53. Natutuhan Kong Maging Responsable sa Tungkulin Ko
Noong Hulyo 2021, napili ako bilang isang lider ng iglesia. Naisip ko, “Ang makapag-ako ng ganito kahalagang tungkulin sa edad na mahigit animnapung taon ay tunay na pagtataas ng Diyos.” Nagpasya akong gawin ang makakaya ko sa tungkuling ito. Pagkatapos, isinubsob ko ang sarili ko sa tungkulin, dumadalo ako sa mga pagtitipon ng grupo at nilulutas ko ng mga isyu ng mga kapatid, at nagpapakaabala ako araw-araw. Pagkalipas ng ilang panahon, nagsimulang magpakita ng kaunting pagbuti ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at medyo natuwa ako. Noong Agosto ng sumunod na taon, napili ako bilang isang mangangaral at naging responsable ako sa gawain ng dalawang iglesia. Naisip ko, “Abala na nga ako sa isang iglesia, at ngayon, magiging responsable pa ako sa isa pang iglesia. Hindi ba’t lalo lang akong mapapagod dahil doon? Kakayanin ba ng katawan ko ang pagkilos nang ganito? Isa pa, hindi masyadong maganda ang mga resulta ng gawain sa isa pang iglesia, kaya lalong madaragdagan ang aalalahanin ko!” Pagkatapos itong pag-isipan, napagpasyahan kong ayaw kong tanggapin ang tungkuling ito. Naisip ko, “Anong dahilan ang puwede kong gamitin para tanggihan ito? Siguro ay puwede kong sabihing masyado na akong matanda, at na wala akong enerhiya o lakas para maging responsable sa isa pang iglesia at na maaantala ang gawain, at pagkatapos ay imumungkahi kong maghanap sila ng mas bata.” Pero medyo hindi ako mapalagay sa pag-iisip sa ganitong paraan. Hindi ba’t iniiwasan ko lang ang tungkulin ko? Habang nasa dulo na ng dila ko ang mga salita, nagpasya akong manahimik. Kaya tinanggap ko ang tungkulin ng isang mangangaral.
Pagkatapos niyon, ang bawat oras ng bawat araw ay napuno ng mga pagsasaayos, at minsan ay kailangan ko pa ngang madaliin ang pagkain at laktawan ang ilang hakbang. Sa lahat ng kaabalahang ito, hindi ko mapigilang isipin, “Matanda na ako, kaya ba ng katawan kong magpatuloy nang ganito? Paano kung matumba ako sa pagod? May mga lider ang parehong iglesia, at medyo maagap sila sa pangungumusta sa gawain. Sa pakikipagtulungan nila, hindi ko na kakailanganing mahigpit na kumustahin ang mga bagay-bagay. Dapat ay mas magpahinga ako. Sa edad ko, dapat akong maglaan ng panahon para alagaan ang sarili ko. Hindi ba’t mas magmumukha akong matanda kung palagi akong masyadong mag-aalala?” Nang maisip ko ito, nakahinga ako nang maluwag, iniisip na, “Kung ginawa ko ito nang mas maaga, hindi sana ako masyadong naging abala. Siguro ay hindi lang ako marunong mag-iskedyul ng mga bagay-bagay! Basta’t isasaayos ko nang maayos ang mga bagay-bagay, hindi magiging kasingbigat ng iniisip ko ang tungkuling ito.” Pagkatapos niyon, mas madalang na akong mangumusta sa gawain ng ebanghelyo at pagdidilig. Pagkauwi ko pagkatapos ng mga pagtitipon, hindi ko na masyadong iniisip ang gawain, naniniwalang kinukumusta ito ng mga lider ng iglesia. Nanonood lang ako ng mga video ng patotoong batay sa karanasan at tumutugon sa mga tanong ng mga kapatid, nababawasan nang malaki ang presyur na nararamdaman ko, at iniisip kung paano gagawa ng ilang masarap, masustansyang