23. Ang Labis na Pagiging Mapagkompetensiya ay Nakapipinsala sa Lahat ng Kasangkot
Noong 2016, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Talagang may motibasyon ako, at nagpasya akong gawin nang tama ang tungkuling ito at gawin ang lahat ng makakaya ko para pangasiwaan nang maayos ang gawain ng iglesia, para makita ng mga kapatid na pinili nila ang tamang tao. Pero hindi nagtagal, natuklasan ko na si Sister Li Xin, na nakikipagtulungan sa akin, ay mas matagal nang gumagawa sa kanyang tungkulin kaysa sa akin, may mas mahusay siyang kakayahan, at kaya niyang magbahagi ng katotohanan nang mas malinaw. Kapag dumadalo kami sa mga pagtitipon nang magkasama, nagagawa niyang sagutin ang karamihan sa mga katanungan ng mga kapatid, at nasisiyahan ang mga kapatid na makinig sa kanyang pagbabahagi. Nang makita ko ang lahat ng ito, medyo nabalisa ako, iniisip na, “Talaga ngang malinaw ang pagbabahagi ni Li Xin tungkol sa katotohanan, pero kung magpapatuloy ito, siya na ang titingalain ng lahat. Kapag nagkagayon, sino pa ang papansin sa akin? Hindi maaari, kailangan kong maghanap ng paraan para patunayan ang sarili ko.” Pagkatapos niyon, madalas akong magpuyat para kumain at uminom ng marami pang salita ng Diyos at sangkapan ang sarili ko ng katotohanan. Sa mga pagtitipon, sa tuwing nagtatanglaw ang pagbabahagi ng isang tao tungkol sa mga salita ng Diyos, nagmamadali akong magtala para maibahagi ko ito sa mga pagtitipon sa ibang mga grupo, ipinapakita sa mga kapatid na napakarami rin ng nauunawaan ko. Kalaunan, dahil nakatira si Li Xin sa medyo liblib na lugar, naging mahirap para sa mga kapatid na ikonsulta sa kanya ang mga katanungan nila, kaya sinamantala ko ang pagkakataong ito para akuin ang lahat ng gawain sa iglesia, at minsan, gumagawa ako ng mga pagsasaayos nang hindi tinatalakay ang mga ito kay Li Xin. Sa paglipas ng panahon, naramdaman ni Li Xin na wala siyang ginagampanang mahalagang papel, at nagsimulang humina ang motibasyon niya sa kanyang mga tungkulin. Dagdag pa rito, lalo pang naging negatibo ang kalagayan niya dahil sa mabibigat na pasanin ng kanyang pamilya, at ilang beses, kapag nakikita niya ako, napapabuntong-hininga pa siya, at sinabi niya na hindi niya kayang gawin ang tungkuling ito. Bagama’t mukha akong nakipagbahaginan sa kanya, sa loob-loob ko, umasa akong mananatili siyang negatibo, iniisip na bibigyan ako nito ng pagkakataon na mas higit pang mamukod-tangi. Kalaunan, dahil nagpatuloy ang kanyang masamang kalagayan, si Li Xin ay tinanggal, at naghalal ng bagong lider ang iglesia, si Sister Wang Ling. Nang makita kong mahusay ang kakayahan ni Wang Ling, nangamba ako, at pakiramdam ko na, pagkatapos ng ilang pagsasanay, baka mahigitan niya ako, kaya ayaw kong mamukod-tangi siya. Nagkataon lang na si Wang Ling, na bagong halal, ay hindi pamilyar sa gawain, kaya ginamit ko ito bilang dahilan para ganap na mangasiwa sa gawain ng iglesia, ipinagkakait sa kanya ang mga pagkakataon na magamit ang kanyang mga talento. Isang beses, nangailangan ng apurahang pagbabahagi at pagpapatupad ang gampanin ng iglesia, pero dahil hindi taga-roon si Wang Ling, hindi siya pamilyar sa ilan sa mga lugar ng pagtitipon. Hindi ko siya isinama para maging pamilyar siya sa lugar o para magkasama naming ipatupad ang gawain, sa halip, ibinukod ko siya, at ipinatupad ko ang gawain sa mga lugar na dapat sana ay nasa loob ng kanyang saklaw ng responsibilidad. Kalaunan, binanggit ko pa sa mga kapatid na si Wang Ling ay walang pagpapahalaga sa pasanin para sa gawain, at ibinahagi ko kung paanong mag-isa akong nagpapakaabala sa pagpapatupad ng gawain. Dahil dito, nagkaroon ng pagkiling laban kay Wang Ling ang ilang kapatid at ayaw na nilang makinig sa pagbabahagi niya. Dahil dito, naging negatibo si Wang Ling. Medyo nakonsenisya ako, pero hindi ako nagnilay sa sarili ko. Sa halip, patuloy akong nagpakitang-gilas sa mga kapatid kung gaano ako nagsakripisyo at nagtiis sa aking tungkulin. Madalas akong pinupuri ng mga kapatid dahil sa aking pagpapahalaga sa pasanin at responsabilidad sa gawain, sinasabi na hindi kakayanin ng iglesia kung wala ako. Talagang nasiyahan ako sa sarili ko nang marinig ko ito. Kalaunan, napansin ko na hindi na ako nakakatanggap ng anumang kaliwanagan o pagtanglaw mula sa mga salita ng Diyos, at na wala na akong masabi kapag nagdarasal. Ginugol ko ang mga araw ko nang naguguluhan at walang patutunguhan, at nagsimula ring bumaba ang mga resulta ng gawain ng iglesia. Noon ko napagtanto sa wakas na hindi tama ang kalagayan ko, kaya lumapit ako sa Diyos para magdasal at maghanap, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan at gabayan akong makilala ang sarili ko.
Binasa ko ang salita ng Diyos: “Anumang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa mataas na posisyon, sa isang nakalalamang na posisyon. Hindi sila kailanman makokontento sa kanilang posisyon bilang isang ordinaryong tagasunod. … Palagi silang may personal na mga layunin sa pagganap sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palagi mamukod-tangi bilang isang pamamaraan para matugunan ang kanilang pangangailangan na talunin ang iba, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Habang ginagawa ang kanilang tungkulin, dagdag pa sa pagiging masyadong mapagkompetensiya—nakikipagkompetensiya, sa lahat ng bagay, para mamukod-tangi, manguna, mangibabaw sa iba—iniisip din nila kung paano mapanatili ang kanilang kasalukuyang katayuan, reputasyon at katanyagan. Kung may sinumang nagbabanta sa kanilang katayuan o katanyagan, walang nakakapigil sa kanila, at walang awa, sa pagpapabagsak at pag-aalis sa taong ito. Gumagamit pa nga sila ng kasuklam-suklam na mga kaparaanan para supilin iyong mga nagagawang hangarin ang katotohanan, na gumagawa sa kanilang tungkulin nang may katapatan at pagpapahalaga sa responsibilidad. Puno rin sila ng inggit at pagkamuhi sa mga kapatid na gumaganap nang mahusay sa kanilang tungkulin. Namumuhi sila lalo na sa mga ineendorso at inaaprubahan ng iba pang mga kapatid; naniniwala sila na malaking banta ang gayong mga tao sa pinagsisikapan nilang matamo, sa kanilang reputasyon at katayuan, at isinusumpa nila sa kanilang puso na ‘Ikaw o ako, ako o ikaw, walang puwang para sa ating dalawa, at kung hindi kita ibabagsak at tatanggalin, hindi ko matatanggap iyon!’ Sa mga kapatid na nagpapahayag ng ibang opinyon, na naglalantad sa kanila, o nagbabanta sa kanilang katayuan, wala silang habag: Iniisip nila ang anumang maiisip nila para may makalap sila tungkol sa mga ito para husgahan at kondenahin ang mga ito, para siraan at pabagsakin ang mga ito, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nagagawa iyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahangad niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang layong hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanyang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, inaasikaso ang sarili nilang usapin, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Ang inilantad ng salita ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Simula nang maging lider ako, palagi kong pinagtutuunan kung ano ang tingin sa akin ng iba. Nang malaman ko na mas mahusay kaysa sa akin ang sister na katuwang ko, hindi ko ito matanggap, at gusto kong makipagkompetensiya sa kanya at ikumpara ang sarili ko sa kanya. Kinailangan ko lang lampasan ang iba, at hikayatin silang maging mataas ang tingin nila sa akin. Noong nakikipagtulungan ako kay Li Xin, nakita ko na mahusay ang kakayahan niya, na mayroon siyang mahusay na kapabilidad sa gawain, na malinaw ang pakikipagbahaginan niya sa katotohanan, at na nagagawa niyang lutasin ang mga problema ng mga kapatid. Nainggit ako at hindi ko ito matanggap, at natakot ako na magiging mataas ang tingin ng lahat ng kapatid sa kanya at ako naman ay mamaliitin nila. Kaya aktibo kong pinag-aaralan ang liwanag na nakapaloob sa pagbabahagi ng iba para magmukha akong magaling, umaaasa na magiging mataas ang tingin ng iba sa akin sa ginagawa kong ito. Umabot pa nga ito sa punto na, para ipakita na mas magaling ako kay Li Xin, inako ko mismo ang lahat ng gawain ng iglesia at hindi ako pumayag na makialam si Li Xin, palihim siyang isinasantabi. Wala rin akong pakialam nang makita kong hindi maganda ang kalagayan ni Li Xin, dahil natakot ako na kung bubuti ang kalagayan niya, mahihigitan ng kanyang mga resulta sa gawain ang sa akin. Noong nakikipagtulungan ako kay Wang Ling, lubos din akong mapagkompetensiya. Alam na alam kong kasisimula pa lang ni Wang Ling na magsanay bilang lider at dapat ko siyang tulungan at suportahan, pero nang makita kong mahusay ang kakayahan niya, natakot ako na sa sandaling makabisado niya ang gawain, malalampasan niya ako at maaapektuhan ang katayuan ko. Kaya, mag-isa akong gumawa para ipangalandakan ang aking sariling kapabilidad sa gawain, at hindi ko siya binigyan ng anumang pagkakataon na gamitin nang husto ang kanyang mga talento. Sinisiraan ko pa nga siya nang lingid sa kaalaman niya habang itinataas ko ang sarili ko, kaya nagkaroon ng pagkiling laban sa kanya ang mga kapatid at ibinubukod nila siya, hanggang sa huli ay nalugmok siya sa pagkanegatibo. Kapag naiisip ko ang tungkol sa mga nagawa kong ito, talagang nararamdaman ko na wala akong pagkatao at talagang kasuklam-suklam ako. Pinili ako ng mga kapatid na maging lider, at dapat ay pinahalagahan ko ang pagkakataong ito. Dapat nakipagtulungan ako sa mga kapatid sa paggawa nang maayos sa gawain ng iglesia. Pero hindi ko inisip kung paano makipagtulungan nang maayos sa iba sa aking mga tungkulin at maging tapat. Sa halip, palagi akong nakikipagkompetensiya para sa kasikatan at pakinabang, nang sa gayon ay maging mataas ang tingin sa akin ng mga tao. Bukod sa pinigilan ng pag-uugali ko ang dalawang sister, naapektuhan din nito ang gawain ng iglesia. Ngayon, nasadlak ako sa kadiliman, at ito ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos sa akin, at napagtanto ko na kung hindi ako magninilay-nilay at magsisisi, itataboy ako ng Diyos. Natakot talaga ako sa kaisipang ito, kaya agad akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Gusto kong magsisi sa Iyo. Hindi ko na ako muling makikipagkompetensiya sa mga kapatid ko.” Noong ginawa ko ang mga tungkulin ko pagkatapos niyon, sinimulan kong sadyang isantabi ang aking sarili at tumigil sa pakikipagkompetensiya kay Wang Ling. Sa halip, natuto akong makipagtulungan sa kanya sa paggawa ng gawain ng iglesia at sinimulan ko siyang tulungan na makabisado ang kanyang mga tungkulin sa lalong madaling panahon. Bumuti ang kalagayan ni Wang Ling, nagsimula siyang gawin nang aktibo ang kanyang mga tungkulin, at nagawa niyang lumutas ng mga aktuwal na problema. Nakaramdam ako ng hiya nang makita ko ito. Alam ko na ang lahat ng ito ay dahil palagi akong nakikipagkompetensiya kay Wang Ling at hindi ko siya kailanman binigyan ng pagkakataong magsanay kaya siya nasiraan ng loob. Ngayong nagtutulungan na kami, nagamit ni Wang Ling nang lubos ang kanyang mga talento, at bumuti rin ang mga nagbungang resulta sa buhay iglesia. Tuwang-tuwa ako tungkol dito, at pakiramdam ko ay nagkaroon ako ng kaunting pagpasok sa aspektong ito, pero dahil malalim na nakaugat sa akin ang aking tiwaling disposisyon, hindi nagtagal bago ako bumalik sa isang kalagayan ng muling pakikipagkompetensiya para sa kasikatan at pakinabang.
Noong Setyembre 2018, sumanib ang iglesia namin sa isa pang kalapit na iglesia, at muli akong napili na maging lider. Tuwang-tuwa ako, dahil inisip ko na ang makapagpatuloy na maging lider pagkatapos ng pagsasanib ng iglesia ay nagpatunay na may kakayahan ako. Pero naisip ko ang dalawang sister na makakatuwang ko. Ang isa ay si Sister Pang Jing, na maraming taon nang naglingkod bilang lider. Nakakaunawa siya ng maraming prinsipyo, marami siyang karanasan at madalas ay kaya niyang makipagbahaginan sa katotohanan at lutasin ang mga problema ng mga kapatid. Ang isa pa ay si Sister Chen Min, na may parehong mahusay na kakayahan at kapabilidad sa gawain. Kaya nakaramdam ako ng matinding presyur, at nag-alala ako na mamaliitin ako ng mga kapatid dahil pareho silang mas magaling sa akin at ako ang pinakamahina sa amin. Dahil dito, lihim kong sinimulang doblehin ang aking mga pagsisikap, at gumugugol ako ng mas maraming oras bawat araw para pumunta sa mga pagtitipon ng grupo, dahil inisip ko na malalampasan ko sila sa pamamagitan ng paggawa ng mas maraming gawain, pagdurusa nang mas higit, at pagbabayad ng mas malaking halaga kaysa sa kanila. Gumawa ako ng mga karagdagang pagsisikap para magkaroon ng oras na makasama ang mga kapatid sa partikular na saklaw ng responsabilidad ni Pang Jing. Dumalo ako sa kada pagtitipon ng grupo, umaasang makamit ang pagsang-ayon ng mga kapatid na responsabilidad nina Sister Pang Jing at Chen Min. Isang beses, narinig kong sinabi ni Pang Jing na may isang grupo sa lugar niya kung saan hindi kailanman makapagtrabaho nang magkakasundo ang mga kapatid, at kahit na ilang beses na siyang nakipagbahaginan sa kanila, hindi niya nagawang lutasin ang isyu. Naisip ko, “Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito para makipagbahaginan at lutasin ang problemang ito. Ipapakita niyon na mas mahusay ako kaysa sa kanya.” Kaya agad akong naglaan ng oras para bisitahin ang grupong ito. Sa pamamagitan ng aking matiyagang pakikipagbahaginan, sa wakas ay nalutas ko ang mga kalagayan ng mga kapatid. Pinuri pa nga ng sister mula sa bahay na tinutuluyan ang abilidad kong lumutas ng mga problema sa harap ni Pang Jing. Talagang nasiyahan ako sa sarili ko nang marinig ko ito at inisip kong talagang may kakayahan ako. Kalaunan, para magtatag ng magandang imahe ng sarili ko, madalas kong iginugugol ang mga araw ko sa pagdalo sa mga pagtitipon ng iba’t ibang grupo, at nagpupuyat ako hanggang ala-una ng umaga, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at mga materyal ng pagsasaliksik, para matugunan ko kaagad ang mga isyu. Bago ang bawat pagtitipon, naghahanda ako na para bang isa akong guro na nagpaplano ng mga aralin, umaasa na makita ng mga kapatid na magaling akong makipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Isang beses, dahil dumalo ako sa isang pagtitipon sa ibang lugar, hindi ako nakadalo sa isang pagtitipon ng grupo. Para isipin ng mga kapatid na responsable ako, pagbalik ko kinabukasan, nagmadali akong maglaan ng oras para bumawi sa pagtitipong hindi ko nadaluhan. Pero sa hindi inaasahan, habang papunta ako sa pagtitipon, biglang na-flat ang likurang gulong ng aking electric bike. Na-stranded ako sa lugar na walang katao-tao, habang umuulan at bumabagsak ang niyebe, at sa loob ng ilang sandali, hindi ko alam ang gagawin. Nang halos hindi na ako makapag-isip, bigla kong naalala na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nangyayari sa atin bawat araw ay pinahihintulutan ng Diyos, at na marahil ay may aral para sa akin na matututunan sa sitwasyong ito. Sa pagninilay-nilay, napagtanto ko na hindi tama ang layunin ko sa pagdalo sa pagtitipon. Hindi ako dumadalo sa pagtitipon para makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan kasama ng mga kapatid, sa halip, ginagamit ko ang pagtitipong ito bilang isang pagkakataon para ipakita sa kanila na mayroon akong pagpapahalaga sa pasanin at responsabilidad, para tingalain nila ako. Kumikilos pa rin ako alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan.
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Upang magkamit ng kapangyarihan at katayuan, ang unang ginagawa ng mga anticristo sa iglesia ay ang subukang kunin ang tiwala at pagpapahalaga ng ibang tao, para makakumbinsi sila ng mas maraming tao, at mahikayat ang mas maraming tao na tingalain at sambahin sila, sa gayon ay makamit ang kanilang layon na magkaroon ng huling salita sa iglesia, at humawak ng kapangyarihan. Pagdating sa pagkakaroon ng kapangyarihan, pinakabihasa sila sa pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban sa ibang tao. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan, na may katanyagan sa iglesia, at minamahal ng mga kapatid, ay ang kanilang pangunahing kakompetensiya. Ang sinumang tao na nagbabanta sa kanilang katayuan ay ang kanilang kakompetensiya. Nakikipagkompetensiya sila sa mga mas malakas sa kanila nang hindi natitinag; at nakikipagkompetensiya sila sa mga mas mahina sa kanila, nang walang anumang nararamdaman na awa. Ang puso nila ay puno ng mga pilosopiya ng labanan. Naniniwala sila na kung ang mga tao ay hindi nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban, hindi sila makakakuha ng anumang pakinabang, at na makukuha lamang nila ang mga bagay na gusto nila sa pamamagitan ng pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban. Upang magtamo ng katayuan, at makakuha ng nangungunang posisyon sa isang grupo ng mga tao, gagawin nila ang lahat para makipagkompetensiya sa iba, at hindi nila pinapalampas ang kahit isang tao na nagsisilbing banta sa kanilang katayuan. Kahit sino ang kanilang nakakasalamuha, puno sila ng pagnanais na makipaglaban, at kahit habang tumatanda na sila, lumalaban pa rin sila. Madalas nilang sinasabi na: ‘Kaya ko bang talunin ang taong iyon kung makikipagkompetensiya ako sa kanila?’ Ang sinumang mahusay magsalita, at kayang magsalita sa isang lohikal, nakabalangkas, at sistematikong paraan, ay nagiging puntirya ng kanilang inggit at panggagaya. Dagdag pa rito, nagiging kakompetensiya nila ito. Ang sinumang naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pananalig, at kayang tumulong at sumuporta sa mga kapatid nang madalas, at nakapagpapaahon sa kanila mula sa pagiging negatibo at mahina, ay nagiging kakompetensiya rin nila, pati na rin ang sinumang eksperto sa isang partikular na propesyon, at medyo pinahahalagahan ng mga kapatid. Ang sinumang nakakakuha ng mga resulta sa kanilang gawain, at nagtatamo ng pagkilala ng Itaas, ay natural na nagiging mas malaking kakompetensiya para sa kanila. Ano ang mga kasabihan ng mga anticristo, kahit saang grupo man sila naroroon? Ibahagi ang inyong mga kaisipan. (Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa Langit ay isang walang katapusang kasiyahan.) Hindi ba’t kabaliwan ito? Kabaliwan ito. May iba pa ba? (Diyos, hindi kaya iniisip nila na: ‘Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa’? Ibig sabihin, gusto nila na maging sila ang pinakamataas, at kahit sino pa ang kasama nila, palagi nilang gustong higitan ang mga ito.) Isa ito sa kanilang mga ideya. May iba pa ba? (Diyos, naisip ko ang apat na salita: ‘Ang panalo ay hari.’ Sa tingin ko, gusto nila palagi silang nakalalamang kaysa sa iba at mamukod-tangi, saan man sila naroroon, at nagsisikap sila na maging pinakamataas.) Karamihan sa sinabi ninyo ay mga uri ng ideya; subukan ninyong gumamit ng isang uri ng pag-uugali para ilarawan sila. Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saan man sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay ‘Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!’ Bakit tatlong ‘makipagkompetensiya,’ bakit hindi iisang ‘makipagkompetensiya’? (Kompetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, iyon ay ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkokompetensiyahan nila? Karaniwan, nakikipagkompetensiya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa kanila, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang layon. Ang kagustuhan nilang makipagkompetensiya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkompetensiya sila para sa reputasyon at katayuan. Ngunit kung magkamit sila ng katayuan, ano ang silbi nito sa kanila? Anong buti ang idudulot sa kanila kung pakinggan, hangaan, at sambahin sila ng iba? Ni hindi nga ito maipaliwanag ng mga anticristo mismo. Ang totoo, gusto nilang magtamasa ng reputasyon at katayuan, na ngitian sila ng lahat ng tao, at batiin sila nang may pambobola at papuri” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na talagang mahal ng mga anticristo ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kahit sino pa ang kasama nila, gusto nilang makipagkompetensiya at ikumpara ang kanilang sarili sa iba. Palagi nilang gustong higitan ang iba para tingalain at sambahin sila ng mga tao, at handa pa nga silang gumamit ng mga walang prinsipyong paraan para makipagkompetensiya at makipaglaban sa iba para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Walang kasuklam-suklam na bagay na hindi nila gagawin. Sa pagninilay-nilay sa sarili ko batay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang disposisyong ibinunyag ko ay kapareho ng sa isang anticristo. Mula pagkabata hanggang sa pagtanda, namuhay ako ayon sa mga satanikong lason gaya ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” at “Isa lang ang lalaking maaaring manguna.” Anuman ang gawin ko, gusto ko palaging maging mas mahusay kaysa sa iba, at saan man ako pumunta, gusto kong makuha ang paghanga at papuri ng iba. Kahit matapos kong matagpuan ang Diyos, gusto ko pa ring palaging magpakitang-gilas at maging mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng ginagawa ko, at patuloy akong nagsusumikap at nakikipagkompetensiya para sa reputasyon at katayuan. Hindi ko magawang makipagtulungan nang maayos sa iba, at ibinukod at minaliit ko pa nga ang mga nakatuwang kong sister para itaas ang sarili ko. Kahit sa mga pagtitipon kung saan nakipagbahaginan ako para lutasin ang mga isyu, ang pakay ko ay palaging para lang mahigitan ang mga nakatuwang kong sister. Napagtanto ko na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong lason na ito ay naging dahilan para lalo akong maging mayabang at mapaminsala. Inalala ko lang ang reputasyon at katayuan ko, at hindi ko inisip ang mga layunin ng Diyos o ang mga interes ng iglesia. Bilang resulta, nasaktan ko ang mga kapatid ko at nagambala at nagulo ko ang gawain ng iglesia. Naisip ko ang mga anticristong napatalsik, na umabot hanggang sa pagbukod at pagsupil sa mga tumututol para lang mapatatag ang kanilang posisyon. Ginambala at ginulo nila ang gawain ng iglesia, at sa huli, itiniwalag sila dahil sa pagsalungat sa disposisyon ng Diyos sa kanilang maraming masamang gawa. Napagtanto ko na tinatahak ko ang landas na pareho sa mga anticristong iyon. Patuloy kong hinahangad ang reputasyon at katayuan, at kung hindi ako magsisisi, tiyak na masasalungat ko ang disposisyon ng Diyos at parurusahan Niya ako. Talagang natakot ako, at napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensiya. Nagpasya ako, “Dapat akong maghimagsik laban sa laman, magsagawa sa katotohanan, at makipagtulungan nang maayos sa mga sister ko para magawa nang maayos ang tungkulin ko.”
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang tapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkompetensiya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo nang makita mo! Kung gusto mong mabago ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito at isuko ang mga ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagbubulay-bulay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, dapat kong matutunang isantabi ang aking mga personal na interes, reputasyon, at katayuan, at unahin ang mga interes ng iglesia. Saka ko lang magagawa nang maayos ang tungkulin ko. Sa pagninilay-nilay kung paanong mas mahusay ang kakayahan ng mga sister na nakatuwang ko kaysa sa akin at kung paanong kaya nilang lumutas ng mga aktuwal na problema, nakita ko na nakakakabuti ito sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at na dapat akong higit na makipagtulungan sa kanila, matuto mula sa kanilang mga kalakasan habang pinupunan namin ang isa’t isa. Sa ganitong paraan maaaring magtamo ng mas magagandang resulta ang gawain ng iglesia at mapupunan ang sarili kong mga pagkukulang, at sa ganitong paraan ko magagawa ang tungkulin ko ayon sa layunin ng Diyos. Pagkatapos nito, nagsagawa ako ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ko na iniisip kung ang mga nakatuwang kong kapatid ay mas mahusay kaysa sa akin, at tumutuon na lang ako sa paggampan ng papel ko sa aking tungkulin. Nagtapat din ako sa mga nakatuwang ko na sister sa pakikipagbahaginan tungkol sa katiwaliang ibinunyag ko sa panahong ito at tungkol sa mga pagninilay-nilay at pagkaunawang natamo ko. Matapos makinig sa akin, hindi ako minaliit ng mga sister, at sa halip, nakipagbahaginan sila sa akin at tinulungan nila ako. Mula noon, magkakasama kaming nagtatalakayan tungkol sa gawain at nagtutulungan nang maayos. Pagkaraan ng ilang panahon, umusad ang gawain ng iglesia.
Isang araw, nagpadala ng liham ang mga nakatataas na lider, sinasabing maghahalal sila ng isang tagapangaral mula sa pamunuan ng iglesia. Nakaramdam ako ng pagkasabik dahil gusto kong mapili, pero naisip ko, “Mas mahusay ang pagkaunawa ni Chen Min sa katotohanan kaysa sa akin, at mahusay rin ang kakayahan niya at may kapabilidad siya sa gawain, kaya, batay sa mga prinsipyo, mas nababagay siya.” Pero medyo hindi pa rin ako mapalagay, iniisip ko, “Kung talagang magiging tagapangaral si Chen Min, ano ang iisipin ng mga kapatid tungkol sa akin? Sasabihin ba nila na hindi ako kasinghusay niya?” Labis na nagtatalo ang kalooban ko. Noong sandaling iyon, malinaw na sumagi sa isipan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang tapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ang kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos ay nagbigay-liwanag sa puso ko. Naisip ko kung paanong madalas akong malugmok sa isang tiwaling disposisyon noon, nagiging lubos na mapagkompetensiya at sinusubukang higitan ang iba, at sa tuwing may nangyayari na nagbibigay-daan sa akin na makagawa ng pangalan para sa aking sarili, nakikipagkompetensiya ako at sinusubukan kong higitan ang iba. Bukod sa napigilan nito ang mga tao, nakaapekto rin ito sa gawain ng iglesia. Nang maisip ko ang mga bagay na ito, napuno ako ng pagsisisi. Ngayon, kailangan kong maghimagsik laban sa aking satanikong disposisyon, isantabi ang reputasyon at katayuan, at unahin ang gawain ng iglesia. Mas matagal nang gumagawa ng mga tungkulin si Chen Min kaysa sa akin, at mas praktikal niyang ibinabahagi ang katotohanan, kaya, mas makakabuti para sa gawain ng iglesia ang pagiging tagapangaral niya. Nang maisip ko ito, binoto ko si Chen Min. Pagkatapos magsagawa nang ganito, nakaramdam ako ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ko. Ang mga salita ng Diyos ang nagdulot ng pagbabagong ito sa akin. Salamat sa Diyos!