66. Ang Pagkakaroon ng Pagkilala sa Aking Mababang Pagtingin sa Sarili
Likas na sobrang introvert ang personalidad ko, at simula pagkabata, hindi talaga ako madaldal. Lalo na kapag nasa harap ng mga tao, kinakabahan ako nang sobra kaya hindi ako makapagsalita. Kung ikukumpara sa ibang batang kasing-edad ko, mas mabagal ang mga reaksyon ko at ang utak ko ay hindi ganoon katalas. Palagi akong pinapagalitan ng aking mga magulang, kamag-anak at mga kaibigan, sinasabing ayaw kong magsalita sa harap ng iba. Sinabi rin nila na sa lipunan ngayon, kapag hindi ka magaling magsalita, hindi ka tatanggapin: Hindi kayang tapatan ng malalakas na braso at matatatag na paa ang galing sa pagsasalita. Mas matamis magsalita ang pinsan kong mas nakababata sa akin. Pinupuri ng lahat ang husay niya sa pagsasalita, at gusto siya ng lahat. Pakiramdam ko ay napakababa ko, na hindi ako kasinghusay ng iba sa bawat aspekto, at hindi matalas ang isip ko. Kinamuhian ko ang sarili ko—bakit hindi ako mahusay magsalita katulad ng iba? Napakahangal ko, at napakahina ng kakayahan kong ipahayag ang aking sarili! Palagi kong nararamdaman na mas mababa ang antas ko kaysa sa iba, at mas lalo akong naging introvert. Noong Mayo 2012, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao, at sa pakikisalamuha ko sa mga kapatid ko at sa pagkakita ko sa kakayahan nilang buksan ang kanilang puso at ikuwento ang kanilang mga karanasan, unti-unti ko ring sinubukang buksan ang aking saloobin at ibahagi ang aking mga kaisipan. Nagsimula akong magsalita nang mas madalas.
Noong Enero 2018, nagsanay ako para gampanan ang mga tungkuling nakabatay sa teksto. Sa simula pa lang, nang makita kong may mga problema ang mga sister ko sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, matapang kong itinuro ang mga ito sa kanila nang deretsahan, at hindi talaga ako nagpigil sa pagsasalita. Pero, habang mas maraming oras ang ginugugol ko sa pakikipag-ugnayan sa kanila, natuklasan ko na ang mga sister ko ay may kanya-kanyang lakas, at lahat sila ay may ilang praktikal na karanasan. Lalo na si Sister Chen Xi, napakalinaw niyang naipapahayag ang kanyang sarili kapag tinatalakay niya ang gawain o ibinabahagi ang kanyang mga personal na karanasan. Nakaramdam ako ng inggit sa aking puso. Naramdaman ko na si Chen Xi ay may mahusay na kakayahan, at kung ikukumpara sa kanya, mababa ako sa lahat ng bagay. Kalaunan, kapag nagtitipon kami o nag-uusap tungkol sa gawain, nakakaramdam ako ng bahagyang pagpipigil, at hindi ako nangangahas na sabihin agad ang nasa isip ko. Natakot ako na baka hindi ako makapagsalita nang kasinghusay ng iba at kutyain ako dahil dito. Isang araw noong Marso, sinabi ni Chen Xi na medyo magulo ang pananalita ko noong nakikipagbahaginan ako. Nakaramdam ako ng hiya at labis na kalungkutan sa aking puso. Kalaunan, kapag pumupunta ako sa mga pagtitipon para magbahagi o magpahayag ng mga opinyon, hindi ko maiwasang maisip ang pamumuna ni Chen Xi sa akin. Pakiramdam ko ay hindi ako magaling magsalita, at natatakot akong may masabing mali at magmukhang hangal, kaya hindi na ako nangahas na maglahad agad ng sarili kong opinyon. Dahil hindi ko ipinahayag ang sarili kong opinyon, kinailangan ng mga katuwang kong sister na itigil ang kanilang gawain para alamin ang kalagayan ko. Nakapigil ito sa pag-usad ng gawain. Isang beses, tinalakay sa amin ng mga superbisor ang tungkol sa gawain, at mayroon akong mga opinyon at suhestiyon. Pero naisip ko, “Hindi ako magaling magsalita, at kung hindi ko maipapahayag nang malinaw ang sarili ko, ano na lang ang iisipin nila sa akin?” Muntik na akong magsalita, pero pinigilan ko ang sarili ko. Nang marinig kong ang mga opinyong inilahad ni Chen Xi ay parehong pareho sa naisip ko, nakaramdam ako ng labis na kalungkutan sa puso ko, “Tingnan mo siya! Napakahusay niyang magsalita at hindi man lang siya kinabahan sa harap ng mga tao. Bakit ba hindi ako magaling magsalita? Hindi ko man lang masabi kung ano ang nasa isip ko!” Kalaunan, namuhay ako sa nakapanlulumong kalagayan, at mas nilimitahan ko ang sarili ko bilang walang kakayahan sa pagpapahayag, hindi magaling magsalita at may mahinang kakayahan. Nagreklamo rin ako—bakit hindi ako binigyan ng Diyos ng galing sa pagsasalita, samantalang napakahusay ng kakayahan ni Chen Xi? Unti-unti, naging mas madalang ang pagsasalita ko, at kapag nagtitipon o nag-uusap tungkol sa gawain, madalas akong inaantok. Hindi ako nangahas na ibahagi ang anumang kalagayang mayroon ako. Ang totoo, nang makita kong hindi ko natutupad ang tungkulin ko at inintindi pa ng mga sister ko ang damdamin ko, nakaramdam ako ng lungkot sa puso ko, pero hindi ko alam kung paano makakalabas sa kalagayang ito. Sa huli, ayaw ko na ring gampanan ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, nakaramdam ako ng labis na pagkasupil, at nagdusa ako. Dahil hindi ko kailanman nabago ang kalagayan ko, nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu, at itinalaga sa iba ang tungkulin ko.
Matapos maitalaga sa iba ang tungkulin ko, nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Nagsimula akong magnilay kung bakit labis akong negatibo at pasibo sa paggawa ng aking tungkulin. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Lahat ng tao ay may ilang maling kalagayan sa loob nila, gaya ng pagiging negatibo, kahinaan, kawalan ng pag-asa, at karupukan; o mayroon silang masasamang intensyon; o palagi silang nababagabag ng kanilang pride, mga makasariling pagnanais, at pansariling interes; o iniisip nila na may mahina silang kakayahan, at dumaranas sila ng ilang negatibong kalagayan. Magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu kung palagi kang namumuhay sa ganitong mga kalagayan. Kung mahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, magiging kaunti ang mga aktibong elemento sa loob mo, at lilitaw ang mga negatibong elemento at guguluhin ka. Palaging umaasa ang mga tao sa kanilang sariling kalooban para supilin ang mga negatibo at masamang kalagayang iyon, ngunit gaano man nila ito supilin, hindi nila ito maiwawaksi. Ang pangunahing dahilan nito ay dahil hindi lubusang makilatis ng mga tao ang mga negatibo at masamang bagay na ito; hindi nila makita nang malinaw ang diwa ng mga iyon. Kaya nagiging napakahirap para sa kanila na maghimagsik laban sa laman at kay Satanas. Dagdag pa roon, palaging naiipit ang mga tao sa mga negatibo, malungkot, at malubhang kalagayang ito, at hindi sila nananalangin o tumitingala sa Diyos, sa halip ay iniraraos lang nila ang mga ito. Bilang resulta, hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at dahil dito ay hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang landas sa lahat ng kanilang ginagawa, at hindi nila nakikita nang malinaw ang anumang bagay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko kung bakit ako negatibo: Naniwala ako na hindi ko kayang makipagbahaginan nang kasinghusay ng iba, kaya nilimitahan ko ang sarili ko bilang may mahinang kakayahan. Palagi ko ring iniisip kung ano ang tingin sa akin ng iba. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nangangahas na ipahayag ang aking mga opinyon. Ginugugol ko ang mga araw ko na nakakubli, nakakaramdam ng pagkasupil at walang paraan para makalaya. Kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin, hindi ko makamit ang gawain ng Banal na Espiritu at hindi ko pa nga magamit ang mga kakayahang mayroon ako dati. Hindi lang nito napigilan ang mga katuwang kong sister, kundi naantala rin ang pag-usad ng aming kabuuang gawain. Ang totoo, hindi naman ganoon kasama ang kakayahan ko na aabot sa puntong hindi ko na nakikita ang anumang problema, tulad nang una akong magsimula, nakaya ko pang gampanan ang ilang gawain at magbigay ng kaunting opinyon, pero kalaunan, nang makita kong mas magaling si Chen Xi kaysa sa akin, at sinabi niyang hindi malinaw ang pakikipagbahaginan ko, nagsimula akong mag-alala nang madalas na baka maliitin niya ako. Dahil sa takot na mapahiya, hindi na ako nangahas na ipahayag ang sarili kong mga opinyon. Dahil namuhay ako sa negatibong kalagayan nang mahabang panahon, dumilim at humina ang espiritu ko at hindi nagbunga ng anumang resulta ang mga tungkulin ko, kung kaya’t kinailangan akong italaga sa ibang tungkulin. Muli ko itong pinag-isipan, at napagtanto ko na bagama’t hindi ako mahusay magsalita, kailangan ko pa ring tratuhin nang tama ang mga kahinaan at pagkukulang ko, at maipamalas ang mga kaya kong gawin. Tungkol naman sa mga bagay na hindi ko kayang gawin, dapat akong magdasal sa Diyos, sumandig sa Diyos, at matutunan ang mga kalakasan ng aking mga kapatid para punan ang sarili kong mga kahinaan. Tanging sa paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan ko makakamtan ang patnubay ng Diyos. Simula noon, binago ko ang aking kalagayan, at inilaan ko ang puso ko sa aking tungkulin. Kapag hindi ko nauunawaan ang mga bagay-bagay, naghahanap ako ng mga prinsipyo kasama ang aking mga sister at magkakasama naming pinag-aaralan ang kaugnay na kaalamang propesyonal. Nang makakita ako ng mga aspekto kung saan mas mahusay ang pakikipagbahaginan ng aking mga sister kaysa sa akin, sinubukan kong matutuhan ang kanilang mga kalakasan para punan ang mga kahinaan ko. Unti-unti, bumuti ang kalagayan ko at nagsimula akong magkaroon ng ilang landas sa tungkulin ko, na nagbunga ng ilang resulta.
Noong Hunyo 2021, itinalaga akong lider ng iglesia at, kasama si Brother Li Yang, inako namin ang responsabilidad ng gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Maraming taon nang ginagampanan ni Li Yang ang mga tungkulin ng ebanghelyo, magaling siyang magsalita, at mabilis mag-isip. Medyo nakaramdam ako ng pagkalimita habang nagtatrabaho kasama siya. Isang araw, pinag-usapan namin kung paano mangaral ng ebanghelyo sa mga potensyal na tatanggap. May ilang ideya ako, pero nang maisip ko na mas may karanasan si Li Yang kaysa sa akin sa pangangaral ng ebanghelyo, nag-alala ako kung anong iisipin niya sa akin kung hindi ako makakapagbahagi nang maayos, kaya pinigilan ko ang sarili ko. Pagkatapos, napagtanto ko na sa pakikipag-usap tungkol sa gawain, dapat parehong magpahayag ng kanilang mga opinyon ang bawat panig at punan ang isa’t isa, kaya’t sinabi ko ang naiisip ko. Pero nang magsalita na ako, sobrang kinakabahan ako at hindi ko naipahayag nang malinaw ang aking sarili. Nakinig si Li Yang at pagkatapos ay itinuro niya ang ilan sa mga kahinaan ko. Noong oras na iyon, gusto ko na lamang bumukas ang lupa at lamunin ako nito. Naisip ko na, “Hindi ko nga maipaliwanag nang malinaw ang tungkol sa mga prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo, ano na lang ang iisipin ng mga kapatid ko tungkol sa akin? Sobrang nakakahiya ito!” Pagkatapos niyon, nang muli kong makatagpo si Li Yang, parang dinudurog ng isang bunton ng mga bato ang puso ko. Napakabigat ng pakiramdam ko, at naging bihira na lang ang pagbibigay ko ng aking mga opinyon, at umuupo na lang ako sa isang tabi para magmasid. Kalaunan, napansin ko na umaasa si Li Yang sa karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo sa halip na maghanap ng mga prinsipyo, at hindi siya tumatanggap ng mga suhestiyon ng ibang tao. Nakahadlang ito sa gawain ng ebanghelyo at nais kong ituro ito sa kanya, pero naisip ko sa sarili ko, “Mas mahusay magsalita si Li Yang kaysa sa akin. Kung maglalahad siya ng ibang pananaw at hindi ko kayang makipagbahaginan nang malinaw, hindi ba’t lalo lang akong mapapahiya?” Kaya hindi ko na lang isiniwalat ang mga problema niya, na nagdulot ng pagkaantala sa pag-usad ng gawain ng ebanghelyo. Kalaunan, nakaranas ako ng maraming paghihirap sa gawain ng ebanghelyo, at hindi nagbubunga ng anumang resulta ang gawain. Nakaramdam ako ng labis na pagkabalisa, at pagkatapos, naisip ko na hindi ako magaling magsalita at nahihirapan akong ipahayag nang malinaw ang aking sarili. Lalo ko pang naramdaman na hindi ko kayang gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang lider, at naisip ko pa ngang magbitiw. Lumala nang lumala ang kalagayan ko hanggang sa tinanggal ako sa huli.
