54. Mga Sugat na Hindi Mabubura
Noong 2008, nagsagawa ang CCP ng isang malawakang kampanya ng paniniil at mga pag-aresto sa buong bansa laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Noong panahong iyon, halos araw-araw naaaresto ang mga kapatid. Ang ilan ay naaresto habang nasa mga pagtitipon sila, at ang iba ay nahuli noong sumugod ang mga pulis sa mga bahay nila sa gabi. Araw-araw akong namumuhay sa takot, hindi nalalaman kung kailan susugod ang mga pulis. Noong panahong iyon, nagpapatuloy ako ng dalawang sister sa bahay, at isang gabi, bandang alas onse ng gabi, nang nagpapahinga na kaming lahat, may biglang pagkatok sa pinto kaya nagulat at nagising ako. Naisip ko, “Mga pulis kaya ang kumakatok sa pinto nang ganitong dis oras ng gabi?” Dali-dali akong humiwalay sa dalawang sister para itago ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ang mga aytem ng iglesia. Sa labas, kumakatok ang grupo ng mga taong iyon at sinusubukang buksan ang pinto gamit ang isang susi, at pagkalipas ng ilang sandali, narinig ang mga tunog ng puwersahan nilang pagbubukas sa pinto. Kabadong-kabado ako, palakad-lakad, tuloy-tuloy na nagdadasal sa Diyos, “O Diyos, mukhang puwersahang binubuksan ng mga pulis ang pinto ko. Ano ang dapat kong gawin? Paano ko mapoprotektahan ang dalawang sister? O Diyos, hiling kong tulungan Mo akong pakalmahin ang puso ko….” Pagkatapos magdasal, medyo kumalma ang puso ko. Matagal-tagal nang puwersahang binubuksan ng grupo sa labas ang pinto, at sinimulan nilang kalabugin ang pinto. Lalong nakasisindak ang tunog niyon sa kalagitnaan ng gabi, pero makalipas ang mahabang sandali, hindi pa rin nila mabuksan ang pinto.
Noong papasikat na ang araw, biglang may narinig akong sumisigaw sa labas na, “Dito, kaunti pa rito.” Sumilip ako sa mga kurtina at nakita ko ang isang may-edad na lalaki sa ibabang palapag na nakatingala at pinapapunta ang mga tao sa bubong, at napagtanto kong sinusubukan nilang pasukin ang bahay ko sa pamamagitan ng bintana. May anim na palapag ang gusali namin, at nakatira ako sa panlimang palapag. Hindi ko alam kung kailan sila susugod mula sa bintana, at takot na takot ako at kumakabog ang puso ko. Sumilip ulit ako sa mga bintana, at nakita ko ang isang sasakyan ng pulis at isang puting sedan na nakaparada sa pasukan ng gusali, na lalong nagkumpirma na mga pulis nga ang grupong sumusubok na puwersahang buksan ang pinto. Bumalik ako sa pinto para makinig, pero walang tunog sa labas, at wala akong nakita sa labas mula sa silipan, kaya ang hula ko, malamang na umakyat sila sa bubong. Naisip ko, “Bata pa ang dalawang sister. Hindi ko puwedeng hayaang mahulog sila sa mga kamay ng mga pulis at mapahirapan.” Kaya nagmamadali ko silang hinimok na maunang umalis. Binuksan ko ang pinto, pero nababarahan ang pinto ng isang malaking bato at ng isang malaking kahoy na mesa, gayumpaman nagawa kong itulak pabukas ang pinto nang wala masyadong pagsisikap, at pinasalamatan ko ang Diyos sa puso ko! Pagkaalis ng mga sister, umakto ako na parang walang nangyari at naglakad din palabas ng bahay. Habang naglalakad ako, napansin kong sinusundan ako ng isang may-edad na lalaking nasa lagpas apatnapung taong gulang, at patuloy akong nagdadasal sa puso ko, hinihingi sa Diyos na bigyan ako ng karunungan at lakas ng loob. Inalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Huwag matakot sa kung ano-ano, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ang puwersang susuporta sa inyo, at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Dahil sa paggabay sa akin ng mga salita ng Diyos, medyo kumalma ako. Dalawang beses akong nagpalit ng taxi at pumunta sa pamilihan para bumili ng bagong bag at mga damit pampalit. Sa huli, natakasan ko ang taong sumusunod sa akin. Pagkatapos ay pumunta ako sa bahay ng isang kamag-anak at nagtago roon nang tatlong araw. Sa wakas, umuwi ako sa bahay ko sa isa pang siyudad. Sa sumunod na araw pagkatapos kong umuwi, hindi ako mapalagay. Patuloy kong iniisip, “Mahahanap ba ako rito ng mga pulis at aarestuhin?” Noong gabing iyon, hindi ako makatulog, at patuloy kong iniisip na kailangan kong humanap ng panibagong lugar na mapagtataguan. Hindi inaasahan, kinabukasan nang bandang alas otso ng umaga, biglang pinasok ng apat na pulis ang bahay ko. Ipinakita nila ang litrato ko sa ID at sinabi, “Sumasampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos. Hahalughugin namin ang bahay mo!” Pagkatapos niyon, naghiwa-hiwalay sila at nagsimulang halughugin ang lugar. Ginulo nila ang buong lugar. Nakakita sila ng perang nagkakahalaga ng 5,900 yuan, isang cellphone, at isang Bibliya, at kinuha nila ang lahat ng iyon dahil ganoon ang kanilang nakagawian. Pagkatapos nito, pinosasan nila ako at dinala sa Kagawaran ng Pampublikong Seguridad ng siyudad.
Bandang alas kwatro ng hapon, itinulak ako ng isang pulis papasok sa sasakyan nila, at nang makapasok ako, mahigpit niyang sinakluban ng makapal na piraso ng tela ang ulo ko. Sa sobrang kulob nito ay halos hindi ako makahinga. Wala akong ideya kung saan nila ako dadalhin o kung paano nila ako pahihirapan. Takot na takot ako, at palagi akong nagdadasal sa puso ko, hinihingi sa Diyos na protektahan ang puso ko, at na kahit ano pa ang mga sitwasyong harapin ko, makapanindigan ako sa patotoo ko at hindi ko ipagkanulo ang Diyos. Pagkalipas ng mahigit isang oras, huminto ang sasakyan. Sa sandaling makalabas ako ng sasakyan, tinanggal nila ang tela mula sa ulo ko. Nakita ko na huminto ang sasakyan sa isang malaking bakuran. Sa bakuran ay may isang gusali na may dalawang palapag, pero walang katao-tao sa lugar, halos walang anumang bahay na malapit, lumilikha ng nakapangingilabot na pakiramdam. Sinabi sa akin ng isang pulis, “Alam mo ba kung nasaan tayo? Isa itong kampong piitan na partikular na itinayo para sa inyong mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos.” Nang makapasok, itinali nila ako sa isang bangko na para sa pagpapahirap, at pinalibutan ako ng walo o siyam na pulis. Tinanong ako ng isang matangkad na lalaking pulis na nasa lagpas tatlumpu ang edad, “Nasaan ang pera mula sa iglesia mo? Nasaan ang mga lider mo? Sino ang nangaral ng ebanghelyo sa iyo? Saan ka dumadalo ng mga pagtitipon?” Sumagot ako gamit ang isang tanong, “Ang pera ng iglesia ay isang handog na ibinibigay sa Diyos ng mga taong hinirang Niya. Ano ang kinalaman niyon sa iyo?” Nagalit nang husto ang pulis at sinampal ako nang ilang beses at humapdi ang mukha ko sa mga hampas. Sa sandaling iyon, narinig kong tumatahol ang ilang aso sa labas. Pinagbantaan ako ng isang pulis, sinasabing, “Nasa liblib na lugar tayo. Normal sa amin na kuwestiyunin ang mga tao rito hanggang sa mamatay sila, at kapag namatay ang mga tao, hinahagis lang namin sila sa bakuran, at walang nakakapansin, tapos ay kinakain sila ng malalaking aso, kaya wala ni isang katawang natitira para matagpuan ng iba!” Nasindak ako pagkarinig dito. Handang gumawa ng anumang kasamaan ang mga pulis na ito, at kung talagang bubugbugin nila ako hanggang mamatay at ipapakain sa mga aso sa liblib na lugar na ito, wala man lang matitira sa katawan ko para mahanap. Habang mas iniisip ko ito, lalong lumalala ang nararamdaman ko. Pagkatapos, bigla kong naalala ang isang linya ng mga salita ng Diyos: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). Ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Nasa mga kamay din ng Diyos ang buhay ko. Mapapatay lang ng mga pulis ang katawan ko pero hindi nila mawawasak ang kaluluwa ko. Hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos dahil sa takot sa kamatayan. Binigyan ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos, at naging mas kalmado ang puso ko. Kaya sinabi ko, “Kung mamamatay ako, mamamatay ako. Wala akong layuning mabuhay ngayong nahuli na ninyo ako.” Pilit na inalam sa akin ng mga pulis ang mga pangalan at tirahan ng mga lider, pero kinuwestiyon ko sila, “Hindi ba’t malinaw na itinataguyod ng konstitusyon ang kalayaan sa pananalig? Wala kaming nagawang anumang ilegal, kaya bakit inaaresto ninyo kami?” Pero sa sandaling lumabas sa bibig ko ang mga salitang ito, nagalit nang husto ang isang pulis, kumuha ng ilang materyal sa mesa, nirolyo ang mga iyon at malakas akong hinampas sa ulo, habang pumunta naman sa likod ko ang isang pulis at mariing diniinan ang mga puwang ng tadyang ko. Agad kong naramdamang parang nababali ang mga tadyang ko, pakiramdam ko ay namamaga ang ulo ko sa sakit at nahirapan akong huminga. Hindi ko mapigilang mapahiyaw. Patuloy nilang dinidiinan ang mga tadyang ko habang pinipilit akong umamin, pero nang makita nilang hindi ako magsasalita, patuloy nilang diniinan ang mga puwang ng mga tadyang ko. Pinahirapan ako hanggang sa hindi na ako makagalaw at ubos na ubos na ang lakas ko. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nangangamba akong dahil masyadong mababa ang tayog ko, hindi ko matatagalan ang pagpapahirap ng mga pulis at baka sumuko ako kay Satanas, nawawala ang patotoo ko. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig at lakas na mapagtagumpayan ang kahinaan ng laman ko.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan”: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nabigyan ako ng inspirasyon ng mga salita ng Diyos. Ang pagsunod natin kay Cristo ngayon ay nangangahulugan ng pagtitiis sa lahat ng uri ng pagdurusa para sa katotohanan. Nagkamit ako ng determinasyon at lakas ng loob na manindigan sa patotoo ko tungkol sa Diyos at hindi sumuko sa masasamang puwersa ni Satanas.
Sa interogasyon, nalaman ko sa mga pulis na ang mga taong sumubok na puwersahang pumasok sa bahay ko noong gabing iyon ay mula sa sangay ng Kagawaran ng Pampublikong Seguridad. Ilang buwan na nilang pinaghahanap ang mga lider na pinapatuloy ko sa bahay, nahuli rin nila ang mga lider, at nakakumpiska rin sila ng 9 na milyong yuan ng mga handog. Noong kinukuwestiyon na ako, pumasok ang isang pulis at nakangiting sinabi, “Nakakita pa kami ng 500,000 na yuan.” Galit na galit ako nang marinig ko ito. Iyon ang handog na inilaan ng mga kapatid sa Diyos. Paano nila nagagawang basta na lang iyong kuhanin? Talagang mga diyablo sila! Noong araw na iyon, pinahirapan ako ng mga pulis gamit ang kapwa mahinahon at puwersahang mga taktika hanggang dis oras ng gabi. Dahil nakikitang hindi ako magsasalita, nanggigigil na sinabi ng isang pulis, “Ang titibay ng dibdib ninyong mga sumasampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Kung hindi namin kayo tuturuan ng leksyon ngayon, hindi kayo magsasalita. Hindi ako naniniwalang hindi namin kayo kaya!” Pagkasabi nito, kinalag niya ang mga posas ko, at ipinosas niya ang mga kamay ko sa mga poste sa magkabilang gilid ng bangko na ginagamit sa pagpapahirap, at itinulak nila paatras ang bangko. Bumaluktot ang buong katawan ko patalikod, at hindi nagtagal, pakiramdam ko ay luluwa na ang mga mata ko, at kumirot ang ulo ko na para bang sasabog na ito. Nakakulong ang mga pulso ko sa mga posas, parang mapuputol ang mga iyon, at nakaramdam ako ng sakit na parang sinasaksak. Nakadiin ang gulugod ko sa isang nakausling umbok ng bakal sa bangkong ginagamit sa pagpapahirap, at parang hinihiwa ng kutsilyo ang puso ko. Hindi ko alam kung gaano ito katagal nangyari. Pinagbantaan na naman ako ng isang pulis, sinasabing, “Bago ikaw, may isang babaeng nasa lagpas animnapu ang edad na umamin pagkatapos lang ng isa’t kalahating oras. Tingnan natin kung gaano ka katagal makapagtitiis.” Pagkalipas ng ilang sandali, tinuya niya ako, sinasabing, “Hindi ba’t mananampalataya ka ng Makapangyarihang Diyos? Bakit hindi Siya pumunta para iligtas ka? Dapat hingin mo sa Kanyang iligtas ka!” Nang marinig ang panunuya at paglapastangan ng mga pulis, nagalit ako nang matindi. Walang pakundangang inaatake at nilalapastangan ng mga pulis na ito ang Diyos, at talagang isang grupo sila ng mga diyablong namumuhi sa katotohanan at lumalaban sa Diyos!
Pinahirapan ako hanggang sa punto ng pagkapagod at mahigit dalawang oras akong nakabitin nang ganoon doon. Umabot na ang katawan ko sa hangganan nito, at halos hindi na ako makahinga. Naisip ko, “Kung magpapatuloy ito, talagang mamamatay na ako rito. Kamamatay lang ng asawa at tatay ko, at sa bahay, nandoon pa ang nanay ko na lagpas pitumpung taon na at ang anak ko na nag-aaral pa. Kung mamamatay ako, sino na ang mag-aalaga sa kanila? Nawalan na ng tatay ang bata, at nagdurusa rin ang nanay ko sa sakit ng pagkawala ng isang mahal sa buhay. Kung mamamatay rin ako, kakayanin ba nila ito?” Labis na nagtatalo ang kalooban ko, naiisip na, “Siguro kung magsasabi lang ako ng kaunting bagay, pakakawalan nila ako. Pero kung magsasabi ako ng anuman, hindi ba’t ipagkakanulo ko ang Diyos gaya ni Hudas?” Sa sandaling ito, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Ang langit, lupa, at lahat ng bagay ay pawang nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, at ang lahat ng may kinalaman sa nanay at anak ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Ano pa ba ang kailangan kong alalahanin? Nang maisip ko ito, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, nasa mga kamay Mo ang kapalaran ng nanay at anak ko. Handa akong ipagkatiwala sila sa Iyo at umasa sa Iyo. Mabuhay o mamatay man ako ngayon, handa akong iasa ang sarili ko sa awa ng mga pamamatnugot Mo. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa ipagkanulo Ka!” Pagkatapos ng panalangin, mas pumayapa ang puso ko, at pakiramdam ko ay handa na akong mamatay. Pagkatapos niyon, pakiramdam ko ay dahan-dahang lumulutang ang katawan ko, at himala, nabawasan nang malaki ang sakit na nararamdaman ko. Dahil nakikitang malapit na akong bumagsak, inalis ako ng mga pulis sa bangkong gamit sa pagpapahirap. Nanghihina ang buong katawan ko, at nagsimula akong mangisay nang walang-tigil. Hindi mapigilang bumaluktot ang katawan ko, at pakiramdam ko ay ganap na nanigas ang buong katawan ko. Matinding sinubukan ng mga pulis na puwersahang buksan ang mga kamay ko pero hindi nila magawa. Hindi ko alam kung gaano ito katagal nangyari, pero pasikat na ang araw nang sa wakas ay magsimulang bumuti nang kaunti ang pakiramdam ko. Sinabi sa akin ng isang pulis, “Kung hindi ka nangisay kahapon, naitali na sana namin ang mga biyas mo at naibitin ka!” Pagkarinig dito, tahimik kong pinasalamatan ang Diyos para sa proteksyon Niya. Noong gabing iyon, dinala ako ng mga pulis sa lokal na kulungan.
Pagkarating, taas-baba akong tiningnan ng isang pulis at sinabi, “Masama ang itsura ng taong ito. Kaninong kasalanan kung mamamatay siya rito?” Sandaling nakipagnegosasyon sa kanya ang dalawang pulis na kasama ko, at saka lang niya ako atubiling tinanggap. Sa pagsusuri ng kalusugan, sinabi ng doktor na may mga problema ako sa puso at nanganganib na mamatay anumang oras. Noong gabing iyon, inutusan nila ang mga preso na paminsan-minsang tingnan ang butas ng ilong ko para makita kung humihinga pa rin ako. Makalipas ang kalahating buwan, gumastos nang kaunti at gumamit ng kaunting impluwensiya ang pamilya ko para isaayos ang paglaya ko dahil sa mga medikal na dahilan. Sa araw ng paglabas ko sa kulungan, hiningian ako ng mga pulis ng multa na 10,000 yuan at binalaan ako, “Hindi ka puwedeng umalis sa lugar na ito kung kailan mo gusto, dapat ay nakabukas ang telepono mo nang 24 oras kada araw at dapat ay mahahagilap ka sa lahat ng oras. Kung mahuhuli ka ulit, hindi ka na papayagang makalabas ng kulungan!” Pagkauwi ko sa bahay, sinabi sa akin ng pamilya at mga kasamahan ko na pumunta ang mga pulis sa pinagtatrabahuhan ko at sa mga bahay ng mga kamag-anak ko para imbestigahan ako, nagpapakalat ng mga walang batayang sabi-sabi na ako ang lider ng isang sindikatong nagbebenta ng mga lamang-loob, at ginagamit ang palusot na ito para tingnan ang mga bank account ko. Pinuna at nagreklamo laban sa akin ang buong pamilya ko, at kinutya at nilayuan ako ng mga kaibigan at kamag-anak ko. Galit na galit ako, iniisip na isang mabuting bagay ang pananampalataya sa Diyos at na ito ang tamang landas, pero nagpakalat ang mga pulis na ito ng mga walang batayang usap-usapan tungkol sa akin, iniiwanan akong walang mukhang maihaharap sa mga kamag-anak at kasamahan ko. Lubos akong napahiya at medyo pinanghinaan ng loob, iniisip na hindi na siguro ako dapat lumabas para gawin ang tungkulin ko at dapat na lang akong sumampalataya sa Diyos sa bahay. Kalaunan, naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. … Kayo ay mga taong patuloy na naghahangad sa tamang landas, yaong mga naghahanap ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ko ang dapat gawin ng isang nilikha, at na nagiging mahalaga at makabuluhan lang ang isang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay sa ganitong paraan. Paano ko magagawang pagsisihan ang paggawa ng tungkulin ko dahil napahiya ako? Sa paanong paraan ako nagkaroon ng anumang konsensiya o katwiran sa Diyos? Nagpakalat ang mga pulis ng mga walang batayang usap-usapan at paninirang-puri tungkol sa akin para lumayo ako sa Diyos at ipagkanulo ko Siya, pero hindi ako puwedeng mahulog sa patibong ni Satanas. Kinukutya at sinisiraang-puri ako ng mga walang pananampalataya, pero inuusig ako dahil sa pagiging matuwid. Mahalaga at makabuluhan ang pagdurusang ito! Kahit paano pa ako siraang-puri ng mga pulis, insultuhin ang dignidad ko, o sirain ang reputasyon ko, kailanman ay hindi ko ipagkakanulo ang Diyos! Determinado akong tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos! Nang maisip ko ito, tumayo ako nang tuwid at hindi na ako natatakot na mapahiya. Kalaunan, madalas akong pinupuntahan ng mga pulis, sinusubukan akong kikilan, at pinagbantaan ako, sinasabing, “Puwedeng lumaki o lumiit ang kaso mo, o kahit mawala pa, depende sa kung magkano ang gagastusin mo. Kung hindi ka magbabayad, anumang oras ay puwede ka naming itapon pabalik sa kulungan, kahit gaano katagal namin gustuhin!” Galit na galit ako. Wala akong nalabag na anumang batas, pero patuloy akong sinusubukang kikilan ng pera ng mga pulis nang paulit-ulit. Isang grupo lang sila ng mga tulisan!
Kalaunan, bumalik ako sa bahay na sinubukang pasukin ng mga pulis noong kalagitnaan ng gabi. Pagbukas ko ng pinto, natigilan ako, at sa sobrang galit ko ay kamuntik na akong mahimatay. Napakagulo ng bahay; lahat ng mahalagang gamit, kahit mga damit, kubrekama, at pang-araw-araw na pangangailangan, ay kinuha. Dati ay may apat na laptop, telepono kong mahigit 3,000 yuan ang halaga, isang gintong kuwintas na mahigit sampung gramo ang timbang, apat na gintong singsing, apat na pares ng gintong hikaw, at isang buong bungkos ng perang nagkakahalagang 10,000 yuan. Ang lahat ng gamit na ito ay kinuha. Ang mga natitirang gamit ay pinagbabasag o pinagsisira. Sira ang kahoy na kama sa kuwarto, at kahit ang tabla sa kama at ang mga pinto ng paminggalan ay giniba. Binasag ang salaming kuwadro ng ipinintang larawan ng tanawin at ang salamin sa balkonahe, dinurog ang ref at ang lababo sa banyo, at ibinuhos kahit ang harinang nasa lagayan nito. Sinira at ikinalat sa buong sahig ang lahat ng nasa bahay, at pagpasok ko sa kwarto, ni walang mahakbangan. Habang tinitingnan ang tila binaligtad na bahay, sobrang sakit at galit ang naramdaman ko, iniisip na: Paanong nasira nang ganito ng mga pulis ang isang magandang tahanan? Talagang kinamumuhian ko ang CCP, ang diyablong ito! Naisip ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasamaan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa Kanya sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayon katinding pananabik sa Diyos? Bakit patatawagin ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit itinutulak ang Diyos hanggang sa puntong kailangan Niyang mag-alala sa Kanyang minamahal na Anak? Napakadilim ng lipunang ito—bakit hindi hinahayaan ng kasuklam-suklam na mga asong-bantay nito na malayang dumating at umalis ang Diyos sa mundong nilikha Niya?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)). Pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, nakilatis ko kung ano talaga ang masamang mukha ng CCP. Nagkukunwari itong nagtataguyod sa katarungan, sinasabi ang “kalayaan sa pananalig sa relihiyon” at “pagpapatupad ng batas para sa mga tao,” pero kapag walang nakakakita, gumagamit ito ng lahat ng uri ng panlalansi para arestuhin at usigin ang mga taong sumasampalataya sa Diyos. Wala talagang mga karapatang pantao o kalayaan ang mga Kristiyano sa Tsina, at anumang oras ay puwedeng sumugod ang CCP, arestuhin ka, halughugin ang bahay mo, at puwersahang kamkamin ang pagmamay-ari mo. Masahol pa ang mga kilos nila sa kilos ng mga tulisan at diktador. Dati ay wala akong anumang pagkilatis sa CCP, pero pagkatapos personal na maranasan ang mga pag-aresto at pag-uusig nito, napagtanto kong ang CCP ay isang grupo ng mga demonyong namumuhi at lumalaban sa Diyos.
Kahit na pinalaya na ako sa kulungan, hindi ako nagkaroon ng anumang personal na kalayaan. Palagi akong sinusubaybayan at sinusundan ng mga pulis, at hindi ko sila matakasan. Minsan, lumabas ako at nasa kalahati na ako ng daan papunta sa patutunguhan ko, pero nang maalala kong may nakalimutan ako at gusto ko itong balikan, umikot ako at nakita kong sinusundan ako ng pulis na umaresto sa akin. Noong pumunta ako sa palengke para mamili ng mga pagkain, nilapitan ako ng isang pulis at tinanong, “Bakit napakarami mong binibiling pagkain para lang sa sarili mo?” Tinanong din niya ako, “Bakit kahit kailan ay hindi mo binubuksan ang mga ilaw sa gabi? Saan ka tumutuloy?” Pagkarinig sa mga salita ng pulis, lubos akong nasuklam at namuhi. Napakasakit mabuhay sa ilalim ng pagmamanman ng CCP, at palagi akong kinakabahan, natatakot na anumang sandali ay darating at guguluhin ako ng mga pulis. Sa trabaho sa umaga, palagi kong pinananatiling nakasara nang mabuti ang pinto ng opisina ko at hindi ako nangangahas na basta-bastang buksan iyon. Sa gabi, hindi ako nangangahas na mamalagi nang mag-isa sa bahay, lalo na ang buksan ang mga ilaw. Madalas ding tumatawag ang mga pulis para magtanong tungkol sa kinaroroonan ko. Talagang napipigilan ako, gusto kong makita ang mga kapatid ko pero natatakot akong mailalagay ko sila sa panganib. Pakiramdam ko, magiging isang luho ang magawa ang tungkulin ko. Sa mga taon na iyon, hindi ako makatuon sa anuman, at hindi ko alam kung kailan matatapos ang gayong mga araw. Pakiramdam ko pa nga, mas masahol pa sa kamatayan ang pamumuhay nang ganito. Pagkatapos mapahirapan, masubaybayan, magulo, at malusob ang bahay ko, bukod sa nanghina ang katawan ko, dumanas din ng matinding dagok ang isipan ko. Pagkatapos lumabas sa kulungan, kailangan kong umasa sa gamot at mga iniksyon para magpanatili ng normal na buhay sa loob ng dalawang taon, sobrang humina ang memorya ko, at madalas akong makalimot ng mga bagay-bagay. Napakalusog ko bago maaresto, at madalas kong pinagbabahaginan ang mga salita ng Diyos at ginagawa ang tungkulin ko kasama ang mga kapatid ko. Talagang masasayang sandali ang mga iyon. Pero mula nang maaresto ako, hindi ko na mabasa ang mga salita ng Diyos at hindi ako nangahas na makipag-ugnayan sa mga kapatid ko. Nagdusa ang katawan ko, at nahirapan ang espiritu ko. Sa pagdurusa at kahinaan ko, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kalalabasan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Pinalaya ako ng mga salita ng Diyos mula sa pagdurusa ko. Ang ninanais ng Diyos ay ang katapatan at patotoo ko, at ginagamit Niya ang kapaligirang ito para gawing perpekto ang pananalig ko. Hindi na ako puwedeng manatiling negatibo, at kahit gaano pa ako magdusa, kailangan kong manatiling tapat sa Diyos, at manindigan sa patotoo ko para mabigyang-lugod ang Diyos. Kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, handa akong manindigan sa patotoo ko at gawin ang tungkulin ko. Pakiusap, patnubayan Mo ako at magbukas Ka ng landas para sa akin.” Kalaunan, nakahanap ako ng paraan para matakasan ang pagmamanman ng mga pulis, at pumunta ako sa isa pang lugar para gawin ang tungkulin ko.
Sa pagkakaaresto at pagkakausig ng CCP, kahit na nagtiis ng kaunting pagdurusa ang laman ko, binigyang-daan ako nitong makita nang malinaw ang diwa ng CCP bilang isang demonyong namumuhi sa katotohanan, lumalaban sa Diyos, at mapanlaban sa Diyos, at sa puso ko, ganap akong tumatanggi at naghihimagsik laban dito. Sa pamamagitan ng karanasang ito, tunay kong natikman ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos, at nang dumanas ako ng pagpapahirap at hindi ito makayanan ng katawan ko, ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas, pinapatnubayan ako para mapagtagumpayan ang pagpapahirap ng mga demonyong iyon. Sa tuwing nagiging negatibo, mahina, mapanglaw, at nagdurusa ako, ang mga salita ng Diyos ang nagbibigay-liwanag at pumapatnubay sa akin, nagbibigay sa akin ng lakas. Naranasan ko ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, na nagpatibay sa pananalig ko sa Kanya. Kahit paano pa ako usigin ng CCP, magpupurisge ako sa pagsunod sa Diyos hanggang sa huli, at hindi ko isusuko ang tungkulin ko bilang isang nilikha!