56. Hindi Na Ako Nagrereklamo Tungkol sa Aking Mahinang Kakayahan
Noong nasa elementarya ako, mababa ang mga marka ko, pero bata pa ako noon, kaya hindi ako nahihiya. Pero noong nasa middle school na ako, nang napansin kong iginagalang at pinupuri ng mga guro at kaklase ko ang mga estudyante na may magagandang marka, nainggit ako. Gusto ko ring galingan sa pag-aaral para mapuri ng lahat, pero kahit anong pagsisikap ko, hindi ko pa rin mapataas ang mga marka ko. Sinisi ko ang sarili ko, sinasabi ko, “Bakit ang bobo ko? Sobrang nakakahiya!” Kaya, sa huli, huminto na lang ako sa pag-aaral. Nang nagsimula akong maghanap ng trabaho, puro mano-manong trabaho lang ang kaya kong pasukin dahil wala akong sapat na edukasyon at mga kasanayan. Nang makita ko kung paanong kayang kumita ng mas maraming pera ang mga taong matalino at edukado, nang hindi kinakailangang gumawa ng mabigat na pisikal na trabaho, muli kong sinisi ang sarili ko sa pagiging hindi matalino at talagang nasiraan ako ng loob. Matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nakita ko kung paanong nagawang isuko ng mga lider ng iglesia ang mga bagay, gumugol ng kanilang sarili, magdusa at magbayad ng halaga, at kayang lutasin ang mga suliranin ng mga kapatid sa pamamagitan ng pagbabahagi sa mga salita ng Diyos. Hinangaan at iginalang sila ng lahat at dahil dito, lubha akong nainggit sa kanila. Inaabangan ko ang araw na maaari din akong maging isang lider ng iglesia. Hindi ko kailanman inisip na makalipas lang ang dalawang taon, mapipili ako bilang lider ng iglesia. Masigasig kong tinalikuran ang mga bagay, iginugol ang sarili ko, at aktibong nakikipagtulungan sa gawaing kailangang isaayos at ipatupad. Hindi ako kailanman nagreklamo gaano man kahirap o nakakapagod ang gawain. Ginagawa ko ang makakaya ko para tulungan ang sinumang nagkakaroon ng mga isyu, at pinuri ako ng lahat ng kapatid dahil sa abilidad ko na magtiis ng pagdurusa at sa aking mapagmahal na saloobin. Pero hindi talaga kailanman nagpakita ng mga palatandaan ng pag-unlad ang gawain ng iglesia, dahil muli ko lang binabanggit ang ilang salita at doktrina at sumunod ako sa mga regulasyon, at hindi ko nagamit ang katotohanan para lutasin ang mga aktuwal na isyu. Sa huli, hindi talaga ako akma para sa gawain at tinanggal ako, kaya lubha akong nadismaya at naging negatibo. Pakiramdam ko, kung malalaman ng mga kapatid ko na mahina ang kakayahan ko, mamaliitin nila ako, at magkakaroon ako ng mas kaunting pagkakataon na makita. Hindi ko maiwasang magreklamo laban sa Diyos: Bakit napakahina ng kakayahan ko samantalang ang ibang tao ay may napakahusay na kakayahan? Kalaunan, itinalaga ako ng lider ng iglesia sa isang tungkulin ng pangkalahatang gampanin. Sa tuwing naiisip ko na kaya ko lang gumawa ng mano-manong trabaho dahil mahina ang kakayahan ko, at hindi ko makuha ang respeto ng iba, medyo nagiging negatibo ako at wala akong motibasyon sa tungkulin ko. Pagkatapos niyon, itinalaga sa akin ng lider na pangalagaan ang ari-arian ng iglesia. Dahil sa alalahanin para sa seguridad, maaari lang akong makisalamuha sa isa pang brother. Naisip ko, “Dahil sa mahina kong kakayahan, kaya ko lang gawin itong mga gampaning nasa likod ng mga eksena.” Sa pag-iisip ko nito, nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko. Hindi ko ibinuod ang mga paglihis o mga isyung lumitaw, lalong hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na medyo pumukaw sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga inililigtas ng Diyos ay hindi humahawak ng matataas na posisyon sa mundo o sa gitna ng mga tao sa lipunan. Dahil pangkaraniwan o mahina ang kanilang kakayahan at mga abilidad, at nahihirapan silang maging tanyag o matagumpay sa mundo, palagi nilang nararamdaman na miserable at hindi patas ang buhay, nangangailangan sila ng pananalig, at sa huli, lumalapit sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pangunahing kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao sa paghirang sa kanila. Kapag may ganito kang pangangailangan ay saka ka lang magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung napakabuti at angkop sa lahat ng aspekto ang mga kalagayan mo para sa pagsisikap sa mundo, at palagi mong gustong maging kilala sa mundo, hindi ka magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, ni hindi ka rin magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Bagama’t maaaring mayroon kang pangkaraniwan o mahinang kakayahan, mas pinagpala ka pa rin nang labis kaysa sa mga walang pananampalataya sa pagkakaroon ng oportunidad na mailigtas ng Diyos. Kaya, hindi mo depekto ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan, ni hindi rin ito hadlang para sa iyong pagwawaksi ng mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng kaligtasan. Sa huling pagsusuri, ang Diyos ang nagbigay sa iyo ng kakayahang ito. Kung gaano karami ang ibinigay ng Diyos, iyon ang mayroon ka. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan, mayroon kang mahusay na kakayahan. Kung binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan, katamtaman ang kakayahan mo. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahinang kakayahan, mahina ang kakayahan mo. Kapag naunawaan mo ito, kailangan mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Aling katotohanan ang bumubuo sa batayan para magpasakop? Ito ay na ang gayong mga pagsasaayos ng Diyos ay naglalaman ng mabubuting layunin ng Diyos; ang Diyos ay labis na maaalalahanin, at hindi dapat magreklamo o magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa puso ng Diyos. Hindi ka titingalain ng Diyos dahil sa mahusay mong kakayahan, ni hindi ka Niya hahamakin o kamumuhian dahil sa mahinang kakayahan mo. Ano ang kinamumuhian ng Diyos? Ang kinamumuhian ng Diyos ay ang hindi pagmamahal at pagtanggap ng mga tao sa katotohanan, ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan pero hindi pagsasagawa nito, ang hindi paggawa ng mga tao sa kaya nilang gawin, ang hindi magawa ng mga tao na ibigay ang lahat ng makakaya nila sa mga tungkulin nila pero palagi silang may mga labis-labis na pagnanais, palaging gusto ng katayuan, palaging nakikipag-agawan para sa posisyon, at palaging may mga hinihingi sa Kanya. Ito ang kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Napagtanto ko na pauna nang itinakda ng Diyos na magkakaroon ako ng mahinang kakayahan at nasa likod nito ang Kanyang mabuting layunin. Mayroon akong pagnanais para sa reputasyon at katayuan, at hinangad ko na mapatanyag ang sarili ko mula pa sa murang edad. Kung nagkaroon ako ng mahusay na kakayahan at magagandang kalipikasyon, at nakapagtamo ng mataas na katayuan sa mundo at iginalang at hinangaan, hinding-hindi sana ako lalapit sa Diyos at mamumuhay sa ilalim ng mga pamiminsala ni Satanas, nagtatamasa sa mga kasiyahan ng kasalanan. Napagtanto ko na ang mahinang kakayahan ko ay nakatulong sa akin na matamo ang proteksiyon ng Diyos at dinala ako sa harap ng Diyos. Ito ay pagliligtas ng Diyos. Dahil mahina ang kakayahan ko, itinalaga ako ng iglesia sa gawain ng mga pangkalahatang gampanin at talagang angkop sa akin ang tungkulin. Kung naglaan lang ako ng kaunting pagsisikap dito, nagawa ko sana ito nang maayos, pero sa halip, nagreklamo ako dahil hindi ako mapapatanyag o mapapansin sa tungkuling ito. Naging pabaya pa nga ako at iniraos lang ang tungkulin ko. Nang makita ko na hindi ko tinupad ang papel ko, napagtanto ko na napakayabang ko at sobrang di-makatwiran!
Pagkatapos, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga partikular na pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan, sa usapin ng kanilang abilidad na maging inobatibo, ay na hindi nila alam kung paano ilapat ang mga pundamental at prinsipyo sa partikular at tunay na gawain; kaya lang nilang mag-ulit ng mga salita, matuto ng mga doktrina, at magkabisado ng mga regulasyon. Ang pagkakabisado lang ng mga doktrina at regulasyon ay walang silbi, at hindi indikasyon na mayroon kang abilidad na maging inobatibo. Kung mayroon ka mang abilidad na maging innobatibo o wala ay nakikita sa kung kaya mong ipatupad ang mga pundamental, prinsipyo, at tuntuning ito sa tunay na buhay, ginagawa nang maayos ang gawaing nauugnay sa mga pundamental at prinsipyong ito, para ang mga pundamental at prinsipyong ito ay hindi nananatiling mga salita at doktrina, regulasyon, at pormula, kundi naipapatupad sa buhay ng mga tao at nailalapat sa mga tao, tinutulutan ang mga tao na magamit ang mga ito at makakuha ng pakinabang at tulong mula sa mga ito, ginagawa ang mga ito na maging isang landas ng pagsasagawa sa buhay, o isang gabay, direksiyon, at layon para sa pamumuhay. Kung ang isang tao ay walang ganitong abilidad na maging inobatibo at alam lang kung paano maglitanya ng mga salita at doktrina at sumigaw ng mga islogan, at hindi magawang gamitin ang mga prinsipyo at pundamental na ito kapag oras na para gawin ang kanyang tungkulin, ang mga sumusunod sa gayong lider o superbisor ay hindi magkakamit ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa aspektong ito ng katotohanan. Ang gayong mga lider o superbisor ay mga taong may mahinang kakayahan, hindi kayang gawin ang gawain, at dapat na iulat at tanggalin kapag natukoy. … Samakatwid, ang abilidad na maging inobatibo ay isang napakahalagang abilidad para sa isang lider o manggagawa o superisor. Kung wala ka nang batayang kakayahan at abilidad para gawin ang gawain, kailangan mo talagang maging maingat at huwag basta-bastang kumilos nang dahil sa kasigasigan, at hindi mo dapat palaging gustuhin na mamukod-tangi at palaging gustuhin na maging isang lider o superbisor. Ang paggawa niyon ay hindi lang nakakahadlang sa iyong sarili kundi nakakahadlang din na matamo ng iba ang kaligtasan. Kung hahadlangan mo lang ang iyong sarili, sariling kamatayan mo lang ang idinulot mo, pero kung hahadlangan mo ang mga kapatid, hindi ba’t pinipinsala mo ang maraming tao? Maaaring wala kang pakialam sa sarili mong buhay, pero ang iba ay may pakialam sa kanilang buhay. Higit pa rito, ang paghadlang sa sarili mong pang araw-araw na buhay at tagumpay sa pinansya ay hindi isang malaking usapin, pero ang paghadlang sa gawain ng iglesia ay hindi isang maliit na usapin. Kaya mo bang pasanin ang gayong responsabilidad? Kung tunay na ikaw ay isang taong may konsensiya at nadarama mo na ang usaping ito ay may bitbit na malaking responsabilidad, na ang paghadlang sa gawain ng iglesia ay hindi isang bagay na kaya mong panagutan, hinding-hindi ka dapat humantong sa paggamit ng anumang kinakailangang paraan para magpakitang-gilas at makipag-agawan sa pamumuno. Kung wala kang abilidad at tayog, huwag palaging sikapin na mamukad-tangi. Huwag hadlangan ang gawain ng iglesia o hadlangan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pagpasok sa katotohanan at pagkamit ng isang mabuting hantungan para lang matugunan ang pagnanasa mo para sa awtoridad—ito ay isang labis na hindi patas! Dapat ay mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili. Gawin mo ang kaya mong gawin at huwag palaging asamin na maging isang lider. Bukod sa pagiging lider, maraming iba pang mga tungkulin na maaari mong gawin. Ang pagiging isang lider ay hindi ang iyong ekslusibong karapatan, ni hindi ito dapat ang maging paghahangad mo. Kung mayroon kang kakayahan at tayog na maging isang lider, at mayroon ka ring pagpapahalaga sa pasanin, mas mainam na hayaan ang iba na ihalal ka. Ang ganitong pagsasagawa ay kapakipakinabang sa gawain ng iglesia at sa lahat ng nasasangkot. Kung wala ka ng kakayahan na maging isang lider, dapat kang magpakita ng kaunting kabaitan at panagutan nang kaunti ang hinaharap ng iba. Huwag palaging makipag-agawan para maging isang lider at huwag hadlangan ang iba. Ang pagnanais na maging isang lider at mamahala sa gawain ng iglesia kahit na may mahinang kakayahan ay nagpapakita ng kawalan ng katwiran. Kung wala ka ng kakayahan at tayog, gawin mo na lang nang maayos ang sarili mong mga tungkulin. Ang tunay na pagtupad sa iyong mga tungkulin ay nagpapakita na mayroon kang kaunting katwiran. Gawin ang anumang gawaing kaya mo nang ayon sa iyong abilidad; huwag magkimkim ng mga ambisyon at pagnanais. Huwag lang hangarin na matugunan ang mga personal mong pagnanais habang pinapabayaan ang gawain ng iglesia—nakakapinsala ito kapwa sa iyong sarili at sa iglesia. Ito ang pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan sa usapin ng abilidad na maging inobatibo” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong pag-uugali ko. Mayroon akong mahinang kakayahan at wala akong pagkamalikhain, at nakakaunawa lang ako ng ilang doktrinal na kaalaman at kaya ko lang sumunod sa ilang regulasyon sa aking tungkulin, pero hindi ko magawang lumutas ng mga aktuwal na problema, kaya hindi ako nababagay na maglingkod bilang isang lider. Matapos mapili bilang isang lider, masigasig akong naglingkod, gumugol ng sarili ko, may motibasyon ako at kaya kong gumampan ng ilang gawain sa pangkalahatang gampanin, pero dahil mahina ang kakayahan ko, kaya ko lang sundin ang mga regulasyon at gawin ang lahat ayon sa itinakdang patakaran. Hindi ko maarok at hindi ko malutas ang mga aktuwal na problema sa gawain at tinanggal ako sa huli dahil hindi ko kayang gumawa ng aktuwal na gawain. May ilang prinsipyo na maaari nating sundin para matukoy kung ang isang tao ay angkop ba na maging isang lider. Kahit papaano, dapat mayroon silang mabuting pagkatao at katamtamang kakayahan, at kayang lumutas ng mga tunay na isyu. Samantalang ako, wala akong kakayahan ng isang lider, at kung patuloy akong maglilingkod sa papel na iyon, mahahadlangan ko lang ang gawain ng iglesia at maaantala ang buhay pagpasok ng aking mga kapatid. Isa iyong napakalaking pagsalangsang! Tama lang na italaga ako ng lider sa ibang tungkulin, dahil mahina ang kakayahan ko at wala akong kakayahang gawin ang gawain ng iglesia. Hindi lang ako nito pinrotektahan, ito rin ang responsableng hakbang na gagawin para sa gawain ng iglesia. Pero hindi ko kilala ang sarili ko. Mahina ang kakayahan ko pero matibay ang pagnanais ko para sa katayuan at reputasyon, palaging gustong mapatanyag ang sarili ko sa pamamagitan ng paglilingkod bilang isang lider o manggagawa. Masyado akong di-makatwiran! Nagdasal ako sa Diyos, sinasabi ko, “Minamahal kong Diyos, salamat sa Iyo sa lahat ng bagay. Pinigilan mo ako sa pagtahak sa masamang landas sa tamang panahon sa pamamagitan ng pagkakatanggal ko. Tinulungan Mo rin akong maunawaan ang kalagayan ko sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita Mo. Ngayon, lubos kong tinatanggap na itinalaga ako sa ibang tungkulin dahil sa mahina kong kakayahan O Diyos ko, handa po akong magsisi at hindi na magreklamo tungkol sa mahina kong kakayahan. Nais kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking tiwaling disposisyon at magkaroon ng tamang saloobin tungkol sa kakayahan ko.”
Nagpatuloy akong magnilay at maghangad kung bakit palagi akong nagrereklamo tungkol sa mahinang kakayahan ko. Kalaunan, napagtanto ko na may problema sa kalagayan ko matapos basahin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya kinokonsidera nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga layon, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung paanong, kahit ano pa ang ginagawa ng mga anticristo, palagi nilang inuuna ang pagsasaalang-alang sa reputasyon at katayuan nila. Sa lahat ng bagay, pinagsisikapan nilang matugunan ang mga ambisyon at pagnanais nila. Maaaring mahina ang kakayahan ko, pero ang disposisyong ibinunyag ko ay katulad din ng sa isang anticristo. Sa tungkulin ko, hinangad kong makamit ang respeto ng iba at palaging ninanais na mapansin. Nang maharap sa pagkakatalaga sa ibang tungkulin, hindi ko pinagnilayan ang mga kakulangan ko; sa halip, umasal ako nang di-makatwiran, nagrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa pagbibigay sa akin ng mahinang kakayahan at nagiging negatibo at nagpapakatamad ako. Nakita ko na sa kabila ng pananalig ko sa loob ng maraming taon at pagtatamasa ng labis na pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, hindi nagbago kahit kaunti ang buhay disposisyon ko, at pinahalagahan ko pa rin ang reputasyon at katayuan gaya ng sarili kong buhay. Tunay itong mapanganib! Naisip ko ang dati kong katuwang, si Yang Jing. Mayroon siyang kaunting kakayahan at kapabilidad sa gawain, pero mayabang, di-makatwiran at nahuhumaling siya sa katayuan. Nagpapakitang-gilas siya sa kanyang tungkulin hangga’t maaari para makuha ang respeto ng mga tao at gumagawa siya ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Maraming beses siyang inilantad at pinungusan ng lider namin, pero ayaw niyang magsisi. Sa huli, ibinunyag siya bilang isang anticristo at pinatalsik. Palagi akong naghahangad ng katayuan, kasikatan at pakinabang, kaya, kung mayroon akong mahusay na kakayahan, kung gayon, sa sandaling magkamit ako ng katayuan at makuha ko ang respeto ng mga tao, tiyak na mapupunta ako sa parehong landas ni Yang Jing. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, sinasabi ko, “O Diyos, lubha akong nagawang tiwali ni Satanas at labis akong nahuhumaling sa katayuan, kasikatan at pakinabang. Kung hindi dahil sa paghatol at paglalantad ng mga salita Mo, ganap na akong walang malalaman tungkol sa anticristong disposisyong ibinunyag ko. Napakamanhid ko at napakapurol ng isip ko! O Diyos, nagpapasalamat ako sa Iyong kaliwanagan at patnubay sa pamamagitan ng Iyong mga salita. Handa po akong magsisi at hangarin ang katotohanan at tuparin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya ayon sa aking kakayahan.”
Habang nasa mga debosyonal, nakatagpo ako ng ilan pang sipi na nakatulong sa akin na maunawaan kung paano ko dapat tingnan ang aking kakayahan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ayon sa iyong kakayahan, kaya mo lang gumawa ng ilang trabahong nangangailangan ng pisikal na pagsisikap, mga trabaho na hindi nakikita, na minamaliit, at hindi naaalala ng mga tao—kung ito ang iyong sitwasyon, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at huwag magkimkim ng mga reklamo, at higit pa rito, hindi mo dapat piliin ang mga tungkulin mo batay sa sarili mong mga kahilingan. Gawin mo ang anumang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa iyo, at hangga’t ito ay napapaloob sa kakayahan mo, dapat mo itong gawin nang maayos. … Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng ibang gawain, bagama’t hindi mo kayang gumampan ng susi o paladesisyong papel sa gawain ng iglesia, at wala kang malalaking ambag, kung kaya mong gumugol ng buong pagsisikap at katapatan sa kung anong hindi kapansin-pansing gawain at hangarin lamang na mapalugod ang Diyos, sapat na iyon. Hindi ito pagbigo sa pagtataas ng Diyos sa iyo. Huwag maging mapili tungkol sa mga gampanin batay sa kung ang mga ito ay marumi o nakakapagod, sa kung nakikita ka ba ng iba na ginagawa ang mga ito, kung pinupuri ka ba ng mga tao, o kung minamaliit ka ba nila dahil sa paggawa mo ng mga ito. Huwag isipin ang mga bagay na ito; hangarin lang na tanggapin ito mula sa Diyos, magpasakop, at tuparin ang mga tungkuling dapat mong tuparin” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). “Ang pagkilatis sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong may iba’t ibang kakayahan at pagbibigay ng mga partikular na halimbawang ito ay naglalayong tulungan ka na iugnay ang iyong sarili sa mga ito. Ito ay para tumpak mong matukoy ang sarili mong posisyon, makatwirang harapin ang sarili mong kakayahan at iba’t ibang kondisyon, at makatwirang harapin ang paglalantad, paghusga, at pagpupungos sa iyo ng Diyos, o ang gawaing isinaayos para sa iyo, at para magawa mong magpasakop at maging mapagpasalamat mula sa kaibuturan ng iyong puso, sa halip na magpakita ng paglaban at pagkasuklam. Kapag kaya ng mga tao na makatwirang harapin ang sarili nilang kakayahan at pagkatapos ay tumpak na tukuyin ang kanilang sariling posisyon, kumikilos bilang mga nilikha na gusto ng Diyos sa isang praktikal na paraan, ginagawa nang wasto ang dapat nilang gawin batay sa likas nilang kakayahan, at inilalaan ang kanilang katapatan at ang lahat ng kanilang pagsisikap, nakakamit nila ang kaluguran ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Sa kabila ng aking mahinang kakayahan, hindi ako pinakitunguhan ng Diyos nang masama. Ang pangangalaga sa ari-arian ng iglesia ay nangangailangan ng pagiging responsable at pagiging maselan sa detalye. Kailangan kong regular na suriin at alagaan ang mga ari-arian. Kung masinsinan akong gagawa, may kakayahan akong gawin ang mga bagay na ito at angkop sa akin ang tungkulin. Dapat alam ko ang posisyon ko at gawin ko nang tapat ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Naisip ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa ay ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa ay nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Lubos akong binigyan ng lakas ng loob ng mga salita ng Diyos, at sa loob-loob ko, gusto kong pahalagahan ang tungkuling ito. Kalaunan, habang ginagawa ang tungkulin ng pangangalaga sa ari-arian, patuloy kong ibinubuod ang mga kamalian at kapintasan ko, tinutukoy kung saang mga aspekto ako lumabag sa mga prinsipyo, at agad kong itinutuwid ang mga isyu ko pagkatapos matukoy ang mga ito. Kapag ako mismo ay hindi makatukoy sa mga isyu, nagdarasal ako sa Diyos at hihiling ko sa Kanya na ihayag sa akin ang mga ito. Ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para gawin ang anumang kinakailangan para mapabuti ang gawain ko. Ang pagkamit ko ng pagkaunawa at pagbabagong ito ay dahil lahat sa patnubay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!