99. Makasarili ang Matakot sa Responsabilidad ng Paggampan sa Tungkulin
Noong Pebrero 2023, ginagawa ko ang tungkulin ko bilang isang lider ng distrito. Isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa nakatataas na lider, na nagsasabing nahaharap sa pagsupil mula sa CCP ang Iglesia ng Xincheng, at na ilang bahay na nangangalaga sa mga libro ng mga salita ay Diyos ay nakumpiska ng mga pulis ang mga libro nila. Dalawa pang bahay na nangangalaga sa mga libro ang nanganganib pa rin, kaya kailangang ilipat kaagad ang mga libro, kaya sinabihan kaming maghanap kaagad ng mga bagong safehouse. Pagkatapos, sumulat ako kaagad sa mga iglesiang nasa ilalim ng aking pangangasiwa upang hilingan sila na magbigay ng mga safehouse. Pagkatapos ipadala ang liham, bigla kong naisip, “Kung mali ang mga pagsasaayos ko at nahuli ang mga kapatid habang inililipat ang mga libro, hindi ba’t responsabilidad ko iyon? Ang mga librong ito ng mga salita ng Diyos ay nilimbag gamit ang mga handog sa Diyos, at kung masamsam ng mga pulis ang mga libro habang inililipat ang mga iyon, magiging seryoso ang mga kahihinatnan. Baka matanggal pa ako dahil doon.” Naisip ko kung paano nagpakalayaw si Ma Xiao sa mga pakinabang ng katayuan ng isang lider. Palagi niyang ginagawa ang mga bagay sa gusto niya, at gusto niya palaging siya ang may huling pasya, na nagdulot na magdusa ng malaking kawalan ang mga handog. Pagkatapos nito, iniwasan pa niya ang responsabilidad at hindi man lang nagsisi, at sa huli, pinatalsik siya. Isang pangunahing bagay ang pangangalaga sa mga libro ng mga salita ng Diyos. Maraming kapatid na nasa paligid ko ang nanganganib, kaya magiging mahirap makakita ng isang safehouse. Naisip ko, “Paano kung may mangyari? Matitiwalag ba ako gaya ni Ma Xiao? Pero naipadala na ang liham, ano nang gagawin ko ngayon? Kung sinabi ko sana sa lider na wala nang mga safehouse, tapos na sana ito. Bahala na nga, dahil naisulat ko na ito, sa tingin ko hahayaan ko na lang mangyari ang mga bagay.” Makalipas ang ilang araw, nagpadala ng mga liham ang mga lider ng iglesia na nagsasabing hindi pa sila nakakita ng angkop na mga tahanan. Pero ang totoo, alam ko na mayroong tatlong iglesia kung saan hindi masyadong gipit ang sitwasyon, at basta’t maingat kami, makakakita kami ng ilang bahay para pansamantalang pagtaguan ng mga libro. Pero ayaw kong maging responsable para dito, kaya sumulat ako sa nakatataas na lider na nagsasabi, “Hindi maganda ang sitwasyon dito, at maraming bahay ang hindi rin ligtas, pinakamainam na pumunta sa ibang mga iglesia para humanap ng mga safehouse.”
Makalipas ang ilang araw, nagpadala ng isang liham ang nakatataas na lider na nagsasabing hindi namin pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa mahalagang sandaling ito, at na bagaman nagkaproblema rin ang ibang iglesia sa paghahanap ng mga safehouse, nanalangin sila sa Diyos, nakipagtulungan sa tunay na paraan, at nagawang makahanap ng ilan. Nakita nila ang paggabay ng Diyos. Pagkatapos basahin ang liham, nahiya ako at nakonsensiya rin, iniisip na, “Parehong tungkulin ang ginagawa namin, pero kapag nahaharap sa mga problema ang iba, nagagawa nilang magtiwala sa Diyos upang pangasiwaan ang gawain, pero kapag nahaharap ako sa mga problema, tumatakbo at kumikilos ako gaya ng isang pagong na itinatago ang ulo nito sa bahay nito. Talagang hindi ko sila mapantayan!” Kaya, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, sa mahalagang usaping ito ng paglilipat ng mga libro ng Iyong mga salita, hindi ko talaga isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ako aktibong nakikipagtulungan sa paghahanap ng mga safehouse. Ako ay isang klase lang ng taong walang pakialam na tumulong kapag may masasamang nangyayari. Kung hindi ako pinungusan at binalaan ng lider, hindi ko pagninilayan ang sarili ko. Naging napakamanhid ko!”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na sa wakas ay magkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw niyang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga niya na mababasag ng mga dahon ang kanyang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang niya sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nangangaral ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong gawain—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanyang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin niya ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala siyang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin ay walang ni katiting na sinseridad sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita niya ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakauunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magbayad ng malaking halaga para makamit ang katotohanan, at makahaharap sila ng maraming balakid sa pagsasagawa nito. Dapat nilang talikuran ang mga bagay-bagay, abandonahin ang kanilang mga makalamang interes, at tiisin ang ilang pagdurusa. Saka lang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ang katotohanan ng isang taong natatakot na umako sa responsabilidad? Tiyak na hindi niya maisasagawa ang katotohanan, lalong hindi ang makamit ito. Natatakot siyang magsagawa ng katotohanan, na makaranas ng kalugihan sa kanyang mga interes; natatakot siyang mapahiya, sa panghahamak, at sa panghuhusga, at hindi siya nangangahas na magsagawa ng katotohanan. Dahil dito, hindi niya ito makakamit, at gaano karaming taon man siyang nananampalataya sa Diyos, hindi nila makakamit ang Kanyang kaligtasan. Ang mga kayang gumanap ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay dapat na mga taong may pagkaramdam sa pasanin pagdating sa gawain ng iglesia, na umaako ng responsabilidad, na pinaninindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang magdusa at magbayad ng halaga. Kung ang isang tao ay nagkukulang sa mga larangang ito, hindi siya karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin, at hindi niya tinataglay ang mga kondisyon para sa pagganap ng tungkulin. Maraming tao ang natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Naipamamalas ang kanilang takot sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na pinipili nila ang mga tungkulin na hindi nangangailangang umako ng responsabilidad. Kung isinaayos ng isang lider ng iglesia na gumanap sila ng isang tungkulin, itatanong muna nila kung kailangan ba nilang akuin ang responsabilidad para dito: kung oo, hindi nila ito tinatanggap. Kung hindi nito hinihingi sa kanilang akuin ang responsabilidad at managot para dito, tinatanggap nila ito nang may pag-aatubili, subalit kailangan pa ring makita kung nakakapagod o nakakaabala ang trabaho, at sa kabila ng may pag-aatubili nilang pagtanggap sa tungkulin, wala silang motibasyong gampanan ito nang maayos, pinipili pa ring maging pabasta-basta. Ang paglilibang, kawalang trabaho, at kawalang paghihirap sa katawan—ito ang kanilang prinsipyo. Ang pangalawa ay na kapag nakararanas sila ng paghihirap o nakatatagpo ng isang problema, ang una nilang tugon ay ang iulat ito sa isang lider at hayaan ang lider na asikasuhin at lutasin ito, sa pag-asang mapananatili nila ang kanilang kaluwagan. Wala silang pakialam kung paano inaasikaso ng lider ang isyu at hindi nila ito iniisip—hangga’t hindi sila mismo ang umaako ng responsabilidad, lahat ay mabuti para sa kanila. Ang gayong pagganap ba ng tungkulin ay tapat sa Diyos? Tinatawag itong pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, panlilinlang. Salita lang itong lahat; wala silang ginagawang anumang tunay. Sinasabi nila sa kanilang sarili, ‘Kung ako ang dapat mag-ayos sa bagay na ito, paano kung magkamali ako? Kapag tinitingnan nila kung sino ang dapat sisihin, hindi ba nila ako haharapin? Hindi ba’t ang responsabilidad para dito ay unang babagsak sa akin?’ Ito ang inaalala nila. Subalit naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang tao na may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Inilantad ng Diyos ang mismong kalagayan ko, at talagang nalungkot ako at para bang tinusok ang puso ko. Nahaharap ang Iglesia ng Xincheng sa mga pang-aaresto ng CCP at kailangang makahanap kaagad ng dalawang safehouse. Sinumang may konsensiya ay isasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kahit pa magkaroon ng mga problema, magtitiwala siya sa Diyos, at gagawin niya ang lahat para ilipat ang mga libro sa isang ligtas na lugar sa tamang panahon. Pero isinaalang-alang ko muna ang sarili kong mga interes, at palagi akong nag-aalala na baka may hindi magandang mangyari habang inililipat ang libro, at kung gayon ay mananagot ako at sa huli ay magkakaroon ng pagsalangsang, at kung patuloy na darami ang mga pagsalangsang ko, mawawala ko ang pagkakataon kong maligtas. Para protektahan ang sarili ko, patuloy kong sinubukang mag-iwan ng malalabasan, at nagdahilan ako para iwasan ang tungkulin ko. Ako mismo ang tuso at mapanlinlang na tao na inilantad ng Diyos. Ayaw ko talagang umako ng kahit anong responsabilidad, at wala akong konsensiya o katwiran! Sa puntong ito, ang mga libro ng mga salita ng Diyos ay palaging nanganganib na masamsam ng pulisya, pero binalewala ko ito, at inisip lamang ang sarili kong mga interes. Sa anong paraan ako may pagkatao? Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam!
Kalaunan, nagsimula akong magnilay-nilay, “Bakit ba palagi akong takot na magpasan ng responsabilidad? Anong klaseng tiwaling disposisyon ang nagdudulot nito?” Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katitinding damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Kaya, ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag naharap ako sa mga bagay-bagay, palagi akong takot na umako ng responsabilidad at isinasaalang-alang ko muna ang sarili kong mga interes, dahil namumuhay ako ayon sa satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at naging kalikasan ko na ang mga bagay ito. Noon, kapag nakikipag-ugnayan sa iba o pinangangasiwaan ang mga bagay, isinasaalang-alang ko muna kung makikinabang ba ako sa isang bagay o kung kakailanganin ko bang umako ng responsabilidad. Kahit sa tungkulin ko, ganoon pa rin ako. Noong italaga ako ng lider na maghanap ng lugar na paglilipatan ng mga libro, puno ako ng mga alalahanin, paulit-ulit na pinag-iisipan ang mga bagay, natatakot na kapag nakakita ako ng isang lugar, kung may mangyaring mali habang naglilipat, o kung masamsam ng pulisya ang mga libro, kung gayon ay kailangan akong managot. Kung magdulot ito ng malalaking kawalan, baka matanggal pa ako. Para iwasang mapinsala, nagdahilan ako na hindi ako makakita ng anumang angkop na lugar para iwasan ang responsabilidad na ito. Alam na alam ko na gipit ang sitwasyon sa Iglesia ng Xincheng, na may mga Hudas na ipinagkakanulo sila, at na puwedeng i-raid ng pulisya anumang oras ang mga bahay na nangangalaga sa mga libro. Alam ko rin na sa kritikal na sandaling ito, responsabilidad ko bilang lider na protektahan ang mga libro ng mga salita ng Diyos, at na ginagawa ko dapat ang lahat ng makakaya ko para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero isinaalang-alang ko lamang ang sarili kong mga interes, natakot akong umako ng responsabilidad, at iniwasan ko ang tungkulin ko. Naging masyado akong makasarili at walang pagkatao! Nang mapagtanto ko ito, nakadama ako ng malalim na pagkakautang at gusto ko lang sampalin ang sarili ko.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, palalayasin siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang sarili nito kapag nagkakamali ito, kung nagsisisi ba ito, at kung kaya ba nitong matarok ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang sarili nito, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na siyang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno siya ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, siya ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanyang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at ganap na siyang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay kung gayon mga hindi mananampalataya at maaari lamang na itiwalag. … Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaan mong makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung talagang hindi mo tinatanggap ang katotohanan sa paggampan mo sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari ang katotohanan doon. Iniisip nila na kung magkamali ang isang tao sa kanyang tungkulin, parurusahan siya ng sambahayan ng Diyos, tatanggalan ng karapatang gawin ang kanyang tungkulin, at paaalisin o patatalsikin pa siya. Sa realidad, pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga prinsipyo, batay sa konteksto, at batay sa layunin ng tao sa paggawa sa mga bagay at sa saloobin niya sa kanyang tungkulin. Kung palaging ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin sa pabayang paraan, hindi hinahanap ang mga prinsipyo sa mga usapin, palaging ginagawa ang kanyang tungkulin na umaasa sa kanyang tiwaling disposisyon, tinatrato ang gawain ng sambahayan ng Diyos nang walang pagpipitagan at hindi responsable, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung ganoon, ang gayong tao ay hindi lamang dapat pungusan, kundi papanagutin din, at kung hindi niya ito tatanggapin at patuloy siyang makikipagtalo, lalaban, at ganap na tatangging magsisi, kung gayon pangangasiwaan siya ng sambahayan ng Diyos nang naaayon, tatanggalin siya o paaalisin pa siya. Gayumpaman, ang ilang tao, kapag nahaharap sa mga isyu sa kanilang tungkulin, ay kayang hanapin ang katotohanan, at kapag may hindi sila nauunawaan, kaya nilang kumonsulta sa iba at pagsikapang gawin nang maayos ang mga bagay. Bagaman maaaring lumitaw ang mga problema o paglihis habang nakikipagtulungan sila, o maaari silang magdulot ng kaunting kawalan sa gawain ng iglesia, kalaunan ay nanghihinayang at nakokonsensiya sila, at tunay na nagsisisi. Ang gayong mga tao ay bibigyan pa rin ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos na gawin ang kanilang mga tungkulin at hindi basta-basta itinitiwalag. Pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao batay sa mga katotohanang prinsipyo. Gaya na lang ni Ma Xiao, noong panahon niya bilang isang lider, nagpakalayaw siya sa mga pakinabang ng katayuan, palagi niyang ginagawa ang tungkulin niya ayon sa gusto niya, hindi niya hinanap ang katotohanan, at nagdala siya ng mga kawalan sa mga handog. Hindi niya tinanggap ang kahit anong paulit-ulit na mga paalala ng mga kapatid at umiwas siya sa responsabilidad, matigas ang ulong tinatahak ang landas ng isang anticristo. Pinatalsik siya ng sambahayan ng Diyos mula sa iglesia ayon sa mga prinsipyo, at ito ay ganap na katuwiran ng Diyos, at hindi talaga di-makatarungan sa kanya. Pinatalsik siya ng iglesia hindi dahil sa isang beses na pagsalangsang, kundi batay sa kanyang palagiang pag-uugali. Ako rin ay maraming nagawang pagsalangsang noon, pero kalaunan, nagnilay ako at nakilala ko ang sarili ko at naging handa akong magsisi, kaya binigyan pa rin ako ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong gawin ang mga tungkulin ko. Nakita ko na palaging kumikilos ang sambahayan ng Diyos ayon sa mga prinsipyo. Pero namuhay ako sa kalagayan ng pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa, hindi naniniwalang naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan at naghahari ang katotohanan doon. Inakala ko na ang magkamali sa aking mga tungkulin ay magreresulta sa pagtatanggal o pagtitiwalag sa akin, na para bang ibinubunyag ng Diyos ang mga tao para lang itiwalag sila. Hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Kung hindi mababago ang kalagayan kong ito, sa malao’t madali ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos.
Kalaunan, naghanap ako ng isang landas ng pagsasagawa upang tugunan ang mga isyu ko. Binasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensyon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang mababang-uri at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, mababang-uri, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Sa aking tungkulin, kailangan kong isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at isantabi ang sarili kong makasariling mga pagnanais at interes. Kapag salungat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa sarili kong mga interes, kailangan ko munang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nagpasya ako, “Mula ngayon, sa anumang usaping kinasasangkutan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, gaano man ito kahirap, magtitiwala ako sa Diyos, aktibong pangangasiwaan ang gawaing ito, at gagawin ang pinakamakakaya ko upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.”
Makalipas ang isang buwan, nagpadala ng isa pang liham ang nakatataas na lider, hinihingi sa aming humanap ng dalawang ligtas na bahay para tirahan ng apat na brother. Dalawa sa mga kapatid ang nanganganib, at ang isa pang brother ay may rekord ng pag-aresto at wanted. Ang kaisipan na kailangang maghanap ng mas maraming ligtas na bahay ay nagpalitaw na naman sa mga pag-aalala ko, “Hindi maganda ang mga sitwasyon ng mga iglesia sa ilalim ng pangangasiwa ko, at hindi madaling humanap ng ligtas na bahay. Kung ang bahay na makita namin ay hindi ligtas at naaresto ang mga brother habang nasa amin, hindi ba’t pananagutin ako ng lider? Dapat kayang sabihin ko na lang sa kanya na wala kaming makitang ligtas na bahay rito, at paghanapin siya sa ibang lugar sa ibang iglesia?” Nang mag-isip ako nang ganito, napagtanto ko na isinasaalang-alang ko na naman ang sarili kong mga interes, kaya nanalangin ako kaagad sa Diyos, “Diyos ko, bagaman nasa kagipitan ang sitwasyon at maraming paghihirap, gusto kong bitiwan ang aking maling mga layunin at maghanap ng mga ligtas na bahay. Pakiusap gabayan Mo ako.” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Kailangan kong bitiwan ang sarili kong mga interes at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakita ko na ang mga lugar na tinitirahan ng mga brother ay napakamapanganib at puwede silang maaresto anumang oras, at kung poprotektahan ko ang sarili ko dahil sa takot na umako ng responsabilidad, at hindi ko susubukang maghanap ng mga ligtas na bahay nang napapanahon upang panatilihing ligtas ang mga kapatid na ito, magkagayon ay ganap akong walang pagkatao. Naalala ko rin na noong huling beses, palagi kong inalala ang sarili kong mga interes at natakot akong umako ng responsabilidad, at na ito ay nagdulot sa akin ng mga pagsisisi. Sa pagkakataong ito, hindi puwedeng gawin ko na naman ang parehong pagkakamali. Noong talagang nakipagtulungan ako, nakakita ako kaagad ng dalawang ligtas na bahay at dinala ko roon ang mga brother.
Sa pamamagitan ng pagbubunyag na ito, sa wakas ay nakita ko kung gaano talaga ako naging makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao. Akala ko ay may mabuti akong pagkatao at kaya kong protektahan ang gawain ng iglesia, pero sa pamamagitan ng sitwasyong ito, nabunyag ang katiwalian ko, tinutulutan akong maunawaan ang sarili ko at gumawa ng kaunting pagbabago. Ito ay isang dakilang pagliligtas sa akin ng Diyos, at ito ay isang bagay na hindi ko mapagtatanto sa isang komportableng kapaligiran. Salamat sa Diyos!