33. Hindi na Ako Nalilimitahan ng Mahinang Kakayahan
Noong Abril 2023, dahil may kaunti akong kalakasan sa paggawa ng mga video, isinaayos ng lider na magsuri ako ng mga video na ginawa ng lahat. Talagang masaya ako na magawa ang tungkuling ito, at gusto kong pahalagahan ang pagkakataon at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Noong una, aktibo kong pinag-aaralan ang mga prinsipyo at natutukoy ang ilang problema kapag nagsusuri ng mga video. Pero pagkalipas ng ilang panahon, nalaman kong ang sister na nakasama kong nakipagtulungan ay may mahusay na kakayahan at kabatiran, at agad niyang nakikita ang mga problema sa isang video, habang natagalan naman ako at kakaunti lang ang nakita kong problema, at higit na mas mahina kaysa sa kanya. Medyo nahiya ako. Kalaunan, sinuri ko ang mga kaugnay na prinsipyo, pero pagkalipas ng ilang panahon, kaunti pa rin ang naging pagbuti ko. Talagang nasiraan ako ng loob, iniisip ko, “Mukhang kulang talaga ako sa kakayahan para magampanan ang tungkuling ito, bakit ba hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan? Kung walang mahusay na kakayahan, paano ko magagawa nang maayos ang tungkuling ito? Kung matatanggal o babaguhin ang pagkakatalaga ko sa tungkulin, hindi ba’t magiging masyadong nakakahiya iyon?” Alam kong hindi ako dapat humingi o magreklamo sa Diyos, pero masyado pa rin akong nasisiraan ng loob, nawalan ng motibasyong gawin ang tungkulin ko, at hindi naghangad na bumuti. Lalo na kapag humaharap sa ilang komplikadong video, nag-alala akong hindi ko tumpak na makita ang mga isyu, kaya ipinapasa ko ang mga iyon para suriin ng iba. Kung minsan, may nahahanap pa ring ilang isyu ang katuwang kong sister kapag sinusuri ang mga video na sinuri ko, at kakailanganin niyang makipagbahaginan sa akin, na lalo pang nagparamdam sa akin na kulang ako sa kakayahan, na hinihila ko pababa ang pag-usad ng gawain, at na darating ang panahon, matatanggal o babaguhin ang pagkakatalaga ko sa tungkulin. Pakiramdam ko ay mas makakabuti kung kusang-loob akong magbibitiw para lumitaw akong makatwiran. Nang sumagi sa akin ang mga kaisipang ito, nagtalo nang husto ang kalooban ko, at alam kong ang pag-iisip nito ay pagtakas sa tungkulin ko, pero hindi ko alam kung paano magsagawa nang wasto, kaya humarap ako sa Diyos para magdasal, “O Diyos, pakiramdam ko ay mahina ang kakayahan ko at hindi ko kayang gawin nang maayos ang tungkuling ito, at gusto ko itong takasan. Alam ko ring hindi ito ayon sa mga layunin Mo. Hiling ko sa Iyo na bigyang-liwanag at patnubayan Mo ako para matukoy ko ang mga problema ko at makahanap ako ng landas na isasagawa.”
Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pakiramdam ng ilang tao ay napakababa ng kanilang kakayahan at wala silang abilidad na makaarok, kaya tinutukoy nila ang kanilang sarili, at nadarama nila na gaano man nila hangarin ang katotohanan, hindi nila matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na gaano man sila magsumikap, walang saysay iyon, at iyon lang iyon, kaya lagi silang negatibo, at dahil dito, kahit pagkaraan ng maraming taong pananampalataya sa Diyos, wala pa silang natatamong anumang katotohanan. Kung sinasabi mo, nang hindi ka nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, na napakahina ng iyong kakayahan, sinusukuan ang sarili mo, at lagi kang namumuhay sa negatibong kalagayan, at dahil dito, hindi mo nauunawaan ang katotohanang dapat mong maunawaan o isinasagawa ang katotohanan nang ayon sa iyong kakayahan—hindi ba’t ikaw ang humahadlang sa sarili mo? Kung lagi mong sinasabi na hindi sapat ang iyong kakayahan, hindi ba’t pag-iwas at pag-urong ito sa responsabilidad? Kung kaya mong magdusa, magbayad ng halaga, at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, tiyak na mauunawaan mo ang ilang katotohanan at makakapasok ka sa ilang realidad. Kung hindi ka babaling o umaasa sa Diyos, at sinusukuan mo ang sarili mo nang hindi ka nagsisikap kahit paano o nagbabayad ng halaga, at sumusuko ka na lang, ikaw ay isang walang silbi, at wala ka ni katiting na konsensiya at katwiran. Mahina man o mahusay ang iyong kakayahan, kung mayroon ka mang kaunting konsensiya at katwiran, dapat mong kumpletuhin nang wasto ang dapat mong gawin at ang iyong misyon; ang pagtakas ay isang napakasamang bagay at isang pagtataksil sa Diyos. Hindi na ito matutubos pa. Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangailangan ng matatag na kalooban, at ang mga taong masyadong negatibo o mahina ay walang magagawa. Hindi nila magagawang manampalataya sa Diyos hanggang wakas, at, kung nais nilang matamo ang katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon, mas maliit pa rin ang pag-asa nila. Yaon lamang mga naghahangad sa katotohanan at may determinasyon ang magtatamo nito at magagawang perpekto ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakonsensiya at nabagabag ako dahil sa mga salita ng Diyos. Dahil sa mahinang kakayahan ko, natukoy ko na kahit gaano katindi ko pang subukan, hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko, at na sa pakikipagtulungan sa mga sister na may mahuhusay na kakayahan, ako ang palaging magiging pinakamahina, kaya namuhay ako sa isang negatibong kalagayan, at nawalan ako ng motibasyong gawin ang tungkulin ko, nawalan ng pagnanais na bumuti, at naisip pa ngang magbitiw. Sa paggawa nito, naisip kong hindi ako matatanggal o mapapahiya. Naisip ko kung paanong hindi ako masyadong nagsikap at pagkatapos hindi makakita ng malaking pag-usad, ayaw ko nang magpatuloy. Napakawalang kuwenta ko! Ang isang taong tunay na may konsensiya at katwiran ay hindi magiging negatibo pagkatapos tanggapin ang tungkulin niya, kahit pa maramdaman niyang hindi naaabot ng kakayahan niya ang mga hinihingi ng Diyos. Sa halip ay magdadasal siya, aasa sa Diyos, at magsisikap nang buong lakas niya, at hindi niya isusuko ang tungkulin niya nang gano’n-gano’n lang. Pero nang tingnan ko ang sarili ko, noong mas mababa ang kakayahan ko kaysa sa sister na nakasama kong nakipagtulungan, at noong itinuro ang ilang isyu sa tungkulin ko, naging negatibo at nagpakatamad ako, ipinasa ko ang mga komplikadong video para suriin ng iba, at hindi ko kayang harapin nang tama ang mga problemang itinuro ng iba, lalo kong nililimitahan ang sarili ko dahil sa pagkakaroon ng mahinang kakayahan, at naging negatibo at pasibo ako sa tungkulin ko, hindi ko magawa kahit ang orihinal na bahagi ko. Habang hinaharap ang mga paghihirap at problemang ito, hindi ko inisip kung paano hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, kundi sa halip ay ginamit ko ang mahinang kakayahan ko bilang dahilan para tumakas sa tungkulin ko at sa paggawa niyon, umiwas sa pagkapahiya. Naging napakamakasarili ko! Natamasa ko ang lahat ng itinustos ng Diyos pero hindi ko magawa ang tungkulin ko. Talagang wala akong konsensiya at katwiran! Naisip ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Kung kaswal mo lang na tinatrato ang mga atas ng Diyos, ito ay isang napakalubhang pagkakanulo sa Diyos. Dito, mas kasuklam-suklam ka kaysa kay Hudas, at dapat kang sumpain” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Ang isang tungkulin ay isang atas mula sa Diyos. Ang pagkakataong magawa ang tungkulin ko na ibinigay ng Diyos ay para bigyang-daan akong mas makapagsanay at para makausad ako sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan. Biyaya ito ng Diyos, pero hindi ko napahalagahan ang mabuting bagay na ito, at dahil sa mahinang kakayahan ko, ginusto kong isuko ang tungkulin ko. Ang ganoong pag-uugali ay isang pagkakanulo sa Diyos! Nang mapagtanto ko ito, nabagabag at nakonsensiya ako, at ayaw ko nang tratuhin sa ganitong paraan ang tungkulin ko. Gusto kong magpursige nang buong-pagsisikap at hindi na maging isang mang-iiwan.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi ka titingalain ng Diyos dahil sa mahusay mong kakayahan, ni hindi ka Niya hahamakin o kamumuhian dahil sa mahinang kakayahan mo. Ano ang kinamumuhian ng Diyos? Ang kinamumuhian ng Diyos ay ang hindi pagmamahal at pagtanggap ng mga tao sa katotohanan, ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan pero hindi pagsasagawa nito, ang hindi paggawa ng mga tao sa kaya nilang gawin, ang hindi magawa ng mga tao na ibigay ang lahat ng makakaya nila sa mga tungkulin nila pero palagi silang may mga labis-labis na pagnanais, palaging gusto ng katayuan, palaging nakikipag-agawan para sa posisyon, at palaging may mga hinihingi sa Kanya. Ito ang kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Mahina ang kakayahan mo o wala ka talagang kakayahan, hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain, pero palagi mong gustong maging isang lider; palagi kang nakikipag-agawan para sa posisyon at kapangyarihan, at palagi mong gusto na bigyan ka ng Diyos ng tiyak na kasagutan, sinasabi sa iyo na sa hinaharap ay maaari kang pumasok sa kaharian, tumanggap ng mga pagpapala, at magkaroon ng magandang hantungan. Ang pagpili ng Diyos sa iyo ay isa nang malaking pagtataas, pero gusto mo pa rin ng isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada. Ibinigay sa iyo ng Diyos kung ano ang dapat mong matanggap, at marami ka nang nakamit mula sa Diyos, pero may mga hinihingi ka pa rin na hindi makatwiran. Ito ang kinamumuhian ng Diyos. Napakahina ng kakayahan mo, o, hindi ka pa nga umaabot sa talino na pantao, pero hindi ka tinrato ng Diyos na parang isang hayop kundi tinatrato ka pa rin Niya bilang isang tao. Samakatwid, dapat mong gawin kung ano ang dapat gawin ng isang tao, sabihin kung ano ang dapat sabihin ng isang tao, at tanggapin ang lahat ng bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos bilang nagmumula sa Kanya. Anumang tungkulin ang kaya mong gawin, gawin mo ito. Huwag mong biguin ang Diyos. Huwag mong hangarin ang isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada, dahil tinatrato ka ng Diyos bilang isang tao, sinasabing, ‘Dahil tinatrato ako ng Diyos bilang isang tao, dapat Niya akong bigyan ng mas mahusay na kakayahan, hayaan akong maging isang ulo ng pangkat, isang superbisor, o isang lider ng iglesia. Pinakamainam kung ginawa Niya ito para hindi ko na kailangang gumawa ng anumang nakakapagod na gawain, para tutustusan ako ng sambahayan ng Diyos nang libre, para hindi ko na kailangang magsikap o magdusa ng pagkahapo, pinapayagan akong gawin kung ano ang gusto ko.’ Lahat ng hinihinging ito ay hindi makatwiran. Ang mga ito ay hindi ang mga pagpapamalas o mga kahilingan na dapat taglayin o ibulalas ng isang nilikha. Hindi ka tinrato ng Diyos ayon sa mahinang kakayahan mo, bagkus ay hinirang ka Niya at binigyan ka ng pagkakataong gawin ang tungkulin mo. Ito ay pagtataas ng Diyos. Hindi ka dapat maghangad ng isang milya kapag binigyan ka ng isang pulgada at humingi nang hindi makatwiran sa Diyos. Sa halip, dapat mong pasalamatan ang Diyos, tuparin ang tungkulin mo, at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ito ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Mahina ang kakayahan mo, pero hindi humingi ang Diyos sa iyo nang ayon sa mga pamantayan para sa mga may mahusay na kakayahan. Wala kang kakayahan at katalinuhan, pero hindi hiningi ng Diyos na kamtin mo ang mga pamantayang kayang abutin ng mga taong may mahusay na kakayahan. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang iyon. Hindi pinipilit ng Diyos ang isang isda na mamuhay sa lupa. Sadya lang na ikaw mismo ay may mga labis-labis na pagnanais, at palaging hindi handang maging isang ordinaryong tao, isang pangkaraniwang tao na may mahinang kakayahan; ayaw mong gawin ang mga matrabahong gampaning ito na hindi naglalagay sa iyo sa sentro ng atensiyon, at sa paggawa ng tungkulin mo, palagi mong inaayawan ang paghihirap at umiiwas ka sa labis na pagpapagod, pinipili kung ano ang gagawin mo; palagi kang sutil at palagi kang may mga sarili mong plano at kagustuhan—hindi ito dahil inagrabyado ka ng Diyos. Kaya, paano dapat tamang harapin ng mga tao ang sarili nilang kakayahan? Sa isang banda, anumang kakayahan ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakabatayang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Tama ang pananaw na ito, at balido sa anumang sitwasyon. Ito ang katotohanang prinsipyong nananatiling hindi nagbabago paano man magbago ang mga bagay-bagay” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nahiya at nakonsensiya ako. Hindi nagpapataw ang Diyos ng sobra-sobrang pasanin sa mga tao, at ang mga hinihingi ng Diyos ay laging abot-kamay ng tao. Umaasa ang Diyos na makapagpapasakop tayo sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos Niya at matatag at masunurin nating magagawa ang mga tungkulin natin. Pero hindi ko naunawaan ang mga layunin ng Diyos at ayaw kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos Niya. Nang makita kong hindi kasing husay ng sa iba ang kakayahan ko, naging negatibo at nagpakatamad ako, at nagreklamo na hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan. Kalaunan, ginusto kong magtrabaho nang husto para mapabuti ang mga teknikal na kakayahan ko, pero nang hindi ko ito magawa, naging negatibo ako, nagkimkim ng maling pagkaunawa, at tumakas sa tungkulin ko. Talagang mapaghimagsik ito! Medyo mas mababa ang kakayahan ko, at hindi kasing taas ng sa ibang kapatid ang kahusayan ko, pero binigyan pa rin ako ng iglesia ng mga pagkakataong magsanay, at hindi ako hinamak ng mga kapatid bagkus ay pinalakas ang loob ko at tinulungan ako. Pero lubos na hindi ko ito natukoy bilang isang mabuting bagay, at alang-alang sa pride ko, ginusto ko pa ngang talikuran ang tungkulin ko. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ito! Ang totoo, pinapahalagahan ng Diyos ang puso ng isang tao, at kahit na medyo kulang ang kakayahan niya, basta’t nagsisikap ang puso niyang maabot ang mga hinihingi ng Diyos, bibigyang-liwanag at papatnubayan siya ng Diyos, at magkakaroon pa rin siya ng ilang resulta sa mga tungkulin niya. Tulad lang noong nagsisimula pa lang akong magsuri ng mga video, sa pamamagitan ng pagdadasal at pag-asa sa Diyos, at pakikipagtulungan sa abot ng makakaya ko, nakatapos ako ng ilang gawain. Kalaunan, dahil masyado kong inaalala ang pride ko, hindi nakatuon ang puso ko sa tungkulin ko, at hindi ko makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, kaya naging mahirap at matrabaho ang lahat ng ginagawa ko. Kaya nagsisi ako sa Diyos, ninanais na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos Niya at magawa ang pinakamaraming makakaya ko sa abot ng kakayahan ko, at hindi ko na pinag-iisipan kung paano tatakas sa tungkulin ko.
Kalaunan, napaisip din ako, “Bakit ba naging negatibo at umatras ako nang makita kong mas mababa ang kakayahan ko sa kakayahan ng katuwang kong sister? Ano ang ugat ng problemang ito?” Sa paghahanap ko, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling makikitid na adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagkilala ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nang makita kong mas mababa ang kakayahan ko sa kakayahan ng katuwang kong sister, naging negatibo ako, at na ang ugat ng problema ay na masyado kong pinahalagahan ang pride at katayuan ko. Nang makita kong may mahusay na kakayahan ang ibang kapatid at mahusay sila sa mga tungkulin nila, nainggit ako at ginusto kong mapabuti ang kahusayan ko sa gawain. Pero sa kabila ng mga pagsisikap ko, mas mababa pa rin ako sa iba, at nang hindi nabigyang-kasiyahan ang pride at katayuan ko, naging negatibo at pasibo ako at naisip ko pa ngang magbitiw at magkanulo sa Diyos. Mas binigyan ko ng importansiya ang pride at katayuan ko kaysa sa tungkulin ko. Nakita kong malalim na naitanim sa akin ang satanikong lason na “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” na nagdudulot sa akin na palaging isipin kung ano ang tingin sa akin ng iba nang hindi talaga isinasaalang-alang ang mga layunin o hinihingi ng Diyos, at nang hindi talaga pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Napagtanto ko na may masisidhing layunin ang Diyos sa pagbibigay-daan na magawa ko ang tungkuling ito. Alam ng Diyos ang mga kakulangan ko, ang pagtuon ko sa pride at katayuan, at na kailangan ko ang ganoong mga kapaligiran para madalisay at mabago. Nang isaayos ng Diyos na makipagtulungan ako sa mga sister na may mahusay na kakayahan, hindi ako makapagpasikat kung kaya’t hindi nabigyang-lugod ang pride at katayuan ko, na nagdulot sa akin ng sakit at pahirap sa kalooban, at pumilit sa aking humarap sa Diyos at pagnilayan ang sarili ko, unawain ang pinsala at mga kahihinatnan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan, at sa gayon ay talikuran ang mga maling paghahangad ko at itama ang saloobin ko sa tungkulin ko. Kasabay niyon, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kapatid na may mahusay na kakayahan at pagtanggap sa tulong ng lahat ng tao sa tungkulin ko, nagkamit din ako ng mas mabuting pagkaunawa sa mga prinsipyo, na nagkataong pumupuno sa mga kakulangan ko. Pagmamahal ito ng Diyos! Nang pagnilayan ko ito, nakonsensiya ako nang husto, at ayaw ko nang mabuhay para sa walang kabuluhang paghahangad sa pride.
Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng mas malalim na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng labis-labis na mahusay na kakayahan. Sa isang banda, ito ay para magawa ng mga tao, nang may batayang kondisyong ito, na manatiling mapagkumbaba, at na sa batayan ng pakiramdam na sila ay mga ordinaryo, pangkaraniwang tao, mga taong may mga tiwaling disposisyon, matatanggap nila nang kusa ang gawain ng Diyos at ang kaligtasan ng Diyos. Sa ganitong paraan lang may batayang kondisyon ang mga tao na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, kung ang mga tao ay may napakahusay na kakayahan o natatanging mabilis na isipan, nang may napakalakas na kakayahan sa lahat ng aspekto, pawang napakagaling, maayos ang takbo ng lahat ng bagay sa mundo para sa kanila—kumikita ng maraming pera sa negosyo, may napakaayos na propesyon sa politika, napakadaling kumikilos sa lahat ng sitwasyon, pakiramdam niya ay isa siyang isda sa tubig—kung gayon, hindi madali para sa mga gayong tao na lumapit sa Diyos at tanggapin ang kaligtasan ng Diyos, tama ba? (Tama.) Karamihan sa mga inililigtas ng Diyos ay hindi humahawak ng matataas na posisyon sa mundo o sa gitna ng mga tao sa lipunan. Dahil pangkaraniwan o mahina ang kanilang kakayahan at mga abilidad, at nahihirapan silang maging tanyag o matagumpay sa mundo, palagi nilang nararamdaman na malungkot at hindi patas ang mundo, nangangailangan sila ng pananalig, at sa huli, lumalapit sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pangunahing kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao sa paghirang sa kanila. Kapag may ganito kang pangangailangan ay saka ka lang magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung napakabuti at angkop sa lahat ng aspekto ang mga kalagayan mo para sa pagsisikap sa mundo, at palagi mong gustong maging bantog sa mundo, hindi ka magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, ni hindi ka rin magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, natanglawan ang puso ko. Ang katunayang hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan ay bahagi ng mabubuti Niyang layunin, at nakapaloob dito ang Kanyang masisidhing layunin. Nang pagnilayan ko ang mga anticristo na itiniwalag ng iglesia, nakita ko na ang ilan sa kanila ay may mahusay na kakayahan at katalinuhan, pero hindi nakatuon ang mga puso nila sa paggawa ng mga tungkulin nila, kundi sa paghahangad sa reputasyon at katayuan. Dahil hindi nila sinundan ang tamang landas, nagambala at nagulo ng mga kilos nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa kabila ng paulit-ulit na pagbabahaginan, ayaw pa rin nilang magsisi at kalaunan ay napatalsik sila. Naisip ko ang tungkol sa pagtuon ko sa reputasyon at katayuan, at kung gaano ako kababaw kahit na hindi mahusay ang kakayahan ko, at na kung may mahusay akong kakayahan, baka naging masyado akong mapagmataas, at siguradong tinahak ko na ang landas ng isang anticristo. Nang isipin ko ito ngayon, ang hindi pagbibigay sa akin ng Diyos ng mahusay na kakayahan ay talagang isang uri ng proteksyon para sa akin!
Sa pamamagitan ng paghahanap, natuklasan kong may pananaw akong walang-katotohanan, naniniwalang para magkaroon ng mga resulta sa tungkulin ko, kailangan kong magkaroon ng mahusay na kakayahan, at kung wala ako nito, hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa isyung ito: “Hindi nauunawaan ng mga tao kung bakit sila binibigyan ng Diyos ng lubos na katamtamang kakayahan. Mahirap makahanap ng mga lider na may mahusay na kakayahan, at napakahirap na gawin ang gawain ng iglesia nang maayos. Iniisip ng mga tao na, ‘Kung binigyan ng Diyos ang mga tao ng mahusay na kakayahan, hindi ba’t magiging mas madali na makahanap ng mga lider? Hindi ba’t magiging mas madaling gawin ang gawain ng iglesia? Bakit hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mahusay na kakayahan?’ Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng kabuuang gawain ng sambahayan ng Diyos, siyempre, kung mayroong mas maraming tao na may mahusay na kakayahan, magiging mas madali nga ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, may isang kondisyon: sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang sarili Niyang gawain, at hindi gumagampan ang mga tao ng isang mapagpasyang papel. Samakatwid, kung mahusay, katamtaman, o mahina man ang kakayahan ng mga tao ay hindi nagtatakda sa mga resulta ng gawain ng Diyos. Ang pinakahuling mga resulta na makakamit ay isinasakatuparan ng Diyos. Ang lahat ay pinapangunahan ng Diyos; ang lahat ay ang gawa ng Banal na Espiritu” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang susi para magkaroon ng magagandang resulta sa mga tungkulin natin ay ang makuha ang patnubay at gawain ng Banal na Espiritu. Kahit para sa mga taong may mahusay na kakayahan, kung mali ang mga layunin nila at gagawa lang sila para sa kasikatan, pakinabang, o katayuan, at aasa lang sila sa sarili nilang kakayahan at mga kaloob nang wala ang patnubay at kaliwanagan ng Diyos, hindi sila magkakaroon ng magagandang resulta. Ang mga taong may karaniwang kakayahan, pero isinasapuso ang tungkulin nila, at nagdadasal, umaasa sa Diyos, at naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap sa mga paghihirap, ay mas malamang na makakatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu at magkakaroon ng magagandang resulta sa mga tungkulin nila. Naging napakakatawa-tawa ng pananaw ko. Inakala kong ang paggawa nang maayos sa isang tungkulin at pagkakaroon ng mga resulta ay nakasalalay lang sa kakayahan ng tao, at itinanggi kong ang gawain ng Banal na Espiritu ang nagtatakda sa lahat ng bagay. Isa itong pananaw ng mga hindi mananampalataya. Sa mundo ng mga di-nananampalataya, para magkaroon ng magagandang resulta sa isang trabaho, dapat na umasa ang isang tao sa talino, kakayahan, at mga kaloob niya. Pero ganap na naiiba ang sambahayan ng Diyos sa sekular na mundo. Naisasakatuparan ang gawain sa sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu, at kahit na kailangan ang pakikipagtulungan ng tao sa panahon ng gawain, hindi ito gumaganap ng mapagpasyang papel. Ang paglaganap ng ebanghelyo ng Diyos sa iba’t ibang bansa sa buong mundo ay ganap na pinamumunuan ng Diyos, nang paisa-isang hakbang, ginagampanan ng Diyos ang gawain Niya, at nakikipagtulungan lang ang mga tao. Alam na alam ng Diyos kung ano ang kaya kong gawin, ang tungkuling kaya kong gampanan ayon sa kakayahan ko, at ang mga resultang kaya kong makuha sa tungkulin ko, basta’t masigasig at masipag ako, bibigyang-liwanag at papatnubayan ako ng Diyos. Higit pa rito, may mga sister ako na mahusay ang kakayahan na nakapaligid sa akin na puwede akong makipagtulungan, at puwede naming punan ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa, at sa ganitong paraan, puwede akong magkaroon ng ilang resulta sa tungkulin ko.
Nabasa ko rin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maraming tao ang nag-iisip na mababa ang kanilang kakayahan, at hindi nila kailanman maayos na nagagampanan ang kanilang tungkulin o naaabot ang pamantayan. Ibinubuhos nila ang lahat-lahat nila sa kanilang ginagawa, ngunit hindi nila kailanman maunawaan ang mga prinsipyo, at hindi pa rin sila makapagbunga ng napakagagandang resulta. Sa huli, ang nagagawa na lamang nila ay dumaing na sadyang napakababa ng kanilang kakayahan, at sila ay nagiging negatibo. Kaya, hindi na ba makasusulong kung mababa ang kakayahan ng isang tao? Ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay hindi isang nakamamatay na sakit, at hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang mga taong may mababang kakayahan. Tulad ng sinabi noon ng Diyos, nagdadalamhati Siya sa mga taong matatapat ngunit mangmang. Anong ibig sabihin ng pagiging mangmang? Sa maraming kaso, ang kamangmangan ay nagmumula sa pagiging mababa ang kakayahan. Kapag mababa ang kakayahan ng mga tao, may mababaw silang pagkaunawa sa katotohanan. Hindi ito sapat na partikular o praktikal, at kadalasang limitado ito sa isang paimbabaw o literal na pagkaunawa—limitado ito sa doktrina at mga regulasyon. Iyon ang dahilan kung kaya’t hindi nila makita nang malinaw ang maraming problema, at hindi kailanman maunawaan ang mga prinsipyo habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, o mahusay na magawa ang kanilang tungkulin. Ayaw ba ng Diyos, kung gayon, sa mga taong may mababang kakayahan? (Gusto Niya sila.) Anong landas at direksiyon ang itinuturo ng Diyos na tuntunin ng mga tao? (Na maging isang matapat na tao.) … Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, natanglawan ako. Ang kakayahan ko ay itinatakda ng Diyos, at totoo na mahina ang kakayahan ko. Pero hindi ako hinahamak ng Diyos dahil sa mahinang kakayahan ko. Umaasa ang Diyos na magagawa kong harapin ang tungkulin ko nang may matapat na puso, maisasantabi ang pagpapahalaga ko sa sarili at magagawa nang maayos ang lahat ng makakaya ko nang buong puso at lakas, nang hinahanap at isinasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat kong gawin. Mas mahusay ang kakayahan ng mga sister kaysa sa akin, at mas malawak nilang nakikita ang mga isyu, kaya mabuti na itinuro nila ang mga paglihis at isyu sa tungkulin ko, dahil maidudulot nitong pagnilayan ko ang sarili ko at ibuod ang mga paglihis ko, na makapupuno rin sa mga pagkukulang ko. Pagkatapos, sinuri ko ang mga nauugnay na prinsipyo batay sa mga pagkukulang ko, at nagkamit ng mas mabuting pagkaunawa sa mga prinsipyong ito. Talagang pinapakitaan ako ng Diyos ng espesyal na pabor! Napagtanto kong kahit na mahina ang kakayahan ko, pinapakitaan pa rin ako ng Diyos ng ganoong biyaya, binibigyang-daan akong makipagtulungan sa mga kapatid na may mahusay na kakayahan at mas mapunan. Kailangan kong harapin ang tungkulin ko nang may puso ng pagpapasalamat, mas pagsikapan ang pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, mas pakinggan ang mga mungkahi ng iba, at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Lumapit ako sa Diyos para magdasal, “O Diyos, salamat sa kaliwanagan at patnubay Mo na tumulong sa aking maunawaan ang mga layunin Mo. Dapat ay lalo pa akong magtrabaho nang husto dahil sa mahinang kakayahan ko, at maghangad na maging isang matapat na tao at gawin nang maayos ang tungkulin ko nang buong puso at lakas!”
Pagkatapos, sadya akong nagdasal tungkol sa bagay na ito, at sa tungkulin ko, iniwasan kong ikumpara ang sarili ko sa iba, at sa halip ay tumuon sa paggawa ng mga bagay-bagay sa harapan ng Diyos at pagtanggap sa pagsisiyasat Niya. Kapag nagsusuri ng mga video at nahaharap sa mga bagay na hindi ko makilatis, aktibo akong humihingi ng tulong sa mga sister, at masigasig kong isinasapuso ang tungkulin ko Nang magsagawa ako nang ganito, nakadama ako ng katiwasayan at ginhawa sa puso ko. Minsan, hiningi sa akin ng lider ng pangkat na suriin ang isang video kasama niya, at naisip ko, “Mahusay ang kakayahan ng sister na ito, at ako ay hindi. Ano nang iisipin niya sa akin kung wala akong matutukoy na anumang isyu?” Napagtanto kong nalilimitahan na naman ako ng pride ko, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, pakiusap, payapain Mo ang puso ko para hindi ako malimitahan ng mahinang kakayahan ko at maibigay ko ang pinakamahusay na magagawa ko. Mas mahusay ang kakayahan ng sister at mas marami siyang isyung kayang tukuyin, na pupuno sa mga pagkukulang ko.” Pagkatapos magdasal, pinayapa ko ang puso ko at pinanood nang mabuti ang video. Pagkatapos panoorin ang video, tinalakay ko ang mga isyung napansin ko at ang mga aspekto kung saan ako nalito, at ibinahagi rin ng sister ang mga pananaw at opinyon niya at pinagbahaginan ang mga pananaw niya sa mga aspekto kung saan ako nalilito. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng sister, nakita ko na tinitingnan ko ang mga isyu mula sa isang mas malawak na pananaw, habang mga detalyadong isyu naman ang napapansin ng sister, na nagkataong pumupuno sa mga pagkukulang ko. Sa pamamagitan ng palitan namin, nalutas ang kalituhan ko at nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga isyu ng video. Nang hindi ko inalala ang mga pakinabang at kawalan sa pride at buong-puso kong inilaan ang sarili ko sa tungkulin ko, napalagay ako nang husto, at napakasarap sa pakiramdam na gawin ang tungkulin ko sa ganitong paraan!
Sa pamamagitan ng karanasang ito, matindi kong naramdaman na ang susi sa paggawa nang maayos sa mga tungkulin ay ang magkaroon ng matapat na puso, ang isantabi ang mga personal na interes at pride, ang hindi malimitahan ng mahinang kakayahan, at ang isapuso ang mga tungkulin ng isang tao at pag-isipan kung paano gagawin nang maayos ang mga iyon. Sa ganitong paraan, madaling matanggap ang patnubay at kaliwanagan ng Diyos at magkaroon ng ilang resulta sa tungkulin ng isang tao.