2. Ano ang Nakatago sa Likod ng Katahimikan

Ni Jin Xin, Tsina

Lubos kong pinahahalagahan ang pride ko at palagi akong nag-aalala kung ano ang tingin sa akin ng iba. Sa tuwing dumadalo ako sa mga pagtitipon, lubha akong kinakabahan, palaging natatakot na kung hindi ako magdarasal o makikipagbahaginan nang maayos, mamaliitin ako ng iba. Bago ang bawat dasal, naghahanda ako nang maaga, iniisip ang mga eksaktong salita na gagamitin. Kapag nagkikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, kung mayroon akong kaunting pagkaunawang batay sa karanasan, hindi ako gaanong nag-aalala. Pero kung wala akong pagkaunawa at hindi ko alam kung ano ang ibabahagi, bumibilis ang tibok ng puso ko, parang hinahalukay ang tiyan ko, at pinagpapawisan ang mga palad ko. Sa araw-araw na buhay, kung napapansin ng iba ang mga pagkukulang ko, labis akong nahihiya, at hindi ako naglalakas-loob na tingnan sila sa mata, at naging masyadong napipigilan ang bawat kilos ko. Dahil sa pamumuhay sa ganitong kalagayan, palagi kong nararamdam ang masyadong pagkasupil at pasakit.

Naalala ko noong una akong nagsanay sa paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto, may isang pagkakataon na dumating ang superbisor para makipagtipon sa amin. Nakita ko ang kapareha ko, si Sister Yang Min, na nakikipagbahaginan nang napakadetalyado, at naisip ko, “Hindi ba puwedeng magbahagi ka lang nang kaunti? Nasabi mo na ang nalalaman ko, kaya, kung makikipagbahaginan pa ako mamaya, magiging paulit-ulit lang ito. Pagkatapos, tiyak na iisipin ng superbisor na wala akong bagong pagkaunawa. Kung magbabahagi naman ako tungkol sa ibang parte at sa huli ay hindi ito magiging tumpak, iisipin ba ng superbisor na mababaw ang pagkaarok ko sa katotohanan at hindi tumatama sa punto ang pakikipagbahaginan ko?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nababalisa. Tiningnan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, pagkatapos ay ang isa pa, pinagninilayan kung alin ang puwede kong kuhaan ng kaunting pagkaunawa para maibahagi. Gulo-gulong ang isipan ko noong oras na iyon, kaya hindi ko kayang huminahon para seryosong pagnilayan ito. Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagbabasa, hindi ko pa rin alam kung saan magsisimula. Talagang umaasa ako na pagkatapos magbahagi ni Yang Min, magpapatuloy sa pagbabahagi ang superbisor, para hindi ko na kailangang magbahagi. Pero nagulat ako, nang matapos si Yang Min, hiniling sa akin ng superbisor na magbahagi. Nag-alala ako na kung sasabihin ko na wala akong pagkaunawa, mamaliitin ako ng iba, kaya, nanatili na lang akong tahimik. Alam kong naghihintay ang lahat na magbahagi ako, pero pakiramdam ko ay masyado akong napipigilan. Noong sandaling iyon, prangkang sinabi sa akin ng isang sister, “Dapat mong ibahagi kung ano lang ang nauunawaan mo. Kung natatakot kang hindi ka makapagbahaginan nang maayos at maliitin ka ng iba, at patuloy mong iniisip kung paano makapagbahaginan nang mas maganda o maiwasan na rin ang magbahagi, pinoprotektahan mo ang sarili mong imahe. Ang layunin mo ay pahalagahan ka ng iba at magkaroon ka ng puwang sa puso nila.” Direktang tumama sa puso ko ang ilang salitang iyon. Hindi ako nangahas na itaas ang ulo ako para tingnan ang mga kapatid, nag-iinit ang mukha ko, at may paglaban sa loob ko, iniisip na, “Alam ko rin namang hindi ako dapat maging ganito, pero hindi ko lang talaga mapigilan!” Nang makita akong nananatiling tahimik, hindi na nagsalita ang lahat ng iba. Sa oras na iyon, naging masyadong nakaiilang ang sitwasyon. Pagkatapos ng pagtitipon, palagi akong nababagabag at hindi ko lubos na nakikibahagi sa mga tungkulin ko. May isa pang pagkakataon na hiniling ni Sister Zhang Xin sa amin ni Yang Min na magbigay ng puna sa isang iskrip na isinulat niya. Hindi nagtagal, binanggit ni Yang Min ang mga isyung nakita niya. Pagkatapos niyang magsalita, tinanong ako ni Zhang Xin kung ano ang mga problemang nakita ko. Naisip ko, “Parang hindi malinaw ang daloy ng mga ideya, pero hindi ko matukoy kung saan mismo ang mga problema. Ano ang dapat kong sabihin? Kung may masabi akong mali, sobrang nakahihiya iyon.” Para maiwasan ko na maliitin, nanatili akong tahimik. Muli akong tinanong ni Zhang Xin, at bagama’t mukha akong kalmado sa panlabas, nababalisa ako sa loob: “Hindi ko pa ito napag-isipan nang maayos. Ano ang dapat kong sabihin? Kung babanggitin ko ang maliliit na isyu na napansin ko, ayos lang kung tama ako, pero kung mali ako, iisipin kaya ni Zhang Xin na matapos kong pagtrabahuhan ang iskrip nang ilang panahon, hindi ko man lang matukoy ang mga isyu at na talagang wala akong kakayahan?” Sa sandaling ito, nainip si Zhang Xin at sinabi niya, “Huwag kang manahimik na lang. Kung may napansin ka, sabihin kung ano ang nakita mo. Kung wala pa, sabihin mo lang.” Tahimik na nakatingin sa akin ang lahat. Nang sandaling iyon, lubha akong nailang at ginusto ko na lang na lamunin ako ng lupa. Nag-aatubiling sinabi ko, “Huwag muna natin itong pag-usapan ngayon; iwan na lang muna natin ito sa kung paano mo ito isinulat.” Walang nagawa ang lahat kundi bumalik sa kani-kanilang gampanin. Nakaupo ako roon habang nakararamdam ng matinding kahihiyan at labis na pagkabagabag. Habang iniisip ang nangyari kanina, hindi ko mapigilang gumawa ng mga palagay tungkol sa magiging tingin sa akin ng dalawang sister. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nababalisa, at wala akong ganang gawin ang mga tungkulin ko, parang may mabigat na bato na nakadiin sa puso ko. Habang iniisip ko kung paano ako madalas mamuhay sa gayong kalagayan, nakaramdam ako ng matinding pasakit at hindi ko alam kung anong aral ang dapat kong matutunan. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako para maunawaan ko ang tunay kong kalagayan.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sinasabi ng Diyos: “Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, ipagkakanulo ang katotohanan, at magiging makasarili at ubod ng sama; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong makasariling pagnanais, gusot, tanikala, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay naiiba. Habang mas nauunawaan nila ang katotohanan, mas nagiging matiwasay at malaya sila; habang mas isinasagawa nila ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng kapayapaan at kagalakan. Kapag nakamit nila ang katotohanan, ganap silang mamumuhay sa liwanag, magtatamasa ng mga pagpapala ng Diyos, at hindi magkakaroon ng anumang pasakit(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin). “Ang ilang tao ay hindi palaging nagsasalita dahil sa mahinang kakayahan o simpleng pag-iisip, dahil sa kakulangan ng mga komplikadong kaisipan, pero kapag hindi palaging nagsasalita ang mga anticristo, hindi ito para sa parehong dahilan; ito ay problema ng disposisyon. Madalang silang magsalita kapag nakikipagtagpo sa iba at hindi sila handang magpahayag ng mga pananaw nila sa mga usapin. Bakit hindi nila ipinapahayag ang mga pananaw nila? Una, tiyak na wala silang katotohanan at hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Kapag nagsalita sila, puwede silang magkamali at mahalata mismo; natatakot sila na maging mababa ang pagtingin sa kanila, kaya nagpapanggap sila na tahimik at may malalim na kaunawaan, kaya nagiging mahirap para sa iba na timbangin sila, nagmumukha silang marunong at namumukod-tangi. Sa panlabas na ito, hindi nangangahas ang mga tao na maliitin ang anticristo, at dahil nakikita nilang mukhang kalmado at mahinahon ang panlabas ng anticristo, mas tumataas ang tingin nila sa mga ito at hindi sila nangangahas na insultuhin ang mga ito. Ito ang tuso at buktot na aspekto ng mga anticristo. Hindi sila handang ipahayag ang mga pananaw nila dahil ang karamihan sa mga pananaw nila ay hindi naaayon sa katotohanan, kundi pawang mga kuru-kuro at imahinasyon lang ng mga tao, hindi karapat-dapat na ilantad sa labas. Kaya, nananatili silang tahimik. Sa loob nila, nag-aasam silang makapagkamit ng kaunting liwanag na mailalabas nila para makapagkamit sila ng paghanga, pero dahil wala sila nito, tumatahimik sila at nagtatago tuwing ibinabahagi ang katotohanan, nagtatago sa dilim gaya ng isang multong naghihintay ng pagkakataon. Kapag nakita nila ang iba na nagsasalita ng liwanag, nag-iisip sila ng mga paraan para gawin itong kanila, ipinapahayag ito sa ibang paraan para magmayabang. Ganito katuso ang mga anticristo. Anuman ang gawin nila, nagsisikap silang mapansin at maging nakatataas, dahil doon lamang sila malulugod. Kung wala silang pagkakataon, hindi muna sila magpapapansin, at sasarilinin muna nila ang kanilang mga pananaw. Ito ang pagiging tuso ng mga anticristo. Halimbawa, kapag inilabas ng sambahayan ng Diyos ang isang sermon, ang ilang tao ay magsasabi na ito ay parang mga salita ng Diyos, at iisipin naman ng iba na ito ay mas tulad ng pagbabahagi mula sa Itaas. Sasabihin ng mga simple ang puso kung ano ang nasa isip nila, pero itatago ito ng mga anticristo, kahit na may opinyon sila tungkol dito. Magmamasid sila at maghahandang sumunod sa pananaw ng nakararami, pero sa katunayan sila mismo ay hindi talaga nakauunawa nito. Mauunawaan ba ng mga ganitong tuso at mandarayang tao ang katotohanan o magkakaroon ba sila ng tunay na pagkakilatis? Ano ang malinaw na makikita ng isang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan? Wala siyang anumang malinaw na makikita. Ang ilang tao ay hindi nakakaunawa ng mga bagay-bagay pero nagpapanggap na malalim; sa totoo lang, wala silang pagkakilala at natatakot silang mahahalata sila ng iba. Ang tamang saloobin sa ganitong sitwasyon ay: ‘Hindi namin maunawaan ang bagay na ito. Dahil hindi namin alam, dapat hindi kami magsalita nang hindi nag-iingat. Ang maling pagsasalita ay puwedeng magkaroon ng negatibong epekto. Maghihintay muna ako at titingnan ko kung ano ang sasabihin ng Itaas.’ Hindi ba’t iyan ay pagsasalita nang matapat? Ito ay simpleng wika lang, pero bakit hindi ito sinasabi ng mga anticristo? Hindi nila gustong mahalata, dahil alam nila ang sarili nilang mga limitasyon; pero sa likod nito ay may kasuklam-suklam na intensyon—ang hangaan. Hindi ba’t ito ang pinakanakasusuklam?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayan at pag-uugali ko. Ako ang eksaktong inilalarawan ng Diyos: Hindi ko kailanman agad na ipinapahayag ang mga pananaw ko o inihahayag ang mga tunay kong kaisipan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon o nagtatalakay ng mga isyu, hindi ko ibinabahagi kung gaano man karami ang nauunawaan ko, ni hindi ako nagbubukas ng sarili ko sa dalisay na paraan at nagsasabi ng anumang iniisip ko. Sa halip, palagi akong natatakot na may masabi akong hindi tama, na hindi ako makapagsalita nang maayos, o na hindi ko matumbok ang punto, at sa gayon ay mamaliitin ako ng iba. Palagi akong natatakot na ilantad ang tunay kong tayog, na makilatis ako ng iba at sabihin na wala akong kuwenta. Kaya, palagi kong sinisiguro na ako ang huling magsasalita, hinahayaan na ang iba ang unang magbahagi, o nananatili pa nga akong tahimik sa buong pagtitipon, palaging nagpapanggap na walang imik at malalim ang katauhan sa harap ng mga kapatid. Nang malantad ang mga kakulangan at problema ko, nakaramdam ako ng labis na kahihiyan at nawalan ako ng gana na gawin ang mga tungkulin ko, nakararanas ng matinding pasakit at paghihirap sa loob-loob ko. Ngayon, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit labis akong nasaktan ay dahil sobra kong pinrotektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, pati ang imahe ko sa isipan ng ibang tao, at dahil dito, palagi akong gumagawa ng paraan para magpanggap at magtago, ni hindi ako naglalakas-loob na magsabi ng kahit isang taos-pusong salita. Gaya nga ng sinabi ng Diyos, para akong isang multo, palaging nagtatago sa madidilim na sulok, natatakot na lumabas sa liwanag. Naisip ko na maikling panahon pa lang akong naging mananampalataya, at katamtaman lang ang kakayahan ko, kaya napakanormal na hindi ko nauunawaan ang maraming katotohanan o nakikilatis ang maraming bagay. Kung hindi ko nauunawaan, dapat sabihin ko na lang. Simpleng bagay lang sana dapat ito, pero para sa akin, napakahirap nito. Para maiwasang makilatis o maliitin ng iba, at para maprotektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, ginawa ko ang lahat ng paraan para itago ang sarili ko at lokohin ang mga kapatid. Talagang napakamapanlinlang ko! Sa pamamagitan lamang ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakilala ko na isa pala itong buktot na disposisyon. Habang mas inihahambing ko ang sarili ko sa mga salita ng Diyos, mas lalo kong naramdaman kung gaano ako kapangit at kakasuklam-suklam, walang kahit anong wangis ng tao, at kakahiya-hiya! At kaya, gusto kong baligtarin ang kalagayang ito at hindi na mamuhay sa ganitong paraan.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang katotohanan at maging isang tapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi maliwanag sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito maliwanag. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasabi ng katotohanan sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya sa puso mo, at hindi na maghahari sa iyo ang banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung maipapahayag mo kung ano talaga ang iniisip mo, masasabi sa iba ang nilalaman ng puso mo, at hindi ka magpapanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang tapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang katotohanan. Ano ang gagawin mo sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, ‘Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, maninindigan ako na maging isang tapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagamat ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang katotohanan nang walang pagkukunwari o pagbabalat-kayo.’ Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging matatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang tapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang katotohanan at maipahayag ang mga tunay mong damdamin, hindi mo dapat katakutan ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba. Kahit na tratuhin ka ng iba na parang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang tapat na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa. Para makalaya mula sa mga pagpigil at paggapos ng banidad at pride, kailangan kong isagawa ang pagiging isang matapat na tao. Kailangan kong matutunang bitiwan ang aking pride at buksan ng aking sarili sa dalisay na paraan. Kung may isang bagay akong hindi alam, kailangan ko lang sabihin na hindi ko alam; kung hindi ko nauunawaan, puwede kong sabihin na lang ito. Kahit na maliitin ako dahil sa pagsasabi ng maling bagay o sa pag-amin ng kawalan ko ng pang-unawa, naisagawa ko naman ang katotohanan at naging isang matapat na tao minsan sa harap ng Diyos, na magpapagaan at magpapalaya sa pakiramdam ko. Mas makabuluhan ito kaysa sa pagkakamit ng papuri at paghanga mula sa iba. Nang maisip ko ito, hindi na ganoon karami ang mga alalahanin ko, at gusto kong isagawa ang katotohanan at baguhin ang sarili ko. Kalaunan, sa pagbabahagi man tungkol sa mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon o pagtatalakay sa mga isyu, sa tuwing gusto kong magpanggap o magkunwari, nagdarasal ako sa Diyos at sadya akong naghihimagsik laban sa mga maling layunin ko. Ibabahagi ko kung ano ang naunawaan ko, at kung hindi ko nauunawaan, sinasabi ko ito at inihahayag ang mga tunay kong iniisip. Habang nagsasagawa ako sa ganitong paraan, unti-unti akong nakaramdam ng pagpapalaya sa puso ko.

Kalaunan, hindi ko nagawa ang mga tungkulin ko sa loob ng anim na buwan dahil naaresto ako ng Partido Komunista. Pagkatapos akong mapalaya, isinaayos ng lider na patuloy akong gumawa ng isang tungkuling nakabatay sa teksto. Dahil baguhan pa ang lahat ng kapatid sa pangkat pagdating sa pagsasanay sa gawaing nakabatay sa teksto, iminungkahi ng lider na pansamantala kong akuin ang papel ng lider ng pangkat. Dahil matagal ko nang hindi nagagawa ang tungkuling ito, medyo kinakalawang na ako sa pagsusulat ng mga iskrip, at sa buong maghapon, kakaunti lang ang naisulat ko. Habang nagsisimula akong mabalisa, humingi ng tulong sa akin ang isang sister dahil hindi niya makita nang malinaw ang mga isyu sa kanyang iskrip. Noong oras na iyon, hindi ko mapatahimik ang puso ko, at pagkatapos basahin ang iskrip, wala akong makitang anumang problema. Nang tanungin niya ako kung anong mga isyu ang naroon, nautal ako at hindi makasagot, at agad kong naramdaman ang sobrang hiya. Naisip ko, “Tutal, ako ang lider ng pangkat; kailangan kong tumulong sa paglutas ng mga problemang hindi makita nang malinaw ng mga miyembro ng pangkat. Ngayon na hindi ako makapagbigay ng malinaw na sagot, sasabihin ba niya, ‘Ikaw ang lider ng pangkat—ganito lang ba talaga ang kakayahan mo?’” Talagang nahiya ako. Kinagabihan, habang tinitingnan ko ang iskrip na natigil sa kalagitnaan ng pagsusulat, gusto kong tingnan ito ng ibang sister, pero nag-alala ako na baka sabihin nilang hindi mahusay ang kakayahan ko kung nakagawa ako ng ganoong pagkakamali sa iskrip na ito. Lubha akong nag-alinlangan, at sa loob ng mahabang panahon, hindi ako nangahas na ipakita ito sa mga sister. Noong panahong iyon, napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko—natatakot akong makita ng iba ang mga pagkukulang ko at pinoprotektahan ko ang aking reputasyon at katayuan. Kaya, nagdasal ako sa Diyos at sadya kong binaligtad ang kalagayang ito. Pagkatapos, ipinakita ko ang iskrip sa mga kapatid. Sa kanilang pagbabahagi at tulong, nagkamit ako ng munting landas kung paano magpatuloy sa pagsusulat nito.

Kalaunan, napagtanto ko na palagi akong napipigilan ng pride ko. Minsan, sa pamamagitan ng dasal, nagagawa kong baligtarin ang kalagayang ito nang kaunti, pero tiyak na hindi ganap na nalulutas ang problema ko. Naisip ko, “Bagama’t alam ko na ang pagpapanggap at pagkukunwari ay puno ng pasakit at sobrang nakakapagod, bakit madalas pa rin akong namumuhay sa gayong kalagayan?” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang layon ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang layon na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon…. Ang mga tao ay palaging nagbabalatkayo, nagpapakitang-gilas sa iba, nagkukunwari, nagpapanggap, at nagpapalamuti ng sarili upang isipin ng iba na perpekto sila. Ang layunin nila rito ay para magkamit ng katayuan, upang matamasa nila ang mga benepisyo ng katayuan. Kung hindi ka naniniwala rito, pag-isipan mo ito nang mabuti: Bakit palagi mong nais na mataas ang tingin sa iyo ng mga tao? Gusto mong sambahin ka nila at tingalain ka nila, upang kalaunan ay makuha mo ang kapangyarihan at matamasa ang mga benepisyo ng katayuan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na ang palagiang pagpapanggap at pagkukunwari ay isang pagpapamalas ng mayabang, buktot, at mapanlinlang na mga disposisyon ni Satanas. Sa pangingibabaw ng mga disposisyong ito, palagi kong gustong pahalagahan ako ng mga tao at panatilihin ang aking katayuan at imahe sa isipan nila. Kahit na alam kong hindi ko nauunawaan ang maraming katotohanang prinsipyo at marami akong kakulangan, ayaw ko pa rin na makita ng iba ang mga pagkukulang ko at isipin na hindi ako mahusay. Kaya, hindi mahalaga kung ito ay pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos sa panahon ng mga pagtitipon o pakikipagtalakayan sa mga isyu, kung maipapahiya ako nito, o masisira ang pride ko, gagawin ko ang lahat para magbalatkayo at itago ang aking sarili, mahigpit na ikinukubli ang aking sarili, itinatago ang aking kahinaan, at ipinapakita lang ang aking kalakasan sa iba para bumuo ng magandang imahe sa isipan nila. Nakita ko na lubha akong ginawang tiwali ni Satanas, at napakayabang ko hanggang sa puntong wala nang anumang katwiran. Malinaw na isa akong ordinaryo, tiwaling tao na walang-wala, naghihikahos at kahabag-habag, pero palagi kong gustong magpakitang-tao at kamtin ang paghanga ng iba. Tunay na wala akong kahihiyan at walang anumang kamalayan sa sarili. Naisip ko kung paanong ang lahat tiwaling tao—may katayuan man sila o wala—ay nagnanais na gumawa ng pangalan para sa kanilang sarili, na purihin at hangaan sila ng iba, at nagnanais na sambahin sila ng lahat. Ang satanikong rehimen ng Partido Komunista ng Tsina, sa partikular, ay palaging nagsasalita ng magagandang salita habang gumagawa ng masasamang bagay. Sa panlabas, nagpapanggap ito na maayos ang takbo ng lahat at itinataguyod nito ang “dakila, maluwalhati, at wastong” imahe nito, gumagamit ng mga huwad na anyo para lokohin at dayain ang mamamayan sa buong mundo, pero palihim nitong sinusupil at inuusig ang mga paniniwalang panrelihiyon, tinatanggal ang mga karapatang pantao, at pinapatay at brutal na pinipinsala ang di-mabilang na mga tao. Gaano man karaming masamang bagay ang nagawa nito o gaano man karaming kasamaan ang naisagawa nito, hindi ito kailanman nangahas na ilantad ang mga bagay na ito sa publiko at nang sa gayon ay ipakita sa mga tao ang buktot at mabangis na tunay nitong mukha. Napagtanto ko na ang panlalansi at panlilinlang ay mga nakagawiang taktika ni Satanas. Pinagnilayan ko ang sarili kong mga kilos: Nagkaroon ako ng mga pagkukulang at problema, pero ayaw kong makita ang mga ito ng iba at magsalita sila ng negatibo tungkol sa akin; mas pinili kong magpanggap at magkunwari, kahit na nangangahulugan ito ng pagtitiis ng panloob na paghihirap; at maging sa pananalita, pakikipagbahaginan, pag-uugali, o pag-asal, nagpakita ako ng huwad na imahe sa iba, pinipigilan silang makita ang pinakatunay kong pagkatao. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdaman na talagang napakapeke ko, at tulad ni Satanas, puno ako ng panlalansi at panlilinlang, at lubos na pangit at kasuklam-suklam. Dati, palagi kong iniisip na ang pagpapahintulot sa iba na makita ang mga kakulangan at pagkukulang ko ay kahiya-hiya, pero napagtanto ko noon na ang pamumuhay ayon sa mayabang, buktot, at mapanlinlang na mga disposisyon ni Satanas, palaging nagkukunwari at niloloko ang iba, at namumuhay nang walang anumang wangis ng tao, ay ang siyang kahiya-hiya at kakutya-kutya sa totoo lang. Hindi lang ito kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos, makararamdam din ng pagkasuklam at pagtutol dito ang mga kapatid sa sandaling makilatis nila ito. Kung hindi ako magsisisi, ang tanging kalalabasan ay ang maitiwalag ng Diyos. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng kaunting pagkapoot sa aking mga tiwaling disposisyon at hindi na ako handang mamuhay sa ganoong paraan.

Isang araw, nagpadala ng mensahe ang lider na nagsasabing pupuntahan niya ang pangkat namin para sa isang pagtitipon kinabukasan. Naisip ko, “Kapag dumating ang lider, tiyak na kukumustahin niya ang kalagayan namin kamakailan. Anong mga parte ang dapat kong talakayin? Kamakailan, napagtanto ko na mahal ko ang katayuan at gusto kong maging isang superbisor, pero sobrang nakahihiyang sabihin iyon! Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at wala akong maraming tunay na karanasan, pero gusto ko pa ring akuin ang papel ng isang superbisor. Kung tatalakayin ko ito, iisipin kaya ng mga kapatid na hindi ako marunong lumugar at masyado akong bilib sa sarili ko?” Habang mas pinag-iisipan ko ito, tila mas lalo itong nagiging nakahihiya, at wala akong lakas ng loob na magsalita, iniisip na, “Siguro dapat magsalita lang ako nang kaunti tungkol sa mga karanasan ko sa positibong pagpasok. Pero darating ang lider sa pagtitipon para tulungan kaming malutas ang aming mga maling kalagayan at paghihirap. Kung hindi ko ibubukas ang sarili ko, hindi ako magiging matapat na tao, at hindi malulutas ang mga problema ko.” Gulong-gulo ang isip ko. Nag-alala ako na magkakaroon ng impresyon sa akin ang lider na labis akong nag-aalala sa katayuan at na wala akong kamalayan sa sarili, kaya hindi ako naglakas-loob na magsalita. Sa pagtitipon, matapos ibahagi ng ibang mga kapatid ang mga kalagayan nila, nakahanap ang lider ng ilang salita ng Diyos at hiniling niya sa akin na basahin ang mga ito, at nagkataon na nabasa ko ang isang sipi: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Habang binabasa kong muli ang siping ito ng mga salita ng paghatol ng Diyos, nakadama ako ng paninisi sa sarili at pagkabalisa. Gusto ko pa ring magpanggap at magkunwari, umaasang mag-iiwan ako ng magandang impresyon sa lider—panlilinlang ito sa sarili ko at sa iba. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na kinasusuklaman ng Diyos ang pagkukunwari at pagpapaimbabaw. Palaging hinihingi sa atin ng Diyos na maging matapat na tao tayo. Ang isang matapat na tao ay kayang magbukas ng kanyang sarili sa dalisay na paraan, hindi nililinlang ang Diyos o ang mga tao, ito ang gusto ng Diyos. Nang maisip ko ito, nag-ipon ako ng lakas ng loob na makipagbahaginan tungkol sa sarili kong kalagayan ayon sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos kong makipagbahaginan, nakaramdam ako ng malaking ginhawa, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng lider, nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa sarili kong kalagayan at nakahanap ng isang landas ng pagsasagawa at pagpasok. Sa pagtitipong iyon, nagbahagi lang ako kung ano ang nauunawaan ko at ipinahayag ko ang anumang nasa puso ko. Malinaw kong naramdaman ang patnubay ng Diyos at nagkamit din ako ng higit na pagkaunawa sa ilang katotohanan. Natikman ko ang tamis ng pagsasagawa sa katotohanan.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ang matutuhan kung paano maging bukas kapag nagbabahagi ay ang unang hakbang sa buhay pagpasok. Susunod, kailangan mong matutong himayin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, habang inaalis ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong mapanlinlang na disposisyon, na sinungaling at bulaan; pakiramdam mo ay wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinasusuklaman ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagpapasakop. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, o magkukubli ng mga bagay-bagay, kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, hindi itatago ang iyong mga kaloob-loobang ideya at saloobin, sa halip ay hahayaang makita ng iba ang matapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging matapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa: matutong maging bukas tungkol sa mga kakulangan at pagkukulang ko, hindi magkunwari o magpanggap, hindi pinapanatili ang aking banidad at pride, at isagawa ang katotohahan at maging isang matapat na tao. Ito ang unang hakbang sa pagpasok sa katotohanan. Pagkatapos niyon, hindi na ako gumamit ng katahimikan para itago ang sarili ko. Kung makatatagpo ako ng mga problema na hindi ko makita nang malinaw, sasabihin ko na hindi ako nakakita nang malinaw at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga ito, at kusa akong magtatanong sa ibang mga kapatid tungkol sa mga ito. Kapag magkasamang nagbabahaginan para pag-usapan ang mga problema, ibinabahagi ko kung ano lang ang nauunawaan ko at eksaktong sinasabi kung ano ang naisip ko, prangka at walang pagkukunwari. Pagkatapos magsagawa nang ganito sa loob ng ilang panahon, natuklasan ko na ang pagbubukas ng sarili sa dalisay na paraan nang hindi nagpapanggap at nagkukunwari ay nagiging higit na mas madali, at hindi ko na nararamdaman na kahiya-hiya ito. Ngayon, sa mga pagtitipon, pagdarasal, pagkikipagbahaginan, o pakikisalamuha man sa mga kapatid, hindi ko na inaalala ang tungkol sa pride o imahe ko, hindi na rin ako nababalisa, kinakabahan, o nababagabag gaya ng dati. Pakiramdam ko, dahil sa paglaya ko sa mga tiwali kong disposisyon naging mas magaan, mas napalaya, at mas simple ang buhay ko! Bagama’t maliit pa lang ang pagbabagong nagawa ko sa ngayon, handa akong patuloy na hangarin ang katotohanan at magsikap na umangat.

Sumunod:  3. May Pagkakaiba ba sa Pagitan ng mga Tungkuling Mataas o Mababa?

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger