22. Nabunyag ng Isang Maliit na Bagay ang Aking Tunay na Sarili
Noong Abril 2021, nagtrabaho ako bilang isang superbisor sa gawaing nakabatay sa teksto sa iglesia. Isang araw, nakatanggap ako ng isang liham mula sa mas nakatataas na pamunuan, hinihiling sa aking sumulat ng isang pagsusuri kay Liu Li, isang lider ng iglesia. Kailangan nila itong matapos at maipasa sa loob ng tatlong araw. Hindi ko maiwasang mag-isip, “Bakit bigla akong sinabihan ng mas nakatataas na pamunuan na suriin si Liu Li? Dahil ba ito sa mahina ang mga kakayahan niya sa gawain, at nangangalap sila ng mga pagsusuri para pag-isipan kung tatanggalin siya? O baka naman nakita nilang may pagpapahalaga siya sa pasanin at gumagawa siya ng tunay na gawain, kaya gusto nilang itaas ang posisyon niya? Kung itataas ang posisyon ni Liu Li at binigyang-diin ko ang mga pagkukulang niya, sasabihin ba ng pamunuan na hindi ako patas sa pagtrato ko sa mga tao? Sasabihin ba nilang may kakulangan ang lahat ng tao, at na ang paglalarawan ko sa isang tao na may potensyal na linangin sa gayong kanegatibong paraan ay nagpapakita ng kawalan ko ng pagkilatis? Pero kung tatanggalin si Liu Li sa tungkulin at binigyang-diin ko ang mga kalakasan niya, sasabihin ba ng pamunuan na talagang kulang ang aking kakayahan? Kukuwestiyunin ba nila kung paanong ako, isang superbisor ng gawaing nakabatay sa teksto, na madalas na nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga prinsipyo ng pagkilatis sa mga tao, pero kapag sinusuri ang isang tao, inilalarawan ang tatanggaling tao sa gayong kapositibong paraan, na nagpapakita ng kawalan ng pagkilatis, ay makagagawa ng gayong kahalagang tungkulin nang maayos nang may gayong kakayahan? Kung mangyayari iyon, siguradong magkakaroon ng pangit na impresyon ang pamunuan sa akin.” Nang nasasaisip ito, pinaalalahanan ko ang sarili ko na pangasiwaan ito nang may pag-iingat, at dapat na tumpak na maisulat ang pagsusuri ni Liu Li bago ko ito ipasa. Dahil alam kong darating si Wang Ying, ang katuwang ni Liu Li, kinabukasan para makipagkita sa akin, nagkaroon ako ng ideya. Naisip ko, “Bakit hindi ko subukang kumuha ng ilang pahiwatig mula kay Wang Ying at subukan munang alamin ang sitwasyon nang kaunti para malaman kung itataas ba ang posisyon ni Liu Li o tatanggalin siya. Kung malalaman ko kung sa aling direksiyon patutungo si Liu Li, magiging mas madali para sa akin na magsulat ng pagsusuri. Kung itataas ang posisyon niya, bibigyang-diin ko ang mga kalakasan niya, at kung tatanggalin siya, bibigyang-diin ko ang mga kakulangan niya. Magsusulat ako ng pagsusuri alinsunod sa mga layunin ng mas nakatataas na pamunuan. Sa ganitong paraan, siguradong sasabihin ng pamunuan na mayroon akong kaunting pagkilatis bilang isang superbisor, at hindi ko mapagmumukhang hangal ang sarili ko sa huli.”
Nang sumunod na araw, may isa pang lider ng iglesia, si Wang Ying, ang dumating para talakayin ang mga usapin ng gawain sa akin, pero hindi ako nakatuon sa pag-uulat ng gawain sa kanya, sa halip, patuloy akong nag-isip, “Ano ang puwede kong sabihin para mahikayat si Wang Ying na sabihin sa akin kung ano ang mangyayari kay Liu Li, nang hindi niya napapansin?” Sa sandaling matapos magsalita si Wang Ying, sadya akong nagsimulang magtanong ng mga mapagsiyasat na mga tanong, “Nitong mga nakaraan ay ikaw lang ang pumupunta rito para makipagtalakayan ng gawain sa amin. Bakit hindi pumupunta si Liu Li? Abala ba siya?” Mahinang sumagot si Wang Ying, “Abala siya sa ibang gawain.” Sa hula ko ay baka tatanggalin si Liu Li, pero hindi ako makasisigurado. Hindi ako naglakas-loob na direktang magtanong, dahil nag-alala akong baka sabihin ni Wang Ying na hindi ako nakatuon sa gawain, kaya patuloy ako sa hindi lantarang pag-uusisa, “Kayong dalawa lang ang mga lider dito, kaya paano ninyo napangangasiwaan ang bigat ng gawain?” Pagkatapos magtanong, masusi kong pinagmasdan ang bawat tingin at ekspresyon ni Wang Ying habang nagsasalita siya, sinusubukang humanap ng kahit katiting na palatandaan na magagamit ko para matukoy kung ano ang nangyayari kay Lui Li. Pero sa gulat ko, simpleng sumagot si Wang Ying, “Napakaabala ng gawain nitong nakaraan.” Hindi pa rin ako nakakuha ng anumang malinaw na impormasyon mula sa kanyang sagot, kaya sobra akong nabalisa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko pa rin alam kong itataas ng posisyon o tatanggalin si Lui Li. Malapit na ang taning para sa pagsusumite ng pagsusuri, pero hindi ko pa ring magawang isulat ito, dahil hindi ako sigurado kung paano ito maayos na gagawin. Naisip ko, “Paano kung isulat ko na lang ang nalalaman ko, at pagkatapos ay ipaliwanag sa pamunuan na ilang beses ko pa lang nakita si Lui Li at hindi ko pa siya gaanong kilala, kaya maaaring hindi tumpak ang pagsusuri ko?” Pero muli akong nag-isip, “Hindi kaya sabihin ng nakatataas na pamunuan na bilang isang superbisor, kung hindi ko pa rin kayang makilatis ang isang tao matapos silang makita ng ilang beses, may mahina akong kakayahan at hindi ko magawang makilatis ang mga bagay-bagay? Magiging labis na kahiya-hiya iyon! Bahala na nga. Mas mabuting huwag ko na lang isulat ang pagsusuri, para hindi makita ng nakatataas na pamunuan kung wala akong pagkilatis.” Kaya, hindi ko isinulat ang pagsusuri. Pero nang naisip ko ang tungkol dito kalaunan, nakaramdam ako ng matinding pagkakonsensiya. Napagtanto ko na hinihingi sa atin ng sambahayan ng Diyos na suriin ang mga tao nang patas at obhetibo, unang-una, para maunawaan kung naaayon ba ang isang tao sa mga prinsipyo para sa paglilinang o pagpili, o para mapangasiwaan at masubaybayan kung ang isang tao ay gumaganap ng aktuwal na gawain at kalipikado para sa trabaho niya. Ang pagpili ng tamang tao para sa isang trabaho ay napakahalaga, dahil direktang naaapektuhan nito ang pagiging epektibo ng gawain at may kinalaman ito sa pagprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at gayundin, ang pagsusulat ng pagsusuri ay maaaring magbigay sa akin ng pagpasok sa katotohanan ng pagiging isang matapat na tao. Kung ganoon, bakit nag-aalangan akong isulat ito? Bakit labis akong nababahala? Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, ang gampanin ng pagsusulat ng pagsusuri kay Liu Li ay nagdulot sa akin ng matinding pagkalito. Nagdalawang-isip ako at naging masyadong maingat sa bagay na ito, at natakot ako na kung kulang ang pagkilatis ko at hindi tumpak ang pagsusuri ko, magiging mababa ang tingin sa akin ng pamunuan, kaya ayaw kong isulat ito. O Diyos ko, pakiusap, gabayan Mo ako para makilala ko ang aking tiwaling disposisyon.”
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang praktikal na Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ni hindi nila kayang makipag-usap sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliko-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at direksiyon ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring iangat, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang naipapamalas at naibubunyag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano siya nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa iglesia. Kapag nagtatanong ka tungkol sa mga aktuwal na sitwasyon, wala silang masasabi; nagpapaligoy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng kongklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, upang maiayon nila ang kanilang mga salita sa iyong mga iniisip. Ang lahat ng sinasabi nila ay mga salitang masarap pakinggan, pambobola, at labis na pagpupuri na may kasamang pagpapakababa; walang sinserong salita ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Ganito sila makipag-ugnayan sa mga tao at kung paano nila tratuhin ang Diyos—ganyan talaga sila kamapanlinlang. Ito ang disposisyon ng isang anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at nakapanlilihis. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: ‘Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?’ Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: ‘Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!’ Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang ‘pagkadalubhasa’ sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao? Ang lahat ng may gayong kalikasan ay may malapit na ugnayan kay Satanas, kung hindi nama’y pamilya nito. Maaari natin itong sabihin na ganito nga, hindi ba? Sa pangkalahatan, ang ganitong pagpapamalas ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Inilalantad ng Diyos na ang mga anticristo, sa mga pakikitungo nila sa Diyos, ay palaging kumikilos nang mapanlinlang, kumukuha sila ng mga senyales mula sa Kanyang mga ekpresyon bago magpasya kung paano kumilos. Hindi sila matapat na nagsasalita sa harap ni Cristo, at ginagamit nila ang makitid na pag-iisip ng tao para linlangin ang Diyos. Tunay na mapanlinlang at buktot ang disposisyon nila, kaya’t kinamumuhian sila ng Diyos. Nang pagnilayan ko ito, napagtanto kong umasal din ako sa parehong paraan. Sinabihan ako ng nakatataas na pamunuan na sumulat ng pagsusuri ni Liu Li, at maitataas man ang posisyon o matatanggal si Liu Li, dapat na isinulat ko ang aking pagsusuri batay sa pagkakaunawa ko sa kanya, nang obhetibo at ayon sa katunayan, dahil ito ang pakay para sa pagtataguyod ng gawain ng iglesia. Pero sa halip na pag-isipan kung paano ako magsasalita nang matapat, kung paano ko maisusulat ang nalalaman ko nang patas at obhetibo para magampanan ko ang aking responsabilidad, Inuna ko munang maghaka-haka tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng kahilingan ng pagsusuri at kung paano ko ito maisusulat nang makikinabang ako. Natakot akong kung hindi tumpak ang aking pagsusuri, makikita ng nakatataas na pamunuan ang aking mga kakulangan at iisipin nilang wala akong pagkilatis, at magkakaroon sila ng masamang impresyon sa akin. Para protektahan ang aking imahe at katayuan sa paningin ng pamunuan, ginusto kong alamin ang kanilang intensyon at kunin ang hudyat ko mula roon. Nang dumalaw si Wang Ying para tingnan ang aking gawain, hindi ako nakatuon sa pagbibigay ng tamang ulat, pero sa halip, piniga ko ang utak ko, iniisip kung paano ko mapagagawa kay Wang Ying na sabihin sa akin ang tungkol sa kung ano ang nagyayari kay Liu Li. Kung itataas ang posisyon ni Liu Li, kukunin ko ang hudyat mula roon at bobolahin siya, bibigyang-diin ang kanyang mga kalakasan, at paliliitin ang kanyang mga kakulangan, pero kung tatanggalin siya, bibigyang-diin ko ang kanyang mga kahinaan. Inakala ko na ang pagsusumite ng ganoong pagsusuri ang magpapaisip sa nakatataas na pamunuan na ako ay isang superbisor na may mahusay na kakayahan at na tumpak ang pagtingin sa mga tao, at hindi ako masyadong nagkukulang. Kapag sinusuri ko ang isang tao bilang mabuti o masama, hindi ito batay sa mga katunayan o katotohanang prinsipyo, kundi sa halip kung itataas ba siya ng posisyon o tatanggalin. Sumasabay lang ako sa agos, hindi ginagawang obhetibo o totoo ang aking pagsusuri. Ang bawat tao ay may parehong mga kalakasan at kahinaan, kaya dapat kong isulat ang pagsusuri nang patas, obhetibo, at totoo. Kung hindi mabuti ang isang tao at sumulat ako ng isang positibong pagsusuri, nagsasagawa ako ng panlilinlang, at kung ililihis nito ang iba at magdadala ng masasamang kahihinatnan at magagambala at magugulo ang gawain ng iglesia, sa gayon ay gumagawa ako ng kasamaan at tumututol sa Diyos. Pero kung ang tao ay naghahangad ng katotohanan at sumulat ako ng negatibong pagsusuri, hindi ako nagiging patas sa kanya, pinipinsala siya at ipinagkakait sa kanya ang oportunidad na magsanay. Ang kahilingan ng pamunuan sa akin na suriin ang isang tao ay dahil gusto nilang masuri ang taong ito at komprehensibo itong matasa nang ayon sa pagsusuri ng nakararami, dahil tinitiyak nito ang pagiging tumpak at pagiging obhetibo. Samakatwid, mahalaga ang bawat pagsusuri. Pero dahil inudyukan ako ng aking tiwaling disposisyon, sinubukang palakihin o paliitin ang mga kalakasan at kahinaan ng isang tao para sa kapakanan ng sarili kong kapakinabangan, na isang bagay na malamang maglilihis sa mga tao at magpapahirap sa pamunuan na magkaroon ng tumpak at obhetibong pagkaunawa sa isang tao. Hindi ko namamalayang hinahadlangan at ginagambala ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa pagpili at paglinang ng mga tao. Nakita ko na ang disposisyon ko ay katulad ng sa isang anticristo, at sinisikap kong magsalita at makinig para sa kapakanan ng sarili kong interes, sinusubukang unawain ang nakatagong kahulugan sa mga salita at ginagawa ang iba’t ibang paraan para makahanap ng impormasyon. Napakamapanlinlang ko at namumuhay nang walang dangal o integridad. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na mga pagtatangka lang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Hindi mataas ang mga hinihingi sa atin ng Diyos. Hangad lang Niya na magsalita at kumilos tayo nang may katapatan, na ipahayag ang katotohanan nang walang panlilinlang, at maging isang matapat na tao na praktikal at bukas, iniiwasan ang pagsisinungaling, panlilinlang, at pagtatago. Hindi ko lubos na kilala si Liu Li at hindi ko siya kayang kilatisin nang tumpak, kaya’t dapat isinulat ko ang aking pagsusuri batay sa aking nalalaman at sinabi ang katotohanan. Kailangan lang na wala akong ibang natatagong motibo at hindi ako magsagawa ng panlilinlang, at maging praktikal at patas lang sa pagtrato ko sa iba. Pero hindi wasto ang aking mga layunin, at hinangad kong gamitin ang pagsusuring ito para magkamit ng pabor mula sa nakatataas na pamunuan, at kaya sinubukan kong tantiyahin ang kanilang kagustuhan at layunin, at magpasya kung paano isusulat ang pagsusuri batay sa mga kagustuhan nila. Ginusto ng pamunuan na kilalanin ang isang tao sa pamamagitan ng aking pagsusuri, pero hindi sila nakakuha ni isang matapat na salita mula sa akin. Ang gayong saloobin ay malayo sa pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao! Nang mapagtanto ito, nakadama ako ng matinding pagkasuklam sa aking mapanlinlang na disposisyon.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa ating mga damdamin ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. Una sa lahat, ang pagiging matapat ay tugma sa pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. Ano ang daan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay hindi bahagi ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? At hindi ba ito pagsunod sa daan ng Diyos? (Oo, pagsunod ito.) Kung hindi ka matapat, ang nakikita mo at ang iniisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May magtatanong sa iyo, ‘Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Responsable ba siya sa gawain ng iglesia?’ at sasagot ka, ‘Magaling siya. Mas responsable siya kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya. Nasa kahustuhan siya at matatag siya.’ Pero ito ba talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang nakikita mo ay bagama’t may kakayahan nga ang taong ito, siya ay hindi maaasahan, medyo mapanlinlang, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, ‘Hindi ko puwedeng sabihin ang katotohanan, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,’ kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, at pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, pero wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo; ang lahat ng ito ay kasinungalingan at lahat ay pandaraya. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Hindi. Ang tinatahak mo ay ang daan ni Satanas, ang daan ng mga demonyo. Ano ang daan ng Diyos? Ito ang katotohanan, ito ang batayan kung saan dapat ibagay ng mga tao ang kanilang pag-uugali, ito ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bagama’t nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikinig din ang Diyos; pinagmamasdan Niya ang iyong puso at sinisiyasat ito. Nakikinig ang mga tao sa sinasabi mo, pero sinisiyasat ng Diyos ang puso mo. Kaya ba ng mga tao na siyasatin ang puso ng tao? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng katotohanan; nakikita nila kung ano ang nasa panlabas, pero tanging Diyos lamang ang nakakikita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo. Ang Diyos lamang ang nakakikita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, at ng maliliit na pakana, mga mapandayang paraan, at aktibong mga iniisip na mayroon ka sa puso mo. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon at ebalwasyon Niya sa iyo? Na hindi mo sinunod ang daan ng Diyos sa bagay na ito dahil hindi ka nagsabi ng totoo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, malinaw na gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ang matatapat na tao ay mayroong may-takot-sa-Diyos na puso at dinarangal Siya bilang dakila anuman ang kinahaharap nila. Hindi ko kailanman naisip na ang pagsusulat ng mga pagsusuri ay may kinalaman sa katotohanan ng pagkatakot sa Diyos, kaya hindi ko sineryoso ang pagsusuri. Ngayon, sa pagninilay sa usapin ng pagsusuri kay Liu Li, nakita kong may ilang pagkukulang at kahinaan si Liu Li sa kanyang tungkulin, pero mayroon din siyang mga kalakasan, at kung hindi ko siya makikilatis nang tumpak, dapat kong iulat ang napagmasdan ko nang direkta, tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at maging matapat at hindi mapanlilinlang. Ito ang ibig sabihin ng magsalita ng katotohanan at maging isang matapat na tao. Pero para protektahan ang aking dangal at katayuan, natakot ako na kung hindi tumpak ang aking pagsusuri, maaari akong makilatis ng nakatataas na pamunuan, at natakot akong mapahiya at maliitin, kaya gumamit ako ng panloloko at hindi nagsabi ng katotohanan. Pinili kong hindi isulat ang pagsusuri sa halip na ipagsapalaran ang aking reputasyon. Napakamapanlinlang at kaduda-duda ko! Ayaw kong maging matapat at magsabi ng katotohanan, na nagpakitang wala talaga akong may-takot-sa-Diyos na puso! Ang mga taong may-takot-sa-Diyos na puso ay mabusisi at maingat kapag sinusuri ang iba, at praktikal nilang naipapahayag ang pagkaunawa at mga pananaw nila sa isang tao. Nagagawa nila ito nang walang mga personal na motibo at sinasabi ang lahat ng nalalaman nila, nang hindi pinalalaki o itinatago ang mga bagay-bagay. Ito ang pag-uugali ng isang matapat na tao. Gayumpaman, kapag ang mga tao na walang may-takot-sa-Diyos na puso ang nagsusuri sa iba, hindi nila isinasaalang-alang kung ang mga salita nila ay batay sa mga katunayan o kung nasasalungat nila ang Diyos, at sinasabi lang nila ang anumang kapaki-pakinabang sa kanila, at walang ni isang katotohanan ang lumalabas sa bibig nila. Ang ganoong mga tao ay may napakamapanlinlang na mga disposisyon. Sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng pagsulat ng pagsusuri, nabunyag ako, at nakita kong hindi ko matanggap ang pagsisiyasat ng Diyos sa aking tungkulin, na wala akong may-takot-sa-Diyos na puso, at na kumilos ako batay sa kung ano ang kapaki-pakinabang sa aking sarili, inuuna ang aking mga sariling interes kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan. Ibig sabihin nito ay tinatahak ko ang landas ng pagsalungat sa Diyos. Hindi ko inasahan na matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, nananatiling hindi nagbabago ang aking satanikong disposisyon, at na kaya ko pa ring maging mapanlinlang pagdating sa aking mga interes. Magiging napakamapanganib na magpatuloy nang ganito! Sa puso ko, nanalangin ako sa Diyos para magsisi, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa mas malalim na pagkaunawa ng aking satanikong disposisyon.
Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Pinakamahirap makita ang kasamaan, sapagkat ito ay naging kalikasan na ng tao at nagsimula na silang luwalhatiin ito, at maging ang higit pang kasamaan ay hindi na masama sa paningin nila. Kaya, mas mahirap makita ang masamang disposisyon kaysa sa mapagmatigas na disposisyon. May mga taong nagsasabi: ‘Paanong hindi ito madaling makita? Ang lahat ng tao ay may masasamang pagnanasa. Hindi ba’t iyon ay kasamaan?’ Mababaw na pananaw iyon. Ano ang tunay na kasamaan? Aling mga kalagayan ang masama kapag namamalas ang mga iyon? Masamang disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang masasama at kahiya-hiyang layon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, walang kapintasan, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging masama at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang pagkamapanlinlang. Ang pagiging masama ay mas mabigat kaysa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pag-uugaling mas tuso at masama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na mahalata ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Paimbabaw na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang layon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo malimutan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ito ay tukso. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, sa gayon ay makakamtan ni Satanas ang kanyang mithiin. Ang tawag dito ay kasamaan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas, kay Satanas. Ang uring ito ng masamang disposisyon ay umiiral sa kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan). Inilalantad ng Diyos na kapag nakikisalamuha ang mga tao sa isa’t isa, madalas silang gumagamit ng matatayog na pahayag at tila nagsasagawa ng lehitimong pakikipag-usap, pero sa realidad, puno ito ng panloloko. Gumagamit sila ng mga pahayag na mukhang mabuti at tama para itago ang kanilang mga layunin at makamit ang kanilang mga layon. Ito ay isang buktot na disposisyon, at pinakakinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos ang ganitong mga tao. Sa puntong ito, napagtanto ko kung gaano kalubha ang buktot na disposisyon ko. Nang dumating si Wan Ying para tingnan ang gawain ko, gamit ang dahilan ng pag-aalala kay Liu Li, gumawa ako ng paraan para maitanong kung abala ba si Liu Li sa gawain, binanggit na matagal ko na siyang hindi nakikita. Ang tanong na ito ay tila nagpapakita ng tunay na malasakit para kay Liu Li, pero sa katunayan, ginamit ko lang ito para makuha ang impormasyong nais kong makuha mula kay Wang Ying at udyukan siyang ibunyag kung ano ang mangyayari kay Liu Li. Pero nang hindi sinakyan ni Wang Ying ang aking mga tanong, binago ko ang aking estratehiya at sinimulan kong usisain ang tungkol sa impormasyon kaugnay kay Liu Li sa pamamagitan ng pagkukunwaring nagmamalasakit sa gawain ng iglesia. Nakita ko na patuloy akong nagpapakana sa aking mga salita at kilos para makamit ang aking mga layon, gumagawa ng patibong para kay Wang Ying nang hindi niya nalalaman, gumagawa ng paraan para gumamit ng tila mga pangkaraniwang usapan para mahimok siyang sabihin ang gusto kong marinig, para makamit ang impormasyong hinahanap ko. Nagpanatili ako ng kalmadong panlabas at mukhang maayos ang lahat, pero sa loob-loob ko, nagpaplano ako at nagpapakana. Wala akong pagiging taos-puso kapag nakikipag-usap o nakisasalamuha sa iba, at sa halip ay umasa ako sa aking satanikong disposisyon at nagpakana at nagmanipula sa iba. Nakita kong tunay ngang buktot ang aking kalikasan! Tulad lang ng ahas na tinukso si Eba para kainin ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama, mukhang tama ang mga salita nito, pero tuso at patago nitong iniligaw ang mga tao, at itinago ang tunay nitong mga layunin. Ito ang buktot na disposisyon ni Satanas. Hindi ba’t ang kalikasan ng aking mga salita at kilos ay kapareho lang nang sa ahas? Napakamapanlinlang at tusong paraan ito ng pamumuhay! Usapin lang ito ng simpleng pagsusulat ng isang pagsusuri at walang kinalaman sa malalaking interes, pero gumamit ako ng gayong kasuklam-sulam at ubod ng samang pamamaraan para maging mapanlinlang at tuso. Kung hindi magbabago ang disposisyon kong ito, kung gayon ay pagdating sa mga usaping may kinalaman sa malalaking interes, tiyak na lilinlangin ko ang mga tao at dadayain ang Diyos gamit ang aking buktot at mapanlinlang na disposisyon, at gagawa ako ng mas malalaki pang kasamaan na sasalungat sa saloobin ng Diyos. Nakita ko kung gaano kamapanganib para sa akin kung hindi mababago ang aking buktot at mapanlinlang na disposisyon.
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hinihingi ng Aking kaharian ang mga matapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33). “Sa loob ng panahon kung saan isinasagawa ng isang tao ang pagiging matapat na tao, hindi maiiwasan na maharap sa maraming kabiguan at mga sandali kung saan nabubunyag ang katiwalian ng isang tao. Maaaring may mga pagkakataon kung kailan hindi tumutugma ang mga salita at kaisipan ng isang tao, o ang mga sandali ng pagkukunwari at panlilinlang. Gayunman, ano pa man ang mangyari sa iyo, kung nais mong sabihin ang katotohanan at maging isang matapat na tao, dapat ay kaya mong bitiwan ang iyong pride at banidad. Kapag hindi mo nauunawaan ang isang bagay, sabihin mong hindi mo nauunawaan; kapag hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mong hindi ito malinaw. Huwag kang matakot na hamakin ka ng iba o na maliitin ka ng iba. Sa pamamagitan ng palagiang pagsasalita mula sa puso at pagsasabi ng katotohanan sa ganitong paraan, matatagpuan mo ang kagalakan, kapayapaan, at ang pakiramdam ng paglaya at napalaya sa puso mo, at hindi ka na mapipigilan ng banidad at pride. Kanino ka man nakikipag-ugnayan, kung maipapahayag mo kung ano talaga ang iniisip mo, masasabi sa iba ang nilalaman ng puso mo, at hindi ka magpapanggap na alam mo ang mga bagay na hindi mo naman alam, iyan ay isang matapat na saloobin. Minsan, maaaring hamakin ka ng mga tao at tawagin kang hangal dahil palagi mong sinasabi ang katotohanan. Ano ang dapat mong gawin sa gayong sitwasyon? Dapat mong sabihin, ‘Kahit na tawagin akong hangal ng lahat, maninindigan ako na maging isang matapat na tao, at hindi isang mapanlinlang na tao. Magsasalita ako nang tapat at alinsunod sa mga katunayan. Bagama’t ako ay marumi, tiwali, at walang halaga sa harapan ng Diyos, sasabihin ko pa rin ang katotohanan nang walang pagkukunwari o pagbabalat-kayo.’ Kung magsasalita ka sa ganitong paraan, magiging matatag at payapa ang puso mo. Upang maging isang matapat na tao, dapat mong bitiwan ang iyong banidad at pride, at upang masabi mo ang katotohanan at maipahayag ang mga tunay mong damdamin, hindi mo dapat katakutan ang pangungutya at pang-aalipusta ng iba. Kahit na tratuhin ka ng iba na parang isang hangal, hindi ka dapat makipagtalo o hindi mo dapat ipagtanggol ang sarili mo. Kung maisasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay magiging isang matapat na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Ginagawang malinaw ng Diyos kung sino ang gusto Niya at kung sino ang kinamumuhian Niya. Ang matatapat na tao lang ang tinatanggap at pinagpapala ng Diyos. Ang Diyos ay banal, at walang pagbubulaan o panlilinlang sa Kanya. Ang mga salita ng Diyos ay palaging tuwiran at malinaw. Tulad nang malinaw na itinagubilin ng Diyos kay Adan at Eba sa Halamanan ng Eden, sinasabi sa kanila kung aling bunga mula sa aling puno ang maaari nilang kainin, at kung alin ang magdudulot ng kamatayan. Ang mga tagubilin ng Diyos ay malinaw at walang anumang pagtatago. Hinihiling din ng Diyos na tayo ay maging dalisay at matapat na mga tao, dahil ito ang tunay na wangis ng tao. Nabubuhay sa mundo ni Satanas, nakikisalamuha ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan, panlilinlang, at panloloko, palaging may suot na maskara, at namumuhay sa nakapapagod na paraan. Sa bandang huli, palalim nang palalim ang paggawang tiwali sa kanila ni Satanas, at mahaharap sa matuwid na pagpaparusa ng Diyos. Nakita ko na ang ilang kapatid na nakapaligid sa akin ay kayang magsagawa bilang mga matapat na tao, na kapag nakita nilang may problema ang iba, kaya nilang direktang tukuyin ito para matulungan ang mga ito, at kapag nakita nila ang isang tao na gumagawa ng mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan, kaya nilang pungusan ito nang hayagan, at maaari silang maging taos-puso at magbigay ng tulong at suporta sa isa’t isa. Dalisay ang mga taong ito, at nadama nilang pinalaya at malaya sila, at hinahangad nila na maging matatapat na tao at tinatahak ang landas ng kaligtasan. Naunawaan ko ang kahulugan ng pagiging isang matapat na tao, at binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Hindi na ako makapagpapakana at makapanlilinlang para sa dangal at katayuan. Ang gayong pag-uugali ay tunay na kasuklam-suklam! Dapat kong abutin ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao ayon sa hinihingi ng Diyos, at isulat ang totoong nalalaman ko tungkol kay Liu Li. Kahit pa mapahiya ako kung hindi ito tumpak, basta’t matapat ako at napalulugod ang Diyos, sapat na iyon para sa akin.
Bukod dito, mayroon akong nakalilinlang na pananaw tungkol sa pagsusulat ng mga pagsusuri, inakala na bilang isang superbisor ng gawaing nakabatay sa teksto, dapat na magawa kong makilatis ang mga tao at makapagsulat ng tumpak na mga pagsusuri para maituring na mahusay, kaya, nag-atubili ako na maging matapat sa takot na hindi makasulat ng maayos na pagsusuri at mapahiya. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na ito: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pag-aangat at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na iniangat na siya, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag iniaangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, iniaangat at nililinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na pasok na siya sa pamantayan at mahusay bilang isang lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng pamumuno, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga iniangat. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga iniangat ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Mayroon ba silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na sa sambahayan ng Diyos, maging lider man o superbisor, hindi ibig sabihin nito na nauunawaan niya ang lahat ng aspekto ng katotohanan, o na taglay niya ang lahat ng aspekto ng mga katotohanang realidad. Ang pagsasaayos ng iglesia sa akin na maging superbisor ay isang oportunidad lang para sa akin na magsanay, at hindi ibig sabihin nito na naunawaan ko ang mas maraming katotohanan kaysa sa iba o na kaya kong kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao. Naging malinaw sa akin na maraming katotohanan pa ang hindi ko nauunawaan, at na kailangan kong maranasan ang iba’t ibang kapaligiran para makamit ang mga ito. Napagtanto ko na kung pahahalagahan ko ang pagkakataong ito, at mas maghahanap sa pamamagitan ng panalangin at pagkilos nang naaayon sa katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay-bagay, mabilis na lalago ang aking buhay. Gayumpaman, sa halip ay itinuring kong mataas ang sarili ko sa posisyon ng isang superbisor, iniisip na bilang isang superbisor, dapat mayroon akong pagkilatis at makasulat ng mga tumpak na pagsusuri. Para makakuha ng papuri at paghanga mula sa mas nakatataas na pamunuan, nauwi ako sa pagsasagawa ng panlilinlang at pagiging baliko para maitago ang aking sarili, sa halip na makita ang aking kawalan ng pagkilatis at maghanap ng mas maraming katotohanan sa larangang ito. Kung magpapatuloy ako sa ganitong paraan, hindi lang nito ako mahahadlangan sa pag-unawa sa katotohanan, kundi gagawin din nitong mas mapanlinlang ang aking disposisyon, at sa huli, wala akong mapapala. Nang mapagtanto ito, natuto akong tanggapin nang tama ang aking mga kakulangan.
Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng liham mula sa mas nakatataas na pamunuan, hinihiling sa akin na sumulat ng pagsusuri tungkol kay Sister Sun Lan. Naisip ko, “Dalawang araw ko pa lang na nakilala si Sister Sun Lan, kaya limitado pa ang pagkaunawa ko sa kanya. Kung hindi magiging tumpak ang aking pagsusuri, iisipin ba ng mga lider na wala akong pagkilatis at mamaliitin nila ako?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Narinig kong si Sun Lan ay may potensyal na linangin, kaya marahil ay dapat kong bigyang-diin ang kanyang mga kalakasan. Sa gayong pagsusuri, tiyak na sasabihin ng mga lider na dahil nagawa kong tumpak na tasahin ang isang tao sa loob lang ng dalawang araw, may pagkilatis ako. Talagang pagmumukhain akong mahusay niyon.” Sa sandaling iyon, napagtanto ko na sinusubukan ko muling magsagawa ng panlilinlang. Pinamatnugutan ng Diyos ang kapaligirang ito para subukin kung kaya kong maging matapat na tao. Ang pagsusulat ng mga pagsusuri ay may kinalaman sa pagtataas ng posisyon o pagtatanggal sa isang tao—hindi ito isang maliit na bagay. Hindi ko mapagpasyahan kung paano magsusulat ng pagsusuri batay sa sarili kong interes. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag nagsasalita ka, napakarami mong pasikot-sikot, masyado kang nag-iisip, at namumuhay nang nakakapagod, lahat ng ito ay para protektahan ang sarili mong reputasyon at pagpapahalaga sa sarili! Nalulugod ba ang Diyos sa pag-asal mo nang ganito? Pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Kung gusto mong maging malaya sa impluwensiya ni Satanas at makamit ang kaligtasan, kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Una ay kailangan mong magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maging prangka, sabihin ang totoo, huwag magpapigil sa iyong mga damdamin, iwaksi ang iyong pagkukunwari at panlalansi, at magsalita at pangasiwaan ang mga bagay nang may prinsipyo—isa itong madali at masayang paraan ng pamumuhay, at makapamumuhay ka sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). Hindi ko na kayang pagtakpan o ikubli ang aking sarili para sa kapakanan ng banidad at katayuan ko. Kailangan kong maging matapat na tao at maging praktikal. Kailangan kong isulat kung ano ang alam ko, nang hindi iniintindi kung paano ako makikita ng iba. Ang pag-asal sa ganitong paraan ay makapagpapanatag sa akin. Kaya sumulat ako ng isang obhetibo at patas na pagsusuri kay Sun Lan at isinumite ito. Nakaramdam ako ng matinding kaluwagan at paglaya sa aking puso. Hindi ko na naramdaman tulad ng naramdaman ko dati, nang gumugugol ako ng matinding pag-iisip sa panlilinlang. Matapos maranasan ang tamis ng pagsasalita ng totoo at pagsasagawa ng katotohanan, sinabi ko sa sarili ko na sa hinaharap, kapag naharap sa mga bagay na may kinalaman sa aking dangal, gaano pa man maging kahiya-hiya ang mga bagay-bagay, kailangan kong maging bukas at hayag. Salamat sa Diyos!