89. Bakit Palagi Kong Ninanais na Mamukod-tangi sa Aking Tungkulin
Noong huling bahagi ng Hunyo 2021, dahil kaliwa’t kanang inaaresto ng Partido Komunista ng Tsina ang mga Kristiyano, ang tinitirhan ko ay minamanmanan. Agad akong lumipat, pero malamang na binabatanyan din ako ng mga pulis, kaya kinailangan kong magtago sa bahay para gumawa. Responsable ako para sa gawain ng ilang grupo nang panahong iyon. Dumadami ang gawain ko at may mga bagay na hindi nadadaan sa pagsusulat lang ng mga liham, at hindi ito kasing epektibo ng pakikipag-usap nang harapan. Kaya, alinsunod sa mga pangangailangan ng gawain, itinalaga si Sister Wang Zhen bilang kapareha ko.
Hindi masyadong kilala ni Wang Zhen ang mga kapatid noong una, kaya bago ang bawat pagtitipon nakikipag-ugnayan ako sa kanya sa mga isyung kailangang tugunan para matulungan siyang mas maging epektibo sa pakikipagbahaginan sa mga kapatid. Nang panahong iyon, nalaman ko na si Sister Li Fan ay palaging nagpapabaya sa kanyang tungkulin. Hindi siya nagbago pagkatapos ng maraming sesyon ng pagbabahagi at inantala na nito ang gawain. Batay sa mga prinsipyo, kailangan siyang matanggal kaagad. Kung kaya, gumawa ako ng isang dokumentong nagpapaliwanag sa sitwasyon tungkol kay Li Fan at ang mga prinsipyo ng pagtatanggal ng tao para masuri ni Wang Zhen at ibinahagi ko ang opinyon ko sa kanya kung bakit kailangang tanggalin si Li Fan, para talagang maging masusi ang pagbabahagi ni Wang Zhen kay Li Fan para makinabang siya sa pagninilay at pagkilala sa kanyang sarili. Tinanggal siya ni Wang Zhen kinabukasan. Ikinuwento ni Wang Zhen sa akin ang nangyari nang umuwi siya sa bahay noong araw na iyon, pero kahit isang beses ay hindi niya ako binanggit sa mga kapatid sa buong bagay na iyon o sinabi na tinulungan ko siyang magkamit ng pagkakilala o ayusin ang problema. Medyo nadismaya ako. Pakiramdam ko, walang ibang nakakaalam kung anong ginagawa ko sa likod ng mga eksena. Iniisip ko kung iisipin nilang naunawaan agad ni Wang Zhen ang mga problema ni Li Fan pagkatapos niyang akuin ang tungkulin, na mas nakauunawa ng katotohanan at mas nakakakilatis siya kaysa sa akin. Ang isipin kung gaano karami ang ginawa ko nang walang nakakaalam at siyang nagpamukhang magaling kay Wang Zhen ay medyo nakakainis para sa akin.
Makalipas ang ilang araw, sa isang talakayan tungkol sa gawain kasama si Wang Zhen, napag-usapan na palala nang palala ang isang grupo. Hindi ko makita ang ugat ng problema, at binanggit niya sa akin na baka may problema sa lider ng grupo. Habang isinasaalang-alang iyon at iniisip ang tungkol sa palagiang pag-uugali ng lider ng grupo, nakita ko na tanging katayuan ang pinrotektahan niya at ginawa niya lang ang mga gawain na magpapabida sa kanya, pero hindi siya kailanman gumawa ng tunay na gawain, at talagang nakakaantala ito sa mga bagay-bagay. Batay sa mga prinsipyo, kailangan siyang tanggalin. Alam kong hindi ko kayang lutasin ang problema nang nang mag-isa, at na dapat kong ibahagi ang pag-unawa ko kay Wang Zhen para makapagbahagi siya nang maayos sa iba, tulungan silang magkamit ng pag-unawa, at tanggalin agad ang lider na ito. Pero noong maalala ko ang pagkakatanggal ni Li Fan, kung paano ako naghanap ng mga prinsipyo at nagtipon ng mga dokumento, at kung paano ako nagbahagi nang husto kay Wang Zhen pero wala namang nakakaalam, pakiramdam ko, kapag ibinahagi ko sa kanya ang lahat ng naiisip ko ngayon at tinanggal niya ang lider ng grupong iyon, tiyak na iisipin ng iba na siya lahat ang gumawa noon. Iisipin nila na pagkatapos lang ng saglit na panahon sa gawain nakakilala na siya ng dalawang taong hindi karapat-dapat na hindi ko tinanggal matapos hawakan ang responsibilidad na iyon nang napakatagal na panahon. Iisipin nilang may mas maayos siyang pagkilala at pag-unawa sa katotohanan. Gusto kong sarilinin na lang ang mga pananaw ko para hindi maging malinaw ang pagbabahagi ni Wang Zhen, at hindi siya hahangaan ng iba. Gayumpaman, medyo nakonsensya ako sa kaisipang ito. Kung hindi malinaw ang kanyang pagbabahagi at hindi naunawaan ng lider ng grupo ang kanyang sariling isyu, at kung nagkamali siya ng intindi at maging negatibo, kung gayon ay hindi lang nito maapektuhan ang kanyang pagninilay-nilay sa sarili, maapektuhan din nito ang kanyang tungkulin kalaunan. At saka, tiyak na kasusuklaman ng Diyos ang pagiging tuso at ang paglilihim ng mga ganitong bagay. Nang maisip ko iyon, ibinahagi ko ang lahat ng sitwasyon tungkol sa lider na ito kay Wang Zhen, pero naghinanakit ako pagkaalis na pagkaalis ni Wang Zhen para asikasuhin ang mga bagay-bagay. Bakit hindi ako makalabas para pangalagaan ang gawaing ito? Nakita ng lahat na tinatanggal at nakikilala ni Wang Zhen ang mga tao, pero sino ang nakakita ng lahat ng pagsusumikap ko sa likod ng lahat ng iyon? Hindi ako masyadong nasiyahan nang maisip ko kung paanong ang lahat ng ginagawa ko ay nagpapabango lang kay Wang Zhen at nakakabuti sa kanyang katayuan kumpara sa iba. Nagreklamo pa nga ako sa Diyos dahil sa paglalagay sa akin sa ganoon kasamang sitwasyon. Bakit bigla na lang Niya akong hiyaan na subaybayan? Pagkatapos, isa-isang nagsusulat sa amin ang ilang kapatid tungkol sa mga isyu nila sa gawain, at partikular na hiniling ng ilan na si Wang Zhen ang mamahala sa kanila. Mas lalo pa nga akong nalungkot tungkol doon. Pakiramdam ko, si Wang Zhen na lang ang pinahahalagahan ng lahat, pero hindi nila nakikita ang ginagawa ko sa isang sulok. Kapag nagpatuloy ito, hindi ba’t sasabihin ng lahat na isa lang akong walang kwentang palamuti? Kahit na palabas-labas si Wang Zhen, hindi rin madali para sa akin ang nasa bahay. Walang nakakakita sa lahat ng pagsusumikap ko. Hindi ako masaya rito kaya sinubukan kong mag-isip ng isang paraan para baguhin ang mga bagay-bagay. Kahit hindi ako makaalis para makita ang mga kapatid nang personal, pwede akong magsulat para magsaayos ng mga gawain para patunayan na marami akong ginagawa, at na mahalaga ang posisyon ko. Saktong nakatanggap kami ng mga liham mula sa ilang grupo tungkol sa ilang gampanin sa pangkalahatang usapin na kailangang ayusin. Sumulat ako pabalik nang may kasamang mga detalye para ayusin ang mga ito at malinaw na isinulat kung kailan bibisita sa kanila si Wang Zhen para malaman ng lahat na ako ang nagsasaayos ng lahat ng ito, na ako ang nagpapasya sa likod ng mga eksena.
Isang araw, sumulat ako sa isang sister, kinukumusta ang kalagayan niya. Matapos kong magsulat, inisip ko kung malalaman kaya niyang ako ang nagsulat noon. Kung hindi ako mag-iiwan ng ilang palatandaan, baka isipin niyang si Wang Zhen ang nag-aalala sa kanya. Hindi iyon pwede. Kailangan kong makasiguro na alam ng sister na iyon na ako ang nagsulat. Pero alang-alang sa kaligtasan ko, hindi ko maipirma ang sarili kong pangalan sa sulat. Tapos, bigla kong naalala na kamakailan, nagrekomenda ako ng isang himno sa sister na iyon, kaya pwede ko siyang tanungin kung natutuhan niya ito at sa ganitong paraan, malalaman niyang ako iyon. Nang maisip ko iyon, mabilis kong tinapos ang sulat at ipinadala ito. Nakita ko mula sa tugon ng sister na alam niyang ako ang nagsulat noon at tuwang-tuwa ako. Pakiramdam ko, kaya ko pa ring pagandahin ang imahe ko kahit mula sa likod ng mga eksena at ipakita sa iba na may mga reyalidad ako at nagawa kong lutasin ang mga problema. Kaya sa ganitong paraan, hindi ko talaga kailanman nakita na wala ako sa tamang kalagayan. Ang kalagayang ito ay nanatili hanggang sa isang araw nang isang sister ang stress na stress na nagsabi sa akin na ang ilang dokumento ng pag-aaral na talagang pinagsumikapan niya ay ipinadala ng kanyang kapareha sa mga kapatid, kaya pakiramdam niya, ninakaw sa kanya ng kapareha niya ang papuri para sa kanyang gawain, at nawalan siya ng gana sa kanyang tungkulin. Talagang nagulat ako nang marinig ito. Hindi ba’t namumuhay ako sa ganoon mismong kalagayan nitong huli? Hindi rin ako naghahanap ng katotohanan para lutasin ito. Kaya, naghanap ako ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kalagayang mayroon ako. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsabing: “Palaging may mga partikular na layunin ang mga anticristo kapag kumikilos sila. Ang mga salita, kilos, at asal nila, pati na ang partikular na pananalitang pinipili nila kapag nagsasalita, ay intensiyonal; hindi sila kumikilos dala ng panandaliang pagbubunyag ng katiwalian, mababang tayog, kahangalan o kamangmangan, na walang katuturan ang pinagsasasabi saanman sila magpunta—hindi talaga ito ganito. Sa pagsusuri sa mga paraan nila, sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, at sa pagpili nila ng mga salita, lumilitaw na medyo tuso at buktot ang mga anticristo. Alang-alang sa sarili nilang katayuan at para maisakatuparan ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao, sinasamantala nila ang bawat pagkakataon para magpasikat, para gamitin ang kahit katiting na bagay, at hindi nila palalagpasin ang kahit isang pagkakataon. Sabihin ninyo sa Akin, ibubunyag ba ng ganoong mga tao ang mga katangiang ito sa harapan Ko? (Oo.) Bakit sinasabi ninyong gagawin nila ito? (Dahil ang kalikasang diwa nila ay ang magpasikat.) Pagpapasikat ba ang pinakamithiin ng isang anticristo? Ano ang mithiin niya sa pagpapasikat? Gusto niyang makakuha ng katayuan, at ito ang ibig nilang sabihin: ‘Hindi mo ba alam kung sino ako? Tingnan mo ang mga bagay na nagawa ko, ako ang gumawa sa mabubuting bagay na ito; medyo marami akong iniambag sa sambahayan ng Diyos. Ngayong alam mo na, hindi ba’t dapat mo akong bigyan ng mas makabuluhang gawain? Hindi ba’t dapat ay maging mataas ang tingin mo sa akin? Hindi ba’t dapat kang sumandig sa akin sa lahat ng gagawin mo?’ Hindi ba’t sinasadya ito? Gusto ng mga anticristong kontrolin ang kahit sino, sinuman sila. Ano ang isa pang termino para sa kontrolin? Manipulahin, paglaruan—gusto ka lang nilang pamunuan. Halimbawa, kapag pinupuri ng mga kapatid na mahusay ang pagkakagawa sa isang bagay, agad na sinasabi ng anticristo na sila ang gumawa nito, tinitiyak na pasasalamatan sila ng lahat. Kikilos ba nang ganito ang isang tunay na makatwirang tao? Talagang hindi. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng kaunting kabutihan ay gusto nilang malaman ito ng lahat, maging mataas ang tingin sa kanila at purihin sila—nasisiyahan sila rito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na palaging nagyayabang ang mga anticristo. Lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa ay para lang makuha ang paghanga ng iba, at isang palihim na pagtatangka para magkamit ng katayuan. Kung isasaalang-alang ang mga salita ng Diyos at sa pagninilay-nilay tungkol sa disposisyong inilantad ko, hindi ba’t tulad ako ng isang anticristo? Pakiramdam ko, agrabyado ako noong tinanggal ni Wang Zhen iyong dalawang kapatid nang hindi man lang ako binabanggit. Pakiramdam ko, ako naman talaga ang nakakilala sa kanila, pero ang lahat ng kapurihan ay napunta kay Wang Zhen sa huli. Siya lang iyong nagpakita sa publiko, pero kahit anong gawin ko, walang makakakita nito. Walang makakaalam nito kung patuloy kong tahimik na gagawin ang mga bagay-bagay. Sobrang nakakainis iyon! Sobra akong nag-iisip at nagsusumikap para magpakitang gilas, nang sa gayon ay hangaan ako ng mga kapatid at magkaroon ako ng katayuan sa kanilang mga paningin. Mukha lang akong nagsusulat para magsaayos ng gawain, pero sa totoo, palihim kong sinusubukang paalalahanan ang lahat na huwag akong kalimutan, at na si Wang Zhen ay gumagawa lang ng ilang gawain sa ngalan ko, pero ako talaga ang pangunahing responsable. Sa pagkukunwari na tinutulungan ang isang sister sa kanyang kalagayan, umasta ako na parang nagmamalasakit ako sa kanya, para ipaalala sa kanya na nandito ako at makamit ang kanyang paghanga nang hindi ipinapakita sa kanya ang mga sarili kong kasuklam-suklam na motibo. Mayroon akong napakamapanlinlang na disposisyon! Kung hindi ko nabasa ang mga salita ng Diyos, hindi ko kailanman malalaman na ang dalawang sister na iyon ay hindi angkop sa kanilang mga tungkulin. At isa pa, maraming kawalan ang idinulot ng gawain nang matanggal sila. Totoong-totoo ito para sa lider ng grupo na iyon. Kung hindi ito binanggit ni Wang Zhen, hindi ko ito makikilala at hindi sana matatanggal ang lider na ito. Hindi ko ginagawa nang maayos ang gawain ko, at hindi lang ako kulang sa pagtanaw ng utang na loob at konsensiya, kundi wala rin akong kahihiyan na humihingi ng papuri at gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para magpasikat at magkamit ng katayuan, sinubukang tingalain ako ng lahat. Talagang sobra akong kahiya-hiya!
Tapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may takot sa Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay ang susi sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi natin dapat intindihin ang iniisip ng mga tao, sa halip ay isipin lang ang pagpapalugod sa Diyos at pagtupad ng ating tungkulin. Pagkatapos niyon, sa mga sulat at pagbabahagi ko sa iba, nagsumikap akong magkaroon ng mga tamang motibo at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa halip na gamitin ang mga sulat para makamit ang paghanga ng iba at makakuha ng lugar sa kanilang mga puso. Naisip ko ang lahat ng mga sulat na iyon na isinulat ni Pablo sa mga simbahan. Hindi niya kailanman dinakila o pinatotohanan ang Panginoong Jesus sa kanila at hindi niya hinikayat ang mga mananampalataya na sundin ang mga salita ng Panginoong Jesus. Itinaas at pinatotohanan lang niya ang kanyang sarili, sinasabi kung gaano karami ang kanyang ginawa, kung gaano siya nagdusa. Sabi niya, “Hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol,” at dinala ang mga tao sa harap niya, sa isang landas na laban sa Diyos. Ang mga sulat na isinusulat ko sa mga kapatid ay hindi rin nagdadakila o nagpapatotoo sa Diyos, kundi sa halip, ako ay pasimpleng nagpapasikat. Hindi ba’t parang ginagawa ko na rin ang ginawa ni Pablo? Kapag hindi ako nagsisi, ititiwalag at parurusahan ako sa huli gaya niya. Nang matanto ito, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, masyado akong nag-aalala sa katayuan ko. Ayokong makontrol nito at makagawa ng isang bagay na makakapinsala sa gawain ng iglesia. Mapansin man ako o hindi, nais ko lamang na matatag na gampanan ang tungkulin ko.”
Sa mga sumunod na araw, sinadya kong itama ang pag-iisip ko, madalas na pinaalalahanan ang sarili na ang mga interes ng iglesia ang pinakamahalaga, at ang gawin nang maayos ang tungkulin ko. Tapos isang araw, nakatanggap kami ng isang sulat ng pagbibitiw mula kay Brother Chen Zhiqiang sinasabing gusto niya nang huminto dahil hindi niya kasundo ang mga kapareha niya. Mayroon kaming kaunting kaalaman tungkol sa problema niya dati. Karaniwan ay masyado siyang arogante at matigas ang ulo niya, kaya hindi siya masyadong kasundo ng iba. Ilang beses nang nagbahagi sa kanya si Wang Zhen pero hindi siya nagbago. Ngayong bigla siyang nagdesisyong magbitiw, mukhang magiging mahirap para sa amin na lutasin ang problemang ito. Nang talakayin namin ni Wang Zhen ang mga problema niya, ibinahagi ko ang sarili kong pananaw at nakahanap ako ng ilang kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos. Naramdaman ni Wang Zhen na ang pagbabahagi sa ganitong paraan ay naaangkop. Sa puntong iyon, napagtanto ko na gaano man kapaki-pakinabang ang pagbabahagi ko, si Wang Zhen naman ang talagang pupunta at magbabahagi sa kanya. Sino ang makakakita na ako ang nagmalasakit at nagbayad ng halaga sa likod ng mga ito? Dahil sa kaisipang iyon ay parang gusto ko nang tumigil sa pakikipagtalakayan kay Wang Zhen, pero naisip ko na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng mga iniisip at ideya ko, medyo nabagabag ako. Bakit ba palagi kong gustong protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan? Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang mga kahihinatnan ng paghahabol sa katayuan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahangad niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang layong hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanyang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang kanilang buhay pagpasok, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Palagi kong iniisip dati na ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay nakakaapekto lamang sa buhay pagpasok ng isang tao at basta hindi tayo gumagawa ng kasamaan, hindi natin magagambala ang gawain ng iglesia. Hindi ko naunawaan kung bakit labis na kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos ang paghahangad ng reputasyon at katayuan. Ipinakita sa akin ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na ang paghahabol ng reputasyon at katayuan sa aking tungkulin, at hindi pagprotekta sa mga interes ng iglesia ay tiyak na magpapahamak sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid sa huli. Hahadlangan at gagambalain nito ang gawain ng iglesia, at ito ay kinokondena ng Diyos. Noong tinatalakay namin ang problema ni Chen Zhiqiang, ayaw ko nang magbahagi pa dahil hindi ako ang mapapansin. Mukhang hindi ito isang malaking bagay, pero ang totoo ay malala ito sa diwa. Kung ipagpapaliban namin ang pagbabahagi kay Chen Zhiqiang para tulungan siya sa kanyang mga isyu, hindi lang nito maapektuhan ang kanyang buhay pagpasok, maaapektuhan din nito ang gawain ng iglesia. Bilang may hawak ng responsabilidad, tinulungan ko dapat kaagad ang isang taong nahihirapan sa kanilang tungkulin para panatilihing nasa ayos ang gawain ng iglesia. Partikular sa Partido Komunista na gumagawa ng napakaraming pag-aresto, nanganganib na maaresto si Wang Zhen sa tuwing lumalabas siya para sa isang pagtitipon. Kung hindi sapat ang kahandaan niya at hindi niya kayang lumutas ng mga isyu sa mga pagtitipon, hindi kayang magkamit ng magagandang resulta sa kabila ng panganib na kanyang tinatahak, hindi ba’t magiging pagpapahirap iyon para sa kanya? Hindi ko iniisip kung paano lulutasin ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon o ang tungkol sa kaligtasan ng kapatid. Ang tanging iniisip ko lang ay ang posibilidad na agawan niya ako ng atensyon. Napakamakasarili ko at walang pagkatao! Bilang isang superbisor, hindi ako gumagawa ng tunay na gawain. Pinoprotektahan ko pa nga ang sarili kong katayuan kahit mapahamak ang gawain ng iglesia. Ako ay nasa landas ng isang anticristo! Ako lang ang tanging responsable noon, at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko gaano man ito kahirap o nakakapagod. Pero dahil sa mga pag-aresto ng Partido, hindi na ako makalabas—nakakapagtrabaho na lang ako nang palihim. Nag-aatubili akong gawin ang tungkulin ko, palaging gustong makipaglaban kay Wang Zhen para sa kasikatan. Napagtanto ko noon na ang kasiglahan ko sa tungkulin ko dati ay para lang lahat sa reputasyon at katayuan. Ibinubunyag ng sitwasyong iyon ang mga mali kong motibo at paghahangad, upang maitama ko ang mga ito sa napapanahong paraan. Ito ay pagmamahal ng Diyos para sa akin.
Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na kalinawan sa isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kailangan kayong magtulungan nang maayos para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa kapakinabangan ng iglesia, at upang hikayating sumulong ang inyong mga kapatid. Dapat kayong makipag-ugnayan sa isa’t isa, na bawat isa ay pinupunan ang pagkukulang ng iba at humahantong sa mas magandang resulta ng gawain, upang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at ang mga gumagawa lamang nito ang magtatamo ng tunay na pagpasok” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita). “Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin? Dapat niya itong magampanan nang buong puso at buong lakas. Ang ibig sabihin ng paggamit ng buong puso at buong lakas ng isang tao ay pagtuon ng buong isip niya sa pagganap sa kanyang tungkulin at hindi pagpapahintulot na maging abala siya sa ibang bagay, at pagkatapos ay paggamit sa lakas na taglay niya, paggugol sa buong lakas niya, at pagdadala ng kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan niya, at ng mga bagay na kanyang naunawaan para gamitin sa gawain. Kung may abilidad kang umunawa at umintindi, at mayroon kang magandang ideya, dapat mong kausapin ang iba tungkol doon. Ito ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan. Ganito mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, ganito mo makakamit ang katanggap-tanggap na pagganap ng iyong tungkulin. Kung nais mo palaging akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging gumawa ng malalaking bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging nasa iyo ang atensyon at hindi sa iba, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ang ginagawa mo ay tinatawag na paghahari-harian; pagpapakitang-gilas iyon. Satanikong pag-uugali iyon, hindi pagganap sa tungkulin. Walang sinuman, anuman ang kanyang mga kalakasan, mga kaloob, o espesyal na mga talento, ang kayang umako sa lahat ng gawain nang mag-isa; dapat siyang matutong makipagtulungan nang maayos kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang maayos na pakikipagtulungan ay isang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao. Basta’t ginagamit mo ang iyong buong puso at buong lakas at buong katapatan, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na para gawin nang maayos ang ating mga tungkulin, dapat nating isaalang-alang ang puso ng Diyos at makipagtulungan sa ating mga kapatid. Kailangan nating ibigay ang lahat ng ating makakaya rito at gamitin ang ating mga lakas para mapunan ang kahinaan ng isa’t isa. Ganito natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos at makukuha ang magagandang resulta sa ating gawain. Nakita ko rin na hindi mahalaga kung si Wang Zhen man o ako ang nagpunta para personal na lutasin ang mga problema. Hangga’t maaaring malutas ang mga kalagayan at paghihirap ng iba, kahit na ang pagsisikap ko ay hindi nakikita at pribado, ang paggawa ng aking tungkulin at pagpapalugod sa Diyos ay magdadala sa akin ng kapanatagan at kapayapaan. Pagkatapos noon, pinag-isipan ko kung anong mga katotohanan ang dapat na maibahagi para matugunan ang isyu ni Chen Zhiqiang at nakahanap ako ng ilang nauugnay na salita ng Diyos para suriin ni Wang Zhen. Nakahanap din siya ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang akma sa kalagayan ni Chen Zhiqiang na hindi ko naisip. Mas naging komprehensibo ang mga siping ito kapag pinagsama. Sa puntong iyon, nakaramdam ako ng sobrang hiya. Kahit hindi ako makalabas para sa gawain, kaya kong malinaw na magbahagi kay Wang Zhen tungkol sa lahat ng nakita at naisip ko. Sa magkasamang paggawa, nagkaroon kami ng mas komprehensibong pananaw sa mga isyu, kaya mas maayos naming nalutas ang mga ito. Hindi ba’t mas kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia? Pumunta si Wang Zhen para magbahagi kay Chen Zhiqiang matapos naming talakayin ang lahat.
Tapos isang araw, nakatanggap kami ng sulat mula sa ilang kapatid. Isinasaad ng sulat na sa pamamagitan ng pagbabahagi ni Wang Zhen, nagawa nilang itama ang ilang pagkakamali at naging mas mahusay sa kanilang mga gawain. Medyo nadismaya ako matapos kong mabasa iyon. Pakiramdam ko, ako ang nakadiskubre ng mga pagkakamali at paglihis na iyon, pero ang nakita lang ng lahat ay ang ginawa ni Wang Zhen. Walang nakakita sa ginawa ko sa likod ng mga ito. Tapos, napagtanto ko na nakikipagkompetensiya na naman ako para sa reputasyon at pakinabang, kaya nagdasal ako at naghimagsik laban sa sarili ko. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa isang sanaysay na talagang nakakaantig para sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nangmamaliit ng iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pangmamaliit ng iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon pagganap ng tungkulin. … Maaaring hindi ka gaanong malakas, ngunit kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas ng pagsasagawa, at nagagawang sama-samang magtulungan nang maayos, at lahat ay nagpupunyagi sa iisang layon, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, makikita ng Diyos na ikaw ay taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Aalalahanin ng Diyos ang paggawa mo nito. Tinatawag itong tapat na pagganap sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Totoo ito. Kahit na walang nakakakita sa ginagawa ko sa likod ng mga eksena, ginagawa ko ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos. Hindi mahalaga kung alam ito ng ibang tao. Ang mahalaga ay ang pagsasagawa ng katotohanan at pagpapalugod sa Diyos. Bilang isang superbisor, ito ang responsabilidad at tungkulin ko at ang dapat kong gawin para makipagbahaginan sa iba kapag napansin ko ang mga pagkakamali at paglihis nila, at matulungan silang lutasin ang mga iyon. Ito ay isang bagay na hindi ako dapat bigyan ng pagkilala. Dati, palagi akong nagpapasikat sa harap ng iba, pero ngayon, nakakagawa na lang ako nang palihim. Iyon ay pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at ito ang kinakailangan ko. Kailangan kong magpasakop dito, pagtuunan ang pagsasagawa ng katotohanan sa tungkulin ko, at magsumikap na gawin nang maayos ang tungkulin ko.
Kapag nakakapansin ako ng mga problema sa aming gawain pagkatapos noon, nagkukusa akong lumapit kay sister Wang Zhen. Minsan, nang sumulat ako sa mga kapatid tungkol sa mga isyu, gusto kong ipahiwatig na ako ang nagsusulat, pero napagtanto kong palihim akong nagpapasikat at itinataas ang sarili ko, nagdasal ako at binitiwan ang mga mali kong motibo. Pinakalma ko ang sarili ko at inisip kung anong puwede kong isulat na makakatulong sa iba at kung papaano ko magagampanan ang mga sarili kong responsabilidad at tungkulin. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay talagang nagpasaya sa puso ko at talagang nagpagaan sa loob ko. Napakagandang paraan nito para pangasiwaan ang sarili ko.