1. Ang Buhay Pagpasok ay Posible sa Maliliit at Malalaking Bagay
Noong Pebrero 2024, gumagawa ako ng isang tungkuling nakabatay sa teksto sa iglesia. Unti-unti kong naarok ang ilang prinsipyo at hindi ako nakaranas ng maraming suliranin sa gawain ko. Nararamdaman ko na medyo nakababagot at nakatatamad ang bawat araw. Naalala ko kung paano, noong unang nagsimula akong magsagawa ng mga tungkuling batay sa teksto, laging may mga paglihis sa paggampan sa tungkulin ko. Bagaman mahirap magtiis noong panahong iyon, umani ako ng ilang pakinabang sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Naisip ko, “Kamakailan, nagbunga ng ilang resulta ang gawain, na may mas kaunting paglihis at mga isyu. Bihira akong maharap sa anumang pagpupungos, at walang anumang bagay na lubusang nakakapagpaantig o nakakadurog ng puso. Saan ako dapat pumunta para makapagnilay sa sarili ko at matuto ng mga aral? Kung walang buhay pagpasok, hindi ba’t ang paggawa ko ng tungkulin ko ay tungkol lamang sa pagsusumikap at pagtatrabaho? Ano ang mapapala ko rito sa huli?” Hindi ko maiwasang makaramdam ng pag-aalala sa puso ko.
Isang araw, nanood ako ng ilang video ng patotoong batay sa karanasan. Karamihan sa mga ito ay isinulat ng mga lider at manggagawa, at lubos na magkakaiba ang mga bagay na naranasan nila. Nakaramdam ako ng inggit sa puso ko, iniisip ko na, “Mas maganda ang maging isang lider. Nakikisalamuha ka sa mas maraming tao, humaharap sa mas maraming sitwasyon, at may mga aral na natututunan araw-araw, kaya, mas malaki ang pag-asa na makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan.” Naalala ko na noon, nang maging superbisor ako sa iglesia, mas maraming tao akong nakasalamuha, at nakagawa ako ng kaunting pag-usad sa pagkilatis sa mga tao at pagtrato sa kanila ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito katulad ngayon, sa tungkulin ko na nakabatay sa teksto, iilang tao lang sa paligid ko ang nakakasalamuha ko araw-araw, at walang malalaking isyu na kailangang harapin. Pakiramdam ko, masyadong kakaunti ang mga pagkakataon para matuto ng mga aral at makamit ang katotohanan. Mahigit sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos. Kung sa huli, hindi ko nakamit ang katotohanan, hindi ba’t mabubunyag at matitiwalag ako? Hindi ko maipaliwanag ang naramdamang pagkasira ng loob, at naisip ko pa nga ang tungkol sa pagpapalit ng tungkulin o sitwasyon ko para makakuha ng ilang karanasan, kahit pa mangahulugan ito ng pangangaral ng ebanghelyo o pagdidilig ng mga bagong mananampalataya. Pero alam kong ang mga ganoong kaisipan ay hindi gaanong makatotohanan. Matagal na akong nilinang ng iglesia sa gawaing nakabatay sa teksto, at hindi basta-bastang itinatalaga sa ibang tao ang mga tungkulin nang walang mga espesyal na sitwasyon. Noong panahong iyon, naramdaman kong nasiraan ako ng loob at nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko.
