55. Bakit Ba Napakahirap Magsabi ng Totoo?
Noong Enero 2022, nagsimula akong magsanay bilang isang diyakono ng ebanghelyo sa iglesia. Sa simula, hindi ako masyadong pamilyar sa mga miyembro ng iglesia, maraming isyung hindi ko makilatis o malutas, at hindi masyadong maganda ang mga resulta ng tungkulin ko. Dahil nakikitang hindi nagkakaroon ng mga resulta ang mga pagsisikap sa pag-eebanghelyo ng iglesia, nabalisa ako nang husto. Nangamba akong iisipin ng lider na mahina ang kakayahan ko at wala akong mga kapabilidad sa gawain at pagkatapos ay itatalaga ako sa ibang tungkulin. Kaya, sa tuwing may lumilitaw na problema, palagi ko itong gustong pagtakpan para maiwasang mapansin ng lider ang mga isyu ko.
Isang araw, sa isang pagtitipon para suriin ang gawain namin, tinanong sa amin ng lider na si Brother Thomas, “Bakit masyadong masama ang mga resulta ng gawain ninyo? Ano ang dahilan nito?” Noong ako na ang sasagot, nataranta ako at hindi ko alam kung paano tutugon. Ni hindi ko pa nga nagagawang suriin ang mga paglihis sa gawain ko, kaya napaisip ako, “Kung matapat akong magsasalita, iisipin ba ng lider na mahina ang kakayahan ko at hindi ko kayang gumawa ng aktuwal na gawain?” Sa sandaling iyon, naalala kong may tatlong manggagawa ng ebanghelyo na naitalaga sa ibang tungkulin ilang araw ang nakakaraan, kaya agad kong sinabi, “Naitalaga sa ibang tungkulin ang ilang manggagawa ng ebanghelyo, kaya bumaba ang mga resulta.” Pero sa puso ko, malinaw kong nalalaman na hindi naging epektibo ang mga manggagawang iyon sa mga tungkulin nila, at na hindi maaapektuhan ng pagkakatalaga nila sa ibang tungkulin ang mga pangkalahatang resulta ng gawain. Pagkatapos ay tinanong ako ng lider, “Bakit masyadong kaunti ang mga baguhang dumadalo sa mga pagtitipon?” Alam kong hindi malinaw na napagbahaginan ng ilang kapatid ang katotohanan tungkol sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos, at na humantong ito sa hindi pagkakalutas agad sa mga isyu ng mga baguhan, at sa katagalan, sa hindi na pagdalo ng mga ito sa mga pagtitipon. Higit pa rito, wala akong karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo at hindi ko nakumusta ang mga detalye ng gawain. Hindi ko nalutas ang mga tunay na problema o paghihirap na ito, at ang resulta, naging napakasama ng mga resulta ng gawain. Nang maisip ang mga bagay na ito, napagtanto kong hindi ako nakagawa ng anumang aktuwal na gawain. Pero nag-alala akong kung malalaman ng lider ang tungkol dito, iisipin niyang wala akong mga kapabilidad sa gawain, na hindi ako angkop para sa tungkuling ito, at na pagkatapos ay tatanggalin niya ako. Kaya agad kong sinabi, “Kasisimula pa lang magsanay ng mga manggagawang ito ng ebanghelyo at kulang sila sa maraming aspekto, at maraming kuru-kuro ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang hindi malutas, kaya hindi masyadong naging maganda ang mga resulta.” Pagkarinig dito, hindi na nagsalita pa ang lider.
Pagkalipas ng ilang panahon, hindi pa rin maganda ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo sa iglesia namin. Dumating ang lider para suriin ulit ang gawain namin at nagtanong tungkol sa mga paglihis sa gawain namin. Nag-alala akong sasabihin ng lider na masyadong mahina ang kakayahan ko at na kahit sa tinagal-tagal ng panahon, hindi pa rin bumuti ang gawain namin, at na samakatuwid ay hindi ako angkop na kandidato para sa paglilinang, kaya nagbigay ako ng mahabang listahan ng mga obhetibong katwiran para sa mga paglihis na ito. Pagkarinig dito, nagalit ang lider at mahigpit akong pinungusan, sinasabing, “Sa tuwing pumupunta ako para suriin ang gawain ninyo, nakakaisip ka lang ng sangkatutak na mapanlihis na katwiran, at palaging mga problema lang ng iba ang sinasabi mo, na para bang wala kang problema. Bilang isang diyakono ng ebanghelyo, kapag hindi maganda ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, hindi mo pinagninilayan ang sarili mo kundi sa halip ay palagi mong ibinubunton ang sisi sa iba. Hindi ba’t sinusubukan mo lang pagtakpan ang sarili mong mga problema?” Pagkarinig dito, sa sobrang sakit na naramdaman ko ay napaiyak ako, naiisip na, “Pinungusan mo ako ng sobrang lupit sa harap ng ilang katrabaho. Paano na ako makakaiwas sa pagkapahiya kung ganyan ang ginawa mo? Iisipin din ba nilang tuso at mapanlinlang ako?” Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nasasaktan. Sa pagdurusa ko, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ko alam kung paano dadanasin ang pagpupungos na biglang-biglang itinuon sa akin ng lider. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako para makilala ko ang sarili ko at matuto ako ng isang aral.”
Sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Ang mga tiwaling tao ay mahusay magpanggap. Anuman ang ginagawa nila o anumang katiwalian ang ibinubunyag nila, kailangan nila palaging magpanggap. Kung may mangyaring mali o may ginawa silang mali, gusto nilang isisi iyon sa iba. Gusto nilang sila ang mapuri sa mabubuting bagay, at masisi ang iba sa masasamang bagay. Hindi ba maraming ganitong pagpapanggap sa tunay na buhay? Napakarami. Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Ano ang palagay ng iba tungkol dito? Ano ang nadarama nila? Pagkasuklam at pagkamuhi. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at himayin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalinong tao. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na matapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng malalim na pagkaunawa at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Nagmumukha kang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamagaling, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas kagalang-galang sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay kahangalan. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal at mangmang ka ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong walang sinuman ang perpekto, na ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan, at nagkakamali sa mga tungkulin nila, at na isa itong napakanormal na bagay. Sa paningin ng Diyos, hindi mahalaga kung hangal o nagkakamali ang mga tao, pero kung hindi nila aaminin ang mga pagkakamali nila, palagi silang magkukunwari at sadya nilang itatago ang katotohanan, may nakapaloob ditong isang mapagmataas, mapanlinlang, at buktot na satanikong disposisyon, at talagang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ito sa Diyos. Naisip ko ang sarili ko. Nang ipabuod sa amin ng lider ang gawain namin, nailantad nito ang marami sa mga problema sa mga tungkulin ko, at nag-alala akong mag-iiwan ako ng masamang impresyon sa lider. Lalo pa akong natakot na mawala sa akin ang posisyon ko bilang isang diyakono ng ebanghelyo at ang pagkakataong malinang. Para protektahan ang pride at katayuan ko, sadya kong iniwasang harapin ang mga problema ko, at nakaisip lang ng ilang obhetibong katwiran para subukang makalusot sa lider, nagsasabi ng mga bagay na tulad ng hindi kaya ng mga manggagawa ng ebanghelyo na makipagbahaginan nang malinaw at lutasin ang mga problema ng mga baguhan, at na naitalaga sa ibang tungkulin ang ilang manggagawa ng ebanghelyo. Naging mga palusot ang mga ito para sa pagbaba ng mga resulta sa tungkulin ko, mga palusot na ginamit ko para pagtakpan ang mahhihinang kapabilidad ko sa gawain at ang katunayang hindi ako nakagawa ng aktuwal na gawain, ang lahat ay para ingatan ang impresyon ng lider sa akin. Sa realidad, sinusuri ng lider ang mga detalye ng mga tungkulin namin dahil gusto niya akong tulungang praktikal na lutasin ang mga isyu ko para magawa ko nang mas maayos ang tungkuling ito, pero ayaw ko itong tanggapin nang positibo, at ayaw kong magtapat tungkol sa mga pagkukulang ko. Sa halip, sinubukan kong pigain ang utak ko para maghanap ng mga palusot para linlangin ang mga tao, nagpapanggap na isang taong may mahusay na kakayahan at mga kapabilidad sa gawain. Talagang mapagpaimbabaw at mapanlinlang ako! Sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, at natauhan ako sa matinding pagpupungos sa akin ng lider. Kailangan kong agad na suriin ang sarili ko.
Kalaunan, pinadalhan ako ng isang sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagsimula kong makita nang mas malinaw ang mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at nakapanlilihis. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: ‘Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?’ Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: ‘Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!’ Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang ‘pagkadalubhasa’ sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao? Ang lahat ng may gayong kalikasan ay may malapit na ugnayan kay Satanas, kung hindi nama’y pamilya nito. Maaari natin itong sabihin na ganito nga, hindi ba? Sa pangkalahatan, ang ganitong pagpapamalas ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Inilalantad ng Diyos na nagsasalita si Satanas sa isang tunay na tuso at mapanlinlang na paraan, palaging paligoy-ligoy magsalita, iniiwanang lito ang mga tao. Ang karaniwang taktika nito ay ang manlihis at magligaw, inililihis ang mga tao hanggang sa puntong hindi na nila makilatis ang totoo sa mga bagay. Tiningnan ko ang sarili ko batay sa paglalantad ng mga salita ng Diyos. Naalala ko na sa tuwing magtatanong ang lider tungkol sa dahilan ng hindi magagandang resulta ng gawain namin, palaging ayaw kong sagutin nang direkta ang mga tanong niya. Alam na alam kong hindi ako nakagawa ng anumang aktuwal na gawain, pero natatakot ako na kung sasabihin ko ang totoo, maaapektuhan nito ang impresyon ng lider sa akin, kaya sa bawat tanong, patuloy kong pinipiga ang utak ko ng mga paraan para isisi ito sa iba at gumamit ng mga obhetibong katwiran para subukang linlangin ang lider. Binaluktot ko pa nga ang mga katunayan at sinubukang ibunton ang sisi sa mga manggagawa ng ebanghelyo para malihis ang atensiyon ng lider. Paulit-ulit akong gumamit ng panlilinlang para subukan siyang ilihis, at madali akong nakapagsabi ng mga kasinungalingan. Ang kalikasan ko ay katulad lang ng kay Satanas—talagang buktot! Naisip ko rin kung paanong, kapag nagkakamit ako ng magagandang resulta sa mga tungkulin ko dati, aktibo kong ibinabahagi ang matatagumpay kong karanasan, ninanais ipakita sa lahat na may mga kapabilidad ako sa gawain at isang landas sa gawain ko. Gayumpaman, kapag nailalantad ng hindi magagandang resulta ang mga problema ko, nananatili akong tahimik dahil sa takot na makita ng mga tao ang mga problema at paglihis ko. Sa pagbabalik-tanaw sa mga sandaling ito, lubos akong nasuklam sa sarili ko. Sa mga tungkulin ko, inisip ko lang ang sarili kong kasikatan, pakinabang, at katayuan, at sa tuwing mapapaganda ko ang imahe ko, palagi akong magpapasikat. Pero ngayon, dahil hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko at napinsala ko ang gawain, naging para akong isang pagong na nagtatago sa bahay nito. Ang sinumang may kahit kaunting konsensiya at katwiran ay mararamdamang may pagkakautang siya sa Diyos kung hindi pa niya nagawa nang maayos ang tungkulin niya, at susubukan niyang humanap ng paraan para lutasin ang mga problema sa tungkulin niya. Pero bukod sa hindi ako gumawa ng anumang aktuwal na gawain, pinagtakpan ko pa ang mga problema ko at iniwasan ang responsabilidad para protektahan ang katayuan ko, iniiwanan ang lider na walang malay sa tunay na sitwasyon ng gawain at hindi malutas ang mga isyu sa tamang oras. Hindi ba’t hinahadlangan ko ang gawain ng ebanghelyo? Nang maisip ko ito, medyo natakot ako, kaya nagdasal ako sa Diyos, handang magsisi.
Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapabayaan at kamalian sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo isasaalang-alang na taasan ng ranggo? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, gumagawa ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo. Kung, sa iyong puso, hindi ka natatakot na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang iyong gawain, at nagagawa mong magbigay ng mga tunay na sagot sa mga katanungan at pag-uusisa ng Itaas, nang walang itinatagong anuman, at sinasabi kung ano ang nalalaman mo, kung gayon tama man o mali ang sinasabi mo, kahit ano pang katiwalian ang naibunyag mo—kahit naibunyag mo pa ang disposisyon ng isang anticristo—siguradong hindi ka tutukuyin na isang anticristo. Ang susi ay kung nagagawa mo bang alamin ang sarili mong disposisyon ng isang anticristo, at kung nagagawa mo bang hanapin ang katotohanan upang malutas ang problemang ito. Kung isa kang taong tinatanggap ang katotohanan, maaayos ang iyong anticristong disposisyon. Kung alam na alam mo na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo pero hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kung sinusubukan mo pang pagtakpan o pagsinungalingan ang mga problemang nagaganap at iwasan ang responsabilidad, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kapag isinasailalim ka sa pagpupungos, kung gayon ay isa itong seryosong problema, at wala kang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nababatid na may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, ‘Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin’? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo. Bakit mo pinakakaingatan nang husto ang katayuan? Ano ang mga kapakinabangang makukuha mo mula sa katayuan? Kung naghatid sa iyo ng kapahamakan, mga paghihirap, kahihiyan, at pasakit ang katayuan, pakakaingatan mo pa rin ba ito? (Hindi.) Napakaraming kapakinabangang nagmumula sa pagkakaroon ng katayuan, mga bagay na tulad ng inggit, paggalang, pagpapahalaga, at pambobola mula sa ibang mga tao, pati na ang kanilang paghanga at pagpipitagan. Nariyan din ang pakiramdam na angat ka at may pribilehiyo na dulot ng iyong katayuan, na nagbibigay sa iyo ng pagmamalaki at diwa ng pagpapahalaga sa sarili. Dagdag pa rito, matatamasa mo rin ang mga bagay-bagay na hindi natatamasa ng iba, tulad ng mga pakinabang ng katayuan at espesyal na pagtrato. Ito ang mga bagay na ni hindi ka nangangahas na isipin, at ang mga inaasam-asam mo sa iyong mga panaginip. Pinahahalagahan mo ba ang mga bagay na ito? Kung hungkag lamang ang katayuan, walang tunay na kabuluhan, at walang tunay na layunin ang pagtatanggol dito, hindi ba kahangalang pahalagahan ito? Kung kaya mong bumitaw sa mga bagay na tulad ng mga interes at tinatamasa ng laman, kung gayon hindi ka na matatali sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kaya, ano muna ang kailangang malutas para maresolba ang mga isyung nauugnay sa pagpapahalaga at paghahangad sa katayuan? Una, kilatisin ang kalikasan ng problema ng paggawa ng masama at panlilinlang, pagtatago, at pagtatakip, maging pagtanggi sa pangangasiwa, pagtatanong, at pagsusuri ng sambahayan ng Diyos, upang matamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi ba’t ito ay lantarang paglaban at pagsalungat sa Diyos? Kung makikilatis mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pag-iimbot sa mga pakinabang ng katayuan, malulutas ang problema ng paghahangad ng katayuan. Kung hindi mo kayang makilatis ang diwa ng pagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, hindi malulutas ang problemang ito kailanman” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Eksaktong inilantad ng Diyos ang kalagayan ko. Natatakot akong sa pagsusuri sa gawain ay makita ng lider ang mga kapintasan at pagkukulang sa mga tungkulin ko, at lalo pa akong natatakot na makita niya ang mahinang kakayahan ko at kawalan ng mga kapabilidad sa gawain at tanggalin niya ako. Para mapanatili ang katayuan ko, nagsikap ako nang matindi para magtago at magpanggap, kumikilos nang mapanlinlang, binabaluktot ang mga katunayan, at pinipiga ang utak ko para makahanap ng mga paraan para umiwas sa responsabilidad. Kahit na naingatan ng mga panlalansi at panlilinlang ko ang katayuan ko sa loob ng ilang panahon, napinsala naman ng mga iyon ang gawain ng iglesia. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo! Naisip ko ang maraming anticristo at masamang tao sa paligid ko na natiwalag. Minsan silang humawak ng mga posisyon at hinangaan ng iba, pero sa kalikasan nila, hindi nila minahal ang katotohanan. Naupo sila sa mga posisyon pero hindi gumawa ng anumang aktuwal na gawain, at ginambala at ginulo pa nga nila ang gawain ng iglesia para ingatan ang katayuan nila, at sa huli, napatalsik sila dahil sa maraming kasamaang ginawa nila. Ang mga halimbawang ito mula sa nakaraan ay nagsilbing mga babala at paalala para sa akin, at kung hindi ako magsisisi, ititiwalag ako ng Diyos tulad din nila. Naunawaan ko rin na nagtatanong at nagsusuri ang mga lider at manggagawa sa gawain para matuklasan at malutas ang mga isyu, at para mapabuti ang pag-usad at mga resulta ng gawain. Pero talagang mapanlinlang at palagi akong mapaghinala sa mga lider at manggagawa. Akala ko kapag pinangasiwaan at sinuri nila ang gawain, kung makakakita sila ng kahit maliit na isyu o paglihis, magtatanggal sila ng mga tao. Ganap na katawa-tawa ang pananaw kong ito!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagdulot na maging mas malinaw sa akin ang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan nang matiwasay sa iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema nang agaran, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil kaaangat mo pa lang at nasa probasyon ka pa rin, at hindi tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakaangat mo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang sa ikaw ay may pagpapahalaga sa pasanin sa gawain at nagtataglay ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling iangat at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang iangat at maging lider o manggagawa, sinimulan mong igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari kang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Kung iniisip mo na kapag naging lider ka na ay nakakahiyang hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, o ang palaging magtanong sa ibang tao o sa Itaas, at natatakot kang mamaliitin ka ng ibang tao, at kaya nagkukunwari ka dahil dito, nagpapanggap na nauunawaan mo ang lahat, na alam mo ang lahat, na mayroon kang kapabilidad sa gawain, na kaya mong gawin ang anumang gawain ng iglesia, at hindi mo kailangan ang sinuman para magpaalala o magbahagi sa iyo, o sinuman para tustusan o suportahan ka, kung gayon, mapanganib ito, at masyado kang mayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, masyadong walang katwiran” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na itinataas ang posisyon at nililinang ang mga tao hindi dahil kaya nilang gawin nang maayos ang bawat gampanin o mahusay ang mga kapabilidad nila sa gawain, kundi dahil binigyan sila ng pagkakataong magsanay batay sa mga kalakasan nila. Sa katunayan, kapag nagsisimulang magsanay ang isang tao sa isang tungkuin, normal para sa kanyang magkaroon ng maraming kapintasan at pagkukulang. Ang mga taong tunay na may pagkatao at katwiran ay matututo mula sa iba at maghahanap ng paggabay nang may matapat at mapagpakumbabang puso, at magtatapat sila tungkol sa mga paghihirap o paglihis sa gawain nila para makatanggap sila ng gabay at tulong mula sa iba, maunawaan nila ang mga prinsipyo at malutas ang mga problemang lumilitaw sa mga tungkulin nila sa pinakamabilis na maaari. Sa kabaligtaran, ang mga taong may mapagmataas na disposisyon ay nagtatago at nagpapanggap kapag nahaharap sila sa mga bagay na hindi nila nauunawaan, at ayaw nilang ipakita sa iba ang mga problema at kapintasan nila. Bukod sa napipigilan sila nitong makatanggap ng praktikal na pagsasanay at magkaroon ng pag-usad sa anumang aspekto, ang mas malubha pa, naaantala nito ang gawain ng iglesia. Sa sandaling ito, naramdaman kong talagang naging hangal ako. Sa pamamagitan ng palaging pagtatakip sa mga problema ko, bukod sa namuhay ako sa pagdurusa, napinsala ko rin ang gawain ng iglesia. Nang mapagtanto ito, tahimik akong nagdasal sa Diyos sa pagsisisi, ipinapasyang isasagawa ang katotohanan, hahangaring maging isang matapat na tao, tatanggapin ang pangangasiwa, mga pagsusuri, pagbabahaginan, at gabay ng mga lider at manggagawa, at gagawin nang maayos ang mga tungkulin ko.
Kalaunan, nang kumustahin ulit ng lider ang gawain namin, isinagawa ko ang pagiging isang matapat na tao, at nang lumitaw ang mga problema sa mga tungkulin ko, bukas-loob kong ibinahagi ang mga iyon sa lider. Minsan, tinanong ni Thomas kung bakit hindi nagkaroon ng malaking pag-usad kamakailan ang gawain ng ebanghelyo. Pagkarinig dito, kinabahan na naman ako, naiisip na, “Napakatagal na pero hindi pa rin ako nagkaroon ng anumang tunay na pag-usad. Iisipin ba ng lahat na hindi ako angkop para sa tungkuling ito dahil mahina ang kakayahan ko?” Sa sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang balakid, na siyang pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang sisiyasating mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng motibasyon para isagawa ang katotohanan. Minamahal ng Diyos ang matatapat na tao at ang mga taong praktikal na ginagawa ang mga tungkulin nila. Hindi nagtatago o nagkukunwari ang gayong mga tao; kahit ano pang katiwalian o mga kapintasan ang mayroon sila, nagagawa nilang makipagbahaginan sa lahat sa isang simple at bukas-loob na paraan, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga isyung ito. Ito ang tamang landas, at sa ganitong paraan lang makakapamuhay ang isang tao nang malaya at makakaramdam ng kaginhawahan. Hindi na ako puwedeng magpanggap. Kailangan kong maging isang matapat na tao. Kailangan kong ibunyag ang tunay kong sarili sa lahat, anuman ang maging tingin sa akin ng iba. Kailangan kong unahin ang gawain ng iglesia at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Habang nasa isip ko ito, nagtapat ako tungkol sa mga tunay na paghihrap ko. Nagbigay ang lahat ng ilang mungkahi para sa gawain ng pangungumusta batay sa mga isyu ko, at nakipagbahaginan din sa akin ang lider kung paano pagbubutihin ang kahusayan sa gawain at tungkol sa mga prinsipyo sa pangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo. Kalaunan, ilang panahon akong nagsagawa ayon sa landas na iminungkahi ng lahat, at unti-unting bumuti ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, at naging mas determinado ang mga kapatid sa mga tungkulin nila. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos! Pero kasabay niyon, nahiya at nagsisi ako, dahil umasa ako sa tiwaling disposisyon ko sa mga tungkulin ko at palagi kong sinusubukang protektahan ang pride at katayuan ko, inaantala ang gawain ng iglesia. Ngayon, hindi ko na pinipiga ang utak ko para makahanap ng mga katwiran at magpanggap, at lalo pa akong naging kalmado at palagay. Alam kong malayo pa rin ako sa pagiging isang tunay na matapat na tao, pero handa akong ipagkatiwala ang puso ko sa Diyos sa mga tungkulin ko mula ngayon, at hangarin ang pagiging isang matapat na taong tumatanggap sa pagsisiyasat ng Diyos at sa pangangasiwa ng iba.