86. Sino Ba Talaga ang Sumira sa Pamilya Ko?

Ni Fang Xia, Tsina

Isa akong guro at inhinyero naman ang asawa ko. Maganda ang naging pagsasama namin bilang mag-asawa, at matalino at mabait ang anak naming babae. Kinainggitan kami ng lahat ng kaibigan at kasamahan namin. Pagkatapos, noong Disyembre 2006, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na nagpahayag ng maraming katotohanan ang ating Tagapagligtas, ang Makapangyarihang Diyos, para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Ang pagkakaroon ng pananalig, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagkakamit ng katotohanan, at pagwawaksi sa kasalanan at sa ating mga tiwaling disposisyon ay ang tanging paraan para maprotektahan ng Diyos sa gitna ng malalaking sakuna at makaligtas, at sa huli ay makapasok sa kaharian Niya. Natutunan ko rin na nagmula sa Diyos ang buhay natin, at ibinigay sa atin ng Diyos ang lahat ng pag-aari natin. Bilang mga nilikha, dapat nating gawin ang tungkulin natin. Kalaunan, sinimulan kong ipangaral ang ebanghelyo at diligan ang mga baguhan. Kasiya-siya ang bawat araw. Napansin ng asawa ko na mula nang maging mananampalataya ako, lagi akong nakangiti, at masaya niyang sinabi sa akin, “Dati, lagi kang sobrang pagod pagkatapos ng trabaho at nag-aalala ako sa iyo. Matapos manampalataya sa Diyos, ganoon ka pa rin kaabala araw-araw, pero pabuti nang pabuti ang kalagayan ng pag-iisip mo. Halatang napakaganda ng pananampalataya sa Diyos!” Pero ang magagandang bagay ay hindi nagtagal. Kinalaunan, nagsimula siyang usigin ako at hadlangan ang pananalig ko.

Isang araw noong Marso 2007, umuwi siya mula sa trabaho at mahigpit niyang sinabi pagpasok niya, “Nagpatawag ang boss namin kanina ng pulong para sa mga kadre ng bawat departamento at sinabi na, nitong mga nagdaang taon, parami nang parami ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, na nagpaalarma sa Partido. Inilista nila ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos bilang pangunahing pambansang target, at lahat ng mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay nasasailalim sa pag-aresto ng Partido Komunista. Mas malala pa para sa mga pampublikong empleyado: Ang sinumang matuklasan na isang mananampalataya o may kapamilya sa Iglesia ay matatanggal sa trabaho, nang walang pinapalampas! Habang wala pa sa paaralan ninyo ang nakakaalam sa pananalig mo, isuko mo na ito bago pa mahuli ang lahat. Maaaresto ka kapag nalaman ng boss mo!” Iniisip ko na, “Ang pananampalataya sa Diyos ay ang tamang landas at hindi ito lumalabag sa anumang batas, kaya ano ang karapatan ng CCP para pigilan ako?” Kaya sinabi ko sa kanya, “Nang sumali ang Tsina sa WTO, hindi ba’t ipinahayag nito na may kalayaan ng pananampalataya sa Tsina? Bakit may pang-uusig ngayon? Ano ang mali sa pananalig ko?” Nagalit talaga siya at sumagot, “Alam kong mabuti ang manampalataya sa Diyos, pero hindi ito pinapayagan ng Partido, kaya ano ang magagawa natin? Hindi mo ito puwedeng labanan. Kung patuloy kang mananalig, maaari kang maaresto at makulong anumang oras. Kung maaaresto ka, hindi ba’t masisira niyon ang pamilya natin? Kailangan mong bitiwan ang pananalig mo alang-alang sa pamilyang ito!” Nagalit ako nang husto sa sinabi niya. Hindi ko kailanman inakala na sa pagsisikap nilang pigilan ang mga tao na manampalataya sa Diyos, gagamitin ng Partido ang mga amo ng mga tao para gipitin sila, pero ipinaliwang nito ang biglang pagbabago ng isip ng asawa ko. Napaisip ako, “Palalampasin ba ako ng Partido kung matuklasan nila ang tungkol sa pananalig ko? Bakit napakahirap maging isang mananampalataya sa Tsina?” Pagkatapos, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na binasa sa akin ng isang sister minsan: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, ang mga tao ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, bilang resulta. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at marami sa Kanyang mga salita ay hindi maisasakatuparan agad-agad; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Naalala ko na ibinahagi rin niya, “Isang ateistang partido ang Partido Komunista. Napopoot ito sa Diyos at pinakalumalaban sa Kanya. Bilang mga mananampalataya sa bansang pinamumunuan ng Partido Komunista, nakatalaga tayong siilin at ipahiya. Minsang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Mapapalad ang mga inuusig dahil sa pagsunod sa matuwid: sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit(Mateo 5:10). Ginagamit ng Diyos ang mga sitwasyon ng pang-uusig para gawing perpekto ang pananalig ng mga tao. Ang kakayahang manindigan sa iyong patotoo sa gitna ng gayong mapaniil at mahirap na kapaligiran ang sinasang-ayunan ng Diyos!” Binigyan ako nito ng pananalig. Alam kong hindi ako puwedeng sumuko dahil sa paniniil ng Partido. Gaano man ako hadlangan ng asawa ko, determinado akong manampalataya.

Sa maikling panahon, halos araw-araw silang nagpupulong sa trabaho niya, idinidiin na hindi puwedeng may sinumang mananampalataya sa mga empleyado o miyembro ng kanilang pamilya. Umuuwi ang asawa ko at halos araw-araw akong sinesermonan ng ideolohiya. Isang gabi nang makauwi ako mula sa isang pagtitipon, mukha siyang seryoso at sinabing, “Pumunta ka sa isa na namang pagtitipon? Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na hindi ka puwedeng pumunta sa mga pagtitipon—bakit ayaw mong makinig? Alam mo naman na ipinagbabawal ng Partido ang relihiyon. Paulit-ulit na sinabi sa amin ng boss namin na hindi pagbibigyan ng Partido ang sinumang mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos! Hindi ba’t paghahanap lang ng gulo ang patuloy na manalig sa ganitong kritikal na panahon?” Sabi ko, “Walang nilalabag na batas ang pagkakaroon ng pananalig. Anong karapatan ng Partido na tutulan iyon?” Sumagot siya, “Walang pakialam ang Partido kung may nilalabag kang batas o wala. Itinuturing na mga pulitikal na kriminal ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Kung maaaresto ka ng Partido dahil sa pananalig mo, hindi lang nito masisira ang reputasyon mo, kundi manganganib din ang buhay mo, at madadamay rin ang pamilya mo.” Pagkatapos magsalita ng asawa ko, sinabi ko sa kanya, “Alam na alam mo na lumalaban sa Diyos ang Partido, pero pumapanig ka pa rin sa kanila, hinahadlangan ako. Hindi ka ba natatakot sa kaparusahan?” Nangungutya niyang sinabi, “Hindi mahalaga ang kaparusahan—mahalagang maunawaan kung ano ang sitwasyon ngayon. Nasa kapangyarihan ang Partido Komunista ngayon, kaya kung gusto mong mabuhay sa ilalim ng pamumuno nila, hindi ba’t kailangan mong gawin ang sinasabi nila? Kung hindi ka makikinig, makakapagtrabaho ka ba? Nakakakuha ako ng pera mula sa Partido, kaya kailangan kong magsalita at kumilos sa ngalan nila. Nagtatrabaho at sumusweldo ka rin sa ilalim ng Partido, kaya pagbibigyan ka ba nila kung susundan mo ang Diyos sa halip na ang Partido? Dapat alam mo kung ano ang nakataya! Susunod ka ba sa Partido, o sa Makapangyarihang Diyos? Kailangan mong pumili ngayon!” Nagtalo talaga ang kalooban ko. Kung patuloy akong mananalig, maaaring malaman ito ng amo ko anumang oras. Tapos mawawalan ako ng trabaho at malamang na maaaresto ng mga pulis. Mahigit isang dekada na ang trabaho ko. Nagsumikap ako mula noon at na-promote bilang isang first-class na guro. Natamo ko ang paghanga ng mga estudyante, ang paggalang ng kanilang mga magulang, ang inggit ng aking mga kasamahan, at ang pagkilala at pagsang-ayon ng amo ko. Kahit saan ako pumunta, pinakikitunguhan ako ng mga kamag-anak at kaibigan nang may malaking sigasig. Kung mawawalan ako ng trabaho, haharapin ko ang pagtanggi ng pamilya ko, pangungutya ng aking mga kapitbahay, at panghahamak ng mga kasamahan ko. Natatakot akong masira ang reputasyon ko kapag nangyari iyon. Tapos naisip ko, “Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ang huling yugto ng Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Ang tanging paraan para iwaksi ang ating tiwaling disposisyon ay ang sumailalim sa paghatol at pagdadalisay ng Diyos, pagkatapos ay makakaligtas tayo sa mga sakuna sa ilalim ng proteksyon ng Diyos at madadala sa isang magandang hantungan. Magiging habambuhay na pagsisisi kung palalampasin ang pagkakataong iyon.” Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na lumapit sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at na gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamakatarungan na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layon, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa nga ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Sumigla ang puso ko sa pag-iisip sa mga salita ng Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay ang tanging bagay na may halaga at kabuluhan. Pero nang mamimili na sa pagitan ng pananalig at trabaho, napipigilan ako ng karangalan at katayuan, natatakot na aalisin ako sa trabaho ng Partido Komunista dahil sa pananalig ko, na makakasira sa reputasyon ko. Ang mahalaga pa rin sa akin ay ang propesyon at karangalan ko. Pero ano ba ang magagawa ng mga bagay na iyon para sa akin? Magdadala lang ang mga ito ng pansamantalang kasiyahan sa aking banidad; hinding-hindi ako matutulungan ng mga ito na makamit ang katotohanan o maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon ko. At ano ang kabuluhan ng inggit at paghanga ng iba? Isa pa, alam kong kaaway ng Diyos ang Partido Komunista. Kung isuko ko ang aking pananalig, mamuhay nang walang kabuluhan sa ilalim ng pamumuno ng Partido para panghawakan ang aking trabaho at tamasahin ang isang mabuting katayuan at reputasyon, hindi ba iyon pagkakanulo sa Diyos? Hindi ako puwedeng maging ganoong klase ng tao. Kaya, napakamahinahon kong sinabi sa asawa ko, “Hinding-hindi ko isusuko ang pananalig ko.” Tinitigan niya ako at mahigpit na sinabi, “Kung patuloy kang mananalig, isusumbong kita sa pulis at ipapaaresto.” Nagsimula siyang tumawag habang sinasabi iyon. Natigilan ako noong oras na iyon. Alam niyang sinisiil ng Partido Komunista ang mga mananampalataya, pero ibibigay pa rin niya ako sa kanila. Hindi ba’t ipinapahamak niya lang ako? Para sa kanyang sariling kapakanan, binalewala niya ang pagmamahalan namin bilang mag-asawa, at ginusto akong isumbong sa mga pulis para pilitin akong isuko ang pananalig ko. Hindi ako puwedeng bumigay sa kanya. Tapos, paulit-ulit niya akong tinanong, “Nakapagdesisyon ka na?” Sinabi ko, “Kahit na maaresto ako at makulong, patuloy akong mananalig!” Namutla ang asawa ko at itinapon niya ang telepono sa sahig dahil sa galit.

Sa kabila ng pag-uusig ng asawa ko, nagpumilit ako na balansehin ang aking trabaho at paggawa ng tungkulin. Isang gabi, agad na nagbago ang ekspresyon niya nang makita niyang nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos, at sinabi niya, “Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo? Sa Tsina, hindi ka puwedeng basta na lang tumahak sa landas ng pananalig! Mula sa pamahalaang sentral hanggang sa mga lokal na awtoridad, mula sa mga ahensiya ng gobyerno hanggang sa mga institusyon, at mula sa administrasyon hanggang sa mga indibidwal na empleyado, sinusubaybayan ang mga bagay-bagay at ipinapatupad ito sa lahat ng antas. Hindi ka palalampasin ng Partido kung patuloy kang mananampalataya sa Diyos!” Nakakatakot para sa akin na parating marinig na sinasabi ng asawa ko iyon, at pati na ang maisip ang palagiang panganib ng pagkaaresto bilang mananampalataya sa bansa ng Partido. Iniisip ko kung kakayanin ko ba ang pagpapahirap kung aarestuhin ako balang araw. Paano kung bugbugin nila ako hanggang sa mamatay ako o maging baldado? Kung hindi ko makakayanan ang pagdurusa at magiging Hudas, ipagkakanulo ang Diyos, hindi ba’t iyon na ang katapusan ko? Alam kong wala ako sa tamang kalagayan, kaya mabilis akong nagdasal sa Diyos, humihingi ng pananalig para hindi ako mawalan ng patotoo sa gitna ng paniniil at paghihirap na iyon. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 36). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Kapag handa tayong itaya ang ating buhay at hindi napipigilan ng kamatayan, walang magagawa si Satanas. Ang pangunahing dahilan kaya ako takot mamatay sa bugbog ng mga pulis ay dahil wala akong pananalig. Masyado kong pinahahalagahan ang buhay ko. Ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos, pati buhay at kamatayan natin. Dapat kong ibigay ang sarili ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Kahit patayin ako sa bugbog, iyon ay pag-uusig para sa katuwiran, na may halaga. Nang may pananalig at kalakasan na nakuha ko sa mga salita ng Diyos, binasa ko ang ilan sa mga ito para sa asawa ko: “Naniniwala tayong lahat na walang bansa o puwersa ang makakahadlang sa nais ng Diyos na makamit, at na iyong mga sumusubok na humadlang sa gawain ng Diyos, na lumalaban sa salita ng Diyos, at na nanggugulo at sumusubok na sirain ang plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Ang sinumang taong lumalaban sa gawain ng Diyos ay ipapatapon ng Diyos sa impiyerno; anumang bansa na lumalaban sa gawain ng Diyos ay wawasakin ng Diyos; anumang nasyon na tumitindig upang tutulan ang gawain ng Diyos ay buburahin ng Diyos sa daigdig na ito at titigil sa pag-iral(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Binigyan ko ang asawa ko ng patotoo sa matuwid na disposisyon ng Diyos na hindi nalalabag. Sinabi ko, “Ang pang-aaresto at pang-uusig ng Partido Komunista sa mga mananampalataya ay paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos, at maparurusahan ng Diyos sa huli. Sa pagpanig sa Partido at pagpapalayo sa akin sa pananalig ko, gumagawa ka ng masama kasama nila.” Matapos marinig iyon, walang magawa niyang sinabi, “Sa tingin mo gusto ko ito? Ginagawa ito ng Partido Komunista. Kung hindi kita pipigilang manampalataya sa Diyos, mawawala rin ang kabuhayan ko. Bakit hindi mo ako maisip? Kung aarestuhin ka at ikukulong dahil sa pagiging mananampalataya, kahit pa hindi ka nila patayin, magdudusa ka ng matitinding pinsala. Paanong panonoorin lang kitang magdusa? Ano ang puwede kong gawin para isuko mo ang pananalig mo?” Sabi ko, “Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos, at hinding-hindi ko isusuko ang pananalig ko!” Ang nakakagulat, nang makita niyang hindi ako susuko, naging marahas siya sa akin. Sa galit, sinabi niya sa akin, “Kung maaaresto ka dahil sa pananalig mo, katapusan na iyon! Pinipilit mo lang na magpahuli sa kanila. Pero tingnan natin kung kaya mo pa ring manampalataya kapag patay ka na.” Pagkatapos niyon ay dinaganan niya ako sa kama na parang isang baliw, mahigpit na sinakal ang leeg ko at sinabing, “Sasakalin kita, tapos tingnan natin kung paano ka pa mananampalataya!” Sinasakal niya ako nang mariin na hindi ako makahinga, at nagpupumiglas ako nang husto pero wala akong nagawa. Sa huli, hinimatay ako. Habang unti-unti akong nagkakamalay, naisip ko kung paanong ang asawa ko, na hindi ako kailanman sinaktan o sinigawan sa maraming taon ng aming pagsasama, ay naging napakalupit sa akin para mapanatili ang kanyang katayuan at trabaho, halos patayin ako sa sakal. Sobrang sama ng loob ko. Kasabay niyon, mas kinamuhian ko pa ang Partido Komunista. Kung hindi nila pinagbantaan ang mga trabaho at kinabukasan ng mga kapamilya namin, hinding-hindi sana magiging napakawalang-awa ng asawa ko.

