66. Paglaya Mula sa Pakiramdam ng Pagiging mas Mababa
Noong 2022, nagdidilig ako ng mga baguhan sa iglesia, at alam kong ito ay pagtataas ng Diyos sa akin, kaya nagpasya ako na pahalagahan ang pagkakataong ito ng pagsasanay at gawin ang aking kontribusyon sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kalaunan, nakipagtulungan ako kay Sister Zhang Xin. Nakita ko na talagang malinaw niyang ibinahagi ang katotohanan, diniligan ang mga baguhan ayon sa kanilang pangangailangan, at nilutas ang kanilang mga partikular na isyu. Minsan, hindi ko makilatis ang ilang usapin, pero kaya niyang magbahagi at madaling lutasin ang mga ito. Kaya naman, pakiramdam ko, isa siyang taong nakakaunawa sa katotohanan at may realidad, at na wala akong binatbat sa kanya. Pareho kong hinangaan at kinainggitan siya. Naisip ko, “Ang daming nauunawaan ni Zhang Xin! Hindi gaanong mahalaga ang mga nalalaman ko kumpara ng sa kanya. Kung sabay kaming magbabahagi sa isang pagtitipon, iisipin ba niya na napakababa ng antas ko at makikita kung ano talaga ako?” Kaya nang magkasama naming tinalakay ang mga isyu, para lang akong nakinig sa radyo sa pagbabahagi niya at kakaunti lang ang sinabi ko para hindi niya ako pagtawanan dahil sa mababaw kong pagbabahagi. Kalaunan, napansin ko na madalas siyang magpakitang-gilas sa mga pagtitipon, ikinukuwento kung paanong masama ang mga kalagayan ng mga baguhang diniligan ng isang partikular na sister, kung paanong tinulungan niya sila na makabalik sa tamang landas, kung paanong, nang makita niyang naging negatibo ang ilang kapatid, nagbahagi siya sa katotohanan para palayain sila sa kanilang pagkanegatibo at mga maling pagkaunawa, at kung paanong tumulong siya nang mabigatan ang mga lider ng iglesia sa gawain ng iglesia. Gusto ko itong bigyang-pnasin kay Zhang Xin, pero naisip ko, “Talaga namang mayroon siyang mga tunay na karanasan at epektibong nakakalutas ng mga problema ang pakikipagbahaginan niya. Ano ang iisipin niya sa akin kung mali kong tutukuyin ang mga isyu niya?” Kaya, hindi ko na tinukoy ang mga problema niya.
Kalaunan, nang may sinabi ang isang superbisor nang hindi isinasaalang-alang ang damdamin ni Zhang Xin, nagkaroon ng pagkiling si Zhang Xin laban sa superbisor at naging masyadong mapanuri sa ibang tao at sa mga pangyayari. Gusto kong makipagbahaginan sa kanya at ipaunawa ang kanyang mga problema, pero naisip ko, “Mas nauunawaan ni Zhang Xin ang katotohanan kaysa sa akin, kailangan pa ba niya ang patnubay ko? Hindi ba’t magpapakitang-gilas lang ako sa harap ng isang eksperto? Ako mismo ay hindi malinaw na nakakakita sa mga bagay, at masyadong mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan. Kung hindi malinaw ang pagbabahagi ko, hindi ba’t makikilatis niya ako?” Paulit-ulit kong pinag-isipan ang bagay na ito, pero sa huli, wala akong sinabi. Bandang tanghali, nagkataon na nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na medyo nauugnay sa kalagayan niya. Makikipagbahaginan na sana ako sa kanya nang may biglang sumagi sa isip ko: “Mas mahusay ang pagkaarok ni Zhang Xin sa mga salita ng Diyos kaysa sa akin, kailangan pa ba niya ang pagbabahagi ko gayong alam na niya ang lahat? Mas mabuting hayaan ko na lang siyang magbasa mismo ng mga salita ng Diyos, makakatulong ito sa kanya at hindi pa nito mailalantad ang mga pagkukulang ko.” Sa naisip kong ito, sinabi ko sa kanya, “Napakaganda ng siping ito ng mga salita ng Diyos, basahin mo.” Naghintay ako na makilala niya ang kanyang maling kalagayan pagkatapos basahin ang sipi, pero sa gulat ko, wala siyang anumang sinabi pagkatapos mabasa ito. Medyo nadismaya ako, at gusto kong makipagbahaginan sa kanya, pero naisip ko, “Mababaw lang ang pagkaunawa ko sa mga salita ng Diyos, at wala rin akong maibabahaging anumang praktikal. Dapat kilala ko ang sarili ko kahit kaunti.” Sa naisip na ito, agad kong iwinaksi ang ideya ng pakikipagbahaginan kay Zhang Xin, at inisip ko na kahit namumuhay siya sa isang tiwaling disposisyon, unti-unti niyang makikilala at malulutas ang mga isyu niya nang mag-isa