49. Tama Bang Tumalikod at Gumugol para Makatanggap ng mga Pagpapala?
Mayroon akong altapresyon, na namamana sa aming pamilya. Noong 2013, nagkaroon din ako ng matitinding pananakit ng ulo na nangyayari araw-araw o kada makalawa. Kapag sumasakit ito, wala akong magawang anuman; nanghihina ang aking buong katawan, ni hindi ako makatayo, at kasabay ng sakit ng ulo ay ang pananakit ng ngipin at pagsusuka. Kahit matapos akong pumunta sa malalaking ospital, hindi nila mahanap ang sanhi ng aking kondisyon. Minsan, napakatindi ng sakit na gusto ko nang iuntog ang ulo ko sa pader, ninanais na sana ay mamatay na lang ako, pero kapag nakikita ko ang aking asawa at ang aking bagong silang na anak, nagpapakatatag ako. Kalaunan, ibinahagi ng aking ina sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at inilagay ko ang pag-asa ko sa Diyos, iniisip na dahil ang Diyos ay pinakamakapangyarihan sa lahat, kung buong puso akong mananampalataya sa Kanya, maaaring pagpalain Niya ako at pagalingin ang aking karamdaman. Pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, medyo bumuti ang kondisyon ko. Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kayong mga taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 55). Labis akong natuwa at mas nakumbinsi pa na hangga’t nagsusumikap ako na gumugol para sa Diyos, pagpapalain Niya ako sa hinaharap. Kinalaunan, iniwan ko ang trabaho kong may mataas na pasahod para ilaan ang sarili ko nang full-time sa aking tungkulin, at gaano karami man ang pagdurusa o paghihirap na tiniis ko, handa at masaya akong gawin ito. Noong mga taong iyon, malaki ang ibinuti ng pananakit ng ulo ko, at nabawasan ang dalas ng mga pagsumpong nito. Makalipas ang ilang taon, habang ginagawa ko ang aking tungkulin nang malayo sa aking bahay, nakilala ko ang isang kapatid na isang doktor. Sinabi niya sa akin na ang sakit ng ulo ko ay dulot ng trigeminal neuralgia at niresetahan niya ako ng gamot na nagkakahalaga lang ng mahigit sampung yuan. Laking gulat ko nang, matapos inumin ang gamot sa loob ng dalawang buwan, milagrosong nawala ang aking trigeminal neuralgia. Ang sakit na matagal kong tiniis sa loob ng maraming taon ay nawala na, at lubos akong nagalak. Alam ko na, sa panlabas, parang ang gamot ang nagpagaling sa akin, pero sa totoo lang, ito ay biyaya ng Diyos na dumating sa akin. Mukhang totoo ngang ang paggugol para sa Diyos ay nagdadala ng mga gantimpala, kaya lalo akong naging masigasig sa paggawa ng aking tungkulin.
Noong Hulyo 2023, nagsimula akong makaramdam ng tuloy-tuloy na panlalata, at kung minsan ay sumasakit din ang ulo ko at nahihilo ako. Sa simula, hindi ko ito masyadong inisip, iniisip na dahil may altapresyon ako, normal ang paminsan-minsang pagkahilo. Pero matapos ang mahigit isang buwan na walang pagbuti sa aking kalagayan, lumala ang mga sintomas hanggang sa punto na kaya ko na lang gawin ang aking tungkulin sa umaga. Pagdating sa hapon at gabi, umiikot at sumasakit ang ulo ko, at namamanhid ang kaliwang kamay ko. Kapag naging malala na ang pagkahilo, humihiga na ako sandali para makapagpahinga. Isang araw, paglabas ko ng banyo, masyado akong nahilo kaya kaagad akong sumandal sa pader at ipinikit ang aking mga mata, pero hindi inaasahang nawalan ako ng malay pagkatapos ng ilang sandali. Nang magkamalay ako, nakaramdam ako ng matinding sakit sa likod ng aking ulo at napagtanto kong nakahiga ako sa semento. Matapos akong tulungan ng aking kapatid na bumangon, napansin ko na nasira ko ang hamba ng pinto nang bumagsak ako, at may malaking bukol sa likod ng aking ulo. Naisip ko, “Buti na lang at una akong tumama sa hamba ng pinto; kung direktang bumagsak ang likod ng ulo ko sa semento, hindi ko alam kung ano ang maaaring nangyari!” Kaya nagpunta ako sa ospital para magpatingin, at ang diagnosis ay cerebral infarction. Nagulat ako at tinanong ko ang doktor, “Paano ako nagkaroon ng cerebral infarction sa ganito kabatang edad? Hindi ba’t sakit ito ng matatanda? Baka naman may pagkakamali?” Paulit-ulit na kinumpirma ng doktor na cerebral infarction nga ito at isinaayos niya na maospital ako. Sinabi niya na para sa isang taong bata pa na magkaroon ng pagkabara sa maliliit na ugat sa utak, kung hindi maaagapan ang paggamot sa mga ito, maaari itong humantong sa pagbabara ng mga pangunahing ugat, na magiging problema. Parang malaking batong dumagan sa puso ko ang mga salita ng doktor. Nakakita na ako ng maraming matanda na may cerebral infarction, at iyong may malalalang kaso ay nagiging paralisado sa isang bahagi ng katawan, nabubulol sa pagsasalita, tabingi ang bibig, nakahilig ang mga mata, at nagkakaroon ng problema sa pag-iisip. Sobra akong natakot na maging katulad nila, iniisip ko, “Kung magkakaganoon ako, paano ako makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos at makagagawa ng aking tungkulin? Kung hindi ko magagawa ang aking tungkulin, paano ako magkakamit ng kaligtasan?” Nagdulot ang mga kaisipang ito sa akin ng pagkabalisa at sama ng loob, at nagsimula akong magreklamo, “Nitong mga nakaraang taon, iniwan ko ang aking pamilya at propesyon. Kahit na hinamak at siniraan ako ng aking mga kamag-anak at kaibigan, hindi ko kailanman isinuko ang pananalig ko sa Diyos. Napakarami kong pinagdaanang paghihirap para gawin ang aking tungkulin, kaya bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Bakit hinayaan Niya akong magkaroon ng karamdamang ito? Kung hindi ako nagkasakit, hindi ba’t mas magagawa ko pa nang mahusay ang aking tungkulin?” Lalo noong nasa ospital ako, ako ang pinakabata sa halos isandaang pasyente, at nang nalaman ng ibang pasyente sa paligid ko ang tungkol sa aking kondisyon, nagulat sila at sinabing, “Kauna-unawa na magkaroon ng ganitong karamdaman ang matatanda, pero paanong ang isang taong kasingbata mo ay may cerebral infarction?” Lalong sumama ang loob ko nang marinig ito. Nang makita ko ang ilang pasyente sa ICU na biglang bumagsak dahil sa mga biglaang cerebral infarction, na may nakakabit na oxygen tube, at pawala-wala sa ulirat, nag-alala ako kung hahantong din ako sa ganoon kung mawawalan uli ako ng malay. Naisip ko, “Paanong naging napakamalas ko na nagkaroon ako ng ganitong karamdaman?” Nabalisa ako at hindi mapakali. Matapos ng panahon ng paggagamot, nakontrol ang aking kondisyon. Pagkauwi sa bahay, pinagtuunan ko ang pangangalaga sa aking kalusugan, takot na mapagod nang labis, at nawala na sa isip ko ang aking tungkulin.
Isang gabi, habang nakahiga ako sa kama, pinagnilayan ko kung paanong hindi ko pinagtuunan ang aking tungkulin nitong mga nakaraang araw dahil mas inuna ko ang pangangalaga sa aking kalusugan, at nakaramdam ako ng kaunting pagkakonsensiya. Kinabukasan, nanalangin ako sa Diyos, “O Makapangyarihang Diyos, simula nang nalaman kong may cerebral infarction ako, palagi akong nag-aalala na baka maulit ito at muli akong mawalan ng malay. Natatakot akong baka kung masama ang pagkakabagsak ko at malagay sa panganib ang aking buhay, hindi ako makapagkakamit ng kaligtasan. Dahil dito, nawala ako sa tamang kalagayan para gawin ang aking tungkulin, at mas inalala ko ang pangangalaga sa aking kalusugan. O Diyos, hinihiling ko sa Iyo na bigyan ako ng pananalig at gabayan ako para hanapin ang katotohanan para malutas ang aking kalagayan.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang mga salita ng Diyos na ipinadala sa akin ng isang kapatid bago ako maospital: “Ang haba ng buhay ng bawat tao ay naitakda na ng Diyos noon pa man. Maaaring nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng medisina, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan mo pang mabuhay at hindi pa ito ang iyong oras, hindi ka mamamatay kahit gusto mo. Kung mayroon kang atas mula sa Diyos, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi ka mamamatay, kahit na magkaroon ka ng isang karamdaman na nakamamatay—hindi ka pa kukunin ng Diyos. Kahit hindi ka magdasal at maghanap ng katotohanan, at hindi mo ipagamot ang iyong karamdaman, o kahit maantala ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong may mahalagang atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila agad mamamatay; mabubuhay sila hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon. May ganito ka bang pananalig? Kung wala, mabababaw na panalangin lang ang iaalay mo sa Diyos at sasabihing, ‘Diyos ko, Kailangan kong matapos ang atas na ibinigay Mo sa akin. Nais kong gugulin ang mga huling araw ko nang tapat sa Iyo, nang sa gayon ay wala akong pagsisisihan. Dapat Mo akong protektahan!’ Bagama’t ganito ka magdasal, kung wala kang inisyatibang hanapin ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng determinasyon at lakas na ipamuhay ang katapatan. Dahil hindi ka handang ibigay ang totoong kabayaran, madalas mong ginagamit ang ganitong uri ng palusot at ganitong paraan upang manalangin sa Diyos at makipagnegosasyon sa Kanya—ito ba ang taong naghahangad ng katotohanan? Kung pagagalingin ang iyong karamdaman, magagawa mo ba talaga nang maayos ang iyong tungkulin? Posibleng hindi. Ang katunayan ay, kung nakikipagtawaran ka man upang mapagaling ang iyong karamdaman at hindi ka mamatay, o kung may iba ka pang intensyon o layon dito, sa pananaw ng Diyos, hangga’t kaya mong gawin ang iyong tungkulin, hangga’t nagagamit ka pa, at hangga’t nagpasya ang Diyos na gamitin ka, kung gayon, ibig sabihin nito ay hindi ka dapat mamatay. Hindi mo magagawang mamatay kahit na gustuhin mo. Ngunit kung gagawa ka ng gulo nang walang ingat, at gagawin mo ang lahat ng uri ng masamang gawa, at gagalitin ang disposisyon ng Diyos, mamamatay ka nang maaga; iikli ang iyong buhay. Ang haba ng buhay ng bawat tao ay itinakda na ng Diyos bago pa man ang paglikha sa mundo. Kung magagawa nilang magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, kung may karamdaman man sila o wala, at kung nasa mabuti man o masamang lagay ang kanilang kalusugan, mabubuhay sila nang ayon sa bilang ng taon na pauna nang itinakda ng Diyos. May ganito ka bang pananalig? Kung kinikilala mo lamang ito sa usapin ng doktrina, wala kang tunay na pananampalataya, at walang kabuluhan ang pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan; kung kinukumpirma mo mula sa kaibuturan ng iyong puso na gagawin ito ng Diyos, kusang magbabago ang iyong pamamaraan at gawi ng pagsasagawa” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay at kamatayan ng isang tao, pati na rin ang haba ng kanyang buhay, ay pawang itinakda ng Diyos. Kapag nakompleto na ang misyon ng isang tao sa mundo, nagtatapos ang kanyang buhay. Na siya namang kung kailan nagwawakas ang kanyang buhay. Kung hindi pa nakompleto misyon ng isang tao, gaano man kalubha ang kanyang sakit, hindi matatapos ang kanyang buhay. Napagtanto ko na ang oras ng kamatayan ng isang tao ay walang kinalaman sa karamdaman na mayroon siya, kundi sa halip ito ay itinakda ito ng Diyos. Naisip ko ang ilang kapatid na na-diagnose na may malulubhang karamdaman, at inihayag na ng mga doktor na may taning na ang kanilang buhay, pero sa huli, himalang gumaling ang kanilang mga karamdaman. Narinig ko rin ang isang kaso kung saan pumanaw ang isang batang lalaki dahil lang sa sipon. Ipinakita nito sa akin na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay walang kinalaman sa lala ng kanyang karamdaman kundi itinatakda ng ordinasyon ng Diyos. Gayumpaman, hindi ko ito nakita nang malinaw noon. Matapos malaman na mayroon akong cerebral infarction, namuhay ako sa takot at pangamba, natatakot na lumala ang aking kondisyon, na muli akong mawalan ng malay, at na ang isang matinding pagbagsak ay maaaring maglagay sa aking buhay sa panganib, na maaaring maging dahilan para mawalan ako ng oportunidad na magkamit ng kaligtasan. Nagreklamo pa nga ako kung bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos at hinayaan Niya akong magkaroon ng gayong karamdaman. Dahil dito, nabawasan ang sigasig ko sa paggawa ng aking tungkulin, at sa halip ay pinagtuunan ko lang ang pangangalaga sa aking kalusugan, na nagbunyag na wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Ngayon, naunawaan ko na ang magagawa ko ay pakalmahin ang aking puso, magsikap na gawin nang maayos ang aking tungkulin, at ipagkatiwala ang buhay at kamatayan ko sa Diyos, hinahayaan Siyang mamatnugot sa lahat ng bagay. Nang mag-isip ako sa ganitong paraan, hindi ko na naramdaman ang lungkot at pag-aalala na tulad ng dati, at ang aking puso ay nagawang tumuon sa pagtupad ng aking tungkulin.
Kinalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Iniisip ng ilang tao na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng kapayapaan at kagalakan, at na kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, kailangan lang nilang magdasal sa Diyos at pakikinggan sila ng Diyos, bibigyan sila ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyakin ng Diyos na magiging payapa at maayos ang lahat ng bagay para sa kanila. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay ang maghangad ng biyaya, magtamo ng mga pagpapala, at magtamasa ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil sa mga ganitong pananaw, tinatalikuran nila ang pamilya nila o nagbibitiw sila sa trabaho para gugulin ang sarili nila para sa Diyos at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Naniniwala sila na basta’t handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila para sa Diyos, magtiis ng pagdurusa, at magsikap sa paggawa, habang nagpapakita ng kahanga-hangang pag-uugali, makakamit nila ang mga pagpapala at pabor ng Diyos, at na anumang paghihirap ang kakaharapin nila, basta’t nagdarasal sila sa Diyos, lulutasin Niya ang mga ito at magbubukas Siya ng landas para sa kanila sa lahat ng bagay. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng karamihan ng taong nananampalataya sa Diyos. Nadarama ng mga tao na makatwiran at tama ang ganitong pananaw. Ang abilidad ng maraming tao na mapanatili ang pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi isinusuko ang pananalig nila ay direktang konektado sa pananaw na ito. Iniisip nila, ‘Napakarami ko nang ginugol para sa Diyos, napakabuti ng naging pag-uugali ko, at wala akong ginawang anumang masasamang gawa; tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Dahil nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga para sa bawat gampanin, ginagawa ang lahat nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos nang walang anumang nagagawang pagkakamali, dapat akong pagpalain ng Diyos; dapat Niyang tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin, at na madalas akong magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko, at matamasa ko ang presensiya ng Diyos.’ Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Mula sa perspektiba ng tao, natatamasa ng mga tao ang biyaya ng Diyos at nakakatanggap sila ng mga pakinabang, kaya may katuturan naman na magdusa sila nang kaunti para dito, at sulit na ipagpalit ang pagdurusang ito para sa mga pagpapala ng Diyos. Isa itong mentalidad ng pakikipagtawaran sa Diyos. Gayumpaman, mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng Diyos, hindi talaga ito umaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ni sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ay ganap na pangangarap nang gising, pawang isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Nakapaloob man dito ang pakikipagtawaran o paghingi ng mga bagay mula sa Diyos, o naglalaman man ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ano’t anuman, wala sa mga ito ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ni tumutugma sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sa partikular, ang transaksiyonal na kaisipan at pananaw na ito ay sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ito napagtatanto ng mga tao. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mabilis silang nagkakaroon sa puso nila ng mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya. Nadarama pa nga nila na naagrabyado sila at nagsisimula silang makipagtalo sa Diyos, at maaari pa nga nilang husgahan at kondenahin ang Diyos. Anuman ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa na nabubuo ng mga tao, sa perspektiba ng Diyos, hindi Siya kailanman kumikilos o hindi Niya kailanman tinatrato ang sinuman ayon sa mga kuru-kuro o kahilingan ng tao. Laging ginagawa ng Diyos ang nais Niyang gawin, ayon sa sarili Niyang paraan at batay sa sarili Niyang disposisyong diwa. May mga prinsipyo ang Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang bawat tao; at wala Siyang anumang ginagawa sa bawat tao na batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan ng tao—ito ang aspekto ng gawain ng Diyos na pinakataliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag inihahanda ng Diyos ang isang kapaligiran para sa mga tao na ganap na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, bumubuo sila sa puso nila ng mga kuru-kuro, panghuhusga, at pagkondena laban sa Diyos, at puwede pa nga nilang itatwa ang Diyos. Maaari bang tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila? Hinding-hindi. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang paraan ng paggawa at ang Kanyang mga pagnanais ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sino ang kailangang magbago kung gayon? Ang mga tao. Kailangang bitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro nila, kailangan nilang tumanggap, magpasakop, at dumanas sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga kuru-kuro, sa halip na sukatin ang mga ginagawa ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro nila para alamin kung tama ito. Kapag iginigiit ng mga tao na kumapit sa mga kuru-kuro nila, nagkakaroon sila ng paglaban sa Diyos—nangyayari ito nang natural. Saan nagmumula ang ugat ng paglaban? Ito ay nasa katunayang ang karaniwang taglay ng mga tao sa puso nila ay walang dudang ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at hindi ang katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa gawain ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, maaaring suwayin ng mga tao ang Diyos at husgahan Siya. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay talagang walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ang kanilang tiwaling disposisyon ay malayo pa sa pagiging nalinis at sa esensiya ay namumuhay sila ayon sa kanilang tiwaling disposisyon. Napakalayo pa rin nila sa pagkakamit ng kaligtasan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)). “Ang ilang tao, anuman ang kapaligirang nararanasan nila, ay hindi naghahanap ng katotohanan. Sa halip, sinusuri nila ang lahat ng kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon nila, at sa kung kapaki-pakinabang ito sa kanila o hindi. Palaging umiikot sa mga sarili nilang interes ang mga pagsasaalang-alang nila; palagi nilang iniisip kung gaano kalaki ang pakinabang na puwede nilang makamit, kung gaano matutugunan ang mga interes nila sa usapin ng mga materyal na bagay, pera, at kasiyahan ng laman; at palagi silang nagdedesisyon at palagi nilang tinatrato ang lahat ng isinasaayos ng Diyos batay sa mga salik na ito. At sa huli, pagkatapos pigain ang utak nila, pinipili nilang hindi magpasakop sa kapaligirang inihanda ng Diyos bagkus ay takasan at iwasan ito. Dahil sa paglaban, pagtanggi, at pag-iwas nila, nilalayo nila ang sarili nila mula sa mga salita ng Diyos, napapalampas nila ang karanasan sa buhay, at nagdurusa sila ng mga kawalan, na nagdudulot ng pasakit at paghihirap sa puso nila. Habang lalo nilang kinokontra ang mga gayong kapaligiran, mas marami at mas matindi ang pagdurusang tinitiis nila. Kapag lumilitaw ang gayong sitwasyon, tuluyang nadudurog ang kaunting pananalig sa Diyos na mayroon sila. Sa sandaling ito, sabay-sabay na lumilitaw ang lahat ng kuru-kurong nangingibabaw sa puso nila: ‘Napakatagal ko nang ginugugol ang sarili ko para sa diyos, pero hindi ko inasahang tatratuhin ako ng diyos sa ganitong paraan. Hindi patas ang diyos, hindi niya mahal ang mga tao! Sinabi ng Diyos na ang mga taong taos-pusong gumugugol ng sarili nila para sa Kanya ay tiyak na labis na pagpapalain. Sinsero kong ginugol ang sarili ko para sa diyos, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon ko, nagtiis ako ng mga paghihirap, at nagtrabaho ako nang husto—bakit hindi ako lubos na pinagpala ng diyos? Nasaan ang mga pagpapala ng diyos? Bakit hindi ko maramdaman o makita ang mga ito? Bakit hindi patas ang pagtrato ng diyos sa mga tao? Bakit hindi tinutupad ng diyos ang salita niya? Sinasabi ng mga tao na tapat ang diyos, pero bakit hindi ko ito maramdaman? Kung hindi na isasaalang-alang ang iba pang bagay, dito lang sa kapaligirang ito, hindi ko talaga naramdaman na tapat ang diyos!’ Dahil may mga kuru-kuro ang mga tao, madali silang nalilinlang at nalilihis ng mga ito. Kahit kapag naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa disposisyonal na pagbabago ng mga tao at para sa paglago nila sa buhay, nahihirapan silang tanggapin ito at nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos. Iniisip nilang hindi ito pagpapala ng Diyos at na hindi sila gusto ng Diyos. Naniniwala silang sinsero nilang ginugol ang sarili nila para sa Diyos, pero hindi tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Kaya, ang mga taong ito, na hindi naghahangad sa katotohanan, ay napakadaling nabubunyag sa pamamagitan ng iisang pagsubok ng isang maliit na kapaligiran” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)). Inilalantad ng Diyos na may partikular na kuru-kuro ang mga tao sa pananampalataya nila sa Kanya: Iniisip nila na hangga’t tinatalikuran nila ang mga bagay-bagay at gumugugol sila para sa Diyos, nagtitiis ng pagdurusa, at nagsasakripisyo para sa Kanya, dapat silang pagpalain, bantayan at protektahan ng Diyos, at bigyan sila ng kapayapaan ng isipan at kagalakan. Kapag hindi sila pinalulugod ng Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro, nakikipagtalo sila sa Kanya, nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya, at nagrereklamo laban sa Kanya. Ganito mismo ang ginawa ko. Nang una akong nanampalataya sa Diyos, inisip ko na hangga’t buong-puso akong nananampalataya sa Diyos at handa akong magtiis ng paghihirap at handang magbayad ng halaga sa paggawa ng aking tungkulin, pagpapalain ako ng Diyos at bubuti ang aking kalusugan. Dahil sa pananaw na ito, tinalikuran ko ang aking pamilya at propesyon sa loob ng maraming taon para gawin ang aking tungkulin. at kahit kapag nagdudulot ng matitinding pananakit ng ulo ang aking trigeminal neuralgia, o kapag nagdulot ng pagkahilo, pagsusuka, at pangkalahatang panghihina ang aking altapresyon, hindi ko kailanman inantala ang aking tungkulin. Madalas kong pinalalakas ang loob ko sa kaisipan na isasaalang-alang ng Diyos ang aking pagdurusa at paggugol at babantayan at poprotektahan ako, at na sa hinaharap, pagkakalooban Niya ako ng malalaking biyaya. Gayumpaman, nang malaman kong may cerebral infarction ako, pakiramdam ko ay naagrabyado ako. Akala ko ay hindi ako pinagpala ng Diyos na magkaroon ng mabuting kalusugan; sa kabaligtaran, pinahintulutan Niyang magkaroon ako ng ganitong karamdaman, at sa halip na tumanggap ng mga pagpapala, nagdusa pa ako ng kasawian. Dahil dito, napuno ako ng mga maling pagkakaunawa at reklamo laban sa Diyos, at nakipagtalo pa ako sa Kanya, “Kung may mabuti akong kalusugan, hindi ba’t magagawa ko nang mas maayos ang aking tungkulin?” Napagtanto ko na sa lahat ng taong ito ng pananampalataya ko sa Diyos, sinubukan ko lang na makipagtawaran sa Diyos at humingi ng mga bagay-bagay sa kanya. Nang pinagaling ng Diyos ang aking karamdaman, naging masigasig at masikap ako sa aking tungkulin, pero nang hindi Niya ako pinalugod, nabawasan ang motibasyon kong gawin ang aking tungkulin at gumugol para sa Kanya. Naging isang hamak na kasuklam-suklam na walang kwenta ako na nakatuon lang sa pagbibigay-pakinabang sa sarili, sabik na naghahangad ng mga pagpapala habang iniiwasan ang paghihirap. Tunay nga na naging lubos akong makasarili! Malinaw na ang mga pagsisikap ko ay para sa sarili ko lang at para magkamit ng mga pagpapala, pero ipinagmalaki ko pang ito ay para sa pagpapalugod sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin. Wala talaga akong kahihiyan!
Kinalaunan, nabasa ko ang isang sipi kung saan inilalantad at hinihimay ng Diyos ang kalagayan ng mga taong nananampalataya sa Kanya para lang sa layuning makatanggap ng mga pagpapala. Sabi ng Diyos: “Ano ang pinakamalaking isyu sa ugnayan nila sa Diyos? Ito ay na hindi talaga nila kailanman itinuring ang sarili nila bilang isang nilikha at ni katiting ay hindi nila kailanman itinuring ang Diyos bilang ang Lumikha na dapat sambahin. Mula pa sa simula ng pananampalataya nila sa Diyos, tinrato na nila ang Diyos bilang isang punongkahoy ng pera, isang baul ng kayamanan; itinuring nila Siya bilang isang Bodhisattva na magliligtas sa kanila mula sa pagdurusa at sakuna, at itinuring ang sarili nila bilang tagasunod ng Bodhisattva na ito, ng idolong ito. Inisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay tulad ng paniniwala sa Buddha, na basta’t kumakain sila ng gulay, nagbibigkas ng mga kasulatan, at madalas na nagsisindi ng insenso at yumuyukod, makukuha nila ang gusto nila. Kaya, ang lahat ng kuwento na nangyari pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos ay naganap sa loob ng saklaw ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Wala silang ipinakitang anumang pagpapamalas ng isang nilikha na tumatanggap sa katotohanan mula sa Lumikha, ni wala silang ipinakitang anumang pagpapasakop na dapat taglayin ng isang nilikha tungo sa Lumikha; mayroon lang patuloy na paghingi, patuloy na pagkalkula, at walang tigil na paghiling. Sa huli, humantong ang lahat ng ito sa pagkasira ng ugnayan nila sa Diyos. Ang ganitong uri ng ugnayan ay transaksiyonal at hindi kailanman magiging matatag; darating ang panahon na tuluyang mabubunyag ang mga gayong tao” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan. Ang inilarawan ng Diyos ay ang sarili ko mismong pananaw at hangarin. Iyong mga sumasamba kay Buddha o Guanyin ay itinuturing silang mga pinagmumulan ng kayamanan at proteksiyon. Para magkamit ng mas mataas na posisyon, yumaman, at mapanatiling malusog ang pamilya nila, sila ay nagpapatirapa, nagsisindi ng insenso, nagiging vegetarian, at nagbabasa ng mga kasulatan ng Budismo para ipagpalit sa mga bagay na ninanais nila. Ang hangarin nila ay ganap na para sa sariling kapakinabangan. Katulad nito, matapos akong manampalataya sa Diyos, maling inakala ko na, hangga’t gumugugol ang isang tao ng sarili niya at nagsasakripisyo sa pananampalataya sa Diyos, magagantimpalaan siya, sa paraang babantayan at poprotektahan siya ng Diyos at pagkakalooban siya ng walang hanggang biyaya. Tinrato ko ang Diyos bilang isang anting-anting, isang tagapagbigay ng biyaya at kapayapaan ng isip. Nang na-diagnose ako na may cerebral infarction, nagreklamo ako na hindi ako binantayan o pinrotektahan ng Diyos. Nakipagtalo ako at humingi ako ng mga bagay-bagay, hindi man lang nagpakita ng kahit katiting na pagpapasakop sa Diyos, at sa gayon ay ganap akong nabigong ituring Siya bilang Diyos. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng aking pananaw sa pananampalataya sa Diyos at sa iyong mga sumasamba kay Buddha o Guanyin? Sa mga huling araw, ang pangunahing gawain ng Diyos ay may kinalaman sa pagpapahayag ng katotohanan para hatulan at kastiguhin ang mga tao, nang sa gayon ay madalisay at maligtas sila. Hindi ko hinangad ang katotohanan, kundi sa halip, ay itinuring ko ang Diyos na parang Buddha o Guanyin, nananampalataya na pagkakalooban niya ng mga kapakinabangan ang mga tao batay sa kanilang mga panlabas na kontribusyon at pagsisikap. Malinaw na sinasalamin nito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya, at higit pa rito, ito ay isang anyo ng paglapastangan sa Diyos! Naalala ko rin ang kuwento sa Bibliya tungkol sa 5,000 katao na sumunod sa Panginoong Jesus sa bundok. Hindi nila hinangad na marinig ang Kanyang mga turo, kundi naghangad lang sila ng mga pagpapala at biyaya. Nakita lang nila ang Panginoon bilang isang tagapagbigay ng benepisyo, bilang mga tao na naghahangad lang na makinabang hangga’t nais nila, at hindi kinilala ng Panginoong Jesus ang pananalig ng gayong mga tao. Ang pananampalataya ko sa Diyos ay naging para din sa layunin ng paghahangad ng kapakinabangan mula sa Kanya. Hindi ito tunay na pananalig, kundi ang pananaw ng isang hindi mananampalataya na naghahangad na makinabang hangga’t nais niya, at sa huli, tiyak na tatanggihan at ititiwalag din ako ng Diyos. Nakaramdam ako ng takot sa aking puso at lumapit ako sa Diyos para manalangin: “O Diyos, sa maraming taong nanampalataya ako sa Iyo, itinuring Kita bilang mahihingan ng biyaya, nananampalataya sa Iyo na may katulad na pananaw sa iyong mga sumasamba kay Buddha at Guanyin, sa pamamagitan ng paghingi rin sa Iyo ng biyaya at mga pagpapala. Mali ang pananaw na ito, at handa akong magsisi at magbago.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sabi ng Diyos, ‘Sa inyong taos-pusong gumugugol para sa Akin, tiyak na labis Ko kayong pagpapalain’—hindi ba’t ang mga salitang ito ay ang katotohanan? Ang mga salitang ito ay isandaang porsiyentong ang katotohanan. Wala itong pagkamainitin ng ulo o panlilinlang. Hindi mga kasinungalingan o mga ideyang matayog pakinggan ang mga ito, lalong hindi isang uri ng espirituwal na teorya ang mga ito—ang mga ito ay ang katotohanan. Ano ang diwa ng mga salitang ito ng katotohanan? Ito ay na dapat kang maging taos-puso kapag ginugol mo ang sarili mo para sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng ‘taos-puso’? Kusang-loob at walang halong dumi; hindi nauudyukan ng pera o kasikatan, at tiyak na hindi para sa sarili mong mga intensyon, pagnanais, at layon. Ginugugol mo ang sarili mo hindi dahil pinilit ka, o dahil nahikayat, nakumbinsi, o nahatak ka, sa halip, nagmumula ito sa loob mo, nang kusang-loob; bunga ito ng konsensiya at katwiran. Ito ang ibig sabihin ng pagiging taos-puso. Sa usapin ng pagiging handang gumugol ng sarili para sa Diyos, ito ang kahulugan ng pagiging taos-puso. Kung gayon, paano naipapamalas ang pagiging taos-puso sa mga praktikal na paraan kapag gumugugol ka ng sarili mo para sa Diyos? Hindi ka nagsisinungaling o nandaraya, hindi ka nanlalansi para makaiwas sa gawain, at hindi mo ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta; inilalaan mo ang buong puso at isipan mo, ginagawa ang lahat ng makakaya mo, at iba pa—masyadong marami ang detalye rito! Sa madaling salita, ang pagiging taos-puso ay kinapapalooban ng mga katotohanang prinsipyo. May pamantayan at prinsipyo sa likod ng mga hinihingi ng Diyos sa tao” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16)). Mula sa mga salita ng Diyos, Naunawaan ko ang tunay na kahulugan ng mga salitang “Sa inyong taos-pusong gumugugol para sa Akin, tiyak na labis Ko kayong pagpapalain.” Ang pahayag na ito ay nakadirekta sa mga tunay na nakatuon sa paghahangad sa katotohanan at tapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin upang mapalugod ang Diyos. Hindi nila hinahangad ang personal na pakinabang o maling inuunawa ang Diyos o nagrereklamo sa Diyos kapag nahaharap sa mga kalamidad. Handa silang talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang sarili nila para sa Diyos, at ang gayong mga tao ay kalugod-lugod sa Diyos at tiyak na tatanggap ng mga pagpapala Niya sa hinaharap. Gamitin nating halimbawa si Job: Palagi niyang sinusunod ang daan ng Diyos, madalas na nananalangin sa Diyos, at naghahandog ng mga sakripisyo. Kahit nang kinuha sa kanya ang kanyang kayamanan at mga anak, at nagkaroon siya ng masasakit na pigsa, hindi niya sinisi ni Job ang Diyos. Sa halip, sinabi niya, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Tunay na sinamba ni Job ang Diyos. Hindi niya itinuring ang Diyos bilang hingian, lalong hindi niya itinuring ang kanyang mga regular na pagsamba at sakripisyo bilang kapital para magkamit ng biyaya at mga pagpapala. Nang mawala sa kanya ang lahat, hindi pa rin siya nagreklamo sa Diyos. Ang kanyang tunay na pananalig at pagpapasakop ay nagdulot sa kanya ng mga pagpapala ng Diyos sa huli. Nang tiningnan ko ang sarili ko, napagtanto kong hindi ko tamang nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Maling inakala ko na hangga’t kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay, igugol ang sarili ko, tiisin ang paghihirap, at magbayad ng halaga para sa aking pananalig, tatanggap ako kalaunan ng mga pagpapala, kapayapaan, at kalusugan. Ang paraan ko ng paghahangad ay ang eksaktong kabaligtaran ng kay Job. Ginamit ko ang aking mga sakripisyo at paggugol bilang paraan para humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos, sumasampalataya sa Kanya para lang sa aking mga makasariling pagnanais at sariling kapakinabangan. Nang naharap ako sa sakit, nagreklamo pa ako tungkol sa Diyos. Nahiya talaga ako, dahil hindi talaga ako maikukumpara kay Job. Ngayon naunawaan ko na bilang isang nilikha, dapat akong manampalataya at sumamba sa Diyos. Ang paggawa ng aking tungkulin ay aking responsabilidad, ganap na likas at makatwiran ito, at wala itong kinalaman sa pagtanggap ng mga pagpapala o pagdurusa ng mga kamalasan. Kahit kapag nahaharap sa mga kagipitan at karamdaman, dapat pa rin akong magpasakop sa Diyos at manindigan sa aking patotoo.
Noong Marso 2024, Nakaranas ako ng isa pang pag-atake ng cerebral infarction. Namanhid ang kaliwang kamay ko, at palagi akong nahihilo. Nag-alala ako na kapag bumagsak ulit ako at naging malala ito, hindi ko magagawa ang tungkulin ko—paano ko mahahangad ang kaligtasan kung ganoon? Nang makita ko ang mga kapatid sa paligid ko, na pawang mas malusog kaysa sa akin, nakaramdam ako ng inggit, iniisip na, “Bakit hindi ako maaaring magkaroon ng malusog na katawan tulad ng iba?” Nang nagkaroon ako ng ganitong mga kaisipan, napagtanto kong nagrereklamo na naman ako, at binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga pagpapala, biyaya, mga gantimpala, at mga korona—kung paano ipinagkakaloob ang mga bagay na ito at kung kanino ipagkakaloob ang mga ito, ang Diyos ang bahalang magpasya niyon. Bakit ang Diyos ang bahalang magpasya nito? Pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; hindi pinagsamang pag-aari ang mga ito sa pagitan ng tao at ng Diyos na maaaring pantay na hatiin sa pagitan nila. Sa Diyos ang mga ito, at ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa mga pinangakuan Niyang pagkakalooban ng mga ito. Kung hindi ipinangako ng Diyos na ipagkaloob ang mga ito sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop sa Kanya. Kung titigil ka sa pananampalataya mo sa Diyos dahil dito, anong mga problema ang malulutas niyon? Titigil ka ba sa pagiging isang nilikha? Matatakasan mo ba ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hawak pa rin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at isa itong hindi mababagong katotohanan. Ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring itumbas sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng tao, ni hindi rin kailanman sasailalim sa anumang pagbabago ang mga bagay na ito—ang Diyos ay magpakailanman na Diyos, at ang tao ay habambuhay na tao. Kung kaya itong unawain ng isang tao, ano, kung gayon, ang dapat niyang gawin? Dapat siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamakatwirang paraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bukod dito, wala nang iba pang landas na maaaring piliin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Ginising ako ng mga salita ng Diyos sa tamang oras. Dapat kong makita nang malinaw ang aking sariling pagkakakilanlan at katayuan. Ako ay isa lang nilikha, samantalang ang Diyos ay ang Lumikha. Pero patuloy kong ginusto na diktahan kung paano dapat kumilos ang Diyos at paano Niya ako dapat tratuhin—ito ay walang katwiran. Natakot ako na kung bumalik ang aking cerebral infarction at hindi ko na magawa ang tungkulin ko, mawawalan ako ng pagkakataon para sa kaligtasan, kaya hiningi ko sa Diyos na bigyan ako ng mabuting kalusugan na tulad sa iba pang mga kapatid. Ito rin ay kawalan ng pagpapasakop! Dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ginagawa ang aking makakaya para gawin ang aking tungkulin—ito ang katwiran na dapat mayroon ako. Kaya lumapit ako sa Diyos para manalangin, “O Diyos, gaano man kalubha ang pagbabalik ng aking cerebral infarction, nawa’y pigilan Mo ako sa pagrereklamo para mahigpit kong mapanghawakan ang aking tungkulin.” Makalipas ng ilang araw, nagpunta ako sa ospital para sa check-up. Sinabi ng doktor na medyo kontrolado na ang aking kondisyon, at na kailangan ko lang uminom ng aking gamot nang normal. Labis akong nasiyahan nang marinig ang balitang ito. Kung iisipin na mahigit pitong buwan na mula noong huli akong sumailalim sa gamutan, pero nagawa ko pa rin nang normal ang mga tungkulin ko—dahil lahat ito sa biyaya ng Diyos, at tunay na nagpapasalamat ako sa awa ng Diyos.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Paulit-ulit kong binasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos at nadama kong nilaman ng sakit na ito ang taos-pusong layunin ng Diyos. Nilayon ng Diyos na iligtas ako at tulungan akong maunawaan ang aking sarili, na humantong sa pagbabago sa aking disposisyon. Noong una akong nanampalataya sa Diyos, may layunin akong magkamit ng mga biyaya. Sa paglipas ng mga taon, wala akong tunay na pag-unawa sa aking layunin na magkamit ng mga pagpapala. Dahil banal ang Diyos, hahadlangan ako ng tiwaling disposisyon ko na maligtas kung hindi ito malulutas bago matapos ang gawain ng Diyos. Ibinunyag ng karamdamang ito ang aking pagnanais para sa mga pagpapala, at ang aking mga hinihingi at kuru-kuro sa Diyos, na nagtulak sa akin para hanapin ang katotohanan, magsisi, at magbago. Ito ay pagliligtas ng Diyos para sa akin. Gayumpaman, hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos at nagkimkim ako ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Kanya. Para itong isang bata na tumatahak sa landas ng paggawa ng mga krimen. Kapag gumagamit ng mahihigpit na pamamaraan ang mga magulang para tulungan ang bata na itama ang kanyang mga gawi, ang mga layunin nila ay para sa ikabubuti ng bata. Pero kung hindi nauunawaan ng bata ang puso ng kanyang mga magulang at iniisip niyang wala silang pakialam sa kanya, wala sa katwiran ang bata at pinalalamig niya ang puso ng mga magulang. Hindi ba’t tulad lang ako ng batang iyon na mangmang at hindi makakilatis sa tama at mali? Sa kabila ng aking mga maling pagkaunawa at mga reklamo, tahimik pa rin akong ginabayan ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, tinulungan akong magising mula sa aking negatibo at mapaghimagsik na kalagayan. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong nakaramdam ng hiya at pagkakonsensiya. Mula ngayon, gumaling o lumala man ang aking karamdaman, kahit ilagay pa nito sa panganib ang aking buhay—ayaw kong magkamali ng pagkaunawa o magreklamo laban sa Diyos. Handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos.
Matapos danasin ang karamdamang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking layunin na magkamit ng mga pagpapala, at nagkaroon ng tunay na pagpapahalaga sa taimtim na pagsisikap ng Diyos na iligtas ang mga tao. Nagpapasalamat ako sa gabay ng Diyos na nagdala sa akin sa mga nakamit kong ito!