18. Noong Masira ang Pag-asa Ko na Maiangat
Noong Nobyembre 2020, nagsimula akong magsagawa sa pagdidilig ng mga baguhan. Hindi nagtagal, hiniling ng lider na akuin ko ang responsabilidad sa pagho-host ng mga pagtitipon ng grupo. Naisip ko, “Mukhang pinahahalagahan ako ng lider, maaari kayang nililinang niya ako? Kung magsisikap ako, baka iangat ako.” Kaya sa tuwing may nakikita akong tao sa grupo na nagbabanggit ng isyu, aktibo akong tumutugon. Kapag nakikita ko na hindi nauunawaan ng mga bagong kapatid ang isang bagay, masigasig ko silang tinutulungan. Kalaunan, kailangang pumili ang grupo ng dalawang lider, at naisip ko, “Bagama’t hindi ko pa nagagawa nang matagal ang tungkuling ito, itinuturing akong isang mahalagang miyembro ng grupo, parami nang parami ang mga baguhang itinatalaga sa akin ng lider para diligan, at pinahahalagahan ako ng lahat, kaya dapat ako ang mapili bilang lider, hindi ba?” Pero laking gulat ko nang mapili bilang mga lider ang dalawang sister na mas bago pang nagdidilig ng mga baguhan kaysa sa akin. Higit pa roon, noong unang dumating ang dalawang sister na ito, ako ang nagbahagi sa kanila ng mga prinsipyong kaugnay sa paggampan ng tungkuling ito. Pagdating sa mga prinsipyo, mas kaunti ang nauunawaan nila kaysa sa akin, at pagdating sa dami ng mga taong nadiligan at sa mga resulta mula sa mga tungkulin, ang layo nila sa akin. Bakit sila ang napili sa halip na ako? Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Sasabihin ba nilang mas mababa ako kaysa sa dalawang sister na ito na kakarating lang? Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas nararamdaman kong sumasama ang loob ko at naaagrabyado ako. Sa mga sumunod na araw, hindi ko mapigilang isipin ang tungkol sa bagay na ito, kahit habang kumakain o natutulog ako, at talagang hindi ko mapatahimik ang puso ko. Pakiramdam ko, gaano man karami ang nagawa ko o gaano man ako nagdusa, walang nakapansin nito, at nauwi lang sa wala ang lahat. Pagkatapos niyon, bagama’t ipinagpatuloy kong gawin ang tungkulin ko, nawalan ako ng motibasyon. Kapag may nakikita akong nagbabanggit ng isang isyu sa grupo, hindi ako nag-aabalang tumugon. Iniisip ko, “Hindi naman ako ang lider, kaya bakit ako mag-aabalang magsalita? May iba rin namang sasagot maya-maya.” Nang hilingin sa akin ng mga kapatid na mag-host ng isang pagtitipon, ayaw kong gawin iyon. Naisip ko, “Bakit pa? Wala namang tunay na katayuan sa pagho-host ng mga pagtitipon, at hindi rin naman ako pahahalagahan ng sinuman dahil dito. At saka, kung hindi ako makakapagbahagi ng praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan sa panahon ng pagtitipon, baka iisipin nilang lahat na wala akong mga katotohanang realidad at mamaliitin nila ako. Isa talaga itong hindi-pinasasalamatang-trabaho.” Pinag-isipan ko nang mabuti ang bagay na ito, pero ayaw ko talagang gawin ang tungkuling ito. Pero pakiramdam ko, ang pagtanggi sa tungkulin ko ay mangangahulugan na hindi ako nagpapasakop, kaya, atubili ko itong tinanggap. Pagkatapos niyon, nanatili akong nanlalamig sa pagwawalang-bahala, at wala akong pagpapahalaga sa pasanin sa tungkulin. Unti-unti, nagiging mas mahirap para sa akin ang mga tungkulin ko, at kapag nahaharap sa mga suliranin o mayroong mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos ang mga baguhan, hindi ko alam kung paano ibahagi ang katotohanan para lutasin ang mga isyung ito. Parami nang parami ang mga baguhang huminto sa regular na pagdalo sa mga pagtitipon, at wala akong pag-usad sa aking buhay pagpasok. Araw-araw, iniraraos ko lang ang mga tungkulin, ginagawa ang mga ito nang parang robot. Nang marinig ko ang himnong “Ang Maniwala sa Diyos ngunit Hindi Magtamo ng Buhay ay Humahantong sa Kaparusahan,” talagang nakaramdam ako ng pagkabagabag sa puso ko, na para bang ako ang mapaparusahan kung magpapatuloy ako nang ganito, at talagang nahihirapan ang puso ko.
Masyadong lumala ang kalagayan ko na pakiramdam ko, hindi ko na talaga kakayanin pa. Kaya’t naging bukas ako at ikinuwento ko sa lider ang tungkol sa kalagayan ko. Binasahan ako ng lider ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para pungusan ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. … Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahangad kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahangad. Palagi ninyong iniisip ang mga pakinabang ng katayuan. Bakit hindi maialis ng karamihan sa mga tao ang pagiging negatibo? Hindi kaya dahil palaging malabo ang mga maaasahan? … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pungusan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pungusan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, pinaalalahanan ako lider, “Kapag mas binibigyan natin ng bigat ang katayuan, mas lalong nagsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para ibunyag at pungusan tayo, at nagbibigay-daan ito sa atin para mapagtanto na mali ang mga pananaw natin sa paghahangad at para mabago natin ang mga ito sa madaling panahon. Napagnilayan mo ba kung bakit hindi ka pinili ng mga kapatid na maging lider ng grupo? Ano nga ba ang mga isyu mo? Noong hindi ka napili bilang lider ng grupo, nawalan ka ng motibasyon na gawin ang tungkulin mo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hinahangad mo ang katayuan? Palagi mong hinahangad ang katayuan at ginagawa ang mga bagay para lang magmukhang may ginagawa. Kahit pa mabigyan ka ng katayuan, magagawa mo ba nang maayos ang gawain?” Dahil sa paalala ng lider kaya nagsimula akong magnilay sa aking sarili batay sa mga salita ng Diyos. Noong una akong magsimula sa tungkuling ito, madalas akong pinapahost ng lider sa mga pagtitipon, at patuloy na dumarami ang bilang ng mga baguhang itinatalaga sa akin para diligan. Pakiramdam ko ay pinapahalagahan ako at itinuturing bilang isang taong nililinang at inaangat, at talagang ganado ako sa tungkulin ko. Ito man ay sa pakikipagbahaginan sa mga pagtitipon o pagdidilig sa mga baguhan, nakakaramdam ako ng malaking pagpapahalaga sa pasanin. Pero kalaunan, napili bilang mga lider ng grupo ang dalawang sister na bago pa lang nagdidilig ng mga baguhan kaysa sa akin, at pinanghinaan ako ng loob. Pakiramdam ko, pinahalagahan sila ng lider, at tiningala at hinangaan sila ng mga kapatid, samantalang hindi man lang mahalaga kung naroon ako sa grupo, kaya naman biglang nawala ang motibasyon ko na gawin ang aking tungkulin, at hindi na ako nag-abala pa sa mga isyu sa grupo. Nang partikular akong piliin ng mga kapatid para mag-host ng mga pagtitipon, naisip ko na hindi mahalaga ang tungkuling ito at hindi ako bibigyang-daan na makuha ang paghanga at pagpapahalaga ng iba, kaya ginampanan ko na lang ang tungkulin ko nang pabasta-basta. Sa puntong ito, nakita ko na ang kalagayan ko ay katulad mismo ng inilantad ng Diyos: “Kapag mataas ang inyong katayuan naghahangad kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahangad. Palagi ninyong iniisip ang mga pakinabang ng katayuan.” Ang hinahangad ko ay reputasyon at katayuan.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya isinasaalang-alang nila ang mga bagay sa ganitong paraan. … Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Ganap na inilalantad ng mga salita ng Diyos ang tunay na kalagayan at kondisyon ng mga anticristong naghahangad ng reputasyon at katayuan. Nakita ko na, katulad ng isang anticristo, labis kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan, palaging gustong magkaroon ng posisyon kasama ang iba, palaging gustong pahalagahan at hangaan ng iba, umaasa na ang mga tao ay magmamalasakit at makikinig sa sasabihin ko, pakiramdam ko, tanging sa ganitong paraan maaaring maramdaman ang aking presensiya at magkaroon ng halaga ang aking buhay. Pakiramdam ko, kung wala akong katayuan at hindi ko makukuha ang paghanga at pagpapahalaga ng iba, walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ko. Bagama’t tila nananampalataya ako sa Diyos at ginagawa ko ang aking tungkulin, ang totoo, hindi ko ginagawa ang mga bagay na ito para hangarin ang katotohanan, hindi rin para palugurin ang Diyos o isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Itinuring ko ang tungkulin ko bilang isang kasangkapan para magkamit ng katayuan, at inisip ko lang kung mayroon ba akong posisyon kasama ng iba, at kung maaari ba akong hangaan at pahalagahan ng iba. Hindi ko kailanman isinaalang-alang ang mga hinihingi o ekspektasyon ng Diyos para sa akin sa tungkuling ito, o kung paano ko dapat palugurin ang Diyos. Nang hindi ko makuha ang paghanga ng iba sa aking tungkulin, naging negatibo, pabaya, at puno pa nga ako ng mga reklamo. Napagtanto ko na ang mga pananaw ko sa paghahangad ay katulad ng sa isang anticristo, at na pinahalagahan ko ang reputasyon at katayuan nang higit pa sa lahat ng bagay. Binigyan ako ng iglesia ng pagkakataon na gawin ang tungkulin ko sa pag-asang hahangarin ko ang katotohanan sa tungkulin ko at iwawaksi ang aking tiwaling disposisyon para makamit ang pagliligtas ng Diyos. Pero hindi ko alam ang mabuti sa masama, at pagkatapos gumawa ng kaunting gawain at magkaroon ng kaunting kapital, gusto kong manguna sa grupo at hangaan ako, at nang hindi matupad ang pagnanais ko para sa katayuan, ni ayaw ko nang gawain ang tungkulin ko. Ginamit ko pa nga ang tungkulin ko para ilabas ang aking pagkadismaya, ayaw kong tugunan ang mga isyu sa grupo, at hindi ko man lang isinaaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Hindi ba’t lantaran akong kumokontra sa Diyos? Mula simula hanggang katapusan, ginagamit ko ang tungkulin ko para matugunan ang aking ambisyon at pagnanais na hangaan ng iba. Sa anong paraan ako mayroong anumang pagkatao o katwiran? Hindi hinahangad ng mga anticristo ang katotohanan at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso kahit katiting. Pinoprotektahan lang nila ang kanilang personal na reputasyon at katayuan, hindi ang gawain ng iglesia, at wala silang pagkatao. Paanong naiiba ang pag-uugali ko sa isang anticristo? Nang naisip ko ito, medyo natakot ako at naramdaman kong talagang mapanganib na ang kalagayan ko.
Kalaunan, pinagnilayan ko ang tungkol sa patuloy kong pagnanais na maiangat, tinatanong ang sarili ko, “Ano nga ba mismo ang mga prinsipyo ng iglesia para sa pag-aangat at paglilinang ng mga tao?” Isang araw, habang nasa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang mga kinakailangang pamantayan para sa mga superbisor ng iba’t ibang aytem ng gawain? Mayroong tatlong pangunahing pamantayan. Una, dapat ay mayroon silang abilidad na maarok ang katotohanan. Tanging ang mga taong nakakaarok sa katotohanan nang dalisay at walang pagbabaluktot at nakakabuo ng mga kongklusyon ang itinuturing na mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magkaroon ng espirituwal na pang-unawa at kakayahang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa. Sa proseso ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, dapat ay magawa nilang tanggapin nang nakapagsasarili ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para malutas ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang karumihan ng sarili nilang kalooban, pati na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon—kung maaabot nila ang pamantayang ito, nangangahulugan ito na alam nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at pagpapamalas ito ng mahusay na kakayahan. Pangalawa, dapat silang magbuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Ang mga taong tunay na nagbubuhat ng pasanin ay hindi lang masigasig; mayroon silang tunay na karanasan sa buhay, nakakaunawa sila ng ilang katotohanan, at nakikilatis nila ang ilang problema. Nakikita nila na sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos, maraming suliranin at problema na kinakailangang malutas. Nakikita nila ito sa kanilang mga mata at nag-aalala sila rito sa kanilang puso—ito ang ibig sabihin ng pagbubuhat ng pasanin para sa gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay basta lang na may mahusay na kakayahan at kayang umarok sa katotohanan, pero siya ay tamad, nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, ayaw gumawa ng totoong gawain, at gumagawa lang ng kaunting gawain kapag binibigyan sila ng deadline ng Itaas na tapusin ito, kapag hindi na nila maiwasan na hindi ito gawin, kung gayon, isa itong tao na walang pasanin. Ang mga taong walang pasanin ay mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, mga taong walang pagpapahalaga sa katarungan, at mga walang kwenta na ginugugol ang buong araw sa katakawan, nang walang anumang seryosong pinag-iisipan. Pangatlo, dapat magtaglay sila ng kakayahan sa gawain. Ano ang ibig sabihin ng ‘kakayahan sa gawain’? Sa madaling salita, ibig sabihin nito ay hindi lang nila kayang magtalaga ng gawain at magbigay ng mga tagubilin sa mga tao, kundi kaya rin nilang tukuyin at lutasin ang mga problema—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng kakayahan sa gawain. Dagdag pa rito, kailangan din nila ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Ang mga taong may kasanayan sa pag-oorganisa ay partikular na mahusay sa pagtitipon ng mga tao, pag-oorganisa at pagsasaayos ng gawain, at paglutas ng mga problema, at kapag nagsasaayos ng gawain at lumulutas ng mga problema, kaya nilang lubusang kumbinsihin ang mga tao at mapasunod ang mga ito—ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kayang isakatuparan ng mga tunay na may kakayahan sa gawain ang mga partikular na trabahong isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at kaya nila itong gawin nang mabilis at nakatitiyak, nang walang anumang kapabayaan, at higit pa roon, kaya nilang gawin nang maayos ang iba’t ibang trabaho. Ito ang tatlong pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paglilinang ng mga lider at manggagawa. Kung nakakatugon ang isang tao sa tatlong pamantayang ito, siya ay isang pambihira at may talentong indibidwal at dapat siyang itaguyod, linangin, at sanayin kaagad, at pagkatapos magsanay nang ilang panahon, maaari na siyang tumanggap ng gawain” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na, sa sambahayan ng Diyos, ang pag-aangat at paglilinang sa mga tao ay hindi nakabatay sa kung sino ang pinakamatagal nang gumagawa ng kanilang mga tungkulin o kung sino ang pinakanagdusa, hindi rin ito nakabatay sa kung sino ang may pinakamalapit na ugnayan sa mga lider. Ang pinakamahahalagang salik ay kung ang isang tao ay naghahangad ng katotohanan, kung paano niya tinatrato ang kanyang mga tungkulin, at kung kaya ba niyang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at gumawa ng aktuwal na gawain. Sa pagbabalik-tanaw sa sarili ko ayon sa mga hinihingi ng Diyos, nakita ko na hindi ako nagsikap na hangarin ang katotohanan, at na ang mga araw ko ay iginugol nang may pusong puno ng paghahangad sa katayuan. Nang hindi ako magkamit ng katayuan, nabuhay ako sa pagkanegatibo, at matagal na hindi umusad ang buhay ko. Ang isang punto lang na ito ay nagpakita nang hindi ko natutugunan ang mga pamantayan para maiangat. Gayundin, bagama’t tila abala ako sa mga tungkulin ko, ang totoo, wala akong tunay na pagpapahalaga sa pasanin, at nakatuon lang ako sa paggawa ng gawain para lang magmukhang may ginagawa, at kapag lumilitaw ang mga problema o suliranin, hindi ako tumutuon sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, hindi rin ako madalas na tumutuon sa pagbubuod at pagninilay-nilay sa mga bagay na ito. Maraming beses, kumikilos lang ako kapag hinihimok, at kapag tinutukoy ng lider ang mga isyu ko at ibinabahagi sa akin ang mga prinsipyo, saka ko lang nagagawang lutasin ang mga problema at naitutuwid ang mga paglihis. Isa pa, sa tuwing nagiging abala ang gawain, may ugali akong natataranta at hindi ko matukoy kung ano ang apurahan at kung ano ang hindi. Nang tingnan ko ito, nakita ko na napakarami kong pagkukulang, at na ang hindi pag-aangat sa akin ng iglesia ay ganap na nagtatasa sa akin batay sa mga prinsipyo. Hindi ko nakilala ang tunay kong tayog kahit kaunti, at talagang wala akong kamalayan sa sarili. Ang totoo, kahit na ginawa akong lider ng grupo, bagama’t magdudulot ito ng pakiramdam ng pagiging tanyag, lubusan kong hindi magagawa ang aktuwal na gawain ng isang lider ng grupo, at kung mangyari iyon, hindi ko lang mapipinsala ang mga kapatid kundi maaantala ko rin ang gawain ng iglesia. Ang dalawang sister na naiangat ay mas pragmatiko sa kanilang mga tungkulin, at tumuon din sila sa pagninilay-nilay at pagbubuod sa mga problema at paglihis na lumitaw sa gawain nila. Sa mga pagtitipon, madalas ko silang naririnig na nag-uusap tungkol sa mga katiwalian na ibinubunyag nila habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin at sa mga larangan kung saan sila nagkukulang. Ibinubuod at pinagninilayan nila ang mga dahilan ng kanilang mga kabiguan, at pinag-uusapan nila kung paano nila hinahanap ang katotohanan para maunawaan ang layunin ng Diyos at kung paano sila umaasa sa Diyos para lutasin ang mga suliranin kapag nahaharap sila sa mga paghihirap, pagkanegatibo, at mga balakid. Nakita ko kung paano sila tumuon sa pagninilay-nilay sa kanilang sarili mula sa mga salita ng Diyos habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at sa paghahanap sa mga layunin ng Diyos. Nakita ko rin na nagsumikap sila sa mga prinsipyo, at bagama’t hindi pa sila nagtatagal sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, taglay nila ang gawain at patnubay ng Banal na Espiritu, at paglipas ng ilang panahon, umusad sila nang husto. Sa puntong ito, naunawaan ko na, sa harap ng pagbubunyag na ito, ang layunin ng Diyos ay bigyang-daan ako upang makilala ang sarili ko, para maituwid ko sa tamang panahon ang mga mali kong pananaw sa paghahangad at makatuon ako sa paghahangad ng katotohanan, nang sa gayon ay makausad ako at magbago. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, wala na akong anumang maling pagkaunawa o paglaban, at ninais ko lang na hanapin ang katotohanan at higit na pagnilayan ang sarili ko sa pamamagitan ng gayong sitwasyon.
Kalaunan, muli akong nagnilay-nilay, nakita ko na sa pagkakataong ito, nang hindi ako iniangat, nalugmok ako sa pagkanegatibo dahil mali ang perspektiba ko. Inisip ko na ang pag-aangat ng iglesia sa mga tao ay katulad ng makamundong pagtataas ng ranggo sa mga opisyal, at inakala ko na ang maiangat ay nangangahulugan na pagkakaroon ng katayuan, kaya, noong hindi ako iniangat, naging negatibo at mahina ako, ayaw gawin ang kahit anong bagay. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos, at mas naunawaan ko pa nang kaunti ang tungkol sa layunin at kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang ng iglesia sa mga tao. Sabi ng Diyos: “Ano ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa mga iba’t ibang taong may talento na itinataguyod at nililinang? Upang maitaguyod at malinang ng sambahayan ng Diyos, sa pinakamababa, kailangang sila ay mga taong may konsensiya at katwiran, mga taong kayang tumanggap ng katotohanan, mga taong tapat na gumagawa sa kanilang tungkulin, at mga taong kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at sa pinakamababa, kailangang magawa nilang tumanggap at magpasakop kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Ang resultang dapat makamit ng mga taong sumasailalim sa paglilinang at pagsasanay ng sambahayan ng Diyos ay hindi para maging mga opisyal o amo sila, o pamunuan ang grupo, at hindi para mamanipula nila ang isipan ng mga tao, at siyempre, lalong hindi para magkaroon sila ng mas mahusay na propesyonal na kasanayan, mas mataas na antas ng edukasyon, o mas mataas na reputasyon, o na para maihalintulad sa mga sikat sa mundo dahil sa kanilang mga propesyonal na kasanayan o mga tagumpay sa pulitika. Sa halip, ang resultang dapat makamtan ay na maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang mga salita ng Diyos, at na sila ay mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Habang nagsasanay sila, nauunawaan nila ang katotohanan at naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, at mas tumpak na nalalaman kung ano ang pananalig sa Diyos at kung paano sumunod sa Diyos—lubos itong kapaki-pakinabang para sa mga naghahangad sa katotohanan para makamit ang pagiging perpekto. Ito ang epekto at pamantayan na nais matamo ng sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paglilinang ng iba’t ibang uri ng mga taong may talento, at ito rin ang pinakamalaking bungang naaani ng mga taong itinaguyod at ginamit” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). “Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga itinataguyod at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naitataguyod o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hanapin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahanap nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila itinataguyod at nililinang. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paggamit ng mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at karakter ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naliligtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi matapat sa kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung tapat sila sa kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya pagdating sa iba’t ibang posisyon, halaga, katayuan o kalagayan ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang mga ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Siyempre, sa panahong ito, ang ilang tao, na hindi kasali, ay itinataguyod at nililinang para gumawa ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o sitwasyon sa pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hanapin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran. Sa anong punto mayroong kapansin-pansing pagkakaiba sa mga posisyon, halaga, at katayuan ng mga tao? Ito ay kapag dumating ang mga tao sa dulo ng kanilang landas, at natapos ang gawain ng Diyos, at sa wakas ay nabuo ang isang kongklusyon tungkol sa mga saloobin at pananaw na ipinapakita ng bawat tao sa proseso ng paghahangad ng kaligtasan at habang ginagawa ang kanilang tungkulin, pati na rin sa iba’t ibang pagpapamalas at saloobin nila tungkol sa Diyos—ibig sabihin, kapag may kumpletong talaan sa aklat ng Diyos—sa panahong iyon, dahil iba-iba ang kalalabasan at magiging hantungan ng mga tao, magkakaroon din ng pagkakaiba sa kanilang halaga, posisyon, at katayuan. Saka lamang mahihinuha at halos matitiyak ang lahat ng bagay na ito, samantalang sa ngayon, pare-pareho lang ang lahat” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao sa paraang ginagamit ng di-nananampalatayang mundo, kung saan ginagawang opisyal ang mga tao at gumagawa sila ng pangalan para sa kanilang sarili. Inaangat ng sambahayan ng Diyos ang mga tao para makapagkamit sila ng mas maraming pagkakataon na magsanay. Umaasa ang Diyos na sa kanilang mga tungkulin, mauunawaan ng mga tao ang katotohanan, na kikilos sila ayon sa mga prinsipyo, magkakamit ng kaalaman at pagpapasakop sa Diyos, at malalaman kung paano gawin ang kanilang mga tungkulin para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, walang pagkakaiba sa katayuan anuman ang mga tungkulin, at ang pagkakamit sa katotohanan ay ang pinakamahalagang bagay. Naisip ko ang maraming pagkukulang na ibinunyag ko sa aking gawain ng pagdidilig sa mga baguhan. Minsan, kapag naghahain ng ilang kuru-kuro o katanungan ang mga baguhan, hindi ko alam kung paano lutasin ang mga ito, pero sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa ilang katotohanan, at nagkaroon ako ng higit na pagmamahal at pagpapasensiya para sa mga kapatid ko. Ang lahat ng ito ay mga pakinabang na naidulot ng pagdidilig sa mga baguhan. Muli kong naisip kung paanong pinili ako ng mga kapatid para mag-host ng mga pagtitipon. Bagama’t hindi ko makukuha ang paghanga ng iba dahiil dito, palalakasin nito ang loob ko upang higit pang pagnilayan ang katotohanan, mas lumapit pa sa Diyos, at magsumikap sa paghahangad sa katotohanan. Sa pagninilay-nilay tungkol dito, labis akong naantig at nakaramdam ng pagsisisi. Pinagsisisihan ko na hindi ko alam kung ano ang mabuti para sa akin, na wala akong kamalayan sa sarili, at na hindi ko naunawaan ang masisidhing layunin ng Diyos. Ang nakaantig sa akin ay na sa kabila ng pagiging sobra kong mapaghimagsik at kawalan ko ng katwiran, ginamit pa rin ng Diyos ang mga salita Niya para bigyang-liwanag at gabayan ako na maunawaan ang Kanyang layunin, nang sa gayon ay magagawa kong huminto sa pagtahak sa maling landas. Puno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos, at nagpasya akong hindi na hangarin ang kasikatan, pakinabang, o katayuan. Handa akong magsisi.
Kalaunan, nagsimula akong tumuon sa paghahanap sa katotohanan sa aking mga tungkulin, at nang hindi namamalayan, nagkamit ako ng kaunting kaliwanagan at pagtanglaw, at naunawaan ko ang ilang prinsipyo, at nagkamit ako ng isang landas ng pagsasagawa. Sa mga pagtitipon, hindi na ako nakatuon sa kung paano makipagbahaginan sa paraan na pahahalagahan ako ng iba, sa halip, nakatuon na ako sa pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos para maunawaan ang mga layunin Niya, pinagninilayan ang sarili ko sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at mas malinaw kong nakita ang aking tiwaling disposisyon at ang maling landas na tinahak ko. Sa pagsasagawa nang ganito, naramdaman kong mas napalapit ako sa Diyos. Kalaunan, iniangat sa grupo ang isang sister na hindi pa matagal gumagawa ng kanyang tungkulin, at bagama’t medyo nabagabag pa rin ang puso ko, nagawa ko itong tingnan nang tama at hindi napigilan ng katayuan, dahil alam kong napakarami kong kulang pagdating sa katotohanan. Ang kailangan ko ay hindi ang paghanga ng iba, kundi ang makaunawa ng mas maraming katotohanan, ang diligan nang maayos ang mga kapatid ko, at tuparin ang mga tungkulin ko. Sinabi ko sa sarili ko, “Kahit hindi ako kailanman maiangat, magpapasakop pa rin ako sa Diyos, tatayo sa nararapat kong posisyon, matatag na hahangarin ang katotohanan, at gagawin nang maayos ang mga tungkulin ko.” Ang hindi ko inaasahan ay na hindi nagtagal, napili ako bilang superbisor sa gawain ng pagdidilig. Nang mangyari ito, hindi ako natuwa sa pagkakamit ng katayuan; sa halip, itinuring ko ito na isang responsabilidad. Marami akong kulang, at napakalubha pa rin ng aking tiwaling disposisyon, nag-alala ako na baka lilitaw muli ang mga dati kong isyu at na mabibigo ko ang layunin ng Diyos, kaya madalas akong magdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan at protektahan ako. Sa paglipas ng panahon, habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko, medyo nagkaroon ako ng may-takot-sa-Diyos na puso, at sinimulan kong mas bigyang-pansin ang mga tungkulin ko at mas pinag-iisipan ang mga ito. Ang pagkakaroon ko ng ganitong pagkaunawa at pagbabago ay lahat dahil sa mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!