12. Paano Tratuhin ang Kabutihan ng Magulang

Ni Su Wei, Tsina

Simula pagkabata, medyo mahirap na ang pamilya ko. Minaliit kami ng mga kamag-anak at kaibigan, at maging ang mga lolo at lola ko ay itinakwil kami. Madalas akong pagsabihan ng nanay ko, “Kailangan mong mag-aral nang mabuti at magbigay ng karangalan sa pamilya!” Isinapuso ko ang mga sinabi niya, nagsikap ako sa pag-aaral ko, at palagi akong nangunguna sa klase. Pero kalaunan, naaksidente ako sa daan at nagkaroon ng iba pang kasawian, at kinailangan kong sumailalim sa tatlong operasyon. Sa tuwing may operasyon ako, labis na nag-aalala ang pamilya ko, at minsan, nagrereklamo ang nanay ko, sinasabi na kung hindi dahil sa perang ginastos nila sa mga operasyon ko, hindi sana maghihirap ang pamilya namin. Pagkatapos ng mga pagsusulit sa pasukan sa high school, matagumpay akong nakapasok sa isang prestihiyosong paaralan. Maraming beses kong naisip na huminto na lang sa pag-aaral at magtrabaho nang maaga para kumita ng pera, nang sa gayon ay maibsan ang pasanin ng pamilya ko, pero hindi sumang-ayon ang mga magulang ko at hinikayat nila ako na tumuon sa pag-aaral ko. Labis akong naantig at nagpasya ako na susuklian ko sila nang maayos paglaki ko. Kalaunan, maayos na nagpatuloy ang pag-aaral ko, at pagkatapos ng pagsusulit para sa kolehiyo, madali akong nakapasok sa isang primera-klaseng unibersidad. Pagkatapos niyon, nagpatuloy ako sa isang prestihiyosong unibersidad para sa graduate school. Noong panahong iyon, lubhang mahirap ang sitwasyong pinansiyal ng pamilya namin, madalas magkasakit ang mga magulang ko at hindi na nila kaya ang mabibigat na trabaho, at palaging baon sa utang ang pamilya namin. Taon-taon kapag umuuwi ako para sa Chinese New Year, tinatanong ko ang nanay ko kung magkano pa ang utang namin sa mga kamag-anak at kaibigan. Naririnig ko rin paminsan-minsan na sinasabi ng nanay ko na para masuportahan ang pamilya at mabayaran ang pag-aaral ko sa kolehiyo, kumakayod ng dalawang trabaho ang tatay ko, na parehong mabibigat na trabaho. Araw-araw siyang umaalis nang tuyo ang damit at umuuwi nang basang-basa. Sinasabi rin niya sa akin na huwag kong bibiguin ang pamilya at huwag mawawalan ng utang na loob. Kapag naririnig ko na sinasabi ito ng nanay ko, lihim akong napapaiyak sa ilalim ng kumot sa kalagitnaan ng gabi, iniisip ko, “Kapag nagsimula na akong magtrabaho, ibibigay ko ang isang parte ng sahod ko sa mga magulang ko kada buwan, para magkaroon sila ng magandang buhay.”

Sa pangalawang buwan nang makapagtrabaho na pagkatapos ng aking graduation, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hininga ng buhay sa loob natin ay nagmumula sa Diyos, at na bilang mga buhay na nilalang, nararapat sambahin ng mga tao ang Diyos. Habang dinidiligan ako ng mga salita ng Diyos, lalo kong nararamdaman na dapat akong maglaan ng mas maraming oras sa pagbabasa ng Kanyang mga salita at paghahangad sa katotohanan. Kaya, kusang-loob kong tinalikuran ang trabaho ko at pinili kong gawin ang tungkulin ko sa iglesia. Paminsan-minsan, binibisita ko ang mga magulang ko sa kanilang pinagtatrabahuan. Sa tuwing nakikita ko ang kanilang namumuting buhok, kumikirot ang puso ko, at lubha akong nakokonsensiya, iniisip na binigo ko sila dahil hindi ako nagtrabaho at kumita ng pera para suportahan sila. Sa tuwing bumibisita ako sa kanila, bumibili ako ng ilang bagay o bitamina para sa kanila, sinusubukang makabawi sa mga nararamdaman kong pagkakautang sa puso ko. Noong 2021, nagkaroon ng malawang pag-aresto sa iglesiang kinabibilangan ko, at tinugis din ako ng mga pulis. Salamat sa proteksiyon ng Diyos, hindi ako naaresto, pero hindi ko na makontak ang pamilya ko. Nang maisip ko na tiyak na nag-aalala sa akin ang mga magulang ko kapag hindi nila ako makontak, talagang nakonsensiya ako, iniisip ko, “Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng ilang aksidente at halos magkasakit sila sa pag-aalala tungkol sa akin. Nagtrabaho sila nang husto para mapalaki ako sa ganitong edad, hindi talaga iyon naging madali. Ngayon, bukod sa wala akong magandang kita para masuportahan sila, binibigyan ko pa sila ng dahilan para mag-alala at mabalisa tungkol sa akin. Talagang hindi ako mabuting anak!” Kumirot ang puso ko sa lungkot, at gusto kong umiyak sa tuwing maiisip ko ang mga magulang ko. Hindi ko maunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi ako makatutok sa pakikipagbahaginan ng aking mga kapatid. Tuwing nakakakita ako ng mga kapatid na kasing-edad ng mga magulang ko, naaalala ko ang sarili kong mga magulang, “Tumatanda na sila, at hindi rin maganda ang kalusugan nila. Kumusta na kaya sila ngayon? Kung magkasakit sila, may pera kaya sila para sa pagpapagamot?” Bagama’t ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko, walang tigil ang pag-aalala ng puso ko tungkol sa aking mga magulang. Iniraraos ko lang ang tungkulin ko, at sa tuwing may nangyayaring hindi umaayon sa gusto ko, naiisip kong umuwi. Pero kapag naiisip ko na huhulihin ako kung uuwi ako, hindi na ako naglalakas-loob na umuwi. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ako mula sa pagkakakulong ng pagmamahal ko.

Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi nagiging mabuting anak sa kanyang magulang ay isang suwail na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ko ito susundin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong suwail na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). “Anong uri ng pagtuturo ang natatanggap mo mula sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? (Ang pangangailangan na maging mahusay sa mga pagsusulit at magkaroon ng matagumpay na hinaharap.) Kailangan mong magpakita ng pag-asa, kailangan mong tugunan ang pagmamahal ng iyong ina at ang kanyang pagsisikap at mga sakripisyo, at kailangan mong tuparin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at huwag silang biguin. Mahal na mahal ka nila, ibinigay nila ang lahat para sa iyo, at ginagawa nila ang lahat para sa iyo sa kanilang mismong buhay. Kaya, ano ang naging bunga ng lahat ng kanilang sakripisyo, pagtuturo, at maging ng kanilang pagmamahal? Ang mga ito ay nagiging isang bagay na dapat mong suklian, at kasabay nito, nagiging pasanin mo ang mga ito. Ganito nagkakaroon ng pasanin. Hindi mahalaga kung ginagawa man ng mga magulang ang mga bagay-bagay dahil sa kanilang likas na gawi, dahil sa pagmamahal, o dahil sa mga pangangailangan ng lipunan, sa huli, ang paggamit ng mga pamamaraang ito para magturo at magtrato sa iyo, at magkintal pa nga ng iba’t ibang ideya sa iyo, ay hindi nagbibigay ng kalayaan, liberasyon, kaginhawahan, o kagalakan sa iyong kaluluwa. Ano nga ba ang hatid ng mga ito sa iyo? Ito ay kagipitan, ito ay takot, ito ay pagkondena at pagkabalisa ng iyong konsensiya. Ano pa? (Mga tanikala at hadlang.) Mga tanikala at hadlang. Higit pa riyan, sa ilalim ng mga ekspektasyong ito ng iyong mga magulang, hindi mo maiwasang mamuhay para sa kanilang mga inaasam. Para matugunan ang kanilang mga ekspektasyon, para hindi mo mabigo ang kanilang mga ekspektasyon, at para hindi sila mawalan ng pag-asa sa iyo, masigasig at maingat mong pinag-aaralan ang bawat asignatura araw-araw, at ginagawa mo ang lahat ng ipinapagawa nila sa iyo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Inilantad ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Mula noong bata ako, itinuro na sa akin ng nanay ko na napakarami nang isinakripisyo ng mga magulang ko para sa akin, at na hindi ako dapat mawalan ng utang na loob paglaki ko. Madalas ding sabihin ng mga kamag-anak at kapitbahay na kahit mahirap lang ang pamilya namin, patuloy pa ring sinuportahan ng mga magulang ko ang aking pag-aaral, at na kailangan kong bayaran sila nang maayos sa hinaharap at huwag kalimutan ang mga pinanggalingan ko. Nakita ko rin ang mga sakripisyo ng mga magulang ko para sa akin. Noong bata pa ako, ilang beses akong naaksidente, at halos tumanda sila nang maaga sa pag-aalala habang nangangalap ng pera para sa mga operasyon ko. Kung saan-saan din sila pumupunta para makalikom ng pondong kinakailangan para masuportahan ang pag-aaral ko. Kaya buong puso kong tinanggap ang edukasyon at indoktrinasyon mula sa aking pamilya, mga kamag-anak, at mga kaibigan nang walang pag-aalinlangan. Ginawa kong layon ko na mag-aral nang mabuti, pabutihin ang sitwasyong pinansiyal ng pamilya namin, at tiyakin na magkakaroon ng magandang buhay ang mga magulang ko. Para makamit ito, nagsikap ako para magtamo ng mas mataas na edukasyon, at binalak kong ibigay sa mga magulang ko ang isang parte ng sahod ko kada buwan, anuman ang mangyari sa buhay. Pero pagkatapos kong matagpuan ang Diyos at pinili kong bitiwan ang trabaho ko para gawin ang aking tungkulin, nakonsensiya ako dahil binigo ko ang mga magulang ko. Kalaunan, dahil sa pang-uusig at mga pag-aresto ng CCP, hindi ko na makontak ang pamilya ko, kaya mas lalo kong kinondena ang sarili ko at pakiramdam ko ay hindi ako mabuting anak. Nang maalala ko kung paano sinuportahan ng mga magulang ko ang aking pag-aaral at ngayong nakapagtapos na ako sa wakas, hindi ako kumikita ng pera para masuklian sila at sa halip ay pinag-aalala ko sila, napuno ako ng pagkakonsensiya at paninisi sa sarili. Kapag nakakakita ako ng mga taong kaedad ng mga magulang ko, nag-aalala ako tungkol sa mga magulang ko, at nalilihis ang atensiyon ko mula sa aking tungkulin. Naisip ko pa nga na ipagkanulo ang Diyos at abandonahin ang tungkulin ko para makauwi. Ang mga tradisyonal na ideyang ikinintal sa akin ng pamilya at lipunan, gaya ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop,” ay malalim nang nakaugat sa puso ko. Para silang bitag ang mga ito na nakabalot sa akin nang mahigpit at masakit. Malinaw kong alam na ang buhay ng tao ay nagmumula sa Diyos, at na ang pananampalataya sa Diyos, pagsamba sa Kanya, at paggawa ng tungkulin ng isang tao ay ang mga tamang landas sa buhay at ganap na natural at makatarungan, pero hindi pa rin ako mapalagay sa tungkulin ko. Palagi kong nararamdaman na ang pagsuway sa mga ekspektasyon ng mga magulang ko ay nangangahulugan na wala akong konsensiya at na isa akong walang utang na loob at hindi mabuti na anak.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nakatulong sa akin na tratuhin nang wasto ang mga sakripisyo ng mga magulang ko para sa akin noon pa man. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pag-usapan natin kung paano dapat bigyang-kahulugan ang ‘Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang.’ Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Dahil ito ay katunayan, nararapat lang na ipaliwanag natin ang mga usaping nakapaloob dito. Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Sino ang pumili kanino? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, ang sagot ay: wala sa inyo. Hindi ikaw o ang mga magulang mo ang nagpasyang ipanganak ka nila. Kung titingnan mo ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, kusang-loob ka nilang ipinanganak, hindi ba? Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang sa iyo, nasa iyong mga magulang ang lahat ng kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka, at sila ang may kontrol sa lahat. Hindi mo piniling ipanganak ka nila, wala kang kontrol nang isilang ka nila, at wala kang magagawa sa bagay na iyon. Kaya, sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na palakihin ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibo habang pinalalaki ka ng iyong mga magulang. Pinalaki ka sa paraang pinili ng iyong mga magulang, kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay kumakain ka at umiinom ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman, kung gayon, nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. … Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga obligasyong ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa. Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, kaya wala kang obligasyon na isakatuparan ang lahat ng ekspektasyon nila. Wala kang obligasyong magbayad para sa mga ekspektasyon nila. Ibig sabihin, maaari silang magkaroon ng sarili nilang mga ekspektasyon. May sarili kang mga pasya, at ang landas sa buhay at tadhana na itinakda ng Diyos para sa iyo, na walang kinalaman sa iyong mga magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga magulang ay hindi pinagkakautangan ng kanilang mga anak at na kusang-loob na pinapalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak, at dahil pinili nilang gawin iyon, may responsabilidad at obligasyon sila na palakihin ang mga anak. Gaano man kalaki ang isinasakripisyo ng mga magulang sa prosesong ito, responsabilidad nila ito bilang mga magulang at isa itong uri ng batas na inorden ng Diyos para sa mga nilikha. Katulad ng maraming nilalang sa kalikasan na nagpaparami at nagpapalaki ng kanilang mga supling, sinusunod lang nila ang mga batas at prinsipyong itinakda ng Lumikha. Ganoon din ang lagay sa mga tao. Ang mga magulang na nagpasyang magkaroon ng mga anak ay dapat magpalaki at magbigay ng kalayaan sa kanilang mga anak, pinahihintulutan ang mga ito na pumili ng sarili nilang landas sa buhay. Kung humihingi ng kapalit at kabayaran ang mga magulang dahil lang sa nagpalaki sila ng kanilang mga anak, o kung isinasakripisyo nila ang kalayaan ng kanilang mga anak na pumili ng sariling landas sa buhay ng mga ito para lang matupad ang sariling nilang mga pagnanais para sa mas magandang buhay, sa katunayan, hindi ito makatao. Ang gayong mga magulang ay masyadong makasarili. Sa pagninilay-nilay kung bakit ako nakonsensiya dahil hindi ako kumikita ng pera para matupad ang mga tungkulin ko sa aking mga magulang bilang anak, napagtanto ko na ito ay dahil itinuring ko ang mga sakripisyo at pag-aalaga nila bilang kabutihan, ang tingin ko sa kanila ay mga pinagkakautangan ko. Naniwala ako na sa sandaling magkaroon ako ng kakayahang kumita ng pera sa hinaharap, kailangan ko silang suklian nang maayos; kung hindi, ako ay magiging walang utang na loob, hindi mabuting anak, at walang pagkatao. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na mali ang perspektiba ko sa mga bagay-bagay. Ang pagpapalaki at pag-aalaga sa akin ng aking mga magulang ay pagtupad lang nila sa kanilang responsabilidad at obligasyon bilang mga magulang. Wala akong anumang utang sa kanila, hindi rin ako obligado na tugunan ang mga ekspektasyon nila. May karapatan akong piliin ang uri ng landas na dapat kong tahakin sa buhay, at hindi ako dapat mapigilan nitong tinatawag na kabutihan, dahil magsasanhi ito na mawala ang kalayaan ko sa buhay at maging ang pagkakataon ko na mahangad ang katotohanan at maligtas. Sa pagninilay-nilay sa bawat yugto ng buhay ko, naranasan ko ang ilang mapanganib na aksidente noong bata pa ako, pero mahimalang naprotektahan at nakaligtas ako dahil sa proteksiyon ng Diyos. Isang beses, nabangga ako ng isang rumaragasang sasakyan at tumilapon ako sa kabilang bahagi ng kalsada, at nawalan ng malay, pero nang magising ako, mayroon lang akong maliliit na bali at ilang mababaw na sugat. Sa ibang pagkakataon naman, marahas akong binugbog ng isang taong may schizophrenia. Talagang madugo at malupit ang insidenteng iyon, pero hindi napinsala ang utak ko, at hindi nasira ang mukha ko, at kaunting tahi lang ang kinailangan sa ulo ko at mayroong isang nabaling buto, wala nang iba pang malalaking sugat. Ang mga nakakaalam tungkol sa mga karanasan kong ito sa paglaki ko ay pawang nagsabi na tunay akong masuwerte. Ang totoo, hindi ito tungkol sa suwerte. Lahat ng ito ay proteksiyon ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, nakita ko na umabot ako sa araw na ito dahil sa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos. Mayroon akong landas sa buhay na itinakda ng Diyos para sa akin at isang misyon na tutuparin. Hindi ako dapat mamuhay para lang sa mga magulang ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, wala ka dapat ng anumang pasanin. Kung gagawin mo ang hinihiling ng iyong mga magulang, hindi magbabago ang iyong kapalaran; kung hindi mo susundin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at bibiguin mo sila, hindi pa rin magbabago ang iyong kapalaran. Anuman ang nakatakdang landas na naghihintay sa iyo, iyon ang mangyayari; ito ay inorden na ng Diyos. Gayundin, kung natutugunan mo ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, napapalugod mo ang iyong mga magulang, at hindi mo sila binibigo, ibig bang sabihin niyon ay magiging mas maganda ang buhay nila? Mababago ba nito ang kanilang kapalaran ng pagdurusa at pagmamaltrato? (Hindi.) Iniisip ng ilang tao na masyadong naging mabuti sa kanila ang kanilang mga magulang sa pagpapalaki sa kanila, at na sobrang naghirap ang kanilang mga magulang sa panahong iyon. Kaya naman gusto nilang makahanap ng magandang trabaho, magtiis ng hirap, magpakapagod, magsipag, at magtrabaho nang husto upang kumita ng maraming pera at yumaman. Ang layon nila ay bigyan ang kanilang mga magulang ng masaganang buhay sa hinaharap, namumuhay sa isang villa, nagmamaneho ng magandang kotse, at kumakain at umiinom ng masasarap. Ngunit pagkatapos ng ilang taon ng pagiging masigasig, bagamat umunlad na ang kanilang kalagayan at sitwasyon sa pamumuhay, pumanaw ang kanilang mga magulang nang hindi man lang nakakaranas ng isang araw ng kasaganahan. Sino ang dapat sisihin dito? Kung hahayaan mong kusang mangyari ang mga bagay-bagay, hayaan ang Diyos na mamatnugot, at huwag dalhin ang pasaning ito, hindi ka makokonsensiya kapag pumanaw na ang iyong mga magulang. Ngunit kung kakayod ka nang husto para kumita ng pera upang masuklian ang iyong mga magulang at tulungan silang makapamuhay nang mas maginhawa, ngunit namatay sila, ano ang mararamdaman mo? Kung ipinagpaliban mo ang paggampan sa iyong tungkulin at ang pagkamit sa katotohanan, makapamumuhay ka pa rin ba nang komportable sa mga nalalabing panahon ng buhay mo? (Hindi.) Maaapektuhan ang buhay mo, at palagi mong dadalhin ang pasanin ng ‘pagkabigo ng iyong mga magulang’ sa buong buhay mo. … Dapat tuparin ng mga magulang ang mga responsabilidad nila sa kanilang mga anak ayon sa kanilang sariling mga kondisyon at ayon sa mga kondisyon at kapaligirang inihanda ng Diyos. Ang dapat gawin ng mga anak para sa kanilang mga magulang ay batay rin sa mga kondisyon na kaya nilang matamo at ayon sa kapaligirang kinaroroonan nila; iyon lang. Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang o mga anak ay hindi dapat naglalayong baguhin ang kapalaran ng kabilang partido sa pamamagitan ng kanilang sariling kapangyarihan o mga makasariling pagnanais, upang makapamuhay nang mas maganda, mas masaya, at mas perpektong buhay ang kabilang partido dahil sa sarili nilang mga pagsisikap. Hindi mahalaga kung mga magulang man o mga anak, dapat hayaan ng lahat ng tao ang likas na takbo ng mga bagay-bagay sa loob ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, sa halip na subukang baguhin ang mga bagay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap o anumang pansariling kapasyahan. Hindi magbabago ang kapalaran ng iyong mga magulang dahil lang sa mayroon kang mga ganitong kaisipan tungkol sa kanila—matagal nang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran. Inorden ng Diyos na mabuhay ka sa loob ng saklaw ng kanilang buhay, na maipanganak ka nila, na mapalaki ka nila, at magkaroon ng ugnayang ito sa kanila. Kaya, ang responsabilidad mo sa kanila ay ang samahan lamang sila ayon sa iyong sariling mga kondisyon at gampanan ang ilang obligasyon. Tungkol naman sa kagustuhang baguhin ang kasalukuyang sitwasyon ng iyong mga magulang, o sa kagustuhang magkaroon sila ng mas magandang buhay, lahat ng iyon ay hindi kinakailangan. O, kung gusto mong tingalain ka ng iyong mga kapitbahay at kamag-anak, magdala ng karangalan sa iyong mga magulang, tiyakin ang katanyagan ng iyong mga magulang sa loob ng pamilya—mas lalong hindi ito kinakailangan. Mayroon ding mga solong ina o ama na iniwan ng kanilang asawa at pinalaki ka nila nang sila lang tungo sa hustong gulang. Mas lalo mong nararamdaman kung gaano ito kahirap para sa kanila, at gusto mong gamitin ang buong buhay mo para suklian at bayaran sila, kahit na hanggang sa puntong gagawin mo ang anumang sasabihin nila. Kung ano ang hinihingi nila sa iyo, ang kanilang ekspektasyon mula sa iyo, pati na kung ano ang handa mong gawin nang ikaw mismo, ay lahat nagiging pasanin sa buhay mo—hindi dapat ganito. Sa presensiya ng Lumikha, ikaw ay isang nilikha. Ang dapat mong gawin sa buhay na ito ay hindi lamang ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, kundi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad at tungkulin bilang nilikha. Matutupad mo lamang ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay para sa kanila batay sa iyong mga pang-emosyonal na pangangailangan o sa mga pangangailangan ng iyong konsensiya(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Paulit-ulit kong pinagnilayan ang mga salita ng Diyos at naunawaan ko na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Lumikha. Matagal nang inorden ng Diyos ang dami ng pagdurusa na titiisin ng mga magulang ko sa buhay na ito at kung maaari ba silang magkaroon ng magandang pamumuhay, at wala itong kinalaman sa akin. Hindi ibig sabihin na kaya ko nang baguhin ang kapalaran nila at bigyan sila ng mas magandang buhay dahil lang nakapagtapos ako ng mas mataas na edukasyon at kayang kumita ng pera. Ang tadhana ko, kabilang ang kung makakapasok ba ako sa kolehiyo o makakapagkamit ng isang partikular na kurso, ay inorden din ng Diyos at hindi ko ito utang sa mga magulang ko. Ang dahilan kung bakit ako nakokonsensiya kapag naiisip ko ang pagkakaroon ng mas mataas na pinag-aralan pero hindi nagtatrabaho para kumita ng pera upang matupad ang mga tungkulin ko sa mga magulang ko bilang anak ay dahil hindi ko malinaw na naunawaan na ang tadhana ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Namumuhay pa rin ako sa satanikong lason na “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran,” naniniwala na ang pagkakaroon ng mataas na pinag-aralan at ng magandang trabaho ay makapagbabago sa kapalaran ng mga magulang ko at makapagbibigay sa kanila ng mas magandang buhay. Sa katunayan, kaya ko ba talagang baguhin ang kapalaran ng mga magulang ko? Naalala ko ang tito ko, na halos buong buhay na kumayod para matulungan anak niya na makapasok sa kolehiyo. Sa huli, nakapasok sa kolehiyo ang anak niya at nakabili ng bahay sa siyudad, at noong tila maaari na silang mamuhay nang maginhawa sa wakas, hindi inaasahang namatay ang tito ko. Ganoon din ang tita ko, na kumayod nang husto para maipasok sa kolehiyo ang pinsan ko, umaasang makahahanap ito ng magandang trabaho. Pero hindi dedikado ang pinsan ko sa kanyang wastong trabaho, at bukod sa hindi siya nakapagtrabaho nang maayos, na-scam din siya. Nakakuha siya ng mahigit isang daang libong yuan mula sa pamilya para ipuhunan, para lang mawala ang buong ikinapital na pera. Marami nang ganoong halimbawa sa paligid ko, na nagpapatunay na hindi kayang baguhin ng mga magulang at mga anak ang kapalaran ng isa’t isa. Inoorden ng Diyos kung magkakaroon ba ng magandang buhay ang isang tao o hindi ay inoorden ng Diyos, at walang kahit anong pagsisikap ang makapagpapabago nito. Kung hindi ako nanampalataya sa Diyos, susundin ko rin ang mga kalakaran ng mundo, mag-aasawa, bibili ng bahay at kotse, magkakaroon ng mga anak, at haharapin ang mortgage at mga bayad para sa sasakyan. Kung gayon, gaano karaming lakas at ekstrang pera ang kakailanganin ko para matupad ang mga tungkulin ko bilang anak sa aking mga magulang? Kung mayroon akong matinding pang-araw-araw na kagipitan sa buhay, baka kakailanganin ko pa ngang umasa sa suporta ng mga magulang ko. Inakala ko na dahil ginawa ko ang mga tungkulin ko at hindi ako nagtrabaho para kumita ng pera upang mapanindigan pagiging mabuting anak sa mga magulang ko, hindi sila nagkaroon ng magandang buhay. Kalokohan iyon. Ang mga kondisyon ng buhay ng mga magulang ko, ang mga kapaligirang mararanasan nila sa buong buhay nila, at ang mga paghihirap na titiisin nila ay lahat pauna nang itinakda ng Diyos. Walang kinalaman ang mga ito sa kung nananampalataya ba ako sa Diyos o gumagawa ng aking mga tungkulin. Hindi na ako dapat mamuhay ayon sa mga maling pananaw na ikinintal sa akin ng lipunan at ng pamilya ko. Ang labis-labis na pag-aalala tungkol sa mga magulang ko ay isang kahangalan at walang kabuluhan. Bilang isang nilikha, ang Diyos ang nagbigay sa akin ng buhay at nagbigay sa akin ng mga kaloob at talento, at ang nagsaayos ng iba’t ibang sitwasyon para mapalawak ang karanasan at kaalaman ko. Sa huli, pinahintulutan Niya ako na marinig ang tinig ng Lumikha at matamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang mga salita. Kaya, dapat kong ilaan ang oras at lakas ko sa paghahangad ng mga positibong bagay at sa pagtulong sa mas maraming tao na makarinig sa tinig ng Diyos at matanggap ang Kanyang pagliligtas. Ito lang ang makabuluhan at ang responsabilidad at tungkulin na dapat kong tuparin bilang isang nilikha.

Dalawa pang siping ng mga salita ng Diyos ang nabasa ko: “Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, regular silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito maaaring gawin. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging suwail na anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng ilang paghihirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging suwail na anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka suwail na anak; hindi ka pa umabot sa punto ng pagiging walang pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka suwail na anak(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). “Kung susunod ka sa isang katotohanang prinsipyo, ideya, o pananaw na wasto at nagmumula sa Diyos, magiging napakaluwag ng buhay mo. Hindi na mahahadlangan ng opinyon ng publiko, o ng kamalayan ng iyong konsensiya, o ng bigat ng iyong damdamin kung paano mo pinangangasiwaan ang relasyon mo sa iyong mga magulang; sa kabaligtaran, magbibigay-daan sa iyo ang mga bagay na ito na harapin ang relasyong ito sa tama at makatwirang paraan. Kung kikilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo na ibinigay ng Diyos sa tao, kahit na punahin ka ng mga tao habang nakatalikod ka, magiging payapa at kalmado ka pa rin sa kaibuturan ng iyong puso, at hindi ito makakaapekto sa iyo. Kahit papaano, hindi mo kagagalitan ang iyong sarili dahil sa pagiging isang walang malasakit na ingrata o hindi mo na mararamdaman ang pang-uusig ng iyong konsensiya sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ay dahil malalaman mo na ang lahat ng iyong kilos ay alinsunod sa mga pamamaraan na itinuro sa iyo ng Diyos, at na nakikinig at sumusunod ka sa mga salita ng Diyos, at nagpapasakop sa Kanyang daan. Ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa Kanyang daan ay ang konsensiyang dapat taglayin ng mga tao higit sa lahat. Magiging tunay na tao ka lamang kapag nagagawa mo ang mga bagay na ito. Kung hindi mo pa natamo ang mga bagay na ito, kung gayon ay isa kang walang malasakit na ingrata(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Habang binabasa ko ang dalawang siping ito ng mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Lubos tayong nauunawaan ng Diyos. Alam Niya na lubhang nalinlang at napinsala tayo ng iba’t ibang buktot at maling ideya mula sa pamilya at lipunan, kaya hindi napapalaya ang ating espiritu. Kaya naman, ipinapahayag Niya ang katotohanan para tulungan tayong unti-unting makilatis ang diwa ng mga bagay na ito at magawang tingnan ang mga ito nang may wasto at makatwirang mga perspektibo. Narinig ko ang tinig ng Lumikha at pinili kong ipangaral ang ebanghelyo at gawin ang mga tungkulin ko para pahintulutan ang mas maraming tao na makatanggap sa pagliligtas ng Diyos. Ito ang pinakamatuwid at pinakamakabuluhang bagay na gagawin, at ito rin ang responsabilidad at misyon ko. Hindi ko dapat kondenahin ang sarili ko dahil sa hindi ko nagagampanan ang pagiging mabuting anak sa mga magulang ko, lalo na’t hindi ko naman sinasadyang pabayaan ang mga responsabilidad ko bilang anak o sinasadyang hindi maging isang mabuting anak sa mga sitwasyon kung saan maaari kong tuparin ang mga responsabilidad na ito. Matapos kong maunawaan ito, hindi na ako nakokonsensiya o nanunumbat sa sarili ko. Nakita ko na ang tanging paraan para maiwasan ng isang tao ang pagkiling at pagkakamali ay ang tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan ko na pareho ang mga responsabilidad at obligasyon ko sa aking mga magulang at ang mga responsabilidad at misyon ko bilang isang nilikha, pati na ang tunay na halaga at kabuluhan ng buhay ng tao.

Sa karanasan kong ito, nararamdaman ko na tunay na kamangha-mangha ang mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin upang makawala mula sa tradisyonal na kultura, hinahayaan ang puso ko na makaramdam ng ginhawa at kalayaan. Ngayon, mas higit na magaan ang pakiramdam ko. Kapag may libreng oras ako, nagagawa kong pagnilayan ang marami pang salita ng Diyos at natututunan kung ano ang mga pagkukulang ko, at mas nakatuon na ang pag-iisip ko sa mga bagay na may kinalaman sa mga tungkulin ko.

Sinundan:  11. May Natutunan Akong Aral Mula sa Karamdaman

Sumunod:  13. Hindi Ko na Itinataas at Ipinagmamarangya ang Aking Sarili

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger