100. Pagkatapos Mawasak ng Pagnanais Para sa Mga Pagpapala
Noong 2011, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at wala pang dalawang taon pagkalipas noon, pumanaw ang asawa ko dahil sa sakit. Bagaman bata pa ang anak ko at nahihirapan ang pamilya ko sa pinansiyal, nagpursige pa rin ako sa aking mga tungkulin. Kalaunan, nahirang ako para maging lider ng iglesia, at naisip ko, “Ang magawang gampanan ang tungkulin ng isang lider ay pagtataas mula sa Diyos, sa paggawa lamang ng aking mga tungkulin na makapaghahanda ako ng mas maraming mabuting gawa, at sa paggawa lamang nito na makakamit ko ang pagsang-ayon ng Diyos at makapapasok ako sa Kanyang kaharian.” Kaya ipinagkatiwala ko ang aking anak sa aking mga biyenan at inilaan ang lahat ng oras ko sa aking mga tungkulin. Masigasig ako sa paggugugol ng sarili ko sa aking mga tungkulin, at ano man ang isinaayos ng iglesia na gawin ko, hindi ako kailanman tumanggi. Umulan man o umaraw, nagpursige ako sa aking mga tungkulin. Makalipas ang ilang panahon, nagsimulang magkaroon ng kaunting resulta ang gawaing ako ang responsable. Kalaunan, nahirang ako bilang isang mangangaral, at lumaki nang lumaki ang saklaw ng mga responsabilidad ko, at napuno ako ng kasiyahan sa sarili, nag-aakalang kaya kong tiisin ang pagdurusa, magbayad ng halaga, magsakripisyo, at gugulin ang sarili ko, at na nakakakuha ako ng kaunting resulta sa aking mga tungkulin, at nanampalataya akong tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Taglay ito sa aking pag-iisip, naging mas ganado pa ako sa aking mga tungkulin. Kalaunan, paminsan-minsan ay may bahagyang pananakit sa aking tiyan, pero hindi ko ito masyadong pinansin at nagpatuloy ako sa paggawa ng aking mga tungkulin.
Isang umaga, pagkatapos mag-almusal, nagbisikleta ako papunta sa lugar ng pagtitipon, at habang umaakyat ng hagdan, paulit-ulit na sumakit ang tiyan ko, pero pinilit ko at tinapos ang pagtitipon. Pagkatapos noon, pumunta ako sa ospital para sa check-up, at seryosong sinabi sa akin ng doktor, “Mayroon kang erosive gastritis na may pagdurugo sa tiyan, at ang kondisyong ito ay nangangailangan ng agarang gamutan. Kung hindi ito magamot nang tama, may panganib na magkaroon ng kanser sa tiyan.” Nang marinig kong sinabi ito ng doktor, medyo natakot ako, nag-aalala na kung ang kondisyon ko ay hindi magamot sa oras at talagang magkaroon ako ng kanser sa tiyan at mamatay, mapapalampas ko ang pagliligtas ng Diyos at mawawalan ng saysay ang lahat ng pagsisikap at paggugugol ko. Medyo nanghina ako sa loob, pero naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabuting kalooban ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko, at tatanglawan at bibigyang-liwanag ka ng Diyos. Kumusta ang naging pananalig ni Job? Ang Makapangyarihang Diyos ay ang pinakamakapangyarihang manggagamot! Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling. Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, tila nakakita ako ng kaunting pag-asa, at napagtanto ko na ang sakit na ito ay naglalaman ng layunin ng Diyos. Hindi ako puwedeng magreklamo. Kailangan ko munang magpasakop at magkaroon ng pananalig sa Diyos, at manampalatayang hangga’t may hininga ako, ang Diyos ay hindi ako hahayaang mamatay. Naisip ko kung paanong palagi akong nagsasakripisyo at naggugugol ng sarili ko sa aking mga tungkulin sa nakalipas na ilang taon; noong napakabata pa ng anak ko at naharap ang pamilya sa mga problema, kahit na noong pumanaw ang asawa ko, hindi ko sinukuan ang mga tungkulin ko, kaya nanampalataya akong isasaalang-alang ng Diyos ang mga pagsisikap at paggugugol ko sa aking mga tungkulin, at na poprotektahan Niya ako at pagagalingin ang sakit ko.
Kalaunan, pumunta ako sa ospital para sa ilang tradisyonal na Chinese na gamot at tumanggap din ng mga intravenous drip, at nagpatuloy akong gawin nang normal ang mga tungkulin ko. Gayumpaman, madalas pa ring sumakit ang tiyan ko, at mahina ang panunaw ko, kaya lugaw lang ang kaya kong higupin, at minsan mayroon akong acid reflux. Pagkatapos uminom ng gamot nang ilang panahon, hindi lamang hindi bumuti ang kondisyon ko kundi sa katunayan ay lumala. Naiempatso ako pagkatapos kumain, at palagi kong nararamdaman na para bang may naipit na pagkain sa lalamunan ko at madalas na para akong masusuka. Kahit sa gabi, makakaramdam ako ng hapdi sa tiyan ko habang natutulog. Dahil naharap sa pagpapahirap ng sakit na ito, hinang-hina ako sa loob, at naisip ko, “Inilaan ko ang lahat ng oras ko sa aking mga tungkulin, araw-araw akong abala, at kahit na magkasakit ako, hindi ko pinababayaan ang mga tungkulin ko, kaya bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos at hindi pinagaling ang sakit ko sa kabila ng mga pagsisikap at paggugugol ko?” Namuhay ako sa maling pagkaunawa at mga pagrereklamo sa Diyos, at nakadama ng sobrang pagkanegatibo. Wala akong ganang gawin ang anuman, at ayaw kong kumain o uminom ng mga salita ng Diyos, o lumapit sa Diyos. Hindi na rin ako nakaramdam ng pagpapahalaga sa pasanin para sa mga tungkulin ko, na nakaimpluwensiya sa lahat ng aytem ng gawain. Napansin ng sister na nagpapatuloy sa akin ang aking hindi magandang kalagayan at inanyayahan niya ako na makinig sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama niya. Sabi ng Diyos: “Mapeperpekto ng Diyos ang tao kapwa sa positibo at negatibong mga aspeto. Nakasalalay ito sa kung nagagawa mong makaranas, at kung hinahangad mong maperpekto ng Diyos. Kung tunay mong hinahangad na maperpekto ng Diyos, ang negatibo ay hindi ka magagawang dumanas ng kawalan, kundi maaaring maghatid sa iyo ng mga bagay na mas totoo, at magagawa kang mas malaman yaong kakulangan sa loob mo, mas mauunawaan ang iyong tunay na kalagayan, at makikita na walang kahit ano ang tao, at balewala siya; kung hindi ka makararanas ng mga pagsubok, hindi mo malalaman, at palagi mong madarama na nakahihigit ka sa iba at mas mahusay ka kaysa sa lahat ng iba pa. Sa lahat ng ito makikita mo na lahat ng dumating noon ay ginawa ng Diyos at protektado ng Diyos. Ang pagpasok sa mga pagsubok ay iniiwan kang walang pagmamahal o pananampalataya, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para pungusan ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang bagay, pinupungusan Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang ‘mga hiwaga’ sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng paghahayag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pagpupungos, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto). Habang nakikinig at nagbubulay-bulay ako, lubos akong naantig. Diretsahang sinasalamin ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Noong hindi ako nagdurusa sa sakit, masigasig ako at aktibo sa aking mga tungkulin, pero ngayon na may sakit ako, at hindi bumuti ang kondisyon ko sa mahabang panahon, nawalan ako ng pananalig at ng pagpapahalaga sa pasanin para sa aking mga tungkulin. Nawalan din ako ng motibasyong manalangin. Noon, inakala kong mahal na mahal ko ang Diyos, at na dahil kaya kong isantabi ang pamilya ko para gawin ang mga tungkulin ko, ako ay isang taong naghahangad at nagsasagawa ng katotohanan. Ngayon ay nakita ko na napakababa ng tayog ko, at na wala akong tunay na pananalig at pagmamahal sa Diyos. Ginagamit ng Diyos ang sakit na ito para pinuhin at ibunyag ako upang tulungan akong makilala ang aking katiwalian at mga pagkukulang, at para gawing perpekto ang aking sinseridad at pagpapasakop sa Kanya. Hindi na ako puwedeng magkamali ng pagkaunawa sa Diyos o maging negatibo, at naging handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang sakit ko at ilagay ang puso ko sa aking mga tungkulin. Nang mapagtanto ko ito, bahagyang bumuti ang kalagayan ko.
Noong pagtatapos ng 2014, lalong lumala ang sakit ko sa tiyan at kahit kaunti lang ang kainin ko ay parang busog na busog na ako, at palagi akong nakararanas ng pananakit ng tiyan. Hinang-hina ako sa loob, nag-aalala kung anong mangyayari kung magpatuloy ang sakit na ito, lumala na maging kanser sa tiyan, at mamatay ako. Kung mamatay ako at hindi mailigtas ng Diyos, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng pagsisikap at paggugugol ko? Palagi kong ginagawa ang mga tungkulin ko, nagtitiis ng pagdurusa at nagbabayad ng halaga, ginagawa ko pa nga ang mga tungkulin ko habang may sakit ako. Kaya bakit hindi ko nakita ang mga pagpapala at proteksiyon ng Diyos? Namuhay ako sa kadiliman at ayaw kong gawin ang mga tungkulin ko, kaya sinabi ko sa nakatataas na lider na gusto kong umuwi para magpagamot. Ibinahagi ng lider ang layunin ng Diyos sa akin, at nagmungkahi na dapat kong gamutin ang sakit ko at alagaan ang katawan ko habang ginagawa ang mga tungkulin ko. Naisip ko na hindi gaanong seryoso ang sakit ko para pigilan akong gawin kahit ang pinakamaliit na bahagi ng mga tungkulin ko, at gayundin, dahil lider ako ng iglesia, mahirap na makakita ng angkop na tao na pagpapasahan ng gawain ko. Kung tatalikuran ko ang aking mga tungkulin, magpapakita iyon na wala talaga akong konsensiya, pero kung magpapatuloy ako sa aking mga tungkulin, pipigilan ako ng aking sakit. Sa aking pagdurusa, tumawag ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko alam kung paano danasin ang sakit na ito, pakiusap, gabayan Mo akong matutuhan ang aral sa sitwasyong ito at maunawaan ang layunin Mo.” Nang gabing iyon, sinabi ko sa mga kapatid ang kalagayan ko. Binasa sa akin ng mga kapatid ang mga salita ng Diyos, at dalawang sipi ang talagang umantig sa akin. Sinasabi ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). “Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pagkakaunawaan, tanging walang magawang pinipigilang indignasyon at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, maraming ibinahagi sa akin ang isang sister. Pinaalalahanan niya ako na ang palaging paghiling sa Diyos na alisin ang sakit ko ay hindi makatwirang pag-uugali. Sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos at pakikinig sa kanyang pagbabahaginan, bigla akong sumigla. Napagtanto ko na nanampalataya ako sa Diyos para lamang tumanggap ng mga pagpapala. Noong una, nagawa kong isantabi ang pamilya at anak ko para gawin ang mga tungkulin ko, pero ito ay pawang alang-alang sa pagtanggap ng proteksiyon at mga pagpapala ng Diyos, at para maligtas ako ng Diyos at makapasok sa kaharian ng langit. Noong maharap sa sakit, umasa ako na isasaalang-alang ng Diyos ang pagsisikap at paggugugol na ibinuhos ko sa aking mga tungkulin at na pagagalingin Niya ang sakit ko, pero habang lumilipas ang panahon at hindi bumubuti ang kondisyon ko kundi lumala pa, naging negatibo ako at nagreklamo, kinukwestiyon ang Diyos kung bakit hindi Niya ako pagalingin. Noong naging malala ang kondisyon ko, nagsimula pa nga akong mag-isip ng paraan para tumakas, gustong bitiwan ang mga tungkulin ko at umuwi para magpagaling. Napagtanto ko na hindi tama ang mga layon ko sa paggugugol ko ng aking sarili para sa Diyos sa aking mga tungkulin, at na gusto kong kamtin ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng aking pagdurusa at paggugol, at nang hindi ko makamit ang mga layon ko, inisip kong lumayo sa Diyos. Sa anong paraan ko ginagawa ang aking mga tungkulin? Sa anong paraan ako tapat o mapagpasakop sa Diyos? Sinusubukan lansihin ang Diyos at makipagtawaran sa Kanya. Hindi ko tinratong Diyos ang Diyos; sa halip, tinrato ko Siya na parang isang cornucopia, isang Swiss Army knife. Talagang makasarili at kasuklam-suklam ako! Noon ko naunawaan na ang pagharap ko sa sakit na ito ay tunay na nagdala ng layunin ng Diyos, at na ibinubunyag nito ang aking maling mga pananaw, motibo, at pagnanais. Kung wala ito, iisipin ko pa rin na tinalikuran ko ang aking pamilya at propesyon para gawin ang mga tungkulin ko, at na nagpapakita ako ng masidhing pagmamahal sa Diyos. Ang totoo, hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para tugunan ang Diyos, ginagawa ko ito nang may hindi dalisay na mga layunin at nang may transaksiyonal na mga motibo. Kung magpapatuloy akong manampalataya sa Diyos at gawin ang mga tungkulin ko nang may ganitong pananaw, itataboy lang ako ng Diyos!
Sa aking paghahanap, nakita ko rin na hindi ko alam ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa harap ng aking sakit, palagi akong nag-aalala sa paglala ng aking kondisyon at sa pagkamatay. Napakaliit ng pananalig ko. Sabi ng Diyos: “Ang lahat tungkol sa tao ay pinamamahalaan ng Diyos, at ang pagkabuhay o pagkamatay man ng tao ay pinagpapasyahan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpili? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan; maraming taong nakatingala sa langit at bumubuntong-hininga nang malalim; maraming taong umiiyak nang malakas, humahagulhol; maraming taong bumabagsak sa gitna ng mga pagsubok; at maraming taong nahuhuli sa gitna ng tukso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang Diyos ang kumokontrol at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa Kanyang mga kamay. Kung bubuti ba ang sakit ko ay nasa mga kamay rin ng Diyos. Sa panahong ito, palagi akong napipigilan ng sakit ko, natatakot na lalala ang kondisyon ko at magiging kanser at magiging banta sa buhay ko, kaya naisip kong bitiwan ang mga tungkulin ko para tutukan ang aking kalusugan. Sa bibig ko ay sinabi ko na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, pero sa totoong buhay, wala talaga akong pananalig sa Diyos. Noong maharap sa mga problema, hindi ako nagtiwala o bumaling sa Diyos, kundi namuhay sa pag-aalala at kabalisahan, naghahanap ng daan palabas para sa sarili ko. Hindi ako naniwala na nasa mga kamay ng Diyos kung gagaling ako o hindi, kundi inakala ko na ang pagtitiwala lang sa sarili ko na maghanap ng mga medikal na gamutan at pagtutok sa pagpapalakas ang magpapagaling sa sakit ko. Hindi ba’t pananaw ito ng isang hindi mananampalataya? Noong may sakit ang asawa ko, kung saan-saan ko siya dinala para magpagamot, at sinabi ng mga doktor na walang lunas sa kondisyon niya. Pinayuhan ako ng mga kaibigan at kapamilya na huwag nang magpatuloy sa walang saysay na pagsisikap, pero tumanggi pa rin akong tanggapin ang kapalaran. Para mapagamot ang kanyang sakit, inubos ko ang lahat ng ipon namin at nagkautang pa. Bagaman inilaan ko ang sarili ko sa pag-aalaga sa kanya at sinamahan siya, sa huli, hindi ko mailigtas ang buhay niya. Mula rito, napagtanto ko na ang buhay at kamatayan ay itinakda ng Diyos. Hindi kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang kapalaran, ni kaya nilang baguhin ang mga tadhana ng iba. Sa katunayan, gawin ko man ang mga tungkulin ko sa iglesia o umuwi ako sa bahay, puwede pa rin akong magpagamot at puwede kong alagaan nang normal ang katawan ko, pero kung bubuti ba o lalala ang sakit ko ay itinakda ng Diyos. Ang haba ng buhay ng isang tao ay pinagpasyahan din ng Diyos, at kung dumating na ang oras ko, kahit pa bitiwan ko ang mga tungkulin ko at manatili ako sa bahay para magpagaling, lalala pa rin ang kalagayan ko gaya ng nararapat, at mamamatay ako kapag dumating na ang oras ko, pero kung hindi ko pa oras, at hindi pa tapos ang misyon ko, hindi ako hahayaan ng Diyos na mamatay nang maaga. Nakita ko na hindi ko alam ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ginugol ko ang aking mga araw nang namumuhay sa pag-aalala at kabalisahan, nababahala kung lalala ba ang sakit ko o kung mamamatay ako. Talagang naging hangal at mangmang ako! Sa realidad, hindi kinakailangan ang mga pag-aalalang ito at walang mababago ang mga ito. Ang magagawa ko lang ay ang ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng bagay, isuko ang sarili ko sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Kasabay nito, maaari akong magpagamot, magpagaling nang normal, at gumawa ng mga tungkulin ko sa abot ng makakaya ko. Gaano man kahaba ako mabubuhay o kung bubuti ba ang sakit ko, kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, binasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi niya nararanasan na magawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na isa akong nilikha, at ang gawin ang mga tungkulin ko ay ganap na natural at makatwiran, kaya hindi ko dapat subukang makipagtawaran sa Diyos o manghingi sa Kanya ng mga gantimpala. Paano man ako tratuhin ng Diyos sa hinaharap, pagpalain man ako o magdusa ng kasawian, dapat akong tumayo nang wasto sa posisyon ng isang nilikha, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at isagawa ang mga tungkulin ko. Kung sa huli ay ililigtas ba ng Diyos ang isang tao ay nakadepende sa kung kaya ba nitong tanggapin ang paghatol at pagdadalisay ng Diyos, iwaksi ang tiwaling disposisyon nito at maging kaayon ng Diyos. Hindi sa pamamagitan ng pagsisikap, pagdurusa, o pagsasakripisyo na natatamo ng isang tao ang mga pagpapala ng Diyos. Magmula nang matagpuan ko ang Diyos, nasiyahan na ako sa panlabas na kasigasigan at pagiging abala, at hindi ko hinangad ang katotohanan o pinagtuunan ang aking buhay pagpasok, at bihira kong pagnilayan at kilalanin ang sarili ko sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos gumawa ng mga pagsasakrispisyo at paggugugol, naniwala akong nararapat kong tamasahin ang mga pagpapala ng Diyos. Noong masira ang pag-asa kong pagpalain, nagsimula akong hindi maunawaan ang Diyos at magreklamo, nanghinayang pa nga ako sa nauna kong mga pagsasakripisyo, at ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin ko. Banal at matuwid ang Diyos, at ang isang gaya ko, na makasarili at kasuklam-suklam, na palaging naghahanap ng mga pagpapala at sumusubok na makipagtawaran sa Diyos at manipulahin at linlangin ang Diyos, samantalang gustong makatanggap ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit, ay talagang nag-iilusyon! Hindi ko hinangad ang katotohanan, at pagkalipas ng ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi nagbago ang pananaw ko sa mga bagay at ang aking buhay disposisyon. Kahit pa magdusa ako nang matindi o gumugol ng mga araw ko na nagpapakaabala, mananatili ako na isang taong lumalaban sa Diyos, at sa huli, ititiwalag at parurusahan ako. Isa akong nilikha, at natural at tama para sa akin na gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Wala akong karapatang humingi ng mga pagpapala sa Diyos. Sa halip, ang dapat kong gawin ay magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at gawin nang maayos ang mga tungkulin ko, at kung ano ang magiging kalalabasan at destinasyon ko, nasa Diyos na iyon para isaayos. Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, kung hindi dahil sa sakit na ito, hindi ko malalaman ang aking maruming layunin na maghanap ng mga pagpapala sa aking pananalig. Handa akong bitiwan ang aking layunin na maghanap ng mga pagpapala, at gumaling man ako o hindi, hangga’t may hininga ako, gugugol ako para sa Iyo at gagawin ko ang mga tungkulin ko. Kahit pa isang araw ay maging napakalala ng sakit na ito at mamatay ako, hindi ako magrereklamo, at magpapasakop ako sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.”
Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung minsan, magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para sa iyo, pinupungusan ka sa pamamagitan ng mga tao sa paligid mo at pinagdurusa ka, nagtuturo sa iyo ng mga aral at nagbibigay-daan sa iyo na maunawaan ang katotohanan at makita kung ano talaga ang mga bagay-bagay. Ginagawa na ng Diyos ang gawaing ito ngayon, sa paglalakip ng pagdurusa sa iyong laman para matuto ka ng aral, malutas ang iyong tiwaling disposisyon at matupad ang iyong tungkulin nang maayos. Madalas sabihin ni Pablo na mayroong tinik sa kanyang laman. Ano ang tinik na ito? Isa itong karamdaman, at hindi niya ito matatakasan. Alam na alam niya kung ano ang karamdamang ito, na patungkol ito sa kanyang disposisyon at kalikasan. Kung hindi nanatili sa kanya ang tinik na ito, kung hindi siya sinundan ng karamdamang ito, maaaring, sa anumang lugar at sandali, magtatag siya ng sarili niyang kaharian, ngunit sa karamdamang ito ay hindi siya nagkaroon ng lakas para doon. Samakatwid, kalimitan, ang karamdaman ay isang uri ng ‘pananggalang na payong’ para sa mga tao. Kung wala kang karamdaman, bagkus ay nag-uumapaw sa sigla, malamang na makagawa ka ng kung anong uri ng kasamaan at makapagdulot ng kung anong uri ng problema. Madaling mawala ang katwiran ng mga tao kapag sila ay lubhang mapagmataas at imoral. Pagsisisihan nila kapag nakagawa sila ng kasamaan, pero sa sandaling iyon ay hindi na nila matutulungan ang kanilang sarili. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagkakaroon ng kaunting karamdaman ay isang mabuting bagay, isang proteksyon para sa mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, Pinakamahalagang Bagay ang Pagkakamit ng Katotohanan). Sa pagbubulay-bulay ko sa mga salita ng Diyos, napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Kung hindi dahil sa sakit na ito na nangyari sa akin, hindi malalantad ang aking maruming layunin na maghanap ng mga pagpapala sa aking pananampalataya, at magpapatuloy sana ako na gamitin ang pagsisikap ko bilang kapital upang subukang makipagtawaran sa Diyos. Habang nagpapasan ako ng mas maraming responsabilidad at nagtitiis ng mas maraming pagdurusa, magiging mas mayabang sana ako, naniniwala na may kapital ako para makuha ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Kung hindi dumating ang sakit na ito upang ibunyag ang aking maling mga pananaw sa kung ano ang dapat hangarin, hindi ko malalaman ang aking maruming layunin sa aking pananampalataya sa Diyos, at nagpatuloy sana ako sa maling landas, gaya ni Pablo, na nanghingi ng korona ng katuwiran sa Diyos, nilabanan Siya, at sa huli ay itiniwalag at pinarusahan ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw ko, ang sakit na nangyari sa akin ay tunay na mistulang isang uri ng proteksiyon sa akin. Paraan ito ng Diyos para protektahan ako, at bagaman sa pisikal ay nagdusa ako, itinama nito ang maling perspektiba ko sa kung ano ang hahangarin. Hindi makakamit ang mga bagay na ito sa isang komportableng kapaligiran. Ang pagpapahintulot ng Diyos na maranasan ko ang karamdaman ay hindi para pahirapan ako, sa halip, ang layunin Niya ay baguhin ako, para bigyang kakayahan akong hanapin ang katotohanan at pagnilayan at makilala ang sarili ko sa pamamagitan ng sakit, at sa gayon ay magsisi sa Kanya. Sa pamamagitan ng aking sakit, napagtanto ko ang masinsinang layunin ng Diyos, at na ang anumang ginagawa ng Diyos sa mga tao ay palaging para sa kaligtasan at pagmamahal. Tunay na nagpapasalamat ako sa Diyos!
Pagkatapos nito, inilagay ko ang puso ko sa aking mga tungkulin. Bagaman minsan ay mag-iisip ako, “Ayos sana na magkaroon ng malusog na katawan, kailan kaya gagaling ang sakit ko,” mapagtatanto ko kaagad na nanghihingi pa rin ako sa Diyos at hindi nagpapasakop, kaya tahimik akong mananalangin sa Diyos, “Diyos ko, gaano man katagal manatili sa akin ang sakit ko, kahit pa hindi bumuti ang sakit ko, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos, at hangga’t may hininga ako, magiging tapat ako sa aking mga tungkulin.” Sa pamamagitan ng panalangin, mas kumalma ang puso ko. Sa pagninilay ko kung paanong nagpakalugmok ako dati sa aking sakit at inantala ang gawain ng iglesia, at na binigyan pa rin ako ng Diyos ng pagkakataon upang magsisi sa pamamagitan ng aking mga tungkulin, handa akong baguhin ang dati kong saloobin sa aking mga tungkulin at bumawi sa pagkakautang ko sa Diyos. Kalaunan, ibinuod ko ang mga paglihis at problema sa gawain kasama ng aking katuwang na sister, inirekord ko ang mga gampaning kailangang isa-isang ipatupad, nakipagbahaginan ako sa mga kapatid upang ipatupad ang mga iyon, at aktuwal kong nilutas ang mga problemang kinaharap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Makalipas ang ilang panahon, medyo bumuti ang gawain ng iglesia sa halos lahat ng aspekto, at aktibo rin ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Lubos din akong nahikayat at hindi na gaanong napipigilan ng sakit ko gaya noong dati. Isang araw, aksidente kong natuklasan ang isang lunas na maaaring makagamot sa mga isyu ko sa tiyan, at pagkatapos inumin nang ilang beses ang gamot, huminto sa pagsakit ang tiyan ko, at unti-unting lumakas ang katawan ko. Pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso, at nakita ko kung gaano karunong at kamakapangyarihan-sa-lahat ang Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para baguhin at linisin ako!
Sa pagdanas ng sakit na ito, bagaman sa pisikal ay nagdusa ako, nagawa kong itama ang aking maling mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, at ang mga karumihan sa aking pananalig ay medyo nalinis. Naunawaan ko rin na ganap na natural at makatwiran para sa nilikha na gawin ang mga tungkulin nito, at na pagpalain man o magdusa ang isang tao, dapat siyang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at isagawa ang mga tungkulin niya. Ang mga pagkaunawa at pagbabagong ito na aking nakamit ay pawang mga resultang nakuha sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos.