87. Ang Nakamit Ko Mula sa Pagpupungos
Noong Hunyo 2022, nahalal ako na maging lider ng iglesia. Nang maisip ko ang lahat ng gawaing aakuin ko, ang samu’t-saring karanasan na matatamo ko, at kung paano ito makakabuti para sa aking paglago sa buhay, tuwang-tuwa ako. Nagpapasalamat din ako sa Diyos para sa pagkakataong ito na magsanay. Pero bago lang ako sa pamumuno, kaya wala akong maraming alam na prinsipyo. Dagdag pa rito, hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo kapag lumilitaw ang mga problema, kundi bulag ko lang na ginagawa ang anumang iniisip kong pinakamainam. Dahil dito, hindi nagtagal ay lumitaw ang mga isyu sa gawain ko. Nagiging pabaya sa kanyang tungkulin ang isang superbisor na napili ko at inaantala niya ang gawain. Nang malaman ito ng isang nakatataas na lider, pinagsabihan ako nito, “Sa isang bagay na kasinghalaga ng pagtatalaga ng mga tauhan, bakit mo binabalewala ang mga prinsipyo at nagdedesisyon ka nang mag-isa nang hindi tinatalakay ang mga ito sa mga katrabaho mo? Napakayabang mo at masyado kang mapagmagaling!” Sumama ang loob ko nang marinig ko iyon. Inamin ko na naging mayabang at mapagmagaling ako, pero kasabay niyon ay nakaramdam din ako ng sobrang pag-aalala. Ngayong nalantad na ang problema ko, makikita na ng lider at ng iba pang kapatid ang totoo kong kakayahan. Kung palaging lumilitaw ang parehong problema, tatanggalin ba ako ng lider? Sa gulat ko, hindi nagtagal, isa pang gampanin na ginawa ko ang kinailangang ulitin dahil ginawa ko ito sa sarili kong paraan, na nakaantala sa gawain, at muli akong pinungusan. Sinabi sa akin, “Bilang lider, hindi ka nag-aasikaso ng mga personal na bagay, kundi gumagawa ka ng gawaing sangkot ang buong iglesia. Dapat hanapin ng mga lider ang mga prinsipyo at makipagtalakayan sa mga katrabaho sa lahat ng bagay. Bakit palagi mo na lang ginagawa ang anumang gusto mo? Masyado kang mayabang at mapagmagaling!” Ang marinig ito mula sa kanya, ay parang kutsilyong sumaksak sa puso ko, at hindi ko napigilan ang pag-agos ng mga luha ko. Tama siya—tinukoy na niya ang mismong problemang ito. Bakit ko ginawa ang parehong pagkakamali? Kung palagi kong ginagawa ang mga bagay sa sarili kong paraan at ginugulo ang tungkulin ko, tiyak na matatanggal ako sa malao’t madali. Noong panahong iyon, may napansin akong ilang iba pa sa paligid ko na hindi naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, kundi ay ginagawa ang mga bagay sa sarili nilang paraan, na nagdulot ng mga pagkagambala sa gawain at pagkakapungos nila, at ang ilan ay tinanggal pa nga. Nang makita ko ito, lalo akong nabalisa at natakot. Pakiramdam ko ay kailangan ko talagang mag-ingat simula noon at hindi na magkamali. Kung hindi, ako ang susunod na matatanggal. Kung talagang matatanggal ako, magkakaroon pa ba ako ng magandang kalalabasan at hantungan? Naging maingat talaga ako sa gawain pagkatapos niyon. Kahit sa mga ordinaryong talakayan sa gawain, kapag kinakailangan naming magpahayag ng opinyon, nag-aatubili akong magsalita, natatakot akong makapagsabi ng mali at malantad ang problema ko. Kapag nagbibigay ng mga mungkahi sa mga isyung napapansin ko sa pagsusubaybay ko sa gawain, kinukuwestiyon ko ang sarili ko, iniisip na, “Problema ba talaga ito? Kung mali ako, pupungusan ba ako ng lider? Hindi bale na—mas mabuting huwag nang banggitin ito. Sa ganoong paraan, hindi ako magkakamali, at hindi ako mapupungusan.” Sa isiping iyon, ipinagkikibit-balikat ko na lang ang mga bagay na hindi ako sigurado. Pero medyo nakokonsensiya ako dahil doon, at napagtanto ko na nagiging iresponsable ako sa aking gawain. Naisip ko na dapat kong tanungin ang mga katrabaho ko at pagkatapos ay harapin ang mga bagay-bagay pagkatapos marinig ang pananaw nila. Sa ganoong paraan ay hindi sasabihin ng lider na mayabang ako at mapagmagaling at kumikilos nang sutil. Minsan, kinailangan ng iglesia na pumili ng isang diyakono ng ebanghelyo. May isang brother na magaling sa pagbabahagi ng ebanghelyo, pero sinabi ng iba na wala siyang mabuting pagkatao, at na binatikos at ginantihan niya ang iba. Hindi ko alam kung angkop ba siyang maging kandidato, kaya tinalakay ko ito sa mga katrabaho ko. Sinabi ng lahat na subukan ito. Medyo hindi ako mapalagay noon at gusto ko sanang pagtalakayan pa ito, pero naisip ko na ako lang ang nakadarama na hindi nababagay ang brother na iyon. Paano kung magmungkahi ako nang mali, at sabihin ng lider na hindi lang ako hindi nakakaunawa sa mga prinsipyo, kundi mayabang at mapagmagaling din ako, at pungusan niya ako? Kaya hindi ko na binanggit ang mga alalahanin ko, at pinanatag ko pa nga ang sarili ko: Hiningi ko na ang opinyon ng lahat, kaya kung may mangyayaring mali, hindi lang ako ang mananagot. Hindi nagtagal, sinuri ng nakatataas na lider ang aming gawain at natuklasan niya na hindi mabuti ang pagkatao ng brother na ito. Hindi siya tumatanggap ng mga mungkahi ng iba, at binabatikos at ginagantihan pa nga ang mga ito. Sinabi ng lider, “Kung hindi siya matatanggal kaagad, maaapektuhan ang gawain.” Nalungkot talaga ako nang marinig ko iyon, dahil alam ko na ang problema noon pa, pero natakot ako na mali ang saloobin ko rito, at na pupungusan ako kung may problema, kaya wala akong sinabi. Sa kabutihang palad, napansin ito ng lider at tinanggal siya, kung hindi, tiyak na maaapektuhan ang gawain. Nakonsensiya talaga ako. Malinaw kong naramdaman na may problema, kaya bakit wala akong lakas ng loob na sabihin ito? Bakit nabigo akong protektahan ang gawain ng iglesia? Bakit ako takot na takot na mapungusan? Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong maunawaan ang aking problema.
Pagkatapos, isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sinusunod ng ilang tao ang sarili nilang kagustuhan kapag kumikilos sila. Nilalabag nila ang mga prinsipyo, at pagkatapos mapungusan, sa mga salita lamang nila inaamin na sila ay mayabang, at na nakagawa sila ng pagkakamali dahil lamang sa wala sa kanila ang katotohanan. Pero sa kanilang puso, nagrereklamo sila na, ‘Walang ibang nangangahas na magsalita o kumilos, ako lamang—at sa huli, kapag may nangyaring mali, ipinapasa nila sa akin ang lahat ng responsabilidad. Hindi ba’t ang hangal ko naman? Hindi ko na puwedeng ulitin iyon sa susunod, na mangahas na magsalita o kumilos nang ganoon. Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril!’ Ano ang tingin mo sa ganitong saloobin? Saloobin ba ito ng pagsisisi? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t naging madaya at mapanlinlang na sila? Sa kanilang mga puso, iniisip nila na, ‘Mapalad ako na sa pagkakataong ito ay hindi ito humantong sa isang sakuna. Isang pagkahulog sa bitag, isang dagdag-katalinuhan, sabi nga. Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap.’ Hindi nila hinahanap ang katotohanan, gamit ang kanilang maliliit na panlalansi at tusong mga pakana sa pag-aasikaso at pagharap sa usapin. Kaya ba nilang tamuhin ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi nila kaya, dahil hindi sila nagsisi. Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang tiwaling disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Ito ay kabuktutan. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at buktot, na sa panlabas ay inaamin mong nagkamali ka, at tinatanggap mo ang pagpupungos, ngunit ang totoo, wala kang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo man lang hinanap ang katotohanan, hindi ka nagnilay at sumubok na kilalanin ang sarili mo, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy na paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at nilalabanan mo ang pagbubunyag ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Tinulutan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na ang mga nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan ay kayang hanapin ang katotohanan mula sa pagkakapungos, magnilay-nilay sa sarili at matuto kung saan sila nagkamali, kung anong mga tiwaling disposisyon ang kanilang ibinubunyag, at kung paano dapat lutasin ang mga ito. Pagkatapos, magagawa na nila ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Ito ang tunay na pagtanggap sa pagpupungos at pagpapakita ng tunay na pagsisisi. Pero kapag ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay pinupungusan, maaaring pasalita nilang inaamin na nagkamali sila, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan ang sarili para makilala ang kanilang sarili. Sa halip, gumagamit sila ng mga madaya at mapanlinlang na pamamaraan para magbalatkayo, hindi nila hinahayaan ang iba na makita ang kanilang mga isyu para maprotektahan nila ang kanilang sarili. Ang gayong uri ng tao ay hindi lamang mapanlinlang; buktot din sila. Pinagnilayan ko ang sarili ko sa pamamagitan ng paghahambing sa sarili ko sa kung ano ang inilalantad sa mga salita ng Diyos. Noong una akong maging lider, wala akong maraming alam na prinsipyo at hindi ko hinanap ang mga ito; ginawa ko lang ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Nakakagambala iyon sa gawain. Tinukoy ng lider ang problema ko para matulungan ako. Pero bagama’t inamin kong nagkamali ako, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko pagkatapos niyon, o nagsikap na unawain ang mga prinsipyo. Nagkaroon lang ako ng mga haka-haka at nanatiling mapagbantay, iniisip ko na dahil nakita na ng lider ang totoo kong kakayahan, maaari akong matanggal kung makagawa ako ng isa pang pagkakamali, at pagkatapos ay hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan at hantungan. Nagpanggap ako sa bawat pagkakataon para protektahan ang sarili, hindi ko ipinapakita ang aking mga isyu o pagkukulang. Naging maingat talaga ako sa lahat ng sinasabi at ginagawa ko. Tinitimbang ko ang mga ikabubuti at ikasasama bago ako magbanggit ng isyu o magpahayag ng opinyon, isinasaalang-alang ko kung maaari ba akong mapungusan kung mali ang opinyon ko at pagkatapos ay magkakaroon ng mga kahihinatnan. Sinasabi ko lang ang isang bagay kung masisiguro kong hindi mapapabulaanan ang lahat. Ngunit wala akong sinasabi tungkol sa anumang bagay na hindi ako sigurado, hindi ko isinasaalang-alang kung paano maaapektuhan ang gawain kung babalewalain ang problema. At upang maiwasan ang managot, nang kinailangan kong pumili ng tao, hiningi ko ang opinyon ng mga katrabaho ko, pero ginawa ko lang ito para magpakitang-tao. Bagama’t hindi ako panatag sa kanilang mungkahi, hindi ko na ito tinalakay pa, kaya maling tao ang napili. Nakapipinsala iyon sa mga kapatid pati na rin sa gawain. Nakita ko na kapag pinupungusan ako, hindi man lang ako nagpapakita ng anumang pagsisisi. Lalo lang akong nagiging tuso at mapanlinlang, patuloy na iniisip kung paano ko iiwasang magkamali at mapungusan, palaging mapagbantay laban sa Diyos at sa mga lider. Ang paggawa ng tungkulin ko sa ganoong paraan ay kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos. Hindi ko kailanman makukuha ang gawain at patnubay ng Banal na Espiritu sa ganoong paraan. Kung hindi ako magsisisi, alam ko na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos sa huli.
Sa aking mga debosyonal minsan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos kung saan inilalantad Niya ang reaksiyon ng mga anticristo sa pagpupungos na nakatulong sa akin na maunawaan ang sarili kong problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ilang anticristo na nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos ay tahimik na nagpapasyang kumilos nang napakaingat, para maiwasang magkamali, mapungusan, galitin ang Itaas o mahuli ng kanilang mga lider na gumagawa ng masama, at tinitiyak nila na may nanonood kapag gumagawa sila ng mabubuting gawa. Subalit, gaano man sila kaingat, dahil mali ang kanilang mga motibo at ang landas na kanilang tinatahak, at dahil nagsasalita at kumikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, madalas nilang labagin ang mga prinsipyo, gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, kumilos bilang mga alipin ni Satanas at madalas pa ngang gumawa ng maraming pagsalangsang. Lubhang karaniwan at napakatipikal para sa gayong mga tao na lumabag nang madalas sa mga prinsipyo at gumawa ng mga pagsalangsang. Kaya, mangyari pa, napakahirap para sa kanila na iwasang mapungusan. Nakita nila na nabunyag at natiwalag ang ilang anticristo dahil mahigpit na pinungusan ang mga ito. Nakita ng sarili nilang mga mata ang mga bagay na ito. Bakit kumikilos nang napakaingat ang mga anticristo? Ang isang tiyak na dahilan ay na natatakot ang mga ito na mabunyag at matiwalag. Iniisip ng mga ito, ‘Kailangan kong mag-ingat—tutal, “Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan” at “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Kailangan kong sumunod sa mga prinsipyong ito at paalalahanan ang sarili ko sa bawat sandali na iwasang gumawa ng mali o mapasok sa gulo, at kailangan kong pigilan ang aking katiwalian at mga intensyon at huwag hayaan na makita ang mga ito ng sinuman. Basta’t hindi ako gumagawa ng mali at magtitiyaga ako hanggang sa huli, magtatamo ako ng mga pagpapala, makaiiwas sa mga kapahamakan, at mayroon akong makakamit sa aking pananampalataya sa diyos!’ Madalas nilang himukin ang kanilang sarili, engganyuhin at hikayatin ang kanilang sarili sa ganitong paraan. Sa loob-loob, naniniwala sila na kung gagawa sila ng mali, labis na mababawasan ang kanilang mga pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Hindi ba ito ang kalkulasyon at paniniwalang nasa kaibuturan ng kanilang puso? Kung isasantabi kung tama ba o mali ang kalkulasyon o paniniwalang ito ng mga anticristo, batay rito, ano ang lubos nilang ipag-aalala kapag pinupungusan sila? (Ang kanilang kinabukasan at kapalaran.) Iniuugnay nila ang mapungusan sa kanilang mga kinabukasan at kapalaran—may kinalaman ito sa kanilang buktot na kalikasan. Iniisip nila sa kanilang sarili: ‘Pinupungusan ba ako nang ganito dahil ititiwalag na ako? Dahil ayaw sa akin ng mga tao? Patitigilin ba ako ng sambahayan ng diyos sa paggawa ng tungkuling ito? Hindi ba ako mukhang mapagkakatiwalaan? Papalitan ba ako ng ibang mas magaling? Kung ititiwalag ako, pagpapalain pa rin ba ako? Makapapasok pa rin ba ako sa kaharian ng langit? Mukhang hindi naging masyadong kasiya-siya ang aking pagganap, kaya kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap, at matutong maging masunurin at kumilos nang maayos, at hindi gumawa ng gulo. Kailangan kong matutong maging mapagpasensiya, at patuloy na mabuhay sa pamamagitan ng pag-iwas sa gulo. Araw-araw, kapag gumagawa ako ng mga bagay-bagay, kailangan kong maging lubos na maingat. Hindi ako maaaring maging kampante. Bagama’t walang-ingat kong nailantad ang sarili ko sa pagkakataong ito at napungusan ako, mukhang hindi naman masyadong strikto ang tono nila. Tila hindi gaanong malubha ang problema, tila may tsansa pa rin ako—makatatakas pa rin ako sa mga kapahamakan at mapagpapala pa rin, kaya dapat na tanggapin ko na lang ito nang mapagpakumbaba. Mukhang hindi naman ako tatanggalin, lalong hindi ako ititiwalag o patatalsikin, kaya matatanggap ko ang mapungusan sa ganitong paraan.’ Isang saloobin ba ito ng pagtanggap sa pagpupungos? Tunay ba itong pagkilala ng isang tao sa kanyang tiwaling disposisyon? Talaga bang pagnanais ito na magsisi at magbagong-buhay? Pagiging tunay na determinado ba itong kumilos ayon sa mga prinsipyo? Hindi. Kung gayon ay bakit sila kumikilos nang ganito? Dahil sa kaunting pag-asa na maaari nilang iwasan ang mga kapahamakan at mapagpapala sila. Hangga’t naroon pa rin ang kaunting pag-asa na iyon, hindi nila maaaring ilantad ang kanilang sarili, hindi nila maaaring ihayag ang tunay nilang pagkatao, hindi nila maaaring sabihin sa iba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang puso, at hindi nila maaaring hayaang malaman ng iba ang kinikimkim nilang sama ng loob. Kailangan nilang itago ang mga bagay na ito, kailangan nilang mag-ingat sa pagkilos, at hindi tulutang makita ng iba ang tunay nilang pagkatao. Samakatwid, hindi talaga sila nagbabago matapos mapungusan, at patuloy nilang ginagawa ang mga bagay-bagay na tulad ng dati nilang ginagawa. Kaya, ano ang prinsipyo sa likod ng kanilang mga kilos? Para lamang protektahan ang sarili nilang mga interes sa lahat ng bagay. Anumang mga pagkakamali ang magawa nila, hindi nila ipinapaalam iyon sa iba; kailangan nilang ipaisip sa lahat ng nasa paligid nila na perpekto silang tao na walang mga kapintasan o depekto, at na hindi sila nagkakamali kailanman. Ganito sila kung magbalatkayo. Matapos ang matagal nilang pagbabalatkayo, nagiging tiwala sila na kahit papaano ay tiyak na makakaiwas sila sa kapahamakan, mapagpapala sila, at makapapasok sa kaharian ng langit” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na kapag pinupungusan ang mga anticristo dahil sa paglabag sa mga prinsipyo o paggawa ng masama, ang pinaka-inaalala nila ay ang matiwalag, pagkatapos ay ang hindi makakuha ng anumang pagpapala. Kaya’t lubha silang nagiging maingat sa ginagawa nila pagkatapos niyon, nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos at sa tao. Iniisip nila na hangga’t wala silang ginagawang mali at hindi nila inilalantad ang kanilang mga kapintasan para matuklasan ng iba, mapanghahawakan nila ang kanilang posisyon at magiging tiyak na pagpapalain sila. Nakita ko na lubhang makasarili, ubod ng sama, mapanlinlang at buktot ang mga anticristo. Nananampalataya lang sila sa Diyos para sa mga pagpapala. Kapag pinupungusan sila, ang iniisip lang nila ay ang sarili nilang kinabukasan at mga interes. Maaaring maging maayos silang kumilos at maging masunurin sa loob ng ilang panahon, pero ito ay pagpapanggap lang, para makapanatili sila sa iglesia at makaiwas sa mga sakuna. Nakita ko na ang saloobin ko sa pagkakapungos ay katulad lang ng kung paano kumikilos ang mga anticristo, iniuugnay nila ang pagpupungos sa pagtanggap ng mga pagpapala. Nang mapungusan ako, tinantiya ko kung tatanggalin ba ako ng lider, at nag-alala ako kung magkakaroon ba ako ng magandang kinabukasan at hantungan. Labis akong nag-ingat sa aking tungkulin pagkatapos niyon. Inisip ko nang inisip ang anumang mungkahi o isyung gusto kong banggitin, takot na takot akong magkamali at mailantad ang aking mga kakulangan. Tapos ay malalaman ng lider ang totoo kong kakayahan at tatanggalin ako. Lalo pa akong naging mapagbantay laban sa Diyos nang makita kong natanggal ang ibang mga kapatid sa paligid ko, natatakot akong magkamali at mapungusang muli, o matanggal. Hindi ko pa talaga natatanggap ang pagpupungos, o pinagnilayan ang sarili ko at nakita ang mga pagkakamali ko. Bulag lang akong naging mapagbantay laban sa Diyos at gumamit ako ng mapanlinlang na mga taktika para magpanggap. Inakala ko na hangga’t itinatago ko ang aking mga kakulangan at hindi na ako nagkakamali pa o napupungusan, hindi ako matatanggal, at pagkatapos ay maaari akong manatili sa iglesia at magkaroon ng magandang kalalabasan at hantungan sa huli. Lagi akong nag-iingat sa Diyos, nag-iisip nang husto para kalkulahin ang aking mga personal na pakinabang o kawalan. Nakakita ako ng mga isyu pero hindi ako naghanap o iniulat ang mga ito. Inalala ko lang ang pag-iingat sa sarili at hindi isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Lubha akong makasarili at mapanlinlang. Sa pagpapanggap nang ganoon, bagama’t maaari kong lokohin ang lider nang ilang panahon at hindi ako matatanggal kaagad, kung hindi ako magninilay-nilay sa sarili, magsisisi, o magbabago kahit kailan, ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos sa malao’t madali. Nang mapagtanto iyon, nagdasal ako, handa nang magsisi, at hanapin ang katotohanan para malutas ang aking problema.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos tungkol sa kung paano harapin nang tama ang pagkakapungos. Sinabi ng Diyos: “Sa realidad, ang pagpupungos ng sambahayan ng Diyos sa mga tao ay ganap na dahil kumikilos sila nang sutil at arbitraryo sa paggampan ng mga tungkulin nila, kaya nagagambala at nagugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila nagninilay-nilay o nagsisisi—saka lamang sila pinupungusan ng sambahayan ng Diyos. Sa sitwasyong ito, ang pagpupungos ba sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag sila? (Hindi.) Tiyak na hindi, dapat tanggapin ito ng mga tao nang positibo. Sa kontekstong ito, ang anumang pagpupungos, sa pamamagitan man ng Diyos o ng tao, nagmumula man ito sa mga lider at manggagawa o sa mga kapatid, ay hindi mapaminsala, kundi kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Ang magawang pungusan ang isang tao kapag kumilos ito nang sutil at arbitraryo at kapag ginulo nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ay isang makatarungan at positibong bagay. Isa itong bagay na dapat gawin ng mga matuwid na tao at ng mga nagmamahal sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “Pagdating sa pagpupungos, ano ang dapat malaman ng mga tao kahit papaano? Dapat maranasan ang pagkakapungos para magampanan nang sapat ang tungkulin ng isang tao—hindi puwedeng wala ito. Isa itong bagay na dapat harapin ng mga tao sa araw-araw at maranasan nang madalas para magtamo ng kaligtasan sa kanilang pananalig sa Diyos. Walang sinuman ang maaaring hindi mapungusan. Ang pagkakapungos ba sa isang tao ay isang bagay na may kinalaman sa kanyang kinabukasan at kapalaran? (Hindi.) Para saan ba ang pagpupungos sa isang tao? Ito ba ay para kondenahin siya? (Hindi, ito ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magawa ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyon. Iyon ang pinakatamang pagkaunawa ukol dito. Ang pagpupungos sa isang tao ay isang uri ng disiplina, isang uri ng pagtutuwid, at likas na isa rin itong uri ng pagtulong at paglunas sa mga tao. Ang pagkakapungos ay nagtutulot sa iyo na mabago mo kaagad ang maling paghahangad mo. Tinutulutan ka nitong agarang matanto ang mga problemang kasalukuyang mayroon ka, at tinutulutan kang makita kaagad ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita mo. Anu’t anupaman, nakakatulong sa iyo ang pagkakapungos na malaman mo ang iyong mga pagkakamali at magawa mo ang iyong mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, maagap ka nitong pinipigilan na makapagdulot ng mga pagkalihis at na maligaw, at pinipigilan ka nito na makapagdulot ng mga trahedya. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking tulong sa mga tao, ang kanilang pinakamalaking lunas? Dapat magawang tratuhin nang tama ng mga may konsensiya at katwiran ang pagkakapungos” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Natutunan ko sa mga salita Niya na ang pagpupungos ay isang paraan ng paglilinis at pagpeperpekto ng mga tao. Isa rin itong bagay na kailangan nating harapin at pagdaanan sa ating proseso ng paglago sa buhay. Ang mga salita ng pagpupungos ay maaaring talagang malupit at matindi kung minsan, pero tinutugunan nito ang ating mga tiwaling disposisyon. Direkta nitong inilalantad at sinusuri ang ating katiwalian at paghihimagsik. Wala itong anumang masamang hangarin sa atin, at hindi ito para kondenahin at itiwalag tayo—wala itong kaugnayan sa ating kinabukasan at kapalaran. Pero baliko ang naging paniniwala ko na ang pagkakapungos ay pagkakakondena, na matatanggal at matitiwalag ako. Ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganoong paraan ay pagtatatwa sa Kanyang pagiging matuwid, at paglalapastangan sa Kanya! Ang pagpupungos sa akin ng lider ay pangunahing dahil sa pagiging mayabang at mapagmagaling ko at pagkilos ko nang sutil, na nakakagambala sa gawain ng iglesia, na talaga namang nakakagalit. Ninais ng lider na gumawa ako ng mga pagbabago sa lalong madaling panahon para maprotektahan ang gawain ng iglesia. Normal lang na maging mahigpit ang tono niya, at hindi sa tinatanggal niya ako. Natukoy ng mga salitang iyon ng pagpupungos ang pinakaugat ng mga problema, paglihis, at tiwaling disposisyon ko at tinulutan ako ng mga ito na makita kung gaano kalubha ang isyu. Sobrang manhid at matigas ang puso ko, at kung wala iyon, lubusan ko sanang isinawalang-bahala ang mabubuting payo at palaging mauulit ang gayong pagkakamali. Hinding-hindi sana ako makakausad sa tungkulin ko. Patuloy akong gagawa ng masama at makakagambala sa gawain ng iglesia. Sa tuwing pinupungusan ako, maagap nitong itinutuwid ang aking mga paglihis at pagkakamali, pinipigilan ang aking kasamaan. Iyon ang tunay na pinakanakakatulong sa akin. Nang pag-isipan kong mabuti kung kailan ako nagtamo ng pinakamaraming pakinabang sa katotohanan, nagmula ito sa mga panahong nagkamali ako at nalugmok, at napungusan. Talagang naramdaman ko na ang pagpupungos ay ang pinakamainam at pinakamabisang pamamaraan ng Diyos sa paghatol at paglinis sa atin. Ang maranasan ang pagpupungos ay biyaya ng Diyos, at ang Kanyang natatanging kabutihang-loob para sa akin. Pero hindi ko hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang sarili. Nagpatuloy lang akong mamuhay sa mga maling pagkakaunawa sa Diyos, nag-aalala tungkol sa kinabukasan at kapalaran ko. Masyado akong hindi makatwiran, at hindi ko alam kung ano ang makakabuti para sa akin.
Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon minsan, at talagang naantig ako nito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung palaging nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang mga interes at mga pagkakataon kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin. Ito ay oportunismo, paggawa ito ng mga bagay para sa sarili niyang pakinabang at para makapagtamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Sa ganitong paraan, nagbabago ang kalikasan sa likod ng pagganap niya sa kanyang tungkulin. Tungkol lamang ito sa pakikipagtawaran sa Diyos, at pagnanais na gamitin ang pagganap sa kanyang tungkulin para makamit ang sarili niyang mga mithiin. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay malamang talagang makagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung maliliit na kawalan lamang ang nadudulot nito sa gawain ng iglesia, may oportunidad pa ring makabawi at maaari pa rin siyang mabigyan ng pagkakataong isagawa ang kanyang tungkulin, sa halip na mapaalis; ngunit kung malalaking kawalan ang idinudulot nito sa gawain ng iglesia at nagsasanhi ito na mapoot ang Diyos at ang mga tao, ibubunyag siya at ititiwalag, nang wala nang pagkakataong gumanap ng kanyang tungkulin. Ang ilang tao ay tinatanggal at tinitiwalag sa ganitong paraan. Bakit sila tinitiwalag? Nalaman na ba ninyo ang ugat na dahilan? Ang ugat na dahilan ay na lagi nilang iniisip ang mapapala nila at mawawala sa kanila, nadadala sila ng sarili nilang mga interes, hindi nila mapaghimagsikan ang laman, at wala talaga silang saloobin na nagpapasakop sa Diyos, kaya may tendensiya silang kumilos nang walang ingat. Naniniwala sila sa Diyos para lamang magtamo ng pakinabang, biyaya, at mga pagpapala, at hinding-hindi para matamo ang katotohanan, kaya nabibigo ang kanilang paniniwala sa Diyos. Ito ang ugat ng problema. Sa palagay ba ninyo ay hindi makatarungan ang ibunyag sila at itiwalag? Ganap itong makatarungan, ito ay lubos na itinatakda ng kanilang kalikasan. Sinumang hindi nagmamahal sa katotohanan o naghahangad ng katotohanan ay mabubunyag at matitiwalag kalaunan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Inilalantad ng Diyos na kung palagi kang nagsasaalang-alang at nagpaplano para sa sarili mong mga interes at kinabukasan sa iyong tungkulin, ang kalikasan ng ginagawa mo ay nagbago na, at hindi na ito paggawa ng tungkulin. Siguradong hahantong ka sa paggawa ng masama at paggambala sa gawain ng iglesia, pagkatapos ay matatanggal at matitiwalag ka. Naisip ko kung paanong bago ako sa pagiging lider, hindi ko alam ang mga prinsipyo, at karaniwang ginagawa ko lang ang anumang gustuhin ko. Kahit matapos akong mapungusan, bukod sa hindi ako nagsisi, patuloy ko pa ring isinaalang-alang ang aking sariling kinabukasan at kapalaran at natakot ako na mailipat. Malinaw kong nakita ang mga problema, pero para protektahan ang sarili ko, mas pinili kong maantala ang gawain kaysa tukuyin ang mga problema. Hindi ito paggawa ng tungkulin; ito ay pagkompromiso sa gawain ng iglesia at paggawa ng masama. Ang ilang taong nakita kong natanggal at natiwalag ay palaging pinoprotektahan ang sarili nilang mga interes sa kanilang tungkulin. Pagkatapos lumitaw ang mga problema at pinungusan sila, hindi sila gaanong nagsikap sa mga katotohanang prinsipyo, kundi nagpanggap lamang, nagiging mapagbantay laban sa Diyos at sa mga lider. Palagi silang nag-aalala na matanggal at matiwalag, palaging namumuhay sa malupit na siklo na ito. Hindi normal ang kanilang relasyon sa Diyos at hindi sila kailanman nakakakuha ng mga resulta sa kanilang tungkulin. Ang ilan ay gumawa pa nga ng masama at nakagambala sa gawain ng iglesia, kaya nabunyag at natiwalag sila sa huli. Nakita ko mula sa mga kabiguan nila na napakahalaga kung ang isang tao ay may tamang motibo at ng pinagmumulan ng pananalig at tungkulin ng isang tao, at kung anong landas ang pinipili niya. Direktang nakakaapekto ang mga ito sa kanilang kalalabasan at hantungan. Ang aking kalagayan, pag-uugali, at ang landas na tinatahak ko ay katulad ng sa mga taong iyon. Dahil lagi akong natatakot na magkamali sa tungkulin ko at mapungusan, naging matatakutin at mapagbantay ako laban sa Diyos, mahigpit na kumakapit sa sarili kong mga interes at kinabukasan, ngunit bihira kong hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo para malutas ang anumang problema ko na dahilan kaya ako pinungusan ng lider. Kung nagpatuloy pa iyon nang mas matagal, hindi lamang ako mabibigong umusad sa aking tungkulin, mapipinsala pa niyon ang gawain at makapagdudulot ng isang paglabag. Malubha ang kalikasan at mga kahihinatnan niyon. Hindi iyon pagbubunyag at pagtitiwalag ng Diyos sa akin, kundi pagsisira ko sa sarili kong kinabukasan. Sa puntong iyon, napagtanto ko na ang pinakakailangan kong gawin noon ay hindi ang mag-alala kung tatanggalin ba ako at ititiwalag, kundi ang tunay na pagnilayan ang mga isyung tinutukoy ng lider, pagsikapan na hanapin at isaalang-alang ang mga katotohanang prinsipyo, at magsikap na sumunod sa mga prinsipyo sa tungkulin ko. Kung hindi ako makakagawa nang maayos kahit na ibinibigay ko na ang lahat at matatanggal ako, kailangan ko pa ring magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.
Pagkatapos ay natagpuan ko ang ilan pang salita ng Diyos na dapat isagawa at pasukin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan, nang pagwasak ninyo sa inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na hindi Ko ninanais na Ako ay bolahin o kunwari ay hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko na ang matatapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at sa Aking mga inaasahan. Higit pa rito, naiibigan Ko sa tuwing ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa nilang isuko pa nga ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan). “Dapat harapin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at ang Diyos nang may matapat na puso. Kapag ginawa nila iyon, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit papaano man lang, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, isang pusong nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Sinasabi ng Diyos na ang mga taong laging isinasaalang-alang ang kanilang sariling kinabukasan at hantungan sa kanilang tungkulin at sariling mga interes lamang ang iniisip, ay mga hindi tapat sa Diyos, bagkus ay ginagamit at dinadaya lang Siya. Kinasusuklaman sila ng Diyos; kinamumuhian Niya sila. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao na walang pakialam sa mga pagpapala o sumpa, walang mga kondisyon, at mga tapat sa kanilang tungkulin. Tanging ang gayong uri ng tao ang nakakakuha ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa sandaling naunawaan ko ang layunin ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sa aking tungkulin, kailangan kong tumuon sa pagsisikap na maging isang matapat na tao, buksan ang puso ko sa Diyos, at bitiwan ang mga pansariling pakinabang o kawalan. Kapag pinupungusan, anuman ang saloobin ng lider sa akin, at kung matatanggal man ako o hindi, dapat kong hanapin ang mga prinsipyo para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin—iyon ang mahalaga. Noong panahong iyon, pangunahing pinupungusan ako ng lider dahil sa pagiging mayabang at mapagmagaling, at paggawa ng mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto ko. Kung hindi natugunan ang problemang iyon, malamang ay patuloy akong kikilos sa ganoong paraan. Kaya ibinuod ko ang bawat isa sa mga problemang lumitaw, at isa-isang inihambing ang mga ito sa mga prinsipyo. Kung hindi malinaw sa akin ang isang bagay, nakikipagbahaginan ako sa iba. Kapag nahaharap ako sa isang bagay na hindi ako sigurado pagkatapos niyon, hindi na ako agad na nagtitiwala sa sarili, at hindi ko na ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili kong mga ideya. Nagdarasal ako sa Diyos at tahimik na hinahanap ang mga prinsipyo. Tinatalakay ko rin ang mga bagay-bagay sa mga katrabaho ko hanggang sa may mapagkasunduan kami. Matapos gawin iyon nang ilang panahon, mas kaunting pagkakamali na lang ang lumilitaw sa tungkulin ko. Kapag nahaharap ako sa isang pagsubok na hindi ko talaga kayang lutasin, hinihingi ko ang tulong ng mga nakatataas na lider. Minsan, noong may tinatanong ako, medyo nag-aalinlangan pa rin ako matapos magbahagi ang nakatataas na lider. Pakiramdam ko ay mayroon pa akong ilang katanungan at gusto kong banggitin ang mga ito, pero natatakot ako na walang katuturan ang mga tanong na ito, baka sabihin ng lider na mahina ang kakayahan ko at wala akong kabatiran. Habang nag-aalangan ako, napagtanto ko na nag-aalala na naman ako sa sarili kong mga pakinabang at kawalan. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, handa nang isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Tumpak man o hindi ang pagkakaintindi ko sa isyu, handa akong itama ang aking mga motibo at magkaroon ng kalinawan sa aspektong ito ng katotohanan. Sa huli, nakaipon ako ng lakas ng loob para sabihin ang mga katanungan ko. Matapos makinig sa akin, sinabi ng lider na mga problema nga ang mga iyon. Nagbahagi rin siya, “Kung mayroon pa ring hindi malinaw, na hindi pa ganap na natugunan, kailangan mo itong sabihin kaagad. Makakatulong iyon sa gawain ng iglesia.” Nang marinig ko ang sinabi ng lider, talagang laking pasasalamat ko sa Diyos, at naramdaman ko ang kapayapaan ng loob na dulot ng pagbitiw sa mga pansariling interes at ng pagiging isang matapat na tao.
Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, natutunan ko kung paanong talagang nakakabuti para sa atin ang mapungusan. Maaaring mahirap ang mapungusan, pero ngayon, nahaharap ko na ito nang tama, at nagagawa ko nang magpasakop at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para lutasin ang aking mga problema. Lubos na gumaan ang pakiramdam ko dahil dito.