pagkain para mapabuti ang kalusugan ko. Nang hindi ko man lang namamalayan, lumipas na ang isang buwan. Pumunta ako sa mga iglesia para siyasatin ang gawain, para lang matuklasang walang ni isa sa iglesia ang nagkamit ng anumang bagong mananampalataya sa buwang iyon. Nagulat ako nang mabalitaan ito, iniisip na, “Ano ang nangyayari? Naging abala sa pakikipagtulungan ang mga lider ng iglesia, kaya bakit hindi nagkaroon ng anumang resulta ang gawain ng ebanghelyo? Hindi dating ganito ka-di-epektibo ang gawain ko bilang isang lider ng iglesia!” Agad akong lumapit sa Diyos para magdasal, “O Diyos, hindi nagkaroon ng anumang resulta ang gawain ng ebanghelyo ng parehong iglesia sa buwang ito, at hindi ko alam kung nasaan ang problema. Pakiusap, patnubayan Mo akong mahanap ang dahilan nito.” Pagkatapos magdasal, napagtanto kong namumuhay ako alang-alang sa laman ko kamakailan, iniisip lang ang pagkain nang mabuti, pag-inom nang mabuti, at pagpapahinga, nang walang anumang pagpapahalaga sa pasanin sa tungkulin ko. Hindi ko sinisiyasat o nilulutas sa oras ang mga problema sa gawain, at direkta akong may pananagutan sa kawalan ng resulta sa gawain! Kaya agad akong pumunta sa mga lider ng iglesia para ibuod ang mga dahilan. Natuklasan kong kahit na ipinatupad ng mga lider ng iglesia ang gawain, iniatas lang nila ang mga gampanin, at hindi sila gumawa ng anumang pangungumusta o pangangasiwa, ibig sabihin, hindi lubos na naipatupad ang gawain. Malinaw na malinaw ito sa gawain ng ebanghelyo, kung saan nananatili ang mga kapatid sa mga paghihirap, at nakita ng mga lider ng iglesia ang mga ito bilang mga aktuwal na paghihirap, at hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Pagkatapos maunawaan ang sitwasyon, napagtanto kong naging pabaya ako sa mga tungkulin ko, kaya nagtapat ako sa kanila tungkol sa kamakailang kalagayan ko at agad na nakipagbahaginan sa mga lider ng iglesia kung paano kukumustahin ang gawain, hindi nangangahas na antalain pa ito.
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dapat na aktibong suriin ng mga lider at manggagawa ang gawain ng bawat pangkat, kumpirmahin ang mga sitwasyon ng bawat miyembro ng pangkat, kung mayroon bang sinumang mga hindi mananampalataya roon para lang dumami ang mga bilang o mga hindi mananampalataya na nagpapakalat ng pagiging negatibo at mga kuru-kuro para guluhin ang gawain ng iglesia, at sa sandaling matuklasan sila, dapat na ganap na ilantad at paalisin ang mga taong ito. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa; hindi sila dapat maging pasibo, hindi dapat maghintay ng mga utos at panghihimok mula sa Itaas para kumilos, ni gumawa lang ng kaunting bagay kapag nananawagan ang mga kapatid para dito. Sa kanilang gawain, dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga layunin ng Diyos at maging tapat sila sa Kanya. Ang pinakamainam na paraan ng pagkilos para sa kanila ay ang aktibong kilalanin at lutasin ang mga problema. Hindi sila dapat manatiling pasibo, lalo na’t mayroon silang ganitong kasalukuyang mga salita at pagbabahaginan para maging batayan nila. Dapat silang magkusang lutasin nang lubusan ang mga aktuwal na problema at paghihirap sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at gawin ang kanilang gawain nang mismong ayon sa nararapat. Dapat agad at aktibo nilang subaybayan ang pag-usad ng gawain; hindi sila maaaring palaging maghintay ng utos at panghihimok mula sa Itaas bago sila kumilos nang may pag-aatubili. Kung ang mga lider at manggagawa ay palaging negatibo at pasibo at hindi gumagawa ng totoong gawain, hindi sila karapatdapat na maglingkod bilang mga lider at manggagawa, at dapat silang tanggalin at italaga sa ibang tungkulin. Maraming lider at manggagawa ngayon na lubhang pasibo sa kanilang gawain. Gumagawa lang sila ng kaunting gawin kapag inuutusan at itinutulak sila ng Itaas; kung hindi, nagpapakatamad sila at ipinagpapaliban ang mga gawain. … Matapos isaayos ng Itaas ang gawain, magiging abala sila nang sandali, ngunit pagkatapos maisagawa ang maliit na bahaging iyon ng gawain, hindi na nila alam kung ano ang susunod na gagawin dahil hindi nila nauunawaan kung ano ang mga tungkulin na dapat nilang gawin. Hindi kailanman malinaw sa kanila ang tungkol sa gawain na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kung alin ang dapat nilang gampanan; sa kanilang paningin, walang gawain na kailangang gawin. Ano ang nangyayari kapag tingin ng mga tao na walang gawaing kailangang gawin? (Hindi sila nagdadala ng pasanin.) Sa tumpak na pananalita, hindi sila nagdadala ng pasanin; masyado rin silang tamad at nag-iimbot ng kaginhawahan, nagpapahinga sila hangga’t maaari sa tuwing magagawa nila, at sinisikap nilang iwasan ang anumang gampanin. Madalas isipin ng mga tamad na taong ito, ‘Bakit ba ako labis na mag-aalala? Tatanda lang ako kaagad kapag masyado akong nag-aalala. Paano ako makikinabang sa paggawa niyan, at sa masyadong pagpapakaabala, at pagpapakapagod nang husto? Ano ang mangyayari kung mapagod ako nang sobra at magkasakit? Wala akong perang pampagamot. At sino ang mag-aalaga sa akin pagtanda ko?’ Ganito kapasibo at kaatrasado ang mga tamad na taong ito. Wala sila ni katiting na katotohanan, at wala silang nakikita nang malinaw. Malinaw na isang pangkat sila ng mga taong naguguluhan, hindi ba? Lahat sila ay magulo ang isip; hindi nila alintana ang katotohanan at wala silang interes dito, kaya paano sila maliligtas? Bakit laging walang disiplina at tamad ang mga tao, na para bang mga buhay na bangkay sila? Tinutukoy nito ang isyu sa kanilang kalikasan. May isang uri ng katamaran sa kalikasan ng tao. Anuman ang gampaning ginagawa ng mga tao, lagi nilang kailangan ng ibang tao para pangasiwaan at udyukan sila. Minsan, isinasaalang-alang ng mga tao ang laman, nag-iimbot sila sa pisikal na kaginhawahan, at lagi silang may itinatabi para sa kanilang sarili—ang mga taong ito ay puno ng mga maladiyablong layunin at mga tusong pakana; talagang wala silang kuwenta. Hindi nila ginagawa palagi ang pinakamakakaya nila, anumang mahalagang tungkulin ang kanilang ginagawa. Ito ay pagiging iresponsable at hindi tapat” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26)). Nakita ko na hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa na aktibong kumustahin ang gawain, maagap na lutasin ang mga problema at tiyaking ipinatutupad ang iba’t ibang aytem ng gawain. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Inalala ko noong una akong napili bilang isang lider ng iglesia. May pagpapahalaga ako sa pasanin at responsabilidad sa tungkulin ko, at nadama ko rin ang patnubay ng Diyos sa paggawa ng tungkulin ko. Nagawa kong tukuyin at lutasin ang mga problema sa gawain, at nasiyahan ako at namuhay nang may kumpiyansa sa sarili. Pagkatapos maging responsable sa gawain ng dalawang iglesia, naging abala ako araw-araw, at nag-alala ako na, kung isasaalang-alang ang edad ko, baka sobra-sobra ang antas ng kapagurang ito para sa katawan ko, kaya atubili akong gawin ang tungkuling ito. Dahil nakikitang ipinatutupad ng mga lider ng iglesia ang gawain, sinamantala ko ang sitwasyon, at naisip kong dahil ginagawa ng mga lider ang mga bagay-bagay, puwedeng mas madalang kong kumustahin ang mga bagay-bagay, at hindi malalaman ng mga nakatataas na lider. Tumuon lang ako sa pagkain, pag-inom, at pag-aalaga sa katawan ko, at ang resulta, pagkalipas ng isang buwan, walang naging resulta sa gawain ng ebanghelyo ng parehong iglesia. Hindi ba’t naantala ko ang gawain? Noong umpisa, karaniwan lang ang kakayahan ko, at wala akong anumang espesyal na talento, at talagang hindi ako karapat-dapat sa ganoon kahalagang tungkulin. Itinaas ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakataong magsanay, pero hindi ko ito pinahalagahan. Hindi ko nagampanan nang maayos ang tungkulin ko, palagi kong isinasaalang-alang at binibigyang-layaw ang laman ko, at naging iresponsable ako sa tungkulin ko. Sadyang tamad ako, at walang anumang katapatan. Naisip ko si Noe, na napakatanda na rin nang tanggapin niya ang atas ng Diyos, pero hindi niya isinaalang-alang ang katawan o ang mga paghihirap niya. Masipag siyang gumawa araw-araw, ipinangangaral ang ebanghelyo habang itinatayo ang arka, at kahit gaano pa ito kanakakapagod o kahirap, nanatili siyang matatag. Isinapuso niya ang atas ng Diyos, at pagkatapos siyang tagubilinan ng Diyos na itayo ang arka, nagkaroon siya ng puso at pagpapahalaga sa responsabilidad, at ginawa lang niya ang mga bagay-bagay gaya ng ipinagagawa sa kanya ng Diyos. Sa huli, natapos niya ang atas ng Diyos at natanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Naisip ko rin ang ilang matandang kapatid sa iglesia, ilan sa kanila ay mahigit walumpung taong gulang na at nangangaral pa rin ng ebanghelyo. Nasa sisenta anyos pa lang ako at nasa mabuting kalusugan. Hindi malaki ang saklaw ng dalawang iglesia, at hindi ako magkakasakit o matutumba sa pagod dahil doon. Pero ayaw kong dalhin kahit ang mga pasaning iyon na pasok sa kapasidad ko. Kumpara sa kanila, talagang nahiya ako! Nagdasal ako sa Diyos, sinasabing “O Diyos, pagtataas at biyaya Mo na magawa ko ang tungkuling ito, pero naging pabaya at tuso ako, at nakapagdulot ako ng pinsala sa gawain ng iglesia. Talagang wala akong pagkatao! Pagbubunyag at pagliligtas Mo ito sa akin, at handa akong magsisi. Kung patuloy akong magpapakasasa sa mga ginhawa ng katawan, nawa ay sumapit sa akin ang pagtutuwid at pagdidisiplina Mo!”
Pagkatapos, hinanap ko ang mga nauugnay na salita ng Diyos tungkol sa kalagayan ko ng pagbibigay-layaw sa katawan. Nakabasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang laman ng tao ay tulad ng ahas: Ang diwa nito ay ang mapinsala ang kanyang buhay—at kapag ito nga ay ganap na nagtagumpay, mawawala ang iyong buhay. Ang laman ay pagmamay-ari ni Satanas. Palaging may maluluhong pagnanasa sa loob nito, iniisip lamang nito ang sarili nito, at palagi itong nagnanais ng kapanatagan at gustong magpakasasa sa kaginhawahan, ganap na walang pagkabahala at pag-aapura, nalulugmok sa katamaran, at kung tutugunan mo ito hanggang sa isang partikular na punto, sa huli ay lalamunin ka nito. Na ang ibig sabihin, kung bibigyang-kasiyahan ninyo ito ngayon, hihilingin nito sa iyo na palugurin uli ito sa susunod. Lagi itong may maluluhong pagnanasa at mga bagong kahilingan, at sinasamantala ang iyong pagkabuyo sa laman upang gawin kang mas pahalagahan ito at mamuhay kasama ng mga ginhawa nito—at kung hindi mo ito kailanman malalampasan, sisirain mo ang iyong sarili sa huli. Kung makakapagkamit ka ng buhay sa harap ng Diyos, at kung ano ang iyong kalalabasan sa huli, ay nakasalalay sa kung paano mo isinasagawa ang iyong paghihimagsik laban sa laman. Iniligtas ka ng Diyos, at ikaw ay pinili at itinalaga, ngunit kung ngayon ay ayaw mo Siyang bigyang-kasiyahan, ayaw mong isagawa ang katotohanan, ayaw mong maghimagsik laban sa iyong sariling laman nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, sa huli ay ipapahamak mo ang iyong sarili, at sa gayon ay magtitiis ka ng matinding sakit. Kung lagi mong pinagbibigyan ang laman, dahan-dahan kang lulunukin ni Satanas, at iiwan kang walang buhay, o haplos ng Espiritu, hanggang dumating ang araw na ganap nang madilim ang kalooban mo. Kapag nabubuhay ka sa kadiliman, bibihagin ka ni Satanas, hindi mo na taglay ang Diyos sa puso mo, at sa panahong iyon ay ikakaila mo ang pag-iral ng Diyos at iiwanan Siya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. … Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagbibigay-layaw sa laman. Habang mas binibigyang-layaw at pinapahalagahan ng isang tao ang laman, lalong tumitindi ang mga pagnanais nito, na sa huli ay humahantong sa pagkapahamak ng isang tao. Namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Maikli ang buhay, kaya magpakasaya ka hanggang kaya mo,” at “Ang buhay ay tungkol sa pagkain nang mabuti at pananamit nang maganda.” Binaluktot ng mga ito ang mga kaisipan at pananaw ko, idinudulot sa aking isipin na hindi dapat maging masyadong nakakapagod ang buhay, na ang kaginhawahan ng laman at pagbibigay-layaw sa katawan ang tunay na kaligayahan at pundasyon ng isang magandang buhay. Nang mabigyan ng pagkakataon, isinaalang-alang ko lang ang laman ko. Sa ganitong paraan ako namuhay bago sumampalataya sa Diyos, pakiramdam ko, ang pag-upo sa kama habang kumakain ng prutas at mga buto at nanonood ng telebisyon ang sagisag ng isang kasiya-siyang buhay, kaya umiiwas ako sa gawain kung maaari at nagpapahinga sa tuwing may oras ako. Minsan, makakakita ako ng matatandang nakaupo sa ilalim ng mga puno, namamahinga at pinapaypayan ang sarili nila, at talagang maiinggit ako, hinihiling na sana ay puwede akong mamuhay nang ganoon balang araw. Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, hindi ako natutuwa sa tuwing nagiging abala ako dahil sa tungkulin ko, palaging natatakot sa hirap at pagod, at ayaw kong umako ng masyadong maraming usapin. Naging pabaya ako sa tungkulin ko at hindi nagkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad. Talagang makasarili, kasuklam-suklam, at wala akong pagkatao, at hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harapan ng Diyos! Sa yugto ng panahong iyon, kumain at uminom ako nang mabuti at inalagaan nang mabuti ang katawan ko, pero naantala ko ang gawain ng iglesia. Paggawa ito ng masama! Nakita kong ang pamumuhay ayon sa makasarili at kasuklam-suklam na satanikong disposisyon at pagtuon sa pagbibigay-layaw sa katawan ay nagdudulot sa mga taong lalong maging tamad, umiwas sa paggawa ng tunay na gawain, at sa huli ay maging mga huwad na lider at manggagawa na nabubunyag at natitiwalag. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, nagdasal ako sa Diyos at nagsisi, “O Diyos, hindi ko natupad nang maayos ang tungkulin ko, may utang na loob ako sa Iyo at may kasalanan ako sa mga kapatid. Nauunawaan ko na ngayon ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagbibigay-layaw sa laman, at ayaw ko na ulit magbigay-layaw sa laman ko at maantala ang gawain ng iglesia.”
Pagkatapos, nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Mangyaring ibahagi ang inyong mga saloobin. (Upang matupad ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. Sabihin ninyo sa Akin, kung ang pang-araw-araw na kilos at kaisipan ng isang tao sa buong buhay niya ay nakatuon lamang sa pag-iwas sa sakit at kamatayan, sa pagpapanatiling malusog at malaya sa mga sakit ang kanilang katawan, at pagsusumikap na magkaroon ng mahabang buhay, ito ba ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? (Hindi.) Hindi iyon ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao. Kaya, ano ang halaga na dapat taglay ng buhay ng isang tao? Ngayon lang, may nagbanggit ng paggampan sa tungkulin ng isang nilikha, na isang partikular na aspekto. May iba pa ba? Sabihin ninyo sa Akin ang mga mithiin na karaniwang mayroon kayo habang nananalangin o nagpapasya. (Ang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos para sa amin.) (Ang gampanan nang mabuti ang tungkuling itinalaga ng Diyos para sa amin, at tuparin ang aming misyon at responsabilidad.) May iba pa ba? Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pa, ito ay tungkol sa paggawa ng lahat ng bagay na saklaw ng iyong abilidad at kapasidad sa abot ng iyong makakaya, kahit umabot man lang sa punto kung saan hindi ka inuusig ng iyong konsensiya, kung saan maaaring maging payapa ang konsensiya mo at mapatunayang katanggap-tanggap ka sa paningin ng iba. Dagdag pa rito, sa buong buhay mo, saang pamilya ka man isinilang, anuman ang pinag-aralan mo, o ang iyong kakayahan, dapat mayroon kang pag-unawa sa mga prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao sa buhay. Halimbawa, anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao, paano sila dapat mamuhay, at paano mamuhay nang makabuluhan—dapat mong tuklasin kahit kaunti ang tunay na halaga ng buhay. Hindi maaaring ipamuhay nang walang kabuluhan ang buhay na ito, at hindi maaaring pumarito sa mundong ito ang isang tao nang walang kabuluhan. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. … Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, at tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin ang pagkanunawa sa katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka mag-aatubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng lahat ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan, kalayaan, at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang makapamuhay nang makabuluhan. Ibig sabihin nito, sa puso mo, may makakamit ka at mabibigyang-ginhawa ka. Paano naman iyong mga busog, at nagpapanatili ng kulay-rosas na kutis hanggang kamatayan? Hindi sila naghahangad ng makabuluhang buhay, kaya, ano ang nararamdaman nila kapag namatay sila? (Na parang namuhay sila nang walang kabuluhan.) Ang apat na salitang ito ay tumatagos—namumuhay nang walang kabuluhan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (6)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong magkakaroon lang ang isang tao ng mahalaga at makabuluhang buhay sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha. Ito rin ang pinakatamang desisyon. Naalagaan ko nang mabuti ang sarili ko, pero hindi ko nagagawa nang maayos ang tungkulin ko. Hindi ba’t sinasayang ko lang ang buhay ko sa ganitong paraan? Pagdating ng araw na haharap na ako sa kamatayan ko, mga pagsisisi at panghihinayang lang ang matitira sa akin. Katulad lang ng mga sekular na tao, na, sa kabila ng pagtatamasa ng mas maraming pisikal na kasiyahan at pamumuhay nang komportable, hindi nila nauunawaan ang halaga o kabuluhan ng buhay at namumuhay sila nang walang direksiyon o layunin. Natagpuan ko ang tamang landas sa buhay at alam ko kung paano mamuhay, at ayaw ko nang mamuhay alang-alang sa laman ko sa ganitong paraan. Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, magkaroon ng mahalaga at makabuluhang buhay, at hindi mamuhay nang walang kabuluhan. Sa katunayan, sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga tungkulin ng isang lider at mangangaral at pakikipagbahaginan nang mas madalas sa mga kapatid para ipatupad ang gawain, nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga katotohanang dati ay hindi ko naarok. Kahit na may kaunting pagod at hirap sa katawan, parang hindi naman talaga ako masyadong nagdurusa, at dahil naibibigay ko ang lahat sa tungkulin ko, naging praktikal ang pakiramdam ko at nasiyahan ako. Sa pamamagitan ng aktuwal na pakikipagtulungan at pag-asa sa Diyos, maraming paghihirap ang nalutas nang ni hindi ko napapansin, at sa pagbubunga rin ng mga resulta ng pagganap ko sa tungkulin ko, nagalak ang puso ko. Mapupuno lang ang puso ko ng kagalakan at magkakaroon ng tunay na pakiramdam ng katatagan at kapayapaan sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa laman ko at paggawa ng aktuwal na gawain. Sa pagkaunawa sa mga bagay na ito, mas sumigla at naging praktikal ang pakiramdam ng puso ko.
Nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay unawain at arukin kung kumusta na ang gawain. Dapat naroroon mismo siya upang mag-asikaso ng mga bagay-bagay at magtanong, upang direkta niyang makalap ang impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga usap-usapan, o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao. Sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanyang mga mata ang sitwasyon ng tauhan, at kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at unawain kung anong mga problema ang mayroon, kung may anumang aspekto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng Itaas, kung may mga paglabag ba sa mga prinsipyo, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan o mga nauugnay na materyales sa pagtuturo tungkol sa propesyonal na trabaho—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa karami ang mahinuha niya mula sa mga sabi-sabi, wala sa mga ito ang makakatalo sa personal na pagbisita; mas tumpak at maaasahan kung makikita nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang mga mata. Sa sandaling pamilyar na siya sa lahat ng aspekto ng sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Lalong dapat mayroon siya ng isang malinaw at tumpak na pagkaarok sa kung sino ang may mabuting kakayahan at karapat-dapat na linangin, dahil ito lang ang nagpapahintulot sa kanila na tumpak na linangin at gamitin ang mga tao, na siyang napakahalaga para magawa ng mga lider at manggagawa ang gawain nila nang mahusay. Ang mga lider at manggagawa ay dapat may landas at mga prinsipyo sa kung paano lilinang at magsasanay ng mga taong may mabuting kakayahan. Dagdag pa rito, dapat may pagkaarok at pagkaunawa sila sa iba’t ibang uri ng problema at paghihirap na umiiral sa gawain ng iglesia, at alam nila kung paano lutasin ang mga ito, at dapat may sarili rin silang mga ideya at mungkahi kung paano mapapausad ang gawain, o ang mga pagkakataon nito sa hinaharap. Kung malinaw silang nakapagsasalita tungkol sa gayong mga bagay nang walang kahirap-hirap, nang walang anumang pagdududa o agam-agam, lalong magiging mas madaling isagawa ang gawain. At sa paggawa sa ganitong paraan, maisasakatuparan ng isang lider ang mga responsabilidad niya, hindi ba? Dapat batid nilang mabuti kung paano lutasin ang mga isyu sa gawaing nabanggit sa itaas, at dapat nilang pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito. Kapag nakakatagpo sila ng mga problema, kailangan nilang makipagbahaginan at makipagtalakayan tungkol sa mga bagay na ito kasama ang lahat, hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyu. Sa paggawa ng tunay na gawain sa ganitong praktikal na paraan, hindi magkakaroon ng mga problemang hindi malulutas” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (4)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang isang tunay na mabuting lider ay maingat at responsableng pinangangasiwaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nagbibigay-layaw sa laman, inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at ginagawa ang mga tungkulin niya ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Sa tuwing lumilitaw ang mga paghihirap sa isang gampanin, hinahanap niya ang katotohanan kasama ang mga kapatid para lutasin ang mga iyon. Bilang isang lider at manggagawa, para mahusay na makapagtrabaho, dapat ay ganap niyang puntahan ang lugar ng gawain, detalyadong siyasatin at kumustahin ang gawain, at agad na tuklasin at lutasin ang mga isyu, sa halip na magbigay lang ng mga utos o makinig sa mga ulat. Hindi magkakaroon ng magagandang resulta ang ganitong uri ng pamamaraan. Inisip ko kung paano ko ginampanan ang tungkulin ko, binibigyang-layaw ang laman ko at gumagawa nang pabasta-basta, nang hindi sinisiyasat ang mga detalye o nilulutas ang mga isyu kahit na matukoy ko ang mga iyon. Hindi ko tinutupad ang mga responsabilidad bilang isang lider, at naging isa lang akong huwad na lider na nagtamasa ng mga pakinabang ng katayuan, nagdudulot sa Diyos na mamuhi at masuklam sa akin. Pagkatapos nito, sinimulan kong gumugol ng oras sa lugar ng gawain, sinisiyasat at nilulutas ang mga problema, detalyadong sinusuri ang mga paghihirap ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at nakikipagbahaginan tungkol sa mga solusyon. Pagkatapos ng isang yugto ng pakikipagtulungan, medyo gumanda ang mga resulta ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia.
Kalaunan, umako ako ng responsabilidad sa ilan pang iglesia, pangunahing tumutuon sa gawain ng ebanghelyo, at halos araw-araw ay abala ako mula madaling araw hanggang dis-oras ng gabi. Minsan, naiisip ko, “Medyo matanda na ako ngayon at medyo mataas ang presyon ng dugo ko, talaga bang kaya ng katawan kong magpatuloy nang ganito?” Nang makita kong nagtutulungan ang mga diyakono ng ebanghelyo at lider ng grupo, ayaw ko nang kumustahin ang mga detalye, para hindi masyadong mapagod ang laman ko. Sa puntong ito, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa iyong tungkulin at sa dapat mong gawin, at sa mas higit pa roon, sa iniatas ng Diyos at sa iyong obligasyon, gayundin sa mahalagang gawain na labas sa iyong tungkulin ngunit kailangan mong gawin, sa gawain na isinaayos para sa iyo at na pangalan mo ang tinawag para gawin ito—dapat mong bayaran ang halaga, gaano man ito kahirap. Kahit na kailangan mong magsumikap nang husto, kahit na may posibilidad na ikaw ay usigin, at kahit na malagay nito sa panganib ang buhay mo, hindi mo dapat panghinayangan ang ibinayad mo, at sa halip ay ialay mo ang iyong katapatan at magpasakop ka hanggang kamatayan. Sa realidad, ganito ipinamamalas ang paghahangad sa katotohanan, ang tunay na pagsusumikap at pagsasagawa nito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, natutukso na naman akong magbigay-layaw sa laman ko, at alam kong kung gagawin ko ang tungkulin ko sa ganitong paraan, maaantala nito ang gawain. Ayaw kong tugunan ang laman ko, at handa akong pagsikapan ang mga hinihingi at pamantayan Mo at igugol ang lahat ng pagsisikap ko. Pakiusap, patnubayan Mo ako!” Kaya, sumali ako, at, kasama ang mga kapatid, detalyado naming pinagbahaginan at tinalakay ang mga isyu sa gawain ng ebanghelyo. Sa pagtutulung-tulungan ng lahat nang may iisang puso at isipan, nagkaroon ng kapansin-pansing pagtaas ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo kumpara sa naunang buwan. Nang itigil ko ang pagsasaalang-alang sa mga interes ng laman ko at ilaan ko ang puso ko sa tungkulin ko, hindi na ako masyadong napagod, at nakadama ako ng kasiyahan at kaluguran sa puso ko. Salamat sa Diyos sa patnubay Niya!