58. Bakit Ba Palagi Kong Gustong Tumaas ang Ranggo Ko?
Noong 2017, gumagawa ako ng mga video sa iglesia at napili ako bilang lider ng pangkat. Isang araw, nalaman ko na sina Sister Li Min at Brother Chen Bin ay ginawang mga superbisor. Sumama ang loob ko at naisip ko, “Hindi pa sila gumagawa ng mga video nang kasingtagal ko, at ang mga kasanayan nila ay hindi kasinggaling ng sa akin. Kaya bakit sila ginawang mga superbisor, at hindi man lang ako isinaalang-alang ng lider? Dati, ako ang lider ng pangkat ni Li Min, pero ngayon ay siya na ang nangangasiwa sa gawain ko. Ano nang mukha ang ihaharap ko sa kanya mula ngayon? Iisipin ba ng mga kapatid na hindi ako kasinggaling niya? Hindi ba’t magmumukha akong walang kakayahan dahil dito?” Sa pag-iisip nito, sobrang nasiraan ako ng loob at naging negatibo, at nawalan ako ng gana para gawin ang anumang bagay. Kinalaunan, sa isang pagtitipon, sinabi ng lider na kailangang pumili ng isa pang superbisor, at sa huli, si Brother Lin Hui ang napili. Nagulat ako sa resultang ito. Sunod-sunod nang tumaas ang ranggo at nilinang ang lahat ng taong nakikipagtulungan sa akin sa mga tungkulin ko, pero naiwan pa rin ako kung nasaan ako. Hindi ba’t naiwan na ako sa pinakababa? Hindi pa gumagawa ng mga video si Lin Hui nang kasingtagal ko, pero ngayon napili siya bilang isang superbisor. Hiyang-hiya ako. Talaga bang wala akong kakayahan? Habang lalo kong iniisip ito, mas sumasama ang nararamdaman ko, at hindi ko maiwasang umiyak. Pagkatapos ay bigla kong naalala na sinabi ng lider na nakakuha ng mga resulta si Lin Hui sa tungkulin niya, at nagtaka ako, “Dahil ba nagbunga ng magandang resulta ang tungkulin ni Lin Hui kaya napili siya bilang isang superbisor? Kung lalo akong magsisikap at magbabayad ng halaga para mapabuti ang mga resulta ng gawain, baka itaas din ang ranggo ko at malinang ako. Kung magkagayon ay hindi magiging mababa ang tingin sa akin ng mga tao.” Sa pag-iisip niyon, bumalik ang motibasyon ko.
Mula noon, ginawa kong abala ang sarili ko sa paggawa ng mga video araw-araw, nagtatrabaho nang lagpas sa oras para magkaroon ng progreso. Isang araw, matapos panoorin ang mga video na ginawa namin, sinabi ng lider na medyo mahusay ang mga ito, at na nagkaroon kami ng pag-unlad. Binigyan pa nga kami ng lider ng ilang mahahalagang gampanin para kumpletuhin at hiningi sa amin na tapusin ang mga ito sa tamang oras. Nang makita kong sa wakas ay bumubuti na ang gawain at na pinahahalagahan kami ng lider, talagang sumaya ako. Inisip ko na kung itutuloy ko ang pagsisikap ko at mabilis akong gagawa ng mas maraming magagandang video, baka magkaroon din ako ng pagkakataong maitaas sa ranggo at malinang. Para mapabilis ang mga bagay-bagay, pinagtrabaho ko pa nga nang lagpas sa oras araw-araw kasama ko ang mga sister sa pangkat. Pero dahil masyado akong sabik para sa mabilis na tagumpay, hindi ako naghanap ng mga prinsipyo sa mga tungkulin ko, hindi ko tinipon ang lahat para mag-aral ng mga diskarte o ibinuod ang mga problema sa gawain, at naghangad lang ako ng mas mabilis na progreso. Bilang resulta, naging mababa ang kalidad ng mga video at kinailangang paulit-ulit na ayusin ang mga ito. Nasiraan din ng loob ang mga sister. Dahil walang pagbubuod o pag-aaral, ang mga sister ay hindi bumuti sa mga kasanayan nila, at kapag nagkakaroon ng mga paghihirap sa mga tungkulin nila, nawawalan sila ng landas para sumulong, patuloy na lumalala ang mga kalagayan nila, at lalo silang bumabagal. Sa halip na magnilay ako sa sarili ko o hanapin ko ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito, sinisi ko ang mga sister sa hindi nila pagkakamit ng magagandang resulta na umantala sa progreso ng mga tungkulin nila, at sa pagkakaapekto sa pagkakataon kong mamukod-tangi. Pinakitaan ko pa nga sila ng masamang asal. Minsan, napagtatanto ko na mali ang kalagayan ko, at na kailangan kong magnilay at ayusin ang kalagayan ko, subalit kapag naiisip ko ang hindi magagandang resulta ng gawain, nararamdaman ko na kung hindi ako magsusumikap para pagbutihin ang mga resulta, tiyak na iisipin ng lider na isa akong walang kakayahang lider ng pangkat, at hindi lang sa hindi itataas ang ranggo ko, baka tanggalin pa nga ako. Nang maisip ko ito, nagpakaabala ako, walang tigil na naghahangad ng progreso. Talagang hindi ako makahinto.
Dahil hindi ako naghanap ng mga prinsipyo sa tungkulin ko o gumawa ng anumang tunay na gawain, lubha kong naapektuhan ang progreso ng gawaing pangvideo, at hindi nagtagal, tinanggal ako ng lider. Pakiramdam ko ay medyo ginawan ako ng mali. Naisip ko na nagbayad ako ng malaking halaga sa tungkulin ko, kaya bakit sinabi sa akin na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain? Pagkatapos kong matanggal, napuno ako ng sakit at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, natanggal ako at nawalan ako ng oportunidad na gumawa ng mga video. Nawa’y gabayan Mo ako para maunawaan ang layunin Mo.” Sa isa sa mga debosyonal ko, nakatagpo ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anumang sitwasyon ang sumulpot—lalo na sa harap ng paghihirap, at lalo na kapag ibinubunyag at inilalantad ng Diyos ang mga tao—ang unang dapat gawin ng tao ay humarap sa Diyos upang pagnilayan ang kanyang sarili, suriin ang kanyang mga salita at gawa at ang kanyang tiwaling disposisyon, sa halip na suriin, aralin, at husgahan kung tama ba o mali ang mga salita at kilos ng Diyos. Kung mananatili ka sa tama mong posisyon, dapat mo mismong malaman kung ano talaga ang dapat na ginagawa mo. Ang mga tao ay may tiwaling disposisyon at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi ito isang malaking problema. Ngunit kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, subalit hindi pa rin nila hinahanap ang katotohanan—mayroon na sila ngayong malaking problema” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakatanggal sa akin ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at bagama’t hindi ko pa lubos na nauunawaan ang layunin Niya, kailangan kong magpasakop, taimtim na hangarin ang katotohanan, at pagnilayan ang sarili ko.
Kinalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa mga isyu ko. Sabi ng Diyos: “Para sa mga anticristo, kung ang reputasyon o katayuan nila ay inaatake at inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanilang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan nila o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin nila, hindi sila makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi nila naisagawa kailanman ang katotohanan at natahak ang landas ng mga anticristo, o na nagtataglay sila ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa halip, lagi silang nag-iisip ng paraan upang magkamit ng katayuan at pataasin ang kanilang reputasyon. Masasabi na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay ginagawa upang magpakitang-gilas sa harap ng iba, at hindi ginagawa sa harap ng Diyos. Bakit Ko nasasabi ito? Ito ay dahil labis na nahuhumaling ang gayong mga tao sa katayuan na itinuturing nila ito bilang pinakabuhay na nila, bilang panghabambuhay nilang layon. Higit pa rito, dahil mahal na mahal nila ang katayuan, hindi sila kailanman naniniwala sa pag-iral ng katotohanan, at masasabi pa ngang hinding-hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Kaya, gaano man sila magkalkula upang magkamit ng reputasyon at katayuan, at gaano man nila subukang magpanggap upang lokohin ang mga tao at ang Diyos, sa kaibuturan ng kanilang puso, wala silang kamalayan o pagkadismaya, lalo na ng anumang pagkabalisa. Sa kanilang patuloy na paghahangad sa reputasyon at katayuan, walang-pakundangan din nilang itinatanggi ang nagawa ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, naniniwala siya, ‘Lahat ng reputasyon at katayuan ay nakakamtan sa pamamagitan ng sariling pagsusumikap ng tao. Sa pagkakamit lamang ng matibay na posisyon sa gitna ng mga tao at pagkakamit ng reputasyon at katayuan niya matatamasa ang mga pagpapala ng diyos. May halaga lamang ang buhay kapag ang mga tao ay nagkakamit ng ganap na kapangyarihan at katayuan. Ito lamang ang pamumuhay na parang isang tao. Sa kabaligtaran, walang silbi ang mamuhay sa paraang sinasabi sa salita ng diyos—para magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng diyos sa lahat ng bagay, ang bukal sa loob na lumugar sa posisyon ng isang nilikha, at mamuhay gaya ng isang normal na tao—walang titingala sa gayong tao. Dapat pagsumikapan ng isang tao ang kanyang katayuan, reputasyon, at kaligayahan; dapat ipaglaban ang mga ito at sunggaban nang may positibo at maagap na saloobin. Walang ibang magbibigay ng mga ito sa iyo—ang pasibong paghihintay ay hahantong lang sa kabiguan.’ Ganito magkalkula ang mga anticristo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay. Sa lahat ng ginagawa nila, isinasaalang-alang lamang nila kung paano magkakamit ng katayuan at ng pagpapahalaga at paghanga ng iba. Gaano man nila nahahadlangan o napipinsala ang gawain ng iglesia, hindi sila kailanman nagninilay o nagsisisi. Sa pagninilay sa sarili kong pag-uugali, nakita ko na masyado rin akong tumuon sa reputasyon at katayuan. Nang makita ko na ang mga kapatid na nakikipagtulungan sa akin ay napili bilang mga superbisor, naramdaman ko na nawalan ako ng balanse. Inakala ko na kung lalo lang akong magsisikap, magbabayad ng higit na halaga at magkakaroon ng magagandang resulta, itataas din ang ranggo ko at pahahalagahan ako. Dahil ako ay naghangad ng reputasyon at katayuan, hindi naghanap ng mga prinsipyo sa tungkulin ko, hindi nag-organisa ng mga sesyon ng pag-aaral para mapahusay ang mga kasanayan ng lahat, at dahil patuloy ko lang na pinilit ang lahat na magtrabaho hanggang malalim na ang gabi araw-araw dahil sa pagnanais ko ng agarang mga resulta, kinailangang ayusin nang ilang beses ang mga video at ang gawain ay lubhang naantala. Higit pa rito, bilang isang lider ng pangkat, kapag nakakakita ako ng mga isyu sa gawain, dapat ay nagkukusa na akong pamunuan ang mga kapatid sa pagbubuod ng mga paglihis na ito, at sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo para lumutas ng mga tunay na problema. Kapag hindi maganda ang kalagayan ng mga sister, dapat ay nakikipagbahaginan ako para tulungan sila, dahil responsabilidad ko ito. Subalit hindi ako gumawa ng anumang tunay na gawain. Ang inisip ko lamang ay ang magkamit ng mga resulta at ang hangaan ng iba, at wala akong naging pakialam sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at wala rin akong pakialam kung ang gawain ng iglesia ay nagdusa ba ng mga kawalan. Nabuhay ako sa kalagayan ng paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang puso ko ay nasa kadiliman, paniniil, at sakit. Para panatilihin ang bilis, naisip ko pa na ang mga debosyonal at pagninilay ay pag-aaksaya ng oras, at may katigasan ng ulo lang akong nagpakapagod sa gawain. Paano man ako sinusubukang paalalahanan ng iba, nanatili akong walang malasakit hanggang sa matanggal ako. Nakita kong ganap na naging matigas ang kalooban ko. Ang pagnanais ko ng reputasyon at katayuan ay masyadong matindi, na naging sanhi ng pagtutol ko sa katotohanan at pagpapahalaga sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang landas na tinatahak ko ay sa isang anticristo. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagkakautang, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ayaw ko nang mamuhay ayon sa tiwaling disposisyon ko. Handa akong magsisi sa Iyo.”
Kinalaunan, nakabasa ako ng iba pang mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng ilang pagkaunawa sa ugat ng patuloy kong paghahangad ng reputasyon at katayuan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang kasikatan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa ilalim ng pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa mga kasuklam-suklam na pamamaraan ni Satanas at sa masasamang layunin nito na gawing tiwali ang mga tao sa pamamagitan ng kasikatan at pakinabang. Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para gapusin at saktan ang mga tao, nagpapalayo sa mga tao sa Diyos at nagkakanulo sa Diyos. Sa pagbabalik-tanaw, napagtanto ko na mula pa pagkabata, naimpluwensiyahan na ako ng pagtuturo at pagkokondisyon ni Satanas. Ginamit ko ang mga pilosopiya ni Satanas tulad ng “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” bilang aking mga gabay na kasabihan. Yumabang nang yumabang ang disposisyon ko, at nasaan man ako, gusto kong lagi akong hinahangaan ng iba at ayaw kong mahuli. Naalala ko na noong nagtatrabaho ako noon, kapag nakikita ko ang mga taong ka-edaran ko na may mas matataas na edukasyon kaysa sa akin ay puwedeng magtrabaho bilang mga white-collar na empleyado sa isang kompanya, habang ako, dahil sa mas mababang edukasyon ko, ay maaari lamang gumawa ng ilang mabababang uri ng trabaho, ayaw kong mamuhay ng ganoong pangkaraniwang buhay. Kaya, nag-aral ako nang husto sa bakanteng oras ko, umaasa na isang araw ay makakakuha ako ng diploma sa pamamagitan ng pag-aaral nang mag-isa, at na makakakuha ako ng isang magandang trabaho para magmukha akong kahanga-hanga sa paningin ng iba. Kahit noong matagpuan ko na ang Diyos, namuhay pa rin ako ayon sa mga satanikong pilosopiya na ito para sa makamundong pakikitungo. Inakala ko na ang pagiging lider o superbisor sa iglesia, at ang pagkakamit ng pagsang-ayon at pagpapahalaga ng mga kapatid ang tanging paraan para magkaroon ako ng makabuluhang buhay. Kaya nang makita kong itinaas ang ranggo ng mga kapatid, nakaramdam ako ng inggit at selos. Pinagsikapan ko nang husto ang mga video, umaasang may mabilis akong makakamit para linangin din ako ng mga lider. Para makamit ang mga ambisyon at ninanais ko, naging ayos lang sa akin na pagpuyatin kasama ko ang mga sister para mapabilis ang progreso, at kapag nakikita ko na hindi maganda ang kalagayan ng mga sister ko, hindi ko lamang sila hindi tinutulungan kundi hinahamak ko pa sila. Minsan nagagalit pa nga ako at pinakikitaan sila ng masamang asal. Talagang naging lubos na makasarili ako at walang malasakit. Sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan, nabuhay ako nang walang anumang wangis ng isang tao. Hindi ko lamang sinaktan ang mga kapatid kundi nagdulot din ako ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Dahil ako ay hindi gumawa ng anumang tunay na gawain, naghangad lamang ng reputasyon at katayuan, at hinikayat ng pagnanais para sa mabilis na tagumpay, lubha kong naantala ang progreso ng gawaing pangvideo, at sa huli ay natanggal ako. Nakita ko na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya at kasinungalingan ni Satanas, at ang paghahangad ko sa katanyagan ay hahantong lamang sa palalim nang palalim na katiwalian, pagrerebelde, at paglaban sa Diyos. Sa huli, sasaktan ko lamang ang sarili ko. Sa pagbabalik-tanaw ngayon, naramdaman ko na ang dating paghahangad ko na mapansin at ang paraan ko ng mahigpit na pagkapit sa reputasyon at katayuan ay talagang kahangalan.
Kinalaunan, nabasa ko ang higit pang mga salita ng Diyos, at nagawa kong tanggapin nang makatwiran ang hindi pagpili sa akin bilang isang superbisor. Sabi ng Diyos: “Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas ng pagsasagawa rito na maaari mong sundan. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung ang talagang isyu ay na may problema ka sa iyong pagkatao, o na ang pagbubunyag ng ilang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakakasuklam sa mga tao; o kung hindi mo ba taglay ang katotohanang realidad at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi pasok sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo. Dapat mong pagnilay-nilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. … Kung tunay kang may pasanin at may pagpapahalaga sa responsabilidad, at nais pumasan ng pananagutan, kung gayon ay magmadali ka at sanayin ang iyong sarili. Tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo. Sa sandaling may karanasan ka na sa buhay at kaya mo nang magsulat ng mga artikulo ng patotoo, tunay ngang umunlad ka na. At kung kaya mong magpatotoo para sa Diyos, tiyak na maaari mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyo, ibig sabihin ay pinapaboran ka ng Diyos, at kapag ginagabayan ka ng Banal na Espiritu, nalalapit na ang pagdating ng oportunidad mo. Maaaring may pasanin ka ngayon, pero hindi sapat ang iyong tayog at masyadong mababaw ang karanasan mo sa buhay, kaya kahit maging lider ka pa, malamang na matutumba ka. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa buhay, lutasin muna ang magagarbo mong pagnanais, bukal sa loob na maging tagasunod, at tunay na magpasakop sa Diyos, nang walang salita ng pagrereklamo sa kung anuman ang pinamamatnugutan o isinasaayos Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang maagap na puso na naghahangad na makausad at na gusto mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi ito isang ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsabilidad ito ng mga naghahanap ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Wala kang mga makasariling motibo at hindi ka naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya—ito ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. … Ang layunin ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo para sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para bumuo ng grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang hinaharap ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang hinaharap ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran, pero hindi lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang iglesia ay may mga prinsipyo para sa pagtataas ng ranggo at paglilinang ng mga superbisor para sa iba’t ibang aytem ng gawain. Hindi ito tungkol sa pagtataas ng ranggo o paglilinang ng isang tao dahil lamang nagpapakita ito ng kaunting sigasig o mayroon itong ilang kaloob. Ang isang tao ay dapat man lang may pusong nasa tama, nakararamdam ng pasanin sa tungkulin niya, at kayang protektahan ang gawain ng iglesia. Dapat din ay mayroon siyang partikular na kakayahan at kaya niyang lumutas ng mga aktuwal na problema. Ang ganitong mga tao, kapag naglilingkod bilang mga superbisor, ay kapaki-pakinabang sa gawain at pasok sa mga pamantayan para sa pagtataas ng ranggo at paglilinang. Halimbawa, nagawa nina Chen Bin at Lin Hui na maging mga superbisor hindi lamang dahil naging epektibo sila sa mga tungkulin nila, kundi dahil din nakadarama sila ng pasanin sa mga tungkulin nila, at nagawa nilang lumutas ng ilang aktuwal na problema at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi sapat ang kakayahan ng isang tao, at hindi niya pinoprotektahan ang gawain ng iglesia at sa halip ay naghahangad lamang siya ng personal na pakinabang, ang ganoong tao, kung pipiliin bilang isang superbisor, ay aantalain lamang ang gawain ng iglesia at makakapinsala sa mga kapatid. Tulad noong ginagawa ko ang tungkulin ko, lagi akong naghahangad ng reputasyon at katayuan, at nang hindi ko makamit ang pagnanais ko para sa katayuan, naging negatibo ako at mahina, at ginawa ko ang mga tungkulin ko nang pabasta-basta, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga interes ng iglesia. Pinili ako ng mga kapatid bilang lider ng pangkat, ngunit hindi lamang ako nabigong tulungan sila sa buhay pagpasok nila, pinangunahan ko pa sila sa paglabag sa mga prinsipyo sa mga tungkulin nila. Sa uri ng pagkatao ko, kung tunay ngang mapipili ako bilang isang superbisor, hahantong lamang ako sa landas ng isang anticristo at ititiwalag ako ng Diyos. Ang hindi mapili bilang superbisor ay ang proteksyon ng Diyos para sa akin. Talaga ngang hindi ko kilala ang sarili ko at wala akong kamalayan sa sarili ko. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, napuno ang puso ko ng pagkaramdam ng paglaya.
Makalipas ang ilang buwan, isinaayos ng iglesia na muli akong gumawa ng mga video, at hiniling nila sa akin na turuan ko ang ilang sister kung paano gumawa ng mga video. Sinabi ng lider na ang mga sister na ito ay may mahuhusay na kakayahan at maaaring tutukan sa paglilinang, kaya hiniling sa akin na bigyan sila ng higit pang patnubay sa paggawa ng video. Nang marinig ko ito, medyo nalungkot ako. Pakiramdam ko ay inuuna sila para sa paglilinang, samantalang kahit gaano ako kahusay, gumaganap lamang ako ng isang sumusuportang tungkulin. Nang mag-isip ako nang ganito, bigla kong napagtanto na mali ang kalagayan ko. Kaya, naghanap ako ng mga salita ng Diyos tungkol sa isyung ito. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Anumang tungkulin ang iyong natanggap, anuman ang tungkuling itinalaga sa iyo, maging ito man ay isang tungkulin na may kaakibat na malaking responsabilidad o isang mas simpleng tungkulin, o kahit pa hindi ito masyadong prominente, kung kaya mong hanapin ang katotohanan at tratuhin ang tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong maayos na tuparin ang iyong tungkulin. Bukod pa rito, sa proseso ng pagtupad ng iyong mga tungkulin, makararanas ka ng iba’t ibang antas ng paglago kapwa sa iyong buhay pagpasok at pagbabagong disposisyonal. Gayunpaman, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan at tatratuhin mo lang ang iyong tungkulin bilang iyong sariling proyekto, iyong sariling gawain, o iyong sariling kagustuhan o personal na gawain, may problema ka” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Kahit pa anong tungkulin ang ginagampanan ko, ang pinakamahalagang bagay ay ang pagtuunan ko ang buhay pagpasok ko sa tungkulin ko, at ang hangarin ko ang katotohanan para magtamo ako ng pagbabago ng disposisyon. Ito ang tamang landas para gawin ang tungkulin ng isang tao. Ang pagkakataong ito na gawin ang tungkulin ko ay bibihira, at hindi ko na puwedeng isipin pa ang reputasyon o katayuan ko. Kailangan kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos, pasanin ang responsabilidad na ito, at umasa sa Diyos para maayos kong magawa ang tungkulin ko. Kalaunan, madalas na akong makipag-ugnayan at tapatang makipag-usap sa mga sister, at kusa ko nang sinisiyasat ang mga paghihirap na nararanasan nila sa mga tungkulin nila. Nagbigay din ako ng detalyadong patnubay batay sa mga kakulangan ng bawat isa. Ang tatlong sister ay mabilis na humusay sa mga teknikal na kasanayan nila, at hindi nagtagal ay nakaya na nilang gumawa ng mga video nang walang tulong. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko para sa patnubay Niya.
Makalipas ang anim na buwan, napili rin ako bilang isang superbisor, ngunit hindi ako naging palalo dahil sa posisyon. Sa kabaligtaran ay nakaramdam ako ng isang matinding pagpapahalaga sa responsabilidad. Ang katunayang nakamit ko ang kaalamang ito at nakaranas ako ng pagbabagong ito ay resulta ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!