Sa isang pagtitipon, ipinagtapat ko sa isang sister na katrabaho ko ang tungkol sa kalagayan ko. Nakipagbahaginan siya sa akin, sinasabi niya, “Ang buhay pagpasok ay posible sa maliliit at malalaking bagay. Hindi kinakailangang makaranas ng mga pangyayaring nakakadurog ng puso o maharap sa pagpupungos para makapagnilay sa sarili at matuto ng mga aral. Ang susi ay ang arukin ang araw-araw na paghahayag ng mga kaisipan ng isang tao, at bigyang-pansin ang pagkatuto ng mga aral mula sa lahat ng iba’t ibang bagay na nararanasan mo.” Nagkataong napanood ko ang isang video ng patotoong batay sa karanasan—Ang Maliliit na Bagay sa Buhay ay mga Pagkakataon din Upang Matuto. Ang kalagayan ng bida ay parehong-pareho ng sa akin. Pagkatapos ko itong panoorin, napagtanto ko na ang kawalan ng paglago sa buhay pagpasok ko ay hindi dahil sa walang pagbabago sa tungkulin ko, kundi dahil sa mayroong problema sa perspektiba ko sa mga bagay-bagay. Sa paghahanap ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anumang tungkuling iyong ginagampanan ay kinapapalooban ng pagpasok sa buhay. Kung medyo palagian man o pabagu-bago ang iyong tungkulin, nakakabagot man o masigla, dapat mong maabot palagi ang pagpasok sa buhay. Ang mga tungkuling ginagampanan ng ilang tao ay medyo nakakabagot; pare-pareho lang ang ginagawa nila araw-araw. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang mga ito, ang mga katayuang inihahayag ng mga taong ito ay hindi gayong magkahalintulad. Kung minsan, kapag maganda ang lagay ng loob nila, mas masipag ang mga tao at mas maganda ang kinalalabasan ng ginawa nila. Kung minsan naman, dahil sa hindi-malamang impluwensya, nag-uudyok ng kalokohan sa kanilang kalooban ang kanilang mga tiwali at mala-satanas na disposisyon, na nagiging dahilan para magkaroon sila ng di-wastong mga pananaw at sumásamâ ang kanilang kalagayan at lagay ng loob; dahil dito ay paimbabaw ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Ang mga panloob na kalagayan ng mga tao ay palaging nagbabago; maaaring magbago ang mga ito saan mang lugar at anumang oras. Kung paano man nagbabago ang iyong kalagayan, palaging maling kumilos batay sa iyong pakiramdam. Sabihin nang mas maganda ang trabaho mo kapag maganda ang lagay ng loob mo, at medyo masama kapag masama ang lagay ng loob mo—ito ba ay maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Tutulutan ka ba nito na gampanan ang iyong tungkulin sa isang katanggap-tanggap na pamantayan? Anuman ang lagay ng loob nila, dapat alam ng mga tao na manalangin sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang sila makakaiwas na mapigilan at matangay nang paroo’t parito ng kanilang mga pakiramdam. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao sa sambahayan ng Diyos, hangga’t hinahangad niya ang katotohanan, maaaring magkaroon ng pag-usad sa buhay. Sa pagninilay-nilay sa aking sarili, naisip ko na hahantong sa mabagal na buhay pagpasok ang paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto nang may limitadong pakikisalamuha at kakaunting karanasan. Kaya, namuhay ako nang may emosyon na lumalaban, ayaw gawin ang tungkuling ito. Ngayon ko lang nakita kung gaano kabaluktot ang perspektibang ito. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, kung gayon, ano man ang tungkuling ginagawa mo, hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok, at sa huli, wala kang makakamit. Naisip ko si Xiaomiao, isang anticristo na kilala ko na palaging nagserbisyo bilang lider noon. Pero hindi niya tinahak ang tamang landas o hinangad ang katotohanan, palaging naghahabol sa kasikatan at katayuan. Sa huli, ginambala at ginulo niya ang gawain ng iglesia, lubos na tumangging magsisi, at nabunyag at naitiwalag. Sa kabaligtaran, gumawa ang ilang kapatid ng mga tungkulin na tila hindi gaanong mahalaga, at nagkaroon ng kaunting pakikisalamuha sa iba, pero sa tuwing nangyayari ang mga bagay-bagay, nakatuon sila sa paghahanap sa katotohanan at pagninilay-nilay sa kanilang sarili, at nagkamit sila ng kaunting pagkaunawang batay sa karanasan. Napagtanto ko na mayroon ka man o wala ng buhay pagpasok at nakakamit mo man ang katotohanan ay hindi nakasalalay sa tungkuling ginagawa mo, kundi nakasalalay ito sa kung hinahangad at isinasagawa mo ba ang katotohanan. Bagama’t sa panlabas ay tila walang pagbabago ang aking gawaing nakabatay sa teksto at wala itong kaugnayan sa pakikisalamuha sa maraming tao, mayroon pa ring mga aral na matututunan mula sa mga bagay na karaniwan kong nararanasan. Halimbawa, kapag dumarami ang gawain at mas maraming artikulo ng sermon ang kailangang suriin para mapagpilian, nagiging walang ingat at pabaya ako, nabibigong siyasatin ang mga detalye. Humantong ito sa mga pagkakamali, na nagreresulta sa muling paggawa at sa pagkaantala ng pag-usad. Habang sinusuri ang mga artikulo ng sermon para mapagpilian, nagbubunyag din ako ng mayabang na disposisyon, iniisip ko na matagal ko nang ginagawa ang tungkulin ko at nagkamit ako ng ilang karanasan sa gawain, kaya hindi ko hinanap ang mga prinsipyo at umasa ako sa sarili kong kalooban. Dahil dito, naitapon ko ang ilang kalipikadong artikulo ng sermon. Dagdag pa rito, kapag nagpakita ng ilang resulta ang gawain, namuhay ako nang may kampanteng kalagayan, kontento na sa mga tagumpay ko at hindi na gaanong nagsisikap. Sa buhay, minsan may nasasabi ang sister na nakatrabaho ko na isang bagay na hindi sinasadya na tumatapak sa pride ko, at nagiging napakasensitibo ko. Pinaghihinalaan ko pa nga na minamaliit niya ako, at abala ako sa pag-iisip tungkol sa pride at katayuan ko. Napagtanto ko na sa pang-araw-araw na buhay at gawain, makakatagpo ako ng iba’t ibang malaki at maliit na bagay. Hangga’t masigasig kong binibigyang-pansin, hinahanap, at pinagninilayan ang mga ito, matututo ako ng mga aral sa lahat ng bagay. Napagtanto ko na ang kawalan ko ng buhay pagpasok ay hindi dahil sa tungkuling ginagawa ko, kundi dahil sa hindi ko hinahangad ang katotohanan at tumutuon lang ako sa paggawa sa mga bagay-bagay. Sa kabila ng pagiging abala araw-araw, wala akong mga natutunang aral.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung talagang handa kang hangarin ang katotohanan at kaligtasan, ang unang hakbang ay simulan mong itigil ang iyong mga tiwaling disposisyon, ang iyong iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan, kuru-kuro, at kilos. Tanggapin mo ang mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat, pagsubok, pagkastigo, at paghatol, pagsumikapan mong unti-unting magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag may mga bagay na nangyari sa iyo, at ang mga salita ng Diyos ay unti-unti mong gawing mga prinspiyo at pamantayan para sa paraan ng pag-asal at pagkilos mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, at sa iyong buhay. Ito ang dapat na mamalas sa isang taong naghahangad sa katotohanan, at ito ang dapat na mamalas sa isang taong naghahangad ng kaligtasan. Mukha itong madali, simple ang mga hakbang, at walang mahabang paliwanag, ngunit hindi ganoon kadali ang pagsasagawa rito. Ito ay dahil napakaraming tiwaling bagay sa loob ng mga tao: ang kanilang kakitiran ng pag-iisip, mga munting pakana, pagiging makasarili at masama, ang kanilang mga tiwaling disposisyon at lahat ng uri ng pandaraya. Dagdag pa rito, may ilang taong may taglay na kaalaman, natuto sila ng ilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga mapagmanipulang taktika sa lipunan, at nagtataglay sila ng ilang pagkukulang at kapintasan pagdating sa kanilang pagkatao. Halimbawa, ang ilang tao ay masiba at tamad, ang ilan ay matamis ang dila, ang ilan ay may napakasamang kalikasan, ang iba ay banidoso, o padalos-dalos at pabigla-bigla kung kumilos, at marami pang ibang