36. Paano Ko Nilutas ang Pagkasupil
Noon, isang aytem ng gawain lang sa iglesia ang ginagawa ko, at hindi mabigat ang gawain at medyo madali ito, kaya pakiramdam ko ay medyo mabuti na gumawa ng tungkulin nang ganito. Kalaunan, nahalal ako bilang superbisor ng ebanghelyo. Nakita ko na maraming gampaning kailangang subaybayan bawat araw ang sister na katuwang ko. Kailangan niyang magbigay ng napapanahong pagbabahagi para lutasin ang mga problema o mga kalagayan at paghihirap ng mga kapatid kapag may natutuklasan na mga ganito, maglinang ng mga manggagawa ng ebangheyo, regular na magbigay ng mga buod ng gawain, at iba pa. Punung-puno ang kanyang pang-araw-araw na iskedyul. Napapagod na ang utak ko sa panonood lang sa kanya. “Ganito ba ang magiging kalagayan ng tungkulin ko sa hinaharap? Dahil sa napakaraming detalyadong gampanin, hindi ba’t kailangang tuloy-tuloy na umandar ng utak ko araw-araw? Dagdag pa rito, kapag lumilitaw ang mga problema, kailangan kong hanapin ang katotohanan para lutasin kaagad ang mga iyon. Pero mababaw ang buhay pagpasok ko, at wala akong katotohanan tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo. Para akuin ang tungkuling ito, hindi ko alam kung gaanong pagdurusa ang kakailanganing tiisin ng aking laman!” Nakadama ako ng sobrang presyur, at mayroon lang kaunting kasigasigan na aktibong gampanan ang darating na gawain.
Isang gabi pagkatapos ng gawain, nakadama ako ng kahungkagan sa loob ko at hindi maipaliwanag ang inis ko. Sa pag-iisip ko tungkol sa mga hirap at problemang kakaharapin ko sa paparating na gawain, medyo nakadama ako ng pagkasupil at bigat ng loob. Napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, hindi mapanatag ang puso ko, nakakaramdam ako ng pagkasupil at pagkairita, at hindi normal ang kalagayan ko. O Diyos, idinadalangin kong gabayan Mo ako palabas ng kalagayang ito. Amen!” Pagkatapos manalangin, binuksan ko ang aklat ng mga salita ng Diyos at binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung palaging naghahangad ng pisikal na kasiyahan at kaginhawahan ang mga tao, at ayaw nilang magdusa, kung gayon, maging ang katiting na pisikal na pagdurusa at dagdag na pagod, o ang pagdurusa nang medyo higit kaysa sa iba ay magpaparamdam sa kanila ng pagkapigil. Isa ito sa mga sanhi ng pagkapigil. Kung hindi ituturing ng mga tao ang kaunting pisikal na pagdurusa bilang isang malaking bagay, at hindi sila maghahangad ng pisikal na kaginhawahan, sa halip ay hahangarin nila ang katotohanan at hahangaring tuparin ang kanilang mga tungkulin upang mapalugod ang Diyos, kadalasan ay hindi sila makadarama ng pisikal na pagdurusa. Kahit pa minsan ay mararamdaman nilang medyo abala, pagod, o patang-pata sila, pagkatapos nilang makatulog nang kaunti at magising nang may panibagong sigla, magpapatuloy sila sa kanilang gawain. Magtutuon sila sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain; hindi nila ituturing ang kaunting pisikal na pagkapagod na malaking isyu. Subalit, kapag umuusbong ang isang problema sa pag-iisip ng mga tao at palagi silang naghahangad ng pisikal na kaginhawahan, anumang oras na medyo maagrabyado o hindi makuntento ang kanilang katawan ay uusbong ang ilang negatibong emosyon sa kanila. Kaya, bakit laging nakukulong sa negatibong emosyong ito na pagkapigil ang ganitong uri ng tao, na palaging gustong gawin ang gusto niya at bigyang-layaw ang kanyang laman at magpakasaya sa buhay, sa tuwing hindi siya kontento? (Ito ay dahil naghahangad siya ng kaginhawahan at pisikal na kasiyahan.) Totoo iyan sa ilang tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). “Sa lipunan, sino ang mga taong hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain? Sila ang mga walang ginagawa, ang mga hangal, tamad, basagulero, sanggano, at tambay—mga ganyang tao. Ayaw nilang matuto ng anumang kasanayan o abilidad, at ayaw nilang pumasok sa mga seryosong propesyon o maghanap ng trabahong makapagbibigay-kakayahan sa kanila na maitawid ang kanilang pamumuhay, ang tanging gusto nila ay magpalaboy-laboy at iraos lang ang kanilang mga araw. Sila ang mga batugan at palaboy ng lipunan. Pumupuslit sila sa iglesia, at gusto pa rin nilang umani nang hindi nagtatanim at magpasarap sa buhay, at gustong magkamit ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay mga oportunista. Ang mga oportunistang ito ay hindi kailanman handang gumawa ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi masusunod ang gusto nila, kahit bahagya lang, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Palagi nilang ninanais na makapamuhay nang malaya; ayaw nilang gumampan ng anumang uri ng gawain, pero gusto pa rin nilang kumain ng masasarap na pagkain at magsuot ng magagandang kasuotan, at kumain ng anumang naisin nila at matulog kailan man nila gusto. Ayaw nilang magtiis ng ni katiting na paghihirap at nagnanais lang sila ng buhay na mapagpalayaw. Labis pa ngang nakakapagod sa mga taong ito ang mabuhay; nagagapos sila ng mga negatibong emosyon. Madalas silang nakakaramdaman ng pagkapagod at pagkalito dahil hindi nila magawa ang gusto nila. Ayaw nilang asikasuhin ang kanilang marapat na gawain o pangasiwaan ang mga marapat na usapin; ayaw nilang manatili sa isang trabaho at paulit-ulit itong gawin mula simula hanggang katapusan, na tratuhin ito bilang isang gawain na nakaatang sa kanila at sarili nilang tungkulin, bilang kanilang obligasyon at responsabilidad, at ayaw nila itong gawin nang maayos at na magbunga ng mga resulta, nakakamit ang pinakamagandang bisa na maaari. Hindi sila kailanman nag-isip nang ganyan. Gusto lang nilang kumilos nang pabasta-basta at na gamitin ang tungkulin nila bilang paraan para kumita ng ikabubuhay. Kapag nahaharap sila sa kaunting regulasyon o presyur, o kapag hiniling sa kanila na pumasan ng responsabilidad o kapag medyo mas mataas ang pamantayan sa kanila, nagiging hindi sila komportable, at pakiramdam nila ay pinipigilan sila—lumilitaw ang negatibong emosyong ito sa kalooban nila. Pakiramdam nila, ang pamumuhay sa kapaligiran ng buhay iglesia ay nagpapahirap at nakapipigil” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Lubos akong nakadama ng bigat ng loob at pagkabahala sa pagninilay-nilay ko ng mga salita ng Diyos. Nakita ko na sa mga mata ng Diyos, ang mga palaging naghahanap ng kaginhawahan sa kanilang tungkulin at nahuhulog sa kalagayan ng pagkasupil kapag nagdurusa nang kaunti ay mga taong hindi inaasikaso nang maayos ang kanilang gawain at mga oportunistang palihim na nakapasok sa sambahayan ng Diyos. Sa pagninilay-nilay ko sa aking kalagayan at sa kung ano ang nabunyag tungkol sa akin sa panahong ito, napagtanto ko na ako mismo ang klase ng taong inilantad ng Diyos. Hindi ko pa opisyal na natatanggap ang isang gampanin; nakita ko lamang ang sister na katuwang ko na maraming pinapangasiwaang gampanin. Kailangan niyang magsikap, mag-isip mabuti, at pigain ang utak niya bawat araw, at kailangan niya ring lutasin ang mga kalagayan at problema ng mga kapatid sa pamamagitan ng pagkikipagbahaginan sa katotohanan. Nabagabag ako dahil parang napakaabala at nakakapagod ang lahat ng iyon. Noong isipin ko kung paanong kailangan ko mismong akuin ang responsabilidad para sa mga detalyadong gampaning ito, nakadama ako ng pagkasupil at bigat ng loob, at ayaw kong akuin ang pasaning ito. Pero alam ko na agarang layunin ng Diyos ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at na ang lahat ng may konsensiya at katwiran na naghahangad sa katotohanan ay isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos, aktuwal na nagtitiis ng pagdurusa at nagbabayad ng halaga, at nag-aambag ng kanilang bahagi rito. Ngayong tinanggap ko na ang tungkuling ito, kailangan kong isaalang-alang kung paano aakuin ang gawaing ito sa lalong madaling panahon, gaya ng paglilinang sa mga tao, paglutas sa kanilang mga kalagayan at paghihirap, pagwawasto sa mga problema at paglihis sa gawain, at iba pa. Ito ay mga gampaning hindi ko pa nakaharap dati, kaya kailangan kong maunawaan ang mga ito at maging pamilyar sa mga ito nang paunti-unti. Pero wala ako ng mga positibong pagsasagawang iyon, at buong araw akong nag-alala na lalong magdurusa ang laman ko, na nagdulot na mahulog ako sa isang kalagayan ng pagkasupil. Napapabayaan ko talaga ang aking wastong gawain! Masyado akong nakonsensiya dahil sa mga kaisipang ito, kaya lumapit ako sa harap ng Diyos para manalangin, hinihingi sa Diyos na bigyan ako ng pakiramdam ng pasanin at ng determinasyon na magtiis ng pagdurusa para kayanin kong akuin ang gawaing ito.
Sa simula, medyo aktibo ako, ginagawang pamilyar ang sarili ko sa iba’t ibang prinsipyo at sinasangkapan ang sarili ko ng katotohanan ng pangangaral ng ebanghelyo para lutasin ang mga problema. Bagaman mahirap ito, sa pamamagitan ng pananalangin at pagtitiwala sa Diyos, nagawa kong magkamit nang kaunti, at bawat araw ay medyo nakasisiya. Pero makalipas ang ilang panahon, natuklasan ko na higit sa inaasahan ko ang mga detalyadong gampanin. Noong dumating na ang oras para ibuod ang gawain, nakita ko na napakaraming problema na kailangang lutasin, at nalula ako. Halimbawa, hindi naarok ng mga manggagawa sa ebanghelyo ang mga prinsipyo ng kanilang mga tungkulin, hindi nila alam kung paano sagutin ang mga tanong ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hindi maganda ang kalagayan ng ilang tao, at iba pa. Kailangan ng matinding pag-iisip para lutasin ang lahat ng isyung ito sa pamamagitan ng isa-isang pagbabahaginan. Bukod doon, halos wala akong karanasan, at ang paghahanap ng mga nauugnay na prinsipyo para lutasin ang mga isyung ito at paghahanap ng paraan para sagutin nang epektibo ang mga katanungan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay nangailangan ng matinding pag-iisip! Nakadama ako ng matinding presyur, at habang nakatitig ako sa computer, hindi ko maiwasang isipin, “Mangangailangan ng masinsinang pagsasaalang-alang at sakripisyo para lutasin ang bawat problemang darating sa hinaharap. Napakahirap ng tungkuling ito para sa akin. Gusto ko lamang maging isang ordinaryong tagasunod. Hindi ba puwedeng tumutok lang ako sa pangangaral ng ebanghelyo at umako ng mas simpleng tungkulin?” Noong panahong iyon, tuwing umaga, kapag iminumulat ko ang aking mga mata, nalulula ako sa napakaraming gawaing pangangasiwaan, at maging sa mga panaginip ko, nagbabahagi ako para lutasin ang mga problema. Unti-unti, lalo akong nakaramdam ng pagkapagod sa tungkulin ko, labis na nawalan ng lakas ang puso ko, at lalong tumindi ang mga mapanupil na negatibong emosyon. Bawat araw, nag-aasam ako ng mas kakaunting gampanin at mas kakaunting problema para hindi na ako masyadong mapagod. Ilang sunod-sunod na araw na blangko ang isip ko buong araw, pinipilit lang ang sarili ko na gawin ang tungkulin ko. Maliit lang ang pagkaramdam ng puso ko sa pasanin, at palagi kong ipinagpapaliban ang mga problemang kailangang lutasin. Kapag sinusuri ang gawain, hindi ko matukoy ang anumang isyu; parang isang bloke ng kahoy ang utak ko, at napakababa ng aking kahusayan sa gawain. Kahit ang pananalangin at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay hindi nagdala ng kaliwanagan o liwanag, at talagang madilim ang espiritu ko. Napansin din ng mga kapatid na may mali sa kalagayan ko at tinanong nila ako, “Ano bang nangyayari sa kalagayan mo nitong mga nagdaang araw? Palagi kang inaantok at hindi ka masyadong aktibo sa pagbabahaginan sa mga pagtitipon.” Nang marinig kong sinabi nila ito, lalo akong nabagabag, at napaisip ako kung bakit ako naging ganito. Nawala ko na ba ang gawain ng Banal na Espiritu? Isinantabi at binalewala na ba ako ng Diyos? Kalaunan, sa pamamagitan ng paghahanap, sa wakas ay nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko.
Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang pagkakaroon ng mga negatibong emosyon ay nagpapatunay na mayroong problema, at kapag mayroong problema, dapat mo itong lutasin. Palaging may daan at landas para malutas ang mga problemang dapat lutasin—puwedeng-puwedeng malutas ang mga ito. Nakadepende lang ito sa kung kaya mong harapin ang problema at kung nais mo itong lutasin o hindi. Kung nais mo itong malutas, walang problema na napakahirap na hindi ito malulutas. Lumalapit ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan sa Kanyang mga salita, at nalulutas mo ang lahat ng suliranin. Gayumpaman, hindi ka lamang hindi matutulungan ng iyong kawalan ng pag-asa, pagkasira ng loob, depresyon, at pagpipigil na malutas ang iyong mga problema, sa kabaligtaran, maaari pa ngang mas lalong lumubha ang iyong mga problema, at lumala nang lumala. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). “Sa huli, ang nais Kong sabihin sa inyo ay: Huwag hayaan ang isang pansamantalang emosyon na makaapekto sa iyong panghabang-buhay na paghahangad sa katotohanan at makasira sa pag-asa mo para sa kaligtasan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang emosyon mong ito ay hindi lamang hindi positibo, kundi, para maging mas tumpak, sa katunayan, ito ay salungat sa Diyos at sa katotohanan. Maaaring isipin mo na ito ay isang emosyon sa loob ng normal na pagkatao, pero sa mga mata ng Diyos, hindi ito isang simpleng usapin ng emosyon, kundi isang paraan ng pagkontra sa Diyos. Ginagamit ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito bilang paraan para labanan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kaya, sapagkat handa kang hangarin ang katotohanan, dapat mong maingat na suriin ang iyong sarili upang makita kung inookupa ba ng mga negatibong emosyon ang puso mo, dahilan para patuloy mong mapagmatigas at hangal na kontrahin ang katotohanan at makipagkompetensiya sa Diyos. Kung, sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili, tunay mong napagtanto na nalilimitahan pa rin ang puso mo ng mga negatibong emosyon, kung gayon, hinihiling Ko sa iyo na bitiwan muna ang mga ito. Huwag nang gumawa ng mga palusot para panghawakan ang mga iyon, at higit pa rito, huwag ituring ang mga ito bilang normal na kalagayan ng pag-iisip, kung hindi, sisirain ng mga ito ang kinabukasan at hantungan mo, at sisirain ng mga ito ang pagkakataon at pag-asang mayroon ka sa paghahangad sa katotohanan at pagkamit ng kaligtasan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). Napakalinaw na nagsalita ang Diyos. Maaaring mukhang maliit na isyu ang mga negatibong emosyon, pero lubha nitong naaapektuhan ang paghahangad ng isang tao sa katotohanan at ang kanyang pagtupad sa tungkulin. Inakala ko dati na nakakaranas ng mga negatibong emosyon ang lahat, na mga paghahayag lamang ito ng mga kaisipan at ideya sa ilang kapaligiran, at na hindi ito isang malaking problema. Kaya nang makita ko na inilantad ng Diyos na maaaring magdulot ang mga negatibong emosyon na labanan ng isang tao ang katotohanan at ang Diyos, at na makasisira ang mga ito sa pagkakataong maligtas ng taong iyon, wala ako gaanong tunay na karanasan o pagkaunawa sa aking puso. Sa pagninilay-nilay ko sa nabunyag tungkol sa akin sa panahong ito, nagsimula akong maantig. Nang makita ko ang maraming gawain at kung gaano karami ang mga proyekto, inisip ko na magdadala ng pagdurusa at pagkapagod sa laman ko ang pagtupad sa tungkuling ito, at nakadama ako ng pagkasupil at bigat ng loob, hindi ko madamang malaya ako. Noong talagang sinubaybayan ko ang tungkuling ito, nalaman kong napakaraming partikular na gampaning pangangasiwaan, at maraming problema ang kailangang malutas sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan. Pero wala akong karanasan sa gawaing ito, at naisip ko na upang mapangasiwaan nang maayos ang bawat gampanin, kakailanganing magdusa ng aking laman. Lubha akong nabagabag dahil dito, palaging lumilitaw ang mga negatibong emosyon. Bawat araw ay pinipilit ko lang ang sarili ko na gawin ang tungkulin ko, at sa puso ko ay wala akong tunay na pagkaramdam sa pasanin. Nagmalasakit ako sa laman, nagpakalugmok sa mga mapanupil na emosyon, at mahina at pasibo ako sa aking tungkulin. Sa diwa, ito ay naging pagbubulalas ko ng kawalan ng kasiyahan at pagiging masuwayin sa kapaligirang isinaayos ng Diyos. Paglaban ito sa katotohanan at sa Diyos, at pagsalungat sa Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao at dahil sa saloobin ko sa aking tungkulin ay kinapootan ako ng Diyos. Nawala ko ang gawain ng Banal na Espiritu sa tungkulin ko. Ito ay pagsapit sa akin ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Labis akong natakot nang matanto ko ito, at alam ko na kailangan kong lutasin sa lalong madaling panahon ang mga negatibo kong emosyon.
Kalaunan, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano ba talaga ang layon mo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan—lalo nang hindi mo isinasagawa ang katotohanan—at iniraraos lang ang mga bagay sa sambahayan ng Diyos? Nais mo bang gawing tahanan mo ng pagreretiro ang sambahayan ng Diyos, o isang bahay-kawanggawa? Kung oo, nagkakamali ka—ang sambahayan ng Diyos ay hindi nag-aalaga ng mga palamunin, ng mga walang silbi. Sinumang masama ang pagkatao, na hindi handang gumampan sa kanyang tungkulin, na hindi akmang gumampan ng isang tungkulin, ay dapat paalisin lahat; lahat ng hindi mananampalataya na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay dapat itiwalag. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan pero hindi nila ito maisagawa sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Kapag may nakikita silang problema, hindi nila ito nilulutas, at kahit alam nilang responsabilidad nila ito, hindi nila ibinubuhos ang lahat ng makakaya nila. Kung hindi mo man lang isinasakatuparan ang mga responsabilidad na kaya mong gawin, anong halaga o epekto ang maidudulot ng paggampan mo sa iyong tungkulin? Makabuluhan bang manampalataya sa Diyos sa ganitong paraan? Ang isang taong nakakaunawa ng katotohanan pero hindi ito kayang isagawa, na hindi kayang pasanin ang mga paghihirap na marapat niyang pasanin—ang gayong tao ay hindi angkop na gumampan ng tungkulin. Ang ilang taong gumagampan sa isang tungkulin ay ginagawa lamang iyon para mapakain sila. Sila ay mga pulubi. Iniisip nila na kung gagawa sila ng kaunting gampanin sa sambahayan ng Diyos, malilibre na ang kanilang tirahan at pagkain, na tutustusan sila at hindi na nila kailangan pang magtrabaho. Saan ka makakahanap ng ganoon kagandang oportunidad? Hindi tinutustusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tambay. Kung ang isang taong hindi man lamang nagsasagawa ng katotohanan, at palaging pabasta-basta sa paggampan ng kanyang tungkulin, ay nagsasabi na nananampalataya siya sa Diyos, kikilalanin ba siya ng Diyos? Lahat ng gayong tao ay mga hindi mananampalataya at, ang tingin sa kanila ng Diyos ay mga taong gumagawa ng masama” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan Nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). “Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ba’t nagdadala ka ng problema sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang karagdagan tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakarami ng gawain, at napakaraming katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Kontento ka na ba sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, nang may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakasasa sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, nadama kong lubos akong hinatulan. Kinapopootan ng Diyos ang mga palaging naghahanap ng kaginhawahan at kasiyahan ng laman. Ang gayong mga tao ay hindi nagtitiis ng mga pagdurusa o nagbabayad ng halaga sa kanilang tungkulin, at imposibleng matupad nila ang kanilang responsabilidad o tunay na maigugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos. Palagi kong hinangad ang buhay na may kaginhawahan ng laman, namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya mo,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” at “Maikli ang buhay, tratuhin mo nang maayos ang sarili mo.” Naniwala ako na puno ng mga alalahanin at kalungkutan ang buhay sa mundong ito, at na hindi dapat mas pahirapan ng isang tao ang kanyang sarili, kundi dapat niyang matutuhang magpakasaya sa buhay at tratuhin nang maayos ang kanyang sarili. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, alam ko nang ang paghahangad sa katotohanan at paggawa sa tungkulin ng isang tao ang tamang landas sa buhay, at na para makamit ang katotohanan, dapat magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga ang isang tao. Pero noong napili ako bilang isang superbisor at kinailangan kong magpasan ng mas maraming responsabilidad, ang isipin na kailangan ko lalong magdusa para magampanan ko nang maayos ang gawain, at hindi ko magagawang mamuhay ng isang maginhawa at madaling buhay, ay nagdulot sa akin na makadama ng pagkasupil at bigat ng loob. Nang makita ko ang dumaming gawain, nakadama ako ng pagkadismaya, paglaban, at napuno ako ng pagrereklamo, at ipinagpaliban ko pa nga ang paglutas sa mga problemang kaya ko namang lutasin. Nakita ko na ako mismo ang klase ng taong inilantad ng Diyos: isang taong ayaw gawin ang kanyang mga tungkulin, isang pabigat, at isang walang silbing tao na gusto ng kaalwanan at namumuhi sa gawain. Naisip ko kung gaano karaming kapatid na nangangaral ng ebanghelyo ang nagtiis ng pang-aabuso at pamamahiya mula sa mga relihiyosong tao, pati na rin ng pang-uusig at pag-aresto ng malaking pulang dragon, at naharap pa nga sa panganib na mamatay. Naglaan ng lakas ang ilan sa kanila para sangkapan ng katotohanan ang mga sarili nila para lutasin ang mga isyu ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, paulit-ulit na nakikipagbahaginan para tugunan ang mga kuru-kuro ng mga relihiyosong tao. Gaano man ito kahirap, hindi sila umatras o sumuko, handang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ipangaral ang ebanghelyo sa mas maraming tao. Ito ang dapat gawin ng mga taong talagang may pagkatao. Kung titingnan ang sarili ko, ang saloobin ko sa aking tungkulin ay partikular na walang pagpipitagan at tamad, na para bang ang pagpili sa akin na maging superbisor ay sadyang ginawa para subukan akong pahirapan, at gusto ko lang maging malaya sa pagdurusa o pagpapakapagod at manghuthot sa sambahayan ng Diyos at iraos lang ang mga araw. Hindi nararapat gumawa ng isang tungkulin ang isang taong gaya ko na may gayong pagkatao. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ako! Ang totoo, binigyan ng Diyos ng pasanin ang bawat tao ayon sa aktuwal na tayog nila, ginagamit ang tungkulin nila para punan ang kakulangan nila at tulungan silang matamo ang katotohanan. Kung babalikan noong unang simulan ko ang tungkuling ito, naharap ako sa mga paghihirap at problema sa gawain, at sa pamamagitan ng pananalangin at pagtitiwala sa Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, mayroon akong kaunting nakamit. Kalaunan, nang magkaroon ng mga isyu sa mga kalagayan o gawain nila ang mga manggagawa ng ebanghelyo, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa kanila para lutasin ang mga problemang ito, nagkaroon din ako ng kaunting pagsulong, na isang bagay na hindi makakamit sa isang maginhawang kapaligiran. Pero sa ilalim ng impluwensiya ng mga lason ni Satanas, hinangad ko ang mga walang kabuluhan at napakabababang bagay, palaging iniisip na umiwas sa aking tungkulin para maprotektahan ang mga interes ng aking laman, namumuhay sa mga negatibong emosyon at nilalabanan ang Diyos. Talagang mapaghimagsik ako at hindi ko makita ang kaibhan ng tama at mali! Kung magpapatuloy akong mamuhay para sa laman, siguradong sisirain ko ang pagkakataon kong makamit ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa sa tungkulin ko. Nang matanto ko ito, lubos akong nakonsensiya at sinisi ang aking sarili, at nanalangin ako sa Diyos nang lumuluha, “O Diyos, mali ako. Ginawa Kang nasusuklam at dismayado ng saloobin ko sa aking tungkulin. Nabigo ko ang layunin Mo. O Diyos, ayaw ko nang maging mapaghimagsik laban sa Iyo, at handa akong maghimasik laban sa aking laman at tanggapin ang responsabilidad na ito.”
Kalaunan, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay lahat ng mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ng paggawa, maaaring wala kang malinaw na ideya kung ano ang gagawin o hindi mo maarok ang mga prinsipyo, at maaaring medyo nakakapagod ito. Gayumpaman, kung may determinasyon kang gawin ang iyong bahagi, handang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang makamtan ang magkakasundong pakikipagtulungan sa iba, kung gayon, ang paggampan mo sa tungkulin ay likas na magbubunga ng mga resulta, at kasabay nito ay madali mong maisasagawa ang katotohanan at maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magiging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa tungkulin. Kaya, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga. Kapag mayroon kang udyok na maging sutil, dapat kang manalangin sa Diyos, na nagsusumamo sa Kanya na disiplinahin ka, at dapat kang maghimagsik laban sa laman at pigilan ang iyong sarili, unti-unting mabawasan ang iyong makasariling mga pagnanais. Dapat kang humingi ng tulong ng Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung tunay kang may paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may determinasyon, at lumalapit ka sa Diyos para magdasal at magsumamo, bibigyang-liwanag ka ng Diyos; babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, aantigin ka nang kaunti, at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. … Kung kaya mong sumailalim sa ganoong pagbabago, sasalubungin ka ng sambahayan ng Diyos para mamalagi ka, para matupad mo ang iyong tungkulin, para magawa mo ang iyong misyon, at para lubusan mong matapos ang gawaing mayroon ka. Siyempre, ang mga taong taglay ang mga negatibong emosyong ito ay matutulungan lamang gamit ang isang mapagmahal na puso. Kung paulit-ulit na tatanggi ang isang tao na tanggapin ang katotohanan at mananatili siyang hindi nagsisisi sa kabila ng paulit-ulit na paalala, dapat na tayong mamaalam sa kanya. Pero kung ang isang tao ay talagang handang magbago, na baguhin ang kanyang sarili, at baligtarin ang kanyang direksyon, mainit natin siyang tinatanggap na manatili. Hangga’t tunay siyang handang manatili at baguhin ang dati niyang mga pagtingin at pamamaraan ng pamumuhay, at nagagawa niyang unti-unting sumailalim sa pagbabago habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at humuhusay siya sa tungkulin niya habang tumatagal siya sa paggawa nito, tinatanggap natin ang ganitong mga tao para manatili at umaasa tayong patuloy silang huhusay. Nagpapahayag din tayo ng isang mabuting kahilingan para sa kanila: Hinihiling natin na makaalis sila sa kanilang mga negatibong emosyon, na hindi na sila maigapos ng mga iyon o mabalot ng anino ng mga iyon, at na sa halip ay maasikaso nila ang kanilang nauukol na gawain at matahak ang tamang landas, ikinikilos at isinasabuhay ang dapat gawin ng mga normal na tao ayon sa Kanyang mga hinihingi, at matatag na tinutupad ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, hindi na tinatangay ng agos ng buhay. Hinihiling natin na magkaroon sila ng mga kinabukasang may pag-asa, at na hindi na nila gawin kung ano ang gusto nila, o magtuon na lang sa paghahanap ng sarap at kasiyahan ng laman, kundi sa halip ay lalong pag-isipan ang mga bagay na may kinalaman sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, sa landas na tinatahak nila sa buhay, at sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Buong-puso nating hinihiling na makapamuhay sila nang masaya, malaya, at may liberasyon sa sambahayan ng Diyos, nakararanas ng pang-araw-araw na kapayapaan at kaligayahan, at nakadarama ng init at kasiyahan sa kanilang buhay rito. Hindi ba’t ito ang pinakadakilang kahilingan? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Dahil nakikita ko ang pagsisikap ng Diyos na mapamalagi sila at ang hiling Niya para sa mga naipit sa kalagayan ng pagkasupil, nakadama ako ng init at lubos akong naantig at nahikayat. Umaasa ang Diyos na magawa kong umasal ayon sa mga hinihingi Niya, isabuhay ang normal na pagkatao, magawa ang gawain na nararapat kong gawin, at isakatuparan ang tungkulin ko ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Napagtanto ko rin na upang maging isang tao na may pagkatao at tahakin ang tamang landas sa buhay, dapat magkaroon ng pagpapasya ang isang tao na hangarin ang mga positibong bagay, sadyang maghimagsik laban sa laman kapag nahaharap sa mga suliranin at problema sa paggawa ng kanyang tungkulin, at aktuwal na magbayad ng halaga upang lutasin ang mga isyu, at sa gayon ay magpasan ng mga responsabilidad ng isang taong nasa hustong gulang. Dagdag pa rito, bago gawin sa bawat araw ang kanyang tungkulin, dapat manalangin sa Diyos ang isang tao nang may sinserong puso at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kapag napansin kong gusto kong magpakita ng pagsasaalang-alang sa laman at balewalain ang tungkulin ko, dapat kong hilingin sa Diyos na sawayin at disiplinahin ako at dapat kong pagsikapang gawin ang tungkulin ko nang buong puso at lakas ko. Sa pamumuhay lamang nang ganito ako magtataglay ng wangis ng tao. Pagkatapos kong maunawaan ang mga bagay na ito, gusto ko nang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at pumasok sa mga ito. Mula noon, sa bawat gampaning sangkot ako, ipinagkakatiwala ko ito sa Diyos at umaasa ako sa Kanya, at aktuwal akong nagbabayad ng halaga sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng mga materyal, pananalangin, at paghahanap, pinagninilayan kung paano makipagbahaginan para magkamit ng magagandang resulta. Kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko nauunawaan o hindi ko kayang pangasiwaan, ipinararating ko ito sa aking mga kapatid. Unti-unting nalulutas ang mga problemang lumilitaw sa aking tungkulin. Bagama’t katulad ng dati ang dami ng gawain sa aking tungkulin, hindi na ako nakakaramdam ng pagkasupil, sa halip nakita kong sulit na maglaan ng pagsisikap at magbayad ng halaga para gawin nang maayos ang tungkulin ko. Naranasan ko rin na makaramdam ng kagalakan at kasiyahan sa puso ko, at nagkaroon ako ng ilang tunay na kasanayan sa aking gawain. Sa tingin ko, talagang napakabuting mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at na namumuhay ako ng isang makabuluhan at marangal na buhay!