3. May Pagkakaiba ba sa Pagitan ng mga Tungkuling Mataas o Mababa?
Isang Liham kay Nuo Yi
Mahal kong Nuo Yi,
Kumusta ka nitong mga nakaraang araw? Sa huling sulat mo, nabanggit mong hindi mo na ginagawa ang tungkulin mo sa pagdidilig, kundi itinalaga ka ng mga lider sa mga pangkalahatang gampanin. Pakiramdam mo ay hindi ka pinahihintulutan ng tungkuling ito na mamukod-tangi o mapahalagahan ng iba, kaya ka lumalaban at ayaw makipagtulungan. Napapaisip ako kung bumuti ba ang kalagayan mo kamakailan. Dati, nakaranas din ako ng gayong kalagayan. Kalaunan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at iwinasto ko rin ang aking mga nakalilinlang na pananaw sa mga tungkulin at sinimulang matiyagang gawin ang mga tungkulin ko. Sa pagkakataong ito, nais kong ibahagi sa iyo sa liham na ito ang karanasan ko, umaasa na makakatulong ito sa iyo.
Noong Oktubre 2021, noong una akong nagsimula bilang lider, gaano man kalalim ang gabi, pagkatapos ng gawain ko araw-araw, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Naisip ko, “Hangga’t mas nauunawaan ko ang katotohanan at kaya kong lutasin ang mga problemang nakakaharap ko, tiyak na tataas ang tingin sa akin ng mga kapatid kapag nakita nilang mayroon akong mga katotohanang realidad.” Makalipas ang kalahating taon, dahil sa mahina kong kakayahan, labis na pagtuon sa pride at katayuan, at madalas akong napipigilan ng aking tiwaling disposisyon, nabigo akong magkamit ng magagandang resulta sa mga tungkulin ko at natanggal ako. Isinaayos ng mga lider na tulungan ko ang mga kapatid sa mga isyu sa kompyuter batay sa mga kasanayan ko. Noong panahong iyon, katulad ng sa iyo ang kalagayang ibinunyag ko. Naisip ko, “Isa itong hindi kapansin-pansin na gampanin, na nangangailangan ng pisikal na pagtatrabaho, at kahit gaano karami ang gawin ko, wala namang makakapansin.” Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na mayroong layunin ang Diyos sa pagtatalaga sa ibang mga tungkulin at dapat akong magpasakop at tanggapin ito. Pero hindi ko pa rin maiwasang isipin, “Ang paggawa sa pangkalahatang mga gampanin ay walang pag-unlad sa hinaharap. Gaano ko man ito kahusay gawin, hindi ko makukuha ang pagpapahalaga ng iba. Mas mabuting maging lider, kung saan mas mataas at prestihiyoso ang posisyon.” Bagama’t ginagawa ko ang tungkulin ko, hindi ko ito kailanman magawa nang may labis na sigasig. Lalo na nang marinig ko na ang baguhang si Sister Zhou Ting ay may mahusay na kakayahan at mabilis na umusad, at na nahalal siya bilang lider, sobrang sumama ang loob ko, “Kahit medyo kulang ang abilidad kong lumutas ng mga problema, hindi hamak na mas magaling ako kaysa sa isang baguhan. Ngayong ginawang lider ang baguhan, bakit nakatalaga pa rin ako sa mga pangkalahatang gampanin? Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin?”
Isang araw, dumating ang mga lider para sa isang pagtitipon, at nasa kabilang silid ako, tumutulong sa mga isyu sa kompyuter. Hindi sinasadyang narinig ko ang mga lider na nagbabahaginan tungkol sa paglilinang ng mga tao, nagsasabing bagama’t ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos sa loob lamang ng ilang taon, mayroon silang mahusay na kakayahan at higit na naghangad sa katotohanan, kaya karapat-dapat silang linangin. Sa isang banda, ang ilang tao ay nagpakita ng kaunting pag-usad sa kabila ng maraming taon na pananampalataya sa Diyos, at mayroon ding mahinang kakayahan, kaya, hindi sila karapat-dapat na linangin. Pagkarinig ko nito, nakaramdam ako ng matinding sakit sa puso ko at naisip ko, “Hindi ba’t ako ang uri ng tao na hindi karapat-dapat na linangin? Mukhang maaari lang akong gumawa ng pangkalahatang gampanin, na walang pagkakataon na mamukod-tangi.” Maya-maya, isinara ng isang lider ang pinto, at mas lalo akong nabagabag, iniisip na, “Dati, noong lider pa ako, nagdaos din ng mga pagtitipon ang mga nakatataas na lider para makipagbahaginan sa amin, at kasama ako sa mga nililinang. Pero ngayon, nandito lang ako para ayusin ang mga isyu sa kompyuter, isang manggagawa lamang na gumagawa ng pisikal na trabaho at mga atupagin.” Naisip ko rin na kilala ako ng lahat ng lider ng iglesia na dumadalo sa pagtitipon, at napaisip ako kung ano na lang ang tingin nila sa akin kung malalaman nila na ginagawa ko ngayon ang tungkuling ito. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nababagabag. Nang oras na para ipaliwanag sa kanila kung paano gamitin ang kasangkapan matapos kong ayusin ang mga isyu sa kompyuter, ayaw ko na talagang pumunta roon. Pakiramdam ko, isa lang akong mababang-uring manggagawa, hindi parehong antas nila. Matagal akong nagpalakad-lakad sa loob ng silid bago atubiling pumunta para makipag-usap sa kanila. Pagbalik ko, mas lalo akong hindi mapalagay, iniisip na gaano man ako kahusay, walang makakaalam, o magpapahalaga sa akin. Ano pa ang silbi ng paglalaan ng maraming oras at pagsisikap? Mas mabuti pang gawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Pagkatapos niyon, hindi ko na isinapuso ang tungkulin ko. Sa tuwing may mga katanungan ang mga kapatid, sumasagot ako nang hindi maingat na isinasaalang-alang ang mga ito, hindi ko rin ibinubuod ang mga problema o paglihis sa gawain ko. Hindi ko rin binigyang-pansin ang pagkatuto ng mga kasanayan at ayaw kong maglaan ng oras at pagsisikap para mag-aral, nagiging kontento na lang na tapusin ang mga hawak na gampanin. Noong panahong iyon, dahil wala akong pasanin sa aking tungkulin, nagsimula akong antukin kahit maaga pa sa gabi. Kalaunan, napagtanto ko na hindi tama ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para makita ang mga isyu ko.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na makipagtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gampaning ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gampaning ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong mamukod-tangi ako sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas sa iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, ito ay isang misyon at responsabilidad na ibinigay ng Diyos. Walang mataas o mababang tungkulin. Kung ikakategorya ng isang tao ang mga tungkulin bilang mataas o mababa at magnanais lang na gawin iyong mga tungkulin na magpapabukod-tangi sa kanila, habang iniiwasan ang ibang mga tungkulin, ito ay isang pagtanggi sa sariling tungkulin at nagpapakita ng kawalan ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nang pagnilayan ko ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hinaharap ko ang mga tungkulin ko batay sa personal na kagustuhan, palaging nagnanais na gawin ang mga mas prominenteng tungkulin. Sa pagbabalik-tanaw noong lider pa ako, upang pahalagahan ng mga nakatataas na lider at makuha ang paghanga ng mga kapatid, nagsikap ako nang husto at ginawa ko ang tungkulin ko nang may labis na sigasig. Pero pagdating sa paggawa ng mga pangkalahatang gampanin, pakiramdam ko ay gumagawa lang ako ng pisikal na trabaho at na hindi mahalaga ang papel ko. Itinuring ko ang ganitong klase ng tungkulin bilang mas mababa ang katayuan, pakiramdam ko ay hindi ako nito binigyan ng pagkakataon na mamukod-tangi, kaya hindi ako ganado sa paggawa ng tungkulin ko. Lalo na nang marinig ko ang sinabi ng lider na ilang matagal nang mananampalataya na may mahihinang kakayahan at mabagal na pag-usad ay walang saysay na linangin, pakiramdam ko ay mas lalong hindi ako karapat-dapat kaysa sa mga baguhan at maaari lang akong mangasiwa ng ilang pangkalahatang gampanin. Talagang nasiraan ako ng loob dahil dito, at nawalan ako ng motibasyon na gawin ang mga tungkulin ko. Hindi ko na isinapuso ang dapat kong gawin, na nagdulot ng kawalan sa mga tungkulin ko. Pagkatapos, naisip ko na ang tungkulin ay isang responsabilidad na ibinigay ng Diyos, at mataas o mababa man ang antas nito, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos at dapat akong magpasakop, at tumupad sa mga responsabilidad na dapat kong pasanin. Pero dahil naramdaman kong napahiya ako at hindi natugunan ang pagnanais ko para sa katayuan, nagsimula akong makaramdam ng paglaban, mangatwiran, maging negatibo, at magpakatamad sa gawain ko. Hindi ako nagsikap na pag-isipang mabuti at lutasin ang mga problema na lumitaw sa tungkulin ko, hindi ko rin pinag-aralan o natutunan ang mga kinakailangang kasanayan. Bilang resulta, hindi ko malutas ang ilang isyu nang mag-isa, na dumagdag lang sa gawain ng mga kapatid na nakatrabaho ko. Masidhi akong tumuon sa reputasyon at katayuan. Ang inalala ko lang ay ang sarili kong banidad, pride, at pansariling mga interes, kahit kapalit pa ng pagkaantala sa gawain ng iglesia. Nakita ko na wala akong pagsunod sa pagtatalaga sa akin ng ibang mga tungkulin, at wala akong anumang konsensiya o katwiran.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga layon, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi nabago ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Ang problema ay nasa kanila, ito ay lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na natutukoy ng kanilang kalikasang diwa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na itinuturing ng mga anticristo bilang buhay nila ang reputasyon at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa nila o kung sino ang kasama nila, ang palagi nilang iniisip ay ang para sa kapakanan ng reputasyon at katayuan. Kung hindi nila makuha ang pagpapahalaga at paghanga ng iba, pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang buhay nila. Sa pagninilay-nilay rito, hindi ba’t katulad ng sa mga anticristo ang mga pananaw ko sa paghahangad? Mula pagkabata, naimpluwensiyahan ako ng mga lason ni Satanas tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa.” Ginawa kong layon sa buhay ko ang paghahangad ng reputasyon at katayuan, gustong makuha ang pagpapahalaga ng iba anuman ang gawin ko. Noong nag-aaral ako, naiinggit ako sa mga may opisyal na posisyon at may katanyagan, naniniwalang pinahahalagahan sila ng mga tao kahit saan sila magpunta. Naisip ko na kung katulad nila ako, magkakaroon ng halaga ang buhay ko, kaya nag-aral akong mabuti, umaasa na magdadala ng magandang trabaho sa hinaharap ang mga pagsisikap ko at na mapapahalagahan ako ng iba. Nang magsimula akong manampalataya sa Diyos, hindi nagbago ang mga pananaw ko sa paghahangad. Noong lider ako, gaano man kaabala ang tungkulin ko, babasahin ko ang mga saita ng Diyos, naglalayong sangkapan ang sarili ko ng maraming katotohanan para lutasin ang mga problema ng mga kapatid, para makuha ang kanilang pagpapahalaga. Sa mga pagtitipon, palagi kong pinagninilayan kung paano makipagbahaginan para hindi ako maliitin ng mga kapatid. Dahil mali ang layunin ko at hindi naging maganda ang kalagayan ko, naapektuhan nito ang pagiging epektibo ng mga pagtitipon. Kapag gumagawa ng mga pangkalahatang gampanin, sinusunod ko pa rin ang dating landas. Dahil natakot ako na maliitin ako, pagkatapos lutasin ang mga problema sa kompyuter para sa mga lider, ni hindi ako naglakas-loob na harapin ang kahit simpleng pakikipag-usap sa kanila, at pakiramdam ko ay masyado akong napipigilan sa loob-loob ko. Pagkatapos, naging napakapasibo ko sa mga tungkulin ko, na nakaapekto rin sa gawain. Nakita ko na sa anumang tungkuling ginagawa ko, ang mga kaisipan at layunin ko ay para lamang sa sarili kong reputasyon at katayuan. Hindi ba’t ito ay pagsunod sa landas ng mga anticristo? Malinaw na wala akong kuwenta; wala akong mga katotohanang realidad, mahina ang kakayahan ko, at medyo malubha ang aking tiwaling disposisyon. Sa halip na nagpapakumbaba at gumagawa ng aking tungkulin, palagi kong inaalala ang sarili kong pride at katayuan. Nang hindi ko makuha ang mga bagay na iyon, naging negatibo at nabagabag ako, at nawalan ako ng motibasyon sa mga tungkulin ko. Talagang napakahigpit ng gapos ng reputasyon at katayuan sa akin, pinangingibabawan ang bawat araw ng buhay ko. Sa lahat ng ginawa ko, ninais ko ang pagpapahalaga at pagsang-ayon ng iba. Lubhang napakahirap na mamuhay sa ganitong paraan! Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko para magawa kong hangarin ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa aking disposisyon sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin ko. Pero nabigo akong gawin ang tungkulin ko nang may prinsipyo at hindi ako nagsikap sa paghahangad sa katotohanan, palaging naghahanap ng reputasyon at katayuan para makuha ang pagpapahalaga ng iba. Noong nawalan ako ng dangal o katayuan, pinagbalingan ko ang tungkulin ko, at kumilos ako nang iresponsable sa paggawa nito. Ito ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos! Ngayon, malinaw kong nakikita na ang bulag na paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay lubhang mapanganib. Sa tuwing nakataya ang aking kasikatan, pakinabang, o katayuan, lumalaban at nagrereklamo ako, nagiging pasibo at negatibo sa tungkulin ko, na humantong sa mga kawalan sa gawain. Kung nagpatuloy akong matigas na naghangad gaya nito, sa huli, itataboy at ititiwalag lang ako ng Diyos. Nuo Yi, alam mo ba? Nang napagtanto ko ang mga bagay na ito, natakot ako, iniisip na, “Hindi ako puwedeng patuloy na maghangad sa maling landas. Kailangan kong lubos na pahalagahan ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos na gawin ang tungkulin ko.”
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na tumulong sa akin na magkaroon ng kaunting pagkaunawa kung paano lumugar nang tama. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung sa tingin mo ay napakahina ng iyong kakayahan, at na wala kang abilidad na makilala ang tama sa mali, at na wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, kung gayon, anuman ang gawin mo, huwag mong paunlakan ang iyong mga ambisyon at mga pagnanais, at huwag mong pagnilayan kung paano magsumikap sa pagiging opisyal sa iglesia—sa pagiging lider ng iglesia—hindi ganoon kadali ang maging lider. Kung hindi ka isang matapat na tao at wala kang pagmamahal sa katotohanan, sa sandaling maging isa kang lider, magiging isa kang anticristo o isang huwad na lider. … Kung may pagpapahalaga ka sa pasanin sa gawain ng iglesia, at nais makilahok doon, mabuti ito; ngunit dapat mong pagnilayan kung nauunawaan mo ba ang katotohanan, kung nagagawa mo bang magbahagi sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, kung nagagawa mo bang tunay na magpasakop sa gawain ng Diyos, at kung nagagawa mo bang isagawa nang maayos ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung nakakatugon ka sa mga pamantayang ito, maaari kang tumakbo upang maging lider o manggagawa. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito ay na kahit paano, dapat magkaroon ng kamalayan sa sarili ang mga tao. Tingnan muna kung kaya mong kilatisin ang mga tao, kung kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at magawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Kung natutugunan mo ang mga hinihinging ito, angkop kang maging lider o manggagawa. Kung wala kang kakayahang suriin ang sarili mo, maaari mong tanungin ang mga tao sa paligid mo na pamilyar sa iyo o malapit sa iyo. Kung sinasabi nilang lahat na hindi sapat ang kakayahan mo para maging isang lider, at na sapat na ang paggawa mo lang nang maayos sa kasalukuyan mong gawain, kung gayon ay dapat mong agad na kilalanin ang iyong sarili. Dahil mahina ang kakayahan mo, huwag gugulin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider—gawin mo lamang ang kaya mo, gawin nang maayos ang iyong tungkulin, nang praktikal, upang magkaroon ka ng kapayapaan ng isipan. Mabuti rin ito. At kung kaya mong maging lider, kung talagang taglay mo ang gayong kakayahan at talento, kung taglay mo ang kakayahan sa gawain, at nakararamdam ka ng pasanin, ikaw tiyak ang uri ng taong may talento na kulang sa sambahayan ng Diyos, at siguradong maitataas ka ng ranggo at malilinang; ngunit may oras ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang hiling na ito—ang hiling na maitaas ang ranggo—ay hindi ambisyon, kundi dapat taglay mo ang kakayahan, at pasado ka sa mga pamantayan, para maging lider. Kung mahina ang iyong kakayahan subalit ginugugol mo pa rin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider, o tumanggap ng ilang mahahalagang gawain, o maging responsable sa pangkalahatang gawain, o gumawa ng isang bagay na nagtutulot sa iyo na maitangi ang iyong sarili, sinasabi Ko sa iyo: Ito ay ambisyon. Maaaring magdala ng sakuna ang ambisyon, kaya dapat kang mag-ingat dito. Lahat ng tao ay may pagnanais na umusad at handang magpunyagi tungo sa katotohanan, na hindi naman problema. Ang ilang tao ay may kakayahan, pumapasa sa pamantayan ng pagiging lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuti ito. Ang iba ay walang kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gawin nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Nuo Yi, hindi ba’t nagkamit ka rin ng ilang bagay mula sa pagbasa ng siping ito ng mga salita ng Diyos? Mula sa siping ito, naunawaan ko na kung ang isang tao ay may kakayahan at abilidad sa gawain, at natutugunan ang mga pamantayan ng pagiging isang lider, tiyak na itataguyod at lilinangin siya ng sambahayan ng Diyos. Pero kung mahina ang kakayahan ng isang tao at hindi niya natutugunan ang mga pamantayan ng pagiging isang lider, kung gayon, kahit na maging lider siya, hindi siya makakagawa ng aktuwal na gawain at hindi maiiwasang magdudulot siya ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Noon pa man ay palagi kong inaakala na ang pagiging isang lider ay magbibigay sa akin ng pagpapahalaga mula sa iba, pero hindi ko kailanman pinagnilayan kung talaga bang natugunan ko ang mga pamantayan ng pagiging isang lider. Sa pagbabalik-tanaw noong panahong lider ako, hindi ko malinaw na nakita o nalutas ang mga problemang lumitaw sa mga tungkulin ng mga kapatid. Kapag maraming gampanin, hindi ko sabay-sabay na napapamahalaan ang mga ito, at hindi ko nagagawa nang maayos ang gawaing pangunahing responsabilidad ko. Higit pa rito, labis kong inaalala ang katayuan ko, hindi ako tumuon sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng tungkulin ko, at palagi kong iniisip kung paano makipagbahaginan sa paraang matatamo ko ang pagpapahalaga ng mga kapatid. Hindi magawa ng puso ko na tunay na tumuon sa tungkulin, at walang naging mga resulta sa paggawa ko nito. Itinalaga ako ng mga nakatataas na lider sa ibang tungkulin ayon sa mga prinsipyo, na makabubuti sa gawain ng iglesia at magsisilbing proteksiyon para sa akin. Ngayon, ang tungkuling ginagawa ko ay nauugnay sa pagkakaroon ng kaalaman sa ilang teknikal na kasanayan, at nagagawa kong kabisaduhin ang mga kasanayang ito at makapagbigay ng kontribusyon sa tungkuling ito. Nababagay sa akin ang tungkuling ito. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Ang ilang tao ay may kakayahan, pumapasa sa pamantayan ng pagiging lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuti ito. Ang iba ay walang kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gawin nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan.” Tunay nga, para sa mga nakakatugon sa mga pamantayan ng pagiging isang lider, ang maitaguyod at malinang ng sambahayan ng Diyos ay isang mabuting bagay, dahil binibigyang-daan sila nito na makatanggap ng higit na pagsasanay, makapasok sa iba’t ibang aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, at magamit ang kanilang praktikal na karanasan para makatulong sa mga kapatid, na isang mabuting bagay para sa gawain ng iglesia. Para sa mga hindi nakakatugon sa mga pamantayan ng pagiging isang lider, dapat nilang matatag na gawin ang mga tungkuling kaya nilang gawin, at maaari din silang pumasok sa ilang katotohanang realidad, sa huli ay magkakaroon ng pagkakataon para maligtas. Nang mapagtanto ko ito, mas naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Nagsaayos ang Diyos ng gayong mga kapaligiran para tulungan akong magkamit ng tumpak na pagkaunawa sa sarili ko. Kailangan kong hanapin ang lulugaran ko at gawin ang tungkulin ko sa praktikal na paraan. Ito ang pinakamahalagang bagay at ito dapat ang katwiran na mayroon ako.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga itinataguyod at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naitataguyod o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hanapin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahanap nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila itinataguyod at nililinang. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pagtataguyod at paggamit ng mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at karakter ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naliligtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi matapat sa kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung tapat sila sa kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya pagdating sa iba’t ibang posisyon, halaga, katayuan o kalagayan ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang mga ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Siyempre, sa panahong ito, ang ilang tao, na hindi kasali, ay itinataguyod at nililinang para gumawa ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o sitwasyon sa pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hanapin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na sa harap ng katotohanan, pantay-pantay ang lahat. Sa sambahayan ng Diyos, sinusuri ang mga tao batay sa kanilang kakayahan, karakter, at paghahangad sa katotohanan para matukoy kung maaari ba silang linangin. Walang pagkakaiba ayon sa ranggo sa pagitan ng mga itinataguyod at nililinang at iyong mga hindi; ang tanging pagkakaiba ay nasa pagkakahati-hati ng gawain ng lahat. Pero inakala ko na ang pagiging lider ay may mas mataas na katayuan, tulad ng isang opisyal, habang ang paggawa ng mga pangkalahatang gampanin ay may mas mababang katayuan, tulad ng isang mababang-uring manggagawa. Sinusukat ko ang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos gamit ang isang makamundong perspektiba, na talagang hindi umaayon sa mga salita ng Diyos. Iwinasto ng mga salita ng Diyos ang mga nakalilinlang kong pananaw. Sa sambahayan ng Diyos, anuman ang tungkulin ng isang tao, pareho lang ang katotohanang itinutustos ng Diyos sa mga tao, at pareho lang din ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa mga tao para makamit ang katotohanan. Hindi tinitingnan ng Diyos kung anong tungkulin ang ginagawa ng isang tao; ang tinitingnan Niya ay kung hinahangad ba ng taong ito ang katotohanan. Kahit mahina ang kakayahan ng isang tao, hangga’t tama ang puso niya, at kaya niyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at magsagawa sa abot ng kanyang nauunawaan, bibigyang-liwanag at papatnubayan pa rin siya ng Diyos. Naisip ko si Sister Hai Lun, ang katuwang ko sa aking tungkulin. Hindi gaanong mahusay ang kakayahan niya, pero mayroon siyang pagpapahalaga sa pasanin para sa kanyang tungkulin. Kaagad niyang natutunan ang anumang kinakailangang kasanayan, at maluwag siyang tumanggap at nagpasakop sa anumang atas para malutas ang mga problema, saan man ito naroroon. Isinapuso ni Hai Lun ang kanyang tungkulin, kaya natanggap niya ang kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, at nagkaroon ng mga epekto ang tungkulin niya. Matuwid ang disposisyon ng Diyos; hindi Siya nagpapakita ng paboritismo. Hangga’t taos-pusong hinahangad ng isang tao ang katotohanan, makakamit niya ito anuman ang tungkuling ginagawa niya. Pagkatapos kong mapagtanto ito, mas nalinawan ako. Naunawaan ko na sa paggawa ng tungkulin ko, dapat akong tumuon sa paghahangad sa katotohanan sa halip na mag-alala para sa katayuan.
Nuo Yi, kaya ko na ngayong magpasakop sa paggawa ng mga pangkalahatang gampanin at natuto na ako ng ilang aral. Noon, naging negatibo ako at nagpakatamad, at wala akong pasanin sa paggawa ng tungkulin ko, hindi nagsisikap na magnilay para lutasin ang mga problema sa gawain. Ngayon, mas maayos na. Nakatuon ako sa pagtukoy sa mga paglihis sa mga tungkulin ko at aktibong gumagawa para lutasin ang mga isyung ito. Noon, hindi ako aktibo sa pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan, hindi naglalaan ng oras at pagsisikap na pag-aralan ang mga mas komplikadong bagay. Ngayon, handa akong matutunan ang mga teknikal na kasanayan na kinakailangan para sa mga tungkulin ko. Bagama’t nahaharap pa rin ako sa ilang suliranin, hindi ko na pinakikitunguhan ang mga ito nang may tiwaling disposisyon gaya ng dati. Sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsandal sa Diyos, marami akong natutunang teknikal na kasanayan. Dati, itinuring kong isang gampanin lang ang pagtulong sa mga kapatid na may mga isyu sa kompyuter. Ngayon, sinasadya kong pagtuunan ang aking buhay pagpasok. Kapag nagbubunyag ako ng mga tiwaling disposisyon sa mga tungkulin ko, kaya kong hanapin ang mga salita ng Diyos para ayusin ang mga problema ko at itama ang mali kong kalagayan. Kapag nakakakita ako ng mga baguhan na nagiging lider, hindi na ako nababagabag. Kaya ko na itong harapin nang mahinahon at nang tama. Napagtanto ko kung gaano kahalaga ang magkaroon ng matapat na puso sa paggawa ng tungkulin. Anuman ang tungkulin ng isang tao, kung mayroon siyang dalisay at mapagpasakop na puso, at ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, makukuha niya ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, at marami siyang makakamit mula sa kanyang mga tungkulin. Nuo Yi, ngayong nakikita mo ito, nagkamit ka ba ng ilang landas ng pagsasagawa para sa sarili mo?
O siya, iyon na ang lahat ng masasabi ko sa ngayon. Sana ay nakatulong sa iyo ang karanasan ko sa pagkakataong ito, at sana ay gabayan ka nito na dagliang malampasan ang iyong negatibong kalagayan, bibigyang-daan kang harapin ang mga tungkulin mo nang may matapat na puso, at hindi sasayangin ang puspusang pagsisikap na inilaan ng Diyos para sa atin. Huwag kang mag-aatubiling sumulat at ibahagi ang anumang mga pananaw o bunga na mayroon ka.
Ang iyong kaibigan,
Yu Xun
Setyembre 19, 2023