88. Mapapait na Aral na Natutuhan mula sa Pagiging Mapagpalugod ng Mga Tao

Ni Fanyi, Tsina

Noong Pebrero 2021, pareho kaming nahalal ni Wang Hua bilang mga lider sa iglesia. Dahil may dating karanasan si Wang Hua bilang lider at bihasa rin siya sa pangangaral ng ebanghelyo, siya ang pangunahing responsable sa gawain ng ebanghelyo, habang pinangangasiwaan ko naman ang ibang mga gampanin. Kapag nahaharap ako sa mga problema o paghihirap sa gawain ko, maghahanap ako mula sa kanya, at palagi siyang handang makipagbahaginan at tumulong sa akin. Talagang nagkakasundo kami. Pagkalipas ng ilang panahon, napansin kong may masyadong mapagsariling-kalooban si Wang Hua, lalo na sa mga usapin ng pagpili at paggamit ng mga tao. Palagi siyang umaasa sa sarili niyang pananaw nang hindi hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi siya nagpapakita ng kagustuhang isaalang-alang ang mga mungkahi ng iba. Isang araw, iniulat ng diyakono ng ebanghelyo na ang lider ng pangkat na si Li Zhi ay palaging pabasta-basta sa mga tungkulin niya, hindi nagpapakita ng pagpapahalaga sa pasanin, at sa kabila ng maraming beses ng pakikipagbahaginan, hindi niya itinama ang ugali niya. Isang linggo pa nga niyang iniwanan nang hindi naaasikaso ang mga tungkulin niya, ganap na binabalewala ang mga iyon dahil sa mga personal na bagay. Pagkatapos itong mabalitaan, medyo nagalit ako at naramdaman kong hindi angkop si Li Zhi na magpatuloy bilang lider ng pangkat, at ayon sa mga prinsipyo, dapat siyang matanggal at maitalaga sa ibang tungkulin. Ibinahagi ko ang pananaw ko kay Wang Hua, pero nagulat ako na bukod sa ayaw niyang makinig, mahigpit din niya akong pinuna, sinabing bubot ang pag-iisip ko at masyado akong maraming hinihingi sa iba. Sinabi pa nga niyang kapag nasa magandang kalagayan si Li Zhi, kaya nitong magkamit ng mga tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo at na kailangan nito ng mas maraming pakikipagbahaginan at tulong. Sabi ko, “Para maging isang lider ng pangkat, dapat na may pagpapahalaga sa responsabilidad ang isang tao. Batay sa palagiang pag-uugali ni Li Zhi sa mga tungkulin niya, talagang hindi siya angkop para sa posisyon ng lider ng pangkat. Pero ipinagpipilitan mo pa ring panatilihin siya sa posisyon. Paglabag ito sa mga prinsipyo!” Pero ayaw pa ring makinig ni Wang Hua at sinabi niya, “Kung tatanggalin natin si Li Zhi at hindi tayo makakahanap agad ng angkop na kapalit, maaaring magdusa ang mga resulta ng gawain, at wala tayong maibibigay na katanggap-tanggap na paliwanag kung magtatanong ang mga lider tungkol dito. Mas mabuti pang may tao sa posisyon kaysa sa wala talaga.” Nang marinig kong sinabi niya ito, nakita kong nakatuon lang siya sa sarili niyang reputasyon at katayuan, at na hindi talaga niya isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia. Kaya gusto kong ilantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagkilos niya sa ganitong paraan. Pero nang makita ko ang galit niyang ekspresyon, nag-alala ako, naisip ko, “Kadalasan, nawawalan siya ng pasensiya kapag sandali kong binabanggit ang mga isyu sa gawain niya. Kung magsasalita ako nang masyadong simple at direkta, malamang na magagalit ko siya, at hindi niya ako kikibuin. Kung magdudulot ito ng tensyon sa relasyon namin, paano na kami magtutulungan sa hinaharap? Paano kung maharap ako sa mga paghihirap sa gawain at hindi na niya ako tulungan? Mas mabuti pa sigurong huwag na itong banggitin. Napakaraming taon na niyang ginagawa ang mga tungkulin niya at mas nauunawaan niya ang mga prinsipyo sa pagtatalaga ng mga tao sa ibang tungkulin kaysa sa akin. Malamang na may sarili siyang mga plano. Pinakamainam nang huwag ko ito masyadong alalahanin.” Kaya, pinaalalahanan ko na lang siyang isaalang-alang ang mga pakinabang at kawalan pagdating sa paggamit ng mga tao at hindi ko na ulit binanggit ang usaping ito.

Hindi nagtagal, sinabi sa akin ni Wang Hua na matalas ang isip ni Sister Shuxin at magaling itong makipag-usap sa mga tao, at na plano niya itong linangin para mangaral ng ebanghelyo. Nang marinig ko ito, naisip ko, “Pamilyar ako kay Shuxin. Noon pa man ay iresponsable na ito sa mga tungkulin nito, makasarili, at mapanlinlang. Noong nililinang ito para magdilig ng mga baguhan dati, nayayamot ito, at takot itong umako ng pananagutan kung aalis ang mga baguhan. Pagkalipas lang ng dalawampung araw ng pagdidilig, tumigil na ito sa pagpunta at nagsinungaling pa nga na pinipigilan daw ito ng asawa na gawin ang mga tungkulin nito.” Kaya sinabi ko ang nalalaman ko kay Wang Hua at pinaalalahanan siya na hindi angkop sa paglilinang ang isang taong tulad ni Shuxin. Hindi talaga pinakinggan ni Wang Hua ang payo ko. Sinabi niyang imposibleng ganap na mahusgahan ang tunay na kalikasan ng isang tao mula lang sa isang interaksyon, at na sa halip ay kailangan namin itong tingnan mula sa isang pananaw ng pag-unlad. Pakiramdam ko ay hindi ito angkop at gusto ko siyang pigilan. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Nasabi na niya sa lahat ang tungkol sa paglilinang kay Shuxin, kaya kung hindi ako sasang-ayon, tiyak na mapapahiya siya. Iisipin ba niyang nagiging mapagmataas at pakialamero ako? Paano kung magdulot ito ng tensyon sa relasyon namin? Dahil doon ay magiging mahirap na magkasundo kami sa hinaharap.” Iniisip ito, nawalan ako ng lakas ng loob na mas magpumilit at pinanatag ko na lang ang loob ko sa pag-iisip na, “Kahit papaano, naibigay ko naman ang lahat ng paalalang dapat kong ibigay. Kung may anumang isyung lilitaw sa hinaharap, hindi ko iyon pananagutan.”

Kalaunan, nalaman kong nanatiling walang interes si Li Zhi sa mga tungkulin niya, at na naapektuhan nito ang kalagayan ng mga kapatid, na humantong sa malubhang pagbaba ng pagiging epektibo ng gawain. Dagdag pa rito, hindi nagpakita si Shuxin ng pagpapahalaga sa pasanin para sa pangangaral ng ebanghelyo, at tinatalikuran niya ang mga tungkulin niya sa tuwing nagiging abala siya sa bahay, at kakaunti ang naging resulta ng mga tungkulin niya. Nagpadala ang mga lider ng isang liham na tumutugon sa mga paglihis at isyu sa aming gawain ng ebanghelyo, at nakipagbahaginan sa amin at pinungusan kami. Pero hindi talaga nagpakita si Wang Hua ng anumang paninisi sa sarili. Sa halip, nakipagtalo siya at sinubukang pangatwiranan ang sarili niya, sinasabing ang mga kapatid ay walang pagpapahalaga sa pasanin para sa mga tungkulin nila. Gusto ko na talagang ilantad at himayin ang mga isyu niya, pero natakot din ako na sabihin niyang hindi ko kilala ang sarili ko at pinupungusan ko lang siya, kaya sandali ko siyang pinaalalahanan na pagnilayan ang sarili niya at magsisi sa Diyos. Kalaunan, nakita kong walang pagkakilala si Wang Hua sa sarili niya. Iniulat ng mga kapatid na nakatuon lang siya sa pamumuna sa gawain nila at paninita sa kanila sa panahon ng mga pagtitipon, na hindi niya nilulutas ang mga aktuwal na isyu, at na napipigilan niya ang lahat. Napagtanto kong malamang ay isang huwad na lider si Wang Hua, kaya gusto ko itong iulat sa mga nakatataas na lider. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Kung matutuklasan niyang iniulat ko ang mga problema niya, hindi ba’t magtatanim siya ng sama ng loob sa akin? Tutal, natulungan naman niya ako sa mga tungkulin ko….” Paulit-ulit ko itong pinag-isipan, pero sa huli, wala pa rin akong lakas ng loob na sumulat ng kahit na ano tungkol sa kanya. Kalaunan, pumunta ang mga nakatataas na lider para siyasatin ang gawain. Natuklasan nilang si Wang Hua ay mapagmataas at mapagmagaling, kumikilos nang walang anumang prinsipyo, na hindi niya tinatanggap ang mga mungkahi ng iba, at na nagtatalakay lang siya ng mga salita at doktrina nang hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain, kaya kinilala siya bilang isang huwad na lider at tinanggal. Isa pa, dahil kumikilos ako bilang mapagpalugod ng mga tao at nabigo akong itaguyod ang gawain ng iglesia, tinanggal din ako. Hindi nagtagal, tinanggal din sina Li Zhi at Shuxin. Pagkatapos mapakitunguhan nang ganito, natakot ako at nalaman kong nakagawa ako ng masama. Partikular na noong alalahanin ko ang pagtatanong sa akin ng mga lider, “Nang makita mong kumilos si Wang Hua nang labag sa mga prinsipyo at hindi mo siya mapigilan, bakit hindi mo siya iniulat? Bakit patuloy mong sinusubukang protektahan ang ugnayan mo sa kanya? Napakairesponsable mo sa mga tungkulin mo!” Nakaramdam ako ng matinding kirot sa puso ko. Para mapanatili ang ugnayan ko kay Wang Hua, hindi ko isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Nakita kong nagambala at nagulo niya ang gawain ng iglesia, pero hindi ko siya pinigilan. Kinukunsinti ko ang masasamang kilos ng huwad na lider na ito at umaakto ako bilang kasabwat niya! Sa mga sumunod na buwan pagkatapos kong matanggal, masyado akong nasiraan ng loob, at nabuhay ako sa isang kalagayan ng lubos na kalungkutan at nagkaroon ako ng negatibong hatol sa sarili ko.

Dahil nakikitang nasa masamang kalagayan ako, nagbahagi sa akin ang mga kapatid ng mga salita ng Diyos para tulungan ako. May isang sipi na malalim na tumatak sa akin. Sabi ng Diyos: “Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinag-iisipan ng masama dahil dito. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mapapalugod ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang ipinaparating Ko sa inyo rito? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Kailangan naming maayos na pangasiwaan ang mga pagbubunyag namin ng katiwalian at tumuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at matatanggap namin ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kaming magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, madali kaming masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, ‘Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.’ Dapat kang magkaroon ng ganitong kapasyahan. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kuwalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o may mga pagkakataong hindi maganda ang iyong pag-uugali, at hindi ka tinatanggap ng Diyos, o itinataboy ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, nadama ko ang pagmamahal Niya, at nakita kong kailanman ay hindi nagbago ang puso ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao. Hindi tumigil ang Diyos sa pagliligtas sa akin dahil lang naging mapagpalugod ako ng mga tao at nagdulot ako ng pinsala sa gawain ng iglesia. Sa halip, umasa Siyang sa pamamagitan ng kabiguang ito, mapagninilayan at malalaman ko ang sarili kong mga isyu, matututo ako ng mga aral, magsisisi, at magbabago. Kailangan kong bumangon, pagnilayan ang mga dahilan ng pagkabigo ko, at taimtim na magsisi. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos! Alam kong naging pabaya ako sa mga tungkulin ko, at nahihiya akong humarap sa Iyo. Pero ayaw kong manatili sa kalagayang ito na nasisiraan ng loob. Nawa ay bigyang-liwanag at patnubayan Mo akong malaman ang sarili kong mga isyu.”

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag kailangan ninyong isagawa ang katotohanan at protektahan ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, napagtatagumpayan ba ninyo ang pagpigil ng inyong mga tiwaling disposisyon at manindigan sa panig ng katotohanan? Halimbawa, ipinares ka sa isang tao para gawin ang paglilinis sa iglesia, pero lagi nilang ibinabahagi sa mga kapatid na inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pinakadakilang posibleng paraan, at dapat nating pakitunguhan ang mga tao nang may pagmamahal at bigyan sila ng mga pagkakataong makapagsisi. Nabatid mo na may mali sa kanilang pagbabahagi, at bagaman medyo tama naman ang mga salitang sinasabi nila, natuklasan mo dahil sa detalyadong pagsusuri na may tinatago silang mga layunin at mithiin, ayaw nilang masaktan ang sinuman, at ayaw nilang tuparin ang mga pagsasaayos ng gawain. Kapag nagbahaginan sila gaya nito, ang mga taong may mababang tayog at hindi makakilatis ay magugulo nila, walang ingat silang nagpapakita ng pagmamahal sa isang walang prinsipyong pamamaraan, hindi nila pinapansin ang pagiging makilatis sa iba, at hindi nilalantad o inuulat ang mga anticristo, ang masasamang tao at ang mga hindi mananampalataya. Hadlang ito sa gawaing paglilinis ng iglesia. Kung hindi maaalis sa tamang oras ang mga anticristo, masasamang tao, at hindi mananampalataya, maaapektuhan nito ang mga taong hinirang ng Diyos sa kanilang normal na pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at sa kanilang normal na paggampan sa kanilang mga tungkulin, at lalung-lalo pang gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia habang pinipinsala ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Sa panahong gaya nito, paano ka dapat magsagawa? Kapag napansin mo na ang problema, dapat ay manindigan ka at ibunyag ang taong ito; dapat mo silang pigilan at protektahan ang gawain ng iglesia. Maaaring isipin mo: ‘Magkakasama kami sa gawain. Kung direkta ko silang ilalantad at hindi nila ito tanggapin, hindi ba’t mag-aaway kami? Hindi, hindi ako puwedeng basta magsalita, kailangang maging maingat ako.’ Kaya, binigyan mo sila ng simpleng paalala at ilang salita ng payo. Pagkatapos nilang marinig ang sinabi mo, hindi nila ito tinanggap, at mabilis na nagsabi ng mga dahilan para pabulaanan ka. Kung hindi nila ito tatanggapin, daranas ang gawain ng sambahayan ng Diyos ng kawalan. Ano ang dapat mong gawin? Manalangin ka sa Diyos, sabihin na: ‘O Diyos, pakiusap, isaayos at pamatnugutan Mo ito. Disiplinahin Mo sila—wala akong magagawa.’ Iniisip mong hindi mo sila mapipigilan kaya hinayaan mo na lang silang hindi masuri. Responsableng pag-uugali ba ito? Naisasagawa mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo sila mapigil, bakit hindi mo ito iulat sa mga lider at manggagawa? Bakit hindi mo dalhin ang bagay na ito sa isang pagtitipon at hayaan ang lahat na magbahaginan tungkol dito at talakayin ito? Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo ba talaga sisisihin ang sarili mo kalaunan? Kung sasabihin mo, ‘Hindi ko ito kayang pangasiwaan, kaya hindi ko na lang papansinin. Malinis ang konsensiya ko,’ kung gayon anong klaseng puso ang mayroon ka? Isang puso ba ito na tunay na nagmamahal o isa na nakakapinsala sa iba? Ang puso mo ay masama, dahil kapag may nangyari sa iyo, natatakot kang makasakit ng mga tao at hindi ka naninindigan sa mga prinsipyo. Sa totoo lang, alam na alam mo na ang ganitong tao ay may pansariling layon sa pagkilos sa ganitong paraan at hindi ka dapat makinig sa kanila tungkol sa bagay na ito. Subalit, hindi mo magawang sumunod sa mga prinsipyo at pigilan silang ilihis ang iba, at sa huli ay napipinsala nito ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Sisisihin mo ba ang sarili mo pagkatapos nito? (Ako, oo.) Mababawi ba ng paninisi mo sa sarili mo ang mga naging pinsala? Hindi na ito mababawi. Kalaunan, nag-isip-isip kang muli: ‘Ginawa ko naman ang mga responsabilidad ko, at alam ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.’ Anong klaseng mga salita ito? Mapanlinlang ang mga ito, mga makadiyablong salita na parehong dinaraya ang tao at ang Diyos. Hindi mo tinupad ang mga responsabilidad mo, at naghahanap ka pa rin ng mga pagdadahilan at palusot para iwasan ang mga ito. Mapanlinlang ito at pagmamatigas. Ang ganito bang tao ay may anumang katapatan sa Diyos? May diwa ba sila ng katuwiran? (Wala.) Ito ang taong hindi tumatanggap ni katiting man na katotohanan, isang taong kauri ni Satanas. Kapag may nangyayari sa iyo, namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Palagi kang natatakot na masaktan ang kalooban ng iba, pero hindi ka natatakot na magkasala sa Diyos, at isasakripisyo mo pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang iyong mga ugnayan sa mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos sa ganitong paraan? Mapoprotektahan mo nga nang mabuti ang iyong mga ugnayan sa mga tao, ngunit magkakasala ka naman sa Diyos, at itataboy ka Niya, at magagalit Siya sa iyo. Alin ang mas mabuti sa panimbang? Kung hindi mo masabi kung alin, naguguluhan ka nang husto; pinatutunayan nito na wala ka ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Kung magpapatuloy ka nang ganyan nang hindi kailanman natatauhan, at kung hindi mo talaga makakamit ang katotohanan sa huli, ikaw ang siyang dadanas ng kawalan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Nakita kong isa lang akong makasarili at mapanlinlang na mapagpalugod ng mga tao, na walang pagpapahalaga sa responsabilidad sa gawain ng iglesia. Malinaw kong nakitang gumagawa si Wang Hua ayon sa sarili niyang kalooban at hindi niya hinahanap ang mga prinsipyo, at nalaman ko ring dapat ay itinaguyod ko ang mga prinsipyo at inilantad at pinigilan ko siya para protektahan ang gawain ng iglesia. Pero nang ipaalam ko ang mga isyu niya at hindi niya tinanggap ang mga iyon, natakot akong mapasama ang loob niya at masira ang pagtutulungan namin sa mga tungkulin namin. Para mapanatili ang ugnayan ko sa kanya, palagi kong pinaliliit ang mga isyu niya at kailanman ay hindi ko inilantad ang diwa ng mga problema niya. Hindi ko rin iniulat ang mga isyu niya sa mga lider namin. Sa huli ay napinsala nito ang gawain ng ebanghelyo. Pero kahit nang mangyari ito, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko at sa halip ay nagdahilan ako para mapagbigyan ang sarili ko. Naisip kong dahil pinaalalahanan ko na siya at hindi niya ito tinanggap, wala na akong ibang magagawa. Pero sa kaibuturan, alam na alam kong hindi ko talaga natupad ang mga responsabilidad ko. Mababaw ko lang na binanggit ang mga bagay-bagay, nang hindi nagkakaroon ng anumang tunay na epekto. Nililinlang ko lang ang sarili ko at ang iba! Kahit nang makilatis ko siya bilang isang huwad na lider, hindi ko pa rin siya inilantad o iniulat, at kinunsinti ko pa nga siya habang ginagambala at hinahadlangan niya ang gawain ng iglesia. Isinakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para bigyang-daan ang mga personal na ugnayan, pinoprotektahan at kinukunsinti ang huwad na lider habang gumagawa siya ng masama at ginugulo niya ang gawain ng iglesia. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ako!

Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Kaya, ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ugat ng tendensiya kong maging mapagpalugod ng mga tao ay dahil tinanggap ko ang mga lason ni Satanas, tulad ng “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Ang isa pang kaibigan ay nangangahulugan ng isa pang landas,” bilang mga batas sa pamumuhay. Naniwala akong habang namumuhay sa mundong ito at nakikisalamuha sa iba, kailangang bumuo ang isang tao ng malalawak na koneksyon sa lipunan at magagandang ugnayan; kung hindi, hindi siya makapaninindigan sa lipunan, at ang pagpapasama sa loob ng isa pang tao ay mangangahulugan ng pagkakaroon ng isa pang kaaway. Kahit noong gumagawa ng mga tungkulin sa iglesia, patuloy akong namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito, naglalagay ng malaking pagpapahalaga sa mga relasyon sa iba at walang anumang prinsipyo o paninindigan sa mga tungkulin ko. Pinakitaan ako ng Diyos ng biyaya sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng pagkakataong magsanay bilang isang lider. Dapat ay inuna ko ang gawain ng iglesia sa lahat ng bagay. Nang makita kong kumikilos laban sa mga prinsipyo ang kapareha kong sister, dapat ay agad ko itong ipinaalam sa kanya at tinulungan siya, at kung ipagpipilitan niya ang mga gawi niya, dapat ay inilantad at pinigilan ko siya, o iniulat ko rin sana ang isyu sa mga lider namin sa oras para maiwasang makapagdulot ng anumang kawalan sa gawain ng iglesia. Pero sa halip, para protektahan ang pride at katayuan ko, kumilos ako bilang isang mapagpalugod ng mga tao at hindi ko isinagawa ang katotohanan. Nabigo akong pangasiwaan ang gawain niya, at kinunsinti ko siya sa paggawa ng masama. Hindi ko binigyan ng pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at wala akong pagpapahalaga sa katarungan. Walang ingat na gumawa ng maling mga bagay si Wang Hua at kasuklam-suklam siya, at alam na alam kong gumagawa siya ng masama at nagdudulot ng mga panggugulo, pero hindi ko siya inilantad o pinigilan sa tamang oras, hinahayaan siyang pinsalain ang gawin ng iglesia. Lalo pang kapansin-pansing masama at kahiya-hiya ang kalikasan ng pag-uugali ko! Kung iniulat ko nang mas maaga ang mga isyu ni Wang Hua, mas maaga sanang napangasiwaan at nalutas ng mga lider ang mga iyon, at hindi sana lumala nang ganito ang mga bagay-bagay. Sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, naging tunay na makasarili at mapanlinlang ako. Hindi ako naglakas-loob na ipaalam ang mga isyung napansin ko sa iba, at wala akong sinseridad at tunay na pagmamahal sa iba. Wala rin akong pagpapahalaga sa responsabilidad sa mga tungkulin ko. Ang lahat ng ginawa ko ay nagdulot ng pinsala sa gawain ng iglesia. Kinain at ininom at tinamasa ko ang lahat ng ibinigay sa akin ng Diyos pero hindi ko talaga isinaalang-alang ang mga layunin Niya. Paulit-ulit akong pumanig sa huwad na lider, pinipinsala ang gawain ng iglesia. Isa lang akong walang utang na loob na taksil, na walang anumang pagpapahalaga sa pagkatao o katwiran! Ang isang taong tulad ko ay lubos na hindi karapat-dapat sa pagiging isang lider, lalong hindi sa pamumuhay sa harapan ng Diyos. Ang pagtatanggal sa akin ng iglesia sa posisyon ko ay isang pagpapamalas ng katwiran ng Diyos at ng kahihinatnan ng sarili kong mga kilos. Natutukoy ito, napuno ako ng pagsisisi at paninisi sa sarili.

Pagkatapos niyon, nagdasal ako sa Diyos, naghahanap ng landas para lutasin ang tiwaling disposisyon ko. Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung nais mong tuparin nang maayos ang iyong mga tungkulin at palugurin ang mga layunin ng Diyos, kailangan mo munang matutong matiwasay na gumawa kasama ang iba. Kapag nakikipagtulungan ka sa iyong mga kapatid, dapat mong isipin ang mga sumusunod: ‘Ano ba ang pagkakasundo? May pagkakasundo ba sa kanila ang pananalita ko? May pagkakasundo ba sa kanila ang mga iniisip ko? May pagkakasundo ba sa kanila ang paraan ko ng paggawa ng mga bagay-bagay?’ Isaalang-alang kung paano makipagtulungan nang may pagkakasundo. Paminsan-minsan, nangangahulugan ang pagkakasundo ng pagtitimpi at pagpaparaya, ngunit nangangahulugan din ito ng paninindigan at pagtataguyod ng mga prinsipyo. Hindi nangangahulugan ang pagkakasundo na ilagay sa kompromiso ang mga prinsipyo upang maging maayos ang mga bagay-bagay, o sikaping maging ‘mapagpalugod ng mga tao,’ o manatiling mahinahon—at lalo nang hindi ito nangangahulugang manuyo ka sa isang tao. Ang mga ito ay mga prinsipyo. Kapag naunawaan mo na ang mga prinsipyong ito, kikilos at magsasalita ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at maisasabuhay mo rin ang realidad ng katotohanan, nang hindi mo namamalayan, at sa ganitong paraan ay madaling makamit ang pagkakaisa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). “Ano ang pakikipagtulungan? Kailangang magawa ninyong makipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa isa’t isa, at maipahayag ang inyong mga pananaw at opinyon; dapat punan at isuperbisa ninyo ang isa’t isa, at maghanap sa isa’t isa, magtanong sa isa’t isa, at udyukan ang isa’t isa. Iyon ang pakikipagtulungan nang maayos. Sabihin, halimbawa, na inasikaso mo ang isang bagay ayon sa sarili mong kalooban, at may nagsabi, ‘Mali ang ginawa mo, ganap na labag sa mga prinsipyo. Bakit mo ito inasikaso kung paano mo gusto, nang hindi hinahanap ang katotohanan?’ Dito, sasabihin mo, ‘Tama iyan—natutuwa akong inalerto mo ako! Kung hindi, puwedeng magdulot ito ng kapahamakan!’ Iyan ang pag-uudyok sa isa’t isa. Ano, kung gayon, ang pagsusuperbisa sa isa’t isa? Ang bawat isa ay may tiwaling disposisyon, at puwedeng maging pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin, pinangangalagaan lamang ang sarili niyang katayuan at karangalan, hindi ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Ang gayong mga kalagayan ay naroroon sa bawat tao. Kung nalaman mong may problema ang isang tao, dapat magkaroon ka ng pagkukusang makipagbahaginan sa kanya, paalalahanan siya na gawin ang kanyang tungkulin ayon sa mga prinsipyo, habang hinahayaan itong tumayo bilang isang babala sa iyong sarili. Iyon ay pagsusuperbisa sa isa’t isa. Ano ang tungkulin ng pagsusuperbisa sa isa’t isa? Nilalayon nitong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iiwas din ang mga tao sa maling landas(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, pati na ng mga kahinaan at kakulangan. Makahulugan para sa iglesia na magsaayos ng mga lider at manggagawa para magtulungan sa mga tungkulin ng mga ito. Layon nitong pangasiwaan, paalalahanan, at punan nila ang isa’t isa, nagbibigay ng pagpipigil sa isa’t isa, nakaiiwas sa mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia na dulot ng mga kilos na batay sa mga tiwaling disposisyon nila. Sa tulong-tulong na paggawa ng mga tungkulin, dapat ding magkaroon ng mga prinsipyo. Sa mga usaping walang kinalaman sa mga katotohang prinsipyo, puwede tayong magparaya at magtiis. Pero pagdating sa mga usaping may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga interes ng iglesia, hindi tayo dapat magkompromiso o magpaubaya. Kailangan nating itaguyod ang mga prinsipyo at manindigan. Pag-iingat ito sa mga interes ng iglesia at pagiging responsable sa gawain. Kapag nahaharap sa mga payo at tulong ng iba, ang mga taong tunay na kayang tumanggap ng katotohanan ay nagagawang tanggapin ang mga ito mula sa Diyos, nakapagninilay at nakikilala ang sarili nila, at agad na naitatama ang mga problema at paglihis. Bukod sa hindi sila maghihinanakit sa iba, magiging mapagpasalamat din ang mga puso nila. Pero katawa-tawang pinaniwalaan ko na sa pagtukoy ng mga problema ng isang tao ay masisira ang ugnayan namin at sasama ang loob nito. Kaya pinagbigyan at kinunsinti ko na lang siya, nang hindi inilalantad o inuulat ang mga isyu niya. Ang resulta, naantala ang gawain ng iglesia, at naiwan akong may mga pagsalangsang. Napagtanto kong ang pagiging mapagpalugod ng mga tao ay talagang nakapipinsala kapwa sa iba at sa sarili ko!

Kalaunan, nagbasa ako ng mas maraming salita ng Diyos: “Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananalig at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, pride, at pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananalig o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag nahaharap sa isang sitwasyon kung saan gusto ko na namang maging mapagpalugod ng mga tao, kailangan ko agad magdasal sa Diyos, at humingi sa Kanya ng lakas para maisantabi ko ang sarili kong mga interes at makakilos ako ayon sa mga prinsipyo, sinisigurong hindi magdurusa ang gawain ng iglesia. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao bilang isang nilikha. Kung palagi kong panghahawakan ang mentalidad ng pagiging mapagpalugod ng mga tao at palagi kong susubukang protektahan ang mga relasyon ko sa iba, kailanman ay hindi magbabago ang satanikong disposisyon ko na pagiging mapagpalugod ng mga tao, at sa huli, hindi ko kailanman makakamit ang katotohanan, lalong hindi matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Kaya, nagpasya ako sa puso ko, “Anumang uri ng tao, pangyayari, o bagay ang makasagupa ko sa hinaharap, dapat ay hindi na ako mapigilan ng tiwaling disposisyon ko. Dapat kong itaguyod ang mga prinsipyo para protektahan ang gawain ng iglesia at maging isang responsableng tao.”

Makalipas ang ilang buwan, nahalal ulit ako bilang isang lider ng iglesia. Napansin kong medyo mapagmataas ang disposisyon ni Zang Jie, ang diyakono ng pangkalahatang gawain. Hindi siya makatwiran at diktador siya sa mga tungkulin niya, at palagi niyang sinusubukang akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa at hindi siya nakikipagtulungan sa iba. Kaya gusto kong makipagbahaginan sa kanya para ilantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pamamaraang ito. Pero nang maisip ko kung paanong kararating ko lang sa iglesiang ito at kailangan ko ang alalay at pakikipagtulungan niya sa maraming gampanin, inalala ko kung ano ang gagawin ko kung magsasalita ako nang masyadong malupit at hindi niya ito matanggap. Naisip kong mas makabubuti sa akin na huwag pasamain ang loob niya at magsabi lang ng ilang maikling salita. Sa sandaling iyon, naalala ko kung paano ako nabigo dati dahil sa pagkilos ko bilang mapagpalugod ng mga tao, at nakaramdam ako ng matinding pagkakonsensiya, at naisip ko, “Dahil natukoy ko na ang mga isyu ni Zhang Jie, dapat ko siyang itama at tulungan. Isa siyang manggagawa, at kung hindi niya kayang makipagtulungan nang matiwasay sa iba, tiyak na makaaapekto ito sa gawain.” Kaya nagdasal ako sa Diyos, humihingi sa Kanya ng patnubay na isagawa ang katotohanan at protekatahan ang gawain ng iglesia. Pagkatapos magdasal, lumakas ang pakiramdam ko. Humugot ako sa mga salita ng Diyos para makipagbahaginan kay Zhang Jie at himayin ang mga isyu niya, at humugot din ako sa sarili kong mga karanasan para tulungan siya. Tinanggap ni Zhang Jie ang gabay at tulong ko, at pinagnilayan at nakilala niya ang sarili niya, at kalaunan, nagawa niyang makipagtulungan nang normal sa iba. Napakasaya ko nang makita ang resultang ito. Nang isagawa ko ang katotohanan at hindi ako kumilos bilang mapagpalugod ng mga tao, hindi ko napasama ang loob ng iba gaya ng inakala ko. Bukod sa nagdulot ng pakinabang sa buhay ng mga kapatid ang pagsasagawa sa ganitong paraan, naingatan din ang gawain ng iglesia. Nakita kong magagawa lang nang maayos ng isang tao ang mga tungkulin niya sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pangangasiwa sa mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  87. Ang Pagtupad sa Aking Tungkulin Ang Aking Misyon

Sumunod:  89. Pagkatapos Akong Arestuhin

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger