25. Pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa Panahon ng Pandemya

Ni Lu Ming, Tsina

Isang araw noong Mayo 2023, inanyayahan ako ni Sister Zhao Fei na ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw sa isang mananampalataya ng Panginoon kasama niya. Ang mananampalataya ay nagngangalang Li Hao. Pinangunahan niya dati ang mga pagtitipon ng kabataan sa iglesia, pero mababa ang pagdalo sa iglesia sa nakaraang mga taon, at naaakit ang mga kabataan sa karikitan ng material na mga bagay at pera, sumusunod sila sa mga makamundong uso. Tanging ang mga matatanda ang nanatili bilang mga mananampalataya sa iglesia. Nagsimulang humina ang pananalig ni Li Hao; tumigil siya sa pagdalo sa mga pagtitipon at nagbasa na lamang ng Bibliya sa bahay. Alam niya na ang patuloy na pagdami ng mga sakuna ay isang malinaw na senyales na malapit nang dumating ang Panginoon at patuloy niyang hinintay ang Kanyang pagbabalik. Nang mapagtanto ko na isang tunay na mananampalataya si Li Hao at hinahangad niya ang pagbabalik ng Panginoon, lalo akong naging masigasig na ipalaganap ang ebanghelyo sa kanya.

Nang magkita kami, tinalakay namin ang mga karanasan namin sa pananalig at ang mga pag-asa namin sa aming pananampalataya. Tinalakay din namin ang iba’t ibang masasama at madidilim na kababalaghan sa kasalukuyang mundo, ang katiwalian at kalaswaan ng sangkatauhan, kung ano ang kahihinatnan ng tao kung wala ang pagliligtas ng Diyos, at iba pa. Sumang-ayon si Li Hao, sinabi niya na, “Tunay nga na napakatiwali ng mga tao ngayon at gagawin nila ang lahat para sa benepisyo at pakinabang. Kung hindi darating ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan, sila ay malilipol.” Pagkatapos noon, nagpatotoo ako sa kanya tungkol sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Tinalakay ko kung paanong sa mga huling araw ng Kapanahunan ng Kautusan, mas naging madalas ang paggawa ng kasalanan ng mga tao, wala silang maibigay na sapat na handog para sa kasalanan, at lahat sila ay nasa ilalim ng banta ng paghatol at pag-usig ng batas. Pagkatapos, nagkatawang tao ang Diyos para gampanan ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ipinako sa krus ang Panginoong Jesus bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, tinubos niya ang tao mula sa kamay ni Satanas, at tiniyak Niya ang pagpapatuloy ng kanilang buhay. Tinalakay rin namin kung paanong kahit pinatawad na ang mga tao sa kanilang mga kasalanan bilang mananampalataya, at tinatamasa na nila ang mga pagpapala at biyaya, hindi maipagkakaila na hindi pa sila nakakawala sa tanikala ng kasalanan at ang lahat ay nabubuhay sa tuloy-tuloy na siklo ng pagkakasala at pangungumpisal, na hindi nila kayang isagawa ang mga salita ng Panginoon. Ang kawalan nila ng pasensya at pagpaparaya sa iba, ang kanilang pagsisinungaling, panloloko, pagkamakasarili, kabuktutan at kasakiman—hindi nila kayang iwaksi ang katiwaliang ito. Ang mga kapatid ay naiinggit at nakikipagkumpetensya sa isa’t isa, bumubuo ng mga paksyon, at pagdating sa personal na pakinabang, patalikod nilang hinuhusgahan at inaatake ang isa’t isa. Sabi ng Diyos: “Kayo nga’y magpakabanal, sapagkat Ako’y banal(Levitico 11:45). “Maaari bang makapasok sa kaharian ng langit ang mga taong puno ng katiwalian?” tinanong ko. Sinabi ni Li Hao na, “Hindi makakapasok sa kaharian ng langit ang maruruming tao, pero paano tayo magiging dalisay?” Sumagot ako, sinabi ko na, “Hindi natin maaaring dalisayin ang sarili natin, kailangan tayong iligtas ng Diyos. Kung hindi darating ang Diyos para iligtas tayo, hindi tayo makakawala sa kasalanan nang mag-isa. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoon, napatawad ang mga kasalanan natin, ngunit ang makasalanang kalikasan natin ay nakatanim pa rin sa kalooban natin. Kung hindi natin lulutasin ang ugat na problema, patuloy tayong magkakasala, tulad ng isang damo na muling tumutubo pagkatapos putulin. Ipinapakita nito na namumuhay pa rin tayo sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at hindi pa tayo tunay na nakakamit ng Diyos. Para lubusang maligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, maagaw sila mula sa kamay ng madilim na impluwensya ni Satanas, at hayaang maligtas at makapasok sa kaharian ng langit, bumalik ang Panginoong Jesus sa mga huling araw para gampanan ang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa pamamagitan ng mga salita sa pundasyon ng gawain ng pagtubos. Ipinahayag Niya ang katotohanan para isiwalat at hatulan ang ugat na sanhi ng mga kasalanan ng tao—ang tiwaling disposisyon at kalikasan ng tao. Tanging sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang mga salita napagtatanto natin na tayo ay labis na nagawang tiwali ni Satanas at wala nang taglay na wangis ng tao, at doon lamang tayo nagsisimulang mamuhi at maghimagsik laban sa ating mga sarili, at nagiging handang hangarin ang katotohanan, hanaping isabuhay ang tunay na wangis ng tao, at maligtas. Isinasakatuparan nito ang mga salita ng Panginoon: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13).” Pagkatapos, sinabi ni Li Hao na, “Nauunawaan ko, hindi pa natin naiwawaksi ang kasalanan sa pananampalataya lamang sa Panginoon, at hindi pa tayo karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Kailangan pa rin nating tanggapin ang paghatol at pagligtas ng Diyos upang madalisay.” Sinabi ko sa kanya, “Oo, para maligtas ang sangkatauhan, nagsagawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya at Kapanahunan ng Kaharian. Tulad sa pagsasaka, kung saan kailangang mag-araro, magtanim at mag-ani, makukumpleto lamang ang gawain pagkatapos ng tatlong yugto at wala ni isa ang maaaring maiwan. Hindi sapat na matubos lang tayo ng Panginoong Jesus. Tanging sa pagtanggap lamang ng gawain ng paghatol sa mga huling araw maaaring malinis ang mga tiwaling disposisyon natin, na magpapahintulot sa atin para mabuhay at makapasok sa kaharian ng Diyos.” Nagpatotoo rin kami sa kanya kung paano isinagawa ng iisang Diyos ang lahat ng tatlong yugto ng gawain, bawat isa ay nagpatuloy at nagpalalim sa gawain ng naunang yugto, at lahat ay may layong iligtas ang tao at gabayan siyang makapasok sa kaharian ng Diyos. Naunawaan lahat ito ni Li Hao at masigla niyang sinabi na, “Nagbalik ang Panginoong Jesus para iligtas tayo? Napakagandang balita!”

Isang gabi, makalipas ang ilang araw, muli naming binisita si Li Hao sa kanyang bahay. Pero pagkapasok pa lang namin, para siyang nataranta at sinabi niya sa amin na, “Kailangan na ninyong umalis agad. Hindi ko kayo maaaring patuluyin dito!” Naguluhan ako kaya tinanong ko siya kung ano ang nangyayari. Balisa siyang sumagot na, “Mayroon akong COVID, hindi tinatanggap ng sikmura ko ang anumang pagkain, mayroon akong diarrhea at nakakaramdam ako ng panghihina. Pakiramdam ko ay hindi na ako magtatagal. Kailangan na niyong umalis agad, ayaw kong mahawa kayo.” Nang makita ko kung gaano na siya kapayat at kahina, nais kong manatili upang samahan siya at makipagbahaginan sa kanya kung paano mararanasan ang sitwasyong ito, pero nag-alala rin ako na kung mananatili ako, baka mahawa ako. Marami na ang namatay dahil sa COVID kamakailan at natakot akong mahawa kung makikisalamuha ako sa kanya nang malapitan. Mananatili ba ako o aalis? Hindi ako makapagpasya. Tahimik akong nagdasal sa Diyos at naalala ko ang isang sipi ng mga salita Niya: “Nilikha ng Diyos ang lahat, at dahil nilikha Niya ang mga ito, may kapamahalaan Siya sa lahat ng bagay. Bukod sa pagkakaroon ng kapamahalaan sa lahat ng bagay, Siya ang may kontrol sa lahat ng bagay. Ano ang ibig sabihin nito, ang ideya na ‘ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay’? Paano ito maipaliliwanag? Paano ito magagamit sa tunay na buhay? Paano mauuwi sa pagkaunawa sa Kanyang awtoridad ang pagkaunawa sa katunayan na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay? Mula sa mismong pariralang ‘ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay,’ dapat nating makita na ang kinokontrol ng Diyos ay hindi lamang isang bahagi ng mga planeta, o isang bahagi ng sangnilikha, lalong hindi ang isang bahagi ng sangkatauhan, kundi lahat ng bagay: mula sa pagkalaki-laki hanggang sa pagkaliit-liit, mula sa nakikita hanggang sa di-nakikita, mula sa mga bituin sa kosmos hanggang sa mga nabubuhay na bagay sa mundo, gayundin ang mga mikroorganismo na hindi nakikita ng mata lamang o mga nilalang na umiiral sa iba pang mga anyo. Ito ang tumpak na kahulugan ng ‘lahat ng bagay’ na ang Diyos ‘ang may kontrol’; ito ang abot ng Kanyang awtoridad, ang saklaw ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamumuno(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). May kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay, at kabilang dito ang mga salot at virus. Dahil isang tunay na mananampalataya si Li Hao at mayroon siyang dalisay na pagkaunawa, kinailangan kong magpatotoo sa mga salita ng Diyos para sa kanya habang hianaharap niya ang COVID. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ang daan at ang buhay. Sa mga salita ng Diyos lamang natin matatagpuan ang tamang suporta. Kung wala ang mga iyon, hindi niya malalaman kung paano ito mararanasan at maliligaw siya sa gitna ng mga sakuna. Kung mahahawa man ako o hindi, nasa Diyos na iyon. Kahit na mahawa pa ako, hindi ako mamamatay nang walang pahintulot ng Diyos. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, at kung kailangan kong magkaroon ng COVID para matanggap ng sister ang tunay na daan, magpapasakop ako. Sinabi ko kay Li Hao na, “Huwag kang mag-alala, may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang pinakamahalagang bagay para sa atin ngayon ay ang magtiwala sa Diyos at magbasa ng Kanyang mga salita. Wala nang sinumang makakapagligtas sa atin kundi ang Diyos.” Nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa awtoridad ng Diyos at kung paanong maging ang pandemya at mga mikrobyo ay nasa ilalim lahat ng kapamahalaan ng Diyos, at kung paanong hindi mapipinsala ni Satanas ang mga buhay natin nang walang pahintulot ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Pagkatapos marinig ang pagbabahagi ko, inanyayahan kami ni Li Hao na pumasok.

Nagpatuloy kaming makipagbahaginan sa kanya, sinabi namin na, “Nagpropesiya ang Panginoong Jesus sa Bibliya na magkakaroon ng matitinding sakuna sa Kanyang pagdating. Nagpropesiya rin ang Aklat ng Pahayag na magkakaroon ng matitinding sakuna sa katapusan ng mundo. Ngayong patindi nang patindi na ang mga sakuna, ano ba ang layunin ng Diyos?” Sumagot si Li Hao, sinabi niya na, “Paparating na ang apokalipsis at lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan.” Sinabi ko na, “Ang tanging layunin ba ng mga sakuna ay para lipulin ang sangkatauhan? Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Sabi ng Diyos: ‘Ginagamit ng Diyos ang mga kasalukuyang kaganapan sa buong mundo bilang mga pagkakataon upang maging dahilan para mataranta ang mga tao, na magtutulak sa kanila na hanapin ang Diyos upang bumalik sila sa Kanyang harapan. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal”(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 10). Mula rito makikita natin na ginagamit ng Diyos ang mga sakuna upang hikayatin ang mga taong hanapin ang tunay na daan at ipakita sa kanila na dumating na ang Diyos para gumising sila at mabilis na salubungin ang Panginoon. Para sa mga taong gumagawa ng masama, ang sakuna ay parusa at paglipol, pero para sa mga tunay na mananampalataya na handang maghanap, ito ay isang babala at kaligtasan.” Sumagot si Li Hao, “Nauunawaan ko. Naghahangad lamang sa Diyos ang mga tao kapag nahaharap sila sa mga paghihirap. Sumasalamin sa lahat ng ito ang mabuting layunin ng Diyos!” Sinabi ko na, “Oo, pero nang marinig ng marami sa mundo ng relihiyon ang pagbabalik ng Panginoon, hindi sila nagtuon sa paghangad, iniisip nila na kahit dumating man ang matitinding sakuna, poprotektahan sila ng Diyos at sila ay maliligtas. Iniisip nila na pagdating ng Panginoon, agad silang dadalhin patungo sa kaharian ng langit. Mga kuru-kuro at imahinasyon nila ang lahat ng ito. Isinagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Maaari ba talagang salubungin ng isang tao ang Panginoon kung maghihintay lamang siya sa iglesia? Ito ay katulad noong dumating ang Panginoong Jesus, marami ang nanatili lamang sa templo, sumamba kay Jehova at hindi pumunta para makinig sa mga sermon ng Panginoong Jesus. Paano nga ba nila makakamit ang daan ng pagsisisi at ang biyaya ng Panginoon? Noong panahong iyon, ang Panginoong Jesus ay hindi nagsasagawa ng Kanyang gawain sa templo. Nagbibigay Siya ng Kanyang sermon sa mga tagasunod sa mga kabundukan at sa mga disyerto. Maliban kina Pedro, Juan at ilang iba pa na sumunod sa Panginoon noong panahong iyon, ang karamihan ng mga tao sa templo ay sumunod sa mga punong pari at mga Pariseo sa paglaban at pagkondena sa Panginoong Jesus. Inabandona at itiniwalag silang lahat ng Diyos at sa huli ay hinarap nila ang Kanyang pagpaparusa at mga sumpa. Ganito rin ang nangyayari ngayon. Habang isinasagawa ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, marami sa mundo ng relihiyon ang nakakarinig ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ngunit hindi naghahangad o sumasalubong sa Panginoon. Ang ilan ay nagsisikap pa ngang labanan at kondenahin ang Makapangyarihang Diyos. Nananampalataya sila sa Diyos pero hindi sila nakikinig sa tinig ng Diyos ni tumatanggap sa katotohanan, subalit gusto pa rin nilang makarating sa langit. Baka nananaginip lang sila. Ang mga sakuna ay patindi nang patindi, at kung hindi tayo magsisisi sa tamang panahon, malilipol tayo ng mga sakuna tulad ng mga walang pananampalataya. Malapit nang magsara ang pintuan ng biyaya, pero binigyan pa rin tayo ng Diyos ng pagkakataong magsisi. Lahat ng mga sumalubong sa Panginoon at tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at nalinis mula sa kanilang mga tiwaling disposisyon ay poprotektahan ng Diyos sa gitna ng mga sakuna.” Pagkatapos, nanood kami ng ilang video ng patotoo ng ebanghelyo na nagpapakita kung paano naghangad at nakinig sa tinig ng Diyos at sumalubong sa Panginoon ang mga kapatid. Sa kabila ng kanyang labis na kahinaan at karamdaman, nakapako ang tingin ni Li Hao sa telebisyon at handa siyang magpatuloy sa pag-iimbestiga. Pagkatapos makipagbahaginan sa kanya noong araw na iyon, naramdaman ko na sulit ang anumang halaga na binayaran ko para maipalaganap ang ebanghelyo sa kanya.

Makalipas ang ilang araw, nang dumating muli ang oras para makipagbahaginan kay Li Hao, Sinabi sa akin ni Zhao Fei na si Li Hao at ang kanyang asawa ay kapwa labis na may sakit at kinabitan sila ng mga suwero, at nalaman ng asawa ni Li Hao na nagpapalaganap kami ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at pinagbawalan niya si Li Hao na tanggapin ito. Lumabas rin sa publiko ang asawa ni Li Hao at sinabi niya sa ilang kapitbahay na kami ang nagkalat ng COVID sa kanila. Nang marinig ko iyon, naisip ko na, “Paano niya nasabi ito? Wala akong COVID, paano ko kaya ito naikalat sa kanila? Malubha ang sakit ni Li Hao ngunit hindi naman niya ako nahawaan at ngayon ito pa ang sinasabi ng asawa niya. Anong hayagang kasinungalingan ito, isang akusasyon na walang basehan!” Naisip ko rin na, “Ngayong sinabi ng asawa ni Li Hao na ako ang nagkalat ng COVID sa kanila, magpapatawag kaya ng mga pulis ang mga taganayon at ipapaaresto ako kapag ako ay kanilang nakita? Minsan na akong naaresto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, magiging maluwag kaya sa akin ang CCP kapag naaresto akong muli?” Dahil sa lahat ng iyon, nawalan ako ng lakas ng loob na magpalaganap ng ebanghelyo kay Li Hao at sinabi ko kay Zhao Fei na susubaybayan ko ang sitwasyon at pupunta ako kapag puwede na. Gayunpaman, pagkatapos noon, nakonsensiya ako, naisip ko na, “Hindi pa gaanong nababasa ni Li Hao ang mga salita ng Diyos. Ano ang mangyayari kung mailihis siya at mapaniwala sa mga tsismis? Dahil hindi pa siya magaling, kailangan niya ng pakikipagbahaginan, suporta at higit kailanman, kailangan niyang kumain at uminon ng mga salita ng Diyos. Hindi tama na hindi ako pumunta, pero paano ko ito gagawin?” Kalaunan, natagpuan ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Habang ipinalalaganap ang ebanghelyo, madalas na kahaharapin ng isang tao ang gayong mga pangungutya, panlilibak, panunuya, at paninirang-puri, o nalalagay pa nga siya sa mga mapanganib na sitwasyon. Ang ilang kapatid, halimbawa, ay tinutuligsa o dinudukot ng masasamang tao, at ang iba ay isinusumbong sa mga pulis, na siya namang ipinapasa sa pamahalaan. Ang ilan ay maaaring arestuhin at ikulong, samantalang ang iba naman ay maaari pa ngang bugbugin hanggang sa mamatay. Nangyayari ang lahat ng bagay na ito. Ngunit ngayong alam na natin ang mga bagay na ito, dapat ba nating baguhin ang ating saloobin tungkol sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi.) Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng lahat. Anumang oras, anuman ang ating marinig, o makita, o anumang klase ang pagtrato sa atin, kailangang palagi nating panindigan ang responsabilidad na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Anuman ang sitwasyon, hindi natin dapat isuko ang tungkuling ito dahil sa pagiging negatibo o sa kahinaan. Ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo ay hindi mapayapang paglalayag, kundi puno ng panganib. Kapag nagpalaganap ka ng ebanghelyo, hindi ka haharap sa mga anghel, o mga taga-ibang planeta, o mga robot. Haharap ka lamang sa masama at tiwaling sangkatauhan, sa buhay na mga demonyo, sa mga halimaw—lahat sila ay mga taong nabubuhay sa masamang lugar na ito, sa masamang mundong ito, sila ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at lumalaban sa Diyos. Samakatwid, sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, tiyak na naroon ang lahat ng uri ng panganib, maliban pa sa walang-katuturang paninirang-puri, panunuya, at mga di-pagkakaunawaan, na madalas nang mangyari. Kung talagang itinuturing mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo na isang responsabilidad, isang obligasyon, at bilang tungkulin mo, magagawa mong ituring nang tama ang mga bagay na ito at mapamahalaan pa nang tama ang mga ito. Hindi mo susukuan ang iyong responsabilidad at ang iyong obligasyon, ni hindi ka lilihis mula sa iyong orihinal na layunin na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos dahil sa mga bagay na ito, at hinding-hindi mo isasantabi ang responsabilidad na ito, sapagkat ito ang tungkulin mo. Paano dapat unawain ang tungkuling ito? Ito ang halaga at pangunahing obligasyon ng buhay ng tao. Ang pagpapalaganap ng mabuting balita ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos ay ang halaga ng buhay ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na palaging inuusig ang tunay na daan. Palaging may mga panganib at paghihirap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nang ipalaganap ng mga disipulo ng Panginoong Jesus ang Kanyang ebanghelyo, ang ilan ay binato hanggang mamatay, at ang ilan ay pinagpira-piraso gamit ang lagari, ang ilan ay pinakaladkad sa kabayo hanggang magkaputol-putol habang ang iba naman ay ipinako sa krus. Lahat sila ay nakaranas ng iba’t ibang uri ng malagim na kamatayan, pero nagpatotoo sila sa Diyos at ipinahiya nila si Satanas. Sa mga huling araw, muling nagkatawang tao ang Diyos at pumarito sa gitna ng mga tao para iligtas ang sangkatauhan, ipinahayag Niya ang katotohanan upang hatulan at dalisayin ang mga tao. Hindi nakuntento si Satanas na makita ang lahat ng sumusunod sa Diyos at naliligtas, kaya nagsikap itong hadlangan at guluhin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang ang gobyerno, kundi pati na rin ang buong mundo ng relihiyon ay nagsumikap na labanan ang gawain ng Diyos, at gumawa sila ng iba’t ibang uri ng tsismis para siraan at kondenahin ang Diyos. Higit pa rito, ang mga pamilya at kapitbahay namin, na nailihis ng mga maladiyablong salita ng rehimen ni Satanas, ay itinanggi at nilabanan ang Diyos, pinagtawanan at siniraan nila kami, at isinumbong pa kami at ipinaaresto ng ilan sa kanila. Lahat ng ito ay isang malaking hadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Tingnan mo na lang ang asawa ni Li Hao, nakarinig siya ng mga tsismis na ipinakalat ng CCP at hindi niya kami pinayagang ipalaganap ang ebanghelyo kay Li Hao. Nangangambang baka masumbong at maaresto ako, hindi ko na sinubukang ipalaganap ang ebanghelyo kay Li Hao. Nakita ko na naduwag ako sa harap ng kahirapan at hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Ang inalala ko lang ay ang pagprotekta sa sarili ko, hindi ako nagpakita ng responsabilidad para sa buhay ni Li Hao at hindi ko inako nang seryoso ang tungkulin ko. Hindi ba’t nawalan ako ng silbi bilang isang nilikha? Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay obligasyon at misyon ko. Pinakamakabuluhang hangarin ang mabuhay para magpatotoo sa Lumikha. Gaano man ito kahirap, hindi ko maaaring talikuran ang tungkulin ko. Kailangan kong sumandig sa Diyos para makahanap ng paraan na mabasa ni Li Hao ang mga salita ng Diyos. Nagdasal ako sa Diyos, hiniling na gabayan Niya ako at bigyan ng talino at karunungan, para magampanan ko nang maayos ang tungkulin ko. Pagkatapos magdasal, napagtanto ko na habang hindi pa ako maaaring pumunta sa bahay ni Li Hao, maaari kong isulat ang mga salita ng Diyos at ipasuyo sa iba na iabot ang mga iyon sa kanya.

Makalipas ang ilang sandali, sinabi ko na nais kong bisitahin si Li Hao, pero sa pagkataranta ay sinabi sa akin ni Zhao Fei, “Talagang malala ang COVID ngayon, apat na tao mula sa pamilya ni Li Hao ang sunod-sunod na namatay at pati ang kanyang ina ay pumanaw rin. Ayaw niyang makipagkita sa kahit sinuman ngayon.” Hindi ko alam ang gagawin noong oras na iyon. Hindi lang ang asawa ni Li Hao ang may ayaw na pumunta ako sa kanilang bahay, maging si Li Hao mismo ay ayaw akong makita. Ano ba ang dapat kong gawin? Dagdag pa rito, dahil malubha ang COVID, natakot akong masumbong ng mga taganayon, kaya isinuko ko na ang ideya ng pagpunta. Makalipas ang ilang araw, nakakita ako ng isang artikulo ng patotoo sa karanasan na pinamagatang “Ang mga Araw ng Pangangaral Ko sa Unang Hanay” na nagkaroon ng malalim na epekto sa akin. Hindi nagtagal matapos tanggapin ng brother, ang may-akda ng artikulo, ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, inilagay niya sa panganib ang buhay niya para makapagpalaganap ng ebanghelyo sa unang hanay ng digmaan sa isang nayon. Sa kabila ng pagpapakita ng ilang kahinaan kapag nahaharap sa panganib, sumandig ang brother sa Diyos para ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng karanasang iyon, nagpatotoo siya sa proteksyon ng Diyos at sa Kanyang mga gawa sa pagpapabalik ng maraming tao sa harap ng Diyos. Nakaramdam ako ng pagkahiya nang ikumpara ko ang karanasan ko sa karanasan ng brother. Sa kabila ng ilang taon kong pananampalataya sa Diyos at sa pagkain at pag-inom ko ng napakaraming salita ng Diyos, hindi ko pa rin natupad ang tungkulin ko na magpalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos kong marinig na hindi maganda ang sinabi ng asawa ni Li Hao at na pinagbawalan niya akong pumunta sa kanilang bahay, at pagkatapos kong malaman na ayaw rin akong makita ni Li Hao, ayaw ko nang ipalaganap ang ebanghelyo sa kanya. Nakita ko na napakahina ng pananalig ko.

Natagpuan ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Paano ba dapat pakitunguhan ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan? Hangga’t umaayon siya sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, may obligasyon tayong ipangaral ito sa kanya; at kahit pa ang kasalukuyan niyang saloobin ay hindi mabuti at hindi tumatanggap, dapat tayong maging matiyaga. Gaano katagal at hanggang saan tayo dapat magtiyaga? Hanggang sa tanggihan ka niya at hindi ka niya papasukin sa bahay niya, at kahit anong pakikipag-usap ay hindi umuubra, ni ang tawagan siya, o ang ipaimbita siya sa ibang tao, at hindi ka niya pinapansin. Kung magkaganito ay wala nang paraan para ipalaganap pa ang ebanghelyo sa kanya. Natupad mo na ang iyong responsabilidad sa kanya kung magkagayon. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Gayumpaman, hangga’t may kaunting pag-asa, dapat isipin mo ang lahat ng paraan at gawin ang lahat ng makakaya mo para basahin ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos sa kanya. Halimbawa, sabihin nang dalawa o tatlong taon mo nang nakakaugnayan ang isang tao. Maraming beses mo nang sinubukan na ipalaganap ang ebanghelyo at patotohanan ang Diyos sa kanya, pero wala siyang intensiyong tanggapin ito. Pero medyo maganda ang pagkaunawa niya, at talagang isa siyang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ano ang dapat mong gawin? Una sa lahat, hinding-hindi mo siya dapat sukuan, sa halip, panatilihin mo ang normal na pakikipag-ugnayan sa kanya, at patuloy siyang basahan ng mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos. Huwag mo siyang sukuan; maging matiyaga ka hanggang sa huli. Balang araw, magigising siya at mararamdamang panahon na para siyasatin niya ang tunay na daan. Kaya ang pagtitiyaga at pagpupursigi ay isang napakahalagang aspekto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. At bakit dapat gawin ito? Dahil ito ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil nakikipag-ugnayan ka sa kanya, may obligasyon at responsabilidad kang ipangaral ang ebanghelyo ng Diyos sa kanya. Maraming proseso mula nang una niyang marinig ang mga salita ng Diyos at ang ebanghelyo hanggang sa oras na magbago na siya, at matagal ito. Ang yugtong ito ay nangangailangan na ikaw ay maging matiyaga at maghintay, hanggang sa araw na iyon na magbago na siya at madala mo siya sa harap ng Diyos, pabalik sa sambahayan ng Diyos. Ito ang obligasyon mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na basta’t ang isang tao ay tumutugon sa mga prinsipyo sa pagtanggap ng ebanghelyo at kayang umunawa ng katotohanan, anuman ang mga paghihirap na kanyang harapin, o anuman ang saloobin niya sa atin, hindi natin siya dapat talikuran nang basta-basta. Kailangan nating gawin ang lahat ng ating makakaya para maipalaganap ang ebanghelyo sa kanya nang may pagmamahal. Ito ang layunin ng Diyos at ito ang ating responsabilidad. Tunay na nananampalataya sa Diyos si Li Hao, nauunawaan niya ang katotohanan at mayroon siyang mabuting pagkatao, lahat ng ito ay nagpakalipikado sa kanya bilang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Dahil lamang sa paghadlang ng asawa niya, mga kamatayan sa pamilya niya at mga tsismis na ipinakalat ng CCP, kaya siya naging mahina sa kanyang puso. Kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko para makipagbahaginan at masuportahan siya. Pero ayaw kong ipalaganap ang ebanghelyo sa kanya sa takot na isumbong ako ng asawa niya. Nasaan ang pagpapahalaga ko sa responsabilidad? Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Napakasimple nito ngayon: Tumingin ka sa Akin gamit ang iyong puso at kaagad na magiging malakas ang iyong espiritu. Magkakaroon ka ng landas sa pagsasagawa, at gagabayan Ko ang bawat hakbang mo. Mabubunyag sa iyo ang Aking salita sa lahat ng sandali at sa lahat ng dako. Saanman o kailanman, o gaano man kasama ang kapaligiran, bibigyan Kita ng malinaw na pagtingin, at mabubunyag sa iyo ang Aking puso kung titingin ka sa Akin gamit ang iyong puso; sa ganitong paraan ay tatakbo ka sa iyong patutunguhan at hindi kailanman maliligaw(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Kailangan kong magdasal at sumandig sa Diyos sa tungkulin ko. May malubhang sakit si Li Hao, pero hindi pa rin naman ako nahawa ng COVID mula sa kanya. At tungkol naman sa kanyang asawa, hindi ba’t nasa kamay rin ng Diyos ang mga saloobin niya? Wala siyang anumang magagawa sa akin nang walang pahintulot ng Diyos. Kailangan kong sumandig sa Diyos para maipalaganap ko ang ebanghelyo kay Li Hao at matupad ang responsabilidad ko. Nang mapagtanto ko ito, bumalik sa akin ang pananalig at lakas para gampanan ang tungkulin ko.

Sa aking pagkabigla, hindi nagsalita ang asawa ni Li Hao nang makita niya kami, at masaya kaming tinanggap ni Li Hao. Dahil dito, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang puso’t espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Sinasabi rin sa Bibliya na: “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis ng tubig: ikinikiling Niya ito saanman Niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Wala nang mas tama pa rito! Nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay, at ang lahat, buhay man o patay, ay nasa Kanyang mga kamay. Noong handa na akong makipagtulungan, nabago ang buong sitwasyon. Napakasaya ko at tinanong ko siya, “Binasa mo ba ang mga salita ng Diyos na kinopya ko para sa iyo?” Sumagot siya, sinabi niya na, “Oo, binasa ko. Akala ko talaga hindi na ako makakabangon. Pero binasa ko ang mga salita ng Diyos: ‘Ang salita ng Diyos ay mabisang gamot!’ ‘Ang Makapangyarihang Diyos ay isang manggagamot na makapangyarihan sa lahat!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Ito ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. Iniligtas ako ng mga salita ng Diyos.” Sa pagpupulong na iyon, tinalakay ko ang tungkol sa espirituwal na laban sa konteksto ng mga tsismis na ipinakalat ng malaking pulang dragon at ng mundo ng relihiyon. Sinusundan ng panggugulo at pag-uusig ni Satanas ang gawain ng Diyos saanman ito magtungo. Nang isagawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, ipinakalat rin ng mga tao ang mga tsismis tungkol sa Kanya, kinondena Siya at ipinako pa nga Siya sa krus. Mas malala pa ang pag-uusig na ipinataw sa Diyos habang gumagawa siya sa mga huling araw. Isinasakatuparan nito ang propesiya ng Panginoong Jesus: “Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:25). Sa pagbabalik Niya sa mga huling araw para ipahayag ang Kanyang mga salita at isagawa ang gawain ng paghatol, patuloy na inuusig ang Panginoon ng mundo ng relihiyon at ng satanikong gobyerno ng CCP, pero naipamalas ang karunungan ng Diyos batay sa mga pakana ni Satanas, at ginagamit Niya ang pag-uusig ni Satanas upang maglingkod sa Kanyang gawain. Ibinunyag Niya ang mga huwad na mananampalataya mula sa mga tunay na mananampalataya, at ibinunyag din Niya ang mga duwag at iyong mga nais lamang na makinabang hangga’t nais nila. Ang mga may tunay na pananalig na talagang nagmamahal sa katotohanan ay malapit na nakasunod sa Makapangyarihang Diyos, kumakain at umiinom sila ng Kanyang mga salita at naghahangad ng katotohanan, hindi nila kailanman tatalikuran ang tunay na daan, anuman ang paghihirap at pag-uusig na kanilang harapin, at sa pamamagitan ng pagdanas ng paghatol, pagkastigo, pagsubok at mga pagpipino ng mga salita ng Diyos, tuluyan nilang naiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon nila at sila ay napeperpekto at nakakamit ng Diyos. Inilalarawan sila sa Aklat ng Pahayag bilang: “Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Kordero(Pahayag 7:14). Ang mga duwag, takot at huwad na mananampalataya ay isiniwalat at ibinunyag. Kung walang pag-uusig at paghihirap, imposibleng mahiwalay ang mga tunay na mananampalataya mula sa mga huwad. Sinabi ni Li Hao na, “Tunay na matalino ang Diyos! Hindi ko naisip na noong bumalik ang Panginoon para isagawa ang Kanyang gawain, paghihiwalayin Niya ang bawat isa ayon sa kanilang uri sa ganitong paraan.”

Pagkatapos, magkasama kaming nagbasa ng ilang sipi na may kaugnayan sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ito ang isa sa mga sipi: “Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naghandog pa ako ng pakikipagbahaginan, “Sa mga huling araw, ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang maraming katotohanan para isagawa ang gawain ng paghatol. Malinaw Niyang ipinaliwanag ang misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang kwento sa likod ng tatlong yugto ng gawain, ang misteryo ng pagkakatawang lupa, ang kahulugan ng karangalan ng Diyos, at iba pa. Malinaw rin Niyang ipinaliwanag kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kung paano iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan, at kung paano dapat maghangad ang tao para makalaya sa tanikala ng kasalanan, maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Inilantad din ng Makapangyarihang Diyos ang ugat ng pagiging makasalanan ng tao, ang mga aspeto ng kalikasan ng tao na lumalaban sa Diyos, ang mga tiwaling disposisyon ng tao, at ang lahat ng mga satanikong lason. Kung hindi dumating ang Diyos para ipahayag ang katotohanan, hindi natin kailanman malalaman ang ugat ng katiwalian natin. Hindi tayo kailanman madadalisay kahit na habang buhay pa nating isagawa ang pananalig sa mundo ng relihiyon. Ang gawain ng paghatol ay ang huling yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos, ang huling gawain sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kaya ang pagtanggap sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang tanging paraan para makamit ng sangkatauhan ang pagdadalisay at pagliligtas at para makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan na ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw at nilabanan pa at kinondena ang gawain ng Diyos, kabilang na ang mga nananampalataya sa Panginoon sa loob ng maraming taon pero nabubuhay pa rin sa kasalanan, at mayroong tiwaling disposisyon na hindi pa nalilinis at nababago ay hindi maliligtas at lahat sila ay malilipol sa malalaking sakuna ng mga huling araw. Malapit nang magsara ang anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos at nagaganap na ang lahat ng uri ng mga sakuna. Ang mga hindi sumasalubong sa Panginoon at tumatanggap sa Kanyang paghatol at pagdadalisay sa mga huling araw ay walang pagkakataon na makapasok sa kaharian ng Diyos. Malapit nang magsara ang pintuan ng biyaya. Napakapalad natin na nakaabot tayo sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ito ang biyaya ng Diyos.” Masayang sumagot si Li Hao, “Salamat sa Diyos dahil hindi Niya ako inabandona at kumilos Siya sa pamamagitan mo para ipalaganap ang ebanghelyo ng mga huling araw sa akin para matanggap ko ang Panginoon. Napakapalad ko na nakaabot ako sa gawain ng Diyos. Talagang kailangan kong basahin nang masigasig ang mga salita ng Diyos!”

Habang nagbabahagi ng ebanghelyo kay Li Hao, nakita ko ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, maging ang Kanyang kahanga-hangang proteksyon. Hindi ako tinamaan ng COVID kahit na nakipag-usap ako kay Li Hao nang harapan sa loob ng dalawang oras. Mas ipinakita nito sa akin na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat at binigyan ako nito ng higit pang pananalig sa pagpapalaganap ko ng ebanghelyo!

Sinundan:  24. Natagpuan Ko Ang Tunay Na Kaligayahan

Sumunod:  27. Hindi na ako Naghahangad ng Suwerte

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger