64. Ang Mga Kahihinatnan ng Pagkukunwaring Nakakaunawa
Gumagawa ako ng mga video sa iglesia. Noong una akong magsimulang magsanay, humihingi ako ng tulong sa mga tao kapag may hindi ako naunawaan. Kalaunan, unti-unti kong naarok ang ilang prinsipyo at nakagawa pa ako ng ilang video nang mag-isa. Sinabi ng lahat na mabilis ang pag-usad ko at sinabi rin ng superbisor na makabago at pinag-isipan ang mga video ko. Nang marinig ko ito ay tuwang-tuwa ako sa sarili ko, at naisip ko na may ilan akong kaloob at kalakasan sa paggawa ng video. Pagkatapos niyon, bihira na akong humingi ng tulong sa iba kapag gumagawa ng mga video at kadalasan, mag-isa kong sinusubukang pag-isipan at lutasin ang mga problema. Isang beses, gumagawa ako ng isang video na medyo mahirap, at medyo hindi ko alam ang gagawin, kaya naisip kong humiling sa lider ng pangkat na bigyan ako ng mas simple. Pero naisip ko naman, “Dahil pinili ko ang video na ito, kung lalapit ako at sasabihin sa lider ng pangkat na hindi ko ito kayang gawin, hahamakin niya kaya ako? Huwag na nga, maaaring mahirap ang video na ito, pero kung pagsisikapan ko ito, baka magawa ko naman ito.” Kaya, wala akong sinabing kahit na ano, at nagsikap lang ako nang husto at nagpatuloy sa pananaliksik at pag-iisip ng mga ideya nang mag-isa. Pero pagkatapos ng mahabang pag-iisip, wala pa rin akong ideya kung paano ito gagawin, at naisip kong humiling sa iba pang tao na tingnan ito at tulungan ako, pero naisip ko naman, “Matagal-tagal na akong nagsasanay. Kung patuloy pa rin akong hihingi ng tulong sa iba, iisipin kaya nilang wala akong kakayahan? Hindi, basta susubukan at susubukan ko na lang itong alamin nang mag-isa.” Nang sandaling iyon, tinanong ako ng lider ng pangkat, “Kumusta na ang paggawa ng video? Kung nahihirapan ka, puwede mo itong palitan ng mas madali.” Inisip ko, “Hindi ako puwedeng magpalit ngayon. Kung gagawin ko iyon, hindi ba’t magmumukha akong hindi mahusay?” Kaya kumalma ako at nagsabi, “Iniisip ko pa kung paano ito haharapin. Hindi ko kailangang magpalit.” Pagkatapos kong sabihin ito, nakaramdam ako ng pagkabagabag sa loob ko. Matagal ko nang pinag-iisipan ang video na ito at wala pa rin akong ideya kung paano ito diskartehan. Hanggang dito na lang ang mga abilidad ko, at napagtanto ko na hindi solusyon ang magpatuloy na subukan at piliting lampasan ang problemang ito, pero hindi ko pa rin ito sinabi sa lider ng pangkat. Makalipas ang dalawa o tatlong araw, wala pa rin akong anumang pag-usad sa video, kaya wala akong magawa kundi ang humingi sa wakas ng tulong ng iba para dito. Hindi nagtagal, sinimulan kong gawin ang isang video sa bagong format. Bagaman tinalakay ko na sa lahat ang pamamaraan, nakaranas pa rin ako ng mga paghihirap sa proseso ng paggawa, at naisip ko na talakayin itong muli sa lider ng pangkat. Pero naisip ko naman, “Tinalakay na namin ito. Kung magtatanong na naman ako, hindi ba’t iisipin ng lider ng pangkat na wala akong kakayahan at na kailangan akong sabihan nang ilang beses para lang makagawa ng isang video?” Para maiwasang makita ng lahat na may mga bagay na hindi ko naunawaan o hindi nagawa sa proseso ng paggawa, nagkunwari akong alam ko ang ginagawa ko at nagpatuloy lang ako sa paggawa sa computer ko, pero pagkatapos gumugol ng ilang araw rito, hindi ko pa rin matapos ang video, at sa huli, kinailangan kong hingin ang tulong ng lider ng pangkat. Labis akong pinahiya ng dalawang kabiguang ito, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko at nagpatuloy akong magpanggap, at dahil dito, walang naibungang anumang resulta ang tungkulin ko. Naging negatibo ako at hinusgahan ko ang sarili ko na walang kakayahan at hindi angkop sa paggawa ng video. Talagang nanlumo at nasaktan ako. Minsan gusto kong sabihin sa isang tao ang kalagayan ko, pero natatakot ako na kung makita ng iba ang mga kahinaan at pagkukulang ko, hahamakin nila ako, kaya ayaw kong magtapat sa kanila.
Minsan, nagmungkahi sa akin ang lider ng pangkat, na sinasabi, “Hindi ka nagbabahagi sa mga pagtitipon tungkol sa iyong pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos, ni nagsasabi tungkol sa katiwalian o mga pagkukulang mo, o kung paano mo naranasan ang mga paghihirap sa tungkulin mo. Mukhang nagbibigkas ka lang ng mga salita at doktrina para magpakitang-gilas.” Nakita kong nakilatis ako ng lider ng pangkat, at hiyang-hiya ako. Namula ang mukha ko at yumuko ako nang walang anumang sinasabi. Kalaunan, pinadalhan ako ng lider ng pangkat ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para tulungan ako. Sabi ng Diyos: “Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kakayahan, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, ‘Malapit na, malapit na!’ Pero sa kanilang puso, naiisip nila, ‘Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ako puwedeng magpahuli, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!’ Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga tao ay mga nilikha at ang lahat ay may maraming pagkukulang at kahinaan. Gaano man kahusay ang isang tao, imposibleng mapangasiwaan at magawa ang lahat ng bagay. Ang patuloy na pagbabalatkayo sa halip na ang magawang tratuhin nang tama ang mga pagkukulang at kahinaan ng isang tao ay labis na kahangalan, kamangmangan, kayabangan, at kawalang-katwiran. Naisip ko kung paanong noong nagsisimula pa lang akong magsanay sa paggawa ng video at hindi pa naaarok nang mabuti ang mga prinsipyo, normal para sa akin na hindi makagawa ng mga komplikadong video. Pero hindi ko nakilala ang sarili kong mga limitadong kakayahan, at pagkatapos gumawa ng ilang video, kapag pinupuri ako ng mga kapatid at pinapalakas nila ang loob ko, nagsimula akong mag-isip na may mahusay akong kakayahan, at na magaling ako at may mga propesyonal na kasanayan. Kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko magawa o maunawaan, tumitigil akong humingi ng tulong at basta na lang akong nagtatago at nagbabalatkayo, natatakot na kung makita ng iba ang mga pagkukulang ko, mababago nito ang magandang impresyon nila sa akin. Napansin ng lider ang mga paghihirap ko at aktibo akong inalukan ng tulong, pero patuloy akong nagpanggap at tinanggihan ko ang tulong niya, pinipiling mag-isang magsaliksik nang palihim at mag-aksaya ng oras sa halip na ipagtapat ang mga problema ko. Dahil dito, naantala ko ang pag-usad ng video. Ganoon din ang ginawa ko noong gumagawa ako ng video sa bagong format. Bagaman malinaw sa akin na wala akong ideya kung ano ang gagawin, sinadya kong magkunwari na ginagawa ito para linlangin ang iba. Nagsayang ako ng maraming oras, at hindi pa rin nagawa ang video. Para mapanatili ang magandang imahe ko sa iba, pinagtakpan ko ang mga paghihirap at pagkukulang ko, at hindi hinayaan ang sinuman na makita ang mga ito. Kahit na kapag negatibo ako, hindi ko ito pinaalam kahit kanino. Gusto kong patuloy na magbalatkayo bilang isang tao na kayang gawin ang lahat at nalalampasan ang lahat ng tao sa lahat ng bagay. Napakayabang ko at ganap na walang kamalayan sa sarili! Pero hindi ko makilatis ang usaping ito, at nagpatuloy lang ako sa pagbabalatkayo. Kapag nakakaranas ako ng mga problema o paghihirap, hindi ako nagtatapat para humingi ng tulong, na nagreresulta na manatiling hindi nalulutas ang mga problema, na hindi lang nakaapekto sa sarili kong kalagayan kundi nakaantala rin sa paggawa ng video. Nang pag-isipan ko ito, napagtanto ko kung gaano ako kahangal! Pagkatapos ay naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hindi pagbabalatkayo, ang pagiging simple, bukas, at matapat, at ang paglalabas ng katiwalian, mga paghihirap, at mga pagkukulang ng isang tao sa pagbabahaginan para hanapin ang katotohanan ay mga tanda ng isang matalinong tao, at tanging ang mga tao lang na ito ang makakaunawa sa katotohanan at magkakamit ng kalayaan. Pero malinaw na nagkukulang ako sa maraming aspekto, at marami akong problema pagdating sa paggawa ng mga video lalo na sa mga bagong format, pero ni wala akong lakas ng loob na magsabi kahit na ng simpleng “Hindi ko ito kaya” o “Hindi ko nauunawaan.” Sa halip, ginawa ko ang lahat para itago ang sarili ko at magbalatkayo, natatakot na kung makita ng lahat ang totoong ako, hahamakin nila ako, na gagawin ang buhay ko na kapwa nakakapagod at mahirap. Paulit-ulit akong nagbalatkayo, iniisip na nagiging mautak ako at kaya kong lokohin ang iba, pero sa realidad, nakita na ng lahat ang mga tunay na kakayahan ko, at hindi lang ako nabigong maiwasan ang kahihiyan, kundi ginawa ko ring isang mas malaking hangal ang sarili ko. Sa pagtatago at pagbabalatkayo nang ganito, at sa hindi pangangahas na buksan ang puso ko at maghanap ng pagbabahaginan, hindi ko matanggap ang kaliwanagan o pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi malutas ang mga problema sa gawain ko, na humadlang lang at nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Pagkatapos maunawaan ang mga bagay ito, nagtapat ako sa mga kapatid ko sa pagbabahaginan at inilantad ko ang aking katiwalian at mga pagkukulang, at sa halip na hamakin ako, nakipagbahaginan silang lahat sa akin at tinulungan ako. Sobra akong napahiya at nanliit. Pagkatapos nito, kapag nahaharap ako sa mga gampanin ng paggawa ng video na hindi ko kayang gawin, aktibo akong humihingi ng tulong sa mga kapatid ko. Pagkatapos itong isagawa nang ilang panahon, umusad ako nang kaunti sa mga teknikal na kasanayan ko, at lalo akong naging mahusay sa mga tungkulin ko. Sobra akong nagpapasalamat sa Diyos!
Kalaunan, itinalaga ako ng iglesia para maging responsable sa pagdidilig sa mga baguhan. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasanay, naarok ko ang ilang prinsipyo at nagawang lutasin ang mga problema at paghihirap ng mga baguhan. Nagkomento ang mga kapatid na masipag ako, responsable, at kaya kong magpasan ng mga paghihirap sa mga tungkulin ko. Nang marinig ko ang papuri ng lahat, talagang sumaya ako at inakala kong maayos ang ginagawa ko, at nang hindi ko man lang napagtanto, nagsimula na naman akong magbalatkayo. Isang gabi, hindi ko maunawaan ang ilan sa mga katanungang binanggit ng ilan sa mga baguhan, at pagkatapos pag-isipan nang mabuti ang mga iyon nang matagal at hindi pa rin alam kung paano lutasin ang mga iyon, gusto ko nang matulog sa kama. Nang sandaling iyon, si Sister Zhang Jing, na nakikipagtulungan sa akin, ay nagtanong, “Gising ka pa rin hanggang ngayon? Kailangan mo ba ng kaunting tulong?” Naisip ko na matagal nang nagdidilig ng mga baguhan si Zhang Jing at may kaunting karanasan na siya sa gawain, kaya ninais kong makipag-usap sa kanya. Pero naisip ko, “Kung patuloy ko siyang tatanungin tungkol sa lahat ng bagay, iisipin kaya niyang wala akong kakayahan na hindi ko man lang kaya lutasin ang problemang ito? Hahamakin kaya niya ako? Huwag na, ako na lang ang bahala rito. Sa ganitong paraan, mayroon pa rin siyang magandang impresyon sa akin bilang isang taong handang magpuyat, magtiis ng paghihirap, at magbayad ng halaga.” Kaya nilakasan ko ang loob ko at sinabi sa kanya na kaya kong pangasiwaan ang mga bagay-bagay at dapat na siyang matulog. Nang gabing iyon, nagpuyat ako hanggang 2 n.u. at hindi ko pa rin alam kung paano lutasin ang ilang problema. Hindi lang ako nag-aksaya ng oras, kundi naantala ko rin ang gawain, at nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na panlulumo at pagkabagabag sa loob ko. Galit na galit din ako sa sarili ko, iniisip, “Bakit hindi na lang ako maging matapat at sabihing kailangan ko ng tulong? Bakit nag-aabala pa akong umasta na matatag at magkunwaring kaya kong gawin ang lahat ng bagay?” Pero hindi ko pa rin pinagnilayan ang sarili ko. Kalaunan, lumaki ang saklaw ng mga responsabilidad ko, at ang mga problema at paghihirap na naranasan ko sa gawain ko ay nagpatuloy lang na lumaki kasabay nito, pero mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at nahirapan akong makita nang malinaw ang mga isyu at lutasin ang mga iyon. Minsan, nasa mahihinang kalagayan ang mga tagadilig, at hindi nagbubunga ng anumang mga resulta ang mga tungkulin nila, at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga isyu nila. Para maiwasang makita ng iba ang mga kahinaan at pagkukulang ko, pinag-isipan ko lang nang mag-isa ang mga bagay-bagay, at kapag may problemang hindi ko talaga malutas, nagiging napakanegatibo ko na palihim na akong umiiyak. Pero kahit ganoon, nagpatuloy pa rin ako. Habang nasa pagsusuri ng gawain, nakita ko na ang mga resulta ng gawaing ako ang responsable ay napakahina, na maraming dating problema ang hindi pa nalutas, at na lumitaw ang mga bagong isyu. Nang sandaling iyon, hindi ko na napigilan pa, at umiyak ako. Habang humihikbi, ipinagtapat ko kay Zhang Jing ang buong kalagayan ko. Laking gulat ko, sinabi niya, “Ang buong akala ko ay napakaayos mong gumagawa, pero kung hindi ka pa nagsabi ngayon, hindi ko malalaman na napakarami mo palang problema.” Hiyang-hiya ako, dahil ito ang hitsura na nalikha ko sa pagbabalatkayo at panlilinlang sa iba. Sa ilang sumunod na araw, madalas kong iniisip, “Bakit kaya sa tuwing nakakaranas ako ng mga problema, ayaw kong magtapat at makipagbahaginan sa iba? Bakit palagi akong mahilig magtago at magbalatkayo?”
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang mapanatili ang kanyang banidad at pagpapahalaga sa sarili, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompetensiya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko. … Sinumang nag-iisip na ang sarili nila ay walang kapintasan at banal ay mga impostor lahat. Bakit Ko sinasabi na lahat sila ay mga impostor? Sabihin mo sa Akin, mayroon bang sinumang walang kapintasan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? Mayroon bang sinuman na tunay na banal? (Wala.) Tiyak na wala. Paano mawawalan ng kapintasan ang tao samantalang labis siyang nagawang tiwali ni Satanas at, maliban pa riyan, hindi niya likas na taglay ang katotohanan? Diyos lang ang banal; lahat ng tiwaling sangkatauhan ay may dungis. Kung gagayahin ng isang tao ang isang banal na tao, sasabihin na wala siyang kapintasan, ano ang taong iyon? Siya ay isang diyablo, isang Satanas, isang arkanghel—siya ay magiging tunay na anticristo. Isang anticristo lang ang magsasabing siya ay walang kapintasan at banal na tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na para mapanatili ang katayuan at imahe nila sa puso ng mga tao, madalas na nagbabalatkayo ang mga anticristo, pinagtatakpan ang mga kahinaan at pagkukulang nila, at nagkukunwaring mga tao na walang katiwalian o mga kapintasan, na kayang gawin ang lahat ng bagay, pinapahanga at pinapasamba ang iba sa kanila. Pinagnilayan ko ang sarili kong pag-uugali. Kapag may ilan akong resulta sa mga tungkulin ko, sa tingin ko ay mas mahusay ako kaysa sa iba, at para mapanatili ang magandang imahe ko sa puso ng mga tao at para isipin nilang may mahusay akong kakayahan, mga kapabilidad sa gawain, at para tingalain nila ako, hindi ako humingi ng tulong, at sa halip ay sinubukan kong mabuti na itago at pagtakpan ang mga bagay-bagay tuwing nakakaranas ako ng mga problema at paghihirap sa gawain at kapag malinaw na wala akong karanasan at hindi ako makakilatis o makalutas ng mga bagay-bagay. Kapag aktibong nag-aalok sa akin ng tulong ang iba, natatakot ako na malantad ang mga kahinaan at pagkukulang ko, kaya pinipili kong magpuyat mag-isa sa halip na tanggapin ang tulong ng iba, nagpapanggap pa ngang handa akong magtiis ng paghihirap nang hindi nagrereklamo para isipin ng mga tao na tapat ako sa mga tungkulin ko at kaya kong magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga. Pero sa huli, nauwi lang ako sa pagpapahirap sa sarili ko hanggang sa punto na manlumo at masaktan ako, umiiyak nang palihim at hindi nangangahas magsabi, dahil sa takot na makita ng mga kapatid ang tunay kong tayog at hindi na ako tingalain. Tunay na ako ay mapagpaimbabaw at peke. Sa pagbabalik-tanaw ko, hindi kailanman hiningi ng iglesia sa akin na magawa kong kilatisin ang lahat ng bagay o lutasin ang bawat problema sa mga tungkulin ko. Mapagpaimbabaw lang talaga ako, palaging nagkukunwaring malakas, nagmamalaki ako tungo sa sarili kong kapahamakan at nagkukunwaring nauunawaan ang mga bagay-bagay kahit hindi naman. Pinapahirapan ko lang ang sarili ko, at dahil dito, naantala ko ang gawain ng iglesia at nagdulot ng maraming pagdurusa sa sarili ko. Dahil palagi akong nagbabalatkayo bilang isang aktibo at positibong tao sa harap ng iba, nalihis ang ilang kapatid sa pagkukunwari ko at inakala nilang kaya kong tumiis ng paghihirap, na may mga kakayahan ako sa gawain, at mataas ang tingin nila sa akin. Sinabi ng isang sister sa akin, “Ang hirap siguro, na ikaw lang ang nagdadala ng gayong kabigat na pasanin, gusto kong matuto sa iyo.” Ang taas ng tingin sa akin ng sister dahil lang palagi akong nagbabalatkayo at hindi ko kailanman inilantad ang mga kahinaan o paghihirap ko. Naging napakahusay ko sa panlilihis at panlilinlang sa iba, na hindi lang mapaminsala sa iba, kundi pati na rin sa sarili ko! Mula sa kaibuturan ng puso ko ay namumuhi ako sa mga kilos at asal ko, at ayaw ko nang magbalatkayo pa o magpatuloy sa maling landas na ito, kaya nagdasal ako sa Diyos nang nagsisisi at naghanap ng landas ng pagsasagawa.
Pagkatapos ay nabasa ko ang mas marami pang mga salita ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang balakid, na siyang pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang sisiyasating mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Kaya’t kung anuman ang iyong kalagayan, negatibo ka man o naghihirap, anuman ang iyong personal na mga motibasyon o mga plano, anuman ang nabatid mo na o napagtanto sa pamamagitan ng pagsusuri, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan, at habang nakikipagbahaginan ka, gumagawa ang Banal na Espiritu. At paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Binibigyan ka Niya ng kaliwanagan at pagtanglaw at pinahihintulutan kang makita ang kalubhaan ng suliranin, ipinapaalam Niya sa iyo ang ugat at diwa ng suliranin, pagkatapos ay unti-unti Niyang ipinauunawa sa iyo ang katotohanan at ang Kanyang mga layunin, at hinahayaan ka Niyang makita ang landas ng pagsasagawa at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag ang isang tao ay hayagang nakapagbabahaginan, nangangahulugan ito na mayroon siyang tapat na saloobin sa katotohanan. Ang katapatan ng tao ay nasusukat sa kanyang saloobin sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Tinukoy ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa, na kinasasangkutan ng pagsasantabi ng pride ng isang tao, pagiging isang matapat na tao, pag-aaral na aktibong magtapat tungkol sa mga paghihirap at pagkukulang ng isang tao, pagkakaroon ng kakayahang ipakita sa Diyos at sa iba ang tunay na sarili ng isang tao, hindi pagsasagawa ng panlilinlang o pagtatago, at pagiging tunay at totoo. Kayang buksan ng isang matapat na tao ang puso niya sa Diyos, at taos-puso niyang gustong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at paghihirap niya, na ginagawang mas madali para sa kanya na matanggap ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, na maunawaan ang katotohanan, at na makapasok sa realidad. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, nagpapasyang sa hinaharap ay kailangan kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, bitiwan ang pride ko, maging bukas at ilantad ang sarili ko, at maging isang simple at matapat na tao.
Kalaunan, kapag nakakaranas na naman ako ng mga problema sa gawain ko na hindi ko maunawaan o malutas, o kapag may partikular akong kalagayan na hindi ko alam kung paano lutasin, sadya akong nagdarasal sa Diyos at nagtatapat para humingi ng tulong sa mga kapatid ko. Isang beses, nagtanong ang isang baguhan, at bagaman may ilan akong ideya, hindi malinaw sa akin ang mga detalye kung paano ko dapat ibabahagi ang solusyon, kaya naisip kong talakayin ito kay Zhang Jing, pero nag-atubili ako, iniisip, “Matagal-tagal na rin akong nagdidilig ng mga baguhan. Ano na lang kaya ang iisipin niya tungkol sa akin kung lalapit pa rin ako sa kanya nang may ganitong klaseng mga tanong? Bahala na. Hindi ko siya tatanungin. Ako na lang mag-isa ang bahalang mag-isip.” Sa puntong ito, napagtanto ko na natukso na naman akong magbalatkayo. Naisip ko kung paanong dati ay paulit-ulit akong nagbabalatkayo at pinagtatakpan ko ang sarili ko, na hindi lang nagdala sa akin na malublob sa panlulumo at pasakit kundi nagdulot din ng mga kawalan sa gawain, kaya napagtanto ko na hindi na ako puwedeng magkunwari pa. Kailangan kong maging bukas at iparating sa iba ang mga bagay na hindi ko nauunawaan o hindi malinaw sa akin. Kaya, sa puso ko ay tahimik akong nagdasal sa Diyos, humihingi sa Diyos ng paggabay para isagawa ang pagiging isang matapat na tao ayon sa Kanyang mga salita. Pagkatapos, tinalakay ko kay Zhang Jing ang mga paghihirap ko at ang mga posibleng solusyon dito, at tinukoy niya na hindi angkop ang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit ko, at sinabi rin niya sa akin kung paano magbahagi at lutasin ang ganitong uri ng isyu. Sa pagsunod sa payo ni Zhang Jing, naghanap muli ako ng mga nauugnay na salita ng Diyos. Pagkatapos kong makipagbahaginan sa baguhan, nalutas ang kalituhan niya, at talagang napanatag ako. Pagkatapos, napagtanto ko na ang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos ay nagdudulot ng kapanatagan at kalayaan.