74. Isang Kapasyahan na Hinding-hindi ko Pagsisisihan
Ipinanganak ako sa isang pamilyang magsasaka, kung saan naghahanapbuhay kami sa pagtatrabaho sa lupa. Mula sa murang edad, tinuruan ako ng tatay at lolo ko na kailangan kong mag-aral nang mabuti, at na sa pamamagitan lang ng pagpasok sa isang magandang unibersidad ako makahahanap ng magandang trabaho, mamumukod-tangi sa iba, at makapagbibigay ng karangalan sa pamilya. Sa kanilang pagtuturo, kapwa sa salita at sa halimbawa, masipag akong nag-aral, at palaging mataas ang mga marka ko. Madalas sabihin sa akin ng tatay ko, “Nakuha ng pinsan mo ang kanyang PhD at naging isang propesor. Mataas ang kinikita niya at napakaprestihiyoso nito. Iyong isa mo pang pinsan ay nagtapos sa isang sikat na unibersidad at ngayon ay gumagawa ng siyentipikong pananaliksik na may magagandang benepisyo…” Naisip ko na kailangan kong mag-aral nang mabuti, at pumasok sa isang magandang unibersidad at humanap ng magandang trabaho, sa gayong paraan ay pareho kong mabibigyan ng karangalan ang sarili ko at mga magulang ko. Noong panahong iyon, nanampalataya na ako sa Diyos, pero upang makapasok sa isang magandang unibersidad at sa kalaunan ay makahanap ng magandang trabaho at mapahanga sa akin ang lahat, ganap akong tumuon sa pag-aaral ko, at hindi ako regular na dumalo sa mga pagtitipon. Kalaunan, dahil sa mabigat na presyur sa pag-aaral at matinding kompetisyon, unti-unti akong nagsimulang dumanas ng mga problema sa kalusugan. Sunod-sunod ang mga naging sakit ko tulad ng paglaki ng thyroid, mga problema sa sikmura, at acute gastroenteritis. Nagpagamot ako sa ospital, pero hindi masyadong naibsan ang sakit, at nakaranas ako ng matinding pagkalagas ng buhok, na kitang-kita sa mata ang pagnipis ng buhok ko Madalas ding sumumpong ang gastroenteritis ko, at madalas akong magkaroon ng diarrhea. Pinahirapan ako ng mga sakit na ito, isinasadlak ako sa matinding pagdurusa. Habang nakikita ang matamlay kong sarili sa salamin, pakiramdam ko ay sobrang ubos na ako sa isip at katawan, at nasa matinding pasakit; Nami-miss ko ang mga panahong madalas akong makipagtipon sa mga kapatid, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at umaawit ng papuri sa Kanya, na partikular na nakagagaan ng pakiramdam at nakapagpapalaya. Ninais kong makapagpahinga, pero nagdulot sa akin ng pisikal at mental na kapaguran ang mabigat na gawaing akademiko. Madalas akong makaramdam ng pasakit at kahungkagan, iniisip na ang pamumuhay nang ganito ay sobrang nakakapagod. Minsan, naiisip ko pa nga na mabuti pa sigurong tumalon mula sa isang mataas na lugar at mahulog sa isang walang katapusang pagtulog. Napagtanto ko na mula kay Satanas ang mga kaisipang ito, at na hindi ko maaaring sundin ang mga ito. Kalaunan, naisip ko, “Napakaraming taon kong pinaghirapan ang pangarap kong mamukod-tangi nang higit sa lahat. Ito na lang ang huling taon na kailangang lampasan. Kapag nakapasok na ako sa unibersidad, magiging mas madali na ang mga bagay-bagay. Hindi magiging kasingpresyur ng high school ang pag-aaral sa unibersidad, at magagawa kong dumalo sa mga pagtitipon nang normal.”
Noong 2019, natanggap ako sa isang magandang politeknikong unibersidad. Nagpuntahan ang mga kamag-anak para batiin ako, at sinabi pa nila sa kanilang mga anak na ituring akong huwaran. Sa isang iglap, naging tanyag ako sa pamilya namin. Nagpadala rin ng mga mensahe ang mga kaibigan para batiin ako nang marinig ang balita. Masayang-masaya ako na marinig ang papuring ito mula sa mga kamag-anak at kaibigan. Inakala ko na magiging mas magaan ang akademikong presyur sa unibersidad kumpara sa high school, at na magkakaroon ako ng maraming libreng oras, na nagpapahihintulot sa aking makadalo sa mga pagtitipon nang normal. Gayumpaman, hindi nangyari ang mga inakala ko. Bukod sa pagpasok sa mga klase, kinailangan ko ring kumuha ng iba’t ibang pagsusulit sa sertipikasyon, at madalas akong abala sa pagdalo sa mga kursong pagpapahanda para sa mga pagsusulit na iyon. Kinailangan ko ring lumahok sa iba’t ibang aktibidad na inorganisa ng paaralan para makakuha ng mga credit, kaya nagiging napakahigpit ng aking iskedyul. Higit pa roon, sa mga unibersidad sa Tsina, bawal ang manampalataya sa Diyos, kaya palihim akong dumadalo sa mga pagtitipon. Pakiramdam ko ay medyo napipigilan ako at palagi akong natatakot na baka mahuli ako. Kalaunan, sinabi ni Sister Chen Xin na marami ang baguhan sa iglesia na apurahang nangangailangan ng pagdidilig, at gusto niya akong magsanay para gawin ito. Naisip ko, “Abala ako sa pag-aaral ko at kailangan kong kumuha ng mga pagsusulit para sa sertipikasyon. Kung gagawa rin ako ng tungkulin, maaantala nito ang pag-usad ng pag-aaral ko. Paano kung hindi ako magtatamo ng sapat na credit para makuha ang degree ko? Paano ako makakahanap ng magandang trabaho kung gayon?” Nang maisip ko iyon, tumanggi ako at ibinuhos ko ang buong sarili ko sa pagkuha ng mga credit. Bagaman dumadalo pa rin ako sa mga pagtitipon, hindi ko mapatahimik ang puso ko. Bihira na akong magdasal at magbasa ng mga salita ng Diyos. Araw-araw, sinusunod ko na lang ang nakagawian na pagpasok sa klase at pagkuha ng mga credit, at sa paglipas ng panahon, isang hindi maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan ang nagsimulang umusbong sa akin, ipinararamdam sa akin na ang ganitong pamumuhay ay walang kabuluhan. Kinaladkad ako ng roommate ko palabas kasama niya para magsaya at kumain ng masasarap na pagkain, pero hindi talaga nabawasan ang kahungkagan sa puso ko.
Noong bakasyon, pag-uwi ko, nakatagpo ko sa isang pagtitipon ang kaklase ko sa middle school na si He Xin. Sinabi sa akin ni He Xin na ang nakababata niyang kapatid na babae ay dumanas ng mental breakdown dalawang taon na ang nakararaan dahil dalawang beses itong nabigong makapasok sa high school. Natigilan ako. “Dating masayahin at positibo ang kapatid niya, pero ngayon ay nagkasakit sa pag-iisip!” May kaunting epekto sa akin ang insidenteng ito. Noong mga araw na iyon, madalas kong naiisip, “Nag-aaral nang husto ang kapatid ni He Xin para mamukod-tangi sa lahat. Hindi ko akalain na ganito ang kalalabasan. Nagpaalipin ako sa aking pag-aaral para makapasok sa unibersidad, at bagaman natanggap ako sa ninanais kong unibersidad at hinahangaan ako ng mga kamag-anak at kaibigan ko, wala akong maramdamang saya at pagod na pagod ako. Talaga bang sulit ang paghahangad na ito?” Makalipas ang ilang araw, sumiklab sa buong bansa ang COVID-19, kung saan isinasara ang mga nayon at hinihigpitan ang paglalakbay. Sinuspinde ng mga unibersidad ang mga klase, nagsara ang mga pabrika, at hindi na ako makapasok sa eskuwela. Kaya, normal akong dumalo sa mga pagtitipon sa iglesia at sinimulan kong gawin ang mga tungkulin ko. Habang mas nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos, unti-unti kong naunawaan ang ilang katotohanan. Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang mga taong gumagawa ng tungkulin nila, sa pangkalahatan, ay mailalagay sa dalawang kategorya. Ang isa ay ang uri na taos-pusong gumugugol ng kanyang sarili para sa Diyos, habang ang isa naman ay ang uri na laging umiiwas sa gawain. Anong uri ng tao sa tingin mo ang sasang-ayunan at ililigtas ng Diyos? (Yaong mga taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos.) Nais ng Diyos na makamit ang mga taong iyon na taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya. … Ngayon, ginagamit ninyo ang inyong mga libangan at kasanayan habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin. Isa pa, sa panahong ito, ginagawa ninyo ang inyong tungkulin bilang isang nilalang, nauunawaan ninyo ang katotohanan at nakapapasok sa tamang landas ng buhay. Kay sayang pangyayari, kay gandang pagpapala nito! Paano man ninyo tingnan ito, hindi ito isang kawalan. Habang sinusundan ninyo ang Diyos, inilalayo ang inyong sarili sa mga lugar ng kasalanan, at inilalayo ang inyong sarili sa mga grupo ng masasamang tao, kahit papaano ay hindi patuloy na magdurusa ang inyong puso at isipan sa pagtiwali at pagyurak ni Satanas. Nakarating ka sa isang piraso ng dalisay na lupain, nakaharap sa Diyos. Hindi ba’t isang napakalaking pagpapala nito? Muling isinisilang ang mga tao sa magkakasunod na henerasyon, hanggang sa kasalukuyan, at gaano karaming tsansa ang mayroon sila? Hindi ba’t tanging ang mga taong ipinanganak sa mga huling araw ang may ganitong pagkakataon? Napakagandang bagay nito! Hindi ito isang kawalan, ito ang pinakamalaking pagpapala. Dapat masayang-masaya ka! Bilang mga nilalang, sa lahat ng nilikha, sa ilang bilyong tao sa mundo, gaano karaming tao ang may pagkakataong makapagpatotoo sa mga gawa ng Lumikha sa kanilang identidad bilang mga nilalang, na makagawa sa kanilang tungkulin at responsabilidad sa gawain ng Diyos? Sino ang may gayong oportunidad? Marami bang taong may gayong oportunidad? Masyadong kakaunti! Ilan sila? Isa sa sampung libo? Hindi, mas kaunti pa nga! Lalo na kayo na nakakagamit ng inyong mga kasanayan at kaalaman na napag-aralan ninyo para gawin ang inyong tungkulin, hindi ba’t lubos kayong pinagpala? Hindi ka nagpapatotoo tungkol sa isang tao, at ang ginagawa mo ay hindi isang propesyon—ang Siyang pinaglilingkuran mo ay ang Lumikha. Ito ang pinakamaganda at pinakamahalagang bagay! Hindi ba’t dapat ninyo itong ipagmalaki? (Dapat nga.) Habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, natatamo ninyo ang pagdidilig at pagtustos ng Diyos. Sa gayong napakagandang sitwasyon at pagkakataon, kung wala kayong natatamong anumang mahalagang bagay, kung hindi ninyo nakakamit ang katotohanan, hindi ba kayo magsisisi habangbuhay? Kaya, dapat ninyong samantalahin ang pagkakataon na gawin ang inyong tungkulin, at huwag itong palampasin; masigasig na hangarin ang katotohanan habang ginagawa ang inyong tungkulin, at kamtin ito. Ito ang pinakamahalagang bagay na magagawa ninyo, ang pinakamakabuluhang buhay!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na tanging ang mga taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos ang maaaring sang-ayunan Niya. Bilang isang nilikha, ang paggawa ng sariling tungkulin at pagsisikap na makamit ang katotohanan ang pinakapinagpala at pinakamahalagang bagay na dapat gawin. Naisip ko kung paanong isa lang akong maliit na nilikha, at sa bilyon-bilyong tao sa mundo, nagkaroon ako ng pribilehiyong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, madiligan at matustusan ng Kanyang mga salita, gawin ang mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, at mag-ambag ng mga pagsisikap ko sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos—tunay na ito ang pag-aangat sa akin ng Diyos! Noon, ang tanging pinagtutuunan ko ng pansin ay ang mamukod tangi sa lahat at mahangaan ng iba, ibinubuhos ang lahat ng oras at lakas ko sa aking pag-aaral at hindi sineseryoso ang aking pananalig. Nang hilingin sa akin ni Sister Chen Xin na magsanay ako sa pagdidilig ng mga baguhan, tumanggi ako. Ngunit hindi nagkimkim ng sama ng loob ang Diyos sa akin at binigyan Niya ako ng isa pang pagkakataon na gawin ang mga tungkulin ko. Kailangan ko itong pahalagahan nang maayos. Pagkatapos, sineryoso ko ang mga tungkulin ko at pinag-isipan ko kung paano magagawa nang maayos ang mga ito. Habang ginagawa ko ang mga tungkulin ko, nagbunyag ako ng kaunting katiwalian. Sa patnubay at tulong ng mga sister, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga tiwaling disposisyon. Nakaramdam ako ng katatagan, kapayapaan, kaginhawahan, at kalayaan na hindi ko pa kailanman naranasan dati. Ang bawat araw ay makabuluhan at umaasa akong gagawin ko ang mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos magpakailanman.
Gayumpaman, hindi nagtagal ang magagandang panahong iyon. Ipinabatid sa amin ng tagapayo ng mga estudyante na magsisimula na ang pasukan sa Setyembre, at na dahil sa pandemya, ipatutupad ng paaralan ang isang mahigpit na sistema ng pamamahala sa pagbabalik ng pasukan, kung saan pinagbabawalan ang lahat na lumabas ng kampus. Nang matanggap ko ang balitang ito, bigla akong nilamon ng pasakit. “Ngayong ipinatutupad ng paaralan ang isang mahigpit na sistema ng pamamahala, hindi na ako makalalabas ng kampus sa pagbabalik ng pasukan, kaya hindi ako makadadalo sa mga pagtitipon o makakagawa ng mga tungkulin ko. Maiindoktrinahan din ako ng mga ideyang ateista. Mababaw lang ang pundasyon ko sa pananalig, at maliit ang tayog ko. Makakapanindigan kaya ako sa ganitong kapaligiran?” Kaya ayaw kong pumasok sa eskuwela. Pero naisip ko, “Kung hindi ako papasok, tiyak na madidismaya sa akin ang tatay at lolo ko. Hindi na magiging mataas ang tingin sa akin ng mga kamag-anak at kaibigan ko, at baka kutyain pa nila ako. Pero kung talagang papasok ako sa eskuwela, hindi ako makadadalo sa mga pagtitipon o makagagawa ng mga tungkulin ko. Ngayong kumakalat ang pandemya kahit saan at tumitindi ang mga sakuna, nalalapit na ang pagtatapos ng gawain ng Diyos. Kung magwawakas ang gawain ng Diyos at hindi ko pa rin nakamit ang katotohanan, hindi ba’t kung gayon ay masasadlak ako sa mga sakuna? Pero kung susuko ako sa aking pag-aaral, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng taon ng pagsisikap ko?” Habang iniisip ko ito, lubha akong nabagabag at hindi ko alam kung ano ang dapat kong piliin. Noong panahong iyon, nakipag-ugnayan sa akin ang lider at sinabing, “Ngayong mabilis na lumalaganap ang ebanghelyo at parami nang paraming tao ang tumatanggap sa gawain ng Diyos, apurahang nangangailangan ang iglesia ng mga tagadilig, at gusto naming magdilig ka ng mga baguhan. Handa ka bang gawin ito?” Medyo hindi ko alam ang gagawin noong mga oras na iyon. Pagkatapos, napanood ko ang dula sa entablado na Paalam, Aking Inosenteng Kampus, at nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit sa video: “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang isipan ng mga tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay kasikatan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa kasikatan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya para sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, samakatwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para ilayo ang mga tao sa Diyos at akayin sila na ipagkanulo Siya. Naalala ko na noong bata pa ako, itinuro sa akin ng tatay at lolo ko na “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno” at na “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Ginawa kong layon ko sa buhay ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, naniniwalang sa pamamagitan lang ng pagkakamit ng kasikatan, pakinabang, at paghanga ng iba magiging makabuluhan at mahalaga ang buhay. Wala akong mga pag-aalinlangan sa pagkasira ng kalusugan ko para makapasok sa unibersidad. Walang tigil akong nag-aral na parang isang robot, na nagresulta sa iba’t ibang karamdaman. Ang pisikal na sakit at dalamhati sa loob ko ay nagdulot sa akin ng lubhang pagkagabag at sobrang pagkapagod. Nawalan ako ng gana na mabuhay at talagang ninais kong makatulog na lang habambuhay. Pero alang-alang sa pagtatamo ng degree, kasikatan, at pakinabang, tiniis ko ang hirap at patuloy na nagsikap. Pagkatapos matanggap sa unibersidad na pinapangarap ko, para makakuha ng sertipiko ng degree at makahanap ng magandang trabaho, ibinuhos ko ang sarili ko sa pagkamit ng mga credit, mas lalong lumalayo sa Diyos. Dumadalo lang ako sa mga pagtitipon nang wala sa loob at nabawasan ang mga pagdarasal at pagbabasa ko ng mga salita ng Diyos. Ang kasikatan at pakinabang ay parang isang di-nakikitang tanikala na inilagay sa akin ni Satanas, ginagapos at sinasaktan ako nang labag sa aking kalooban. Sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, ibinuhos ko ang lahat ng oras at lakas ko sa aking pag-aaral sa paglipas ng mga taon, pinapabayaan ang pananalig ko sa Diyos, at lubhang nagdusa ang aking espirituwal na buhay. Kung magpapatuloy ako sa landas na ito, maaari akong makakuha ng bachelor’s degree, isang magandang trabaho, at hahangaan ako ng mga tao, pero ano ang pakinabang nito kung mawawalan ako ng pagkakataon na maligtas? Ngayong kumakalat na ang pandemya sa lahat ng dako, tumataas araw-araw ang bilang ng mga taong nahahawaan, at marami nang namatay. Maging ang ilang opisyal ay nahawaan din. Hindi mahalaga kung gaano kayaman o kasikat ang isang tao, kapag tinamaan siya ng virus, mamamatay pa rin siya. Napagtanto ko na ang paghahangad sa katanyagan at pakinabang at katayuan ay walang tunay na halaga o kabuluhan. Tanging ang paghahangad sa katotohanan ang nagbibigay ng pag-asa na mailigtas.
Nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos sa video: “Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas para makilala ang Diyos at sang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka papet at bilanggo ng kasaysayan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Ibinahagi ng pangunahing tauhan na “Ang tanging landas sa kaharian ng Diyos ay ang tanggapin si Cristo ng mga huling araw. … Hindi mga simpleng bagay ang pag-unawa sa katotohanan at pagkakaligtas sa ating pananalig. Hindi ‘yon parang ligtas na tayo sa sandaling maniwala tayo. … Dumarami ang mga sakuna at nag-aaral pa lang tayo sa eskuwelahan. Hindi natin maibabahagi ang ebanghelyo at makakatayong saksi hanggang sa makatapos tayo. Kaya nabibilang ba ito bilang pagsunod sa Diyos?” Pagkarinig ko nito, labis akong naantig. “Tanging sa pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at paghahangad na makamit ang katotohanan maaaring maligtas at manatiling buhay ang isang tao. Kung ako ay parehong nag-aaral at nananampalataya sa Diyos, pero hindi gumagawa ng mga tungkulin ko, maituturing ba ako na isang tunay na tagasunod ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t hahantong ako sa wala?” Pagkatapos, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, at upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian—lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago ang pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao, o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang pagiging mapaghimagsik ng tao, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Naunawaan ko na sa mga huling araw, pumarito ang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol upang iklasipika ang mga tao ayon sa kanilang uri, at sa huli ay wakasan ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Dadalhin Niya ang mga nakikinig sa Kanyang mga salita, nagpapasakop sa Kanya, at mga tapat sa Kanya, sa susunod na kamangha-manghang kapanahunan samantalang ang mga hindi gumagawa ng kanilang mga tungkulin at walang katotohanang realidad ay masasadlak lahat sa mga sakuna at lilipulin ng Diyos. Tanging ang pananampalataya sa Diyos, paggawa ng mga tungkulin, at paghahangad sa katotohanan para makapasok sa katotohanang realidad ang pinakamahalaga at makabuluhang bagay. Mapalad ako na narinig ko ang tinig ng Diyos at natanggap ang ebanghelyo ng kaharian, nagkakaroon ng pagkakataong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Napakalaking biyaya nito mula sa Diyos! Pero hindi ko ito pinahalagahan, sa halip, ginugugol ko ang lahat ng oras at lakas ko sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Napakabulag at mangmang ko noon! Dati, nakatuon lang ako sa kasikatan at pakinabang, at hindi ko sineryoso ang paghahangad sa katotohanan. Bilang resulta, sa kabila ng pananampalataya ko sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi ko naunawaan ang katotohanan at kaunti lang ang kaalaman ko sa sarili kong tiwaling disposisyon. Dahil sa pandemya, ginugol ko ang ilang nakaraang buwan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at paggawa ng tungkulin ko sa bahay. Nakaunawa ako ng ilang katotohanan at nagkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa aking mga tiwaling disposisyon. Ang mga nakamit ko sa panahong iyon ay nagbigay sa akin ng pakiramdam ng labis na pagkakontento, at gusto kong isuko ang pag-aaral ko para gawin ang mga tungkulin ko. Sinabi ko sa lola ko at sa nanay ko ang desisyon kong huminto sa pag-aaral. Buong-buo ang suporta ng lola ko. Pero nang marinig ito ng nanay ko, iyak siya nang iyak at sinabing, “Hindi naging madali para sa amin na suportahan ang pag-aaral mo. Kung hihinto ka ngayon, ano ang sasabihin ng tatay at lolo mo? Ano ang iisipin ng mga kamag-anak at kaibigan natin kapag nalaman nila?” Sinubukan din akong kumbinsihin ng kapatid kong babae nang malaman niya ito, sinasabing, “Matapos ang mahigit sampung taon ng pagsusumikap sa pag-aaral, sigurado ka bang hindi mo pagsisisihan ang paghinto nang ganito?” Nang marinig ko ang sinabi nila, medyo nalungkot ako. Napakarami kong isinakripisyo para makapasok sa unibersidad. Kung hihinto ako ngayon, hindi ba’t masasayang lang ang labing-apat na taon ng pagsisikap ko at ang puspusang pagsasakripisyo ng mga magulang ko? Higit pa rito, hindi naging madali para sa mga magulang ko na suportahan ako sa pag-aaral. Umaasa sila na makapapasok ako sa isang magandang unibersidad, makahahanap ng magandang trabaho, na mabibigyan ko sila ng mas magandang buhay at ng kaunting karangalan. Kung hihinto ako sa pag-aaral para gawin ang mga tungkulin ko, tiyak na madudurog ang puso nila at madidismaya sila. Napakawalang utang na loob niyon! Ayaw kong maging malungkot ang mga magulang ko, pero hindi ito ang buhay na gusto ko. Nakaramdam ako ng matinding pagtatalo ng kalooban ko at pasakit, kaya, patuloy akong nagdarasal sa Diyos, “O Diyos, lubha akong naguguluhan ngayon. Pakiusap, gabayan Mo po ako na maunawaan ang layunin Mo at gawin ang tamang pasya.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang buhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Dahil dito, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pagtanda. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na umiiral at lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na ang tao ay lumalaki sa ilalim ng biyaya ng pagpapalaki ng mga magulang, at na ang sarili niyang instinto sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng kanyang buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng pag-iral ng buhay niya, at na ang mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang nababatid ang tao, at sa ganitong paraan niya inaaksaya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala kahit isang tao, na pinangangalagaan ng Diyos sa araw at gabi, ang nagkukusang sumamba sa Kanya. Patuloy lang na gumagawa ang Diyos sa taong wala Siyang anumang inaasahan, ayon sa naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa panaginip nito at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang ibinayad ng Diyos para sa lahat ng Kanyang ibinigay sa kanya, at ang masidhing pananabik ng Diyos na manumbalik ang tao sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na umiiral ang lahat ng tao sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos. Sa panlabas, tila ang mga magulang ko ang nagpalaki sa akin, pero sa realidad, nagmumula sa Diyos ang buhay ko. Ang Diyos ang nagtutustos sa akin, isinasaayos ang pamilyang nagsilang sa akin at ang mga magulang ko, ibinibigay ang lahat ng mga pangangailangan ko para mabuhay, at hakbang-hakbang akong ginagabayan kung nasaan ako ngayon. Ang pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak ay pagtupad lang sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon; walang utang na loob na namamagitan sa kanila. Matagal ko nang gustong magkolehiyo at makahanap ng magandang trabaho, para magkaroon kami ng mga magulang ko ng mas magandang buhay at makamit ang paghanga ng mga tao. Para sa layong ito, nagsumikap ako nang mahigit isang dekada. Pero nang hinangad ko ang kasikatan at pakinabang at pininsala at pinahirapan ako ni Satanas, hindi ang mga magulang ko ang tumayo sa tabi ko sa mga pinakamasakit na sandali ng buhay ko, kundi ang Diyos. Binabantayan at pinoprotektahan ako ng Diyos, binibigyang-ginhawa at ginagabayan ako gamit ng Kanyang mga salita. Hinihintay Niya ako na ituwid ko ang aking sarili. Kung nagpatuloy ako sa maling daan na ito, magiging napakalaki ng utang ko sa Diyos. Patuloy akong dinidiligan at tinutustusan ng Diyos, hakbang-hakbang akong inaakay tungo sa kinaroroonan ko ngayon. Ngayon, sa iba’t ibang gampanin sa loob ng sambahayan ng Diyos na nangangailangan ng pakikipagtulungan ng mga tao, dapat kong isakatuparan ang mga responsabilidad ko bilang nilikha at tuparin ang mga tungkulin ko. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, sinabi ko sa nanay at kapatid ko, “May misyon ako, at sumang-ayon man kayo o hindi, hihinto ako sa pag-aaral.” Nang makita nila kung gaano ako kadeterminado, hindi na sila nagsalita pa.
Pagkatapos, nagmensahe ako sa aking tagapayo para ipaalam sa kanya ang desisyon ko na huminto sa pag-aaral. Sinubukan akong kumbinsihin ng tagapayo, sinasabing, “Pag-isipan mo itong mabuti. Kapag nakapagtapos ka, magkakaroon ka ng bachelor’s degree, at lalong magiging mas madaling makahanap ng trabaho.” Nang marinig ko ito, medyo nadala ako, kaya nagdasal ako sa Diyos at naalala ko ang mga salita Niya: “Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang bawiin ang panahon ay pagliligtas sa buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kang mag-aral para dito nang paulit-ulit. Gayumpaman, hindi na maaantala pa ang Aking araw. Tandaan! Tandaan! Ito ang mabubuting salita Ko ng panghihikayat. Nalantad na sa inyo ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at malapit nang dumating ang malalaking kalamidad. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang inyong pagkain at inumin at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito! Huwag nang magduda pa! Masyado kayong natatakot na seryosohin ang mga bagay na ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). Bigla akong natauhan, napagtanto ko na gaano man kataas ang pinag-aralan ko o kaganda ang trabaho ko, pansamantala lang ito at panandalian lang nitong matutugunan ang aking banidad, nang hindi talaga nakabubuti sa buhay ko. Ngayon, ginagawa ng Diyos ang huling yugto ng Kanyang gawain ng pagliligtas at paglilinis sa sangkatauhan—ito ay isang minsan-sa-habambuhay na oportunidad. Kung palalampasin ko ito, habang buhay ko itong pagsisisihan. Kailangan kong sunggaban ang pagkakataong ito para gawin ang tungkulin ko at taimtim na hangarin ang katotohanan. Kung hindi, gaano man kaprestihiyoso ang degree ko, gaano man kaganda ang trabaho ko, o gaano man kalaki ang paghangang nakamit ko mula sa mga kaibigan at kamag-anak, masasadlak pa rin ako sa mga sakuna sa huli. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig para magawa kong manampalataya sa Kanya nang walang pag-aalinlangan at magawa ko ang mga tungkulin ko. Pagkatapos magdasal, determinado akong nagmensahe sa aking tagapayo, sinasabi na, “Nakapagpasya na akong huminto!” Nang makita ang determinasyon ko, hindi na ako sinubukan pang kumbinsihin ng tagapayo, at maayos na natapos ang proseso ng paghinto sa pag-aaral.
Sa sandaling lumabas ako ng gate ng paaralan dala ang maleta ko, para bang nabunutan ako ng malaking tinik sa puso ko. Naranasan ko ang gaan at saya na hindi ko pa kailanman nadama noon. Pagkatapos nito, pumunta ako sa iglesia para gawin ang mga tungkulin ko at nagkaroon ako ng mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos at mas mapalapit sa Kanya. Sa pamamagitan ng pagdanas sa iba’t ibang kapaligirang isinaayos ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan, natutunan ko ang tunay na kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, kung paano hangarin ang buhay pagpasok, kung paano lutasin ang aking tiwaling disposisyon, at iba pa. Talagang sumigla ang puso ko. Naramdaman ko na may kabuluhan ang bawat araw, at lalong panatag at masaya ang puso ko. Maging ang ilan sa mga karamdaman ko ay unti-unting nawala nang hindi ko namamalayan. Pag-uwi ko sa Bagong Taon, nakita ko ang mga dati kong kaklase na abala araw-araw sa kanilang pag-aaral, kumukuha ng iba’t ibang pagsusulit sa sertipikasyon, at lumalahok sa lahat ng uri ng aktibidad. Hinangad nila ang kasikatan at pakinabang bilang layon ng kanilang buhay, walang pagod na nagsusumikap para sa mga ito, pero hindi man lang nila alam kung saan sila nanggaling, kung saan sila patutungo sa huli, kung bakit nabubuhay ang mga tao, at iba pa. Kahabag-habag ang naging pamumuhay nila. Kung hindi ako huminto sa pag-aaral noon, isa rin sana ako sa kanila. Napakasaya ko na pinili kong lisanin ang eskuwelahan at magtungo sa sambahayan ng Diyos para gawin ang mga tungkulin ko—ito ang pinakatamang desisyong nagawa ko, at hinding-hindi ko ito pagsisisihan!