14. Isang Kapasyahan sa Gitna ng Pag-uusig at Kapighatian

Ni Tian Xin, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa panlabas, simple man o malalim ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng buhay pagpasok ng tao; ang mga iyon ang pinagmumulan ng buhay na tubig na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at kredo para sa pagkilos sa kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano magpapasakop ang tao at sasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita). Noon, kapag binabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, wala akong praktikal na pagkaunawa rito o hindi ko tunay na naaarok ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Kalaunan, nang maharap ang iglesia sa isang malawakang pag-aresto, namuhay ako sa karuwagan at takot at hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na gawin ang tungkulin ko, at ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at umakay sa akin na bumangon mula sa pagkanegatibo at kahinaan. Hindi na ako natatakot sa masasamang puwersa ni Satanas, at sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos, napangasiwaan ko nang maayos ang kinalabasan na gawain. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting praktikal na pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos.

Unang bahagi ng Agosto 2019 noon. Ang diyakono ng mga pangkalahatang usapin ay sinusundan at hindi niya maipagpatuloy ang paggawa sa kanyang tungkulin, kaya hiniling sa akin ng mga lider ng distrito na sumalo sa gawain ng mga pangkalahatang usapin. Noong ika-19, napansin kong sa loob ng dalawang araw ay hindi nakipag-ugnayan ang mga lider ng distrito sa mga iglesia, at sa mga nagdaang araw, sunod-sunod kong nabalitaan na mahigit sampung kapatid ang inaresto. Ang mga taong ito ay madalas na nakikipag-ugnayan sa mga lider ng distrito bago sila arestuhin. Habang iniisip kung paanong madalas na sinusubaybayan at minamanmanan ng mga pulis ang mga mananampalataya sa loob ng mahabang panahon para alamin ang kanilang mga detalye bago magsagawa ng isang malawakang pag-aresto, kinutuban ako, iniisip na, “Naaresto rin kaya ang mga lider ng distrito?” Nagmadali akong pumunta sa bahay ni Sister Yuan Ling. Pagkakita pa lang niya sa akin, nababalisa niyang sinabi, “May nangyari! Naaresto ang tatlong lider ng distrito at ang mga tauhan sa pangkalahatang usapin!” Bumilis ang tibok ng puso ko, “Nangyari nga! Kilala nila ang napakaraming tao at alam ang tahanan ng mga ito. Kailangan nating masabihan kaagad ang mga kapatid para magtago at lumipat.” Pagkatapos kong ipaalam sa kanila, habang naglalakad ako pauwi, kinakabahan ako at natatakot, iniisip ko, “Napakaraming kapatid ang sunod-sunod na inaresto ngayon, matagal na siguro silang minamanmanan ng mga pulis bago sila arestuhin. Bago ito nangyari, araw-araw akong nakikipagpulong sa mga lider ng distrito. Mayroong mga surveillance camera sa lahat ng dako, at palagi akong abala, kaya malaki ang posibilidad na sinusubaybayan din ako ng mga pulis. Baka ako na ang susunod na maaresto.” Naisip ko ang tungkol sa mga kapatid na pinahirapan matapos silang maaresto, na ang ilan ay miserableng namamatay sa mga kuko ng malaking pulang dragon, at habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot, iniisip na, “Paano kung maaresto ako, at pilitin ako ng pulis na ipagkanulo ang mga kapatid ko? Paano kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging isang Hudas? Hindi ba’t iyon ang magiging katapusan ng aking paglalakbay sa pananalig? Hindi, kailangan kong tumigil sa paggawa ng tungkulin ko at magtago muna nang ilang araw.” Habang iniisip ko ito, nakokonsensiya ako. Ngayong naaresto na ang mga lider ng distrito at ang mga tauhan ng pangkalahatang usapin, nawalan ng ugnayan ang ilang iglesia, hindi makakain o makainom ang mga kapatid ng pinakabagong mga salita ng Diyos, at ang mga kapatid na nasa panganib ay kailangang lumipat kaagad. Hindi ako puwedeng huminto ngayon. Pero nang naisip ko na baka minamanmanan din ako, nagtalo ang kalooban ko. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, natatakot ako sa sitwasyong ito, pero alam kong hindi ako puwedeng umatras. Pakiusap, gabayan Mo po ako na iwaksi ang takot sa puso ko.” Pagkatapos magdasal, naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Noon, madalas akong nakikipagbahaginan sa mga kapatid, sinasabi na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at na anuman ang mangyari, dapat tayong umasa sa Diyos. Pero ngayong dumating na sa akin ang panganib, natakot ako at gusto kong umatras. Napagtanto ko na ang lahat ng sinabi ko noon ay puro salita at doktrina lamang. Sa paanong paraan ba masasabing may tunay akong pananalig? Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang Diyos ang may huling salita sa lahat ng bagay. Bagaman araw-araw akong nakikipag-ugnayan sa mga lider, kung aarestuhin man ako o hindi ay hindi nakasalalay sa mga pulis. Kahit na maaresto ako, mangyayari lamang ito sa pahintulot ng Diyos. Sa pagsasaisip nito, hindi na ako nakaramdam ng sobrang takot at pangamba.

Pagkatapos, umasa kami sa Diyos ng katuwang ko na sister para ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Noong panahong iyon, palagi kaming maingat at nagpapaalalahanan sa isa’t isa. Araw-araw kaming nagpapalit ng damit at istilo ng buhok, at ginagawa namin ang lahat para maiwasan ang mga surveillance camera kapag lumalabas. Hindi nagtagal, palagi akong nakakatanggap ng balita tungkol sa pagkaaresto ng mga kapatid, at talagang tensiyonado at takot ako, na para bang wala nang ligtas na lugar. Makalipas ang dalawang araw, nakipagkita sa akin si Sister Song Yang na siyang responsable sa gawain. Sinabi niya na apurahan silang nangangailangang makahanap ng isang ligtas na tahanan para makapagpatuloy nang normal sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Masyado akong nabalisa, iniisip na, “Ngayong naaresto na ang mga lider ng distrito, maraming kapatid ang kailangang lumipat. Saan ako makakahanap ng napakaraming ligtas na tahanan?” Naisip ko rin na mayroong mga surveillance camera kahit saan at parami nang parami ang mga kapatid na inaaresto. Wala akong ideya kung saan maaaring palihim na nagmamanman ang mga pulis. Kung patuloy akong lalabas para maghanap ng mga tao at matitirahan, maaari akong maaresto anumang oras sa sandaling puntiryahin nila ako. Sa pag-iisip tungkol sa lahat ng ito, lubhang nagtalo ang kalooban ko, kaya ibinahagi ko ang aking mga alalahanin kay Song Yang. Magkasama naming binasa ni Song Yang ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ito ay talagang natural at makatuwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, ipinagkakanulo mo Siya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Hudas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan nilang ang mga atas na ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagtataas at natatanging pabor mula sa Diyos, at na ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang abandonahin. Kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lubha akong naantig. Sa pagharap ng mga iglesia sa gayong mapanganib na sitwasyon at sa pagkaaresto ng lahat ng lider ng distrito, walang sinuman ang mas nakakaalam sa sitwasyon ng mga iglesia kaysa sa akin. Kung magiging isa akong taong tumatakas sa kritikal na sandaling ito, hindi iniisip ang kaligtasan ng mga kapatid ko at nabibigong mabilis na pangasiwaan ang kinalabasan na gawain, magiging isa itong mabigat na pagkakanulo sa Diyos! Responsabilidad kong protektahan ang mga kapatid ko at tiyaking hindi mahahadlangan ang gawain ng iglesia. Pero nang maharap sa mga pag-aresto ng CCP, sa halip na pangalagaan ang gawain ng iglesia, mas nag-alala akong maaresto rin ako. Sa napakahalagang sandali na ito, gusto kong magtago na parang isang pagong pabalik sa bahay nito. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam! Dapat akong maghimagsik laban sa aking mga kasuklam-suklam na motibo at mabilis na mangasiwa sa kinalabasan. Pagkatapos na pagkatapos nito, umasa kami ng katuwang kong sister na Liu Na sa Diyos para makipagtulungan. Nang sumunod na gabi, nailipat na namin sina Song Yang at ang iba pa sa isang ligtas na tahanan, at mas higit akong napanatag.

Pagkaraan ng ilang araw, nagpadala ng liham ang iglesia kung saan nanggaling si Wang Juan, isang naarestong lider ng distrito, sinasabi na nalaman ng nanay ni Wang Juan mula sa mga pulis na matagal na nilang minamanmanan si Wang Juan, at alam ng mga pulis ang lahat ng bahay na binisita ni Wang Juan. Sinabi rin ng mga pulis na hindi nila madaling pakakawalan ang mga mananampalatayang inaresto nila, at na kung hindi aamin ang mga ito, masesentensiyahan ang mga ito. Bumilis ang tibok ng puso ko, at naisip ko, “Marahil kaya sunod-sunod ang pagkaaresto ng mga kapatid na ito ay dahil sinusubaybayan ng mga pulis si Wang Juan. Mula nang simulan ko ang aking tungkulin sa pangangasiwa ng mga pangkalahatang usapin, araw-araw akong nakikipagkita sa kanya para pag-usapan ang gawain. Isang araw bago siya naaresto, naghiwalay pa nga kami sa isang krosing. Baka isa na akong pangunahing target na sinusundan ngayon ng mga pulis, at maaari akong maaresto anumang sandali. Paano kung mahuli ako at pilitin ako ng mga pulis na ipagkanulo ang mga kapatid ko? Parang impiyerno sa lupa ang mga kulungan ng CCP at napakasama at napakamapaminsala ng malaking pulang dragon. Kung mananahimik ako, kahit na hindi ako mabugbog hanggang mamatay, magiging baldado naman ako…” Hindi na ako nangahas na mas pag-isipan pa ito, at binalot ako ng hindi maipaliwanag na takot. Dapat ba akong huminto sandali at pansamantalang magtago, at hayaan ang ibang sister na mamahala sa gawain sa ngayon? Pero pagkatapos, naisip ko na hindi pamilyar ang ibang sister sa sitwasyon ng mga iglesia, at alam ko na kung hihinto ako, hindi magpapatuloy nang normal ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at maaantala nito ang gawain. Pero nag-aalala ako na kung hindi ako hihinto, maaaresto ako. Namumuhay ako sa isang kalagayan ng takot at taranta. Mula noon, kapag papunta ako para gampanan aking mga tungkulin, wala sa loob akong napapalingon, tinitingnan ang paligid ko, at nababalisa ako kapag nakikita ko ang lahat ng surveillance camera sa kalsada. Minsan kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa bahay at naririnig ko ang mga aso sa bakuran na madalas tumatahol, nagsisimulang kumabog ang puso ko, at naiisip ko, “Mga pulis na kaya iyon?” at mabilis kong itinatago ang mga aklat ng salita ng Diyos. Makalipas ang ilang araw, napagtanto ko na may mali sa kalagayan ko, kaya agad akong lumuhod at nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Diyos na gabayan ako para maituwid ang kalagayang ito.

Kalaunan, naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kamakapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot sa tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapaghari o nakakontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi higit pa rito, ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at magbigay ng hambingan sa Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ng pangyayari at bagay ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, at gaano man kalaganap at kalupit ang malaking pulang dragon, hindi nito kayang lumampas sa mga limitasyong itinakda ng Diyos nang wala ang Kanyang pahintulot. Ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa ang mga pulis sa akin. Gaya noong pinahintulutan ng Diyos si Satanas na subukin si Job, bagaman pinahirapan ni Satanas ang katawan ni Job, hindi pinahintulutan ng Diyos si Satanas na kunin ang buhay ni Job, kaya hindi nangahas si Satanas na lumampas sa hangganang iyon. Sa pamamagitan ng mga pagsubok sa kanya, naperpekto ang pananalig ni Job. Ngayon, ang galit na galit na pag-uusig at pag-aresto ng malaking pulang dragon sa mga Kristiyano ay pinahihintulutan din ng Diyos. Ang mga naghahangad ng katotohanan ay may pananalig na pinerpekto sa pamamagitan ng pagdanas sa kapaligirang ito, at nakapagpatotoo sila para sa Diyos. Ang mga hindi naghahangad ng katotohanan ay umaatras dahil sa takot at karuwagan, at ibinunyag at itiniwalag sila. Ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon bilang kasangkapan ng paglilingkod para ibunyag kung sino ang tunay na nananampalataya sa iglesia at kung sino ang hindi. Hindi man namamalayan, naiklasipika ang mga tao ayon sa kanilang uri. Naisip ko kung paanong natakot at nangamba ako nang sandaling nabalitaan ko na matagal nang nasubaybayan si Wang Juan, at kung paanong ginusto kong magtago agad para protektahan ang seguridad ko. Napagtanto ko na maliit ang pananalig ko at hindi ko tunay na naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa totoo lang, kahit araw-araw pa akong makipagkita kay Wang Juan, kung walang pahintulot ng Diyos, hindi ako mahuhuli ng mga pulis, pero kung pahihintulutan ng Diyos na mahuli ko, kahit anong pag-iwas ko, hindi ako makakatakas dito. Naisip ko rin kung gaano karaming kapatid ang inaresto at pinahirapan. Bagaman nakaranas sila ng pagkanegatibo at kahinaan sa ilalim ng mga pagbabanta at pambubugbog ng mga pulis, sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-asa sa Diyos, at sa patnubay ng mga salita ng Diyos, hindi sila nakipagkompromiso sa malaking pulang dragon at sa huli ay nanindigan sila sa kanilang patotoo. Tunay nilang naranasan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang Kanyang kahima-himalang proteksiyon. Malinaw rin nilang nakita ang masama at pangit na mukha ni Satanas. Ang mga ito ay mahahalagang pakinabang. Nakita ko na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at gaano man kalakas ang malaking pulang dragon, isa lang itong kasangkapang nagseserbisyo para sa gawain ng Diyos. Ginagamit ito ng Diyos para gawing perpekto ang ating pananalig at pagpapasakop. Iniisip ito, nagpasya ako, “Kung pahihintulutan ng Diyos na maaresto ako, handa akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos at manindigan sa aking patotoo.”

Pagkatapos, binasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkamit ako ng karagdagang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagawang perpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at lahat ng naghahangad sa katotohanan, sa iba’t ibang kapaligiran. Binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na maranasan ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng iba’t ibang kapaligiran o pagsubok, at upang sa gayon ay magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan, tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, at upang sa huli ay matamo ang katotohanan. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan, ang iyong buhay disposisyon ay magbabago, at magagawa mong matamo ang katotohanan at ang buhay. Gaano na karami ang nakamit ninyo sa mga taong ito ng karanasan? (Marami.) Kaya, hindi ba’t sulit ang pagtitiis ng kaunting pagdurusa at pagbabayad ng kaunting halaga kapag ginagampanan ang iyong tungkulin? Ano ang nakamit mo bilang kapalit? Napakarami mo nang naunawaan sa katotohanan! Ito ay isang walang katumbas na kayamanan! Ano ang nais ng mga tao na makamit sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ay ang makamit ang katotohanan at ang buhay? Sa tingin mo ba ay makakamit mo ang katotohanan nang hindi nararanasan ang mga kapaligirang ito? Tiyak na hindi mo ito makakamit. Kung, dumating sa iyo ang ilang espesyal na paghihirap o nakatagpo ka ng ilang espesyal na kapaligiran, ang iyong saloobin ay palaging iwasan ang mga iyon o takasan ang mga iyon, at desperadong subukan na tanggihan ang mga iyon at takasan ang mga iyon—kung ayaw mong ilagay ang iyong sarili sa ilalim ng mga pamamatnugot ng Diyos, kung ayaw mong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at kung ayaw mong hayaan ang katotohanan na magdesisyon para sa iyo—kung palagi mong nais na ikaw ang magdesisyon at kontrolin ang lahat ng bagay tungkol sa iyong sarili alinsunod sa iyong satanikong disposisyon, kung magkagayon, ang kahihinatnan ay tiyak na isasantabi ka ng Diyos o ibibigay ka kay Satanas, at hindi magtatagal bago ito mangyari. Kung nauunawaan ng mga tao ang bagay na ito, dapat silang bumalik agad at sundan ang kanilang daan sa buhay alinsunod sa tamang landas na hinihingi ng Diyos—ang landas na ito ang tama, at kapag ang landas ay tama, nangangahulugan iyon na ang direksyon ay tama(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na upang maperpekto at makamit ng Diyos ang mga tao, nagsasaayos Siya ng iba’t ibang pag-uusig, kapighatian, pagsubok, at pagpipino para subukin ang mga tao. Ang mga tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos ay kayang isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, at gaano man kamapanganib ang mga bagay, kaya nilang umasa sa Diyos para danasin ang mga ito, na tinitiyak ang maayos na pag-usad ng gawain ng iglesia. Pero ako, nang makita ko ang panganib ng sitwasyon, natakot akong maaresto, mapahirapan, at mabawian ng buhay, o kung hindi naman ay baka mabigo akong manindigan sa aking patotoo, maipagkanulo ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at sa gayon ay mawalan ng pagkakataon na maligtas, kaya ginusto kong magtago at ihinto ang paggawa ng tungkulin ko, nang hindi man lang isinasaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Tunay akong makasarili at kasuklam-suklam, walang anumang konsensiya o katwiran! Napaisip ako sa kasalukuyang sitwasyon. Dahil sa mga pag-aresto ng CCP, nawalan ng ugnayan ang mga kapatid at hindi sila makapamuhay ng buhay iglesia, at huminto ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Tiyak na nagdalamhati at nabalisa ang puso ng Diyos noon! Sa gayong kritikal na panahon, dapat may tumayo at pumasan sa responsabilidad na ito para makapagpatuloy nang normal ang gawain ng iglesia. Subalit para sa seguridad ko, gusto kong magtago na parang pagong pabalik sa bahay nito nang hindi isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia o ang buhay pagpasok ng mga kapatid. Lubos akong makasarili at kasuklam-suklam! Naisip ko rin ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ang sinumang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa Akin ay makakasumpong niyaon(Mateo 16:25). Pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos at ang sarili ko. Bakit kapag nahaharap sa pag-uusig at pag-aresto ng CCP, palagi gusto kong magtago at protektahan ang aking sarili? Ito ay dahil sobra kong pinahahalagahan ang buhay ko. Masyado kong binibigyang-importansiya ang aking buhay sa laman at hindi ko lubos na naunawaan ang kahulugan ng buhay at kamatayan. Kung ang isang tao ay handang isuko ang kanyang buhay para sumunod sa daan ng Diyos, ang gayong tao ay sinasang-ayunan ng Diyos. Katulad lamang ito ng mga banal sa buong kasaysayan na alang-alang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos ay nakaranas din ng pag-uusig ng mga nasa kapangyarihan, at ang ilan ay pinahirapan pa nga hanggang mamatay. Bagaman tila namatay ang katawan nila, naging martir sila alang-alang sa pagiging matuwid at nanindigan sila sa kanilang patotoo, at may ibang plano ang Diyos para sa kanilang kaluluwa. Ang kamatayan nila ay mahalaga at ginugunita ng Diyos. Pero kung isusuko ko ang tungkulin ko para makasariling pangalagaan ang aking buhay sa laman at mamuhay ng isang walang kabuluhang pag-iral, bagaman tila pansamantala kong napanatiling ligtas ang aking sarili, dahil hindi ko isinagawa ang katotohanan o pinrotektahan ang gawain ng iglesia, kasusuklaman ako ng Diyos, at patuloy lang akong mamumuhay na parang isang bangkay na naglalakad. Sa pagkaunawa ko rito, lumuhod ako at nagdasal sa Diyos, “Diyos! Ang lahat ng bagay ay inorden Mo. Kung maaresto man ako o hindi ay nasa ilalim din ng Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot. Marahil bukas ay ako na ang aarestuhin, pero iyon din ay sa pamamagitan ng Iyong pahintulot. Anuman ang mangyari bukas, basta’t hindi pa ako naaaresto ngayon, handa akong gawin nang maayos ang gawain ng iglesia ngayon. Hinihiling ko po sa Iyo na palakasin ang pananalig ko.” Kalaunan, nagkaisa kami ng mga kapatid sa pagtutulungan, at inilipat namin sa mga ligtas na lugar ang lahat ng kapatid na nasa panganib. Nakapagpatuloy uli sa kanilang buhay iglesia ang mga kapatid, at nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kagalakan at pagpapalaya sa aking puso.

Matapos dumaan sa sitwasyong ito, nagkamit ako ng kaunting pananalig. Sa tuwing natatapos ko na ang tungkulin ko at naglalakad ako pauwi, nasusumpungan ko ang sarili ko na humihimig ng isang himno nang hindi sinasadya. “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos”:

…………

2  Nang may mga ipinagkatiwala ng Diyos sa aking puso, hindi ako kailanman magpapasakop kay Satanas. Kahit mapugot ang aking ulo at dumanak ang aking dugo, hindi mapapayuko ang gulugod ng mga tao ng Diyos. Magbibigay ako ng matunog na patotoo para sa Diyos, at ipapahiya ang mga diyablo at si Satanas. Pauna nang itinakda ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap, magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi ko na siya pag-aalalahanin. Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya.

3  Ang mga salita ng Diyos ay binibigyan ako ng pananampalataya at lakas. Matatag kong susundin ang Diyos hanggang wakas. Lagi kong ipapahayag at patototohanan ang ebanghelyo ng Diyos hanggang sa aking huling hininga.

—Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin

Isang gabi noong Nobyembre 2020, nakatanggap ako ng isang liham, na nagsasabing naharap sa mga pag-aresto ang isa pang iglesia, at na naaresto ang isang sister na responsable sa pangangalaga ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Nailipat ng mga lider ng iglesia ang mga aklat sa ibang lugar, nang itinataya ang kanilang buhay, ngunit dahil sa maramihang malawakang pag-aresto sa lugar na iyon, wala nang ligtas na bahay kung saan maaaring itago ang mga aklat, at kailangan nila kami para mabilis na mailipat ang mga aklat sa mas ligtas na lokasyon. Matapos basahin ang liham, binalot ako ng taranta at takot, iniisip na, “Kaaaresto lang sa sister na nangangalaga sa mga aklat, at bagaman itinaya ng mga lider ng iglesia ang mga buhay nila para mailipat ang mga aklat, maaari kayang minamanmanan sila ng mga pulis? Kung sinusubaybayan sila, masusundan kaya kami ng mga kapatid at maaaresto kung pupunta kami para ilipat ang mga aklat? Siguro, hindi ako dapat pumunta.” Napagtanto ko na sinusubukan ko na namang protektahan ang sarili ko, kaya dali-dali akong nagdasal nang tahimik sa Diyos, hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko at tulungan akong huminahon at hindi mamuhay sa takot. Pagkatapos magdasal, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Madalas na sinasabi ng mga tao, ‘May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay,’ at ‘ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos,’ ngunit kapag may nakaharap silang ilang sitwasyon, iniisip nila, ‘May kataas-taasang kapangyarihan ba talaga ang Diyos dito? Masasandigan ba talaga ang Diyos? Mas makabubuting sumandig ako sa ibang tao, at kung hindi iyon uubra ay mag-iisip ako ng sarili ko.’ Pagkatapos ay mapagtatanto nila kung gaano sila ka-immature, katawa-tawa, at kaliit sa tayog. Babalik sila sa dati, nagnanais na sumandig sa Diyos, ngunit makikita nilang wala pa ring landas. Gayunman, sa kaibuturan ay alam nila na ang Diyos ay tapat at Siya ay masasandigan; kaya lang ay napakaliit ng kanilang pananampalataya at sila ay palaging labis na nag-aalinlangan. Paano mo lulutasin ang problemang ito? Dapat kang sumandig sa iyong karanasan at sa paghahangad at pagkaunawa sa katotohanan—saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Habang lalo kang dumaranas at lalo kang sumasandig sa Diyos, mas lalo mong mararamdaman na Siya ay maaasahan. Habang dinaranas mo ang mas maraming usapin, nakikita kung paano ka iniingatan ng Diyos sa lahat ng oras, tinutulungan kang mapagtagumpayan ang mga paghihirap at maiwasan ang panganib, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya at pagsandig sa Diyos nang hindi mo namamalayan. Mararamdaman mong ang Diyos ay mapagkakatiwalaan at maaasahan. Kailangan mo munang magkaroon ng ganitong pananampalataya sa puso mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Upang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, dapat nating aktuwal na maranasan ang mga bagay-bagay, at pagkatapos lamang na dumaan sa gayong mga karanasan natin mapapahalagahan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naisip ko ang mga malawakang pag-aresto na nangyari noong nakaraang taon. Naharap kami sa isang mapanganib na sitwasyon, pero sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos, sa patnubay ng Kanyang mga salita, at sa pagdarasal, nalampasan namin ito at nasaksihan namin ang proteksiyon, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ngayon, dapat akong magkaroon ng pananalig sa Diyos at mabilis na ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kinabukasan, dumating kami ng mga kapatid ko sa lugar ng tagpuan. At habang inililipat namin ang mga aklat, nakita namin ang mga pulis na nagti-tsek ng mga sasakyan, kaya nagdasal kami sa Diyos at nagtago sandali sa isang maliit na kalsada, at sa huli, matagumpay naming nailipat ang mga aklat sa isang ligtas na tahanan.

Sa pamamagitan ng pagdanas sa mga pag-uusig at kapighatian, naunawaan ko ang aking makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Nakita ko rin ang karunungan ng Diyos sa paggamit sa malaking pulang dragon para magserbisyo, at nagkamit ako ng mas tunay na pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Mas lalong napatibay ang pananalig ko sa pagsunod sa Diyos.

Sinundan:  13. Ang mga Kahihinatnan ng Hindi Paghahangad ng Buhay Pagpasok

Sumunod:  16. Pagpapasyang Tahakin ang Landas ng Pananalig sa Diyos

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger