuhay ayon sa aking tiwaling disposisyon. Gusto kong isulat ang tungkol sa Iyong pagbibigay-liwanag at pagtatanglaw para magpatotoo sa Iyo.” Mas kumalma ang pakiramdam ko pagkatapos ng panalanging iyon. Nang kumalma ako at mapag-isipan ang sarili kong kalagayan at ang mga salita ng Diyos, itinala ko ang anumang kaliwanagang mayroon ako. Kaya, pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos at isinusulat ang nauunawaan ko kapag may oras ako. Kapag tapos na ako, at nakita kong may ilang parte na hindi masyadong malinaw, ginagawa ko ang makakaya ko para i-edit ang mga ito. Habang mas nagsusulat ako, mas nalilinawan ako, at mas nakikita ko nang mabuti ang sarili kong kalagayan. Nagkaroon din ako ng higit pang totoong pagkaunawa sa katotohanan. Pakiramdam ko, ang ganitong uri ng pagsasagawa ay talagang nakalulugod.