89. Pagkatapos Akong Arestuhin

Ni Wang Le, Tsina

Isang araw noong katanghalian ng Nobyembre 2002, nasa bahay ako at naghahanda ng pagkain, nang bigla akong nakarinig ng sunod-sunod na mabilis na katok sa pinto. Binuksan ko ang pintuan at nakita ang apat na lalaki at isang babae na nakatayo sa labas. Lumapit sa akin ang isa sa kanila at nagtanong, “Ikaw ba si Wang Le? Nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos?” Bago ako makasagot, ipinakita niya kaagad sa akin ang kanyang ID, at nagsabing, “Taga-Public Security Bureau kami. May nag-ulat na nananampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos at isa kang lider ng iglesia. Narito kami para mag-imbestiga.” Bago pa ako makasagot, pinasok nilang lima ang bahay ko at nagsimulang halughugin ang bakuran at mga kuwarto. Nakakita sila ng isang resibo ng handog na halagang 50 yuan, ng isang kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, dalawang tape, at isang maliit na recorder, at marahas na sinabi sa akin, “Ebidensiya ito!” Pagkasabi nito, isiniksik nila ako sa sasakyan ng pulisya at dinala na nila ako.

Sa estasyon, dinala ako ng mga pulis sa isang interrogation room sa ikalawang palapag at pinosasan ako, isinabit ang aking mga kamay sa tubo ng radiator at nakatingkayad lang ako. Dahil ang lahat ng bigat ko ay nasa mga pulso ko, nagsimulang sumakit ang mga ito nang sobra. Narinig kong sinasabi ng isang pulis, “Sa pagkakataong ito ay nakahuli tayo ng isang lider,” at napakalakas ng kabog ng dibdib ko, at naisip ko, “Alam nilang lider ako, kaya siguradong pahihirapan nila ako para makakuha ng impormasyon tungkol sa aking mga kapatid. Paano kung hindi ko matiis ang pagpapahirap?” Hindi ako nangahas na mag-isip pa at nanalangin ako kaagad sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyan ako ng pananalig at karunungan, at panatilihin akong naninindigan sa aking patotoo. Mahigit apat na oras akong ibinitin nang ganito, hindi ko maitapak ang mga paa ko sa sahig, at pahigpit nang pahigpit ang mga posas. Naipit ang mga kamay ko hanggang sa mangitim na, at hindi na makayanan ang sakit, at namaga at namanhid din ang mga binti ko. Nadama kong halos hindi ko na kaya at nagsimula akong makadama ng panghihina ng loob, hindi ko alam kung gaano pa ako katagal ibibitin doon. Hindi ko hinayaang lumayo sa Diyos ang puso ko kahit isang saglit. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos, at na kung pagtataksilan ko ang aking mga kapatid at ipagkakanulo ang Diyos, hindi ko kailanman matatanggap ang kapatawaran ng Diyos at siguradong kasusuklaman at ititiwalag Niya ako. Nagpasya ako na gaano man ako pahirapan ng mga pulis, hindi ako kailanman magiging Hudas!

Bandang alas-7 ng gabi, nahihilo na ako, napakatindi ng sakit ng katawan ko, at nahihirapan akong huminga. Nakita ng pulis na hihimatayin na ako at sa wakas ay kinalagan ang isa sa mga braso ko, at sa wakas ay naitapak ko na ang mga paa ko. Sa puntong ito, sinigawan ako ng isang pulis, “Sabihin mo na, kanino napupunta ang pera ng handog ng iglesia? Saan nakatira ang tao na nasa resibo?” Dahil nakita niyang wala akong sinasabi, nagpatuloy siya, “Kahit na hindi ka magsalita, nasiyasat ka na naming mabuti. Matagal-tagal ka na naming minamanmanan at iniimbestigahan!” Pagkatapos ay kinuha niya ang isang pirasong papel sa mesa, at binasa ang mga detalye kung gaano na ako katagal nananampalataya sa Diyos, kung saan ako nakatira, kung anong mga tungkulin ang ginagawa ko, at iba pang impormasyon. Naisip ko, “Paano nangyaring ang dami nilang nalalaman? May nag-Hudas kaya sa akin?” Masyado akong nabalisa sa kaisipang ito, at tumungo ako kaagad, pinagninilayan kung paano ako sasagot. Tiningnan akong mabuti ng opisyal, at naglabas siya ng litrato, tinatanong niya kung nakikilala ko ang tao rito. Tiningnan ko ito at sinabing, “Hindi ko siya kilala.” Sinabi niya nang may pekeng ngiti, “Sigurado ka bang hindi mo siya nakikilala? Alam mo ba kung sino ang nag-ulat sa iyo ngayon? Ang taong iyan na nasa litrato.” Nakita ko na ang taong nasa litrato ay isang masamang tao na pinatalsik sa iglesia. Pagkatapos ay binanggit ng opisyal ang isa pang pangalan ng sister, tinatanong kung nakikilala ko siya, at sinabi kong hindi ko rin siya kilala. Napikon ang opisyal at sinabing, “May sasabihin ako sa iyo. Kahit na wala kang sabihin, ang mga pangrelihiyong materyales na natagpuan namin sa bahay mo at ang mga saksi namin ay sapat na para sentensiyahan ka ng tatlong taong reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Binibigyan ka namin ng pagkakataong umamin, at kung mas maaga kang aamin, mas maaga kang makakauwi!” Sa puntong ito, isang babaeng pulis ang nagsenyas sa kanya na kalagan ang isa ko pang braso na nakabitin pa rin, at taglay ang isang huwad na ekspresyon ng pagmamalasakit, binigyan niya ako ng isang basong tubig, kinuha ang kamay ko at sinabing, “Darling, maupo tayo sa sofa at magkwentuhan. Nakita ko na talagang cute ang mga anak mo, at nasa edad pa sila na papalaki pa lang sila. Bilang isang ina, kailangan mong tuparin ang mga responsabilidad mo at tiyaking may masusustansiya silang pagkain, dahil kung hindi sila kakain nang mabuti, maaapektuhan niyon ang pag-aaral nila. Tayong mga ina ay maraming responsabilidad. Mabuting tao ang asawa mo, nagpapakahirap magtrabaho para kumita, hinahayaan kang manatili sa bahay para alagaan ang mga bata. Paano mo natitiis na pabayaan ang gayon kabubuting anak? Hindi mo ba nadaramang may pagkakautang ka sa kanila?” Bahagya akong nanghina dahil sa mga salita ng babaeng pulis, at nadama kong hindi ko naalagaang mabuti ang mga anak ko at na talagang may pagkakautang ako sa kanila. Dahil nakikita niyang wala akong sinasabi, lumapit sa akin ang babaeng pulis, tinapik ako sa balikat, at nagsabing, “Darling, pinakamabuti kung aamin ka na lang. Sabihin mo sa amin ang alam mo, at pauuwiin ka na namin kaagad, at makakauwi ka na para alagaan ang mga anak mo.” Sinabi rin niya, “Hindi mo nauunawaan ang batas, kaya maaaring isipin mo na ang pag-amin ay mas lalong magpapahamak sa iyo, pero hindi naman talaga ganoon. Basta’t sasabihin mo lang sa amin ang alam mo, irerekord lang namin ang pahayag mo at puwede ka nang umuwi.” Naisip ko, “Pawang mga kasinungalingan at panlilinlang lang ang mga ito. Sinasabi mo lang ito para ipagkanulo ko ang Diyos, at hindi ako pauuto! Pero kung talagang hatulan ako ng tatlong taon ng reedukasyon na pagtatrabaho, ano ang mangyayari sa mga anak ko? Napakabata pa nila, paano sila mabubuhay kung wala ako na nag-aalaga para sa kanila?” Lubos akong nabagabag ng mga pag-iisip na ito, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos. Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sino ang tunay at ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Oo, ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay. Pawang pauna nang itinakda na ng Diyos ang tadhana at pagdurusa ng mga anak ko, at walang taong makapagbabago niyon. Kailangan kong ipagkatiwala ang mga anak ko sa mga kamay ng Diyos. Tunay na kasuklam-suklam para sa mga pulis na gamitin ang pagmamahal para tuksuhin akong ipagkanulo ang Diyos! Isang pagsubok mula sa Diyos ang kapaligirang ito, at pinagmamasdan Niya ang mga pagpipiling ginagawa ko. Isa rin itong pagkakataon para patotohanan ko ang Diyos, at kailangan kong manindigan sa patotoo ko upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Nang mapagtanto ko ito, tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos! Handa akong ganap na ipagkatiwala ang mga anak ko sa Iyong mga kamay. Pakiusap tulungan Mo akong mapagtagumpayan ang kahinaan ng laman at makapanindigan sa aking patotoo upang ipahiya si Satanas.” Pagkatapos manalangin, nagkamit ako ng pananalig, at gaano man ako subukang tuksuhin ng mga pulis, nanatili akong tahimik. Dahil nakikita nilang wala akong sinasabi, nagbago kaagad ang ekspresyon ng babaeng pulis. Hinila niya ako mula sa sofa, tiningnan niya ako nang mabagsik, at sinabi niya, “Sinubukan kong maging mabait, pero ayaw mong makinig. Lalo mo lang pinasama ang mga bagay para sa iyo! Ipakikita ko sa iyo kung paano kita aayusin!” Sa pagsasabi nito, sinimulan niya akong kaladkarin nang hawak ang buhok ko, hinihila niya ako at nagmumura siya, “Mukhang gusto mong magulpi!” Sa puntong ito, isang lalakeng pulis ang kumuha ng aklat ng mga salita ng Diyos at hinampas ito sa mukha ko, minumura niya ako habang hinahampas ako, “Magsalita ka na! Ilan taon ka nang lider? Kanino napupunta ang mga handog ng iglesia? Sabihin mo sa amin ang nalalaman mo. Kung hindi ka aamin, sisiguruhin kong mabubulok ka sa bilangguan, at hindi mo na makikitang muli ang asawa at mga anak mo!” Kalmado kong sinabi, “HIndi ko alam ang sinasabi mo.” Nagdilim ang ekspresyon ng pulis, at sinuntok niya ako sa pisngi, at pagkatapos ay nagsimula siyang paulanan ako ng suntok sa mukha na para bang nabaliw na siya. Hindi ko na mabilang kung ilang beses niya akong sinampal. Natanggal ang isang ngipin ko, tumulo ang dugo mula sa ilong at gilid ng bibig ko, at kumirot at namaga ang ulo ko. Nahilo at natuliro ako, nagpasuray-suray ako, at halos hindi ko makagawang isandal ang sarili ko sa pader. Nadama kong parang hindi ko na kayang tiisin pa ito, iniisip ko, “Kung magpapatuloy ito, papatayin ba nila ako sa gulpi? Kahit na hindi ako mamatay, kapag naparalisa ako, paano ko ipamumuhay ang nalalabing buhay ko? Siguro ay sabihin ko na lang sa kanila ang isang bagay na hindi mahalaga?” Pero nang magsasalita pa lang ako, bigla kong naisip ang kapalaran ni Hudas dahil sa pagkakanulo niya sa Panginoong Jesus. Natakot ako, at nanalangin kaagad sa Diyos, “Diyos ko, napakahina ng laman ko, pakibantayan Mo ang puso ko, bigyan Mo ako ng pananalig at lakas, at gabayan akong makapanindigan sa patotoo ko.” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang isang himno na pinamagatang “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos”: “Taglay ang ipinagkatiwala ng Diyos sa puso ko, hinding-hindi ako luluhod kay Satanas. Bagamat maaari kaming mapugutan ng ulo at dumanak ang aming dugo, hindi matitiklop ang gulugod ng mga tao ng Diyos. Magbibigay ako ng matunog na patotoo para sa Diyos, at ipapahiya ko ang mga diyablo at si Satanas. Pauna nang itinakda ng Diyos ang mga pasakit at paghihirap, at magiging tapat at magpapasakop ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos. Iaalay ko ang pagmamahal at katapatan ko sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon para Siya ay luwalhatiin(Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Ang himnong ito ay nagbigay ng pananalig at lakas sa akin. Hindi ako puwedeng maging mahinang nilalang. Ang pagdurusang ito ay isang pagpapala mula sa Diyos, at gaano man ako pahirapan ng mga pulis, maninindigan ako sa aking patotoo at hindi kailanman susuko kay Satanas! Nadama kong katabi ko ang Diyos, na tinutulungan at ginagabayan ako sa lahat ng oras, bilang aking sandigan, at lubos na naantig ang puso ko. Nakita ng pulis na wala talaga akong sasabihin, kaya tinadyakan niya ako nang malakas sa balakang, kaya napahiyaw ako sa sakit. Para bang nabali ang balakang ko. Namaluktot ako sa sahig, hindi makagalaw. Sa kabila ng sakit, galit kong tiningnan ang pulis at sinabi ko, “Nananampalataya ako sa Diyos para hangarin lamang ang katotohanan at maging isang mabuting tao, at wala akong ginagawang ilegal, kaya bakit mo ako ginugulpi nang ganito?” Sinabi ng pulis na nagtiim-bagang, “Ginugulpi kita dahil nananampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos. Tinitingnan pa lang kita ay namumuhi na ako. Ikaw at ang mga kauri mo ay pawang mga kriminal sa politika!” Sinabi ko, “Ang pananalig namin ay binubuo lamang ng aming pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Hindi talaga kami nakikisangkot sa politika. Binabalewala ninyo ang mga nagdodroga at ang mga nandadaya at nanloloko ng iba, pero tinutugis ninyo kami na mga nananampalataya sa Diyos. Mayroon ba talagang batas?” Sumagot ang pulis, “Ang mga adik at manloloko ay nariyan lang para sa sarili nilang mga interes, pero iba kayo. Kung hindi namin kayo aarestuhin, wala nang makikinig pa sa Partido Komunista kung susunod sila sa inyo sa pananampalataya sa Diyos!” Sa puntong ito, dinuro ako ng kapitan ng National Security Brigade at sinabi sa ibang pulis, “Kung hindi siya aamin, hindi matatapos ang misyon natin, at hindi natin makukuha ang mga bonus natin. Hindi natin siya puwedeng pakawalan nang ganito lang; tuloy-tuloy ninyo siyang gulpihin hanggang magsalita!” Pagkatapos ay dalawang pulis ang nagsimulang paulanan ako ng suntok sa mukha, na nagdulot ng sugat sa labi ko na sobrang nagdugo. Tuloy-tuloy nila akong pinagsusuntok at pinag-aalipusta, “Kung hindi ka aamin, bubugbugin kita hanggang maging bulag ka, bingi, pipi, at mapaparalisa ka buong buhay mo! Gugustuhin mo na lang mamatay!” Pagkatapos ng mahigit sampung minuto, napagod, hiningal at naupo nang naninigarilyo sa sofa ang dalawang pulis na bumubugbog sa akin. Pagkatapos ay sinubukan nilang kumbinsihin ako sa pamamagitan ng pagbanggit sa asawa at mga anak ko, binabantaan ako na kung hindi ako aamin, hahatulan ako ng panghabambuhay sa kulungan. Naisip ko, “Hindi nakadepende sa inyo ang haba ng sentensiya ko, nasa mga kamay ito ng Diyos. Kahit na mahatulan akong mabilanggo nang habambuhay, dapat akong manindigan sa aking patotoo!” Kinagabihan, wala pa ring nakukuhang impormasyon sa akin ang mga pulis tungkol sa iglesia, at malungkot silang umalis ng interrogation room. Pinahirapan ako nang mahigit sa sampung oras noong araw na iyon, nang wala kahit isang patak ng tubig o kapirasong pagkain. Mahina at masakit ang buong katawan ko at walang lakas na makatayo ang mga binti ko. Kinagabihan, kinaladkad ako sa kotse ng dalawang pulis at inilipat ako sa isang detention center.

Nang makarating kami, alas-2 na ng madaling araw, at sinabi ng mga pulis sa mga babaeng pulis na naka-duty na miyembro ako ng Kidlat ng Silanganan, binibilinan ang mga ito na hayaan ang punong-bilanggo na “alagaan akong mabuti.” Nang dumating ako sa selda, ang isa sa mga babaeng pulis ay may ibinulong sa punong-bilanggo na hindi ko narinig. Sumigaw ang punong-bilanggo para gisingin ang ibang natutulog na bilanggo at itinulak ako sa sahig. Sumigaw siya sa kanila, “Bugbugin siya! Miyembro siya ng Kidlat ng Silanganan.” Sumugod ang anim na bilanggo. Tinadyakan ako ng ilan, ang ilan ay hinila ako sa buhok, at ang nagawa ko lang ay takpan ng mga kamay ko ang aking ulo, mamaluktot, at hayaan silang saktan ako. Tumayo sa tabi ang punong-bilanggo at inalipusta ako, “Sinong nagpasali sa iyo sa Kidlat ng Silanganan? Bakit hindi dumarating ang Diyos mo para iligtas ka? Kung titigil ka sa pananampalataya sa Diyos, titigil kami sa pambubugbog sa iyo.” Bugbog at namimilipit sa sahig, napagtanto ko na nang sabihin ng pulis sa punong-bilanggo na “alagaan akong mabuti,” ang ibig sabihin niya ay pahirapan nila ako. Sa kaibuturan ng puso ko ay kinamumuhian ko ang mga diyablong ito! Pinagbubugbog nila ako nang mahigit kalahating oras, at pagkatapos, pinaupo ako ng punong-bilanggo sa banyo sa panggabing duty. Matindi ang pagpapahirap sa akin na ni wala na akong lakas na tumingala. Kaya ko lang gumalaw nang mabagal at sumandal sa pader ng banyo. Kapag makakatulog na ako, paulit-ulit kong naririnig ang mga tao na bumabangon para magbanyo, at ang ilan ay tatadyakan ako pagkatapos nilang umihi. Gusto kong sumuka dahil sa mabahong amoy ng banyo. Mula pagkabata, palaging napakabuti sa akin ng mga magulang ko, at nang makapag-asawa na, naging mabuti sa akin ang asawa ko. Walang sinumang nagtrato sa akin nang ganito. Dahil lamang sa nanampalataya ako sa Diyos, isinailalim ako sa matinding pagpapahirap at panghihiya. Pakiramdam ko ay lubos akong inaagrabyado. Hindi ko alam kung ipagpapatuloy nilang gulpihin ako, kung gaano ako katagal mananatili sa lugar na ito, o kung makakaya kong tiisin ito. Habang mas iniisip ko ito, mas sumasama ang pakiramdam ko, at hindi ko maiwasang umiyak. Nang sandaling iyon, naisip ko ang himnong “Hangaring Mahalin ang Diyos Kahit Gaano Kalaki ang Iyong Pagdurusa”: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na noong hindi ako isinailalim sa mga pang-aaresto at pang-uusig, palagi kong nadaramang napakalakas ng pananalig ko sa Diyos, at palagi akong nangunguna sa lahat ng bagay sa iglesia. Sa paggawa ng mga tungkulin ay kaya kong tiisin ang pagdurusa na hindi kaya ng iba, at ang tingin ko palagi sa sarili ko ay isang taong pinakanagmamahal sa Diyos. Pero ngayon, dahil naaresto at pinahirapan ako, nakita ko kung gaano lang kaliit ang tayog ko. Sa kaunting pagdurusa at kahihiyan lang, gusto ko nang takasan ang kapaligirang ito, nagpapakita na wala akong pagsunod at may napakaliit na pananalig sa Diyos. Naalala ko rin na tuwing mahina ako, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para gabayan at akayin ako, tinutulungan akong paulit-ulit na makilatis ang mga pakana ni Satanas. Tunay na dakila ang pagmamahal ng Diyos. Pinagpasyahan ko sa sarili ko, “Hangga’t humihinga ako, hindi ako kailanman susuko kay Satanas!”

Kinaumagahan, pagsikat ng araw, gumising ang punong-bilanggo, nagbanyo, at tinadyakan ako, sinabihan akong bumangon at linisin ang banyo. Pagkatapos pahirapan ng mga pulis nang mahigit sa sampung oras, sobrang nananakit ang buong katawan ko, ni wala akong lakas na magsalita, lalo pa ang maglinis ng banyo. Dahil nakita niyang hindi ako kumilos, tinawag ng punong-bilanggo ang iba pang bilanggo para bugbugin na naman ako. Pinagbubugbog ako hanggang bumagsak sa lupa, na halos walang malay. Malupit na sinabi ng isang nahatulang mamamatay-tao na, “Huwag mo siyang basta palusutin. Pabangunin mo siya at paglinisin ng banyo!” Pagkatapos itong sabihin, ilang bilanggo ang kumaladkad sa akin sa banyo, at pilit na ipinasok ang mga kamay ko sa inidoro. Pagtingin ko, nakita kong puno ng tae ang inidoro, at nahilo at nasusuka ako dahil sa mabahong amoy. Nakatayo sa gilid ang mga bilanggo, tinatakpan ang ilong nila at humahalakhak nang malakas. Nakakikilabot at nakakatakot ang tawa nila at parang galing sa impiyerno. Hindi sila tumigil doon sa pamamahiya sa akin. Hinawakan ng mamamatay-tao ang braso ko, pinipilit akong linisin ang inidoro gamit ang kamay ko, at binalaan ako na, “Kapag hindi mo nalinis nang husto ang inidoro, papatayin kita! Wala namang may pakialam kung ang mga mananampalatayang gaya mo ay mamatay sa gulpi rito!” Pagkatapos linisin ang inidoro, pinaluhod nila ako sa sahig at pinaglampaso ng sahig, at pagkatapos na pagkatapos ko sa paglalampaso sa harap, sinadya ng punong-bilanggo na dumihan na naman ang bagong linis na bahagi, at pagkatapos ay inutusan niya ako, “Bumalik ka at lampasuhin mo ulit ito. Kung hindi iyan malinis, huwag mo nang isiping kakain ka pa!” Wala akong magawa kundi bumalik at lampasuhin ito ulit. Noong oras na ng kainan, nang kukunin ko pa lang ang siopao, inagaw ito ng punong-bilanggo, pinagpira-piraso ito, hinagis ito sa sahig, at pinagsisipa ang mga ito, sinasabi niya, “Kung hindi ka aamin nang tama, sa tingin mo ba ay dapat kang kumain ng siopao? Nararapat ka lang mamatay sa gutom!” Ganito nagpatuloy ang mga bagay-bagay, araw-araw akong pinaglilinis ng banyo at pinaglalampaso ng sahig ng mga bilanggo, at sa gabi, hindi nila ako pinatutulog.

Kinaumagahan ng ikaapat na araw, dumating ang mga pulis para interogahin na naman ako. Nasa kalagitnaan na ng taglamig, at pagkapasok na pagkapasok ko sa interrogation room, pinunit at hinubad ng mga pulis ang aking makapal na jacket at marahas na sinabi, “Kung hindi ka aamin, mamamatay ka sa lamig ngayon!” Nakasuot lang ako ng manipis na panlamig at nanginginig ang buong katawan ko. Kinaladkad ako ng pulis sa may pader at ibinitin ako sa radiator, halos hindi makatapak ang mga daliri ng mga paa ko sa lupa. Pagkatapos ng halos isang oras o higit pa, pumasok ang kapitan ng National Security Brigade, ibinaba ako mula sa radiator, nginitian ako, at nagsabi, “Hindi ako kailanman nanakit ng mga tao, gusto kong umamin ka at sabihin sa akin ang katotohanan. Gusto mo bang sumulat ng sarili mong pag-amin, o gusto mong idikta ito sa akin? Inimbestigahan muli namin sa mga nagdaang ilang araw ang sitwasyon mo. Isa kang lider, at may mga saksi kami ngayon at ebidensiya para patunayan iyon, pero gusto naming aminin mo ito mismo. Kung aamin ka, pauuwiin ka namin kaagad sa pamilya mo.” Naupo rin sa harap ko ang isang babaeng puils, inuulit ang mga sinabi ng kapitan, at nagsabing, “Pumunta kami sa bahay mo, mukhang miserable ang asawa mo, at naghahanap ng nanay ang mga anak mo. Bilang isa ina, paano mo natitiis na talikuran sila? Nararapat ka bang maging isang ina? Basta’t bilisan mo at sabihin mo sa amin kung ano ang nangyayari sa iglesia, at pauuwiin ka namin kaagad para makasama muli ang pamilya mo.” Sobra akong nalito sa mga bagay na sinabi sa akin ng mga pulis, “Aamin na lang ba ako, para makauwi at maalagaan ang mga anak ko?” Pagkatapos ay naisip ko ang naging wakas ni Hudas at napagtantong pakana ito ni Satanas. Sinusubukan ng mga pulis na gamitin ang pagmamahal para ipagkanulo ko ang Diyos. Tunay na kasuklam-suklam ang mga pamamaraan nila! Kasalanan nilang lahat na hindi ko nagagawang alagaan ang mga anak ko at tuparin ang mga responsabilidad ko bilang isang ina. Ganap na natural at may katwiran na gawin ang aking tungkulin at manampalataya sa Diyos, at wala akong ginagawang ilegal, pero inaresto at pinahirapan nila ako nang wala man lang magandang kadahilanan, at ngayon ay nagkukunwari silang mabubuting tao, sinasabing hindi ako isang mabuting ina dahil hindi ko inaalagaan ang mga anak ko. Binabaluktot nila ang mga katunayan at sinasabing itim ang puti, at puti ang itim! Ang mga anak ko ang aking kahinaan, kaya kailangan akong lalong manalangin at magtiwala sa Diyos. Hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos dahil sa aking pagmamahal at maging isang Hudas na walang konsensiya. Dahil nakikita nilang walang akong sinasabing kahit ano, kinausap ako ng kapitan ng National Security Brigade sa talagang mahinahong tono, “Sulit bang magdusa para sa pananalig mo sa Makapangyarihang Diyos? Pinaalam na sa amin ng iba ang pananampalataya mo sa Diyos; hindi ba’t kahangalan na hindi umamin at pagtakpan pa rin ang iba?” Sinabi ko nang may diin, “Ang sinabi nila o hindi nila sinabi ay walang kinalaman sa akin. Wala akong alam, at wala akong kilala!” Nang sabihin ko ito, sa galit ay inihampas ng kapitan ang kanyang kamao sa mesa, “Kung hindi ka aamin, talagang hahatulan ka ng tatlong taon ng reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Inaresto ka namin para baguhin ka, kaya tumigil ka sa pagmamatigas na gawin ang maling bagay. Bilisan mo at aminin mo ang nalalaman mo! Lahat ng kinain at ininom mo ngayon ay ibinigay ng Partido Komunista, hindi ba?” Nang marinig ito, mariin ko siyang sinagot, “Ang Diyos na pinananampalatayanan namin ay ang natatanging tunay na Diyos na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay. Ang apat na panahon ng tagsibol, tag-init, taglagas, at taglamig ay pawang pinamamahalaan ng Diyos; ang lahat ng kinakain at iniinom mo ay ibinigay ng Diyos, hindi ba? Kung wala ang panustos at pagpapakain ng nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan, mabubuhay ka ba hanggang ngayon?” Pagkatapos na pagkatapos kong magsalita, nagdilim ang mukha niya sa galit. Dinuro niya ako at nanggigigil na nagsabi, “Napakarami ko nang sinabi sa iyo ngayon, ni isang salita ay wala kang pinakinggan. Talagang hindi ka maliligtas!” Sa huli, galit na galit siyang umalis. Hindi nagtagal, dalawa pang pulis ang dumating at pagkapasok na pagkapasok nila, ibinitin nila ako muli sa radiator. Ang isang pulis ay hinampas ako sa likod gamit ang isang pangkoryenteng baton, at nagkusa ang katawan kong makaiwas, pero ang bawat galaw ay nagdulot na bumaon sa laman ko ang talim ng posas at nagdudulot ng matinding sakit. Inaalipusta ako ng pulis habang pinapalo niya ako, “Gusto mo pa rin bang maging martir? Kahit na hindi ka namin patayin sa gulpi ngayon, hahatulan ka namin ng habambuhay na pagkakakulong!” Pagkatapos ay hinawakan niya ang buhok ko at iniuntog ako sa pader. Nahilo at natuliro ako sa lakas, at nagkabukol kaagad ang noo ko, at sobrang namaga ang mga mata ko. Pagkatapos ay hinawakan na naman niya ako sa buhok at nagsimulang suntukin ako na parang sumusuntok sa punching bag. Sumigaw ako sa sakit, pakiramdam ko ay nababali ang mga buto ko at parang nanikip ang dibdib ko, kaya nahirapan akong huminga. Ginulpi niya ako habang minumura, sinasabi niya, “Sinapian ka ng diyos. Tingnan natin kung mas matibay ang bibig mo kaysa sa mga kamao ko. Sa ayaw mo at sa gusto, pipilitin ka naming magsalita ngayon!” Pagkasabi nito, sinuntok niya ako nang malakas sa ulo, nagdilim ang lahat, at nawalan ako kaagad ng malay. Hindi ko alam kung gaano katagal bago ako nagising. Sinigawan ako ng pulis, “Nagpapatay-patayan ka pa rin ba? Kung hindi ka aamin, dadalhin kita sa labas at ipakakain sa mga aso!” Alam ko na mabuhay o mamatay man ako ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa ang mga pulis sa akin. Kahit na pahirapan nila ang katawan ko at kunin ang buhay ko, nasa mga kamay ng Diyos ang kaluluwa ko. Hindi na ako masyadong natakot dahil sa kaisipang ito. Nagpasya ako, “Kahit na mamatay ako sa bugbog, maninindigan ako sa aking patotoo. Hindi ako kailanman magiging isang Hudas!”

Ibinitin ako sa radiator sa loob ng tatlong araw at gabi. Dahil ibinitin ako roon nang napakatagal, parehong namaga ang mga binti at paa ko. Naging napakasakit ng katawan ko mula sa baywang hanggang sa mga binti ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko alam kung gaano katagal akong makapagtitiis. Nag-aalala ako na baka hindi ko kayanin ang pagpapahirap na ito. Diyos ko! Pakiusap kunin Mo ang buhay ko. Gugustuhin kong mamatay kaysa maging isang Hudas.” Pagkatapos manalangin, nakaramdam ako ng lamig sa buong katawan ko. Nawalan ng pakiramdam ang mga binti at paa ko at wala na akong naramdamang sakit. Nasaksihan ko ang mga mahimalang gawa ng Diyos, dahil tinanggal Niya ang pasakit ko, at sa puso ko ay patuloy kong pinasasalamatan ang Diyos. Nang sumunod na umaga, nang makita ng mga pulis na wala pa rin akong sinasabi, sinigawan nila ako, “Sa tingin mo ay gaano katagal ka pa makakatiis? Tingnan mo ang mukha mo—magang-maga na, at ni hindi ka na mukhang tao! Para iwasang ipagkanulo ang iglesia, pinagdadaanan mo ang lahat ng ito, tinatalikuran ang asawa at mga anak mo. Tingin mo ba talaga ay sulit ito?” Dinagdag pa niya, “Kung wala kang pakialam sa sarili mong buhay, isang bagay iyon. Pero isipin mo ang mga anak at ang asawa mo; naghihintay silang umuwi ka. Umamin ka lang nang tapat, at hindi mo kailangang pagdusahan pa ang pasakit na ito.” Nang marinig ko ang mga salitang ito, labis akong nagalit, at naisip ko, “Malinaw na ikaw ang humahadlang sa akin sa pananampalataya sa Diyos, inaresto mo ako, sinisira ang pamilya ko, at ginagawang imposibleng makauwi ako. Ginagamit mo pa nga ang pagpapahirap para pagdusahin ako, at pagkatapos ay inaakusahan mo ako na tinatalikuran ko ang mga anak at asawa ko alang-alang sa pananalig ko. Ito ay ganap na kabaligtaran ng katotohanan! Gaya ng isang magnanakaw na sumisigaw ng ‘Tumigil ka magnanakaw!’” Naalala ko ang sinabi ng Diyos: “Sa loob ng libo-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? … Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)). Sinasabi ng Partido Komunista na itinataguyod nito ang kalayaan sa pananampalataya, pero sa loob, walang-awa nitong sinusupil, inaaresto, at inuusig ang mga Kristiyano, na may layong wasakin ang gawain ng Diyos, hindi pinasasampalataya o pinasasamba ang mga tao sa Diyos, at kinokontrol ang lahat na sumunod sa Partido Komunista, at para kalaunan ay mamatay kasama nito. Pagkatapos maranasan ang kalupitan at pagpapahirap ng Partido Komunista, nakita ko ang tunay na buktot na diwa nito. Isa itong demonyo na sumasalungat sa Diyos at pumipinsala sa mga tao, at nagkaroon ako ng isang malalim na pagkamuhi para dito. Nagpasya akong ganap na maghimagsik laban dito at tanggihan ang malaking pulang dragon. Sa kaisipang ito, nakalimutan ko ang sakit sa mga pulso ko, at desperadong gustong lumuhod at ibuhos sa Diyos ang puso ko. Noong sandaling iyon, biglang bumagsak ang katawan ko, at nang tulad ng isang himala, nakalag ang mga posas. Lumuhod ako sa sahig, umiiyak at tahimik na nananalangin, “Diyos ko! Nakita ko ang kamangha-mangha Mong mga gawa. Bagama’t mahina ang laman ko, palagi Kang nasa tabi ko, na binabantayan at pinoprotektahan ako. Napakatunay ng pagmamahal Mo!” Nagulat ang kapitan ng National Security Brigade nang makita ito. Pagkatapos kong manalangin, nang papalapit na ang dalawang pulis para iposas ulit ako, kinakabahang sumigaw ang kapitan, “Huwag kayong kikilos, umatras kayo!” Takot na takot ang dalawang pulis na hindi sila nangahas na gumalaw. Pagkatapos ay iniutos ng kapitan, “Nananalangin siya at sinusumpa tayo; umatras kayo kaagad!” Umatras nang kaunti ang dalawang pulis, nakatayo sila roon, hindi nangangahas na gumalaw, at napatulala sila sa akin. Halos kalahating oras na nanatiling tahimik ang silid. Kalaunan, kinuha ng isa sa mga pulis ang posas at nagtanong, “Paano nakalag ang mga ito? Talaga kayang umiiral ang Diyos na sinasampalatayanan niya? Hindi sira ang mga posas na ito! Hindi ako naniniwala rito. Lagyan natin siya ng ibang pares ng posas at ibitin siya!” Pagkasabi nito, ipinosas na naman nila ako at ibinitin ako. Pagkatapos ay inugoy ng dalawang pulis ang katawan ko gaya ng isang duyang nakatali, at sa bawat pag-ugoy, bumabaon ang mga posas sa laman ko. Parang pinaghihiwalay ang mga kamay ko dahil sa napakatinding sakit, at hindi ko maiwasang umiyak nang malakas. Nakatayo lang ang dalawang pulis, nakangisi at nagsabing, “Umiiyak ka pa rin? Hindi ba’t dapat ay gumawa ng mga himala ang Diyos mo? Nakakaramdam ka pa rin ng sakit? Babaliin namin ang mga braso mo ngayon!” Dahil nakikita kong natutuwa ang mga diyablong ito sa pagpapahirap sa mga tao, tumigil ako sa pag-iyak, at nagpasya na, “Kahit patayin nila ako sa pagpapahirap, dapat akong manindigan sa patotoo ko!” Sa huli, nakita ng mga pulis na wala silang nakukuhang anumang ebidensiya sa akin, at malungkot na sinabing, “Tatlong araw at gabi na natin siyang iniinteroga pero wala tayong nakukuha. Kaya dahil halos patay naman na siya, bigyan natin siya ng tatlong taon na reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho!” Pagkatapos ay binalik ako ng mga pulis sa detention center.

Sa selda, nagulat ang mga bilanggo nang makitang ginulpi ako nang ganito, at nag-usap-usap sila nang hindi makapaniwala, “Bakit nabubugbog nila nang ganito ang isang tao? Tayong mamamatay-tao at adik ay nararapat sa ganitong mga pambubugbog, pero isa lamang siyang mananampalataya, wala siyang ginawang ilegal para mabugbog nang ganito. Labis na kakila-kilabot ang mundong ito!” Isang bilanggo ang nagsabi sa akin, “Ang tibay ng loob mo para manampalataya sa Diyos. Mula sa mga salita at kilos mo, malinaw na isa kang mabuting tao. Pumatay na ako ng mga tao, kaya hindi ako kailanman magkakaroon ng pagkakataong manampalataya sa Diyos sa buhay na ito, pero sa susunod na buhay, mananamplataya rin ako sa Diyos at magiging isang mabuting tao.” Nang marinig kong sinasabi ito ng mga bilanggo, alam kong hindi ang sarili kong kabutihan kundi ang epekto ng mga salita ng Diyos ang gumagabay sa akin.

Walang makuhang kahit ano ang mga pulis sa pag-iinteroga sa akin at sa huli ay hinatulan ako ng tatlong taon ng reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Nang malaman kong kailangan kong magsilbi ng tatlong taon pa, sobra akong nanghina, hindi ko alam kung kailan matatapos ang lahat ng ito, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang gabayan akong manindigan sa aking patotoo. Naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos “Yaon Lamang May Tunay na Pananampalataya ang Sinasang-ayunan ng Diyos”: “Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang mga hayop na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)). Naisip ko sina Job, David, at Moises, dahil sa kanilang pananalig, nakita nila ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Ngayon, pinagdurusahan ko ang mga paghihirap na ito dahil sa pananalig ko sa Diyos. Pinahintulutan ito ng Diyos at gusto kong magpasakop at maranasan ito.

Noong Hunyo 2003, inilipat ako ng mga pulis sa labor camp. Habang nasa labor camp ako, gumigising ako tuwing alas-5 ng umaga, nagtatrabaho ng labimpito hanggang labing-walong oras kada araw, at madalas ay kailangang magtrabaho nang overtime hanggang alas dos o alas tres ng umaga. Kung hindi ko ginawa nang maayos ang trabaho, pinatatayo ako bilang kaparusahan, hinahabaan ang sentensiya ko, at hindi ako nakakapagpahinga hanggang matapos ang trabaho. Tuwing gabi bago matulog, kailangan kong sauluhin ang mga panuntunan ng kampo, at kung hindi ko masaulo ang mga iyon, hindi ako pinapayagang matulog. Dahil sa mahabang nakakapagod na pisikal na trabaho na sinamahan pa ng stress sa pag-iisip, nahihilo ako araw-araw, at dahil sa aking altapresyon, madalas na pananakit ng puso, pagkataranta kapag nagugulat, at herniated disc, labis ang pananakit ko pero binibigyan lang ako ng mga pulis ng kaunting gamot, bago ako utusang ituloy ang trabaho. Sa labor camp, para kaming mga alipin, ganap na nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan, na walang mga karapatang pantao o kalayaan. Ang tanging nagpagaan ng loob ko ay may mahigit sa sampung sister na nanampalataya sa Diyos ang nasa labor camp, at madalas kaming lihim na nagpapasahan ng mga tala upang ibahagi ang mga salita ng Diyos at mga awit, pinapalakas ang loob ng isa’t isa. Isang sister ang pinasahan ako ng isang liham, at nang makita ko ang liham mula sa mga kapatid at ang isinulat na mga salita ng Diyos, talagang nakadama ako ng init at pagkaantig. Binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya. Nang makita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang makita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)). Sobra akong naantig na hindi ko maiwasang umiyak. Alam ng Diyos ang kahinaan ko, at bukod doon, ang mga pangangailangan ng kaluluwa ko. Isinaayos Niya na padalhan ako ng sister ng liham ng pampalakas-loob at pagtulong, at ginagabayan at pinapatnubayan Niya ako gamit ang Kanyang mga salita, binibigyan ako ng pananalig at lakas. Nadama ko kung gaano tunay na kalaki ang pagmamahal ng Diyos, at ang pagdurusa ay medyo hindi na kasingsama ng dati.

Noong Setyembre 2005, pinalaya ako at nakauwi na ako. Dahil sa pagpapahirap, nagkaroon ako ng matinding karamdaman sa puso at altapresyon, at tuwing tag-ulan, talagang nananakit ang mga braso, baywang, at binti ko, at dahil sa matagalang pagkakaposas, hindi pa rin makabuhat ng mabibigat na bagay ang pulso ko. Bagama’t nakalaya ako sa kulungan pagkatapos ng sentensiya ko, ang mga pulis ay patuloy na nagpadala ng mga tao para manmanan at matyagan ako, at pinabantayan nila sa aking mga kamag-anak at kapitbahay ang mga kilos ko sa lahat ng oras. Paminsan-minsan, nagpapadala sila ng mga tao sa bahay ko para tanungin kung nananampalataya pa rin ako sa Diyos, at kung wala ako sa bahay, uusisain nila kung saan ako pumunta. Hindi ko magawa nang normal ang mga tungkulin ko o hindi ako makadalo sa mga pagtitipon, na nagdulot sa akin ng sobrang stress. Dahil personal akong naaresto at inusig ng Partido Komunista, nakita ko ang pagiging kasuklam-suklam at kalupitan ng Partido Komunista, at malinaw na nakilala ang maladiyablong diwa ng paglaban at pagkamuhi nito sa Diyos. Kinamumuhian at tinatanggihan ko ito mula sa kaibuturan ng puso ko, at kasabay nito, pinasasalamatan ko ang Diyos sa paggabay sa akin sa bawat hakbang upang makilatis ang mga pakana ni Satanas, na nagpalakas sa pananalig ko, at binigyan ako ng kakayahang mapagtagumpayan ang pamiminsala ng mga demonyo at makalabas nang buhay mula sa yungib ng mga diyablo. Tunay na naranasan ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, at determinado akong gawin ang pinakamakakaya ko para gawin nang maayos ang mga tungkulin ko at suklian ang pagmamahal ng Diyos.

Sinundan:  88. Mapapait na Aral na Natutuhan mula sa Pagiging Mapagpalugod ng Mga Tao

Sumunod:  90. Naranasan Ko ang Kagalakan ng Pagiging Matapat

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger