14. Paano Ko Dapat Tratuhin ang Iba na Mas Nakahihigit sa Akin

Ni Kaoshen, Tsina

Noong katapusan ng 2016, nakipagtulungan ako kay Sister Yi Xin sa gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahong pagtutulungan, nalaman ko na may mahusay na kakayahan si Yi Xin at mabilis niyang nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Nagawa niyang maarok ang mga pangunahing punto sa pakikipagbahaginan ng katotohanan at malutas ang mga paghihirap ng mga kapatid. Naisip ko na, “Nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maikling panahon at hindi ko pa gaanong nauunawaan ang katotohanan, kaya sa pakikipagtulungan ni Yi Xin sa akin, tiyak na maisasagawa nang maayos ang gawain ng iglesia.” Napakasaya ko, puno ako ng determinasyon at sigasig. Sa tuwing mayroon akong hindi nauunawaan, nagtatanong ako kay Yi Xin. Nangunguna siya sa gawain at hindi ako kailanman tumutol dito dahil pakiramdam ko ay mas magaling siya kaysa sa akin.

Makalipas ang ilang panahon, narinig kong sinabi ng mga kapatid na mahusay ang kakayahan ni Yi Xin, nakikilatis niya ang mga bagay-bagay at nalulutas niya ang mga problema nila, at na ang pagbabahagi niya ay talagang nakakapagbigay-liwanag. Noong una, nagawa kong tratuhin ito nang wasto, pero nang madalas kong marinig ang mga bagay na ito, nagsimula akong makaramdam ng kaunting pagkahiya at pagkabagabag, iniisip ko na, “Pareho kaming lider at magkasama naming ginagawa ang gawain namin. Dahil sa pagpuri ng lahat ng kapatid sa kanya, hindi ba’t parang wala akong kakayahan?” Sumang-ayon ako sa mga kapatid sa salita, sinabi kong, “Oo, mahusay ang kakayahan ni Yi Xin,” pero sa loob-loob ko ay hindi ko ito matanggap, iniisip ko, “Nagsagawa rin naman ako ng maraming pagtitipon para sa mga kapatid, at nagawa ko rin namang lutasin ang ilan nilang mga problema at paghihirap. Bakit walang sinumang pumupuri sa akin? Ganoon ba talaga ako kababa kumpara kay Yi Xin? Hindi ito maaari. Kailangan kong magbasa pa ng mga salita ng Diyos para makapagbahagi ako nang mas malinaw sa mga pagtitipon, at kailangan kong magsikap na makasabay kay Yi Xin, para makita ng mga kapatid na hindi ako mababa kumpara sa kanya!” Pagkatapos noon, nagsimula akong magsikap, dumadalo sa mga pagtitipon sa araw at nagbabasa at pinupuno ang sarili ko ng mga salita ng Diyos sa gabi. Isinusulat ko ang alinmang mga sipi ng mga salita ng Diyos na makalulutas sa ilang kalagayan para mabilis ko silang makita kapag lumulutas ako ng mga problema. Kapag nagtitipon ang mga nakatataas na lider kasama namin, kinokonsulta ko sila sa anumang bagay na hindi ko nauunawaan dahil nais kong mas marami pang maunawaan, maging mas handa, at malampasan si Yi Xin.

Minsan, sa isang pagtitipon ng mga lider ng grupo, may kinailangang asikasuhin si Yi Xin kaya pinauna niya ako. Napakasaya ko, dahil dati, laging sumasama sa akin si Yi Xin at lagi siyang nangunguna sa bawat pagtitipon, pero ngayon, sa wakas ay pagkakataon ko nang makipagbahaginan sa mga kapatid nang mag-isa. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito para magpakitang-gilas at patunayan na ang kakayahan ko ay hindi ganoon kababa kumpara kay Yi Xin. Sa pagtitipon, nagsimula ako sa pag-unawa sa kamakailang kalagayan ng bawat lider ng pangkat at sa mga paghihirap na nararanasan nila sa kanilang mga tungkulin. Nakinig ako nang mabuti noong nagsalita ang isang sister, at mabilis na gumana ang isip ko, inisip kong mabuti kung aling mga sipi ng mga salita ng Diyos ang matatagpuan ko para kalagayan niya. Naisip ko na, “Hindi talaga ako puwedeng magkamali rito. Kapag hindi ko malulutas ang problemang ito, habang-buhay akong mananatili sa anino ni Yi Xin. Labis itong nakakahiya at nakakababa!” Matapos ilarawan ng sister ang kanyang kalagayan, nahanap ko ang angkop na mga sipi mula sa mga salita ng Diyos, at nakipagbahaginan ako habang pinagmamasdan ang mga reaksyon niya. Nang makita kong tumatango sa pagsang-ayon ang sister, nakaramdam ako ng biglaang kasiyahan at naisip ko na mahusay ang ginagawa ko. Pero noong ginaganahan na ako sa pakikipagbahaginan, dumating si Yi Xin, matapos maisagawa ang kanyang gampanin. Ang lahat ng mga kapatid na nakatingin sa akin ay ibinaling ang kanilang atensiyon kay Yi Xin. Naramdaman ko sa kanilang mga tingin na lahat sila ay sabik na naghihintay kay Yi Xin. Medyo nadismaya ako. Pagkatapos noon, sinimulan ni Yi Xin na maghanap at magbahagi ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga isyu ng lider ng pangkat. Ang pagbabahagi ni Yi Xin ay talagang napakalinaw at labis akong nainggit. Naisip ko na, “Dumating at nanguna ka at ninakaw mo ang pagkakataon kong magningning. Hindi puwede. Hindi ko kayang umupo na lang at hayaang agawin mo ang atensiyon. Kailangan kong humanap ng pagkakataong makipagbahaginan.” Piniga ko ang aking utak, inisip ko kung aling mga sipi ng mga salita ng Diyos ang gagamitin ko at kung paano ako makakapagbahagi nang mas malinaw kaysa kay Yi Xin. Dahil gustong-gusto kong magpasikat, noong tumigil sandali si Yi Xin, agad akong sumabat at ipinagpatuloy ko ang pakikipag-usap sa lider ng pangkat, sinabi ko, “Sister, nakahanap rin ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan mo, magbahagi tayo tungkol dito.” Pagkatapos, nagsimula akong magbasa, pero habang nagbabasa ako, napansin ko na hindi masyadong tugma sa kalagayan ng sister ang sipi na napili ko. Umugong ang utak ko, at inisip ko na, “Naku, nagkamali ba ako? Nais ko sanang hangaan ako ng mga kapatid, pero hindi ba’t ang ganitong simpleng pagkakamali ay nagpapatunay na wala akong kakayahan? Labis na nakakahiya ito!” Nakaramdam ako ng matinding pagkailang at pagkahiya, uminit ang mukha ko, at gusto ko na lamang magtago sa ilalim ng lupa Nagpatuloy si Yi Xin sa pagbabahagi niya, at nakinig nang mabuti ang mga kapatid. Pakiramdam ko ay parang naisantabi ako, taglay ang matinding sakit at pagkabalisa, na para bang hindi ako mapakali. Nagsimulang umusbong ang sama ng loob sa akin, at naisip ko na, “Ano bang papel ang ginagampanan ko? Nandito lang ba ako para purihin si Yi Xin? Dahil lang sa nandito si Yi Xin kaya tila kulang na kulang ako! Ang lahat ng kahihiyan ko ngayon ay dahil sa kanya. Kung wala siya rito, labis ba akong magiging balisa na hindi ako makakahanap ng angkop na mga sipi ng mga salita ng Diyos? Mapapahiya ba ako nang ganito?” Pakiramdam ko ay para akong isang payasong nakaupo roon, na gusto ko na lang umalis agad. Nang sa wakas ay matapos ang pagtitipon, umuwi ako at humiga sa kama, pero nang maisip ko ang nangyari sa pagtitipon, umikot ang puso ko sa bagyo ng pagkabalisa, at nakaramdam ako ng matinding pagkabagabag at pagkabigo. Naisip ko ang lahat ng pagsusumikap na inilaan ko kamakailan sa pagpapabuti ng mga kasanayan ko sa paglutas ng problema, kung paano ako dumadalo sa mga pagtitipon sa araw, pinupuno ang sarili ko ng mga salita ng Diyos sa gabi, at nananatiling gising hanggang hatinggabi, pero kahit anong pilit ko, hindi ko pa rin kayang tapatan si Yi Xin. Nang maisip ko ito, nagsimula akong magkaroon ng sama ng loob kay Yi Xin at ayaw ko nang makipagtulungan sa kanya sa mga pagtitipon. Ayaw ko na nga siyang makita. Kinabukasan, nang magpunta kami ni Yi Xin sa pagtitipon, nagmaktol ako at nanahimik, iniisip ko na, “Hindi ko kayang makipagkompetensiya sa kanya, kaya mananahimik na lang ako at makikinig!” Pero kung hindi naman ako makikipagkompetensiya, makakaramdam pa rin ako ng pagkabagabag, pagkabigo, at galit. Nablangko ang isip ko nang subukan kong makipagbahaginan, at hindi ko alam kung anong sasabihin. Kaya nagsimula akong magreklamo, inisip ko na, “Bakit nga ba binigyan siya ng Diyos ng ganoong kahusay na kakayahan? Bakit nga ba Niya ako binigyan ng ganito kahinang kakayahan at isinaayos Niya na magkasama naming gampanan ang aming mga tungkulin? Kapag nandiyan siya, para bang wala talaga ako dito.” Sana balang araw ay mapaghiwalay kami. Hindi na ako masyadong nagsalita sa mga sumunod na pagtitipon, at hindi na rin ako masyadong nakilahok sa mga talakayan sa gawain. Patuloy na lumala ang kalagayan ko at lalo akong nasaktan at nasupil. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Palagi akong naiinggit kay Yi Xin, at palagi kong ikinukumpara ang sarili ko sa kanya. Napakasakit mamuhay sa ganitong kalagayan. Diyos ko! Bigyang-liwanag at gabayan mo ako na maunawaan ang tiwaling disposisyon ko.”

Pagkatapos, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa anumang may kinalaman sa reputasyon, katayuan, o pagkakataong mamukod-tangi—halimbawa, kapag naririnig ninyo na ang sambahayan ng Diyos ay nagpaplanong maglinang ng sari-saring uri ng mga taong may talento—lumulukso sa pag-asam ang puso ng bawat isa sa inyo, gusto palagi ng bawat isa sa inyo na maging tanyag at makakuha ng pansin. Lahat kayo ay nais na makipaglaban para sa katayuan at reputasyon. Ikinahihiya ninyo ito, pero hindi magiging maganda ang pakiramdam ninyo kung hindi ninyo ito gagawin. Nakararamdam kayo ng inggit, pagkamuhi, at nagrereklamo sa tuwing may nakikita kayong taong namumukod-tangi, at iniisip ninyo na hindi ito patas: ‘Bakit hindi ako makapamukod-tangi? Bakit palagi na lang ibang tao ang napapansin? Bakit hindi ako kahit kailan?’ At pagkatapos ninyong makaramdam ng sama ng loob, sinusubukan ninyo itong pigilin, ngunit hindi ninyo magawa. Nagdarasal kayo sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam sandali, ngunit kapag naharap kayong muli sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin ninyo ito madaig. Hindi ba ito nagpapakita ng isang tayog na kulang pa sa gulang? Kapag naiipit sa gayong mga kalagayan ang mga tao, hindi ba’t nahulog na sila sa patibong ni Satanas? Ito ang mga kadena ng tiwaling kalikasan ni Satanas na gumagapos sa mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Nakita ko na kapag hinahangaan ng mga kapatid si Yi Xin, nakakaramdam ako ng tila kakulangan, lumilitaw ang inggit ko, at nagsisimula akong makipagkompetensiya sa kanya. Para hangaan ako ng lahat, maaga akong bumabangon at nagpupuyat para magbasa ng mga salita ng Diyos at pinupuno ko ang sarili ko ng mga katotohanan, nais kong patunayan na hindi ako mababa kumpara kay Yi Xin. Sa pagtitipon ng mga lider ng pangkat, nang dumating si Yi Xin, ibinaling ng mga kapatid ang atensiyon nila sa kanya, at ang pagbabahagi niya ay talagang mahusay. Nakaramdam ako ng inggit at hindi ko ito matanggap, at piniga ko ang utak ko para makahanap pa ng mas angkop na mga sipi ng mga salita ng Diyos na maibabahagi. Pero hindi tumugma kahit kaunti sa kalagayan ng lider ng pangkat ang mga siping nahanap ko. Napahiya ako at inilabas ko ang sama ng loob ko kay Yi Xin, naisip ko na hangga’t nandiyan siya, hindi ako mapapansin, kaya ayaw ko nang makipagtulungan sa kanya. Masyado akong nag-aalala sa reputasyon at katayuan ko. Kapag may kinalaman sa dangal o katayuan, hindi ko mapigilang makipagkompetensiya, at kapag nabibigo ako, nakakaramdam ako ng sama ng loob, pagkamuhi, at negatibong pananaw sa kanya, iniisip ko na kasalanan niya ang lahat. Isa akong mababaw, kasuklam-suklam at kaawa-awang tao. Naisip ko si Zhou Yu mula sa Ang Romansa ng Tatlong Kaharian, na labis na naiinggit sa talento ni Zhuge Liang kaya namatay siya sa murang edad dahil sa kanyang galit. Ginugol ko rin ang mga araw ko na may galit at sama ng loob dahil sa pagkainggit ko kay Yi Xin, nabuhay ako sa kadiliman at pagdurusa, at nabigo pa akong tuparin ang mga tungkulin ko. Hindi ba’t mapapabilis lang nito ang pagkabunyag at pagkatiwalag ko? Ang totoo, mabilis na nauunawaan ni Yi Xin ang mga bagay-bagay, naibabahagi niya ang katotohanan nang may kaliwanagan, at nalulutas niya ang mga paghihirap ng mga kapatid. Parehong nakikinabang ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid dito, at nababawi rin nito ang mga pagkukulang ko. Mabuting bagay ito. Gayumpaman, naiinggit ako sa mga talento ng kapatid ko at hindi ko kayang makita na nalalampasan niya ako. Ang tanging iniisip ko ay makipagkumpetensya sa kapatid ko para sa katanyagan, pakinabang at ranggo, at kapag hindi ako nananalo, nagiging negatibo at pabaya ako, inilalabas ko ang aking pagkabigo sa tungkulin ko. Napakamakasarili ko! Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, ayaw ko nang mabuhay sa kalagayang ito ng pagkainggit, napakasakit at mapanupil ang mabuhay nang ganito! Handa akong magsisi at maghanap ng katotohanan para malutas ang tiwaling disposisyon na ito, gabayan Mo ako.”

Sa paghahanap ko, naalala ko ang ilang salita ng Diyos: “Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang sinasandigan ng mga tao para sa pananatili ng kanilang buhay ay sumisira sa kanilang puso hanggang sa punto na sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila kulang sa tibay ng kalooban at determinasyon, ngunit naging sakim, mayabang, at matigas din ang ulo nila. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang pagkontrol ng mga madilim na impluwensiya. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapatalsik ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Habang iniisip ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang sakit na dinaranas ko ay dulot ng katiwalian at pamiminsala ni Satanas. Pinagnilayan ko kung paano ako naimpluwensyahan ng lipunan at naturuan ng pamilya ko sa murang edad, nabuhay ako sa mga satanikong lason tulad ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Napakamakasarili ko, kasuklam-suklam, mayabang at palalo. Kapag may sinumang nakahihigit sa akin o nagbabanta sa reputasyon o katayuan ko, nakakaramdam ako ng pagkabagabag, at naiinggit at namumuhi ako, nakakaramdam ako ng labis na pagkasupil at hindi makayanang sakit. Naalala ko ang isang kaklase ko na malapit sa akin at mas mahusay mag-aral kaysa sa akin. Nang makita ko ang iba naming kaklase na nagkukumpulan sa paligid niya at nagtatanong sa kanya, nakaramdam ako ng pambabalewala at nainggit ako sa kanya, at ninais kong higitan siya. Kalaunan, noong hindi na ako makasabay sa kanya sa kabila ng pagsisikap ko sa pag-aaral, itinigil ko ang pakikipagkaibigan ko sa kanya, at nasira ang aming ugnayan. Pagkatapos kong magpakasal, nang makita ko na mas malaki ang kinikita ng mga kapitbahay ko at mas maayos ang pamumuhay nila, nakaramdam ako ng inggit at nagsikap ako para kumita ng mas marami pang pera, pero sa huli, hindi ko pa rin kayang makipagkompetensiya, at itinigil ko na ang kagustuhan kong makihalubilo sa kanila. Kahit pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, nagpatuloy pa rin akong mamuhay ayon sa mga lason na ito. Nang makita ko na mas mahusay ang kakayahan at pang-unawa ni Yi Xin kaysa sa akin, nakaramdam ako ng pagkainggit, at nagsikap ako na higitan siya, at nang hindi ko magawa, nakaramdam ako ng hindi makayanang pagkabalisa at ayaw kong makita siya, at nagreklamo pa ako sa Diyos sa pagkakaloob sa akin ng ganito kahinang kakayahan, ibinuhos ko ang pagkabigo ko sa aking mga tungkulin at hindi na ako lumahok sa gawain ng iglesia. Nakita ko na wala akong katwiran at wala akong kahit katiting na pagkatao. Iginapos ako ng reputasyon at katayuan sa hindi makayanang pagdurusa, hindi lamang ito nagdulot ng sakit sa akin, kundi ay nakapaminsala rin sa iba. Nasira rin ang buhay pagpasok ko, at nawalan ako ng maraming pagkakataong makamit ang katotohanan. Napagtanto ko na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay hindi ang tamang landas, at ang patuloy na paghangad ng mga bagay na ito ay maglalayo lamang sa akin sa Diyos at sa huli ay magiging sanhi ng pagtiwalag Niya sa akin. Nang mapagtanto ko ito, naging handa akong magbago at hindi na ako naghangad pa ng reputasyon o katayuan.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). “Kailangan kayong magtulungan nang maayos para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa kapakinabangan ng iglesia, at upang hikayating sumulong ang inyong mga kapatid. Dapat kayong makipag-ugnayan sa isa’t isa, na bawat isa ay pinupunan ang pagkukulang ng iba at humahantong sa mas magandang resulta ng gawain, upang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at ang mga gumagawa lamang nito ang magtatamo ng tunay na pagpasok. Habang nagtutulungan, maaaring hindi naaangkop ang ilan sa mga salitang sinasabi mo, ngunit hindi iyon mahalaga. Magbahaginan kayo tungkol doon kalaunan, at magtamo ng malinaw na pagkaunawa rito; huwag itong kaligtaan. Pagkatapos ng ganitong uri ng pagbabahaginan, mapupunan ninyo ang mga pagkukulang ng inyong mga kapatid. Kapag mas nilaliman ninyo nang ganito ang pagkilos sa inyong gawain, at saka kayo magtatamo ng mas magagandang resulta. Bawat isa sa inyo, bilang mga taong naglilingkod sa Diyos, ay kailangang maipagtanggol ang mga interes ng iglesia sa lahat ng inyong ginagawa, sa halip na isipin lamang ang sarili ninyong mga interes. Hindi katanggap-tanggap na kumilos nang mag-isa, na sinisiraan ang bawat isa. Ang mga taong gayon ang ugali ay hindi angkop na maglingkod sa Diyos!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinagkakalooban ng Diyos ang bawat tao ng iba’t ibang kakayahan at may iba’t iba Siyang kahilingan para sa mga ito. Hindi alintana kung ang kakayahan ng isang tao ay mabuti o masama, basta’t ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin nang may tamang layunin, naghahangad ng katotohanan, kumikilos ayon sa mga prinsipyo, at ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya, sasang-ayunan siya ng Diyos. Pinagkaloob sa akin ng Diyos ang kakayahang ito, na bunga ng Kanyang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan, kaya kailangan akong magpasakop, sulitin nang lubusan ang makakamit ko, at gawin nang maayos ang mga tungkulin ko. Naisip ko kung paano ako nananampalataya sa Diyos sa loob lamang ng maikling panahon at kung gaano kababaw ang buhay pagpasok ko, na hindi ko magampanan nang maayos ang gawain nang mag-isa. Mas malinaw ang pagbabahagi ni Yi Xin ng katotohanan, at ang mga kalakasan niya ang pumuno sa mga pagkukulang ko. Nagawa namin nang maayos ang gawain dahil sa pagtutulungan—hindi ba’t isang magandang bagay iyon? Kinailangan kong bitawan ang aking inggit, makipagtulungan nang maayos sa kapatid ko, at magtanong pa sa kanya tungkol sa mga bagay na hindi ko maunawaan, para mabilis akong umunlad. Nang mapagtanto ko ito, tumigil ako sa pagrereklamo tungkol sa mahinang kakayahan ko, at naging handa akong magpasakop at gampanan ang parte ko. Hindi nagtagal, dumating ang oras para sa isa na namang pagtitipon, at binuksan ko ang saloobin ko tungkol sa katiwaliang naipakita ko kay Yi Xin at humingi ako ng tawad sa kanya. Nagbukas rin ng saloobin si Yi Xin at nakipagbahaginan siya sa akin, at nakaramdam ako ng kalayaan sa puso ko mula sa pagtitipong ito. Sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag at patnubay ng mga salita ng Diyos ay nakamit ko ang ilang pagkaunawa at pagbabago sa tiwaling disposisyon ko. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!

Sinundan:  13. Hindi Ko na Itinataas at Ipinagmamarangya ang Aking Sarili

Sumunod:  15. Ang Pinili ng Guro

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger