31. Pagninilay Tungkol sa Pagpapanggap
Noong Marso 6, 2023, nagpatawag ng pagtitipon ang lider kasama kaming ilang magkakatrabaho. Kadalasan ay inaabangan ko ang ganitong mga pagtitipon, sa pag-iisip na makapagbabahaginan kami ng aming pagkaarok at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, magpapalitan ng mga karanasan, at pag-uusapan ang iba’t ibang problema at paghihirap na aming naranasan sa aming gawain, matututo mula sa lakas ng bawat isa upang mapunan ang aming mga pagkukulang—na talagang mabuti. Pero sa pagkakataong ito, medyo nag-alala ako. Naisip ko kung paano, sa nakaraang dalawang buwan, pinuna ng lider ang ilang problema sa aking gawain: na mabagal ang pagsulong ng gawain ng ebanghelyo, hindi ko agad nalinang ang mga taong nakitaan ng talento, at na ang pagbabahagi ko sa mga pagtitipon ay nagtataas at nagmamalaki ng aking sarili, at na tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Naisip ko, “Paano kung tanungin ako ng lider sa pagtitipon na ito tungkol sa kung paano ko nararanasan ang mga bagay-bagay kamakailan, at kung paano ko iwinasto ang mga paglihis na ito at isinagawa at pinasok ang katotohanan, at kung sakaling wala akong masabi, iisipin kaya niya na hindi ko ginagawa nang maayos ang aking gawain at hindi maganda ang aking buhay pagpasok? Ano ang magiging tingin niya at ng mga katrabaho ko sa akin?” Dahil dito, kinabahan talaga ako, kaya sinimulan kong isipin kung aling mga gampanin ang hindi ko nasubaybayan o hindi ko napangasiwaan. Naisip kong kailangan kong mabilis na magkaroon ng malinaw na pang-unawa bago ang pagtitipon. Bukod dito, noong nakaraan, tinukoy ng lider ang problema ko sa pagtataas at pagmamalaki ng sarili. Kahit na nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos pagkatapos noon, hindi ko pinagtuunan ng pansin ang pagninilay sa sarili at pagpasok. Naisip ko, “Kung hindi ako makakapagbahagi ng tunay na pang-unawa, sasabihin kaya ng lider na kahit nahaharap sa pagpupungos, ay hindi ko pinagtutuunan ng pansin ang pagninilay sa sarili at hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan? Mas mabuti pang balikan ko ang mga sipi ng mga salita ng Diyos na binasa ko noon at pag-isipan ang mga ito, at sikaping makapagbigkas ng malalalim na pananaw. Sa ganitong paraan, makikita ng lider na kahit marami akong problema sa paggawa ng tungkulin ko at nagpapakita ako ng mga tiwaling disposisyon, ay kaya ko pa ring hanapin ang katotohanan at isagawa at pasukin ito, kahit papaano. Sa ganitong paraan, maibabalik ko ang magandang pagtingin ng lider sa akin.”
Sa araw ng pagtitipon, nagsimula ang lider, gaya ng dati, sa pagtatanong tungkol sa aming kalagayan. Naisip ko, “Hayaan ko munang magsalita ang mga katrabaho, para marinig ko ang kanilang mga natamong karanasan at pagkaunawa. Maliliwanagan ako mula sa kanilang pagbabahaginan, at magagamit ko rin ang pagkakataong ito upang higit pang balikan ang sarili kong karanasan at pagkaunawa.” Nang marinig ko kung gaano kapraktikal ang pagbabahaginan ng mga katrabaho ko, nagsimula akong makaramdam ng kaba, iniisip na, “Kung hindi maganda ang pagbabahagi ko, lalo lang bababa ang tingin sa akin ng lider.” Nahirapan akong kumalma dahil dito, at nagsimula akong mag-isip kung paano ko maipapahayag nang mas malinaw at mas malalim ang aking sarili sa panahon ng aking pagbabahagi. Ngunit gaano ko man ito pag-isipan, nananatili pa ring mababaw ang aking pang-unawa gaya ng dati, na nagdulot sa akin na medyo panghinaan ng loob: “Bahala na. Ibabahagi ko na lang kung ano lang ang nauunawaan ko.” Ngunit naisip ko, “Masama na ang tingin ng lider sa akin. Kung maririnig niya kung gaano kababaw ang pang-unawa ko, iisipin kaya niya na hindi ko ginagawa nang maayos ang aking gawain at na wala akong buhay pagpasok, at baka obserbahan pa ako o tanggalin? Kung matatanggal ako, ano ang magiging tingin ng mga kapatid sa akin? Hindi, kailangan kong ipresenta nang mas maayos ang aking sarili.” Nang panahon ko na para magbahagi tungkol sa aking kalagayan at pang-unawa, gusto kong magpresenta ng malalim na pang-unawa, ngunit habang nagpapatuloy ako, mas lalong nagiging nakalilito ang mga binabanggit kong salita. Pagkatapos kong magsalita, sinabi ng lider, “Pagkatapos marinig ang lahat ng ibinahagi mo, hindi ko pa rin matukoy kung ano ba talaga ang iyong kalagayan.” Sinabi rin ng isang katrabaho, “Parang medyo negatibo ka. Kung tunay na mayroon kang pang-unawa at pagpasok, hindi ka dapat maging negatibo.” Sa sandaling iyon, parang namula ang mukha ko, at gusto ko na lamang maglaho. Naisip ko, “Ayos, hindi lang ako nabigong mag-iwan ng magandang impresyon, mas lalo ko lang ipinahiya ang aking sarili.” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo lamang akong naiilang. Sana matapos na agad ang pagtitipon. Pagkatapos ay tumigil na ang lider sa pagtatanong tungkol sa aking kalagayan at nagsimula siyang magtanong kung paano ko pinangasiwaan ang isang liham ng pag-uulat. Naisip ko, “Medyo pamilyar ako sa sitwasyong may kinalaman sa liham ng pag-uulat na ito, kaya kaya ko itong talakayin para magpasikat. Pero dahil kasali rin dito ang kapatid na kapareha ko, kung siya ang unang magsasalita, iisipin kaya ng lider na siya ang nakipagbahaginan sa sitwasyon at ang nangasiwa nito? Hindi, ako dapat ang unang magsalita. Napahiya na ako kanina, kaya kailangan kong bumawi ngayon.” Dahil sa naisip kong ito, agad akong sumagot. Ngunit dahil masyado akong sabik na magpasikat, hindi ko tuloy naipaliwanag nang malinaw ang aking punto. Ang kapareha kong kapatid ang siyang naglinaw ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng karagdagang pagbabahagi. Nang sandaling iyon, sumama ang aking loob—gusto ko sanang ako ang manguna at makapagpasikat, pero mas lalo lang akong napahiya. Kinagabihan, habang pinagninilayan ko ang mga nangyari sa araw na iyon, hindi ko mapanatag ang aking isipan kahit anong gawin ko. Hindi ko mapigilang mag-isip muli kung paano ko mababawi ang nasaktan kong pagpapahalaga sa sarili. Ngunit habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nababalisa, at naguguluhan ang aking isipan.
Kinabukasan, habang nagdedebosyonal ako, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Madalas ninyo bang sinusuri ang inyong pag-uugali at intensyon habang ginagawa ninyo ang mga bagay at ginagampanan ang inyong mga tungkulin? (Bihira.) Kung bihira mong suriin ang iyong sarili, makikilala mo ba ang iyong mga tiwaling disposisyon? Mauunawaan mo ba ang iyong tunay na kalagayan?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, sinimulan kong suriin ang aking sarili at napagtanto ko na hindi tama ang mga naging layunin ko sa pagtitipong ito. Ginusto kong gamitin ang pagbabahagi ko tungkol sa aking karanasan at pang-unawa upang magpasikat at mag-iwan ng magandang impresyon sa iba. Habang mas pinagninilayan ko ang aking mga layunin at ikinilos, mas lalo kong nararamdaman na ang aking ikinilos sa panahon ng pagtitipon ay may halong panlilinlang, at na nakikibahagi ako sa panlilinlang. Nang mapagtanto ko ito, nakadama ako ng pag-aalinlangan. “Dapat ko bang sabihin sa lider sa pagtitipon sa araw na ito ang tungkol sa kalagayan ko kahapon?” Iyan ang naisip ko. “Kung gagawin ko ito, ano kaya ang magiging tingin niya at ng mga katrabaho ko sa akin, kapag nalaman nilang nagkaroon ako ng masasamang layunin sa panahon ng pagtitipon? Pero kung hindi ko ito gagawin, ano naman ang magiging tingin sa akin ng Diyos?” Matapos ang mahabang pag-iisip, nagpasya akong sabihin sa lider ang tunay kong kalagayan noong nakaraang araw. Gayunpaman, kinausap ko siya nang pribado, dahil sobrang nahihiya akong pag-usapan ito sa harap ng aking mga katrabaho.
Kalaunan, habang mas pinagninilayan ko ang aking ibinunyag sa panahon ng pagtitipon, naisip ko kung paano inilalantad ng Diyos ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo, at nahanap ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na mapagpaimbabaw ang mga Pariseo, at sanay silang magkunwari. Ang kanilang pananalita at mga kilos ay ginagawa nila nang may masasamang motibo at layunin. Hindi nila sinusunod ang daan ng Diyos, sa halip ipinapangaral lamang nila ang mga salita at doktrina upang magpasikat. Gumagamit sila ng panlabas na mabuting pag-uugali upang pagandahin at pagtakpan ang kanilang sarili, at sa gayon ay magmukhang mapagpakumbaba at mapagmahal, at mapagpasensya sa harap ng iba. Nagdadasal pa nga sila nang nakatayo sa mga kanto ng mga lansangan upang makita ng iba ang kanilang kabanalan at isiping sila ay mga taong may pagmamahal sa Diyos. Nagkukunwari at nagpapaganda ng kanilang mga sarili ang mga Pariseo para sa intensyon at layuning ilihis ang iba, at makuha ang paghanga at suporta ng mga tao, nang sa gayon ay mapanatili nila ang kanilang sariling katayuan. Sa pagninilay sa kung ano ang aking ibinunyag, napagtanto kong naging katulad din ako ng mga Pariseo. Sa huling pagtitipon, pinuna ng lider ang mga problema sa aking gawain. Dahil sa pag-aalala sa negatibong tingin sa akin ng lider, ginusto kong bumawi sa pagtitipong ito upang maibalik ang magandang pagtingin niya sa akin. Hindi ko napangasiwaan nang maayos ang ilang gampanin at hindi ko naarok ang mga detalye. Sa takot na matuklasan ito ng lider, agad akong gumawa ng hakbang upang pag-aralan ang mga detalye, at naging mas masigasig ako sa aking gawain at sa mga pagtitipon kaysa sa dati. Layunin kong ipakita sa lider na kaya ko pa ring gumawa ng aktuwal na gawain. Napansin ko na ang aking pagsisikap sa pagsubaybay sa gawain at pagbabahagi upang lutasin ang mga problema ay hindi para gampanan nang mabuti ang aking tungkulin at isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kundi upang maibalik ang magandang pagtingin sa akin ng lider at makuha ang paghanga ng aking mga katrabaho. Tunay ngang naging makasarili at mapanlinlang ako! Sa pagninilay ko sa aking mga pagpapamalas sa pagganap ng aking tungkulin, napagtanto kong maraming beses ay kumilos ako para mapangalagaan ang aking pagpapahalaga sa sarili at maipresenta nang mabuti ang aking sarili sa harap ng iba. May mga pagkakataon pa nga na nagsubaybay ang lider upang malaman ang tungkol sa gawain, at hindi ko pa nagagawa ang ilang gampanin, ngunit sa pag-aalala na baka sabihin niyang hindi ako magaling, nagsinungaling ako at sinabi kong nagsusubaybay na ako, at saka ako nagmadaling gawin ang gawain pagkatapos. Sa pagninilay sa aking mga madalas na ibunyag at sa naging asal ko sa pagtitipon, labis akong nadismaya. Pinagtatakpan ko ang aking sarili at nagkukunwari ako, at naging mapagpaimbabaw ako, upang pangalagaan ang aking pagpapahalaga sa sarili. Ano ang ipinagkaiba ko sa mga Pariseo?
Kalaunan, naghanap ako ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa aking kalagayan, at may isang partikular na sipi na lubos na nakaantig sa aking puso. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Lubos na sensitibo ang mga anticristo pagdating sa katayuan nila sa ibang tao. Kapag nasa isang grupo, hindi sila naniniwalang may anumang kabuluhan ang edad at pisikal na kalusugan nila. Ang pinaniniwalaan nilang mahalaga ay kung ano ang tingin sa kanila ng karamihan, kung binibigyan ba sila ng oras at lugar ng karamihan sa pananalita at kilos nila, kung mataas ba o pangkaraniwan ang katayuan at posisyon nila sa mga puso ng karamihan, kung mataas ba o pangkaraniwan o hindi espesyal ang tingin sa kanila ng karamihan, at iba pa; kung ano ang palagay ng karamihan sa mga kredensiyal nila sa pananalig sa Diyos, kung gaano kabigat ang mga salita nila sa mga tao, ibig sabihin, kung gaano karaming tao ang sumasang-ayon sa kanila, kung gaano karaming tao ang pumupuri sa kanila, nagpapakita sa kanila ng pagsuporta, nakikinig nang mabuti sa kanila, at isinasapuso ang mga sinasabi nila; higit pa rito, kung ang tingin sa kanila ng karamihan ay may malakas o mahinang pananalig, kung gaano sila kadeterminadong magtiis ng pagdurusa, kung gaano kalaki ang isinasakripisyo at iginugugol nila, kung ano ang mga kontribusyon nila sa sambahayan ng Diyos, kung mataas ba o mababa ang katungkulang hawak nila sa sambahayan ng Diyos, kung ano na ang dati nilang pinagdusahan, at kung anong mahahalagang bagay ang nagawa nila—pinakapinahahalagahan nila ang mga bagay na ito. … Pangunahing pinagtutuonan ng pansin ng mga anticristo ang pagsusumikap sa pagbibigay ng mga sermon at kung paano ipapaliwanag ang mga salita ng Diyos sa paraang nakakapagpasikat sila at nakukumbinsi ang iba na tingnan sila nang mataas. Habang pinagsisikapan nila ito, hindi nila hinahanap kung paano maunawaan ang katotohanan o kung paano makapasok sa katotohanang realidad, kundi sa halip ay pinag-iisipan nila kung paano matatandaan ang mga salitang ito, kung paano nila maipapangalandakan ang mga kalakasan nila sa mas marami pang tao, para mas marami pang tao ang makaalam na talagang pambihira sila, na hindi sila basta mga karaniwang tao, na may kapabilidad sila, at na mas mataas sila kaysa sa mga karaniwang tao. Taglay ang ganitong uri ng mga ideya, intensyon, at pananaw, namumuhay ang mga anticristo na gumagawa ng lahat ng uri ng iba’t ibang bagay kasama ang mga tao. Dahil taglay nila ang mga pananaw na ito, at dahil taglay nila ang mga paghahangad at ambisyong ito, hindi nila maiwasang magdulot ng magagandang pag-uugali, mga tamang pahayag, at lahat ng uri ng mabubuting kilos, malalaki at maliliit” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na ginagawa ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin para lamang magkamit ng mataas na katayuan sa harap ng mga tao, hinahangad nilang makuha ang pagsang-ayon at paghanga ng iba sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kilos. Upang mapanatili ang kanilang katayuan, tinatalikuran nila ang mga bagay-bagay at iginugugol ang kanilang sarili, nagtitiis sila ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga, gumagawa ng maraming mabubuting gawa. Nagsusumikap din silang pag-aralan ang mga salita ng Diyos, sinasangkapan ang kanilang sarili ng mga salita at doktrina, upang maipangaral ito sa iba. Nang ikumpara ko ang aking sarili sa kanila, napagtanto kong katulad nila ako. Inuna ko ang aking pagpapahalaga sa sarili at katayuan higit sa lahat. Nang mailantad ang aking mga pagkukulang at problema sa pagganap ng aking mga tungkulin, sinubukan ko ang lahat ng paraan upang maibalik ang aking katayuan. Malinaw na hindi ko pinagtuunan ng pansin ang pagninilay sa problema sa pagtataas at pagmamalaki ng aking sarili, ni nagkaroon ako ng tunay na pang-unawa, bagkus sinubukan ko pa ring pagtakpan at pagandahin ang aking sarili, na luminlang sa mga kapatid. Nakita kong talagang mapanlinlang ako. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay para na ring panlilinlang sa Diyos, isang bagay na kinasusuklaman at kinokondena Niya. Nang maisip ko ito, nakadama ako ng kaunting takot, napagtanto ko na kung hindi ko babaguhin ang aking kalagayan, itataboy ako ng Diyos.
Nang maglaon, pinagnilayan ko kung paanong lagi kong gustong mapanatili ang isang magandang reputasyon sa paningin ng iba, at napagtanto kong pinamumunuan ako ng mga satanikong lason na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Naalala ko na kamakailan ay nagbahagi ang Diyos tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, kaya naghanap ako ng mga nauugnay na sipi mula sa mga salita ng Diyos upang basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang layon ng kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’ ay para bigyang-halaga ng mga tao ang pagsasabuhay ng kanilang maliwanag at makulay na parte ng pagkatao at ang paggawa ng maraming bagay na magpapamukha sa kanilang kanais-nais sila—sa halip na gumawa ng mga bagay na masama o kahiya-hiya, o magpakita ng kanilang pangit na pagkatao—at upang maiwasan na mamuhay sila nang walang pagpapahalaga sa sarili o dignidad. Para sa kapakanan ng reputasyon ng isang tao, para sa pagpapahalaga sa sarili at karangalan, hindi puwedeng siraan ng isang tao ang lahat ng tungkol sa kanya, lalo na ang sabihin sa iba ang tungkol sa madilim na parte at mga kahiya-hiyang aspekto ng isang tao, dahil ang isang tao ay dapat mamuhay nang may pagpapahalaga sa sarili at dignidad. Upang magkaroon ng dignidad, kailangan ng isang tao ng magandang reputasyon, at para magkaroon ng magandang reputasyon, kailangang magkunwari ng isang tao at pagmukhaing kanais-nais ang sarili. Hindi ba’t sumasalungat ito sa pagiging isang matapat na tao? (Oo.) Kapag ikaw ay nagiging isang matapat na tao, ikaw ay ganap na salungat sa kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.’ Kung nais mong maging isang matapat na tao, huwag mong bigyang-importansiya ang pagpapahalaga sa sarili; ang pagpapahalaga sa sarili ng isang tao ay walang kabuluhan. Sa harap ng katotohanan, dapat ilantad ng isang tao ang sarili, hindi magkunwari o gumawa ng huwad na imahe. Dapat ihayag ng isang tao sa Diyos ang tunay niyang mga kaisipan, ang mga pagkakamaling nagawa niya, ang mga aspektong lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at iba pa, at ilantad din ang mga bagay na ito sa mga kapatid. Hindi ito isang usapin ng pamumuhay para sa sariling reputasyon, sa halip, ito ay isang usapin ng pamumuhay para sa pagiging isang matapat na tao, pamumuhay para sa paghahangad sa katotohanan, pamumuhay para maging isang tunay na nilikha, at pamumuhay para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at para maligtas. Ngunit kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanang ito, at hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos, ang mga bagay na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay may tendensiyang mangibabaw. Kaya, kapag may nagagawa kang mali, pinagtatakpan mo ito at nagpapanggap ka, iniisip na, ‘Hindi ako puwedeng magsalita ng anumang tungkol dito, at hindi ko rin papayagan na may sabihing kahit ano ang sinumang nakakaalam ng tungkol dito. Kung magsasalita ang sinuman sa inyo, hindi ko kayo basta-bastang palalampasin. Ang reputasyon ko ang pangunahing priyoridad. Walang kabuluhan ang mabuhay kung hindi ito para sa sariling reputasyon, dahil mas mahalaga ito kaysa anupaman. Kung mawawalan ng reputasyon ang isang tao, mawawala ang lahat ng kanyang dignidad. Kaya’t hindi ka maaaring maging prangka, kailangan mong magpanggap, kailangan mong pagtakpan ang mga bagay-bagay, kung hindi, mawawalan ka ng reputasyon at dignidad, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Kung walang rumerespeto sa iyo, wala kang kuwenta at walang silbi kung gayon.’ Posible bang maabot ang pagiging isang matapat na tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Posible bang maging ganap na bukas at himayin ang iyong sarili? (Hindi.) Malinaw na sa paggawa nito, sumusunod ka sa kasabihang ‘Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito’ na ikinondisyon ng iyong pamilya sa iyo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (12)). “Kinokondisyon ng pamilya ang mga tao gamit ang hindi lamang isa o dalawang kasabihan, kundi napakaraming sikat na kasabihan at talinghaga. Halimbawa, madalas bang binabanggit ng mga nakatatanda sa iyong pamilya at ng iyong mga magulang ang kasabihang ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad’? (Oo.) Sinasabi nila sa iyo: ‘Dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon. Walang ibang hinahangad ang mga tao sa buhay nila, maliban sa gumawa ng magandang reputasyon sa iba at magbigay ng magandang impresyon. Saan ka man magpunta, magbigay ka ng mas maraming pagbati, magiliw na komento, at papuri, at magsabi ng mas maraming mabuting salita. Huwag pasamain ang loob ng mga tao, sa halip ay gumawa ng mas maraming mabuting bagay at kilos.’ Itong partikular na epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay may tiyak na epekto sa pag-uugali o mga prinsipyo ng pag-asal ng mga tao, na may hindi maiiwasang kahihinatnan kung saan binibigyang-halaga nila ang kasikatan at pakinabang. Ibig sabihin, binibigyang-halaga nila ang kanilang sariling reputasyon, katanyagan, ang impresyong nililikha nila sa isipan ng mga tao, at ang pagtingin ng iba sa lahat ng kanilang ginagawa at bawat opinyon na kanilang ipinapahayag. Sa lubos na pagpapahalaga sa kasikatan at pakinabang, hindi sinasadyang nabibigyan mo ng kaunting halaga kung naaayon ba sa katotohanan at mga prinsipyo ang tungkuling ginagampanan mo, kung napapalugod mo ba ang Diyos, at kung natutupad mo ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Itinuturing mo ang mga bagay na ito bilang hindi gaanong mahalaga at mas mababang priyoridad, samantalang ang kasabihang ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,’ na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, ay nagiging napakahalaga sa iyo. … Ang lahat ng ginagawa mo ay hindi para maisagawa ang katotohanan, ni hindi para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito ay para sa sarili mong reputasyon. Sa ganitong paraan, ano ang nagiging matagumpay na resulta ng lahat ng iyong ginagawa? Ito ay matagumpay na nagiging isang relihiyosong gawain. Ano ang nangyari sa iyong diwa? Naging tipikal na modelo ka ng isang Pariseo. Ano ang nangyari sa landas mo? Ito ay naging landas ng mga anticristo. Ganyan ito inilalarawan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng lahat ng iyong ginagawa ay nabahiran, hindi na ito pareho; hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ito, sa halip ay hinahangad mo ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, kung ang Diyos ang tatanungin, ang pagganap ng iyong tungkulin—sa isang salita—ay hindi pasok sa pamantayan. Bakit ganoon? Dahil nakatuon ka lamang sa sarili mong reputasyon, sa halip na sa ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, o sa iyong tungkulin bilang isang nilikha” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (12)). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismo kong kalagayan. Mula pa noon ay namumuhay na ako ayon sa mga satanikong pilosopiya at batas na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Noong bata pa ako, madalas sabihin ng aking mga magulang, “Ang mga tao ay nabubuhay para sa pagpapahalaga nila sa kanilang sarili,” at madalas din nilang sabihin ang mga bagay na gaya ng, “Tingnan mo ang anak ni ganito-ganyan, binibigyan ng kahihiyan ang kanyang mga magulang.” Magmula noon, nagsimula kong maunawaan ang kahalagahan ng pagprotekta sa pagpapahalaga sa sarili at pagkakaroon ng magandang reputasyon. Natutunan ko na kapag nakikisalamuha sa iba, dapat kong basahin ang kanilang mga ekspresyon at damdamin, at iangkop ang aking pananalita at kilos ayon sa kanilang kagustuhan. Nang ang paggawa nito ay makatulong sa akin na makatanggap ng papuri mula sa mga tao sa paligid ko at makatulong sa akin na magkaroon ng magandang reputasyon, mas lalo akong nakaramdam ng koneksyon sa mga satanikong pilosopiya at batas na ito, sa paniniwalang ang ganitong paraan ng pamumuhay ay nagbibigay ng karangalan. Nang manampalataya na ako sa Diyos, madalas din akong magsalita at kumilos para maprotektahan ang pagpapahalaga ko sa aking sarili, palagi kong gustong magkaroon ng magandang reputasyon sa puso ng aking mga kapatid, at makuha ang kanilang paghanga. Sa huling pagtitipon, pinuna ng lider ang marami sa aking mga problema. Upang maibalik ang aking pagpapahalaga sa sarili at ipakita sa lider na nagbago na ako, patuloy akong nagkunwari at pinagtakpan ko ang aking sarili sa buong panahon ng pagtitipon, ayaw na ilantad ang tunay kong kalagayan at ang mga pagkukulang sa aking gawain. Kahit na nabunyag at nalaman na ang aking mga problema, sinubukan ko pa ring maghanap ng paraan upang maibalik ang aking dangal. Ang paghahangad ng magandang reputasyon at katayuan ay nagdulot sa akin na lalong maging mapagpaimbabaw at mapanlinlang. Pinagtuunan ko kung paano mapapanatili ang aking pagpapahalaga sa sarili at ang aking katayuan sa lahat ng aking ginagawa, nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Hindi ko rin pinagsumikapan ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ako nakaramdam ng pasanin at responsabilidad sa aking mga tungkulin. Gaya lang ng sa pagtitipong ito, pinagtakpan ko ang aking tunay na kalagayan at ang mga pagkukulang sa aking gawain. Hindi matutukoy ng lider ang aking mga problema, kaya hindi niya ako matutulungan, at hindi rin matutugunan sa tamang oras ang mga paglihis at kakulangan sa aking gawain. Pagkatapos noon ay napagtanto ko na ang pamumuhay ayon sa mga satanikong lasong ito at ang paghahangad ng pagpapahalaga sa sarili at katayuan ay hindi ang tamang landas; ito ay nagdadala lamang sa mga tao na maghimagsik laban sa Diyos, labanan Siya, at sa huli ay itiwalag Niya. Nang mapagtanto ko ito, ayaw ko nang patuloy na gawing tiwali at gamitin ni Satanas, na siyang sisira sa aking pagkakataong makamtan ang katotohanan at mailigtas. Nais kong isantabi ang aking pagpapahalaga sa sarili at katayuan at hangarin ang pagiging matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos.
Pagkatapos, binasa ko ang isa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang balakid, na siyang pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang sisiyasating mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang landas para mabitiwan ang pagpapahalaga sa sarili at katayuan ay nagsisimula sa pagiging isang matapat na tao. Ibig sabihin, hindi ko dapat pagtakpan o itago ang aking mga pagkukulang at katiwalian, kundi dapat akong maging bukas at dapat kong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Sa ganitong paraan lamang ako magkakaroon ng pagkakataong maiwaksi ang aking mga tiwaling disposisyon, maitama ang mga mali kong pananaw tungkol sa paghahangad, at magampanan ang aking mga tungkulin para maitaguyod ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos.
Noong Agosto 2023, dahil sa pagtatalaga sa akin ng ibang mga tungkulin, nagsimula akong makipagtulungan kay Sister Zhang Qin sa pangangasiwa ng isang iglesia. Dahil hindi pa ako pamilyar sa ilan sa mga gawain nang mangasiwa ako, gusto ko talagang humingi ng tulong kay Zhang Qin. Ngunit, nag-alala ako na ang paghingi ko sa kanya ng tulong ay magbubunyag ng aking mga kakulangan at baka sabihin niya, “Dati ka nang naging lider ng iglesia, bakit parang wala kang alam? Hindi iyan mabuti.” Nang maisip ko ito, hindi ko na binanggit ang problema at naisip ko na, “Hindi bale na. Malulutas ko na iyon mag-isa.” Lumipas ang ilang araw, ngunit may ilang aspekto pa rin ng gawain na hindi ko nauunawaan. Nagsimula akong makaramdam ng pagkabalisa, at doon ko napagtanto na ang pag-aatubili kong humingi ng tulong kay Zhang Qin ay isa na namang paraan ng pagprotekta sa aking pagpapahalaga sa sarili at pagkukunwari. Naalala ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Tahimik akong nagdasal, ayaw ko nang mamuhay para lamang sa aking pagpapahalaga sa sarili. Para sa mga aspekto na hindi ko nauunawaan o sa mga problemang nahihirapan akong maarok, pinuntahan ko si Zhang Qin at tinanong siya tungkol sa mga iyon. Sa pamamagitan ng kanyang pagbabahagi, nakahanap ako ng landas pasulong. Sa mga sumunod naming pagtutulungan, may mga pagkakataon na hindi ko nauunawaan ang ilang aspekto o nagkakaroon ako ng mga paglihis sa aking gawain, at minsan ay gusto ko pa ring magsabi ng mga bagay-bagay o pagtakpan ang aking mga kakulangan alang-alang sa aking pagpapahalaga sa sarili. Ngunit nang maalala ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao at kinasusuklaman Niya ang mga mapanlinlang, napagtanto ko na dapat kong isagawa ang katotohanan at dapat akong maging isang matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan ko lamang maiwawaksi ang aking mga tiwaling disposisyon ng pagkukunwari at pagpapaimbabaw. Dahil dito, naging handa akong maghimagsik laban sa aking sarili, maging bukas tungkol sa aking mga kakulangan at katiwalian, at hindi ko na masyadong nadama na napipigilan o nagagapos ako ng mga alalahanin tungkol sa pagprotekta sa aking pagpapahalaga sa sarili. Salamat sa Diyos!