Kalaunan, sa tuwing mas ginigipit ang asawa ko sa trabaho niya sa pamamagitan ng mga pulong, tumitindi rin ang pang-uusig niya sa akin. Isang araw nang umuwi siya mula sa isang pulong, sinermonan niya ako uli ng ideolohiya, at sinabing sa ilalim ng pamamahala ng CCP sa Tsina, magdurusa ang buong pamilya kung ang isang tao ay mananampalataya, kaya hindi ko puwedeng ipagpatuloy ang pananalig ko, o kung hindi, pareho kaming mawawalan ng trabaho, at maaapektuhan ang pag-aaral at propesyon ng anak namin. Tinanong niya kung paano magkakaroon ng kumpiyansa ang anak namin kung maaaresto ako at makukulong dahil sa pananalig ko, at sinabing kahit hindi ko na isipin kaming dalawa, dapat kong isipin ang anak namin. Iniisip ko na kung tatanggalan ng trabaho ng Partido Komunista ang asawa ko at sisirain ang kinabukasan ng anak ko dahil sa pananalig ko, hindi ba’t habambuhay silang mamumuhi sa akin? Nababalisa talaga ako noon, kaya tahimik akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at kalakasan. Naalala ko ito mula sa mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan? … Hindi ba’t Ako ang personal na gumawa ng mga pagsasaayos na ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa mga kamay ng Diyos. Mawalan man kami ng trabaho ng asawa ko, maapektuhan man ang pag-aaral ng anak ko, at makakuha man siya ng trabaho o hindi, ay lahat pinamatnugot at isinaayos ng Diyos. Ang Diyos lang ang makapagpapasya ng lahat ng ito—hindi ang Partido Komunista. Sa isiping ito, sinabi ko sa asawa ko, “Nasa mga kamay lahat ng Diyos ang kapalaran ng tao, sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Sa palagay mo, kung makikinig ka sa Partido Komunista ay garantisado ang trabaho mo? Hindi nga man lang hawak ng Partido ang sarili nitong kapalaran, kaya paano nito makokontrol ang kapalaran ng iba?” Tapos, galit siyang sumagot, “Kung determinado ka na sa pagiging mananampalataya, hindi ka palalampasin lang ng Partido. Pinapatay nila ang mga mananampalatayang nahuhuli nila. Kaysa roon, mas mabuting mamatay ka na sa mga kamay ko!” Bago ako makasagot, tumakbo siya sa kusina na parang baliw, kumuha ng kutsilyo, at tumayo sa harap ko, tapos ay mahigpit na sinabi habang nakataas ang kutsilyo, “Magiging mananampalataya ka ba, o mamumuhay nang maayos? Kung igigiit mong maging mananampalataya, lalaslasin ko ang lalamunan mo!” Galit at takot, agad akong tumawag sa Diyos sa puso ko. Nang sandaling iyon, biglang lumabas ng kuwarto niya ang anak namin, iniharang ang sarili niya sa akin at sumigaw, “‘Tay! Kung papatayin mo si Nanay, kailangan mo muna akong patayin!” Nagulat ang asawa ko sa ginawa niya, at nanigas ang mukha nito habang nakatitig sa anak namin. Dahan-dahan nitong ibinaba ang kamay na may hawak ng kutsilyo. Kasabay niyon, hindi ko maipaliwanag ang kawalan at sakit na nararamdaman ko habang umaagos ang luha ko sa dalamhati at galit. Hindi ko kailanman inakala na pagbabantaan ng asawa ko ang buhay ko dahil nananampalataya ako sa Diyos. Hindi ito ang lalaking pinakasalan ko. Malinaw na isa itong demonyo!

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal isang araw: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). “Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Habang binubulay-bulay ko ang mga salita ng Diyos, tumatakbo sa isip ko na parang pelikula ang bawat eksena ng paniniil sa akin ng asawa ko. Bakit ang asawa ko, na hindi kailanman nanigaw o nanakit sa akin, ay ginagawa ang lahat para usigin ako mula nang maging isa akong mananampalataya? Bakit ang lahat ng taong iyon ng pagsasama ay masisira na lang dahil sa mga personal na interes? Walang tunay na pagmamahal sa pagitan ng mga tao—ginagamit lang ng lahat ang isa’t isa. Mabait sa akin ang asawa ko noon dahil kaya kong magtrabaho, kumita ng pera, dalhin at isilang ang mga anak niya. Sa paningin niya, kapaki-pakinabang ako. Pero ngayong pinili ko ang pananalig, na nakaapekto sa mga interes niya, wala na siyang pakialam sa damdamin namin para sa isa’t isa. Para pigilan akong manampalataya sa Diyos, sinubukan niyang isumbong ako sa mga pulis, sinakal niya ako hanggang sa mahimatay ako, at pinagbantaan pa nga akong patayin gamit ang kutsilyo. Iginiit niya na ayaw niyang manampalataya ako sa Diyos dahil iniisip niya ako, at natatakot siyang maaresto ako, pero ang totoo, ang lahat ay para lang sa sarili niya. Inuuna niya ang kanyang propesyon at reputasyon kaysa sa lahat. Para protektahan ang sarili niyang kabuhayan, handa siyang maging alipores ng Partido Komunista, ang utusan nito, tinutulak ako sa isang landas na walang labasan. Gumamit pa siya ng lahat ng uri ng masasama at mapaminsalang taktika para pigilan akong manampalataya sa Diyos. Sa diwa, isa siyang demonyo na napopoot at lumalaban sa Diyos. Pagkatapos ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang iyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupong ito lamang ng mga tao, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Talagang nakakapukaw sa akin ang mga salita ng Diyos at tinulungan akong makita ang kabuluhan ng buhay. Ang pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at pagtupad ng tungkulin ng isang nilikha ay ang tanging daan para mamuhay ng isang buhay na may kabuluhan at halaga. Nagsumikap ako nang labis-labis sa mundo at kahit medyo naging kilala ako, hungkag at miserable ang kalooban ko. Nagkasakit ako dahil sa sobrang pagod, at ang maayos kong boses ay sobrang napaos na halos hindi na ako makapagsalita. Sa puntong iyon ay talagang naramdaman ko na gaano pa man karami ang sertipiko ko ng karangalan o gaano man ako kainggitan at hangaan ng mga tao, hinding-hindi nito malulutas ang aking sakit o kahungkagan. Ang reputasyon na hinahangad at mayroon ako sa mga taong iyon ay hindi makakatulong sa akin na makamit ang katotohanan o makakaligtas sa akin mula sa katiwalian at kapahamakan ni Satanas. Bukod pa roon, sa mga taon ng pagtuturo ko ay ikinikintal ko sa isip ng mga estudyante ang lahat ng uri ng kamalian na nagtatatwa sa Diyos. Palagi kong pinupuri ang Partido Komunista. Kung nagpatuloy iyon, imposibleng maganda ang kalalabasan ko. Kailangan kong huminto sa paglilingkod sa Partido. Nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng landas palabas upang mabitawan ko ang trabaho ko at makapagtuon sa paggawa ng aking tungkulin. Kalaunan, nang magpa-check up ako, sinabi sa akin ng doktor, “Masama ang kalagayan ng lalamunan mo. Nagbago ang kulay nito, at talagang napuno ng dugo. Namamaga at napakalaki nito, na sobrang naaapektuhan ang vocal cords mo. Kung hindi ka hihinto sa paggamit ng lalamunan mo, malamang na hindi ka na makakapagsalita sa hinaharap.” Pagkatapos ay nagmungkahi siya ng anim na buwang medical leave para sa akin. Taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos. Inakala ko na magkakaroon ako ng mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos at gawin ang tungkulin ko, pero hindi inaasahang gumamit ng mas masamang taktika ang asawa ko para hadlangan ako.

Isang araw noong Pebrero 2009, pinapunta niya sa bahay ko ang dalawang kaklase ko at ang nakababatang kapatid ko. Pinilit nila akong sumakay sa isang sasakyan at dinala ako sa mental hospital. Pero wala namang mali sa akin, kaya hindi ako tinanggap ng ospital. Sabi ng asawa ko, “Alam na alam mo na kung maaaresto ng Partido kayong mga mananampalataya, dadalhin nila kayo sa inyong kamatayan, pero iginigiit mong maging isang mananampalataya. Tanging isang taong may problema sa pag-iisip ang hindi natatakot sa kamatayan. Limitado ang mga pagsusuri na kaya nilang gawin sa ospital na ito. Mas maayos ang mga pasilidad at mas mahusay ang mga doktor sa panlalawigang mental hospital. Dadalhin kita roon para masuri kung may sakit ka sa pag-iisip!” Galit akong sumagot, “Sa tingin ko, ikaw ang may problema sa pag-iisip! Hindi sa hindi ako takot mamatay. Pinipili kong manampalataya kahit na ang ibig sabihin nito ay kamatayan, dahil alam kong ang Makapangyarihang Diyos ang pagparito ng Tagapagligtas. Nagpahayag Siya ng napakaraming katotohanan at kayang iligtas ang tao mula sa kasalanan at mga sakuna. Ang mga hindi nananampalataya sa Diyos o hindi tumatanggap sa paghatol at pagdadalisay ng Diyos ay mamamatay lahat sa malalaking sakuna…” Pero ayaw niyang makinig. Kinaumagahan ay sapilitan niya akong pinapunta sa panlalawigang mental hospital. Umakyat kami sa ikalawang palapag at nakita ko ang isang baliw na babaeng nakahiga sa sahig ng pasilyo at yakap ang mga tuhod nito, habang nakagapos sa katawan niya sa isang napakabigat na bakal na kadena. Nakahawak sa isang dulo ng kadena ang isang katamtamang gulang na lalaki, hinihila ito nang husto, kinakaladkad ang babae sa sahig. Nakaunat ang dalawa niyang braso sa takot, nakakapit sa kadena, buong lakas na nagpupumiglas at sumisigaw nang malakas. Kakila-kilabot na karanasan ang makita ang buhok niya na gulo-gulo, at ang nasisindak niyang hitsura, at ang marinig ang nakakadurog-puso niyang mga sigaw. Nang sandaling iyon, napuno ako ng pakiramdam ng pasakit at pagkaagrabyado. Pakiramdam ko ay isa itong napakalaking insulto sa aking dignidad at gusto kong tumalikod kaagad, magmadaling bumaba, at umalis sa kasumpa-sumpang lugar na iyon, pero hindi ko magawa dahil malapitang sinusundan ng asawa ko ang bawat hakbang ko. Pagkatapos ay may naalala ako mula sa mga salita ng Diyos: “Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain para sa sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nananahan para mamuhay kasama ang tao sa pagitan ng mga kaduluhan ng mundo, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa paghihimagsik nito, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano kayang gugugulin Niya ang Kanyang buhay sa impiyerno? Ngunit para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9). Para iligtas ang sangkatauhan, nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw at pumarito sa Tsina na pinamumunuan ng mga ateista, nagpapakita at gumagawa sa pinakamasama, pinakalumalaban-sa-Diyos na lugar, nagdurusa sa paniniil at pagkondena ng Partido Komunista at ng mundo ng relihiyon, at nagtitiis ng matinding kahihiyan, pero tiniis ng Diyos ang lahat ng ito nang walang reklamo. Siya ang Lumikha, napakadakila at marangal, pero pumarito Siya para mamuhay kasama ng mga tiwaling tao, nagtitiis ng matinding kahihiyan, nagpapahayag ng mga katotohanan sa mga tao at tahimik na ginagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Samantalang ako, isang tiwaling tao, nang makitang inihahambing ako sa isang may sakit sa pag-iisip, nasugatan ang dignidad at integridad ko at nakakahiya ito para sa akin, kaya ginusto kong tumakas. Hiyang-hiya ako sa isiping iyon at tahimik akong nagdasal sa Diyos, nanunumpa na anuman ang kailangan kong sunod na kaharapin, o anong uri man ng kahihiyan ang danasin ko, hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Kalaunan, basta lang akong binigyan ng doktor ng ilang pakete ng gamot at pinauwi na ako. Nang makita ng asawa ko na hindi niya talaga ako mailalayo sa pananalig ko, nawalan na siya ng pakialam sa akin, at muli akong tumanggap ng tungkulin.

Noong Oktubre 2012, nang isuplong ako ng isang Hudas, natuklasan ng pulis na maaaring isa akong lider ng iglesia at pinasundan ako sa mga nakasibilyang pulis. Kinailangan kong umalis sa bahay at pumunta sa ibang rehiyon para gawin ang tungkulin ko upang hindi ako maaresto. Nalaman ko kalaunan na kinabukasan ng pagkaalis ko sa bahay, pinuntahan ako ng mga pulis doon para arestuhin. Inaresto rin nila ang tatlo pang kapatid para tanungin ang mga ito tungkol sa kinaroroonan ko, at nagsimulang tugisin ako gamit ang larawan ko. Pagkalipas ng dalawang buwan, hinalughog ng National Security Brigade ang bahay ko at kinumpiska ang ilang aklat ng mga salita ng Diyos, at sinabi sa asawa ko na mahuhuli nila ako kahit saan pa ako magtago. Halos araw-araw ding pumupunta sa bahay namin ang Bureau of Education, pinipilit ang asawa ko na hanapin ako. Malapit na ako noon sa tuktok ng listahan ng pinakapinaghahanap ng Partido Komunista.

