100. Pagtitiis sa Pagpapahiya at Pang-aabuso
Isang umaga, noong Nobyembre 2007, habang nagtitipon kami sa bahay ni Sister Liu Hua, biglang sumugod sa bakuran ang mahigit isang dosenang pulis, at bago pa kami makatugon, sumisigaw silang sumugod papasok sa bahay, “Huwag kayong kikilos!” Napakagulo ng lahat, at takot na takot ako, kaya patuloy akong nagdasal sa Diyos. Hinalughog ng mga pulis ang bahay. Hindi nagtagal, nagulo na nila ang lugar sa kakahanap at nakita nila ang mga aklat at DVD ng mga salita ng Diyos na nakatago sa bahay ni Liu Hua. Pagkatapos ay agad nila kaming puwersahang kinapkapan, at nakita nila sa bulsa ko ang mga materyales tungkol sa bilang ng mga miyembro at sa pondo ng iglesia. Alalang-alala ako, natatakot na madawit ang ibang kapatid, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihingi sa Kanyang protektahan sila. Sa puntong ito, hinatak ng isang pulis si Liu Hua at tinanong, “May mga aklat o pondo pa ba ng iglesia sa bahay mo?” Nang hindi siya sumagot, marahas siyang itinulak ng pulis, hindi pinapansin ang katandaan niya, at malakas na bumagsak sa sahig si Liu Hua at nawalan ng malay. Nakita kong hindi gumagalaw sa pagkakahiga sa sahig si Liu Hua, namumutla ang mukha, at gusto ko sana siyang lapitan at tulungang bumangon, pero sa hindi inaasahan, hinablot ng dalawang pulis ang mga braso ko at kinaladkad ako papunta sa isang sasakyan. Pumunta ang ibang pulis para kaladkarin si Liu Hua palabas, at nang makita siyang walang malay sa sahig, nagpatuloy sila para arestuhin ang iba. Naisip ko, “Kinamumuhian ng Partido Komunista ang Diyos, at sa sandaling mahuli nila ang isang taong nangangaral ng ebanghelyo, pahihirapan nila ito. Ang ilan ay binugbog at nabaldado, ang iba ay nasentensiyahang makulong, partikular na ang mga pangunahing lider at manggagawa na binubugbog hanggang sa mamatay nang walang anumang pananagutan. Ngayong naaresto na ako, at nakitaan nila ako ng materyales tungkol sa mga bilang ng miyembro at sa pondo ng iglesia, siguradong iisipin nilang isa akong lider ng iglesia, at hindi nila ako pakakawalan nang gano’n-gano’n lang.” Takot na takot ako, hindi ko alam kung anong uri ng pagpapahirap ang gagamitin sa akin ng mga pulis, at kung hindi ko ito makakayanan at magiging isang Hudas ako, magiging paglabag ito sa disposisyon ng Diyos, hindi ako puwedeng maging isang Hudas. Patuloy akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, takot na takot ako ngayon, hindi ko alam kung paano ako tatratuhin ng mga pulis. Pakiusap, protektahan Mo ako at bigyan Mo ako ng pananalig. Handa akong manindigan sa patotoo ko!” Pagkatapos magdasal, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa gusto Niya at maging handa kang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang magtiis ng sakit ng pagsuko sa minamahal mo, at maging handang tumangis para palugurin ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Nagdulot ang mga salita ng Diyos ng malaking kapanatagan sa puso ko. Pinahihintulutan ng Diyos na dumating sa atin ang pagdurusa at mga pagsubok para gawing perpekto ang pananalig natin. Nang arestuhin at usigin ako, naduwag at natakot ako sa pagpapahirap, at nakita ko na hindi tunay ang pananalig ko sa Diyos. Hindi ko na dapat isaalang-alang ang laman ko, kahit ano pang uri ng pagpapahirap ang gamitin ng mga pulis sa akin, kailangan kong umasa sa Diyos para manindigan sa patotoo ko, at kahit na kailanganin kong mamatay, kailanman ay hindi ako magiging isang Hudas.
Pagdating namin sa presinto, agresibo akong kinuwestiyon ng dalawang lalaking pulis, “Sino ang lider ng iglesia? Nasaan ang pera ng iglesia?” Kinuwestiyon nila ako hanggang alas otso ng gabi, at nang makita nilang hindi ako nagsasalita, dinala nila ako sa isang kulungan. Napakalamig sa panahong iyon ng taon, at puwersahan akong hinubaran ng dalawang babaeng pulis at kinapkapan, pagkatapos ay ikinulong ako at dalawa pang sister sa isang kwarto nang hindi kami pinapakain, binibigyan lang kami ng isang manipis na kumot, at malupit na sinabing, “Mamatay na kayong lahat sa ginaw! Sinong nagsabing puwede kayong sumunod sa Makapangyarihang Diyos? Huwag ninyong maisip-isip na kumain habang taglay pa ninyo ang pananalig ninyong iyan!” Noong gabing iyon, kaming tatlo ay tahimik na pinagaan at pinalakas ang loob ng isa’t isa. Naunawaan namin na ang pag-aresto at pag-uusig ay pagsubok ng Diyos, at na kailangan naming magpatotoo tungkol sa Diyos. Kahit paano pa kami pahirapan ng mga pulis, kahit na bugbugin nila kami hanggang sa mamatay, kailanman ay hindi kami makikipagkompromiso kay Satanas! Nagkamit kami ng pananalig at lakas, at kahit na giniginaw at nagugutom kami, parang hindi ito ganoon kahirap tiisin.
Kinabukasan, kinuwestiyon ako ng mga pulis. Marahas na dinuro ng isang pulis ang ulo ko at sinabing, “Sino ang lider ng iglesia ninyo, hukluban? Sino ang nagbigay sa iyo ng mga dokumento ng pondo para sa iglesia? Kung sasabihin mo sa amin, pakakawalan ka namin ngayong araw, pero kung wala kang anumang sasabihin sa amin, talagang malalagot ka!” Habang humaharap sa walang-humpay nilang pagkukuwestiyon, patuloy akong nagdadasal sa Diyos sa loob ko, hinihingi sa Diyos na protektahan ang puso ko. Dahil nakikitang hindi ako nagsasalita, nagalit ang isa sa mga pulis at sinabi, “Kung hindi ka magsasalita, may mga paraan kami para pahirapan ka! Sesentensiyahan ka namin ng sampung taon!” Sinabi ng isa pa, “Ipapadala kita sa Siberia ng Tsina, para ipatikim sa iyo kung paano magdusa roon. Tingnan natin kung gaano katigas ang ulo mo!” Patuloy nila akong sinusubukang pasagutin at tuksuhin. Nagdasal at umasa lang ako sa Diyos sa puso ko, at hindi ako nahulog sa patibong nila. Noong alas otso ng umaga sa ikatlong araw, tinawag ako ng apat na pulis para kuhanan ako ng litrato. Sinabi ng isang pulis, na peke ang ngiti, “Alam mo ba kung bakit ka namin kinukuhanan ng litrato? Kumakain ka ng pagkain ng Partido Komunista pero hindi ka naniniwala sa Partido Komunista at sa halip ay sumasampalataya ka sa Diyos at nangangaral ng ebanghelyo. Kung ang lahat ay magsisimula nang sumampalataya sa Diyos, sino pa ang maniniwala sa Partido Komunista? Nilalabanan mo ang Partido Komunista! Sa kasigasigan mo sa pangangaral ng ebanghelyo, karapat-dapat kang makulong nang sampung taon. Ilalagay namin ang litrato mo sa telebisyon para makita ng lahat, at mahiya ka nang husto na ipakita ang mukha mo sa maraming tao!” Pagkasabi nito, umismid siya at hinatak ako sa braso para puwersahan akong kuhanan ng litrato. Galit na galit ako pero medyo nag-aalala rin, iniisip ko, “Kung ipapalabas ng mga pulis sa telebisyon ang katunayang naaresto ako dahil sa pananalig ko at pagagalitin ang mga tao tungkol dito, ano na ang iisipin sa akin ng mga kaibigan at kamag-anak ko? Baka kutyain ako ng mga kapitbahay ko. Ano na ang mukhang ipapakita ko sa mga tao? Ikakahiya at tatanggihan ba ako ng mga anak ko?” Dahil sa mga kaisipang ito ay lubos akong nanghina. Napagtanto kong napalayo na ang puso ko sa Diyos, kaya agad akong nagdasal sa Diyos, hinihingi sa Kanyang protektahan ang puso ko. Sa pagkakataong ito, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaghihigpitan ng batas. Ang mas malaking problema pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay pinabayaan ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa lupa, ngunit magkagayon man, hindi kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos, na siyang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos. Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng panahon at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatamo sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking halaga. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananalig, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi nasisindak o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng mapagmahal-sa-Diyos na puso na hindi nagbabago hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng determinasyon, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong buhay disposisyon, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pamamatnugot ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging mapagpasakop kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang mga pag-aresto at pang-uusig ng Partido Komunista sa mga Kristiyano, at ang mga pagsubok nitong lumikha ng opinyon ng madla para siraang-puri at atakihin kami, ay naglalayong puwersahin kaming ipagkanulo ang Diyos. Hindi ba’t nahuhulog ako sa pakana ni Satanas sa pamamagitan ng pagiging negatibo at pagdurusa dahil natatakot akong makutya? Ang maaresto at mapahiya dahil sa pananampalataya sa Diyos ay pag-uusig para sa katuwiran, at isa iyong maluwalhating bagay, pero natatakot akong makutya. Hindi ba’t ipinapakita nitong hindi ko matukoy ang mabuti sa masama? Napakarami kong natamasa sa pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos, at ngayong kailangan ako ng Diyos para magpatotoo, isinasaalang-alang ko ang laman ko at inaalala ko ang banidad at pride ko. Talagang wala akong konsensiya! Habang iniisip ko ito, nakonsensiya ako nang husto at naisip ko, “Kahit ano pa ang gawin nila sa akin ngayong araw, kahit na ipalabas nila ang litrato ko sa telebisyon para siraang-puri at idulot na kutyain at tanggihan ako ng mga tao, maninindigan ako sa patotoo ko at kailanman ay hindi ko ipagkakanulo ang Diyos!”
Pagkatapos kuhanan ang litrato, ibinalik ako ng mga pulis sa kwarto ng interogasyon. Kinuha ng isang pulis sa bag ko ang mga dokumento tungkol sa bilang ng mga miyembro at sa pondo ng iglesia at inihagis ang mga iyon sa mesa, pinandidilatan ako at sumisigaw na, “Ngayon ay dapat mong ipaliwanag nang malinaw kung saan nanggaling ang mga bagay na ito! Kung hindi ka magsasalita, makakakuha ka ng sampung taong sentensiya!” Dahil nakikitang hindi ako sumasagot, marahas niyang dinuro ng daliri niya ang ulo ko at sinabing, “Ikaw na matandang hukluban, marami na akong nakitang tulad mo. Kung hindi ka aamin ngayon, inilalagay mo sa panganib ang kakaunting buhay na nalalabi sa iyo! May limang pangkat kaming nagpapalitan para kuwestiyunin ka. Tingnan natin kung sino ang tatagal kanino!” Natakot ako dahil dito, dahil naisip ko kung paanong pinahirapan ang ilang kapatid gamit ang mga patpat na kawayan na ipinasok sa mga kuko nila at ang iba ay sapilitang pinainom ng tubig na may sili pagkatapos maaresto. Napaisip ako kung gagawin din nila iyon sa akin kung mananatili akong hindi nagsasalita. Kung papahirapan nila ako at ikukulong nang ilang taon, makakayanan ko ba ito? Mahigit limampung taong gulang na ako, at hindi na maganda ang kalusugan ko, paano kung pahirapan nila ako hanggang sa mamatay? Sa puso ko ay patuloy akong nagdadasal sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyan ako ng lakas. Sa sandaling iyon, naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Hinihingi sa atin ang lubusang pananalig at pag-ibig sa yugtong ito ng gawain. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nauna: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananalig ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananalig, pag-ibig, at buhay ang mga salita” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (8)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Kahit ano pang uri ng pagdurusa o pagsubok ang harapin ko, kailangan kong umasa sa pananalig ko at manindigan sa patotoo ko. Sa ganitong paraan lang ako magagawang perpekto ng Diyos. Naisip ko ang pagdurusa ni Job sa ilalim ng panunukso ni Satanas. Nang mawala sa kanya ang malalaking kawan niya ng baka at tupa, ang napakalaking kayamanan niya, at ang mga anak niya, at napuno ang buong katawan niya ng masasakit na sugat, nagkaroon pa rin si Job ng pananalig sa Diyos. Mas pinili niyang sumpain ang sarili niyang laman kaysa magreklamo tungkol sa Diyos, at patuloy niyang pinuri ang pangalan ng Diyos, sa gayon ay naninindigan sa patotoo niya, ipinapahiya si Satanas, at tinatanggap ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Ang pagkakahuli at pag-uusig sa akin ay panunukso ni Satanas sa akin, at pagsubok at pagsusulit din ito sa akin ng Diyos. Kailangan kong tularan ang halimbawa ni Job at hindi magreklamo laban sa Diyos, kahit pa mangahulugan ito ng kamatayan, at kailangan kong umasa sa Diyos para manindigan sa patotoo ko at ipahiya si Satanas. Mula noon, kahit paano pa ako kuwestiyunin ng mga pulis, hindi ako nagsalita. Dahil nakikitang wala silang anumang makukuha sa akin, sinabi ng mga pulis sa isa pang pangkat, “Maghanap kayo ng isa pang paraan para mapagsalita siya, marami-raming pera ang nasa mga dokumentong ito. Paaminin ninyo siya sa mga detalye tungkol sa pera at mga lider ng iglesia, Huwag ninyo siyang patulugin hangga’t hindi siya nagsasalita!” Ang pangalawang pangkat ng mga pulis ay binubuo ng dalawang binata. Tumayo sila sa magkabilang gilid ko at malakas na pinagsususuntok ang mga balikat ko gamit ang mga kamao nila, pilit inaalam kung sino ang mga lider ng iglesia. Parang mahihimatay ako, nakaupo sa isang bangko, nanginginig ang buong katawan, at hindi makapagsalita. Hindi sila tumigil at patuloy akong pinagsususuntok gamit ang mga kamao nila. Pagkalipas ng ilang sandali, pumasok ang hepe ng Kawanihan ng Pampublikong Seguridad, nagngangalit ang mga ngipin, at nagsabing, “Hindi ka pa rin umaamin hanggang ngayon? Sino ang nagbigay sa iyo ng mga dokumento ng pondo ng iglesia? Kung hindi mo sasabihin sa amin ngayong araw, malalagot ka!” Kumabog ang puso ko pagkarinig nito, at agad akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, mukhang hindi nila ako pakakawalan. Hindi ko ito kayang pagtagumpayan nang mag-isa, handa akong umasa sa Iyo. Kahit paano pa nila ako pahirapan, kailanman ay hindi ako magiging isang Hudas!” Sa sandaling iyon, bigla kong naramdamang bumabaliktad ang sikmura ko at nagsimula akong sumuka. Nang makita ng mga pulis na sumusuka ako kung saan-saan, lumayo sila. Sinamantala ko ang pagkakataon para hablutin ang mga dokumento tungkol sa bilang ng mga miyembro at sa pondo ng iglesia mula sa mesa at ginamit ang mga iyon para punasan ang buong katawan ko. Pagkatapos ay inihagis ko ang mga iyon sa sahig at tinapakan ang mga iyon para sirain, kaya nagalit nang husto at namutla ang mga pulis. Sa sandaling iyon, nakatanggap ng tawag ang hepe ng Kawanihan ng Pampublikong Seguridad, ipinapaalam sa kanya na namatay ang biyenan niyang babae at na kailangan niyang magmadaling umuwi, kaya kinailangan nilang itigil ang interogasyon. Alam kong proteksyon ito ng Diyos at malaki ang pagpapasalamat ko sa Kanya. Kinuwestiyon ako ng mga pulis nang walong beses sa kabuuan, pero wala silang anumang nakuhang impormasyon sa akin, kaya kalaunan, ipinadala nila ako sa isang kulungan.
Sa kulungan, dinala ako ng dalawang babaeng pulis sa isang maliit na kwarto at pinagalitan ako, “Babalatan ka namin, matandang hukluban!” Pagkatapos, kumuha sila ng mga gunting at ginupit ang bawat butones sa mga damit ko. Tapos, hinubaran nila ako at itinapon ang mga sapatos ko. Pagkatapos ng inspeksiyon, pinaglakad nila ako nang nakayapak sa bakuran papunta sa isa pang kwarto. Lubos akong napahiya, at nagalit at nabagabag nang husto, kaya patuloy akong nagdasal sa Diyos. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Ipinaunawa sa akin ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos na sa pagkakahuli at pagkakapahiya, kahit na medyo nagdusa ang laman ko at nasira ang pride ko, ito ay pagdurusa alang-alang sa katuwiran at alang-alang sa pagkakamit ng katotohanan, at na ang pagdurusang ito ay mahalaga at makabuluhan. Tinulungan din ako ng pag-uusig sa akin na magkamit ng pagkilatis at makita nang mas malinaw ang kabuktutan at kawalang-kahihiyan ng malaking pulang dragon, at kinapootan at tinanggihan ko ito mula sa puso ko. Habang iniisip ko ito, hindi na ako nahihiya, at ipinasya kong manindigan sa patotoo ko para pahiyain si Satanas.
Pagkatapos makulong nang tatlumpong araw sa kulungan, kinasuhan ako ng mga pulis ng “paggambala sa pampublikong kaayusan” at sinentensiyahan ng isang taong muling pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho, nasa isang kwarto ako na nasa mga 10 metro kuwadrado kung saan nagsisiksikan ang 20 tao, at nagsisimula ang trabaho tuwing alas-6 ng umaga. Palagi kaming inaatasan ng mga pulis ng mga gampanin, at kung hindi namin matatapos ang mga iyon, hindi kami pinapayagang kumain o matulog, at kailangan naming mag-overtime sa gabi. Umaga man o gabi, sa tuwing tatawagin kami para maglipat ng isang bagay, kailangan naming pumunta agad, nagbubuhat ng 60 hanggang 70 libra ng mga aytem hanggang sa ikatlong palapag nang kami lang, at kung mabagal kaming kumilos, sisigawan kami ng mga pulis at papagalitan. Sa oras na marating ko ang ikalawang palapag, hindi na ako makagalaw at natutumba ako sa bawat hakbang, at kailangan kong maglakad nang paunti-unti paakyat sa ikatlong palapag. Palagi akong nauuwi sa sobrang pagod, basang-basa ng pawis, at nanghihina ang mga binti, at pagkatapos ng isang gawain, wala akong oras para huminga, kailangan ko agad gumawa ng ibang gawain. Nagtrabaho ako na parang nakasalalay rito ang buhay ko araw-araw, natatakot na maparusahan o humaba ang senstensiya ko kung hindi ko matatapos ang mga gampanin, madalas ay humahantong ako sa mga pananakit ng ulo o pagkahilo, at muntikang pagkawala ng malay sa maraming pagkakataon. Pagkatapos magtrabaho buong araw, kailangan kong magbantay nang dalawang oras sa gabi nang hindi umiidlip, sumasandal sa pader, o gumagalaw-galaw nang malaya, at ang anumang paglabag ay nagreresulta sa pagpaparusa at paninita. Kapag sa wakas ay dumating na ang oras ng pagtulog, ang pagtulog ay isa ring pahirap, dahil apat kaming kailangang magsiksikan sa isang kama na isang metro ang lapad, at kakailanganin kong sumiksik sa isang maliit na puwang para bahagyang makahiga, hindi makatagilid o makagalaw, dahil sa anumang pagkilos ay sisigawan ako ng ibang preso. Nakausli ang mga binti ko sa kama, pinupulikat sa matinding ginaw. Madalas din akong binabangungot na hinuhuli o kinukuwestiyon ako at nagigising akong pinapawisan nang malamig. Palagi kaming nagugutom, at pagdating sa oras ng pagkain, ang natatanggap lang naming mga sumasampalataya sa Diyos ay malabnaw, matubig na pagkain, na wala talagang anumang mantika. Sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho, ang bawat araw ay parang isang taon. Araw-araw, iniisip ko, “Kailan ba matatapos ang mga madilim at miserableng araw na ito?” Masyado akong nanghihina, kaya nagdasal ako sa Diyos. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung, paano man gumagawa ang Diyos, at anuman ang iyong kapaligiran, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, hangarin ang kaalaman sa gawain ng Diyos, at hangarin na malaman ang Kanyang mga gawa, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng tunay na pananalig, at pinatutunayan nito na hindi ka nawalan ng pananalig sa Diyos. Mayroon ka lamang tunay na pananalig sa Diyos kung, habang pinipino, nagagawa mong patuloy na hangarin ang katotohanan, tunay na mahalin ang Diyos, at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, at kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at nagagawa mong hanapin ang Kanyang mga layunin sa kaibuturan mo at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Tinanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Sinikap na ba ninyong kamtin ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo ay, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at magniningning kayo ng Aking liwanag ng kaluwalhatian sa buong sansinukob” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Talagang pinagaan at pinalakas ng mga salita ng Diyos ang loob ko. Ang isang mananagumpay ay isang tao na, sa gitna ng pag-uusig at kapighatian, ay kaya pa ring magsagawa ng katotohanan, mapagtagumpayan si Satanas, at magpatotoo para sa Diyos. Pero naging negatibo at mahina ako sa kaunting pagdurusa lang. Paano ko mapagtatagumpayan si Satanas nang ganito? Ang maranasan ang mga paghihirap na ito at magkaroon ng pagkakataong magpatotoo sa Diyos ay pagtataas at pagpapala ng Diyos sa akin. Nang maisip ko ito, naramdaman kong mahalaga at makabuluhan ang pagdurusang ito, at handa akong magpasakop at umasa sa Diyos para maranasan ito. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pag-asa sa panalangin at sa patnubay ng mga salita ng Diyos, nalagpasan ko ang isang taon sa kulungan. Nang makaalis ako sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho, nabawasan ako ng mahigit tatlumpung libra at naiwan ang masasamang epekto sa mga kamay ko.
Pagkaalis sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho, hindi niluwagan ng Partido Komunista ang pagmamanman sa akin, at naglagay sila ng impormante sa nayon para lang bantayan ako, para makita kung sumasampalataya pa rin ako sa Diyos o dumadalo sa mga pagtitipon. Namuhay ako na parang nakakulong sa isang kuwadro, hindi makadalo sa mga pagtitipon o makapangaral ng ebanghelyo, kaya wala akong magawa kundi umalis sa bahay para magawa ang mga tungkulin ko. Sa mga taon na iyon, madalas na pumupunta sa bahay ko ang mga tao mula sa presinto para kuwestiyunin ang asawa ko tungkol sa mga kinaroroonan ko, at madalas nilang tinatawagan ang anak kong lalaki at manugang ko, hinihimok silang hanapin ako. Isang araw, nakipagkita sa akin ang manugang kong babae sa kalsada at iginiit na umuwi ako kasama niya. Pagdating ko roon, sinabi ng anak kong lalaki habang naluluha, “Tawag nang tawag ang presinto kapag wala ka sa bahay, wala kaming kapayapaan! Alam naming isang mabuting bagay ang pananalig mo sa Diyos, pero tinututulan ito ng Partido Komunista, at kung patuloy kang sasampalataya sa Diyos, hindi nila pahihintulutang makapag-aral ang mga anak namin, at magiging napakabigat ng buhay namin. Kailangan mong pumili, ang Diyos mo o ang pamilyang ito?” Pagkarinig dito, naisip ko, “Kung patuloy akong sasampalataya sa Diyos at mangangaral ng ebanghelyo, masisira ang ugnayan ko sa anak kong lalaki at manugang ko, at hindi na nila ako aalagaan sa hinaharap. Ano nang gagawin ko kapag matanda na ako?” Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko. Sa sandaling ito, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin Niya. Ang mga sitwasyong hinaharap ko ay isang pagsubok, at kailangan kong pumanig sa Diyos at bigyang-lugod Siya. Inuusig at hinahadlangan ako ng anak kong lalaki at manugang ko, pero ang tunay na salarin ay ang Partido Komunista, na sinusubukang gamitin ang mga panlalansing ito para pilitin akong ipagkanulo ang Diyos. Hindi ko hahayaang magtagumpay ang mga pakana ni Satanas, at kailangan kong umasa sa Diyos para manindigan sa patotoo ko at ipahiya si Satanas. Kahit ano pa ang magiging buhay ko o kung aalagaan man ako ng anak kong lalaki, ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at handa akong umasa sa Kanya para maranasan ito. Alam kong hindi ko puwedeng isagawa ang pananalig ko at gawin ang mga tungkulin ko sa bahay, kaya naghanap ako ng paraan para umalis sa bahay at ipagpatuloy ang paggawa sa mga tungkulin ko.
Maraming taon na akong tinutugis ng malaking pulang dragon, at habang mas inuusig ako nito, lalo ko itong kinamumuhian at tinatanggihan mula sa kaibuturan ng puso ko, at lalo akong nananatiling matatag sa pananalig ko, sumusunod sa Diyos, at gumagawa ng mga tungkulin ko. Salamat sa Diyos!