15. Ang Pagganap sa Aking Tungkulin ay Ang Aking Hindi Matatalikurang Responsabilidad

Ni Jiang Xiao, Tsina

Noong bata pa ako, medyo mahirap ang aking pamilya. Nagtrabaho nang mabuti ang mga magulang ko para kumita ng pera upang masuportahan ang aking pag-aaral. Hindi sila gumagastos ng pera para sa sarili nilang medikal na mga pangangailangan kapag may sakit sila, sa halip, tinustusan nila ako ng masasarap na pagkain at magagandang damit. Noong gumradweyt ako sa junior middle school, sinabi ng lolo ko sa aking tatay, “Huwag mo nang suportahan ang anak mong babae sa pag-aaral niya.” Pero sinabi ng tatay ko, “Mapa-anak na babae o lalaki man, itatrato namin nang pare-pareho ang aming mga anak.” Sinabi niya rin na dahil mahina ang pangangatawan ko, hindi ko kayang gawin ang mahihirap na trabaho, at na kailangan kong tumutok sa pag-aaral. Lubos akong nagpapasalamat sa mga magulang ko dahil dito, at nadama kong hindi ko sila puwedeng biguin pagkatapos ng kanilang napakalaking pagsisikap. Mula noon, nag-aral akong mabuti. Tuwing nakatatanggap ako ng iskolarsyip at nakikita ang masasayang ekspresyon ng mga magulang ko, talagang nadarama kong hindi ko sila binibigo. Nagpasya ako na, “Kapag nagtagumpay ako sa hinaharap, magiging mabuting anak ako sa aking mga magulang at susuklian ang kanilang kabaitan sa pagpapalaki sa akin.”

Noong labing siyam na taon ako, tinanggap ng aking pamilya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na tanging ang paghahangad sa katotohanan at ang mahusay na pagganap sa tungkulin ang magdadala tungo sa isang makabuluhang buhay. Kaya itinigil ko ang aking pag-aaral at inilaan ang sarili ko sa aking mga tungkulin. Isang araw, hindi pa nagtatagal pagkarating ng isang sister sa aming bahay, biglang pumasok ang mga pulis at dinampot siya. Dinala rin nila kami ng tatay ko sa estasyon ng pulisya para tanungin. Bagaman pinalaya kami pagkatapos, ang mga tao mula sa lokal na Religious Affairs Bureau at sa estasyon ng pulisya ay pumunta sa aming bahay para balaan kami na tumigil sa pananampalataya sa Diyos. Para magawang gampanan ang tungkulin ko, napilitan akong umalis ng bahay. Habang ginagawa ang mga tungkulin ko sa ibang rehiyon, tuwing nakikita ko ang mga anak ng sister ng tinutuluyang bahay na nagiging mabubuting anak sa kanya, napupukaw nito ang mga damdamin sa kaibuturan ko at hindi ko maiwasang isipin ang sarili kong mga magulang. Nagsikap sila nang sobra para palakihin ako, pero hindi ko magawang samahan sila para maalagaan. Nadama kong napakalaki ng utang na loob ko sa kanila.

Noong 2019, talagang tumindi ang mga pang-aaresto ng malaking pulang dragon sa lungsod kung saan ko ginagawa ang aking tungkulin, at dahil hindi kami makahanap ng ligtas na mga matutuluyang bahay para paglagian nang panahong iyon, sinabi sa amin ng mga lider na bumalik sa aming mga bayan kung kaya namin. Noong panahong iyon, wala sa bahay ang mga magulang ko dahil umuupa sila sa kung saan, kaya nagpasya akong pumunta muna sa lugar nila. Noong nakipagkita ako sa aking mga magulang, napansin ko na medyo malayo ang tingin ng nanay ko, at paulit-ulit niya akong tinatanong ng pare-parehong tanong. Sinabi sa akin ng aking nakababatang kapatid na na-stroke ang aming nanay at nagkaroon ng cerebellar atrophy, at kalalabas pa lang nito sa ospital ilang araw na ang nakararaan. Naalala ko na napansin ko na ang ilang sintomas sa nanay ko ilang taon na ang nakalilipas, pero hindi ko kailanman pinansin ang mga iyon. Naisip ko, “Kung nasa tabi niya sana ako na nag-aalaga sa kanya at pinaaalalahanan siyang tutukan ang kalusugan niya, magiging ganito kaya kalubha ang kondisyon niya?” Nang panahong iyon, ginugol ko ang mga araw ko na nakatuon sa nanay ko, nagluluto ng mga pagkain na mabuti sa kalusugan niya, sinasamahan siya sa pag-eehersisyo, at tinuturuan siya kung paano ingatan ang kalusugan niya. Inilaan ko ang lahat ng lakas ko sa pag-aalaga sa nanay ko, at hindi ko pinansin ang mga tungkulin ko. Sa isang kisap-mata ay lumipas ang dalawang buwan, at isang araw, nakatanggap ako ng liham mula sa mga lider, na sinasabi sa akin na pumunta sa ibang rehiyon at gawin ang mga tungkulin ko. Nang araw na iyon, dumating sa aming bahay ang aking tiya at tiyo. Noong una, nakita nilang nasa bahay ako na inaalagaan ang nanay ko at wala silang sinabi, pero pagkatapos ay bigla nila akong tinanong, “Aalis ka ba pagkatapos manatili nang ilang araw?” Nang nakita nilang hindi ako sumagot, pinagalitan nila ako, “Hindi ka puwedeng umalis na naman. Kailangan mong manatili at alagaan ang mga magulang mo. Sinuportahan ka ng mga magulang mo noong bata-bata pa sila, at ngayon na nasa pitumpung taong gulang na sila, hindi mo ba nararamdamang may dapat kang gawin para sa kanila? Kung hindi dahil sa mga magulang mo na pinalaki at inalagaan ka, mararating mo ba ang kinalalagyan mo ngayon? Hindi ka dapat maging masyadong makasarili!” Parang punyal na tumagos sa puso ko ang kanilang mga salita, at sa loob ng ilang sandali, wala akong masabi. Kung hindi dahil sa pag-aalaga sa akin ng mga magulang ko, hindi ko mararating kung nasaan ako. Kung tinamasa ko lamang ang kanilang pag-aalaga nang hindi sila sinusuklian, hindi ba’t magiging walang utang na loob ako? Noong bata pa ako, nakita ko na ang inaalala lang ng pinsan ko ay ang sarili niyang pisikal na mga kasiyahan, at na wala siyang pakialam sa mga magulang niya kapag may sakit sila. Nadama kong talagang wala siyang pagkatao at na hindi ako puwedeng maging ganoong uri ng tao. Ngayong matanda na ang mga magulang ko, nadama ko na kung hindi ko kayang pasanin ang responsabilidad ng pag-aalaga sa kanila, hindi ako magiging mabuting anak. Noong panahong iyon, masyado akong nasaktan at nahirapan ang aking kalooban, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Alam ko na responsabilidad ko ang paggawa sa aking mga tungkulin, pero nakikita kong tumatanda ang mga magulang ko at humihina ang kalusugan, hindi ko lang mapigilang mag-alala sa kanila, at wala sa isip kong pumunta sa kung saan para gawin ang mga tungkulin ko. Pakiusap, gabayan at bigyang-liwanag Mo ako upang makaahon sa kalagayang ito.”

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang responsabilidad ng mga magulang sa buhay ng mga anak nila ay ang panlabas lang na bigyan sila ng isang kapaligiran na kalalakihan nila, at iyon na iyon, sapagkat walang makaiimpluwensiya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay matagal nang naitakda, at kahit pa ang sariling mga magulang ay hindi mababago ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, kanya-kanya ang bawat isa, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kaya, walang magulang ang makahahadlang sa kapalaran sa buhay ng isang tao ni kaunti o maka-uudyok sa kanya kahit kaunti pagdating sa papel na ginagampanan niya sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon at sa anong uri ng pinamumuhayang kapaligiran niya ginagampanan ang kanyang papel ay ganap na itinatakda ng kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang obhetibong mga kondisyon ang makakaimpluwensiya sa misyon ng isang tao, na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay umaabot sa hustong pag-iisip ayon sa kanilang partikular na kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong ipinanganak lang ako ng mga magulang ko, pinalaki ako, at binigyan ako ng isang kapaligiran na aking kalalakihan. Pero ang Diyos ang tunay na nagbigay sa akin ng buhay. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng hininga ng buhay na nagbigay-daan sa akin na manatiling buhay hanggang sa araw na ito. Bukod doon, nasa mga kamay ng Lumikha ang ating mga kapalaran, at walang sinumang makatutukoy ng kapalaran ng isa pang tao. Hindi kayang kontrolin ng mga magulang ko ang aking kapalaran, at hindi ko rin kayang kontrolin ang sa kanila. Naisip ko kung paanong biglang nagkasakit ang nanay ko, at nagawa siyang dalhin agad ng tiya ko sa ospital para maipagamot. Hindi ba’t bahagi rin ito ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Hindi ako makapagpapasya kung kailan magkakasakit ang nanay ko o kung gaano kalala ang magiging sakit niya, at gaano man ako mag-alala sa kanya, hindi ko talaga mapagagaan ang pagdurusa ng nanay ko. Kahit kasama niya pa ako sa bahay, hindi ko malulutas ang anumang problema. Sa nakalipas na dalawang buwan, ibinuhos ko ang puso at kaluluwa ko sa pag-aalaga sa nanay ko, pinabayaan ko pa nga ang mga tungkulin ko. Gayumpaman, hindi na nga bumuti ang sakit ng nanay ko, sa totoo lang ay lumala pa ito. Inakala ko pa nga na kung kasama niya ako sa bahay, baka hindi siya sobrang nagkasakit. Hindi ba’t ganito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya? Nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang gawin, isipin, o planuhin mo, hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ay kung kaya mong unawain at tunay na paniwalaan na ang lahat ng nilikha ay nasa mga kamay ng Diyos. Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng saya ng isang malaki at masaganang pamilya. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong kapalaran; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, o matamasa ang pananatili ng kanilang mga anak sa piling nila. Pamamatnugot ito ng Diyos at hindi ito maipipilit ng mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Naisip ko kung gaano karaming magulang ang tumatanda na hindi kasama ang kanilang mga anak. Ganito lang talaga ang kanilang kapalaran. Kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos sa kung paano ko tatratuhin ang mga magulang ko, at hindi ko puwedeng subukan at igiit sa sitwasyon ang sarili kong kalooban. Naalala ko na na-diagnose na may coronary heart disease ang nanay ko noong bata pa siya, pero patuloy siyang nagtrabaho nang mabuti upang kumita, at hindi man lang inalagaan ang kalusugan niya. Pagkatapos matagpuan ang Diyos, napagtanto niya na ang paghahangad ng katotohanan at ang paggawa nang maayos sa mga tungkulin ang pinakamahahalagang bagay, at sa tamang layon sa buhay, tumigil na siya sa pagkakayod-kalabaw tulad ng dati, at unti-unting bumuti ang kalusugan niya. Biyaya na ng Diyos na buhay pa rin siya hanggang sa puntong ito. Ngayong matanda na ang mga magulang ko, kahit na hindi ko sila maalagaan, dadalaw-dalawin sila ng mga tiya at tiyo ko at aasikasuhin nang mabuti ang kanilang mga materyal na pangangailangan. Hindi ba’t mula ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Sa pag-iisip ng mga bagay na ito, nabawasan ang sakit sa puso ko at nakahanap ako ng lakas ng loob na lumabas upang gawin ang mga tungkulin ko. Makalipas ang mga dalawang buwan, nakatanggap ako ng liham mula sa tatay ko, na nagsasabing malaki ang ibinuti ng kalusugan ng nanay ko. Sinabi niyang kaya na nitong magluto ngayon at lumabas-labas para mamili, at na talagang lumalakas na ito.

Isang araw noong Hunyo 2021, nakatanggap ako ng isang liham mula sa iglesia, na nagsasabing sinubaybayan at minanmanan ng malaking pulang dragon ang nakababata kong kapatid, at na sasandali pa lang pagkauwi niya, inaresto ng pulisya ang mga magulang ko at ang kapatid kong lalaki, at itinanong din nila ang kinaroroonan ko. Sa liham, pinag-iingat ako ng iglesia upang huwag umuwi. Pagkatanggap sa liham na ito, lalo akong nag-alala sa kalusugan ng mga magulang ko. May mga isyu na sa kalusugan ang nanay ko, at hindi niya kayang tiisin ang takot at pagkabalisa. Mahina ang puso ng tatay ko, kaya napapaisip ako kung makakayanan niya ang pananakot at pagbabanta ng mga pulis. Ano’ng mangyayari kung atakihin siya? Gusto ko talagang umuwi at makita sila, pero tinutugis pa rin ako ng pulisya, at kung uuwi ako, mahuhulog ako sa patibong. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanya na palakasin ang kanilang pananalig, upang kahit anong pagdurusa ang harapin nila, hindi nila ipagkakanulo ang iglesia, sa halip ay magagawang manindigan sa kanilang mga patotoo para sa Diyos. Kalahating buwan ikinulong ang mga magulang ko at pagkatapos ay pinalaya, pero wala akong nabalitaan tungkol sa kapatid ko. Bagaman pinalaya ang mga magulang ko, madalas silang gipitin ng pulisya, na nagbanta rin sa kanila para pauwiin ako kaagad at pasukuin. Noong panahong iyon, tuwing may libreng oras ako, iniisip ko ang mga magulang ko at sobrang nag-aalala sa kanila.

Bandang Disyembre 2022, nalaman ko na nagkasakit ang tatay ko at naospital, at inuudyukan ang mga magulang ko para pauwiin ako. Nagsimula na naman akong mabagabag, iniisip na, “Siguradong tatawagin akong walang utang na loob ng mga kamag-anak ko. Gumugol nang napakaraming taon ang mga magulang ko sa pagpapalaki sa akin at hindi ko pa sila nasusuklian man lang. Sa anong paraan ako may konsensiya?” Noong panahong iyon, kakukuha ko lamang ng isang bagong gampanin at hindi pa pamilyar sa mga kasanayang kailangan. Palaging may mga paglihis at kapintasan sa gawain ko, pero hindi ko hinanap ang mga solusyon o ibinuod ang mga bagay na ito. Sa halip, nakahanap pa ako ng mga maidadahilan para sa sarili ko, nadarama na bagaman masama ang kalagayan ko, hindi ko pa rin naman tinatalikuran ang mga tungkulin ko. Dahil hindi kailanman nagbago ang kalagayan ko, hindi ako nagkamit ng mga resulta sa mga tungkulin ko, at sa huli ay tinanggal ako. Pagkatanggal sa akin, gusto ko talagang bumalik sa mga magulang ko sa lalong madaling panahon, pero tinutugis pa rin ako ng pulisya at hindi ako makauwi. Napakasakit ng kalooban ko noong panahong iyon, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyang-liwanag at gabayan ako upang matakasan ko ang maling kalagayang ito. Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagsimulang magbago ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang maayos kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas, ngunit saan man naroroon ang mga ito, nabubuhay ang mga ito, tama ba? Nasaan man ang mga ito, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang buhay na tao, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan itong mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilikha. Ngunit bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat kang lumaki at umiral sa kapaligirang iyon. Sa mas malaking antas, ang pamumuhay mo sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; sa mas maliit na antas, ito ay dahil sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang, tama? Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga gusot na ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa. Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, kaya wala kang obligasyon na isakatuparan ang lahat ng ekspektasyon nila. Wala kang obligasyong magbayad para sa mga ekspektasyon nila. Ibig sabihin, maaari silang magkaroon ng sarili nilang mga ekspektasyon. May sarili kang mga pasya, at landas sa buhay at tadhana na itinakda ng Diyos para sa iyo, na walang kinalaman sa iyong mga magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anumang espesye na nanganganak ay gagawin ang lahat ng posibleng bagay upang palakihin at alagaan ang susunod na henerasyon. Isa itong kautusan at panuntunan na itinatag ng Diyos para sa lahat ng nabubuhay na nilalang. Ito ay isang uri ng responsabilidad at obligasyon, pero hindi ito maituturing na kabaitan. Kagaya sa kaharian ng mga hayop, mabangis na tigre man o leon, o isang maamong usa o antelope, pinalalaki nilang lahat ang kanilang mga anak at naghahanap ng pagkain para sa mga ito pagkatapos nilang magparami, minsan ay pinipiling magutom mismo sila para mapakain sa oras ang kanilang mga anak, hanggang sa kaya nang mabuhay nang nag-iisa ng kanilang mga anak. Ito ay likas. Naisip ko rin ang mga manok na inalagaan namin sa bahay. Pagkatapos mapisa ang mga sisiw, palagi silang poprotektahan at aalagaan ng inahing manok, at kapag naghahanap ng pagkain, inuuna nitong pakainin ang mga sisiw. Kapag may panganib, susugod ang inahing manok, at kapag maulan o kapag mainit at walang anumang masisilungan, hahayaan ng inahing manok na magdusa ang sarili nito para maisilong ang mga sisiw sa ilalim ng mga pakpak nito. Kapag lumaki na ang mga sisiw at kaya nang manatiling buhay nang sila lang, kusa nilang iiwan ang inahing manok, at natupad na ng inahing manok ang responsabilidad nito. Nakita ko na ang pagpapalaki sa anak ay isang kautusan ng pananatiling buhay na inilatag ng Diyos para sa mga hayop pati sa mga tao, at na ito ay isang responsabilidad at obligasyon. Wala itong pag-iimbot at hindi humihingi ng kabayaran. Nang napagtanto ko ang mga bagay na ito, biglang naalis sa puso ko ang pasanin ng paulit-ulit na pakiramdam na may pagkakautang ako sa aking mga magulang. Palagi kong tinitingnan bilang kabaitan ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang, nadaramang pagkakautang ito na kailangan kong bayaran sa buong buhay ko. Naging pabigat ito sa akin at nagdala sa akin ng pagod at pasakit. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng pagpapalaya sa aking puso. Ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang ay responsabilidad nila. Hindi ito puwedeng ituring na kabaitan at hindi ito kailangang suklian. Bukod doon, inalagaan at pinalaki lamang ako ng mga magulang ko, at ang Diyos ang tunay na nagbigay sa akin ng buhay. Kung ang Diyos ay hindi ako binigyan ng buhay, hindi ako mananatiling buhay. Nagbalik-tanaw ako noong bata pa ako kung kailan mahina ang resistensiya ko. Madalas akong sipunin at lagnatin at nagka-pneumonia pa nga ako. Sinabi ng doktor sa mga magulang ko na tiyaking hindi ako lalamiging muli, dahil ang isa pang lagnat ay maaaring maging tuberculosis, pero walang magawa ang mga magulang ko. Pero, kataka-taka, pagkatapos niyon, sinipon lang ako at hindi na kailanman muling nilagnat. Nakita ng mga magulang ko na kamangha-mangha ito. Unti-unti, bahagyang bumuti ang kalusugan ko, at tumibay ang resistensiya ko. Kung hindi dahil sa pag-aalaga at proteksiyon ng Diyos, kahit na alagaan ako nang napakabuti ng mga magulang ko, maaari pa rin akong hindi mabuhay nang may malakas na pangangatawan. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng lahat, at Siya ang dapat kong suklian. Pero hindi lamang ako nabigong maging mapagpasalamat kundi sinalungat ko rin ang Diyos at nakipagtalo dahil hindi ko magawang alagaan ang mga magulang ko. Wala man lang akong puso na magpasakop sa Diyos. Tunay na mapaghimagsik ako!

Kalaunan, tinanong ko ang sarili ko, “Kapag hindi ko magawang maging mabuting anak sa mga magulang ko dahil ginagawa ko ang aking mga tungkulin, paano ako dapat magsagawa nang naaangkop?” Nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa tungkol dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa katunayan, ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at malayo ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos. Bilang buod, ang pinakamahalagang gawaing nasa harapan mo ay ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Iyon ang pagsasagawa sa katotohanan, at isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos. Kaya, ano ang katotohanan na dapat pangunahing isagawa ng mga tao ngayon? (Ang pagganap sa tungkulin.) Tama iyan, ang matapat na pagganap sa tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi taos-pusong isinasagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, nagtatrabaho lang siya(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). “Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananampalataya sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo pa nga silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananampalataya sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila at may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dahil sa responsabilidad na ito, dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng mas makabuluhang tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananalig sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang patakarang ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. … Kung iginagalang mo ang iyong mga magulang habang namumuhay ka sa iyong mga damdamin, hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad, at hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, dahil tinalikuran mo ang atas ng Diyos, at hindi ka isang taong sumusunod sa daan ng Diyos. Kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, kung hindi ito nagdudulot ng mga pagkaantala sa iyong tungkulin o nakaaapekto sa iyong tapat na pagganap sa iyong tungkulin, maaari kang gumawa ng ilang bagay na kaya mong gawin upang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, at maaari mong tuparin ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin. Bilang buod, ito ang nararapat gawin at kayang gawin ng mga tao sa saklaw ng pagkatao. Kung mabibitag ka ng iyong mga damdamin, at maaantala nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, ganap niyong sasalungatin ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na gawin mo iyon, hinihingi lang ng Diyos na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, iyon lang. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging mabuting anak sa magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (4)). Malinaw na ipinaliliwanag ng Diyos ang mga prinsipyo ng pagtrato ng isang tao sa mga magulang, lalo na kapag sinasabi ng Diyos: “Ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at malayo ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos.” Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na ang paggampan sa tungkulin ng isang nilikha ang pinakamahalagang bagay, mas mahalaga kaysa sa anumang bagay. Puwede kong igalang ang mga magulang ko basta’t hindi nito naaapektuhan ang tungkulin ko, pero gaano ko man igalang ang mga magulang ko, tinutupad ko lang ang responsabilidad ko bilang isang anak, at hindi ito maituturing bilang pagsasagawa ng katotohanan. Parehong nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko at sinusuportahan ako sa aking tungkulin, at ang pag-aalala at pagmamahal ko para sa kanila ay nasa mundo ng pagkatao at konsensiya. Sa mga angkop na sitwasyon, dapat ko silang alagaan sa makakaya ko, gaya ng paggawa ko sa mga gawaing bahay sa pinakamakakaya ng abilidad ko kapag umuuwi ako, at kapag may sakit ang mga magulang ko, masasamahan ko rin sila para alagaan sila. Pero kapag hindi tinutulutan ng mga sitwasyon, dapat akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at huwag igiit ang sarili kong kalooban. Naisip ko ang mga misyonaryo sa Kanluranin, na iniwan ang kanilang mga pamilya, magulang, at anak upang maglakbay ng libo-libong milya papunta ng Tsina upang ipakalat ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Hindi nila inisip ang kanilang mga magulang o anak, kundi kung paano tuparin ang atas ng Diyos at tulungan ang mas maraming taong tanggapin ang pagtutubos ng Diyos. Nagawa nilang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at tuparin ang kanilang mga tungkulin. Ito ang ibig sabihin ng may konsensiya at katwiran. Naisip ko rin kung paanong nagawang tanggapin ng aming pamilya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagkaroon ng pagkakataong maligtas. Kung walang mga kapatid na ipangangaral ang ebanghelyo sa amin, paano namin magagawang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos? Kung nasiyahan lamang ako sa mga pisikal na pagmamahal at hindi ginawa ang tungkulin ko, magkagayon ay magiging talagang makasariling tao ako at walang pagkatao, at kokondenahin at kamumuhian ako ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na lalong nagpasigla sa puso ko. Sabi ng Diyos: “Ang relasyon ng magulang at anak ay ang pinakamahirap na relasyon na pangangasiwaan ng isang tao sa emosyonal na aspekto, ngunit sa katunayan, hindi naman ito lubusang hindi mapangasiwaan. Tanging sa batayan ng pag-unawa sa katotohanan magagawang tratuhin ng mga tao ang usaping ito nang tama at may katwiran. Huwag magsimula mula sa perspektiba ng mga damdamin, at huwag magsimula mula sa mga kabatiran o perspektiba ng mga makamundong tao. Sa halip, tratuhin mo ang iyong mga magulang sa wastong paraan ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba talaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang, ano ba talaga ang kabuluhan ng mga anak sa kanilang mga magulang, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga anak sa kanilang mga magulang, at paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga tao ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak? Hindi dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa mga damdamin, at hindi sila dapat maimpluwensiyahan ng anumang maling ideya o mga nananaig na sentimyento; dapat harapin ang mga ito nang tama batay sa mga salita ng Diyos. Kung mabibigo kang tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang sa kapaligirang inorden ng Diyos, o kung wala kang anumang papel sa kanilang buhay, iyon ba ay pagiging hindi mabuting anak? Uusigin ka ba ng iyong konsensiya? Tutuligsain ka ng iyong mga kapitbahay, kaklase, at kamag-anak at babatikusin ka kapag nakatalikod. Tatawagin ka nilang isang hindi mabuting anak, at sasabihing: ‘Labis na nagsakripisyo ang iyong mga magulang para sa iyo, naglaan sila ng puspusang pagsisikap para sa iyo, at napakarami ng ginawa nila para sa iyo mula pa noong bata ka, at ikaw na walang utang na loob na anak ay bigla na lang mawawala na parang bula, wala ka man lang pasabi na ligtas ka. Bukod sa hindi ka umuuwi sa Bagong Taon, hindi ka rin tumatawag o naghahatid ng pagbati para sa iyong mga magulang.’ Tuwing naririnig mo ang mga ganitong salita, nagdurugo at umiiyak ang iyong konsensiya, at pakiramdam mo ay kinondena ka. ‘Naku, tama nga sila.’ Namumula ang iyong mukha sa init, at kumikirot ang iyong puso na parang tinutusok ng mga karayom. Nagkaroon ka na ba ng mga ganitong damdamin? (Oo, dati.) Tama ba ang iyong mga kapitbahay at kamag-anak sa pagsasabing hindi ka isang mabuting anak? (Hindi. Hindi ako masamang anak.) … Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ko pa tinitingnan ang mga tao at bagay ayon sa katotohanan at mga salita ng Diyos, at na naimpluwensiyahan ako ng tradisyonal na kultura, na tinatrato bilang mga positibong bagay ang “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.” Naniwala ako na kung hindi ako makauwi para alagaan ang mga magulang ko habang ginagawa ang tungkulin ko, wala akong konsensiya at pagkatao, at lubos na walang utang na loob. Nang punahin ako ng mga kamag-anak, sa puso ko ay nakadama ako ng matinding pagkakonsensiya. Ngayon ay nakita ko na hindi ko pa nakilatis ang diwa ng usapin. Sa realidad, ang kawalang abilidad ko na alagaan ang mga magulang ko ay dahil sa pang-uusig ng CCP na pumipigil sa akin na makauwi ng bahay. Hindi ito dahil sa pagiging hindi mabuting anak. Kung nasa sitwasyon ako na tinulutan ako, at inalala lamang ang sarili kong mga interes, binabalewala ang mga responsabilidad ko bilang isang anak, iyon nga ang tunay na walang paggalang sa magulang. Napagtanto ko na wala akong katotohanan at hindi magawang kilatisin ang positibo mula sa negatibo. Napakakaawa-awa ko!

Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilikha sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pamamatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananampalataya sa Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Sa pagbubulay sa mga salita ng Diyos, mas sumigla ang puso ko, at naunawaan ko na ang pagganap sa ating mga tungkulin ay ang pinakamataas na responsabilidad ng mga nilikha, at na mas mahalaga ito kaysa ibang bagay na magagawa natin. Ang pagganap sa ating mga tungkulin ay bumubuo sa halaga at kabuluhan ng ating buhay. Nang napagtanto ko ito, nakadama ako ng pagkakautang sa Diyos. Kailangan kong gawin nang masigasig ang mga tungkulin ko, at hindi na ako puwedeng malimitahan ng tradisyonal na kultura. Paano man ako punahin ng mga kamag-anak ko, kailangan kong unahin ang mga tungkulin ko. Napagtanto ko na matagal nang isinaayos ng Diyos ang mga tadhana ng mga magulang ko, at kahit na hindi nila ako kasama, tutulong ang mga kamag-anak ko na alagaan sila, at minsan ay pupunta ang mga kapatid para dalawin sila. May mga aral na kailangang matutuhan ang mga magulang ko sa pagharap sa karamdaman at sa pang-uusig ng malaking pulang dragon, at gusto rin ng Diyos ang kanilang mga patotoo. Naging handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang mga magulang ko at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos sa lahat ng bagay. Pagkatapos mapagtanto ang mga ito, naging kalmado at malaya ang puso ko, at unti-unti kong binitiwan ang mga pangamba at pag-aalala sa mga magulang ko. Salamat sa Diyos!

Sinundan:  14. Isang Kapasyahan sa Gitna ng Pag-uusig at Kapighatian

Sumunod:  16. Pagpapasyang Tahakin ang Landas ng Pananalig sa Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger