51. Ang Pagdurusa na Dulot ng Pagsisikap para sa Kasikatan at Pakinabang
Noong Nobyembre 2015, inatasan ako ng lider na pamahalaan ang pangkalahatang gawain ng iglesia. Aktibo akong tumulong sa paglutas ng anumang isyu ng mga tauhang gumagawa ng pangkalahatang gawain, at sinang-ayunan ako ng lahat, na nagparamdam sa akin na mahalagang miyembro ako ng iglesia. Noong Oktubre 2017, isinaayos na magtulungan kami ni Sister Tian Yu sa pangangasiwa ng pangkalahatang gawain. Sa simula, maayos ang aming pagtutulungan. Tinulungan niya ako sa aking buhay pagpasok, at masayang-masaya akong makipagtulungan sa kanya. Pero paglipas ng panahon, napansin kong si Tian Yu ay may mahusay na kakayahan, mabilis mag-isip, at na mas mahusay siya kaysa sa akin sa pakikipagbahaginan sa katotohanan at paglutas ng mga problema. Minsan, sa isang pagtitipon, nagbanggit ang isang kapatid ng kanyang mga suliranin sa kanyang gawain. Hindi ko pa nauunawaan ang problema, pero ginamit ni Tian Yu ang sarili niyang mga karanasan para magbahagi sa kapatid, at nagbasa rin siya ng ilang kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos niyang makipagbahaginan, paulit-ulit na tumango ang kapatid bilang pagsang-ayon. Sa rasyonal na pag-iisip, isang mabuting bagay na nalutas ang problema ng kapatid, pero hindi ako nakaramdam ng kasiyahan dito. Naisip ko, “Si Tian Yu ay may mahusay na kakayahan at kaya niya palaging makipagbahaginan para malutas ang mga problema, kaya ano ang magiging tingin sa akin ng mga kapatid kumpara sa kanya? Iisipin ba nilang hindi kasinghusay ng kay Tian Yu ang aking kakayahan? Paano ako patuloy na dadalo sa mga pagtitipon kasama ang mga kapatid sa hinaharap?” Hindi nagtagal, napansin ko rin na may kaunting kasanayan si Tian Yu sa paggamit ng kompyuter. at kapag may problema ang mga kapatid sa mga kompyuter o video player nila, palagi silang lumalapit kay Tian Yu. Nakita kong mas mahusay si Tian Yu kaysa sa akin sa bawat aspekto, at napuno ako ng selos at inggit. Pakiramdam ko pa nga ay napipigilan ako. Nagreklamo ako sa loob-loob ko, “Pareho kaming superbisor, pero bakit napakalaki ng agwat namin? Ano na ang magiging tingin sa akin ng lider at ng mga kapatid sa hinaharap?” Naalala ko dati noong ako lang ang namamahala, kung paanong may ilang resulta ang aking tungkulin, at kung paanong tinitingala rin ako ng lahat ng kapatid. Pero nang dumating si Tian Yu, mas mahusay siya sa akin sa lahat ng aspekto, at wala akong pagkakataong magpakitang-gilas, kaya pakiramdam ko ay sinapawan ako ni Tian Yu. Nagsimulang sumama ang loob ko kay Tian Yu. at naisip ko, “Parang magaling ka sa lahat ng bagay, pero tingnan natin kung may hindi ka kayang gawin.”
Hindi nagtagal, isinaayos ng lider na sunduin namin ni Tian Yu ang ilang kapatid. Wala ako roon, kaya isinaayos ni Tian Yu na iba na lang ang sumundo, pero hindi niya naisaayos nang mabuti ang mga bagay-bagay, at hindi nasundo ang mga kapatid, at naiwan silang naghihintay nang balisa. Sinamantala ko ang pagkakataong ito para maliitin si Tian Yu sa harap ng isang kapatid dahil gusto kong makita nito na hindi man lang maasikaso ni Tian Yu ang gayon kaliit na bagay. Dahil sa ikinalat ko, nagkaroon ng ilang negatibong pananaw ang kapatid tungkol kay Tian Yu, at nagreklamo siya na hindi isinaayos nang mabuti ni Tian Yu ang mga bagay-bagay. Sa isa pang pagkakataon, nalaman ko na ang isang kapatid na si Xin Ru, na responsabilidad ni Tian Yu, ay masigasig lang sa panlabas, pero palagiang hindi hinahangad ang katotohanan o hindi gaanong kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos. Hinahangad lang niya ang mga makamundong kalakaran, kumakain, umiinom, at nagsasaya. Kahit matapos ang pagbabahaginan, wala siyang pagbabago, at dapat ay natanggal siya. Naisip ko, “Pananagutan ni Tian Yu ang gawain ni Xin Ru, at wala siyang masyadong pagkilatis dito; mukhang hindi ko kasinghusay si Tian Yu sa pagkilatis.” Nakaramdam ako ng superyoridad, pakiramdam ko, sa wakas may isang bagay na mas magaling ako kaysa kay Tian Yu. Naisip ko, “May mga pagkukulang at kapintasan ka rin pala. Dahil narito ang lider, babanggitin ko ang tungkol sa pag-uugali ni Xin Ru at hahayaang makita ng lider na hindi ka kasinghusay ko sa pagkilatis. Mababawasan niyan ang kayabangan mo.” Pero hindi binanggit ni Tian Yu ang kawalan niya ng pagkilatis, at pagkakita kong pagabi na at paalis na ang lider, nagsimula akong mainip at magalit, kaya sinabi ko kay Tian Yu sa nangangaral na tono, “Sinasabi mo lang ang iyong mga kalakasan, pero hindi ang iyong mga kakulangan; nakikita kong hindi mo rin nakikilala ang sarili mo!” Pagkasabi ko nito, kaagad na lumamig ang atmospera sa silid, at walang sinumang nagsalita. Napansin ng lider na may mali sa kalagayan ko at tinanong kung ano ang nangyayari, kaya, ibinunyag ko ang tunay kong kalagayan na gusto kong ipahiya si Tian Yu at ipakita sa kanya na may mga larangan kung saan hindi siya kasinghusay ko. Napaiyak si Tian Yu, at talagang nakaramdam ako ng pagkabagabag at pagkakonsensiya, kaya humingi ako ng tawad sa kanya. Noong panahong iyon, may simpleng pagkaunawa lang ako na pinahahalagahan ko ang aking dangal at may malakas na pagnanais ako para sa katayuan, pero hindi pa rin nalutas ang aking tiwaling disposisyon.
Kalaunan, dahil hindi kasinghusay ng kay Tian Yu ang mga resulta ng gawain ko, pakiramdam ko ay hindi ko magawang mamukod-tangi o makapagpasikat, kaya mas lalo akong nanlumo, at nang oras na para sa pagtitipon, ayaw kong dumalo. Ipinagsawalang bahala ko ang mga paghihirap na kinahaharap ng mga kapatid sa kanilang buhay pagpasok at mga tungkulin, at karamihan sa mga gawain ay ginawa ni Tian Yu mag-isa. Makalipas ang ilang panahon, nakaramdam ako ng paninikip sa aking dibdib, hirap sa paghinga, at nagkaroon ako ng ubo. at sa pagsusuri, na-diagnose na may interstitial pneumonia ako. Sinabi ng doktor na mabilis ang paglala ng sakit na ito at kailangan ng agarang gamutan. Pagkatapos magkasakit, hindi pa rin ako masyadong nagnilay sa sarili, at patuloy akong gumawa ng mga pagkakamali sa aking tungkulin, kaya tinanggal ako ng lider. Noong panahong iyon, nalugmok ako sa matinding pasakit, at naniwala akong ibinunyag at itiniwalag ako ng Diyos na lalong nakapagpalumo sa akin. Isang beses, narinig ko ang isang pagbasa ng mga salita ng Diyos: “Ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Tumarok sa aking puso ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Naalala ko na noong tinanggal ako, inilantad ng lider kung paano ko palaging hinahangad ang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, na nabigo akong magbago sa kabila ng ilang ulit ng pagbabahaginan, at na hindi ko talaga tinanggap ang katotohanan. Naisip ko rin ang tungkol sa kung paanong nakikipagtulungan ako kay Tian Yu sa loob ng halos tatlong taon, at bagaman alam ko na mali na nagseselos ako kay Tian Yu at nakikipagkompitensiya sa kanya, hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang aking mga isyu. Hindi ba’t ako ang mismong uri ng tao na inilarawan ng Diyos na hindi nagsasagawa sa katotohanan? Noong panahong iyon, hindi ko naunawaan ang mga layunin ng Diyos at negatibo ako at hinusgahan ko ang sarili ko. Noong panahong iyon, wala akong gana, hindi nagkamit ng kaliwanagan mula sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at hindi ako makakuha ng lakas para gumawa ng anuman. Kalaunan, napagtanto ko na hindi tama ang aking kalagayan, kaya nagdasal ako at hinanap ko ang Diyos. Pagkatapos niyon, binasa ko “Ang mga Prinsipyo ng Pagharap sa mga Kabiguan at Pagbagsak ng Isang Tao.” Sabi ng Diyos: “Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinamatnugutan ng Diyos. Bakit pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ilantad kung sino ka o upang ibunyag at itiwalag ka; ang pagbubunyag sa iyo ay hindi ang panghuling mithiin. Ang mithiin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasang diwa, ng iyong mga pagkakamali, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang awa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, Napagtanto ko na ang pagkakatanggal ko ay hindi pagtitiwalag sa akin ng Diyos, kundi sa halip ay Kanyang pagdisiplina at pagkastigo sa akin. It ay dahil nakipag-agawan ako para sa kasikatan at kapakinabangan sa aking kapatid, na nagdulot ng pagkaantala sa gawain ng iglesia, at sa halip na magnilay sa aking sarili, binatikos at ibinukod ko pa ang kapatid, sinasalungat ang disposisyon ng Diyos. Sa gayong mga sitwasyon, ang layunin ng Diyos ay na hanapin ko ang katotohanan, pagnilayan, at kilalanin ang aking sarili. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, bahagyang bumuti ang aking kalagayan, at naging handa akong sumandig sa Diyos para lubusang magnilay sa aking sarili at magsisi sa Kanya.
Kalaunan, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na ipinakita sa akin ng lider: “Hinahangad ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan, kaya tiyak na nagsasalita at gumagawa rin sila para maitaguyod ang kanilang reputasyon at katayuan. Pinahahalagahan nila ang kanilang reputasyon at katayuan nang higit sa lahat. Kung may isang tao sa paligid nila na may mahusay na kakayahan at naghahangad sa katotohanan, at nakakamit ng taong ito ang kaunting katanyagan sa mga kapatid at napipiling maging lider ng isang pangkat, at talagang hinahangaan at sinasang-ayunan ng mga kapatid ang taong ito, ano ang magiging reaksiyon ng mga anticristo? Tiyak na hindi sila matutuwa rito, at uusbong ang inggit sa loob nila. Kung nagkikimkim ng inggit ang mga anticristo, sabihin mo sa Akin, kaya ba nilang magpigil ng sarili? Hindi ba’t kailangan nilang may gawin tungkol dito? (Oo.) Ano ang gagawin nila kung talagang naiinggit sila sa taong ito? Sa isip nila, tiyak na gagawa sila ng ganitong uri ng pagkakalkula: ‘Medyo mahusay ang kakayahan ng taong ito, mayroon siyang kaunting pagkaunawa sa propesyong ito, at mas malakas siya kaysa sa akin. Kapaki-pakinabang ito para sa gawain ng sambahayan ng diyos, ngunit hindi para sa akin! Aagawin ba nila ang posisyon ko? Kung talagang papalitan nila ako balang araw, hindi ba’t magiging problema iyon? Dapat akong maunang kumilos. Kung kaya nilang tumayo sa kanilang sariling mga paa balang araw, hindi na magiging madali para sa akin na alisin sila. Mas mabuting ako ang unang umaksiyon. Kung magpapaliban ako at hahayaan silang ilantad ako, sino ang nakakaalam kung ano ang magiging mga kahihinatnan. Kaya, paano ako makakagawa ng aksyon? Kailangan kong makahanap ng dahilan, makahanap ng pagkakataon.’ Sabihin ninyo sa Akin, kung nais ng mga tao na pahirapan ang isang tao, hindi ba’t madali para sa kanila na makahanap ng dahilan at pagkakataon na gawin ito? Ano ang isa sa mga taktika ng diyablo? (‘Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo.’) Mismo, ‘Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo.’ Sa mundo ni Satanas, umiiral ang ganitong uri ng lohika, at nangyayari ang ganitong bagay. Hindi ito umiiral sa Diyos sa anumang paraan. Ang mga anticristo ay kay Satanas at sila ang pinakasanay sa paggawa ng mga bagay na ito. Pagbubulayan nila ito: ‘Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo. Paparatangan kita, maghahanap ng pagkakataon na pahirapan ka, susupilin ang iyong kayabangan at pagmamalaki, at pipigilan ang mga kapatid sa pagpapahalaga sa iyo at pagpili sa iyo bilang lider ng pangkat sa susunod na pagkakataon. Pagkatapos, hindi ka na magiging isa pang banta sa akin, hindi ba? Kung maaalis ko ang potensiyal na problemang ito at ang katunggali na ito, hindi ba’t mapapanatag na ako?’ Kung ganito kagulo ang isipan nila, kaya ba nilang pigilan ang sarili sa pagkilos? Batay sa kalikasan ng mga anticristo, kaya ba nilang panatilihing nakabaon ang ideyang ito sa loob nila at hindi kumilos? Talagang hindi. Tiyak na maghahanap sila ng paraan para kumilos. Ito ang kalupitan ng mga anticristo. Bukod sa ganoon sila mag-isip, gusto rin nilang makamit ang layong ito. Kaya, desperado nilang pagbubulayan ang usaping ito, pinipiga ang kanilang utak. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni ang gawain ng iglesia. Lalong wala silang pakialam kung ang kanilang mga aksyon ay naaayon ba sa layunin ng Diyos. Ang iniisip lang nila ay kung paano mapananatili ang kanilang reputasyon at katayuan, kung paano mapapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila na ang kanilang katunggali ay nagdulot na ng banta sa kanilang katayuan, kaya sinusubukan nilang maghanap ng pagkakataon para pabagsakin ito. Kapag nalaman nila na tinanggal ng kanilang katunggali nang di kumokunsulta sa kanila ang isang taong palaging pabasta-bastang gumagawa ng kanyang tungkulin, ituturing nila ito bilang perpektong pagkakataon na paratangan ang kanilang katunggali. Sa harap ng mga kapatid, sasabihin nila, ‘Dahil narito ang lahat ngayon, ihain natin ang usaping ito para mahimay. Hindi ba’t isang kilos ng diktadurya ang pagtatanggal sa isang tao nang walang awtorisasyon, nang hindi ito tinatalakay sa kanyang mga katrabaho o katuwang? Bakit gagawa ng gayong pagkakamali ang isang tao? Hindi ba’t may problema sa kanyang disposisyon? Hindi ba’t dapat siyang pungusan? Hindi ba’t dapat siyang abandonahin ng mga kapatid?’ Sinasamantala nila ang isyung ito at pinalalaki ito para siraan ang kanilang katunggali at itaas ang kanilang sarili. Ang totoo, hindi naman ganoon kalubha ang sitwasyon. Katanggap-tanggap lang naman na mag-ulat pagkatapos tanggalin o italaga sa ibang tungkulin ang isang miyembro ng pangkat basta’t naaayon sa mga prinsipyo ang pagtatanggal at pagtatalaga na iyon sa ibang tungkulin. Gayumpaman, pinalalaki ng mga anticristo ang isyung ito. Sadya nilang inaatake ang kanilang katunggali at itinataas ang kanilang sarili. Hindi ba’t ito ay isang pagpapamalas ng pagpapahirap sa iba? Malupit nilang pinupungusan ang kanilang katunggali, at pinalalaki ang kanilang mga paratang laban dito. … Pinalalaki ng mga anticristong ito ang isang bagay na wala namang kabuluhan: Ito ay simpleng pagganti at personal na paghihiganti” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Nang maharap sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nanginig ang puso ko sa takot. Sa pagbabalik-tanaw ko sa panahon ng pakikipagtulungan ko kay Tian Yu, nakita kong nahigitan niya ako sa bawat aspekto, kaya nabilanggo ako sa isang tiwaling disposisyon ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, nakadama ako ng inggit at pagkamuhi kay Tian Yu. Pakiramdam ko ay sinapawan ako ni Tian Yu, kaya’t naghanap ako ng mga oportunidad para ilantad ang kanyang mga pagkukulang para mapababa ang tingin ng iba sa kanya. Para makamit ito, naghintay ako ng tamang sandali, na parang isang mangangaso na nag-aabang sa kanyang biktima. Nang mabigo ang pagsasaayos ni Tian Yu na sunduin ng isang tao ang mga kapatid, sinadya ko siyang maliitin sa harap ng isang kapatid, sinabing hindi niya kayang magsaayos ng mga bagay-bagay nang tama. Nang nakita ko na si Xin Ru, isang miyembro ng grupo sa ilalim ng pangangasiwa ni Tian Yu, ay hindi gumaganap nang maayos, nalugod ako, para bang nakahanap ako ng isang oportunidad para mapaamin si Tian Yu sa kanyang mga kakulangan. Kaya nang nagdaos ng pagtitipon ang lider kasama kami at nakita kong hindi binanggit ni Tian Yu ang kawalan niya ng pagkilatis, lantaran ko siyang pinuna sa hindi pagkilala sa sarili niya, umaasang mapanghinaan siya ng loob at maipakita sa lider na mas magaling ako sa pagkilatis ng mga tao kaysa sa kanya. Namumuhay ako sa tiwaling disposisyon ng paghahangad ng kasikatan at kapakinabangan, at nang makita kong hindi ko kayang higitan si Tian Yu anuman ang gawin ko, naging negatibo ako at nagpakatamad, at ipinagsawalang-bahala ko ang mga paghihirap na kinahaharap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin at buhay pagpasok, na humahantong sa mga pagkaantala sa gawain ng iglesia. Naisip ko kung paanong si Tian Yu ay may pagpapahalaga sa pasanin ng kanyang mga tungkulin, responsable, at kayang lutasin ang tunay na problema ng mga kapatid, na naging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, pero ginugol ko ang lahat ng oras ko sa pakikipagkompitensiya at pakikipagtunggali sa kanya, at nang hindi ko siya mahigitan, binatikos at ibinukod ko siya. Hindi ko lang sinubukang pahirapan ang isang tao; sinabotahe at ginambala ko rin ang gawain ng iglesia. Anong klaseng tao ang gagawa ng ganitong bagay? Nang mapagtanto ko ito, labis akong nabagabag at hindi ko napigilang umiyak. Dati, inakala kong ako ay isang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at na kayang itaguyod ang gawain ng iglesia, pero sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga katunayan, nakita ko kung gaano ba talaga ako kasuklam-suklam at kawalang pagkatao. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong napagtatanto na hindi lang ito isang maliit na pagbubunyag ng katiwalian, kundi tumatahak na ako sa landas ng isang anticristo. Binalot ng takot ang aking puso, at napagtanto ko kung gaano kamapanganib ang aking sitwasyon, at na kung hindi ako magsisisi, matitiwalag ako at maparurusahan.
Pagkatapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung palagi mong sinasabing sumusunod ka sa Diyos, naghahangad ng kaligtasan, tumatanggap sa pagsisiyasat at patnubay ng Diyos, at tumatanggap at nagpapasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ngunit habang sinasabi mo ang mga salitang ito, ginagambala, ginugulo, at sinisira mo ang iba’t ibang gawain ng iglesia, at dahil sa iyong panggugulo, paggambala, at pagsira, dahil sa iyong kapabayaan o pagpapabaya sa tungkulin, o dahil sa iyong mga makasariling pagnanais at alang-alang sa paghahangad sa sarili mong mga interes, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang marami pang ibang aspekto ay napinsala, hanggang sa puntong lubhang nagulo at nasira ang gawain ng sambahayan ng Diyos, paano, kung gayon, dapat timbangin ng Diyos ang iyong kalalabasan sa iyong aklat ng buhay? Paano ka dapat ilarawan? Sa totoo lang, dapat kang parusahan. Tinatawag itong pagtamo ng nararapat sa iyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag. Hindi ako gumanap ng isang positibong papel sa aking tungkulin, binatikos at ibinukod ko ang kapatid na katuwang ko sa gawain, at ginambala ko ang gawain ng iglesia. Ito ay kinokondena ng Diyos. Mula nang tinanggap ko ang aking tungkulin, palagi kong ipinapahayag na gusto kong hangarin ang katotohanan at palugurin ang Diyos, pero nang maharap ako sa mga katunayan, nakita ko na ang mga layunin ko ay hindi para gampanan ang aking tungkulin o palugurin ang Diyos, kundi para pangasiwaan ang sarili kong katayuan. Palagi kong hinahangad na tingalain ng iba at sa sandaling may isang taong nagbanta sa aking katayuan, naghahanap ako ng pagkakataon para punahin ang kanyang mga kahinaan at gamitin ang kanyang mga pagkukulang, at pagkatapos ay palakihin ito, ginagamit ang mga bagay na ito para batikusin at ibukod siya. Kinakailangan ng gawain ng iglesia ang mas maraming tao na may mahusay na kakayahan na kayang gumawa ng tunay na gawain para makipagtulungan, pero binatikos at binukod ko ang iba, at ginambala at sinira ang gawain ng iglesia. Ito ang ginagawa ng mga diyablo! Nang napagtanto ko ang kalikasan ng aking mga kilos, lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos! Tinamasa ko na ang napakaraming panustos ng Iyong mga salita, pero hindi ako nagsagawa ayon sa Iyong mga salita. Sa halip, sinalungat Kita sa pagsandig sa pamamagitan ng aking satanikong disposisyon. Napakarami kong nagawang kasamaan sa paghahangad ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, pero handa akong magsisi at magsimulang muli.”
Pagkatapos ay nagnilay pa ako, tinatanong ang aking sarili, “Bakit palagi kong hinahangad ang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, kahit ayaw ko naman?” Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at naliwanagan ang aking puso. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pakikipagkompitensiya ko kay Tian Yu para sa kasikatan at kapakinabangan at mga gawa ng kasamaan na salungat sa Diyos ay pawang mga produkto ng panlilihis at pagtitiwali ni Satanas. Iniindoktrinahan ni Satanas ang mga tao ng mga ideya tulad ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Isa lang ang lalaking maaaring manguna.” Ang mga ideyang ito, at iba pang katulad nito, ay malalim nang nakaugat sa aking puso at patuloy na gumagapos at kumokontrol sa akin. Mula pagkabata, saanman ako mapunta, palagi kong gusto na hinahangaan at pinupuri ako, at hindi ito naging iba pagdating sa mga tungkulin ko sa iglesia. Anuman ang tungkuling ginagawa ko, palagi kong gustong mamukod-tangi at mapansin, at basta’t nakakamit ko ang paghanga at suporta ng mga tao, handa akong tiisin ang anumang pahihirap. Nang makita kong mas mahusay si Tian Yu sa akin sa kapabilidad sa gawain, kakayahan, at iba pang aspekto, pakiramdam ko na parang nakatayo ako sa anino ng isang napakalaking puno, na pumipigil sa akin na mamukod-tangi o mapansin. Pakiramdam ko na na napipigilan at nasasakal ako, at sa puso ko, nainggit at naghinanakit ako kay Tian Yu, hinihiling na magkamali siya at mapahiya, o kahit matanggal sa kanyang mga tungkulin. Alam na alam ko naman na masyadong mabigat ang gawain para mapangasiwaan ko mag-isa, na si Tian Yu ay isang mahusay na manggagawa, at na ang pagtutulungan namin ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, pero alang-alang sa sarili kong mga interes, hindi ko lang hindi sinuportahan ang gawain niya, kundi inatake at binukod ko pa siya. Hindi lang nito nasaktan si Tian Yu kundi nakaantala pa sa gawain ng iglesia. Tunay ngang wala akong pagkatao! Napagtanto ko na ang pag-asal ko batay sa mga ideya tulad ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” at “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” na ginagamit ni Satanas para indoktrinahan ang mga tao ay ginawa akong mapagmataas at walang katwiran, at ang disposisyon ko ay lalong nagiging mas mapaminsala. Ginawa rin nitong mas makitid ang aking pag-iisip, at mawala ang aking pagkatao. Sa totoo lang, nang nakita kong nasaktan ko si Tian Yu pakiramdam ko ay naakusahan ako, pero sa tuwing nakikita kong nangingibabaw at napapansin si Tian Yu, hindi ko mapigilang magselos sa kanya. Ginusto kong iwaksi ang ganitong kalagayan, pero sadyang ko magawa. Gaya ng sinabi ng Diyos: “suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito.” Nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, hindi ko mapigilang maiyak. Pakiramdam ko ay direktang nangungusap ang mga salita ng Diyos sa aking puso at lubos akong naantig ng mga ito. Sa puntong ito ay halos tatlong taon na kaming nagtutulungan ni Tian Yu, at ilang beses nang nakipagbahaginan sa akin ang lider tungkol sa isyu ko sa pakikipagtunggali para sa kasikatan at kapakinabangan, inilalantad at pinupungusan pa nga ako, at noong panahong iyon, nakikilala ko ito at labis kong kinamuhian ang sarili ko, pero nang naharap muli ako sa parehong sitwasyon, bumalik lang ako sa dating masasamang gawi. Dahil patuloy kong hinangad ang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, sinasabotahe at ginagambala pa nga ang gawain ng iglesia kapag walang nakatingin, sinalungat ko ang disposisyon ng Diyos at sumapit sa akin ang pagkastigo at pagdidisiplina ng DIyos. Nagkasakit ako, pero hindi pa rin ako nagnilay sa aking sarili, at saka lang ako natakot nang sa wakas ay tinanggal na ako. Nakita kong talagang wala na sa kontrol ang paghahangad ko ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan. Sa wakas, naunawaan ko kung bakit ayaw ng Diyos na maghangad ang mga tao ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan. Kung wala ang pagliligtas ng Diyos, lalo lang akong malulugmok!
Nanalangin ako sa Diyos, gusto kong hanapin ang katotohanan at iwaksi ang mga gapos ng satanikong disposisyong ito. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng ilang landas sa pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—makakamit lang ito ng mga tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang maaabandona ng isang tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na niyang nakilala ang kanyang sarili. Hindi madaling iwaksi ang sariling tiwaling disposisyon. Kung inaamin mo na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagbubunyag ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na makakasalubong ka ng mga balakid at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagbubunyag ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o may walang hanggang makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tumutol dito dahil naniniwala kang mayroon kang kakayahan at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, ‘May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at isang ordinaryong tao lamang ako. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.’ Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong tratuhin nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. … Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang kahihinatnan ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras, hanapin ang katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, matatandaan at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga pagnanais at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang determinasyon para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahangad sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka. Kapag naharap ang mga nagmamahal sa katotohanan sa isa o dalawang kabiguan at dagok pagdating sa kanilang reputasyon at katayuan, malinaw nilang nakikita na wala talagang anumang halaga ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Nagagawa nilang lubos na talikuran ang katayuan at reputasyon, at pagpasyahan na, kahit hindi sila kailanman nagtataglay ng katayuan, patuloy pa rin nilang hahangarin ang katotohanan at gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at ibabahagi ang kanilang patotoong batay sa karanasan, sa gayon ay matamo ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos. Kahit mga ordinaryong tagasunod sila, may kakayahan pa rin silang sumunod hanggang wakas, at ang tanging gusto nila ay matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong ito lamang ang tunay na nagmamahal sa katotohanan at may determinasyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na para maiwasang hangarin ang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, dapat munang aminin ng isang tao ang kanyang mga kakulangan at kapintasan, at aktibo rin na ilantad ang sarili niya sa harap ng mga kapatid, aminin ang sarili niyang mga katiwalian at pagkukulang. Bukod pa rito, kapag lumilitaw ang tiwaling disposisyon ng isang tao sa pakikipagtunggali para sa kasikatan at kapakinabangan, dapat siyang manalangin sa Diyos na maghimagsik laban sa sarili niya, at palitan ito ng pagsasagawa sa katotohanan para mapigilan ang sarili niya sa paggawa ng masasamang gawa na gagambala at gugulo sa gawain ng iglesia. Naisip ko ang tungkol sa mahusay na kakayahan, kakanyahan sa gawain ni Tian Yu, at ang kanyang kapasidad na makipagbahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga isyu ng mga kapatid. at tungkol sa kung paano isinaayos ng iglesia si Tian Yu na makipagtulungan sa akin para punan ang aking mga pagkukulang, at kung paanong kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito kapwa sa gawain at sa aking sariling buhay pagpasok. Mula ngayon, kapag nakatagpo ako ng mga kapatid na may mas mahusay kakayahan kaysa sa akin at mas superyor kaysa sa akin, kailangan ko silang tratuhin nang tama, at tanggapin ang kanilang mga kalakasan para punan ang aking mga sariling pagkukulang. Kalaunan, nakita ng lider na natuto ako ng ilang aral at itinalaga ako sa isang tungkulin. Habang ginagawa ang aking tungkulin, muli kong nakita si Tian Yu. Pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa kanya, kaya nagkusang-loob akong ilantad ang aking tiwaling disposisyon sa kanya. at nagtapat din siya tungkol sa ibinunyag niyang katiwalian noong nagtutulungan kami. Habang mas nakikipagbahaginan ako sa kanya, mas nakaramdam ako ng kagaanan at paglaya.
Noong Abril 2024, naatasan akong gawin ang gawain ng paglilinis sa iglesia at makipagtulungan kay Sister Liu Xin. Si Liu Xin ay may mahusay na kakayahan at kakayanan sa gawain. Minsan, nagpunta kami para makipagkita sa dalawang kapatid, at napansin namin na ang saloobin nila sa gawain ng paglilinis ay medyo pabaya. Pagkatapos ay ginamit ni Liu Xin ang mga kaugnay na salita ng Diyos para makipagbahaginan sa kanila. Pagkatapos ng kanyang pakikipagbahaginan, talagang sumang-ayon ang dalawang kapatid sa sinabi ni Liu Xin, at sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay parang wala ako roon, at naisip ko, “Si Liu Xin lang ang nakikipahaginan sa kanila ngayong umaga. Ano ang iisipin nila sa akin?” medyo nainis ako, at dahil nandoon si Liu Xin, hindi ako ang napapansin. Sa sandaling iyon, napagtanto ko na namumuhay muli ako sa kalagayan ng pakikipagtunggali para sa kasikatan at kapakinabangan, at kaya nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, “O Diyos, tulungan Mo akong umasal at gawin ang aking tungkulin ayon sa Iyong mga salita, at huwag mamuhay nang sumasandig sa isang satanikong disposisyon.” Nang pinagnilayan ko ang kasamaang nagawa ko dahil sa paghahangad ng kasikatan at kapakinabangan at ang pagdurusang idinulot nito sa akin, naisip ko, “Hindi ako puwedeng magpatuloy sa landas ng pagkabigo. Kailangan kong pagtuunan ang aking tungkulin at isaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Pumunta ako rito ngayon para ipatupad ang gawain ng paglilinis, hindi ang makipagkompitensiya o ikumpara ang sariili ko sa aking kapatid. Kailangang matuto akong makipagtulungan nang maayos sa aking kapatid.” Nang maisip ko ito, naging kalmado ang aking puso. Pinunan ko ang anumang kakulangan sa pakikipagbahaginan ni Liu Xin, at nakipagtulungan ako sa kanya at nakipagbahaginan para lutasin ang mga isyu. Sa huli, nagkamit ng kaunting pagkaunawa ang dalawang kapatid sa kanilang mga isyu at naging handa silang magbago. Natikman ko rin ang tamis ng pagsasapuso ko sa aking tungkulin.
Sa pamamagitan ng paghatol, paglalantad, pagtutuwid, at pagdisiplina ng mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita ang pagdurusang idinulot sa akin ng paghahangad ng kasikatan, kapakinabang, at katayuan, at nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis kung paano ginagamit ni Satanas ang kasikatan at kapakinabangan para igapos ang mga tao. Ngayon ay mas wala na akong pakialam sa kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, at dama ko nang ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga. Pinasasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!