34. Kumakatawan Ba ang Kabaitan sa Mabuting Pagkatao?
Noong Agosto 2023, ako ang responsable sa gawaing nakabatay sa teksto sa iglesia. Karaniwan, sa tuwing nahaharap ang mga kapatid sa mga paghihirap sa propesyon o gawain nila, matiyaga ko silang ginagabayan at tinutulungan. Pagkatapos ng bawat pagbabahaginan, kapag nakikita ko ang mga ngiti sa mukha ng lahat ay sumasaya at nalulugod ako nang husto. Pakiramdam ko ay sumasang-ayon ang lahat sa akin. Makalipas ang ilang panahon, napansin kong ang lider ng pangkat na si Sister Wang Ying ay walang pagpapahalaga sa pasanin sa tungkulin niya at tinatrato niya nang walang ingat ang gawain. Kapag hindi maganda ang mga resulta sa gawain, hindi siya nagkukusang akayin ang lahat na ibuod ang mga isyu. Sa pang-araw-araw niyang tungkulin, inuutusan at sinasabihan lang niya ang iba na gawin ang gawain. Isa pa, hindi siya masipag sa pagpili ng mga sermon at madalas na nagkakamali sa mga simpleng isyu. Nang ipaalam ng katrabaho niyang sister ang mga isyu niya, berbal niyang tinanggap ang mga iyon, pero pagkatapos, ipinagpatuloy niya ang pagiging pabasta-basta. Noong una, dahil nakikitang bata pa siya at sandaling panahon pa lang sumasampalataya sa Diyos, tinulungan at ginabayan ko siya. Pero pagkalipas ng ilang panahon, napansin kong wala siya masyadong ipinagbago. Alam kong kailangan kong makipagbahaginan at ilantad ang mga problema niya para maipatanto sa kanya ang kalubhaan ng mga isyu niya. Pero nang talagang dumating na ang oras para ilantad siya, may mga inalala ako. Naisip ko, “Kung masyado akong malupit na magsasalita, iisipin ba niyang malupit at manhid ako, na hindi ko nauunawaan ang mga kahinaan niya? At kung magkukuwento siya tungkol sa akin sa ganitong paraan sa ibang kapatid, hindi ba’t iisipin nilang lahat na wala akong pagmamahal at masama ang pagkatao ko? Kung ganoon ay sino pa ang susuporta sa akin sa hinaharap? Siguro ay hindi ko siya dapat ilantad at pungusan. Sa halip, dapat ay matiyaga ko na lang siyang tulungan.” Kaya, sandali ko lang binanggit kay Wang Ying kung saan nagkukulang ang gawain niya at ipinaalam ang ilan sa mga pabasta-basta niyang ugali sa paggawa ng mga tungkulin niya. Pagkarinig dito, inamin lang ni Wang Ying na wala siyang pagpapahalaga sa pasanin pero hindi siya nagpakita ng pagninilay o pagkaunawa sa pinsalang idinulot sa gawain ng pabasta-bastang pagganap niya sa tungkulin. Pagkatapos ay agad siyang nagsimulang magsalita tungkol sa isang paksang interesado siya, at sumigla na parang walang nangyari. Nang makita ko ang reaksiyon niya, nalaman kong walang naging epekto ang pakikipagbahaginan ko. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Pinaalalahanan ko naman siya, at sinabi niyang gagawa siya ng pagbabago, kaya mas magmamasid na lang ako.” Kalaunan, natuklasan kong wala pa ring pagpapahalaga sa pasanin si Wang Ying sa mga tungkulin niya. Medyo nabalisa ako, iniisip na kailangan kong mahigpit na ilantad ang mga problema niya, kung hindi ay malubha nitong maaapektuhan ang gawain. Minsan, nang gabayan ko ang gawain niya, mahigpit ko siyang pinungusan. Nang makita ko siyang nakayuko, nakasimangot, at mukhang masama ang loob, napaisip ako kung naging masyado bang malupit ang mga komento ko. Naisip ko, “Iisipin ba niyang ganap akong manhid at masyadong masakit ang mga salita ko? Magiging maganda pa rin ba ang impresyon niya sa akin sa hinaharap?” Kaya, agad akong nagsabi ng mga salita ng pagpapagaan at pagpapalakas ng loob, sinasabi sa kanyang ang pagsailalim sa pagpupungos ay isang mabuting bagay, at na hindi siya dapat maging negatibo, at dapat ay gumawa na lang siya ng mga pagbabago sa hinaharap. Pero pagkatapos, wala pa rin siyang pagpapahalaga sa pasanin sa mga tungkulin niya, na malubhang nakaantala sa gawain. Sa huli, wala akong nagawa kundi tanggalin siya.
Pagtapos niyang matanggal, tinanong sa akin ng nakatataas na lider, “Napansin mo na dati ang mga problema ni Wang Ying. Bakit hindi mo siya pinungusan at inilantad? Sa ganoong paraan, baka mas mabilis siyang nakapagbago, at kung malalaman mong hindi siya nagsisi, matatanggal mo sana siya nang mas maaga. Napakaraming gawain ang naantala ng patuloy na pabasta-basta niyang ugali!” Pagkarinig sa mga salita ng lider, nagsimula akong magnilay-nilay, “Matagal ko nang napansin ang mga problema ni Wang Ying at maraming beses ko na siyang napaalalahanan, pero kailanman ay hindi ko hinimay ang kalikasan ng mga isyu niya, mababaw lang na binabanggit ang mga iyon nang hindi tinatalakay nang maayos. Nagkaroon na ako ng parehong pag-uugali dati. Bakit ba hindi ko maipaalam at mailantad ang mga problema ng iba kapag nakikita ko ang mga iyon, palagi akong natatakot na ang pagiging masyadong malupit ay mag-iiwan sa iba ng hindi magandang impresyon sa akin? Ano ba talaga ang problema rito?” Nagdasal ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyang-liwanag ako para matukoy ko ang sarili kong mga problema.
Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nakikita ng ilang lider ng iglesia ang mga kapatid na pabasta-bastang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, hindi nila sinasaway ang mga ito, kahit na dapat. Kapag malinaw niyang nakikita na naaapektuhan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya nakikialam dito o nagtatanong, at hindi siya nagdudulot ng kahit kaunting sama ng loob sa iba. Sa katunayan, hindi talaga siya nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa kahinaan ng mga tao; sa halip, ang intensyon at layon niya ay ang makuha ang loob ng mga tao. Alam na alam niya na: ‘Basta’t ginagawa ko ito at hindi ako nagdudulot ng sama ng loob kanino man, iisipin nilang mabuti akong lider. Magkakaroon sila ng maganda at mataas na pagtingin sa akin. Sasang-ayunan nila ako at magugustuhan nila ako.’ Wala siyang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang nagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung gaano kalaking mga kawalan ang naidulot sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, o kung gaanong labis na nagambala ang buhay iglesia niya, patuloy lang siya sa kanyang satanikong pilosopiya at hindi nagdudulot ng sama ng loob sa sinuman. Walang anumang paninisi sa sarili sa puso niya. Kapag may nakita siyang isang taong nagdudulot ng mga pagkagambala at panggugulo, sa pinakahigit ay maaari niya itong kausapin tungkol dito, paliliitin ang isyu, at pagkatapos ay hindi na niya ito pakikialaman. Hindi siya magbabahagi tungkol sa katotohanan, o tutukuyin ang diwa ng problema sa taong iyon, lalong hindi niya hihimayin ang kalagayan niyon, at hindi siya kailanman magbabahagi tungkol sa kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman inilalantad o hinihimay ng mga huwad na lider ang mga pagkakamaling kadalasang ginagawa ng mga tao, o ang mga tiwaling disposisyong madalas ibinubunyag ng mga ito. Wala siyang nilulutas na anumang totoong mga problema, kundi sa halip ay palaging kinukunsinti ang mga maling gawi at pagpapakita ng katiwalian ng mga tao, at gaano man kanegatibo o kahina ng mga tao, hindi niya ito sineseryoso. Nangangaral lang siya ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang salita ng panghihikayat para harapin ang sitwasyon sa isang pabasta-bastang paraan, sinusubukang panatilihin ang pagkakasundo. Dahil dito, hindi alam ng mga hinirang ng Diyos kung paano pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, walang solusyon sa anumang ibinubunyag nilang mga tiwaling disposisyon, at namumuhay sila sa gitna ng mga salita at doktrina, kuru-kuro at imahinasyon, nang walang anumang buhay pagpasok. Naniniwala pa sila sa kanilang puso na, ‘Mas malawak pa nga ang pang-unawa ng aming lider sa mga kahinaan namin kaysa sa Diyos. Masyadong maliit ang aming tayog upang makatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lang naming tuparin ang mga hinihingi ng aming lider; sa pagpapasakop sa aming lider, nagpapasakop kami sa Diyos. Kung dumating ang araw na tanggalin ng Itaas ang aming lider, magsasalita kami upang marinig; upang mapanatili ang aming lider at mapigilang tanggalin siya, makikipagkasundo kami sa Itaas at pipilitin silang sumang-ayon sa mga hinihingi namin. Ganito namin gagawin ang tama para sa aming lider.’ Kapag ang mga tao ay may ganoong mga saloobin sa kanilang puso, kapag nakapagtatag na sila ng ganoong relasyon sa lider nila, at nagkaroon na ng ganitong uri ng pagdepende, pagkainggit, at pagsamba sa puso nila para sa kanilang lider, magkakaroon sila ng higit pang pananalig sa lider na ito, at palagi nilang gustong makinig sa mga salita ng lider, sa halip na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ang gayong lider ay halos pumalit na sa puwang ng Diyos sa puso ng mga tao. Kung ang isang lider ay handang mapanatili ang ganoong relasyon sa mga taong hinirang ng Diyos, kung nakakaramdam siya ng kasiyahan dito sa puso niya, at naniniwala siyang dapat lang siyang tratuhin nang ganito ng mga taong hinirang ng Diyos, kung gayon ay walang pinagkaiba ang lider na ito kay Pablo, nakatapak na siya sa landas ng isang anticristo, at nailihis na ng anticristong ito ang mga hinirang ng Diyos, at talagang wala silang pagkakilala. Sa katunayan, hindi tinataglay ng lider na iyon ang katotohanang realidad, at wala talaga sa puso niya ang tungkol sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya lang niyang mangaral ng mga salita at doktrina, at panatilihin ang kanyang relasyon sa iba. Magaling siyang magpakitang-gilas gamit ang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan, ang mga salita at kilos niya ay naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at sa gayon ay naililihis niya ang mga tao. Hindi niya alam kung paano magbahagi ng katotohanan o kilalanin ang sarili niya, at ginagawa nitong imposible para sa kanyang akayin ang iba sa katotohanang realidad. Gumagawa lang siya para sa reputasyon at katayuan, at nagsasabi lang siya ng mga salitang masarap pakinggan na nanlilinlang sa mga tao. Nakamit na niya ang epekto ng pang-uudyok na sambahin at tingalain siya ng mga tao, at lubha niyang naapektuhan at naantala ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t isang anticristo ang taong tulad nito?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinusubukan Nilang Kuhain ang Loob ng mga Tao). Inilalantad ng Diyos na ang mga huwad na lider na nakakakita ng mga isyu sa mga tungkulin ng mga kapatid pero hindi naglalantad o nagpupungos sa mga ito ay walang pakialam kung gaano karaming gawain ang naaantala o kung gaano kalubha ang kalikasan ng mga isyung ito. Mababaw lang silang nagsasalita at hindi nagbabahaginan ng katotohanan para lutasin ang mga problema. Higit pa rito, patuloy silang mapagpalayaw at mapagparaya, ipinararamdam sa iba na talagang mapagmahal sila, sa pagtatangkang himukin ang iba na sang-ayunan at suportahan sila. Ginagawa ito para makuha ang loob ng mga tao at ilihis ang mga ito, at isa itong kaugalian ng mga anticristo. Ang totoo, ganoon ako. Nang makita kong nagiging pabasta-basta si Wang Ying sa tungkulin niya at hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, alam kong ang paggawa niya sa tungkulin niya sa ganitong paraan ay malubhang makakaantala sa gawain at na kung hindi siya magsisisi, ang magagawa na lang ay ang tanggalin siya. Pero nang gusto ko nang ipaalam ang mga problema niya, natakot akong sabihin niyang hindi ako nagpapakita ng empatiya sa mga kahinaan niya, na malupit at manhid ako, at na wala akong pagmamahal at pagkatao. Para magpanatili ng magandang imahe sa paningin niya, hindi ko talaga siya magawang pungusan at ilantad. Sa halip, binigyan ko lang siya ng mabababaw na paalala para mas isapuso niya ang mga tungkulin niya, nang hindi inilalantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng mga kilos niya. Kalaunan, nang makita kong nagiging pabasta-basta pa rin si Wang Ying sa mga tungkulin niya, nagsabi lang ako ng ilang mahigpit na salita, pero nang makita ko siyang nakayuko at mukhang nababagabag, nagsimula akong mag-alala kung ano ang iisipin niya sa akin, kaya agad akong nagsabi ng ilang salita ng pagpapagaan at pagpapalakas ng loob. Ang resulta, hindi naramdaman ni Wang Ying na malubha ang mga isyu niya at hindi talaga siya nagsisi o nagbago, at sa huli, natanggal siya. Kapag nahaharap sa mga isyu ng mga kapatid, hindi ko talaga isinasaalang-alang kung paano pagbabahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga isyu. Tumuon lang ako sa pagpapanatili ng isang mabait at mapagmahal na imahe sa paningin nila, at palagi akong nagpapanggap. Sa wakas ay nakita ko na ngayon na ang diumanong pagmamahal na ito ay huwad. Sinusubukan ko lang ingatan ang reputasyon at katayuan ko at hinahangad na makamit ang paghanga ng iba. Bilang isang superbisor, ang mga responsabilidad ko ay pagbahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng mga kapatid, tulungan sila sa paggawa nang maayos sa mga tungkulin nila, at protektahan ang gawain ng iglesia. Pero ang sinubukan ko lang protektahan ay ang posisyon ko sa puso nila, at ni katiting ay hindi ko tinupad ang mga responsabilidad ko habang palagi akong nagpapanggap na isang mapagmahal na tao. Dito, inililihis at binibitag ko ang mga tao, at tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Talagang napinsala ang mga kapatid sa paraan ng paggawa ko. Sa paggawa nito, hinahadlangan ko ang gawain ng iglesia at gumagawa ako ng masama! Sa pagninilay rito, labis akong nabagabag at nakonsensiya, at handa akong magsisi.
Kalaunan, pinag-isipan ko, “Akala ko, ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mabuting pagkatao ay pagiging maunawain, madamayin, at mapagparaya, habang ang pagpupungos at paglalantad sa mga problema ng iba ay malupit at manhid, at walang pagmamahal at pagkatao. Tama ba ang pananaw kong ito? Ano ba talaga ang tunay na mabuting pagkatao?” Nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at sumigla ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pagiging matatas at wais sa lahat ng iyong nakakasalamuha, at panghihikayat sa lahat na magsabi nang maganda tungkol sa iyo. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Ito ay ang magawang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan. Ito ay ang pagharap sa tungkulin at sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at mga bagay nang may mga prinsipyo at pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ay malinaw na nakikita ng lahat; ang lahat ay maliwanag tungkol dito sa kanilang puso. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at inaalam ang kanilang sitwasyon, bawat isa sa kanila; kahit sino pa sila, walang makakaloko sa Diyos. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, na hindi sila kailanman nagsasabi nang masama tungkol sa iba, hindi kailanman pinipinsala ang mga interes ng sinuman, at sinasabi nilang hindi sila kailanman naghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipili pa nga nilang dumanas ng kawalan kaysa samantalahin ang iba, at iniisip ng lahat ng iba na mabubuti silang tao. Gayumpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang sarili nilang mga kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang mga interes. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Anong uri ng pagkatao ito? Hindi ito mabuting pagkatao. Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong mga tao; dapat ninyong tingnan ang kanilang ipinamumuhay, ang kanilang ibinubunyag, at ang kanilang saloobin kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, pati na ang kanilang kalagayang panloob at ang kanilang minamahal. Kung ang pagmamahal nila sa sarili nilang kasikatan at pakinabang ay nakahihigit sa kanilang katapatan sa Diyos, kung ang pagmamahal nila sa kanilang sariling kasikatan at pakinabang ay nakahihigit sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung ang kanilang pagmamahal sa sarili nilang kasikatan at pakinabang ay nakahihigit sa konsiderasyong ipinapakita nila para sa Diyos, nagtataglay ba ang gayong mga tao ng pagkatao? Hindi sila mga taong may pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong hindi natutukoy ang mabuting pagkatao kung mabait at mahinahon o malupit at direktang magsalita ang isang tao. Sa halip, nakabatay ito sa kung nagpapasakop ang isang tao sa Diyos at sa katotohanan, at kung responsable niyang ginagawa ang mga tungkulin niya. Katulad lang kung paanong nagagawa ng ilang lider at manggagawa na pungusan ang mga kapatid dahil sa pagiging iresponsable sa mga tungkulin ng mga ito, at kaya nilang ilantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng mga kilos ng mga kapatid na ito batay sa mga salita ng Diyos. Kahit na maaaring sumama ang loob ng mga ito kapag narinig ang mga bagay na ito, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay magagamit ang pagkakataong ito para pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, na kapaki-pakinabang kapwa sa buhay pagpasok nila at pagtupad nila sa mga tungkulin nila. Maaaring mukhang mabait ang ilang tao, pero kapag nakikita nila ang mga kapatid na kumikilos nang laban sa mga prinsipyo at pinipinsala ang gawain at nangangailangan ng pagbabahaginan at paglalantad para dito, pinoprotektahan nila ang sarili nila, nagsasabi lang ng magagandang salita para harapin ang iba sa pabasta-bastang paraan. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tunay na tutulungan ang iba o kung paano iingatan ang mga interes ng iglesia. Talagang makasarili at tuso sila, at hindi sila mga taong may mabuting pagkatao. Kumilos ako sa parehong paraan, iniisip lang na protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, at nang makita ko ang iba na tumatahak sa maling landas, ni hindi ako umalalay. Inakala kong may mabuti akong pagkatao, pero sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at ng pagbubunyag ng mga katunayan, nakita kong malayo ako sa pagiging isang taong may mabuting pagkatao. Nang mapagtanto ito, labis akong nabagabag at nahiya, at umagos ang mga luha sa mukha ko. Kinamuhian ko ang sarili ko mula sa kaibuturan ng puso ko at ayaw kong magpatuloy sa pagkilos nang ganito.
Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay pabasta-basta, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Ang taong ito ay hindi matapat. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: ‘Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!’ At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: ‘Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.’ Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya, para mas maging komportable at magaan ang loob niya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka masigasig na tumutulong sa kanya at diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, upang maging isang matapat na tao, ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Kailangan mong sabihin sa kanya kung ano ang nakita at natukoy mo: ‘Sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakita ko at kung ano ang naranasan ko. Ikaw ang magpapasya kung ang sinasabi ko ay tama o mali. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung may sabihin ako na mahirap para sa iyo na marinig o nakakasakit sa iyo, sana ay kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang layunin at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Dahil pakiramdam mo ay napahiya ka, walang nagpapadama sa iyo na importante ka, at sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, na inaatake ka, at hindi ka pa kailanman nagawan ng ganito kalaking pagkakamali, hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?’ At pagkarinig nito, madarama nila na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung hindi ka matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, ‘Madalas din akong maging negatibo,’ at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo, at sa huli, hindi niya aalisin ang pagiging negatibo. Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na dapat nating tratuhin ang mga kapatid natin nang may matapat na puso, at na kapag may natuklasan tayong mga isyu sa kanila, dapat natin silang tulungan at suportahan nang may sinseridad. Ang tulong na ito ay hindi nililimitahan ng anyo o mga panuntunan. Kung puwedeng maging epektibo ang mga bagay na tulad ng pagbabahaginan at mga pagpapaalala, dapat nating gamitin ang mga iyon, pero kung malubha ang kalikasan ng mga isyu nila, kinakailangan ang pagpupungos, paglalantad, at paghihimay. Anumang pamamaraan ng pagbabahaginan ang makakalutas sa mga problema o makapagtatamo ng mga resulta, dapat nating gamitin ang mga iyon. Kung isasaalang-alang lang natin ang sarili nating pride at imahe, at iiwasan nating ilantad ang diwa ng mga problema, at magsasabi lang tayo ng ilang mahinahon, mababaw na salita para pabasta-bastang tratuhin ang mga tao, hindi natin tinutulungan ang mga tao bagkus ay pinipinsala sila. Katulad lang noong matuklasan kong nagiging pabasta-basta si Wang Ying sa mga tungkulin niya. Kahit na pinaalalahanan at sinubukan ko siyang tulungan, hindi niya sineryoso ang sinabi ko. Sa pagkakataong ito, kinakailangang pungusan siya at himayin ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pabasta-basta niyang pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos para mapagtanto niya ang kalubhaan ng mga problema niya. Magiging kapaki-pakinabang ito sa pagpasok niya. Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, nagkamit ako ng landas ng pagsasagawa para matulungan ang iba at nagsimula akong magsagawa nang naaangkop.
Noong Oktubre 2023, napansin kong nagiging iresponsable si Sister Zhou Xin sa mga tungkulin niya. Ilang taon na siyang gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto, habang nagsisimula pa lang ang ibang kapatid, pero nakatuon lang siya sa sarili niyang mga gampanin at hindi nagpapakita ng pagpapahalaga sa pasanin para sa pangkalahatang gawain. Nakipagbahaginan na ako sa kanya tungkol sa isyung ito dati, pero hindi siya nagkamit ng anumang pagpasok. Pinag-isipan kong himayin ang kalikasan ng mga kilos niya para makapagbago siya. Pero nang maisip kong ipaalam ang mga isyu niya, may ilan akong inalala, “Nasa masamang kalagayan si Zhou Xin kamakailan, kaya kung ipapaalam at ilalantad ko ang mga problema niya, iisipin ba niyang wala akong malasakit at walang pagkatao? Kung mangyayari iyon, talagang makakabuo siya ng masamang impresyon sa akin.” Nang sumagi sa akin ang mga kaisipang ito, nag-atubili ako, napapaisip kung dapat bang hindi ko siya ilantad at pungusan. Habang iniisip ko ito, bigla kong naalala kung paano ako nabigo kay Wang Ying dati, at naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Hindi ko mapigilang itanong sa sarili ko, “Hindi ko ba inilalantad ang mga problema ni Zhou Xin alang-alang sa kapakanan niya?” Ang totoo, hindi. Natatakot akong baka isipin ni Zhou Xin na masyado akong malupit at walang simpatya sa mga kahinaan niya, kaya ang pag-aatubili ko ay nagmumula sa pagnanais kong magpanatili ng magandang impresyon sa paningin niya. Naisip ko rin kung paanong namumuhay ang sister sa isang makasarili at kasuklam-suklam na tiwaling disposisyon, na naging iresponsable siya sa mga tungkulin niya, at na naantala na niya ang gawain. Magkakaroon lang siya ng pagkakataong magbago sa pamamagitan ng paglalantad sa kanya ng problemang ito at pagpapatanto sa kanya ng kalubhaan ng mga isyu niya. Kahit na maramdaman niyang parang sinasaksak ang puso niya at pansamantala siyang mahirapang tanggapin ito, tunay ko pa rin siyang susubukang tulungan at magiging malinis ang konsensiya ko. Kalaunan, sa pagtitipon, humugot ako sa mga salita ng Diyos para ilantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagtuon lang niya sa sarili niyang gawain at pagpapabaya sa pangkalahatang gawain. Nakita kong nabagabag siya nang husto, pero pagkatapos ng pagbabahaginan, sinabi niyang medyo may kamalayan siya sa mga problema niya pero hindi niya sineryoso ang mga iyon, at na sa pamamagitan ng paghihimay na ito, sa wakas ay nakita na niya kung gaano talaga kalubha ang mga isyu niya. Napagtanto niyang hindi niya inalala ang pagkakahinto ng gawain, ni binigyang-pansin ang paglutas sa mga problemang ito, kahit na alam niyang umiiral ang mga ito. Napagtanto rin niyang wala siyang pakialam at walang malasakit, na nakaantala sa gawain, at na talagang naging makasarili at kasuklam-suklam siya at kailangan niyang labis na magnilay-nilay at gumawa ng mga pagbabago. Talagang nasiyahan akong makitang magkaroon ng ganoong pagkaunawa ang sister na ito, at pakiramdam ko, sa wakas ay nakatulong na ako sa iba.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko ang ilang prinsipyo sa pagsukat sa kabutihan ng pagkatao, at malinaw ko ring nakita na ang pagkabigo kong sinserong tumulong sa iba, ang pag-aatubili kong magpaalam ng mga problema, at ang pagpoprotekta ko lang sa sarili ko at hindi pagtataguyod sa gawain ng iglesia ay pagpapamalas ng masamang pagkatao. Kasabay nito, natutuhan ko ang tunay na kahulugan ng pagtulong sa iba nang may pagmamahal. Salamat sa Diyos!