kahinaan. Maraming kakulangan at problemang kailangang mapagtagumpayan ng mga tao pagdating sa kanilang pagkatao. Gayunpaman, kung nais mong matamo ang kaligtasan, kung nais mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at matamo ang katotohanan at buhay, kailangan mong mas magbasa ng mga salita ng Diyos, magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan, makapagsagawa at makapagpasakop sa Kanyang mga salita, at magsimula sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Ilang simpleng pangungusap lamang ito, subalit hindi alam ng mga tao kung paano isagawa o danasin ang mga ito. Anuman ang iyong kakayahan o pinag-aralan, at anuman ang iyong edad o ilan ang taon ng pananampalataya, anu’t ano man, kung nasa tamang landas ka ng pagsasagawa sa katotohanan, sa tamang mga mithiin at direksyon, at kung ang hinahangad at iginugugol mo ay alang-alang lahat sa pagsasagawa sa katotohanan, walang dudang ang matatamo mo sa huli ay ang katotohanang realidad at ang mga salita ng Diyos na nagiging buhay mo. Una ay tukuyin mo ang iyong mithiin, pagkatapos, unti-unti kang magsagawa alinsunod sa landas na ito, at sa huli, tiyak na may makakamit ka. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (20)). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para magkamit ng kaligtasan, ang susi ay nakasalalay sa kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan at kung mayroon bang pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Ito ang pinakapunto. Halimbawa, palagi akong nagrereklamo tungkol sa kawalan ng buhay pagpasok at nag-aalala tungkol sa kawalan ng kakayahang magkamit ng kaligtasan. Naging pasibo at negatibo ako sa tungkulin ko, at naisip ko pa nga na magpatalaga sa ibang tungkulin. Ang usaping ito na kinaharap ko ay isang magandang pagkakataon para sa akin na hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang aking sarili. Pero sa halip na maghanap at pumasok, palagi akong naglalayon nang masyadong mataas, gustong maranasan ang malalaking bagay. Hindi ito isang pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan! Paano ko makakamit ang katotohanan at matatamo ang kaligtasan kung ipagpapatuloy ko ito? Gusto ko lang makaranas ng malalaking bagay, at nakaligtaan ko ang maliliit, pang-araw-araw na bagay. Minsan, kapag nagbubunyag ako ng mga maling kalagayan o kapag lumilitaw ang mga di-wastong kaisipan o ideya, iniisip ko na hindi malaking isyu ang mga ito basta’t hindi ito nakakaapekto sa aking tungkulin, at na hindi mahalaga kung malulutas ang mga ito o hindi. Dahil dito, maraming aral na dapat ko sanang natutunan ang nasayang lang, na isa ring paglihis sa buhay pagpasok ko. Sa totoo lang, hangga’t may layunin at masigasig ka sa paghahangad mo ng katotohanan, maaari kang matuto ng mga aral sa anumang sitwasyon. Halimbawa, minsan, pagkatapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, nagkakamit ka ng kaunting pag-unawa sa sarili mong kalagayan at mga isyu at nakakahanap ng isang landas ng pagsasagawa, na nagreresulta sa ilang pakinabang. Minsan, kahit hindi mo pa nararanasan nang personal ang isang bagay, pero nararanasan ito ng mga kapatid sa paligid mo, saka sa pamamagitan ng pakikinig nang mabuti sa pagbabahaginan nila, makakapagkamit ka rin ng mga pakinabang at aral sa parehong paraan. Higit pa rito, sa pagbibigay-pansin sa pagsusuri sa iyong mga kaisipan at ideya sa paggawa ng iyong tungkulin, sa pagkakaroon ng kakayahang magnilay sa iyong sarili, at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, maaari rin itong magdulot sa paglago sa buhay. Nang mapagtanto ko ito, pakiramdam ko ay masyado akong naging manhid at nawalan ng maraming pagkakataong makamit ang katotohanan, maling iniuugnay ang kawalan ko ng buhay pagpasok sa kawalan ng pagbabago sa aking tungkulin. Naging katulad ako ng isang tao sa isang piging, nagdurusa sa gutom—tunay na hangal!
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubos na nakatulong para sa kalagayan ko, at natutunan ko rin kung paano magsagawa at pumasok. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga bagay na nauugnay sa pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi nahahati sa pagitan ng malalaki o maliliit na bagay, lahat ng ito ay malalaking bagay—mauunawaan ba ninyo iyon? (Mauunawaan namin iyon.) Pagdating sa pang-araw-araw na mga bagay, may ilan na itinuturing ng mga tao na napakalaki, at ang iba pa na itinuturing nilang maliliit na bagay. Madalas ituring ng mga tao ang malalaking bagay na ito na napakahalaga, at itinuturing nila ang mga ito na nagmula sa Diyos. Gayunman, habang lumalabas ang malalaking bagay na ito, dahil sa kamusmusan ng isip ng tao at dahil sa kanilang mahinang kakayahan, madalas ay malayo ang mga tao sa mga layunin ng Diyos, hindi sila makatanggap ng anumang mga paghahayag, at hindi sila makakuha ng anumang aktuwal na kaalaman na may halaga. Pagdating sa maliliit na bagay, hindi talaga napapansin ng mga tao ang mga ito at hinahayaan lamang na unti-unting mawala. Sa gayon, nawala sa mga tao ang maraming pagkakataong masuri at masubok sa harap ng Diyos. Kung lagi mong kinaliligtaan ang mga tao, pangyayari, at bagay, at mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, ano ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin niyan ay na bawat araw, at kahit bawat sandali, palagi mong tinatalikuran ang pagpeperpekto ng Diyos sa iyo, pati na ang Kanyang pamumuno. Tuwing namamatnugot ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, lihim Siyang nag-oobserba, sinisiyasat ang iyong puso at mga kaisipan at ideya, minamasdan kung paano ka mag-isip at kung paano ka kikilos. Kung isa kang pabayang tao—isang taong hindi kailanman naging seryoso tungkol sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan—hindi ka magiging maingat o hindi mo papansinin ang nais ng Diyos na maisakatuparan o ang hinihingi Niya sa iyo sa kapaligirang isinasaayos Niya para sa iyo. Hindi mo rin malalaman kung paano nauugnay ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nakakatagpo mo sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos. Pagkatapos mong harapin ang paulit-ulit na mga sitwasyon at pagsubok na tulad nito, nang walang nakikita ang Diyos na anumang resulta sa iyo, paano Siya kikilos? Pagkatapos ng paulit-ulit na pagharap sa mga pagsubok, hindi mo dinakila ang Diyos sa puso mo, ni sineryoso ang mga sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, ni itinuring ang mga ito bilang mga pagsubok o tukso mula sa Diyos. Sa halip, sunud-sunod mo nang tinanggihan ang mga pagkakataong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hinayaang makalampas ang mga ito nang paulit-ulit. Hindi ba sukdulang pagrerebelde ang ipinapakitang ito ng mga tao? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Itinuro ng mga salita ng Diyos ang daan ng pagsasagawa para sa buhay pagpasok. Ang pagsunod sa daan ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kung malaki o maliit ang isang bagay. Malaki o maliit man ang mga bagay na nararanasan, kinapapalooban ang mga ito ng iba’t ibang katotohanang prinsipyo at nangangailangan ng paghahanap sa katotohanan para makapasok. Naalala ko si Pedro, na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtuon sa pagninilay sa sarili at paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay. Mahigpit siyang nagsagawa at pumasok ayon sa mga salita ng Diyos, at sa huli, nakamit niya ang katotohanan at ginawa siyang perpekto ng Diyos. Samantalang ako naman ay ipinagwawalang-bahala ang nararapat na gawain at masyadong mataas ang mga layunin, palaging gustong matuto ng mga aral mula sa malalaking bagay habang nakakaligtaan kung ano ang itinuturing kong mga hindi gaanong mahalagang bagay. Bilang resulta, napalampas ko ang maraming pagkakataon na makamit ang katotohanan. Iniisip ko ang tungkol sa sarili ko, ni hindi ko binigyang-pansin ang maliliit na bagay sa halos lahat ng oras. Kung gayon, anong mga aral ang maaari kong matutunan mula sa malalaking bagay? Mula ngayon, kailangan kong matutong sundan ang landas ni Pedro. Malaki man o maliit ang mga bagay na kahaharapin ko, dapat kong pagtuonan ang pagsusuri sa mga kaisipan at ideya sa likod ng mga kilos ko, at kung anong mga maling layunin ang mayroon ako, pati na ang anumang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ko. Kailangan kong mas bigyang-pansin ang paghahanap sa katotohanan para matugunan ang mga bagay na ito. Isa pa, bagaman nagbunga ng ilang resulta ang gawain ko, hindi ako puwedeng masiyahan sa kasalukuyang sitwasyon. Kailangan kong higit na magnilay-nilay at ibuod ang mga paglihis at puwang sa gawain, ang mga problemang hindi ko napansin, at magsumikap na gawin nang mas mahusay ang gawain. Nang mapagtanto ko ito, hindi ko na nilabanan ang gawaing nakabatay sa teksto. Sa paggawa sa tungkulin ko, nagsimula na rin akong tumuon sa sarili kong pagpasok, hindi hinahayaang lumipas ang mga bagay at iniiwasan ang pagiging isang “pabayang tao.” Pagkatapos magsagawa sa ganitong paraan, nagkamit ako ng ilang pakinabang.
Makalipas ang ilang araw, nagtalaga ang superbisor sa amin ng ilang artikulo ng sermon na susuriin para mapagpilian. Mabilis naming natapos ang pagsusuri at pagpili, pero nagbigay ng iba’t ibang mungkahi ang mga kapatid tungkol sa mga resulta ng aming pagsusuri. Kalaunan, napagtanto ko na may pagkakamali nga sa mga pagsusuri namin. Kaya naisip ko na, mula noon, sapat na na maitama ito, pero naisip ko rin na hindi magiging sapat ang pamamaraang ito. Kailangang seryosohin ang anumang paglihis sa tungkulin ko. Kailangan kong pagnilayan kung bakit at saan nangyari ang paglihis, at kung ito ba ay dahil sa mga tiwaling disposisyon o kakulangan ng kadalubhasaan. Kung saglit ko lang isasaalang-alang ang isyu nang hindi binibigyang-pansin ang pagninilay-nilay sa sarili kong mga problema, anong mga aral ang puwede kong matutunan? Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung gusto mong makamit ang katotohanan, saan ka magsisimula? Magsimula sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at matuto kung paano matutuhan ang mga leksiyon at hanapin ang katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng paghahanap sa katotohanan at mga layunin ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo makakamit ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit). Pagkatapos, nagnilay ako: Ang mga isyung binanggit ng mga kapatid ay maaari sanang naiwasan kung naging mas maingat kami noong pagsusuri, pero bakit mayroong gayong mga paglihis? Nang pagnilayan ko ito, napagtanto kong mali ang pag-iisip ko noong sinuri ang mga artikulo ng sermon. Pakiramdam ko, kulang ang kalidad ng mga artikulong isinulat noon ng mga kapatid na ito, kaya hinamak ko sila dahil sa aking mayabang na disposisyon. Hindi ko maingat na sinuri ang kanilang mga artikulo ng sermon, na humantong sa mga paglihis. Nakita ko na kung hindi ko lulutasin ang mga tiwaling disposisyon ko, hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko.
Matapos maranasan ito, tunay kong napagtanto na para mahangad ang buhay pagpasok, dapat munang magkaroon ng pusong gutom at uhaw sa katuwiran ang isang tao, at magsimula sa parehong malalaki o maliliit na bagay na dumarating sa araw-araw. Dapat obserbahan sa bawat sitwasyon kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng isang tao, aktibong hanapin at pagnilayan ang mga kaisipan at ideya sa loob ng kanyang sarili, at pagkatapos ay sundin ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo para magsagawa at pumasok. Sa pamamagitan ng unti-unting pag-iipon at pagtuon sa pagkatuto ng mga aral sa lahat ng bagay, magiging mas mayaman ang karanasan sa buhay ng isang tao, at magiging mas malapit siya sa layon ng kaligtasan. Salamat sa Diyos!