Kinalaunan, ginamit pa nila ang anak ko para pauwiin ako. Isang hapon noong huling bahagi ng Disyembre 2012, nakatanggap ako ng hindi inaasahang tawag mula sa anak ko, “‘Nay, natatakot akong tawagan ka. Hinahanap ka ng mga pulis kung saan-saan, at hinalughog nila ang bahay natin. Tinatawagan kita ngayon para sabihin sa iyo na hiniling ng mga pinuno mula sa Bureau of Education at sa paaralan mo na sabihin namin ni Tatay sa iyo na gusto nilang isuko mo ang pananalig mo at umuwi ka na agad, at nangangako silang hindi ka nila papanagutin. Sinabi rin nila na basta’t umuwi ka, kahit hindi ka pumasok sa trabaho, babayaran pa rin nila ang buong suweldo mo….” Galit na galit ako nang marinig iyon. Ginagamit ng Partido Komunista ang katayuan at pera para tuksuhin ako na talikuran ang aking pananalig. Napakakasuklam-suklam! Ang ikinalungkot ko talaga ay mukhang labis na nagtitiwala ang anak ko sa sinasabi ng mga pinuno ng gobyerno at paaralan. Dahil doon, malinaw kong nakita na kapwa nililihis at ginagamit ng Partido Komunista ang asawa at anak ko. Matatag kong sinabi sa anak ko, “Mahal, masyado kang walang muwang dito. Alam mo ba kung ano ang mangyayari kung uuwi ako? Para akong tupang itatapon sa mga lobo. Hindi ako uuwi.” Nababahalang sumagot siya, “Sabi nila kapag hindi ka umuwi, babawiin nila ang lahat ng higit sa 20 taong pensiyon mo. ‘Nay, bumalik ka na. Kung hindi, pipilitin nila si Tatay na idiborsiyo ka at pipilitin akong putulin ang ugnayan sa iyo. Kung hindi ka uuwi, hindi ka na magiging nanay ko.” Natigilan ako noong oras na iyon. Hindi lang kinukuha ng Partido Komunista ang pensyon ko, kundi pinipilit din nito ang asawa ko na idiborsiyo ako at ang anak ko na putulin ang ugnayan namin. Napakasama nito at kasuklam-suklam! Buong puso akong nasusuklam sa Partido. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! Sino ang nakayakap na sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nagpadanak na ng dugo para sa gawain ng Diyos? Ang mga tao, na inalipin sa loob ng maraming henerasyon, nang walang patid mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, ay walang galang na inalipin ang Diyos—paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libo-libong taon ng pagkamuhi ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libo-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang mamuno bilang isang diktador! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito. Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang Partido Komunista ay nagpahayag sa publiko ng kalayaan sa relihiyon, pero palihim na gumagamit ng lahat ng uri ng masasamang taktika para siilin ang mga mananampalataya. Malinaw na isinisiwalat nito ang malademonyong diwa nito ng pagkapoot sa katotohanan at paglaban sa Diyos. Ginagamit nito pareho ang gantimpala at parusa para ilayo ako sa pananalig, una ay gumamit ng malaking suweldo bilang pain, sinusubukang gamitin ang pera para tuksuhin akong umuwi para maaresto nila ako. Nang hindi ako bumigay rito, tatanggalan nila ako ng trabaho at suweldo, puputulin ang lahat ng kita ko, at hahabulin pa ako para arestuhin, at inaalisan ako ng bahay na uuwian. Malinaw nitong ipinakita sa akin na ang Partido ay mukhang may moral at makatarungan sa panlabas, pero ang diwa nito ay brutal at masama. Isa itong napakasamang grupo ng mga demonyo na kumokontra sa Langit at lumalaban sa Diyos sa bawat pagkakataon. Kinamumuhian at tinatanggihan ko ito mula sa puso, at nanumpa ako na kakawala ako rito kahit na buhay ko ang kabayaran! Pagkatapos niyon, napilitan ang asawa ko na hiwalayan ako at ang anak ko na putulin din ang ugnayan namin.

Noong nagtatrabaho ako sa loob ng sistema ng Partido, hindi ko makilatis ang masamang diwa nito at pinupuri ko pa nga ito palagi. Matapos maranasan ang pag-uusig nito, sa wakas ay nakita ko ang malademonyong diwa nito ng pagkapoot sa katotohanan at paglaban sa Diyos, at ganap ko itong kinamuhian at naghimagsik laban dito, nanunumpang hinding-hindi na susunod dito! Nakita ko rin ang pagmamahal ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas, nagpapahintulot sa akin na maging matatag sa gitna ng paulit-ulit na pang-uusig at paghihirap. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos. Gaano man kahirap ang landas sa harap ko, susundan ko ang Makapangyarihang Diyos hanggang sa wakas nang walang pag-aalinlangan!

Sinundan:  85. Ang Nakamit Ko sa Pagsusulat ng Aking Patotoo

Sumunod:  87. Ang Nakamit Ko Mula sa Pagpupungos

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger