94. Lalong Mapalad ang Magbigay Kaysa Tumanggap
Ilang taon na ang nakararaan, isinaayos ng mga lider ng iglesia na gumawa ako ng mga video. Sinabi rin nila na kulang ang mga taong gumagawa ng mga video noong panahong iyon, kaya ibibigay nila sa akin ang pangunahing responsabilidad para sa gawaing ito. Nang marinig ko ito, tuwang-tuwa ako, at naisip ko sa sarili ko na, “Mukhang medyo mataas ang tingin sa akin ng mga lider. Kung gagawin ko nang maayos ang gawaing pangvideo na ito, siguradong gaganda rin ang tingin sa akin ng mga kapatid.” Kaya, kaagad akong sumang-ayon. Pagkalipas ng ilang panahon, dahil medyo maraming video na ang nagawa ko, tinitingala na ako ng lahat ng mga kapatid. Madalas na napakasaya ko na nagagawa ko ang tungkuling ito, at pakiramdam ko ay isa akong pambihirang talento sa loob ng iglesia. Kahit medyo abala ako, kinailangang magpuyat gabi-gabi, at medyo nakaiinip ang mismong tungkulin, masaya ako, at hindi talaga ako napapagod.
Pagtagal-tagal, isinaayos ng mga lider na sumama sa akin si Brother Zachary para matuto siya ng mga pamamaraan sa paggawa ng video. Nakita ko na may matalas siyang isip at na mabilis siyang matuto, at narinig ko ring nagsabi ang nakasama ko sa pagtitipon na si Brother Jonathan na may mahusay na kakayahan si Zachary, dahilan kaya medyo hindi ako naging komportable, at naisip ko sa sarili ko na, “Napakabilis namang matuto ni Zachary. Kung malalampasan niya ako, hindi ba’t madadaig niya ako? Kung magiging mas mahusay siya kaysa sa akin, at lahat ay pupuri sa kanya, saan na ako lulugar? Dapat magtago ako ng ilang bagay, hindi ko puwedeng ituro sa kanya ang lahat ng nalalaman ko, kung hindi, gugutumin ng ‘mag-aaral’ ang ‘guro.’” Para mapigilan si Zachary na matuto nang napakabilis, nagsimula ako sa pagpapakita lang sa kanya kung paano ko ginawa ang mga video, pero nagpigil akong sabihin sa kanya ang tungkol sa mga detalye at pangunahing kaalaman ng proseso. Matapos ang ilang araw, ipinapanood ko sa kanya ang ilang nauugnay na tutorial at pagkatapos ay hinayaan siyang mangapa sa pagsasanay nang mag-isa. Sinabi ko sa kanya na sa gayong paraan ako natuto, at na makagagawa lang siya ng mga video kung magsasanay siya nang mabuti. Sinunod niya ang mga bilin ko at ginugol ang mga araw niya na nangangapa sa pagsasanay nang mag-isa. Ang totoo, hindi ko kailanman intensiyong turuan siya kung paano gumawa ng mga video. Naisip ko pa nga sa sarili ko, “Hindi kita tuturuan ng kahit anong pamamaraan, puwede kang manood na lang ng mga tutorial nang mag-isa. Kung hindi ka matututo ng kahit ano at mauwing wala kang nagawang kahit ano, siyempre paaalisin ka ng mga lider.”
Ilang panahon ang lumipas, at hindi pa rin mag-isang nakagagawa ng mga video si Zachary dahil naging napakabagal ng progreso niya, at nagsimula na siyang maging medyo negatibo. Nang makita ko ito, lihim akong natuwa, at naisip ko sa sarili ko, “Mabuti nga na hindi ka natuto ng kahit ano. Kapag nakita ito ng mga lider, isasaayos ka nila upang gumawa ng ibang tungkulin, sa ganitong paraan, hindi ko na kailangang mag-alala na malalampasan ako ng sinuman.” Pero naisip ko, “Ilang araw nang negatibo si Zachary. Kung hindi ko siya tutulungan, sasabihin ba niya na wala akong mabuting pagkatao at wala akong habag?” Para hindi niya maisip na sinadya kong supilin siya at hindi turuan ng kahit anong pamamaraan, nilapitan ko siya, nagpanggap na inaalo siya, sinasabi na, “Brother, huwag kang mag-alala, huwag kang magmadali. Matagal matutuhan ang mga pamamaraang ito. Noong nagsimula ako, kinailangan ko ring manood ng maraming mga tutorial video. Maraming-marami pang video ang kailangang magawa. Sa pagsasanay pa, siguradong makagagawa ka na ng video nang mag-isa.” Sa panlabas, parang nagmamalasakit ako kay Zachary, pero sa likuran niya, inilahad ko ang lahat ng maliliit niyang kapintasan kay Jonathan, dahilan kaya nagkaroon ng inis sa kanya si Jonathan at sinamahan ako sa pagbubukod at paghihiwalay sa kanya. Naisip ko na basta’t binabalewala lang naming lahat si Zachary, hindi niya magagawang manatili at kusa siyang hihiling na umalis, at sa ganoong paraan, hindi ko na kailangang gumawa ng tungkulin kasama siya. Pero hindi niya kailanman sinabi na gusto niyang umalis, at lumala nang lumala ang saloobin ko sa kanya. Madalas, ni ayaw kong magsabi kahit isang salita sa kanya. Nang maglaon, nakita ni Jonathan na medyo seryoso ang mga problema ko, kaya nakipagbahaginan siya sa akin at hiniling niya na makipagtulungan ako nang maayos kay Zachary. Naramdaman ko rin na medyo sumobra nga ako at medyo nakonsensiya ako. Para bang hindi ko siya dapat trinato gaya ng ginawa ko, pero takot pa rin ako na maungusan niya ako kung matututo siya ng ilang kasanayan, kaya ayaw ko pa ring turuan siya. Kalaunan, dahil hindi pa rin siya makagawa ng mga video nang mag-isa, isinaayos ng mga lider na ilipat siya at gawin ang ibang tungkulin. Pagkaalis niya, hindi ako naging kasingsaya gaya ng inakala ko. Sa halip, hindi ako naging komportable sa paraan na hindi ko lubos na maipaliwanag. Hindi ko maramdaman ang presensya ng Diyos, puno ng kadiliman ang puso ko, at pakiramdam ko ay nabubuhay ako sa pagkatuliro. Wala akong magagandang ideya habang gumagawa ako ng mga video at natagpuan ko ang sarili ko na nalilito kahit sa mga tuwirang problema, dahilan kaya madalas na kailangang ulitin ang paggawa ng mga video. Natagpuan ko ang sarili ko na napipigilan at nasasaktan, at na hindi ako kasingdeterminadong gawin ang tungkulin ko gaya dati. Kalaunan, naghanap at nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko. Sinabi nila na naglagay ako ng labis-labis na importansya sa reputasyon at katayuan, na may mapagmataas na disposisyon ako, at na wala akong mabuting pagkatao. Medyo nakaaasiwang marinig ito, pero sa wakas ay nagsimula akong pagnilayan ang aking sarili. Sumobra talaga ako sa pagtrato ko kay Zachary at hindi ito isang bagay na gagawin ng isang taong nananampalataya sa Diyos. Wala talaga akong pagkatao!
Sa panahong ito, nagsimula akong magbasa ng salita ng Diyos na nagsisiwalat ng aspektong ito ng kalagayan ng mga tao. Isang araw, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsasabi na: “Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapaminsala! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong padalos-dalos, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Malisyoso kayo at masama sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pusong may takot sa Akin, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katayuan, hindi ba’t isa ka pa ring mabahong maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo). Tumagos sa puso ko ang bawat isa sa mga salita ng paghatol ng Diyos, at lalo pa nang mabasa ko ang salita ng Diyos na nagsasabi na, “pagkainggit sa mga taong may talento” “padalos-dalos” at “malisyoso at masama sa inyong puso,” pakiramdam ko talaga ay kaharap ko ang Diyos, inilalantad ako. Nakita ko na matalas ang isip ni Zachary at na mabilis siyang matuto at nag-alala ako na maungusan niya ako at pagkatapos ay papalitan ako sa puwesto ko sa oras na matutuhan niya ang lahat ng mga kasanayang ito. Para maprotektahan ang katayuan ko, hindi ko lang tinanggihang turuan siya, kundi sinadya ko pang pigilan siya, hindi siya hinayaang matuto, at sinubukan ko pang idamay si Jonathan upang ibukod at ihiwalay rin siya, lahat ay para maramdaman niyang masyadong mahirap ang tungkulin at gustuhin niyang umalis. Trinato ko bilang isang kaaway ang aking brother para protektahan ang aking reputasyon at katayuan. Pagkakita kong nagiging negatibo ang aking brother dahil sa pagbubukod ko hanggang sa puntong ayaw na niyang matuto pa, hindi ko na nga pinagnilayan ang sarili ko, natuwa pa ako. Umasa pa nga ako na malapit na siyang umalis. Tinukoy sa akin ni Jonathan ang problema ko, pero dahil napakamapagmatigas ko at naglagay ako ng napakalaking importansya sa sarili kong katayuan, hindi talaga ako tunay na nagnilay sa aking sarili. Bilang resulta, nanatiling hindi makagawa si Zachary ng mga video nang mag-isa at inilipat siya sa ibang tungkulin. Talagang makasarili ako, kasuklam-suklam at malisyoso!
Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsasabi na: “Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinuman na makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. … Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. … iniisip ng mga anticristo, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?’ Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Isinisiwalat ng salita ng Diyos na upang magkamit ng katayuan at tingalain sila ng iba, ginagamit ng mga anticristo ang kahit anong paraan na maaari nilang gamitin para siilin at ibukod ang sinumang may kakayahang maging banta sa kanilang katayuan, at na wala silang anumang pagsasaalang-alang para sa gawain ng iglesia. Nakita ko na ang aking mga gawi ay gawi ng isang anticristo at na ginawa ko ang aking tungkulin para lamang magkamit ng paghanga ng iba. Natakot akong maungusan ni Zachary at mapalitan niya ako sa posisyon ko sa sandaling matutuhan niya ang ilang kasanayan, kaya hindi ko siya tinuruan, at hinusgahan at inihiwalay ko siya nang hindi niya nalalaman. Tiningnan ko ang gawaing ito ng iglesia bilang sarili kong negosyo. Ginusto kong gawin ang nais ko, kumilos nang walang pakundangan, at gamitin ang anumang paraan na mayroon ako para atakihin at ibukod ang sinumang maaaring maging banta sa aking katayuan. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Ang aking pagnanais para sa katayuan ay talagang nagpalaki sa ulo ko, at nawalan ako ng lahat ng pagpapahalaga sa katwiran! Napakahalagang oras ngayon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kailangan naming gumawa ng mas maraming video para magpatotoo sa pagpapakita at gawain ng Diyos. Kung itinuro ko kay Zachary ang lahat ng nalalaman ko, naipamalas sana niya ang mga talento niya at kung nagawa sana namin na magtulungan nang maayos, bumilis sana ang paggawa namin ng mga video, at nakapag-ambag sana ang aming mapagpakumbabang pagsisikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, sa gayon ay matutupad namin ang aming mga responsabilidad at tungkulin. Pero inisip ko lang kung paanong magiging banta sa aking katayuan ang isang katuwang. Ang tanging inalala ko ay ang sarili kong reputasyon at katayuan, at hindi ko isinaalang-alang ang layunin ng Diyos, ni kung paano maaapektuhan ang gawain ng iglesia sa kung anupamang paraan, ni ang damdamin ng aking brother. Pinili kong maantala ang mga tungkulin kaysa hayaang maapektuhan ang aking katayuan. Talagang makasarili ako at walang pagkatao! Handa akong gawin ang kahit ano para sa kapakanan ng aking reputasyon at katayuan, kahit pa katumbas niyon ang pagsasakripisyo ng mga interes ng iglesia. Lumalakad ako sa landas ng isang anticristo!
Isang araw, sa aking espirituwal na debosyon, nabasa ko ang mas marami pang salita ng Diyos: “Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t may kaunting katangian ng pagiging antagonistiko sa Diyos sa lahat ng ito? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Habang binabasa ang mababagsik na salita ng Diyos, napagtanto ko na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag, at kapag naiisip ko ang nagawa ko, napupuno ako ng takot. Ang paghahangad ko sa katayuan ay kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos, at ito ay isang landas na patungo sa tiyak na kamatayan! Kung hindi ako binigyan ng iglesia ng isang pagkakataon para magsanay sa paggawa ng mga video at sa paggabay ng Diyos, paano ko nga ba matututuhan ang lahat ng mga kasanayang ito? Isinaayos ng iglesia na turuan ko si Zachary at dapat ay itinuro ko sa kanya ang lahat ng nalalaman ko at nakipagtulungan sa kanya para magampanan nang maayos ang tungkulin. Ito lamang sana ang nakaayon sa layunin ng Diyos. Inasahan ng Diyos na magawa ko sanang hangarin ang katotohanan sa proseso ng paggawa ko sa aking tungkulin, na magawa ko sanang iwaksi ang aking mga tiwaling disposisyon, at na magawa ko sanang tuparin ang tungkulin na dapat kong gawin para mapalugod ang Diyos. Ito lamang ang tamang landas at ang dapat ko sanang hinangad sa aking pananalig sa Diyos. Pero hindi ko hinangad ang katotohanan sa aking pananalig. Sa halip, umasa ako sa mga satanikong lason na gaya ng “Isa lang ang lalaking maaaring manguna” at “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng guro, mawawalan ng kabuhayan ang guro” sa pamumuhay ng buhay ko. Itinuring ko ang mga kasanayan na mayroon ako bilang pribadong pag-aari ko, at ayaw kong ituro ang mga ito sa ibang mga kapatid sa takot na baka maungusan nila ako at bilang resulta ay mawawala ang katayuan ko at ang paghanga ng iba. Ibinukod ko at pinigilan ang iba para patatagin ang aking katayuan. Tunay na wala akong konsensiya at katwiran! Naisip ko ang lahat ng mga anticristo na pinatalsik sa iglesia. Gusto nilang lahat na maging kaisa-isang kapangyarihan sa loob ng iglesia, at para protektahan ang kanilang katayuan, handa silang atakihin at ibukod ang kahit sino na nakita nila bilang isang banta sa kanilang katayuan. Gaano man nila napahamak ang iba o gaano man katinding nagulo at nasira ang gawain ng iglesia, wala silang pakialam kahit kaunti. Sa huli, dahil sa mga kasamaang nagawa nila, itiniwalag sila ng Diyos. Nakita ko na ang disposisyon na ibinubunyag ng mga ikinilos ko ay hindi naiiba sa gawi ng isang anticristo; iyon ay makasarili at malisyoso, at kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos. Bahagya akong natakot dahil sa kaisipang ito, at natagpuan ko ang aking sarili na puno ng pagkakonsensiya at pagsisisi. Nagpatirapa ako sa harap ng Diyos at nanalangin, “O Diyos, nagkasala ako; nabulag ako sa katayuan, nawalan ng lahat ng katwiran, at ipinahamak ang aking brother. O Diyos, hindi ko dapat ginawa ito, at handa akong magsisi. Kung gagawin ko itong muli, pakiusap, disiplinahin Mo ako.”
Kalaunan, dalawa pang brother ang isinayos ng mga lider upang pumunta at makipagtulungan sa akin. Hiniling nila na turuan ko sila at sinabi nila na mapabibilis nito ang pag-usad ng gawaing pangvideo at na makatutulong ito sa akin sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng ilan sa aking mga gawain. Pagkarinig nito, naisip ko sa sarili ko, “O ngayon, isinasaayos nila na dalawang tao ang magkasabay na pumunta at matuto; kung ituturo ko sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, hindi kaya maungusan nila ako sa lalong madaling panahon?” Medyo nag-alala at umayaw ako, pero para hindi mapahiya, wala akong nagawa kundi sumang-ayon na turuan ang dalawang brother. Pero habang aktuwal na tinuturuan sila, ayaw ko pa ring ibahagi ang pinakamahahalagang punto at mga pangunahing kaalaman na nagawa kong makabisado. Gusto ko pa ring ipagkait ang mga bagay-bagay at ituro lamang sa kanila ang mga pangunahing pamamaraan. Pero nang maisip kong gawin ito sa ganitong paraan, sobrang hindi ako mapakali, at pakiramdam ko, ang ginagawa ko ay makasarili, kasuklam-suklam at walang pagkatao. Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Ang mga walang pananampalataya ay may isang partikular na klase ng tiwaling disposisyon. Kapag nagtuturo sila sa ibang tao ng isang propesyonal na kaalaman o kasanayan, iniisip nila, ‘Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng guro, mawawalan ng kabuhayan ang guro. Kung ituturo ko ang lahat ng nalalaman ko sa iba, wala nang titingala o hahanga sa akin at mawawala na ang buong katayuan ko bilang isang guro. Hindi maaari ito. Hindi ko maaaring ituro sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, kailangang may ilihim ako. Otsenta porsiyento lamang ng nalalaman ko ang ituturo ko sa kanila at ililihim ko ang iba pa; ito lamang ang paraan para maipakita na mas magaling ang mga kasanayan ko kaysa sa iba.’ Anong uri ng disposisyon ito? Panlilinlang ito. Kapag nagtuturo ka sa iba, tumutulong sa iba, o nagbabahagi sa kanila ng isang bagay na pinag-aralan mo, anong saloobin ang dapat taglayin mo? (Dapat kong gawin ang lahat, at huwag maglihim.) Paano nagagawa ng isang tao na hindi maglihim ng kahit ano? Kung sinasabi mo, ‘Wala akong inililihim na anuman pagdating sa mga bagay na natutunan ko, at wala akong problemang sabihin sa inyong lahat ang tungkol sa mga ito. Mas mataas naman talaga ang kahusayan ko kaysa sa inyo, at kaya ko pa ring maunawaan ang mas matataas na bagay’—iyan ay paglilihim pa rin at ito ay pagiging mapagpakana. O kung sinasabi mo, ‘Ituturo ko sa inyo ang lahat ng batayang bagay na natutunan ko, walang problema. May mas mataas pa rin akong kaalaman, at kahit na matutunan ninyo ang lahat ng ito, hindi pa rin kayo magiging kasinggaling ko’—iyan ay paglilihim pa rin. Kung ang isang tao ay masyadong makasarili, hindi siya magkakaroon ng pagpapala ng Diyos. Dapat matutunan ng mga tao na isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Dapat mong ibahagi sa sambahayan ng Diyos ang mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay na naunawaan mo, upang ang mga ito ay matutunan ng mga hinirang ng Diyos at maging dalubhasa sila sa mga ito—iyan lang ang tanging paraan upang matamo ang pagpapala ng Diyos, at ipagkakaloob Niya sa iyo ang mas marami pang bagay. Gaya ng sinabi, ‘Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa sa tumanggap.’ Ilaan mo sa Diyos ang lahat ng iyong talento at kaloob, ipinapakita ang mga ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin upang makinabang ang lahat, at magkaroon ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Kung ibinabahagi mo ang mga kaloob at talento mo nang buong-buo, magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa lahat ng mga gumagawa sa tungkuling iyon, at sa gawain ng iglesia. Huwag mo lang basta sasabihin sa lahat ang ilang simpleng bagay at pagkatapos ay iisipin mong maganda ang nagawa mo o na wala kang inilihim na anuman—hindi ito uubra. Nagtuturo ka lang ng ilang teorya o mga bagay na literal na mauunawaan ng mga tao, ngunit ang diwa at mahahalagang punto ay hindi maunawaan ng isang baguhan. Nagbibigay ka lang ng buod, nang hindi ito pinalalawak o idinedetalye, samantalang iniisip mo pa rin sa sarili mo, ‘Ano’t anuman, nasabi ko na sa iyo, at wala akong sinadyang ipagkait na anuman. Kung hindi mo nauunawaan, ito ay dahil lubhang napakababa ng iyong kakayahan, kaya huwag mo akong sisihin. Tingnan na lang natin kung paano ka gagabayan ng Diyos ngayon.’ Ang gayong pag-iisip ay may kasamang panlilinlang, hindi ba? Hindi ba iyon makasarili at kasuklam-suklam? Bakit hindi mo maituro sa mga tao ang lahat ng nasa puso mo at lahat ng nauunawaan mo? Bakit sa halip ay ipinagkakait mo ang kaalaman? Problema ito sa iyong mga layon at iyong disposisyon. Kapag ipinaaalam sa karamihan ng mga tao sa unang pagkakataon ang ilang partikular na aspekto ng propesyonal na kaalaman, kaya lamang nilang maunawaan ang literal na kahulugan nito; mangangailangan ng panahon ng pagsasagawa bago magawang maunawaan ang mga pangunahing punto at diwa. Kung naging dalubhasa ka na sa mga pangunahing punto at diwang ito, dapat direkta mong sabihin ang mga ito sa iba; huwag kang magpaliguy-ligoy at magsayang ng oras sa pagpapasikot-sikot. Responsabilidad mo ito; ito ang dapat mong gawin. Wala kang ililihim, at hindi ka magiging makasarili, kung sasabihin mo sa kanila ang pinaniniwalaan mo na mga pangunahing punto at diwa. Kapag nagtuturo ka ng mga kasanayan sa iba, nakikipag-usap sa kanila tungkol sa iyong propesyon, o nakikipagbahaginan tungkol sa pagpasok sa buhay, kung hindi mo kayang lutasin ang mga makasarili at kasuklam-suklam na mga aspekto ng iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo, na sa ganoong kaso, hindi ka isang taong nagtataglay ng pagkatao, o ng konsensiya at katwiran, o isang taong nagsasagawa sa katotohanan. Dapat mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at marating ang punto kung saan ikaw ay wala nang taglay na mga makasariling motibo, at isinasaalang-alang lang ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Masyadong nakakapagod kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at mamumuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon gaya ng mga walang pananampalataya. Ang kompetisyon ay laganap sa mga walang pananampalataya. Ang pagiging dalubhasa sa diwa ng isang kasanayan o isang propesyon ay hindi simpleng bagay, at kapag nalaman ito ng ibang tao, at naging dalubhasa siya mismo rito, mamimiligro ang iyong kabuhayan. Para maprotektahan ang kabuhayang iyon, napipilitang kumilos ang mga tao sa ganitong paraan—kailangan nilang maging maingat sa lahat ng oras. Ang pinagkadalubhasaan nila ang kanilang pinakamahalagang puhunan, ito ang kanilang kabuhayan, ang kanilang kapital, ang pinakamahalaga sa buhay nila, at hindi nila dapat hayaang malaman ito ng iba. Ngunit nananampalataya ka sa Diyos—kung ganito ka kung mag-isip at kumilos sa sambahayan ng Diyos, hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya. Kung hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, at patuloy kang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon, hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung palagi kang mayroong mga makasariling motibo at makitid ang isip mo habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, hindi mo matatanggap ang pagpapala ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkabasa sa salita ng Diyos, napagtanto ko na ang satanikong pilosopiya na “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng guro, mawawalan ng kabuhayan ang guro” ay isang panuntunan na ipinamumuhay ng mga walang pananampalataya, at na ito ay isang makasarili at kasuklam-suklam na paraan ng pagkilos. Kapag sama-samang gumagampan ng isang tungkulin ang mga kapatid, umaasa sila sa mga kalakasan ng isa’t isa para mapunan ang kanilang sariling mga kahinaan, at nagtutulungan sila upang magawa nang maayos ang isang tungkulin. Bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, dapat akong umasal at magsagawa nang naaayon sa salita ng Diyos. Hindi ako maaaring umasa sa aking tiwaling disposisyon para gawin ang gusto ko. Kailangang hayaan kong mag-aral nang maayos ang mga kapatid, ituro sa kanila ang pinakamahahalaga at mga pangunahing kaalaman sa paggawa ng mga video, at hindi magkait ng anuman. Kailangan ko silang pigilang lumihis sa kanilang pagkatuto para mas maaga silang makapagsimula sa paggawa ng video. Ito ang mga responsabilidad at mga tungkulin na dapat kong tuparin. Ito ang layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ang mga bagay na ito, pagdating ng oras para magturo muli sa mga brother, itinuro ko sa kanila ang lahat ng pinakamahalagang punto at mga pangunahing kaalaman na nagawa kong makabisa. Pagkatapos ng ilang panahon, nagkaroon sila ng kaunting pag-usad sa paggawa ng video. Dahil may dalawa pang tao na tumutulong, nadagdagan din ang kahusayan sa aming tungkulin. Bukod pa roon, sa proseso ng pagtuturo sa mga brother, tumibay at tumatag ang sarili kong kasanayan. Natutuhan ko na sa pamamagitan lamang ng pagbitaw sa sarili kong makasarili at kasuklam-suklam na layunin, pagsasagawa ng katotohanan, pag-iisip kung paano magagawa nang maayos ang aking tungkulin, at pagsasaalang-alang kung paano magsasagawa sa isang paraan na kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at kung paano kikilos sa isang paraan na makatutulong sa aking mga kapatid, doon ko lang naramdaman ang kaginhawaan at kapayapaan.
Sa pagbabalik-tanaw, napagtanto ko na namuhay ako sa mga satanikong lason, at naging makasarili ako at malisyoso. Ang aking mga gawi at asal ay hindi kapaki-pakinabang sa mga kapatid ko, o maging sa gawain ng iglesia, kundi, nakagugulo ang mga ito at nakasisira, at talagang nakasasakit sa puso ng Diyos. Ang salita ng Diyos ang nagbigay-daan sa akin para magkamit ng kaunting pagkaunawa kung gaano ako kamalisyoso at kamakasarili, at para maunawaan kung ano ang normal na pagkatao, ano ang dapat na hinahangad ng mga nananampalataya sa Diyos, kung paano sila dapat umasal, at kasabay nito, binigyan ako nito ng ilang tunay na pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Noong mapagmatigas at mapaghimagsik ako, at nabubuhay sa aking tiwaling disposisyon, itinago ng Diyos ang mukha Niya sa akin, ngunit noong nagsisi ako at umamin sa Diyos at nagsagawa ayon sa Kanyang salita, nagsimula Siyang gumawa muli sa akin at ginamit Niya ang Kanyang salita upang bigyang-liwanag at tanglawan ako na makilala ang aking sarili. Napagtanto ko kung gaano katunay at kapraktikal ang pagliligtas ng Diyos!