Nang ako ay matanggal, labis akong nalungkot, at nagnilay ako sa aking sarili, “Bakit ba palagi akong nakakaramdam ng pagkalimita kapag kasama ko ang mga taong magagaling magsalita at matatalas ang isip?” Isang araw, sa aking debosyonal, nakakita ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos sa isang video ng patotoong batay sa karanasan, at talagang naantig ako. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang tao na noong bata pa, ordinaryo ang kanilang hitsura, hindi mahusay magsalita, at hindi masyadong mabilis mag-isip, kaya hindi naging kanais-nais ang mga komento sa kanila ng ilang miyembro ng kanilang pamilya at ng ibang tao sa lipunan, sinasabi ng mga ito na: ‘Mahina ang utak ng batang ito, matagal makaintindi, at hindi maayos magsalita. Tingnan ninyo ang mga anak ng iba, sa husay nilang magsalita ay madali nilang nakukumbinsi ang mga tao. Samantalang ang batang ito ay nakasimangot lang buong araw. Hindi niya alam ang sasabihin kapag nakakasalamuha ng mga tao, hindi alam kung paano ipapaliwanag o pangangatwiranan ang sarili niya kapag may nagawa siyang mali, at hindi natutuwa sa kanya ang mga tao. Mahina ang utak ng batang ito.’ Ganito ang sinasabi ng mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga guro niya. Ang ganitong kapaligiran ay nagdudulot ng partikular at hindi nakikitang panggigipit sa gayong mga indibidwal. Sa pagdanas sa ganitong mga kapaligiran, hindi namamalayang nagkakaroon siya ng partikular na uri ng mentalidad. Anong uri ng mentalidad? Iniisip niya na hindi kaaya-aya ang kanyang hitsura, hindi gaanong kanais-nais, at na kahit kailan ay hindi natutuwa ang mga tao na makita siya. Naniniwala siya na hindi siya mahusay sa pag-aaral, na mahina ang utak niya, at palagi siyang nahihiya na buksan ang kanyang bibig at magsalita sa harap ng ibang tao. Sa sobrang hiya niya ay hindi siya nakapagpapasalamat kapag may ibinibigay sa kanya ang mga tao, iniisip niya, ‘Bakit ba laging umuurong ang dila ko? Bakit ang galing magsalita ng ibang tao? Hangal lang talaga ako!’ … Pagkatapos lumaki sa gayong kapaligiran, unti-unting nangingibabaw ang mentalidad na ito ng pagiging mas mababa. Nagiging palagiang emosyon ito na gumugulo sa puso mo at pumupuno sa iyong isipan. Ikaw man ay malaki na, marami nang karanasan sa mundo, may asawa na at matatag na sa iyong propesyon, at anuman ang iyong katayuan sa lipunan, itong pakiramdam ng pagiging mas mababa na itinanim sa iyong kapaligiran habang lumalaki ka ay imposibleng maiwaksi. Kahit matapos mong manampalataya sa Diyos at sumapi sa iglesia, iniisip mo pa rin na pangkaraniwan ang hitsura mo, mahina ang intelektuwal mong kakayahan, hindi ka maayos magsalita, at walang kayang gawin. Iniisip mo, ‘Gagawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Hindi ko kailangang mag-asam na maging lider, hindi ko kailangang maghangad ng malalalim na katotohanan, magiging kontento na lang ako sa pagiging ang taong pinaka-hindi mahalaga, at hahayaan ko ang iba na tratuhin ako sa anumang paraang naisin nila.’ … Marahil ay hindi likas sa iyo ang pakiramdam ng pagiging mas mababa, pero sa ibang antas, dahil sa kapaligiran ng iyong pamilya at sa kapaligirang kinalakihan mo, sumailalim ka sa mga bahagyang dagok at hindi wastong mga paghatol, at dahil dito ay umusbong sa iyo ang pakiramdam ng pagiging mas mababa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). “Kapag malalim na nakatanim sa iyong puso ang mga damdamin ng pagiging mas mababa, bukod sa may matinding epekto ito sa iyo, pinangingibabawan din ng mga ito ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at ang iyong asal at mga kilos. Kaya paano tinitingnan ng mga taong iyon na pinangingibabawan ng mga damdamin ng pagiging mas mababa ang mga tao at bagay-bagay? Itinuturing nila na mas mahusay ang ibang tao kaysa sa kanila, at iniisip din nilang mas mahusay sa kanila ang mga anticristo. Kahit na may masasamang disposisyon at masamang pagkatao ang mga anticristo, tinatrato pa rin nila ang mga ito bilang mga tao na dapat tularan at mga huwarang mapagkukuhanan ng aral. Sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, ‘Tingnan mo, bagama’t mayroon silang masamang disposisyon at pagkatao, matalino sila at may mas mahusay na kapabilidad sa gawain kaysa sa akin. Komportable nilang naipapakita ang kanilang mga kakayahan sa harap ng iba at nakapagsasalita sila sa harap ng napakaraming tao nang hindi namumula o kumakabog ang dibdib. Talagang malakas ang loob nila. Wala akong binatbat sa kanila. Hindi ako ganoon katapang.’ Ano ang nagdulot nito? Sa katunayan, dapat sabihin na ang isang dahilan ay na naapektuhan ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ang iyong paghusga sa mga diwa ng mga tao, pati na ang iyong perspektiba at pananaw pagdating sa pagturing sa ibang tao. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.) Kaya paano nakakaapekto ang mga pakiramdam ng pagiging mas mababa sa kung paano ka umaasal? Sinasabi mo sa sarili mo: ‘Ipinanganak akong mangmang, nang walang mga kaloob o kalakasan, at mabagal akong matuto sa lahat ng bagay. Tingnan mo ang taong iyon: Bagama’t minsan ay nagdudulot siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at kumikilos nang pabasta-basta at padalos-dalos, kahit papaano ay mayroon siyang mga kaloob at kalakasan. Saan ka man magpunta, siya ang uri ng tao na nais gamitin ng mga tao, at hindi ako ganoon.’ Sa tuwing may anumang nangyayari, ang una mong ginagawa ay hatulan ang iyong sarili at ilayo ang iyong sarili. Anuman ang isyu, umaatras ka at umiiwas na magkusa, at natatakot kang umako ng responsabilidad. Sinasabi mo sa iyong sarili, ‘Ipinanganak akong hangal. Saan man ako magpunta, walang natutuwa sa akin. Hindi ko pwedeng ilagay ang sarili ko sa alanganing sitwasyon, hindi ko dapat ipakitang-gilas ang aking mga mumunting abilidad. Kung irerekomenda ako ng isang tao, pinatutunayan niyon na maayos naman ako. Pero kung walang magrerekomenda sa akin, hindi tama na magkusa akong sabihing kaya kong akuin ang trabaho at gawin ito nang maayos. Kung wala akong kumpiyansa sa sarili ko tungkol dito, hindi ko pwedeng sabihin na may kumpiyansa ako—paano kung magkamali ako, ano na lang ang gagawin ko? Paano kung mapungusan ako? Talagang mapapahiya ako! Hindi ba’t nakakahiya iyon? Hindi ko maaaring hayaan na mangyari iyon sa akin.’ Tingnan mo—hindi ba’t nakaapekto ito sa iyong asal? Ang iyong saloobin at asal ay, sa isang tiyak na antas, naiimpluwensiyahan at nakokontrol ng iyong mga damdamin ng pagiging mas mababa. Sa isang tiyak na antas, masasabi na ito ang bunga ng iyong mga damdamin ng pagiging mas mababa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). Isiniwalat ng Diyos na mula pagkabata, ang ilang tao ay hindi mahusay magsalita at matalas mag-isip tulad ng iba, at nakakatanggap sila ng mga hindi kaaya-ayang panghuhusga sa bahay at sa lipunan. Dahil dito, nagkakaroon sila ng pakiramdam ng pagiging mababa. Nang maalala ko na noong bata ako ay ayaw kong magsalita, mabagal akong mag-isip, at mayroong introvert na personalidad, binansagang hindi mahusay magsalita ng mga kamag-anak, kaibigan, guro, kaklase at maging ng aking ina, nakaramdam ako ng pagiging mababa, at lagi kong nararamdaman na mas mababa ang antas ko kumpara sa iba. Bagama’t nang magsimula akong manampalataya sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakapagbukas ako ng saloobin at naibahagi ng nasa isip ko sa aking mga kapatid, kapag nakakasalamuha ako ng isang taong pinagkalooban ng talino, magaling magsalita at matalas ang isip tulad ni Chen Xi, hindi ko namamalayan, nakakaramdam ako ng pagiging mababa. Kapag pinag-uusapan ang gawain namin, hindi ako naglalakas-loob na magpahayag ng opinyon, at kapag nagtitipon kami para magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi rin ako nangangahas na ibahagi ang aking pagkaarok at pagkaunawa. Noong magkasama kami ni Li Yang sa trabaho at pareho kaming responsable sa gawain ng ebanghelyo, nakita kong ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may tiwaling disposisyon at napipigilan niya ang gawain ng ebanghelyo, at alam ko na dapat ko siyang ilantad. Pero nag-alala ako na baka hindi ako makapagsalita nang malinaw, at kung magbibigay siya ng ibang opinyon at hindi ko siya magagawang pabulaanan, mapapahiya ako. Kaya malinaw kong napanood na napigilan ang gawain ng ebanghelyo, hindi ako nangahas na makipagbahaginan kay Li Yang. Kalaunan, nakaranas ng maraming paghihirap ang gawain ng ebanghelyo, at naramdaman kong dahil hindi ako magaling magsalita at hindi ko maipahayag nang malinaw ang aking sarili, hindi ko kayang gampanan ang tungkulin ng isang lider. Naisipan ko pa ngang magbitiw, at sumuko. Sa pamumuhay nang may pakiramdam ng pagiging mababa, hindi ko nagampanan nang normal ang tungkulin ko, at hindi ko naisagawa ang katotohanan. Bukod sa naging sanhi ito ng kawalan sa buhay ko, hindi rin nagbunga ang aking gawain at sa huli ay tinanggal ako. Kung ipagpapatuloy ko ang pamumuhay sa ganitong kalagayan nang hindi ito binabago, hindi ko magagampanan nang maayos ang anumang tungkulin, at sa huli ay ititiwalag ako ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, labis akong nalungkot. Ayaw kong magpatuloy sa pamumuhay na may pakiramdam ng pagiging mababa, at kailangan kong harapin nang tama ang mga kahinaan at pagkukulang ko.
Isang beses, nagbukas ako ng saloobin sa isang sister tungkol sa aking kalagayan at mga paghihirap, Nakahanap siya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin. Sinasabi ng Diyos na: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya kinokonsidera nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na tulad ng isang anticristo, binigyan ko ng labis na importansiya ang reputasyon at katayuan. Mula pagkabata, naramdaman ko na hindi ako magaling magpahayag at hindi kasing-husay ng iba sa pagsasalita. Kapag nakakatagpo ako ng mga taong mahusay magsalita habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, pakiramdam ko ay napakababa ko. Sa partikular, kapag nasisiwalat ang mga kahinaan at pagkukulang ko, napapahiya ako, lalo pa akong nasisiraan ng loob, at nililimitahan ko ang sarili ko bilang may mahinang kakayahan, pero hindi ako naghahanap ng katotohanan para malutas ang aking problema. Ang tanging iniisip ko ay huwag mapahiya, at hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko. Naisip ko kung paano ako pinagpala ng Diyos ng pagkakataong makapagsanay para maging isang lider ng iglesia, at isinaayos Niya na makatrabaho ko ang mga kapatid na magagaling magsalita at may karanasan. Ang layunin ng Diyos ay ang matutuhan ko ang mga kalakasan ng ibang tao para mapunan ang mga kahinaan at pagkukulang ko. Napakalaking pakinabang nito sa akin sa pag-unawa ng katotohanan at sa pagpapabuti ng aking kaalamang propesyonal. Gayumpaman, hindi ko sinubukang maghanap ng katotohanan para magampanan nang maayos ang tungkulin ko, kundi nakatuon lamang ako sa imahe ko sa puso ng ibang tao. Nang makita kong hindi ako kasing-husay ng iba, nakaramdam ako ng pagiging mababa at pagkalimita namumuhay ako sa negatibong kalagayan, hindi ko na naisip pang magsikap na umangat. Nang makita kong ginagambala at ginugulo ni Li Yang ang gawain ng iglesia, hindi ako nangahas magsalita, at hindi ko tinupad ang mga responsabilidad na dapat kong tuparin. Para akong isang anticristo, masyado kong pinapahalagahan ang reputasyon at katayuan, at hindi ko man lang pinaninindigan ang gawain ng iglesia. Talagang wala akong kahit katiting na pagkatao! Ang dalawang beses na pagkakatanggal sa akin ay resulta ng pagiging matuwid ng Diyos.
Kalaunan, nagbasa ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at napagtanto ko na may isa pang dahilan kung bakit ako namumuhay sa kalagayan ng pagiging mababa. Iyon ay, hindi ko matukoy kung ano ang mahusay na kakayahan at kung ano ang mahinang kakayahan. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Paano dapat sukatin ang kakayahan ng mga tao? Dapat itong sukatin batay sa antas ng pagkaarok nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang pinakawastong paraan ng paggawa nito. Ang ilang tao ay magaling magsalita, mabilis mag-isip, at bihasang-bihasa mangasiwa ng ibang tao—ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon, hindi nila kailanman nagagawang maintindihan ang kahit na ano, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, palagi silang bumibigkas ng mga salita at doktrina, inihahayag ang mga sarili nila bilang mga baguhan lamang, at ipinapadama sa iba na wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). “Ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalagang bagay, sa alinmang perspektiba mo ito tingnan. Maaari mong iwasan ang mga depekto at pagkukulang ng pagkatao, ngunit hinding-hindi mo maaaring iwasan ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kahit gaano pa kaperpekto o karangal ang iyong pagkatao, o maaari mang mas kaunti ang iyong mga kapintasan at depekto, at nagtataglay ka man ng mas maraming kalakasan kaysa sa ibang tao, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, hindi rin nito mapapalitan ang iyong paghahangad sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung hahangarin mo ang katotohanan, kung marami kang nauunawaan sa katotohanan, at kung may sapat at praktikal kang pagkaunawa tungkol dito, mapupunan nito ang maraming depekto at problema sa iyong pagkatao. Halimbawa, sabihin nang ikaw ay mahiyain at introverted, nauutal ka, at hindi ka masyadong edukado—ibig sabihin, marami kang depekto at kakulangan—pero mayroon kang praktikal na karanasan, at bagama’t nauutal ka kapag nagsasalita, malinaw mong naibabahagi ang katotohanan, at ang pakikipagbahaginang ito ay nakakapagpatibay sa lahat kapag naririnig nila ito, naglulutas ng mga problema, nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makaahon mula sa pagkanegatibo, at pumapawi sa kanilang mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kita mo, bagama’t nauutal ka sa iyong mga salita, nakalulutas ng mga problema ang mga ito—napakahalaga ng mga salitang ito! Kapag naririnig ng mga karaniwang tao ang mga ito, sinasabi nila na isa kang taong walang pinag-aralan, at hindi ka sumusunod sa mga tuntunin ng gramatika kapag nagsasalita ka, at kung minsan ay hindi rin talaga naaangkop ang mga salitang ginagamit mo. Maaaring gumagamit ka ng wika na pangrehiyon, o ng pang araw-araw na wika, at na ang iyong mga salita ay walang pagkapino at istilo na kagaya sa mga taong may mataas na pinag-aralan na napakahusay magsalita. Gayumpaman, ang iyong pakikipagbahaginan ay nagtataglay ng katotohanang realidad, kaya nitong malutas ang mga paghihirap ng mga tao, at pagkatapos itong marinig ng mga tao, naglalaho ang lahat ng madidilim na ulap sa paligid nila, at nalulutas ang lahat ng problema nila. Kita mo, hindi ba’t mahalaga ang pagkaunawa sa katotohanan? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakaroon ng mahusay na kakayahan ay hindi nangangahulugang may lakas ang isang tao sa isang partikular na larangan; hindi rin ito nangangahulugan na may mahusay na kakayahan ang isang taong magaling magsalita, mabilis mag-isip at may kasanayan sa pakikisalumuha sa iba. Ang mga ito ay likas na katangian lamang na taglay ng mga tao. Ang tunay na pagkakaroon ng mahusay na kakayahan ay nangangahulugang kayang maunawaan ng isang tao ang mga salita ng Diyos. Ang isang taong may mahusay na kakayahan ay kayang intindihin ang mga salita ng Diyos at unawain ang mga katotohanang prinsipyo; kapag nagbabahagi siya ng mga salita ng Diyos, kaya niyang iugnay ang mga ito sa mga kalagayan at paghihirap ng mga tao at ituro ang isang landas ng pagsasagawa. Kahit na sa panlabas ay maaaring mayroon siyang ilang kapintasan at maaaring hindi ganoon kahusay ang kakayahan niya sa pagpapahayag ng kanyang sarili, kaya pa rin niyang lutasin ang mga tunay na problema ng mga tao at palakasin ang mga ito. Noon, palagi akong umaasa sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon sa pagtimbang ng mga bagay. Nang makita kong hindi ako mahusay magsalita, namuhay ako sa kalagayan ng pagiging mababa, nilimitahan ko ang sarili ko bilang may mahinang kakayahan, at sa bawat pagkakataon ay nalilimitahan ako ng kahihiyan at katayuan. Hindi ko ginampanan ang gawaing kaya ko namang gampanan, at sa huli ay nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinanggal ako. Naisip ko ang ilang mga kapatid. Bagama’t hindi sila mahusay sa pagsasalita, kaya nilang sumandig sa Diyos at hangaan Siya habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Kung hindi nila nauunawaan ang isang problema, kaya nilang maghanap ng tulong at makipagbahaginan sa iba, at pagkatapos ng kauntng panahon ay nagpapakita sila ng pag-unlad. Mula rito, nakita ko na hindi talaga mahalaga kung mahusay man ang isang tao sa pagsasalita o hindi. Ang pinakamahalaga ay ang pag-unawa at pagsagawa ng katotohanan. Naisip ko na hindi ako magaling magsalita at medyo mabagal akong mag-isip, at kapag nakakakita ako ng mga taong mas mahusay magsalita kaysa sa akin, kinakabahan ako at natatakot ako humarap sa mga tao. Gayumpaman, may kaunti akong abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, at may ilang kaisipan at ideya ako ukol sa mga problema sa aking tungkulin; kaya kong lumutas ng ilang problema. Hindi totoo na napakahina ng aking kakayahan na wala akong anumang sariling kaisipan o opinyon. Gayumpaman, nang makakita ako ng isang taong mas mahusay sa pagsasalita kaysa sa akin, namuhay akong may pakiramdam ng pagiging mababa. Nagtago ako habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, at hindi na ako naglakas-loob pang magsalita. Hindi ko man lang tinitingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Kinailangan kong itama ang mga maling opinyon ko, at itigil ang pagkainggit at pagpapahalaga sa mga taong magagaling magsalita sa panlabas.
Noong Enero 2024, kinailangan kong turuan ng mga teknik sa kompyuter si Wang Ling, ang lider ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo. Nang makita ko kung gaano kahusay si Wang Ling sa pagsasalita, medyo kinabahan ang puso ko habang tinuturuan ko siya. Inisip ko kung paano ko ipapahayag ang aking sarili para maunawaan niya ako, pero nang makarating ako sa pinakamahalagang bahagi, sinabi niyang hindi niya ako nauunawaan. Sa puntong ito, medyo nalungkot ako, at pakiramdam ko ay wala akong halaga, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos. Napagtanto ko na muli akong nagpakita ng kalagayan ng pagiging mababa, at nakaramdam ako ng pagkalimita nang makita kong mas mahusay si Wang Ling sa pagsasalita kaysa sa akin. Naalala ko dati, noong palagi akong namumuhay sa kalagayan ng pagiging mababa at hindi ko nagagampanan nang normal ang tungkulin ko, hinayaan kong mawala ang maraming pagkakataong maisagawa ang katotohanan. Sa pagkakataong ito, hindi na ako maaaring kumilos tulad ng dati, na palaging isinasaalang-alang ang sarili kong kahihiyan at katayuan. Nang maisip ko ito, kumalma ang puso ko, at tinanong ko si Wang Ling kung anong mga bahagi ang hindi niya naunawaan at kung anong mga paghihirap ang naranasan niya sa pag-aaral ng teknik. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap kay Wang Ling at matiyagang paggabay sa kanya, natutuhan niya ang kasanayan sa huli. Napakasaya naming dalawa. Ngayon, nagagampanan ko na nang normal ang tungkulin ko nang hindi nalilimita ng pakiramdam ng pagiging mababa, at sa puso ko, labis akong nagpapasalamat sa Diyos! Matapos ang mga karanasang ito, nakita kong sa harap ng mga problema, ang paghangad ng katotohanan at pag-unawa sa katotohanan ay talagang mahalaga. Tanging sa pamamagitan ng pagtingin sa mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos natin maiwawaksi ang mga negatibong emosyon at makakapamuhay nang may paglaya at kalayaan.