dahil napakarami niyang nauunawaan. Pero hindi ganoon ang nangyari sa inakala ko. Madalas pa ring banggitin ni Zhang Xin ang bagay na ito, pero hindi niya nakikilala ang sarili niya, at sa halip, dahil sa kanyang pagbabahagi, inisip ng mga tao na ang superbisor ang may problema at na ang mga pagbubunyag niya ng katiwalian ay may ilang kadahilanan. Minsan, sa mga pagtitipon, binabanggit din niya ang usaping ito, na nagsasanhi ng mga kaguluhan. Gusto ko talagang makipagbahaginan sa kanya tungkol sa mga isyung ito, pero sa tuwing sinusubukan kong magsalita, para bang may bumabara sa lalamunan ko, at palagi kong nararamdaman na mas maraming nauunawaan si Zhang Xin kaysa sa akin, at na, kung makikipagbahaginan ako sa kanya, para kong tinuturuan ang isang eksperto sa bagay na alam na niya. Sa huli, nagpasya akong hindi makipagbahaginan sa kanya at lumipas na lang nang ganito ang usapin. Kalaunan, nang dumating ang isang lider sa aming pagtitipon, nakipagbahaginan siya at inilantad niya ang mga isyu ni Zhang Xin, at tinanggap ito ni Zhang Xin. Saka lang ako nagsimulang magnilay sa sarili ko.
Pagkaraan ng ilang araw, binasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang mangyari sa kanila, kapag nahaharap sa kaunting paghihirap ang mga duwag na tao, umaatras sila. Bakit nila ito ginagawa? Ang isang dahilan ay sanhi ito ng kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Dahil pakiramdam nila ay mas mababa sila, hindi sila naglalakas-loob na humarap sa mga tao, ni hindi nila maako ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang akuin, hindi rin nila maako ang mga bagay na kaya naman talaga nilang maisakatuparan sa saklaw ng sarili nilang abilidad at kakayahan, at sa saklaw ng karanasan ng sarili nilang pagkatao. Ang pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa ay nakakaapekto sa bawat aspekto ng kanilang pagkatao, naaapektuhan nito ang kanilang personalidad, at siyempre, naaapektuhan din nito ang kanilang katangian. Kapag may ibang tao sa paligid, madalang nilang ipinapahayag ang sarili nilang mga pananaw, at halos hindi maririnig na nililinaw nila ang sarili nilang pananaw o opinyon. Kapag nahaharap sila sa isang isyu, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, sa halip, palagi silang umiiwas at umaatras. Kapag kaunti ang tao roon, nagkakaroon sila ng sapat na lakas ng loob na umupo kasama ang mga ito, pero kapag marami ang tao roon, naghahanap sila ng isang sulok at doon pumupunta kung saan malamlam ang ilaw, hindi naglalakas-loob na lumapit sa ibang tao. Sa tuwing nararamdaman nila na nais nilang positibo at aktibong magsabi ng isang bagay at magpahayag ng sarili nilang mga pananaw at opinyon para ipakita na tama ang kanilang iniisip, ni wala man lang silang lakas ng loob na gawin iyon. Sa tuwing sila ay may gayong mga ideya, sabay-sabay na lumalabas ang kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa, at kinokontrol, sinasakal sila nito, sinasabi sa kanila na, ‘Huwag kang magsabi ng kahit na ano, wala kang silbi. Huwag mong ipahayag ang mga pananaw mo, sarilinin mo na lang ang mga ideya mo. Kung may anumang bagay sa puso mo na nais mo talagang sabihin, itala mo na lang ito sa kompyuter at pag-isipan mo ito nang mag-isa. Hindi mo dapat hayaang malaman ito ng sinuman. Paano kung may masabi kang mali? Sobrang nakakahiya iyon!’ Sinasabi palagi ng tinig na ito sa iyo na huwag mong gawin ito, huwag mong gawin iyon, huwag mong sabihin ito, huwag mong sabihin iyon, kaya’t nilulunok mo na lang ang bawat salitang nais mong sabihin. Kapag may bagay na nais mong sabihin na matagal mo nang pinagmuni-munihan sa iyong puso, umuurong ka at hindi naglalakas-loob na sabihin ito, o kaya ay nahihiya kang sabihin ito, naniniwala na hindi mo ito dapat sabihin, at na kapag ginawa mo ito, pakiramdam mo ay parang may nilabag kang tuntunin o batas. At kapag isang araw ay tahasan mong ipinahayag ang iyong pananaw, sa kaibuturan mo ay mararamdaman mo na hindi mapapantayan ang iyong pagkabagabag at pagkabahala. Bagama’t unti-unting naglalaho ang pakiramdam na ito ng sobrang pagkabahala, unti-unting sinusugpo ng pakiramdam mo ng pagiging mas mababa ang mga ideya, intensyon, at planong mayroon ka sa kagustuhan mong magsalita, magpahayag ng sarili mong mga pananaw, maging normal na tao, at maging katulad lang ng lahat. Iyong mga hindi nakakaintindi sa iyo ay naniniwala na hindi ka palasalita, na tahimik ka, mahiyain, at isang taong ayaw mamukod-tangi. Kapag nagsasalita ka sa harap ng maraming tao, nahihiya ka at namumula ang mukha mo; medyo hindi ka palakibo, at ikaw lang talaga ang nakakaalam na pakiramdam mo ay mas mababa ka. … Sinasabi ng ilang tao, ‘Tingin ko ay hindi ako mas mababa at wala ako sa ilalim ng anumang uri ng pagpipigil. Wala pang sinuman ang pumukaw ng galit ko o nangmaliit sa akin, wala ring sinuman ang nakapigil na sa akin. Malayang-malaya akong namumuhay, kaya hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala ako nitong pakiramdam ng pagiging mas mababa?’ Tama ba iyon? (Hindi, minsan ay may ganoon pa rin kaming pakiramdam ng pagiging mas mababa.) Maaaring sa isang antas ay nasa iyo pa rin ito. Maaaring hindi nito pinangingibabawan ang kaibuturan ng iyong puso, pero sa ilang senaryo ay maaari itong lumitaw anumang oras. Halimbawa, nakasalubong mo ang isang taong iniidolo mo, isang taong higit na mas may talento kaysa sa iyo, isang taong mas maraming natatanging kasanayan at kaloob kaysa sa iyo, isang taong mas dominante kaysa sa iyo, isang taong mas mapanupil kaysa sa iyo, isang taong mas masama kaysa sa iyo, isang taong mas matangkad at mas kaakit-akit kaysa sa iyo, isang taong may katayuan sa lipunan, isang taong mayaman, isang taong mas mataas ang pinag-aralan at katayuan kaysa sa iyo, isang taong mas matanda at mas matagal nang nananalig sa Diyos, isang taong may higit na karanasan at realidad sa kanyang pananalig sa Diyos, at pagkatapos ay hindi mo mapigilan ang paglitaw ng pakiramdam mo ng pagiging mas mababa. Kapag lumilitaw ang pakiramdam na ito, ang iyong ‘pamumuhay nang napakalaya’ ay naglalaho, nagiging kimi ka at pinanghihinaan ka ng loob, pinag-iisipan mong mabuti kung ano ang sasabihin, nagiging hindi natural ang ekspresyon ng mukha mo, nararamdaman mong napipigilan ka sa iyong mga salita at kilos, at nagsisimula kang magpanggap. Ang mga ito at ang iba pang pagpapamalas ay nangyayari dahil sa paglitaw ng iyong pakiramdam ng pagiging mas mababa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga taong may mga damdamin ng pagiging mas mababa ay palaging nakakaramdam na hindi sila kasinghusay ng iba, at kaya, hindi sila naglalakas-loob na ipahayag ang mga opinyon nila. Lalo na kapag nakakatagpo sila ng mga taong mas mahuhusay at mas may talento kaysa sa kanila, lalo silang nagiging matakutin at nawawalan ng kumpiyansa, at kahit pa may napapansin silang mga problema sa ibang tao, hindi sila naglalakas-loob na magsalita. Sobra silang maingat at nangangamba, kaya wala silang kakayahang protektahan ang mga interes ng iglesia. Sa pagninilay-nilay sa pakikipagtulungan ko kay Zhang Xin, nang makita ko na mas marami siyang nauunawaan at mahusay siyang nakakapagbahagi, lalo na’t kaya niyang lutasin ang lahat na problemang binabanggit ng mga baguhan at may malinaw siyang landas sa kanyang pagbabahagi, pakiramdam ko ay mayroon siyang mga katotohanang realidad, at na kung ikukumpara, ang layo ko sa kanya. Ang nalalaman ko ay tila ganap na walang halaga kumpara sa pagkaunawa niya, at nahihiya pa akong magsalita sa aming pagbabahaginan. Pakiramdam ko ay para akong isang estudyanteng elementarya sa harap niya, at na dapat lang akong makinig nang mabuti sa kanya, na naging dahilan para mamuhay ako sa isang kalagayan ng pakiramdam ng pagiging mas mababa. Dahil sa mga damdamin ko ng pagiging mas mababa, kumilos ako na para lang akong isang radyo nang tinalakay namin ang mga problema, kadalasang nakikinig lang sa kanya at hindi nagpapahayag ng sarili kong mga pananaw. Nakita ko na madalas magpakitang-gilas si Zhang Xin, pero umiwas ako sa pagbanggit nito o sa pagtulong, iniisip na mayroon siyang mga katotohanang realidad at nakakakuha ng mga resulta sa kanyang tungkulin, at na normal lang na magbunyag siya ng kaunting tiwaling disposisyon. Masyadong naging mapanuri si Zhang Xin sa mga tao at bagay, at nagkaroon siya ng mga pagkiling laban sa superbisor, at alam kong dapat akong makipagbahaginan sa kanya para tulungan siyang magnilay at matuto ng aral mula rito, pero pakiramdam ko ay mas nauunawaan niyang mabuti ang mga bagay kaysa sa akin, at na katamtaman lang ang kaalaman at pagkaarok ko, at na hindi niya ako kapantay, kaya pakiramdam ko ay hindi ako kalipikadong makipagbahaginan sa kanya. Dahil sa nararamdaman kong pagiging mas mababa, hindi ako naglakas-loob kahit noong makita ko ang mga isyu niya, naging matakutin ako at nawalan ako ng kumpiyansa sa harap niya, at iwinaksi ko pa nga ang mga ideya ng pakikipagbahaginan tungkol sa ilang opinyong mayroon ako. Sa katunayan, bilang isang tao na may normal na pagkamakatwiran, gaano man tayo kahusay magbahagi, kung may mahanap tayong problema, dapat nating tuparin ang ating responsabilidad at magbahagi tungkol dito sa abot ng ating makakaya. Ito rin ay pagsasagawa sa isang aspekto ng katotohanan. Gayumpaman, dahil sa mga damdamin ko ng pagiging mas mababa, hindi ako nangahas na magsalita ng anumang bagay tungkol sa mga problema ni Zhang Xin o banggitin ang mga ito, at nabigo akong gawin ang dapat ko sanang ginawa. Nang napagtanto ko ito, labis akong nagsisi, at nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, nagpasyang makipagbahaginan at tumulong sa anumang isyu na nakikita ko sa iba, kahit sino pa ang taong iyon, at hindi na magpagapos sa mga damdamin ng pagiging mas mababa.
Kalaunan, nagdasal din ako at hinanap sa puso ko kung bakit pakiramdam ko ay masyado akong mas mababa sa harap ng mga taong mas mahusay kaysa sa akin. Sa isang pagtitipon, nakipagbahaginan ako tungkol sa kalagayan ko. Tinukoy ng isang sister ang mga isyu ko, sinasabi niya na masyado kong pinahahalagahan ang aking banidad at katayuan, at na natatakot akong maliitin at mawalan ng reputasyon at katayuan kapag nagsalita ako. Matapos marinig ang patnubay ng sister, sadya akong tumuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. Kaya, kapag kumikilos sila, lagi silang may reserbasyon, lagi nilang sinusubukang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, inuuna nila ang mga ito, nagsasalita lamang para sa kanilang sariling kapakinabangan, upang huwad na ipagtanggol ang kanilang sarili. Lahat ng ginagawa nila ay para sa kanilang sarili” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na masyadong kinagigiliwan ng tiwaling sangkatauhan ang kanilang sariling banidad at katayuan, at gusto nilang magkaroon ng magandang imahe sa puso ng mga tao, at na ang mga taong may mga kasanayan at malalakas na abilidad sa gawain ay gustong magkaroon ng mataas na katayuan sa iba, at lubos na mapahalagahan ng iba. Kahit na iyong mga may katamtamang abilidad sa gawain ay ayaw mapasailalim ng iba o maliitin ng iba, at kahit ang kapalit nito ay pagsasakripisyo sa mga interes ng iglesia, gusto pa rin nilang panatilihin ang sarili nilang banidad at katayuan. Ganito ang naging kalagayan ko. Bagaman alam ko na kakatiting lang ang mga abilidad ko sa gawain, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, iniisip ko muna ang banidad at katayuan ko, at kahit hindi ko makuha ang paghanga ng iba, kahit papaano, ayaw kong maliitin ako. Pakiramdam ko, ito ay pamumuhay nang may dignidad at integridad. Namuhay ako ayon sa mga batas ni Satanas ng pananatiling buhay, gaya ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” labis na pinahahalagahan ang aking banidad at katayuan, at gustong palaging panatilihin ang aking banidad at katayuan. Kahit hindi ako kasinghusay ng iba, gusto ko pa ring mag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao. Palagi akong nag-aalala tungkol sa mga opinyon ng iba sa akin. Kapag nahaharap sa mga taong hindi kasinghusay ko, wala akong mga pangamba, at malaya kong naipapahayag ang mga opinyon ko, pero sa tuwing nakakakita ako ng mga taong mas mahusay kaysa sa akin sa iba’t ibang paraan, ginawa kong estratehiya ang pag-iwas, sinisikap nang husto na huwag magsalita, itinatago ang mga kakulangan at kahinaan ko, at hindi hinahayaan ang iba na makita ang aking mga negatibong aspekto nang sa gayon, kahit papaano, makakatanggap ako ng magandang paghusga kapag nabanggit, kung hindi, talagang mapapahiya ako sa huli! Naalala ko ang isang pagkakataon noong nasa na negatibong kalagayan ang isang sister na nagpapatuloy sa bahay, at nagawa kong makipagbahaginan sa kanya ng mga salita ng Diyos. Nakipagbahaginan ako sa kanya sa abot ng nalalaman ko, nang walang mga pangamba, at bumuti ang kalagayan ng sister matapos ang pagbabahagi ko. Pero pagdating kay Zhang Xin, nakita ko na mas mahusay siya kaysa sa akin sa bawat aspekto, at kaya, natakot ako na maliitin niya ako. Kahit nang may mapansin akong ilang isyu, hindi ako naglakas-loob na ipaalam ang mga ito. Para bang nakatikom ang bibig ko gamit ang tape. Bukod sa hindi ito nakabuti sa buhay pagpasok ni Zhang Xin, nakaapekto rin ito sa gawain ng iglesia. Masyado kong pinahalagahan ang sarili kong banidad at katayuan! Nang mapagtanto ko ito, talagang nakaramdam ako ng pagsisisi, at lumapit ako sa Diyos para magdasal, “Diyos ko, ayaw ko pong magpatuloy nang ganito, handa po akong magsisi at hinihiling ko na patnubayan Mo ako sa paglutas ng mga isyu ko.”
Kalaunan, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan, at walang pagkakaiba ng edad o pagiging mababa at marangal sa mga gumagawa ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Pantay-pantay ang lahat sa tungkulin nila, iba-iba lang ang trabaho nila. Wala silang pagkakaiba batay sa kung sino ang may senyoridad. Sa harap ng katotohanan, dapat magtaglay ang lahat ng mapagpakumbaba, mapagpasakop, at tumatanggap na puso. Dapat taglayin ng mga tao ang ganitong katwiran at saloobin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na sa harap ng katotohanan, pantay ang lahat, na walang mataas o mababang katayuan, ni pagkakaiba sa mga kalipikasyon. Kapag nagtutulungan ang mga kapatid sa mga tungkulin, dapat lumahok ang lahat at aktibong magpahayag ng kanilang mga pananaw kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Kahit mababaw ang pagbabahagi nila, dapat pa rin silang mag-ambag ng kanilang makakaya; kapag may natutuklasang mga problema, dapat itong maagap na ipahayag para maprotektahan ang gawain ng iglesia, sa halip na manatiling tagamasid lang. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng bawat mananampalataya sa Diyos. Katulad ng sa pakikipagtulungan ko kay Zhang Xin, bagaman mas malinaw niyang ibinahagi ang katotohanan kaysa sa akin, mayroon din siyang mga pagkukulang at nagbunyag siya ng katiwalian. Nang makita ko siyang nagbubunyag ng katiwalian o nagsasalita at kumikilos sa mga paraan na nakapipinsala sa gawain ng iglesia, hindi sana ako dapat nanatiling walang ginagawa; sa halip, dapat ibinahagi ko kung ano ang nakita at naunawaan ko, at tinupad ang responsabilidad ko. Ngunit tiningnan ko ang mga tao at bagay mula sa mga makamundong perspektiba, naniniwala sa mga pagkakaiba ng mataas at mababang katayuan, mga kalipikasyon, at mga kalakasan at kahinaan sa mga tao, kung saan ang mahihina ay palaging itinuturing na hindi kalipikadong tumutol laban sa malalakas, at kapag ginagawa nila iyon, pinapahiwatig nito na hindi nila alam ang kanilang tamang posisyon at maaari pa nga itong humantong sa pagpapalayas. Talagang kakatwa ang perspektiba ko! Sa katunayan, kahit na may pagtanglaw ang isang tao sa kanyang pagbabahagi at mayroon siyang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, hindi ito nangangahulugan na perpekto siya. Dahil ang bawat isa ay may mga tiwaling disposisyon at madalas na nagbubunyag ng katiwalian, pagiging mayabang at palalo, at kumikilos ayon sa sariling kagustuhan, kailangang magtuwid at magtulungan sa isa’t isa. Ito ay isang makatarungang pagkilos na nagpapanatili sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at nakakabuti sa buhay ng mga tao.
Simula noon, kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, madalas akong nagdarasal sa Diyos, at hindi na ako nag-aalala tungkol sa mga pakinabang o mga kawalan sa aking banidad o katayuan. Kapag nakikisalamuha sa mga kapatid, hindi mahalaga kung nakatataas ba sa akin ang ibang tao, tinatrato ko siya nang tama, at sa tuwing napapansin ko ang mga bagay na ginagawa na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, tinutukoy ko ang mga ito at naghahanap at nakikipagbahaginan ako kasama ang lahat. Nang magsagawa ako nang ganito, talagang gumaan ang pakiramdam ko at nakaramdam ako ng paglaya. Kalaunan, nakatagpo ko si Sister Liu Hui, ang nagdilig sa akin ilang taon na ang nakalipas. Matagal na niyang ginagawa ang kanyang mga tungkulin at mahusay siyang makipagbahaginan, at kinainggitan ko siya noon. Sa pagkakataong ito, nang muli kong makasalamuha si Liu Hui, malinaw at organisado pa rin ang pagbabahagi niya, at kumpara sa kanya, nararamdaman ko pa rin na hindi ako sapat. Isang beses, may isang sister na palaging nakikipagsagutan kapag pinupungusan, at ibinahagi ni Liu Hui ang mga magiging kahihinatnan kung magpapatuloy ang ganitong asal, at lubhang natakot ang sister matapos itong marinig. Gayumpaman, pakiramdam ko, ang paraan ni Liu Hui sa paglutas ng problema ay walang ibinigay na landas, at na hindi siya tumuon sa paggamit ng mga salita ng Diyos o sa pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, kaya hindi nito nakamit ang bisa ng pagpapatotoo sa Diyos, gusto ko itong ipaunawa sa kanya, pero naisip ko, “Bagaman ginagawa ko ang tungkulin ng pamumuno, medyo may malaking agwat pa rin sa pagitan namin, at malamang naisip na rin ni Liu Hui ang gusto kong sabihin. Mas mabuti pang hindi na lang ako magsalita.” Nang sandaling iyon, napagtanto ko na muli na namang napipigilan ako ng mga damdamin ng pagiging mas mababa. Bumalik sa isip ko ang mga eksenang nabigo akong tuparin ang mga tungkulin ko dahil sa aking mga damdamin ng pagiging mas mababa, at naisip ko, “Hindi na ako puwedeng mamuhay pa sa ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa, at kailangan kong bitiwan ang aking banidad at katayuan. Kahit ano pa ang tingin sa akin ni Liu Hui, kailangan kong ibahagi ang nauunawaan ko, pumasok kasama ang sister ko, at huwag mag-iwan ng anumang pagsisisihan sa huli.” Kaya, tinukoy ko ang mga isyung napansin ko. Pagkatapos makinig, sinabi ni Liu Hui na tama ang sinabi ko, at na ang pagsuporta sa mga kalakasan ng isa’t isa, at maayos na pakikipagtulungan sa ganitong paraan ay napakabuti, at kapaki-pakinabang ang mga ito sa kanyang buhay pagpasok. Nagawa kong lumabas mula sa ganitong kalagayan ng pakiramdam ng pagiging mas mababa at bumitiw sa aking banidad at katayuan—ang pagbabagong ito ay bunga ng gawain ng Diyos. Salamat sa Diyos!