26. Nang Ako Ay Ma-diagnose Na May Kanser
Noong Abril 2023, isinaayos ng iglesia na gawin ko ang aking mga tungkulin sa ibang lugar. Nakaramdam ako ng labis na pagkasabik at mabilis akong nag-empake, hinihintay ang aking pag-alis. Subalit, naalala ko na mayroon akong problema sa gynecological na bahagi ng katawan ko, at dahil maaaring maging mahirap ang paghahanap ng medikal na pangangalaga sa isang hindi pamilyar na lugar, nagpunta ako sa ospital upang masuri ako bago umalis. Pagkatapos kong malaman ang aking mga sintomas, inirekomenda ng doktor ang uterine curettage para sa isang biopsy, nagpahayag siya ng pag-aalala na ang anumang pagkaantala ay maaaring magdulot ng paglala ng sakit at tuluyan itong maging kanser. Habang naghihintay ng mga resulta, hindi ako mapakali, hindi ko alam kung ano ang mabubunyag sa pagsusuri. Makalipas ang ilang araw, bumalik ang mga resulta, nakasaad sa ulat ang “Suspected endometrial cancer.” Natigilan ako. Matapos kong pakalmahin ang sarili ko, nagtanong ako, “Sinasabi nitong ‘suspected cancer,’ ibig bang sabihin ay maaaring hindi ito kanser?” Sumagot ang doktor, “Bihirang magsabi ang mga doktor nang diretso na ito ay kanser; nag-iiwan sila ng espasyo para sa interpretasyon. Kinakailangan pa ng karagdagang mga pagsusuri upang matukoy ang uri nito, at pagkatapos, ang gamutan ay magiging base sa partikular na kondisyon.” Pagkatapos kong marinig ito, nablanko ang isip ko, at hindi ko na naintindihan ang iba pang sinabi ng doktor. Nahaharap sa biglaan at hindi inaasahang sakit, natagpuan ko ang aking sariling ganap na hindi handa. Naisip ko, “Paano ito naging kanser? Paano ako nagkaroon ng kanser?” Bagamat hindi ako nagpahayag ng anumang hinanakit sa Diyos, sa loob-loob ko ay hindi ako handang tanggapin ang realidad na ito. Nagtaka ako, “Ang kanser ba na ito ang pamamaraan ng Diyos upang ibunyag at itiwalag ako, o ito ba ay pagpipino? Ano ang layunin ng Diyos?”
Nang makauwi ako, nakaramdam ako ng kahungkagan sa loob, at napuno ang isip ko ng mga pag-aalala na ilang araw na lamang ang nalalabi sa aking buhay. Nang lumabas ako kasama ang isang sister upang gawin ang aking mga tungkulin sa hapong iyon, wala akong gana, at nakaramdam ako ng kalituhan at kawalan ng motibasyon. Sa daan pauwi, tumingin ako sa asul na kalangitan at naisip ko, “Napakaganda nito! Ilang araw na lang ba ang nalalabi sa buhay ko? Gaano katagal ko pang mapagmamasdan ang magandang kalangitan na ito? Kapag namatay ako, hindi ko na masasaksihan ang walang kapantay na kadakilaan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.” Pagkatapos noon, naghanap ako ng impormasyon tungkol sa uterine cancer sa aking telepono. Nakita ko online na ang ilang tao na nagkaroon ng endometrial cancer sa kanilang ikalimampung taon ay maaari pang magamot, habang ang iba naman ay hindi na. Nakasaad dito na ang mga pasyenteng nasa huling yugto na ng sakit ay nabubuhay lamang ng tatlo hanggang limang taon, at sa mga malulubhang kaso, maaaring mabuhay lamang sila ng isang taon. Habang patuloy akong nagbabasa, mas lalo akong natatakot, iniisip kung anong yugto na ng kanser ang mayroon ako at kung gaano na lang katagal akong mabubuhay. Noong gabing iyon, habang nakahiga sa kama, sari-sari ang mga kaisipan ko, iniisip ko na, “Sana ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na ako ay maliligtas at hindi ko na kailangang harapin ang kamatayan, ngunit hindi ba’t mamamatay na ako ngayon na mayroon akong kanser? Balewala ba ang lahat ng mga taong ito ng pananampalataya ko? Mabuti pang hindi na lang ako nanampalataya sa Diyos!” Nang maisip ko ang mga ito, napagtanto ko na hindi ito tama, at ang mga ito ay pagkakanulo sa Diyos. Inisip ko kung paanong pati ang mga hindi nananampalataya sa Diyos ay nagkakasakit, at bilang isang nananampalataya sa Diyos, kailangan ko ring harapin ang karamdaman. Mayroon bang tao sa mundong ito na hindi nagkakasakit? Bukod dito, bilang isang tiwaling tao, hindi ba’t normal lang na magkasakit ako? Dahil ako ay may sakit, kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ngunit ang pag-iisip ng kamatayan ay nagdulot sa akin ng kalungkutan. “O Diyos, ayaw kong mamatay. Tinalikuran ko ang aking pamilya at propesyon at ginampanan ko ang aking tungkulin sa nakalipas na mga taon, subalit ngayon nagkaroon ako ng kanser. Ang ibig bang sabihin nito ay tinatalikuran at tinitiwalag mo na ako?” Namumuhay sa pagdurusa at pag-aalala, tumulo ang luha sa aking mukha. Sa puso ko sinabi ko sa Diyos, “O Diyos, ano ang dapat kong gawin?” Sa sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Paano mo dapat danasin ang karamdaman kapag dumarating ito? Dapat kang lumapit sa Diyos at manalangin, hanapin at arukin ang layunin ng Diyos…. Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). Ang mga salita ng Diyos ay nagpaalala sa akin na hindi nagkakasakit nang malubha ang mga tao nang walang dahilan; palaging may layunin ang Diyos sa mga bagay na ito. Kaya, nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, “O Diyos, alam ko na may layunin Ka sa pagkakaroon ko ng kanser, at may mga aral akong dapat matutunan mula rito, ngunit hindi ko nauunawaan kung ano ang Iyong layunin. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.”
Pagkatapos, ang aking mga kapatid ay nagpadala sa akin ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, nang sa gayon ay malaman ang katotohanan ng usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang magpasakop at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong kalalabasan. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin. Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang layunin ng Diyos sa pagdadala ng karamdaman sa akin ay hindi upang mamuhay ako sa pagdurusa at pagkabalisa, ni hindi upang maintindihan ko ang bawat detalye ng karamdaman ko sa pamamagitan ng karanasan na ito. Sa halip, ito ay upang matuto ako ng mga aral sa pamamagitan ng karamdamang ito, upang malaman ko ang mga karumihan sa aking pananampalataya at ang aking maluhong mga pagnanais patungkol sa Diyos. Nais ng Diyos na gamitin ang karamdamang ito upang dalisayin, baguhin, at iligtas ako. Ngunit hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos. Noong nalaman ko na may kanser ako, namuhay ako sa pagdurusa at pagkabalisa, palaging nag-aalala na ang karamdaman ko ay walang lunas, at natatakot na kung ako ay mamatay, hindi ko na muling mababasa ang mga salita ng Diyos o magagampanan ang aking mga tungkulin, at kung gayon ay maaaring hindi ko na makamit ang kaligtasan. Sinubukan ko pa nga na mangatwiran sa Diyos, iniisip ko na tinalikuran ko ang aking pamilya at propesyon upang magampanan ang aking tungkulin sa pananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, at hindi ko ipinagkanulo ang Diyos nang ako ay humarap sa pag-uusig mula sa aking pamilya, hindi dapat hinayaan ng Diyos na magkaroon ako ng kanser. Namuhay akong takot sa kamatayan, wala akong pananampalataya sa Diyos at wala akong motibasyon sa aking mga tungkulin. Sa pagbubunyag ng mga katunayan, nakita ko na wala akong konsensiya, katwiran at pagkatao, at na wala talaga sa puso ko ang Diyos. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, kaya ko nang harapin nang tama ang karamdaman ko.
Makalipas ang dalawang araw, tumawag ang doktor upang sabihin na nakuha na niya ang mga resulta ng aking pagsusuri, at ito nga ay unang yugto ng kanser. Sinabi niya na maswerte ako dahil natuklasan namin ito nang maaga at inutusan niya akong pumunta sa ospital para sa operasyon sa lalong madaling panahon. Noong gabi bago ang operasyon, nakahiga ako sa kama, paikot-ikot, hindi makatulog, at nakaramdam ako ng kaunting kaba at takot. Hindi ko alam kung magtatagumpay o magiging maayos ba ang operasyon, o kung mamamatay na ba ako habang inooperahan. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, may operasyon ako bukas. Kung magtatagumpay man ito o hindi, o kung mamamatay man ako habang inooperahan, ipinagkakatiwala ko ang lahat sa Iyong mga kamay at magpapasakop ako sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.” Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ikaw man ay maharap sa malala o simpleng karamdaman, sa sandaling ang iyong sakit ay maging malubha o ikaw ay maharap sa kamatayan, tandaan mo lamang ang isang bagay: Huwag mong katakutan ang kamatayan. Kahit pa ikaw ay nasa mga huling yugto na ng kanser, kahit pa napakalaki ng posibilidad na mamatay sa iyong partikular na karamdaman, huwag mong katakutan ang kamatayan. Gaano man katindi ang iyong pagdurusa, kung ikaw ay natatakot sa kamatayan, hindi ka magpapasakop. May mga taong nagsasabi, ‘Nang marinig kong sinabi Mo ito, nakadama ako ng inspirasyon at may mas magandang ideya pa ako. Bukod sa hindi ako matatakot sa kamatayan, magmamakaawa pa akong makamit iyon. Hindi ba’t mas magiging madali kapag ganoon?’ Bakit ka magmamakaawang mamatay? Ang pagmamakaawang mamatay ay isang sukdulang ideya, samantalang ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang makatwirang saloobin na dapat taglayin. Tama ba iyon? (Tama.) Ano ang tamang saloobin na dapat mong taglayin upang hindi mo katakutan ang kamatayan? Kung ang iyong karamdaman ay lumala nang husto na maaari mo na itong ikamatay, at malaki ang posibilidad na mamatay rito anuman ang edad ng tao na tinamaan ng sakit, at ang panahon mula sa pagkakasakit ng tao hanggang sa mamatay siya ay labis na maikli, ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? ‘Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, ang lahat naman ay namamatay sa huli. Gayumpaman, ang magpasakop sa Diyos ay isang bagay na hindi magawa ng karamihan sa mga tao, at magagamit ko ang karamdamang ito upang maisagawa ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat akong magkaroon ng kaisipan at saloobing nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ko dapat katakutan ang kamatayan.’ Ang mamatay ay madali, higit na mas madali kaysa mabuhay. Maaaring ikaw ay labis na nasasaktan at hindi mo ito namamalayan, at sa sandaling pumikit ang iyong mga mata, humihinto ang iyong paghinga, lumilisan ang iyong kaluluwa mula sa katawan, at ang iyong buhay ay nagwawakas. Ganito mamatay; ganito ito kasimple. Ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang saloobing dapat taglayin. Bukod dito, hindi mo dapat alalahanin kung lalala ba ang iyong sakit o hindi, o kung mamamatay ka ba kapag hindi ka magagamot, o kung gaano pa katagal bago ka mamatay, o kung anong kirot ang mararanasan mo kapag dumating na ang oras ng kamatayan. Hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito; ito ay mga bagay na hindi mo dapat alalahanin. Ito ay sapagkat darating ang araw na iyon, at darating iyon sa partikular na taon, buwan, at araw. Hindi mo ito mapagtataguan at hindi mo ito matatakasan—ito ang iyong kapalaran. Ang iyong diumano’y kapalaran ay pauna nang itinakda ng Diyos at isinaayos na Niya. Ang haba ng iyong mga taon at ang edad mo at ang oras kung kailan ka mamamatay ay naitakda na ng Diyos, kaya ano ang inaalala mo? Maaari mo itong alalahanin, pero wala itong mababago; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo ito mapipigilang mangyari; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng araw na iyon. Samakatwid, ang iyong pag-aalala ay walang kabuluhan, at ang idinudulot lamang nito ay ang pabigatin pa lalo ang pasanin mo sa iyong karamdaman” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). “Ang usapin ng kamatayan ay may kalikasang katulad ng sa iba pang mga bagay. Hindi ang mga tao ang magdedesisyon para sa kanilang sarili, at lalong hindi ito mababago ng kalooban ng tao. Ang kamatayan ay katulad ng anumang mahalagang pangyayari sa buhay: Ito ay ganap na nasa ilalim ng paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kung ang isang tao ay magmamakaawang mamatay, maaaring hindi siya mamatay; kung magmamakaawa siyang mabuhay, maaaring hindi siya mabuhay. Lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at ito ay binabago at pinagpapasyahan ng awtoridad ng Diyos, ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya nga, kung sakaling ikaw ay magkasakit nang malubha, ng nakamamatay na sakit, hindi tiyak na ikaw ay mamamatay—sino ang nagdedesisyon kung mamamatay ka ba o hindi? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagdedesisyon. At dahil ang Diyos ang nagdedesisyon at hindi kayang pagdesisyonan ng tao ang gayong bagay, ano ang ikinababalisa at ikinababagabag ng mga tao? Parang kung sino ang mga magulang mo, at kung kailan at saan ka ipinapanganak—hindi mo rin mapipili ang mga bagay na ito. Ang pinakamatalinong gawin sa mga bagay na ito ay ang hayaan itong umagos sa natural nitong daloy, ang magpasakop, at huwag pumili, huwag gumugol ng anumang kaisipan o lakas sa bagay na ito, at huwag mabagabag, mabalisa, o mag-alala tungkol dito. Dahil hindi kayang pumili ng mga tao para sa kanilang sarili, ang paggugol ng maraming lakas at kaisipan sa bagay na ito ay kahangalan at kawalan ng karunungan. Ang dapat gawin ng mga tao kapag nahaharap sa napakahalagang usapin ng kamatayan ay ang hindi mabagabag, o maligalig, o mangamba dahil dito, kundi ano? Ang mga tao ay dapat maghintay, tama ba? (Oo.) Tama? Ang paghihintay ba ay nangangahulugan ng paghihintay sa kamatayan? Paghihintay na mamatay habang nahaharap sa kamatayan? Tama ba iyon? (Hindi, dapat positibo itong harapin ng mga tao at sila ay magpasakop.) Tama, hindi ito nangangahulugan ng paghihintay sa kamatayan. Huwag kang matakot sa kamatayan, at huwag mong gamitin ang iyong buong lakas sa pag-iisip ng kamatayan. Huwag mong isipin buong araw, ‘Mamamatay ba ako? Kailan ako mamamatay? Ano ang gagawin ko pagkatapos kong mamatay?’ Huwag mo na itong isipin pa. May ilang nagsasabi, ‘Bakit hindi ko ito pag-iisipan? Bakit hindi ko ito pag-iisipan kapag malapit na akong mamatay?’ Dahil hindi alam kung mamamatay ka ba o hindi, at hindi alam kung pahihintulutan ka ba ng Diyos na mamatay—ang mga bagay na ito ay hindi batid. Partikular na hindi batid kung kailan ka mamamatay, saan ka mamamatay, anong oras ka mamamatay, o kung ano ang mararamdaman ng iyong katawan kapag ikaw ay namatay. Sa pagpiga sa iyong utak sa pag-iisip at pagninilay-nilay tungkol sa mga bagay na hindi mo alam at pagkabalisa at pag-aalala tungkol sa mga ito, hindi ba’t nagiging hangal ka? Dahil nagiging hangal ka, hindi mo dapat pigain ang iyong utak tungkol sa mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay naitakda na ng Diyos. Kahit na magkaroon ng kanser ang isang tao, hindi siya mamamatay kung hindi pa niya panahon. At kapag dumating na ang takdang oras ng isang tao, mamamatay siya kahit na wala siyang karamdaman. Walang sinuman ang maaaring mamatay o mabuhay nang mas matagal ayon lang sa kanyang kagustuhan; ang lahat ay pinagpasyahan ng Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat at nagsasaayos ng lahat. Sa pagbabalik-tanaw ko sa panahon mula nang nalaman kong ako ay may kanser, Nag-alala ako kung ang sakit ko ba ay magagamot, o kung mamamatay ba ako, at kung mamamatay ba ako habang inooperahan. Namuhay ako bawat araw sa isang tuloy-tuloy na kalagayan ng pagdurusa at pagkabalisa. Kadalasan, palagi kong sinasabi na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat at ang buhay at kamatayan ng isang tao ay nasa Kanyang mga kamay, subalit nang ako ay magkasakit, nabunyag na wala talaga akong pang-unawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, wala akong tunay na pananalig sa Diyos, at lalong walang pagpapasakop. Sa pagkaunawa ko dito, labis akong nahiya. Napagtanto ko na kailangan kong harapin nang positibo ang operasyon. Nasa kamay ng Diyos kung ito man ay magtatagumpay o mabibigo, at kahit na nangangahulugan ito na mamamatay ako sa araw na iyon, magpapasakop ako sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng matinding pananalig at lakas ng loob. Nang ipasok nila ako sa operating room, hindi na ako nakaramdam ng takot. Tumagal ng anim na oras ang operasyon. Nang magising ako at mapagtantong buhay pa ako, labis akong natuwa. Kinabukasan, nang dumaan ang doktor upang tingnan ako, sinabi niya na, “Isang malaking tagumpay ang operasyon. Kung walang lilitaw na mga pambihirang sitwasyon, hindi na kakailanganin pa ng karagdagang gamutan. Magkakaroon tayo ng kasunod na pagsusuri sa loob ng ilang araw, at titingnan natin kung ano ang magiging resulta nito. Kung kailangan ng radiotherapy, gagawin natin ito, ngunit hindi naman malala ang iyong kondisyon.” Nang marinig ko ito, alam ko sa kaibuturan ng aking puso na hindi ito dahil sa kasanayan ng doktor, sa halip ito ay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, lihim akong nagbasa ng mga salita ng Diyos sa aking silid sa ospital at natagpuan ko ang dalawang sipi: “Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananalig. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga intensyon at mga ninanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Tinukoy ng mga salita ng Diyos ang motibo at layon ng aking pananalig sa lahat ng mga taong iyon. Nagdusa ako, nagbayad ng halaga, tinalikuran ang mga bagay, at ginugol ang sarili sa aking mga tungkulin para sa pagpapala, at upang makatiyak ng isang kalalabasan na malaya sa kamatayan. Naalala ko noong nagsimula akong manampalataya sa Diyos. Natutunan ko na maaaring makamit ng mga mananampalataya ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, kaya masigasig kong binasa ang mga salita ng Diyos at ginawa ko ang mga tungkulin ko. Kahit na sinubukan akong usigin at hadlangan ng aking pamilya at hiwalayan ng aking asawa, hindi ko pa rin ipinagkanulo ang Diyos. Masigasig akong nakipagtulungan sa anumang tungkulin na isinaayos ng iglesia para sa akin, at hindi ko kailanman sinubukang takasan ito. Ngunit nang ma-diagnose ako na may kanser at naisip ko kung paanong mamamatay pa rin ako pagkatapos kong talikdan ang mga bagay-bagay at gugulin ang sarili ko nang maraming taon sa pananampalataya sa Diyos. nagsimula akong mangatwiran sa Diyos. Naisip ko na ang kanser ay hindi isang bagay na nararapat mangyari sa akin, at pinagsisihan ko pa ang aking pananalig, walang ibang ibinunyag kundi pagrerebelde at pagkakanulo! Nakita ko na hindi ko tunay na ginugol ang aking sarili para sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa aking pamilya at propesyon upang magampanan ang aking tungkulin, kundi sa halip ay nahikayat ako ng aking napakababang layon na makamit ang mga pagpapala. Nais kong ipagpalit ang mga pagsusumikap at paggugol ko para sa biyaya ng pagpasok sa kaharian, at sinubukan kong makipagtawaran sa Diyos. Ganap na likas at may katwiran para sa isang nilikha na gawin ang isang tungkulin; responsabilidad ito ng tao, at hindi dapat magpumilit humingi ang tao sa Diyos. Subalit, nang dumating ang aking karamdaman, hindi lang ako nangatwiran sa Diyos at nagreklamo tungkol sa kanya, nagpumilit din akong humingi sa Diyos, humihiling na alisin Niya ang karamdaman ko, Nakita ko na wala talaga akong may-takot-sa-Diyos na puso. Naisip ko kung paanong nawala kay Job ang lahat ng kanyang mga alagang hayop at mga anak, at kung paano napuno ng mga sugat ang kanyang katawan. Dumanas siya ng matinding sakit, ngunit bukod sa hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos, hindi rin niya nais na makita ng Diyos ang kanyang paghihirap, at hindi niya nais na magdulot ng kalungkutan sa Diyos. Mas pinili ni Job na isumpa ang kanyang sarili kaysa abandonahin ang Diyos, nagawa pa rin niyang purihin ang pangalan ng Diyos, at sa huli nakapagbigay pa siya ng isang magandang patotoo para sa Diyos. Nakita ko na si Job ay may matapat at mabuting pagkatao, at na siya ay nagpasakop at may takot sa Diyos. Naririyan din si Pedro. Mayroon siyang tunay na kaalaman sa Diyos, nakatanggap ng parehong pagpipino at pagdurusa, hindi siya nagkamali sa pag-unawa o nagreklamo tungkol sa Diyos o nagpumilit humiling ng anuman mula sa Kanya, at nagpasakop siya sa mga pagsasaayos ng Diyos, at sa huli, ipinako siya nang pabaligtad sa krus para sa Diyos. Sa kabaligtaran, ang sarili kong asal ay tunay na nakakahiya. Hindi ako nanampalataya sa Diyos at hindi ko ginampanan ang mga tungkulin ko upang makilala ang Diyos, o upang maghangad ng katotohanan para mabago aking buhay disposisyon, sa halip, ginawa ko ito upang makatanggap ng mga pagpapala at kinalabasan na walang kamatayan. Katulad ako ni Pablo, na naniwalang natapos niya ang kanyang takbuhin, lumaban ng mabuting laban, at na may nakahandang korona ng pagiging matuwid para sa kanya. Nagsikap siya at ginugol ang kanyang sarili upang makipagtawaran sa Diyos, upang ipapalit ito para sa mga gantimpala at isang korona, at sumalungat siya sa disposisyon ng Diyos at nakaranas ng kaparusahan ng Diyos. Ang pananaw ko sa pananampalataya sa Diyos ay katulad ng kay Pablo. Kung hindi ako ibinunyag ng Diyos sa pamamagitan ng karamdamang ito, hindi ko ito kailanman mapagtatanto. Maaaring nagpatuloy pa rin ako sa maling landas na ito, at tuluyan nang naitiwalag ng Diyos. Sa puntong iyon napagtanto ko na, sa katunayan, ang karamdamang ito ay ang pagliligtas ng Diyos sa akin.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Sabihin mo sa Akin, sino sa bilyon-bilyong tao sa mundo ang labis na pinagpala na makarinig ng napakaraming salita ng Diyos, na makaunawa ng napakaraming katotohanan ng buhay, at makaunawa ng napakaraming misteryo? Sino sa kanila ang personal na nakakatanggap ng patnubay ng Diyos, ng panustos ng Diyos, ng Kanyang pag-aalaga at proteksyon? Sino ang lubos na pinagpala? Iilan-ilan lamang. Kaya naman, dahil kayong kakaunti ay nakakapamuhay sa sambahayan ng Diyos ngayon, nakakatanggap ng Kanyang kaligtasan, at nakakatanggap ng Kanyang panustos, nagiging sulit ang lahat kahit pa mamatay kayo ngayon din. Kayo ay labis na pinagpala, hindi ba? (Oo.) Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, hindi dapat matakot nang sobra ang mga tao sa usapin ng kamatayan, at hindi rin sila dapat malimitahan nito. Kahit na hindi mo pa natatamasa ang anuman sa kaluwalhatian at kayamanan ng mundo, natanggap mo naman ang habag ng Lumikha at narinig ang napakaraming salita ng Diyos—hindi ba’t kasiya-siya ito? (Oo.) Ilang taon ka mang mabuhay sa buhay na ito, lahat ito ay sulit at wala kang pagsisisihan, dahil palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin sa gawain ng Diyos, naunawaan mo ang katotohanan, naunawaan mo ang mga misteryo ng buhay, at naunawaan mo ang landas at mga layunin na dapat mong hangarin sa buhay—napakarami mo nang natamo! Namuhay ka nang makabuluhan! Kahit pa hindi mo ito maipaliwanag nang napakalinaw, nakapagsasagawa ka ng ilang katotohanan at nagtataglay ka ng kaunting realidad, at iyon ay nagpapatunay na mayroon ka nang natamong ilang panustos sa buhay at naunawaang ilang katotohanan mula sa gawain ng Diyos. Napakarami mo nang natamo—napakasagana nito—at iyon ay isang napakalaking pagpapala! Sa buong kasaysayan ng tao, walang sinuman sa lahat ng kapanahunan ang nakatamasa ng pagpapalang ito, ngunit natatamasa ninyo ito. Handa na ba kayong mamatay ngayon? Kung may gayong kahandaan, ang inyong saloobin sa kamatayan ay magiging tunay na mapagpasakop, tama ba? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, ako ay napaluha. Sa buktot na panahong ito, sa hanay ng bilyon-bilyong tao, ako ay mapalad na nakapasok sa sambahayan ng Diyos, kung saan ko natanggap ang Kanyang pagdidilig at pagtustos, na nagbigay-daan sa akin upang maunawaan ang maraming mga katotohanan at misteryo. Natutunan ko na nagmula ang tao sa Diyos, at ang buhay ng bawat tao ay bigay ng Diyos. Natutunan ko kung paano dapat sambahin ng isang tao ang Diyos at kung paano dapat mamuhay, kung paano maging isang matapat na tao, kung ano ang mabuti at ano ang masama, at marami pang iba. Ito ang nagbigay sa akin ng layon para sa aking paghahangad at nagdala sa akin sa tamang landas ng buhay. Napakarami kong nakamit sa pagsunod sa Diyos sa maraming taon na iyon; tunay akong pinagpala, kaya kung namatay man ako noon, sulit pa rin ang lahat. Habang iniisip ko ang mga salita ng Diyos, labis akong natuwa kaya ako ay napaluha. Pagkaraan, nagkaroon ulit ako ng isa pang pagsusuri, at sinabi ng doktor na walang senyales na kumalat ang kanser, kaya hindi na kailangan ng radiotherapy. Kailangan ko na lamang magkaroon ng kasunod na pagsusuri tuwing ikatlong buwan, at maaari na akong lumabas at umuwi. Nang marinig ko ang balitang ito, labis akong natuwa kaya patuloy akong nagpasalamat sa Diyos. Pagkaraan, nagkaroon muli ako ng pagsusuri, at nakita sa resulta na lahat ay normal.
Sa pamamagitan ng karanasang ito ng karamdaman, nakamit ko ang ilang kaalaman tungkol sa maling papanaw ko ukol sa kung ano ang hinahangad ko sa aking pananalig, at nakamit ko rin ang kaunting pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi maaaring piliin ng isang tao ang mga bagay na nararanasan niya sa kanyang buhay, ang kanyang kapanganakan, pagtanda, karamdaman, at kamatayan, at lahat ng ito ay itinakda ng Diyos. Mabubuhay man ako o mamamatay sa hinaharap, nais ko lamang magpasakop ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hangarin ang katotohanan at tuparin ang aking mga tungkulin.