98. Mga Natutuhang Aral Mula sa Pag-atake sa Iba Bilang Paghihiganti
Noong 2021, kami ni Sister Sofia ang namamahala sa gawaing pangvideo ng iglesia. Mas may mga teknikal siyang kasanayan at karanasan kaysa sa akin, kaya lumalapit ako sa kanya para maghanap ng pakikipagbahaginan tuwing nahaharap ako sa mga problema o paghihirap. Minsan noong ginagawa ko ang isang video, nakagawa ako ng medyo simpleng pagkakamali, at nang malaman niya, dumating siya para tulungan akong lutasin ito. Habang inaasikaso ito tinanong niya ako, “Matagal mo nang ginagawa ang tungkuling ito, paano mo nagawa ang ganito kasimpleng pagkakamali?” Sa loob-loob ko ay nakadama ako ng kaunting paglaban—tinanong niya ako kaagad nang ganoon, na para bang talagang wala akong kasanayan. Hinahamak ba niya ako, at sinasadyang punteryahin ako? Inayos ko naman ang problema kalaunan, pero nanlalaban ako habang ginagawa ko ito. Ilang araw ang nakalipas pagkatapos noon, nagkaroon din ng parehong problema ang ilang kapatid. Noong ibinubuod sa isang pagtitipon ang mga isyu ng gawain, ginamit ni Sofia ang pagkakamali ko bilang halimbawa para sa pagsusuri. Lalo pa akong naging mapanlaban sa kanya noon, iniisip na, “Ano’t anuman, isa ako sa mga superbisor, kaya ano na lang ang iisipin ng iba sa akin sa pagsasabi mo ng pagkakamali ko sa harap ng lahat? Igagalang pa rin ba nila ako? Mukhang sinasadya mong ipahiya ako.” Ayaw ko nang makipag-usap sa kanya pagkatapos noon, at ayaw ko na siyang tanungin tungkol sa mga problemang nahihirapan akong lutasin. Sa aming mga pagtatalakayan sa gawain umaalis ako pagkatapos na pagkatapos namin, dahil ayaw kong makipag-usap pa sa kanya. Noong hinanap niya ako para talakayin ang mga kalagayan ng isa’t isa, pinilit ko lang ang sarili ko na magsabi ng iilang bagay para pakitunguhan siya, at hindi ako makapaghintay na tapusin na niya ito kaagad.
Kalaunan, tinanggal ako sa aking posisyon dahil sa paghahangad sa kasikatan at katayuan sa halip na gumawa ng tunay na gawain. Makalipas ang ilang panahon, tinanong ni Sofia ang kalagayan ko at nagtapat ako sa pagbabahaginan tungkol sa pagninilay-nilay at pagkaunawa ko pagkatapos matanggal. Inakala kong pagagaanin niya ang loob ko at hihimukin ako, pero nakagugulat na sinabi niya, “Naging mas maagap ka sa tungkulin mo kamakailan, pero mababaw ang pagkaunawa mo. Hindi mo pa talaga pinagnilayan at naunawaan ang ugat ng mga kabiguan mo. Sinabi ko ito sa isa pang sister, at sumang-ayon siya.” Nakakahiyang marinig siyang inilalantad nang napakadirekta ang mga problema ko. Naisip ko, “Hindi mo talaga isinasaalang-alang ang mga damdamin ko. Sa pagsasabi nito sa harap ng mga kapatid, hindi ba’t sinasadya mong subukang sirain ang imahe ko?” Napuno ako ng paglaban, at hindi nakinig sa kahit isang salita niya mula noon. Sumagot ako nang kaunti sa kanya, pero nagkikimkim ako ng malaking galit. Naisip ko na dahil tinrato niya ako nang ganoon, sa susunod ay ipatitikim ko sa kanya ang ginagawa niya, kapag nagkaroon ako ng pagkakataon. Mula noon, bukod sa mga bagay na kailangan naming talakayin tungkol sa gawain, ginawa ko ang makakaya ko para huwag makipag-usap sa kanya. Ni ayaw ko nang marinig pa ang boses niya.
Isang hapon, nagmensahe sa group chat namin ang isang sister na kailangan niyang makipag-usap sa akin kaagad. Ginagawa ko ang isang video at hindi ko kaagad nakita ang mensahe, na nakaantala sa gawain. Nalaman ni Sofia ang tungkol doon at tumawag siya para tanungin kung bakit hindi ako tumugon kaagad, tapos sinabi niya, “Nakikita kong gaya pa rin ng dati ang problema mo. Hindi ka kaagad sumasagot sa mga mensahe at minsan, hindi ka namin mahanap. Talagang importante ang proyektong ito na pinamamahalaan mo—huwag mo nang ipagpaliban ito….” Pero talagang nanlalaban ako, iniisip na, “Iresponsable ako sa tungkulin ko dati, nakatuon lamang sa sarili kong gawain, pero pagkatapos matanggal ay binigyang-pansin ko ang pagbabago sa mga bagay. Hindi ba’t binabalewala ng pagsasabi niyan sa akin ang lahat ng pagsisikap ko kamakailan? Hinahamak mo ba ako at inaakalang hindi ko hinahangad ang katotohanan?” Mas tumindi ang pagkiling ko laban sa kanya. Minsan noong nakita kong nagpadala siya ng mensahe sa akin tungkol sa gawain, ni ayaw kong sumagot. Hindi nagtagal, hiningi ng lider na sumulat kami ng isang pagsusuri kay Sofia. Nadama kong dumating na ang pagkakataon ko. Palagi niya akong inilalantad, pero sa pagkakataong ito, maisisiwalat ko ang mga problema niya at ipapaalam ko sa kanya kung paano mapahiya. Kaya inilista ko nang detalyado ang mga isyu niya at tumuon sa kung paano niya binabalewala ang damdamin ko sa kanyang mga pananalita at kilos, dagdag pa ang mga paraan na hindi siya gumawa ng tunay na gawain. Pagkatapos basahin ang mga ebalwasyon namin, tinukoy ng lider kay Sofia ang mga problema niya, at sadyang nagsikap si Sofia na magbago. Pero hindi ko pa rin mabitiwan ang pagkiling ko laban sa kanya. Kaya minsan, ginamit ko ang pagkakataon para ibahagi ang mga salita ng Diyos sa isang pagtitipon upang ibulalas ang mga pagkiling at opinyong kinimkim ko laban sa kanya. Sa pagtitipon na iyon ay pinagbahaginan namin ang mga pag-uugaling nauugnay sa paglilimita sa iba, at naisip ko kung paanong hindi kailanman isinaalang-alang ni Sofia ang damdamin ko sa anumang sinabi niya, kaya gusto kong tukuyin siya para makita ng lahat na marami rin siyang isyu, at hindi siya mas magaling kaysa sa akin. Pasimple ko siyang inilantad, nagsasabing, “Maaaring superbisor at may mga teknikal na kasanayan ang isang tao, pero puwede pa rin siyang maging walang respeto sa paraan kung paano siya nagsasalita at kung paano niya tinutukoy ang mga problema ng iba. Minsan puwede pa siyang magkaroon ng napakamapanghusgang tono, sinasabing mali ang ganito at ganoon sa isang tao, na nagdudulot sa isang tao na madamang napipigilan siya sa kanyang tungkulin. Nakakalimita rin iyon sa mga tao, at hindi direktang ginugulo ang buhay iglesia. Kailangan din nating makilatis ang ganitong uri ng tao.” Pakiramdam ko ay nakapagbulalas ako ng saloobin, pero nagkaroon ng katahimikan nang ilang minuto—wala nang nagsabi ng higit pang pagbabahaginan. Medyo nabagabag ako—Nag-aalala ako na baka hindi naging angkop ang pagbabahagi ko. Pero naisip ko, totoo ang lahat ng sinabi ko, kaya hindi puwedeng may hindi wasto rito. Kinalimutan ko na ito.
Nakagugulat, makalipas ang ilang araw, tinawagan ako ng lider at ibinahaging naging mapanghusga ako kay Sofia sa isang paligoy-ligoy na paraan sa pagtitipon na iyon, at na ito ay pag-atake at pagkondena sa kanya. Puwedeng napakasakit niyon sa kanya, at maaaring magdulot sa ilang kapatid na kumampi sa akin, magkakaroon ng pagkiling laban kay Sofia at hindi na magagawang makipagtulungan sa kanya sa gawain. Nakakasira at nakakagambala ito. Talagang kinabahan at natakot ako nang marinig ko ang paghihimay ng lider. Alam ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang kaswal na pagkondena at paghimay sa isang tao sa isang pagtitipon ay nakagagambala at nakagugulo sa buhay iglesia, at paggawa iyon ng kasamaan. Alam kong malubha ang kalikasan ng usaping ito. Nang natapos na ang pag-uusap namin, nakakita agad ako ng mga nauugnay na salita mula sa Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang ganitong pangyayari kung saan ang isang tao ay basta-bastang kinokondena, binabansagan, at pinapahirapan ay madalas na nangyayari sa bawat iglesia. Halimbawa, may ilang tao na nagkikimkim ng pagkiling laban sa isang partikular na lider o manggagawa, at para makaganti, nagkokomento sila tungkol dito habang nakatalikod ito, nilalantad at hinihimay ito habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Mali ang intensiyon at mga layon sa likod ng mga gayong kilos. Kung tunay na nakikipagbahaginan ang isang tao tungkol sa katotohanan para magpatotoo sa Diyos at para makinabang ang iba, dapat siyang makipagbahaginan tungkol sa sarili niyang mga totoong karanasan, at magbigay ng pakinabang sa iba sa pamamagitan ng paghihimay at pagkilala sa sarili niya. Ang gayong pagsasagawa ay nagbubunga ng mas magagandang resulta, at sasang-ayunan ito ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung ang pakikipagbahaginan ng isang tao ay naglalantad, bumabatikos, at nanghahamak sa ibang tao para saktan o gantihan ito, mali ang intensiyon ng pakikipagbahaginan, ito ay hindi makatarungan, kinapopootan ng Diyos, at hindi nakakapagpatibay sa mga kapatid. Kung ang intensiyon ng isang tao ay ang kondenahin ang iba o pahirapan ang mga ito, isa siyang masamang tao at gumagawa siya ng masama. Ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na may pagkilatis sa masasamang tao. Kung sadyang inaatake, inilalantad, o minamaliit ng isang tao ang mga tao, dapat siyang tulungan nang may pagmamahal, dapat makipagbahaginan sa kanya at himayin siya, o pungusan siya. Kung hindi niya matanggap ang katotohanan at matigas siyang tumatangging baguhin ang mga gawi niya, ganap na iba nang usapin ito. Pagdating sa masasamang tao na madalas na basta-bastang kinokondena, binabansagan, at pinapahirapan ang iba, dapat silang ilantad nang lubusan, para matutuhan ng lahat na makilatis sila, at pagkatapos, dapat silang pigilan o patalsikin sa iglesia. Mahalaga ito, dahil ginugulo ng mga gayong tao ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia, at malamang na ilihis nila ang mga tao at magdulot sila ng kaguluhan sa iglesia” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 15). “Ang pag-atake at paghihiganti ay isang uri ng pagkilos at pagbubunyag na nagmumula sa mapaminsalang satanikong kalikasan. Isa rin itong uri ng tiwaling disposisyon. Ganito mag-isip ang mga tao: ‘Kung hindi ka mabait sa akin, gagawan kita ng masama! Kung hindi mo ako pakikitunguhan nang may dignidad, bakit kita pakikitunguhan nang may dignidad?’ Anong klaseng pag-iisip ito? Hindi ba’t isa itong mapaghiganting klase ng pag-iisip? Sa pananaw ng isang karaniwang tao, hindi ba’t tama ang ganitong perspektiba? Hindi ba’t makatwiran ito? ‘Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake,’ at ‘Ito ang karma mo’—madalas na sabihin ng mga walang pananampalataya ang gayong mga bagay; sa kanila, ang lahat ng ito ay mga pangangatwirang tama at lubos na umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Subalit paano nga ba dapat tingnan ng mga naniniwala sa Diyos at ng mga naghahangad sa katotohanan ang mga salitang ito? Tama ba ang mga ideyang ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? Paano ba dapat kilatisin ang mga ito? Saan ba nanggagaling ang mga bagay na ito? (Mula kay Satanas.) Walang pagdududang nanggagaling ang mga ito kay Satanas. Sa aling mga disposisyon ni Satanas nagmumula ang mga ito? Nagmumula ang mga ito sa malisyosong kalikasan ni Satanas; nagtataglay ang mga ito ng lason, at tinataglay ng mga ito ang totoong mukha ni Satanas na puno ng pagkamalisyoso at kapangitan. Naglalaman ang mga ito ng ganitong uri ng kalikasang diwa. Ano ang katangian ng mga perspektiba, kaisipan, pagbubunyag, pananalita, at pati na rin ng mga kilos na naglalaman ng ganoong uri ng kalikasang diwa? Walang duda na ito ang tiwaling disposisyon ng tao—ito ang disposisyon ni Satanas. Nakaayon ba sa mga salita ng Diyos ang mga satanikong bagay na ito? Umaayon ba ang mga ito sa katotohanan? May batayan ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Ang mga ito ba ang mga pagkilos na dapat gawin ng mga sumusunod sa Diyos, at mga saloobin at pananaw na dapat nilang taglayin? Ang mga kaisipan at paraan ng pagkilos na ito ay naaayon ba sa katotohanan? (Hindi.) Yamang hindi naaayon sa katotohanan ang mga bagay na ito, naaayon ba ang mga ito sa konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao? (Hindi.)” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago). Nang ikompara ko ang naging pag-uugali ko sa inilantad ng mga salita ng Diyos, talagang natakot ako. Sa aking mga pakikipag-ugnayan kay Sofia, noong ginamit niya ang pagkakamali ko sa gawain bilang halimbawa at sinuri ito sa harap ng lahat, nadama kong ipinahiya ako at kinamuhian ko siya at ayaw ko nang makipag-usap sa kanya. Binabalewala ko lang siya sa mga talakayan tungkol sa gawain. Noong nakita niya ang mga isyu ko at sobrang tahasang tinukoy ang mga pagkukulang ko, at sinabi pa niya sa isa pang superbisor ang tungkol sa mga problema ko, galit na galit ako. Nadama ko na sa isang sandali, winasak niya ang magandang imaheng sobrang pinagsikapan kong itatag, at nakadama ako ng gayong paglaban na ayaw ko pa ngang marinig ang boses niya. Noong binanggit niya na hindi ako kaagad sumasagot sa mga mensahe at binalaan akong huwag ipagpaliban ang gawain gaya nang dati, nadama kong nililimitahan niya ako, itinatangging nagbago na ako, at sinasadyang pahirapan ako. Kaya ibinulalas ko sa pamamagitan ng aking tungkulin ang pagkadismaya ko, sinasadyang hindi sumagot sa kanya. Lalong naging matindi ang pagkiling ko laban kay Sofia; punong-puno ako ng sama ng loob sa kanya. Noong hiniling ng lider na magsulat kami ng pagsusuri kay Sofia, inabuso ko ang pagkakataon para sabihin ang isang personal na hinaing, binibigyang-diin ang mga pagkakamali niya para pungusan siya ng lider o kahit tanggalin pa siya, at ibinulalas ko ang pagkadismaya ko. Dahil gusto kong makapaghiganti sa kanya, kinuha ko ang pagkakataon sa isang pagbabahaginan sa mga salita ng Diyos para husgahan siya bilang nagtataglay ng mahinang pagkatao, hinihimok ang iba na kilatisin at ibukod siya para maibulalas ko ang galit ko. Nakita ko na nagbunyag ako ng isang malupit na disposisyon. Alam ko na ang pagtukoy ni Sofia sa mga isyu ko ay pagiging responsable niya sa gawain ng iglesia at sa pagtulong sa akin na makilala ang sarili ko, pero hindi ko ito tinanggap o nagpasakop dito. Nagwala ako at ginamit ang tungkulin ko para ibulalas ang pagkadismaya ko, ginagamit pa nga ang pagbabahagi ko ng mga salita ng Diyos para atakihin at supilin siya. Sa paggawa niyon, sinusubukan kong bumuo ng pagkakampihan, na gumagambala at gumugulo sa buhay iglesia. Dahil lamang nasaktan ng ilang salita mula kay Sofia ang pride ko, aatakihin ko na siya bilang ganti, hinahangad na parusahan siya. Masyado akong nakasisindak! Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Nakakain at nakainom na ako ng napakaraming salita ng Diyos, pero ni hindi ko matanggap ang ilang wastong mungkahi. Talaga bang isa akong mananampalataya? Palagi kong sinusunod ang mga satanikong pilosopiya na ito: “Kung hindi ka mabait, hindi ako magiging patas” at “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake.” Nagbubulalas lang ako ng pagkadismaya nang wala talagang isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang isinasabuhay ko ay isang tiwaling maka-satanas na disposisyon, na wala man lang kahit katiting na wangis ng tao. Talagang nakokonsensiya at mabigat ang loob ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, gustong magsisi at bitiwan ang aking pagkiling laban kay Sofia. Sa loob ng ilang araw, noong nagkaroon ako ng pagkakataon, inisip ko kung bakit magkasundong-magkasundo kami noong una, pero ngayon ay naging sobrang iritable ako sa kanya. Alam kong nagsasabi siya ng katotohanan sa pagpupungos sa akin—marahil ay naging malupit siya sa kanyang tono, pero hindi ito malaking usapin. Bakit hindi ko ito matanggap, at bakit aatakihin ko pa siya para maghiganti?
Sa aking paghahanap ay nakita ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Kapag nahaharap sa pagpupungos ang mga anticristo, kadalasan ay nagpapakita sila ng matinding pagtutol, at pagkatapos ay tinatangka nilang gawin ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at gumagamit sila ng mga maling argumento at mahusay na pananalita para ilihis ang mga tao. Medyo karaniwan ito. Ang pagpapamalas ng pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang katotohanan ay lubos na naglalantad sa kanilang satanikong kalikasan na pagkamuhi at pagiging tutol sa katotohanan. Ganap na kauri sila ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nabubunyag ang kanilang disposisyon at diwa. Lalo na sa sambahayan ng Diyos, lahat ng ginagawa nila ay kumokontra sa katotohanan, kinokondena ng Diyos, at isang masamang gawa na lumalaban sa Diyos, at lahat ng bagay na ito na ginagawa nila ay lubos na nagpapatibay na ang mga anticristo ay mga Satanas at demonyo. Samakatwid, talagang hindi sila masaya at tiyak na hindi sila handa na tumanggap ng pagpupungos, ngunit dagdag pa sa pagtutol at pagsalungat, kinamumuhian din nila ang mapungusan, kinamumuhian ang mga nagpupungos sa kanila, at kinamumuhian ang mga naglalantad sa kanilang kalikasang diwa at ang mga naglalantad sa kanilang masasamang gawa. Iniisip ng mga anticristo na sinumang naglalantad sa kanila ay pinahihirapan lang sila, kaya nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban sila sa sinumang naglalantad sa kanila. Dahil sa ganitong kalikasan ng mga anticristo, hindi sila kailanman magiging mabait sa sinumang nagpupungos sa kanila, ni hindi sila magpaparaya o magtitiis sa sinumang gumagawa nito, lalo nang hindi nila pasasalamatan o pupurihin ang sinumang gumagawa nito. Bagkus, kung pinupungusan sila ng sinuman at nawawalan sila ng dignidad at napapahiya sila, magtatanim sila ng galit sa taong ito sa puso nila, at nanaisin nilang maghanap ng pagkakataong paghigantihan siya. Napakalaki ng galit nila sa iba! Ito ang iniisip nila, at hayagan nilang sasabihin sa harap ng iba, ‘Ngayon ay napungusan mo na ako, kaya, ngayon ay nakataga na sa bato ang away natin. Humayo ka kung saan mo gusto, at hahayo ako kung saan ko gusto, pero isinusumpa kong maghihiganti ako! Kung ipagtatapat mo sa akin ang kasalanan mo, magyuyuko ka ng ulo sa akin, o luluhod ka at magmamakaawa sa akin, patatawarin kita, kung hindi ay hinding-hindi ko ito palalagpasin!’ Anuman ang sabihin o gawin ng mga anticristo, hindi nila itinuturing na ang mapagmalasakit na pagpupungos sa kanila ng sinuman o ang taos-pusong tulong ng sinuman bilang pagsapit ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, ang tingin nila rito ay isang tanda ng pagkapahiya, at bilang sandali kung kailan sila lubusang ipinahiya. Ipinapakita nito na hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, ang disposisyon nila ay pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang saloobin ng mga anticristo patungkol sa pagpupungos ay ang tanggihan ito kaagad, ipagtanggol ang kanilang sarili, maging suwail, at tingnan pa bilang kaaway ang taong nagpupungos sa kanila, kaya naghahanap sila ng mga pagkakataon para umatake at maghiganti. Tutol sila sa katotohanan at likas itong kinamumuhian; hindi nila ito tatanggapin kailanman. Totoo ang lahat ng sinabi ni Sofia tungkol sa mga problema at paglihis ko sa aking gawain, kaya anuman ang tono niya o anumang paraan ang ginamit niya, ito ay para tulungan akong makilala ang sarili ko, hindi para sadyang punteryahin ako. Malinaw na hindi ako naging tapat o praktikal sa tungkulin ko, ni hindi ko kinukuha ang responsabilidad sa pagsubabay sa gawain, na nagdulot ng ilang problema sa aming mga video. Sinusuri at hinihimay ni Sofia ang mga problemang ito, para hindi na namin magawang muli ang parehong mga pagkakamali at maantala ang pag-usad ng buong gawain. Napansin niya rin na medyo mababaw ang aking pagkaunawa sa sarili pagkatapos akong matanggal, at tinukoy iyon sa akin dahil sa kabaitan. Ito ay para tulungan akong makilala ng mas mabuti ang sarili ko at tunay na magsisi. Pero sa kanyang pagtukoy sa aking mga problema at pagtulong sa akin nang paulit-ulit, bukod sa hindi ako naging mapagpasalamat, inakala ko rin na sinasadya niyang pahiyain ako at saktan ang dignidad ko. Talagang sumama ang loob ko sa kanya at nagsimulang tratuhin siya na parang kaaway, naghahanap ng paraan para makakita ng mga pagkakataon para maghiganti. Hinimok ko pa nga ang iba na ibukod at tanggihan siya. Gaya ng sa isang anticristo ang mga ginawa ko. Sabik ang mga anticristo sa anumang pambobola, at gustong-gusto nila ang sinumang umaawit ng kanilang mga papuri. Pero habang mas matapat ang isang tao, mas lalo siyang sinusupil at pinarurusahan ng mga anticristo. Sinumang sumasalungat sa kanila o pumipinsala sa kanilang mga interes ay magpapasan ng matinding dagok, at hindi sila titigil hanggang sa humingi ng kapatawaraan ang taong iyon. Nagdudulot ito ng mga kaguluhan at pinsala sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng iba. Hahantong sila sa permanenteng pagtitiwalag ng Diyos dahil sa paggawa ng lahat ng kasamaang iyon, at sa paglabag sa disposisyon ng Diyos. Nasaktan ng sinabi ni Sofia ang aking pagpapahalaga sa reputasyon at katayuan, kaya gusto kong maghiganti. Mukhang ang tanging paraan para mapaglubag ang galit ko ay ang maparusahan siya hanggang sa tanggapin niya ang pagkakamali at tumigil sa “pang-iinis” sa akin. Talagang malisyoso ako! Tutol ako sa katotohanan at nasa landas ng isang anticristo. Kung hindi ko babaguhin ang aking anticristong disposisyon, kapag nagkaposisyon ako, alam ko na gagawa ako ng mas marami pang kasamaan, parurusahan at susupilin ang mas maraming tao, at hahantong ako sa pagsumpa at kaparusahan ng Diyos. Nakikita ko na talagang nakatatakot ang mga kahihinatnan. Kaya nanalangin ako sa Diyos, naghahanap ng isang landas ng pagsasagawa at pagpasok.
Kalaunan, binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kung isa kang taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mararamdaman mo na kailangan mo ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, at na mas higit pa roon, kailangan mo ang tulong nila. Kung isa kang masamang tao, at may nababagabag kang konsensiya, matatakot kang mapangasiwaan at magtatangka kang iwasan ito; hindi ito maiiwasan. Samakatwid, walang duda na ang lahat ng lumalaban at tumututol sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos ay may itinatago, at tiyak na hindi sila matatapat na tao; walang mas higit pang natatakot sa pangangasiwa kaysa samga mapanlinlang na tao. Kaya, anong saloobin ang dapat panghawakan ng mga lider at manggagawa tungkol sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos? Dapat bang ito ay pagiging negatibo, mapagbantay, mapanlaban, at puno ng hinanakit, o dapat bang ito aypagsunod sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at mapagpakumbabang pagtanggap? (Mapagpakumbabang pagtanggap.) Ano ang tinutukoy ng mapagpakumbabang pagtanggap? Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos, paghahanap sa katotohanan, paggamit ng tamang saloobin, at hindi pagiging mainitin ang ulo. Kung talagang may matutuklasang problema sa iyo ang isang tao at ipapaalam ito sa iyo, tutulungan kang makilatis at maunawaan ito, tutulungan kang malutas ang isyung ito, kung gayon, sila ay nagiging responsable para sa iyo, at nagiging responsible para sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos; ito ang nararapat na bagay na dapat gawin, at ganap itong likasat may katwiran. Kung may mga tao na ang tingin sa pangangasiwa ng iglesia ay isang bagay na nagmumula kay Satanas, at mula sa mga mapaminsalang layunin, mga diyablo at Satanas sila. Sa gayong maladiyablong kalikasan, tiyak na hindi nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung tunay na mahal ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng tamang pag-unawa sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, magagawa niya itong ituring bilang isang bagay na ginagawa dahil sa pagmamahal, bilang isang bagay na nagmumula sa Diyos, at matatanggap niya ito mula sa Diyos. Tiyak na hindi siya magiging mainitin ang ulo o kikilos nang pabigla-bigla, at lalong hindi lilitaw sa puso niya ang paglaban, pagiging mapagbantay, o paghihinala. Ang pinakatuwid na saloobin na gagamitin para harapin ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos ay ito: Ang anumang mga salita, kilos, pangangasiwa, pagmamasid, o pagtutuwid—maging pagpupungos—na makakatulong sa iyo, ay dapat mong tanggapin mula sa Diyos; huwag maging mainitin ang ulo. Nagmumula ang pagiging mainitin ang ulo sa kasamaan, mula kay Satanas, hindi ito mula sa Diyos, at hindi ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). Natutuhan ko mula sa mga salita ng Diyos na walang malisya sa pagtukoy ng mga kapatid sa aking mga problema at paglihis. Hindi nila ako pinagtatawanan, kundi inaako ang responsabilidad para sa gawain ng iglesia at sa aking buhay pagpasok. Gaano man kalaki o kaliit ang nauunawaan ko sa mga problemang inilalantad nila, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos, tumatanggap at nagpapasakop muna, hindi nagtutuon masyado sa mga bagay o nagiging mainitin ang ulo at mapaghiganti. Kahit na hindi ko ganap na maunawaan ang mga bagay na sinasabi nila, dapat akong manalangin sa Diyos at patuloy na magnilay, o maghanap ng mga kapatid na may karanasan para makipagbahaginan. Iyon ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Naalala ko kung paano ko hindi direktang inilantad si Sofia sa isang pagtitipon—maaaring nagkaroon ng isang pagkiling laban sa kanya ang ilang kapatid na hindi nakaaalam ng realidad, na makaaapekto sa kanilang pakikipagtulungan sa kanya sa kanilang mga tungkulin. Kaya, inilantad ko ang sarili ko sa isang pagtitipon at hinimay ang mga kilos ko batay sa mga salita ng Diyos, para magkaroon ng pagkilatis ang iba sa ginawa ko. Hinanap ako ni Sofia para pag-usapan ang gawain kalaunan, at ipinagtapat ko sa kanya ang aking pagkiling, ang aking disposisyon na tutol sa katotohanan, pati na rin ang aking mga malisyosong motibo. Nakita ko na mukhang hindi man lang niya ako sinisi o kinamuhian. Hiyang-hiya ako. Mas nagkasundo na kami ni Sofia pagkatapos noon. Kapag inilalahad niya ang mga isyu ko, hindi ko na masyadong iniintindi ang tono ng boses niya—alam ko na kung mabuti ito para sa tungkulin ko, kailangan ko muna itong tanggapin. Minsan wala akong kaalaman sa sandaling iyon, pero mananalangin ako sa Diyos at binibitiwan ang sarili ko, nang walang pakialam sa kahihiyan o pagtatanggol sa usapin ko, at unti-unti ay nauunawaan ko. Sa pakikipagtulungan sa kanya nang ganito, naging mas mahinahon ako sa paglipas ng panahon.
Kalaunan, nagmamadali kong ginawa ang isang video para umabot sa deadline, nang hindi naghahanap ng mga prinsipyo, na nangahulugang may mga problema na humihinging ulitin ang gawain. Isang superbisor, si Sister Nora, ay nagpadala sa akin ng pribadong mensahe na hinihiling na ayusin ko ito, pagkatapos noon, inakala kong lilipas lang ito nang ganito. Pero nagulat akong makita na sa isang pagbubuod ng gawain, nailahad na naman ang mga pagkakamali ko para sa pagsusuri. Inisip ko, nakakahiya ang pagsasabi niya ng mga pagkakamali ko sa harap ng lahat! Nagsimula akong makadama ng pagkiling laban kay Nora, na parang pinalalaki niya ang isang bagay na wala naman at hindi isinasaalang-alang ang dignidad ko. Gusto kong humanap ng dahilan para ipagtanggol ang sarili ko, para hindi mapahiya sa harap ng lahat. Pero napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, at nanalangin ako kaagad sa Diyos para maghimagsik laban sa sarili ko. Pagkatapos manalangin, medyo kumalma ako. Inisip ko: Kailangang ulitin ang gawain dahil pabaya ako sa mga detalye. Ibinabahagi ni Nora ang tungkol dito para paalalahanan ako, para mapagnilayan ko ang sarili kong saloobin sa aking tungkulin. Gayundin, para magamit din ito ng mga kapatid bilang babala para hindi nila magawa ang parehong pagkakamali. Pinoprotektahan niya ang mga interes ng iglesia. Kung magdadahilan ako at bibigyang-katwiran ang sarili ko para hindi mapahiya, at naging may pagkiling laban kay Nora, hindi ba’t magiging tutol ako sa katotohanan at tumatangging tanggapin ito? Alam ko na hindi ako puwedeng magpatuloy na kumilos batay sa isang tiwaling disposisyon. Kaya, ipinagtapat ko sa pakikipagbahaginan sa lahat ang tungkol sa mga detalye ng mga pagkakamaling nagawa ko. Noong matapos ako, nagbahagi sila ng ilang makatutulong na paraan para harapin ang ganoong klaseng mga isyu, at sa mga sumunod na paggawa ko ng video, sinunod ko ang mga mungkahi nila at umiwas na makagawa ng parehong mga pagkakamali. Tunay kong naranasan na ang pagtanggap sa mga mungkahi ng mga kapatid ay kayang pumigil sa ilang hindi kinakailangang pagkakamali at mapabuti ang kahusayan sa gawain. Gayundin, matutulungan ako nitong makilala ang aking sarili at maging kapaki-pakinabang sa aking sariling buhay pagpasok.
Sa pamamagitan nito naranasan ko talaga na mahalaga na magkaroon ng isang saloobin ng pagpapasakop kapag pinupungusan. Kung tama ang sinasabi ng iba at naaayon sa katotohanan, dapat kong isantabi ang pride ko at tanggapin ito at magpasakop nang walang kondisyon. Pero kung basta ko lamang matigas na tinanggihan at labanan ang mapungusan, at nagkaroon ng pagkiling o inaatake pa ang iba nang naghihiganti, pag-uugali iyon ng isang masamang tao at isang anticristo, at kokondenahin at ititiwalag ako ng Diyos kung hindi ako magsisisi. Dati, walang nagtutukoy sa akin ng mga problema ko nang sobrang direkta, at hindi ko kilala ang sarili ko. Akala ko ay may mabuti akong pagkatao at kayang tumanggap ng katotohanan. Ngayon ay nakikita kong tutol ako sa katotohanan at walang mabuting pagkatao. Ang nakamit at natutuhan ko ngayon ay pawang dahil sa paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!