67. Kaya Kong Pakitunguhan Nang Tama ang Aking mga Libangan
Noong Marso 2020, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Di-nagtagal pagkatapos noon, narinig ko na may ilang kapatid na darating para magturo ng mga kasanayan sa kompyuter at maglinang ng ilang computer technician. Labis akong naging interesado pagkarinig na pagkarinig ko rito. Noon pa man ay interesado na ako sa teknolohiya ng kompyuter at pinag-aralan ko pa nga ito nang mag-isa sa aking libreng oras, kaya nakaramdam ako ng matinding pagnanais na matutunan ang mga kasanayang ito. Kung titingnan ang mga miyembro sa aming iglesia, ako ang nag-iisang may kaunting batayang kaalaman sa larangang ito, kaya ang laking bagay kung magagawa ko ang tungkuling ito! Naisip ko kung paanong hindi ako masyadong mahusay magsalita sa kasalukuyan kong tungkulin bilang lider, at minsan, kapag may mga tanong o kapag nahihirapan ang mga kapatid, hindi ko alam kung paano makipagbahaginan at lutasin ang mga ito, at medyo nakakahiya ito. Kung magagawa ko ang isang teknikal na tungkulin, ang pagpapakadalubhasa sa mga kasanayan ay gagawin akong taong may teknikal na talento at magbibigay sa akin ng pagkilala, kaya inasahan kong maipapakita ko ang aking mga kapabilidad sa tungkuling ito ng teknolohiya ng kompyuter. Nang makita ko ang isang sister na may mahinang batayang kaalaman na nag-aaral ng teknolohiya, medyo minaliit ko siya at kaswal na nagbigay ng ilang payo. Tumugon ang sister nang may pagkagulat, sinasabing, “Hindi ko inaasahang alam mo pala ang tungkol sa mga bagay na ito!” Natuwa ako nang marinig ko ang papuri niya, at naisip ko, “Talagang minaliit mo ako; kung hindi lang dahil sa tungkulin ko bilang lider, nag-aral na sana ako ng teknolohiya.”
Noong unang bahagi ng Mayo, dumating si Brother Zhang Ming sa aming iglesia para magturo ng mga kasanayan sa kompyuter, at medyo masaya ako. Naisip ko, “Kahit hindi ako makakapunta sa mga aralin araw-araw, makakahanap ako ng oras para matuto, at ang pagkatuto mula sa mga taong maalam ay tutulong sa akin na maarok ang mas maraming kasanayan, at sa sandaling magkaroon ako ng pagkakataon, maipapakita ko ang aking mga kapabilidad.” Noong una akong pumunta para mag-aral, napansin ko na ang ilan sa mga teknikal na nilalaman ay may kasamang mga terminong Ingles, kaya hindi ko napigilang magpakitang-gilas ng aking mga kasanayan sa Ingles, nagbabasa at nagsasalin para sa kanila. Tiningnan ako ng mga kapatid nang may panibagong respeto. Sinabi ng isang sister, “Ano’ng antas ng iyong Ingles? Alam mo maging ang mga teknikal na termino. Ikaw ang pinakakalipikadong mag-aral; may bentahe ka!” Tumango ako at sinabi, “Isa lang itong bagay na gusto kong pag-aralan.” Nang makita ko ang mga sister na nahihirapan sa ilang operasyon habang nagsasanay, inalok ko sila ng kaunting gabay, iniisip na, “Dahil lider ako at walang oras, pasulpot-sulpot lang akong makakapag-aral; kung hindi, tiyak na mas mabilis akong matututo kaysa sa inyo.” Sa kasamaang palad, dalawa o tatlong araw lang akong nakapunta sa mga aralin, at pagkatapos ay hindi na ako nakapagpatuloy dahil abala ako sa gawain ng iglesia. Nakaramdam ako ng labis na panghihinayang at medyo naging atubili, iniisip, “Hindi ako maaaring mahuli sa inyong lahat. Kailangan kong humanap ng oras para makahabol sa hindi ko natutunan.” Pagkatapos noon, nanood ako ng mga tutorial para matuto, at nagsikap akong saliksikin ang anumang hindi ko naiintindihan. Kapag nagtatanong sa akin ang mga kapatid tungkol sa mga bagay na hindi nila naiintindihan, nakapagbibigay rin ako ng ilang payo sa kanila. Nang makatanggap ako ng mga papuri mula sa mga kapatid, nakaramdam ako ng pagmamalaki, at mas lalo ko pang nagustuhan ang aking tungkulin sa teknolohiya ng kompyuter. Gayumpaman, sa aking tungkulin bilang lider, madalas akong nahaharap sa iba’t ibang paghihirap, at minsan, hindi ko malutas ang mga ito, na nagdudulot sa akin ng kahihiyan. Bagama’t ginagampanan ko ang aking tungkulin, ang puso ko ay wala nang sigasig na tulad noong nag-aaral ako ng teknolohiya ng kompyuter, ni hindi ko iniisip kung paano gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Sa halip, nakatuon ako sa pag-aaral ng teknolohiya ng kompyuter. Minsan medyo nakokonsensya ako, iniisip, “Pinababayaan ko ba ang talagang tungkulin ko?” Ngunit pagkatapos ay naisip ko kung paanong pangkaraniwan lamang ang mga teknikal na kasanayan ng mga computer technician sa iglesia, at na ang pagtulong sa mga kapatid sa mga isyu sa kompyuter ay isa ring kagyat na pangangailangan, kaya sa pag-iisip na iyon, naglaho ang aking pagkakonsensya. Isang araw, inasikaso ko lang ang aking tungkulin pagkatapos munang magkalikot sandali ng kompyuter, at bunga nito, natuklasan kong nakaligtaan ko ang isang medyo kagyat na gampanin, na nagdulot ng mga pagkaantala. Noon lang ako nakaramdam ng takot. Ang kakulangan ko ng pokus sa mga pangunahin kong responsabilidad ang nagdulot ng pagkaantalang ito. Naisip ko rin ang iba pang mga gampaning dapat sana’y naipatupad ngunit hindi nagawa, at ang iba pang dapat sana’y nasubaybayan ngunit hindi nakumusta. Nakaapekto ito sa pag-usad ng gawain at nakaramdam ako ng kaunting panghihinayang, iniisip, “Bilang isang lider, dapat kong itinutuon ang aking mga pagsisikap sa aking pangunahing tungkulin, ngunit palagi akong nag-aaral ng teknolohiya ng kompyuter. Talagang pinababayaan ko ang akin mismong mga responsabilidad!” Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, handa akong ituon pabalik ang puso ko sa aking tungkulin, at hindi na gumawa ng mga bagay ayon sa aking mga kagustuhan. Mula ngayon, taimtim kong gagampanan nang maayos ang aking tungkulin.” Ngunit ilang araw pagkatapos, may nangyaring naglantad muli sa akin.
Isang sister ang nakaranas ng ilang paghihirap habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, at hindi ko alam kung paano makipagbahaginan sa kanya. Dahil hindi ko malutas ang kanyang mga problema, naramdaman kong napahiya ako nang kaunti at medyo naging negatibo rin, iniisip, “Bilang isang lider, hindi ko man lang malutas ang isang simpleng problema—nakakahiya ito. Ano na lang ang magiging tingin ng sister na ito sa akin kapag nakatalikod na ako! Mas mabuti pa sigurong nag-aaral na lang ako ng teknolohiya. Kapag may mga problema sa kompyuter ang mga kapatid, malulutas ko agad-agad ang mga ito, at matatanggap ko pa ang papuri at paghanga ng lahat.” Nang maisip ito, ayoko nang maging lider pa. Makalipas ang ilang araw, nalaman ng isang mangangaral na dahil sa pagpapabaya ko sa aking tungkulin, may ilang gawaing hindi nagawa nang maayos, kaya pinungusan niya ako. Ipinahayag ko noon ang pagnanais kong matuto ng teknolohiya ng kompyuter. Nakipagbahaginan siya sa akin, at hiniling niya sa akin na pagnilayan kung bakit mas gusto kong gawin ang isang teknikal na tungkulin sa halip na maging lider. Sa aking pagninilay, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung ang tungkuling iyong ginagampanan ay isang bagay na bihasa ka at gusto mo, nararamdaman mo na ito ay responsabilidad at obligasyon mo, at na ang pagsasagawa nito ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran. Nadarama mong ikaw ay nagagalak, maligaya at matiwasay. Ito ay isang bagay na handa kang gawin, at mabibigyan mo ng iyong buong pagkamatapat, at nadarama mong binibigyang-kasiyahan mo ang Diyos. Ngunit kung isang araw ay maharap ka sa isang tungkulin na hindi mo gusto o hindi mo pa kailanman nagampanan, ganap mo bang maibibigay rito ang iyong pagkamatapat? Masusubok nito kung isinasagawa mo ang katotohanan. Halimbawa, kung ang iyong tungkulin ay nasa pangkat ng himno, at kaya mong umawit at isa itong bagay na ikinagagalak mong gawin, maluwag sa kalooban mong gampanan ang tungkuling ito. Kung binigyan ka ng isa pang tungkulin kung saan sinabihan kang ipalaganap ang ebanghelyo, at ang gawain ay may kahirapan, magagawa mo bang tumalima? Pinagnilayan mo ito at sinabing ‘Mahilig akong umawit.’ Anong ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay ayaw mong magpalaganap ng ebanghelyo. Ito ang malinaw na kahulugan nito. Patuloy mo lang sinasabing ‘Mahilig akong umawit.’ Kung ang isang lider o manggagawa ay mangatwiran sa iyong, ‘Bakit hindi ka magsanay na magpalaganap ng ebanghelyo at sangkapan mo ang iyong sarili ng higit pang katotohanan? Higit itong magiging kapaki-pakinabang sa iyong pag-unlad sa buhay,’ nagpumilit ka pa rin at nagsabing ‘Mahilig akong umawit, at mahilig akong sumayaw.’ Ayaw mong magpalaganap ng ebanghelyo anuman ang kanyang sabihin. Bakit ayaw mong gawin iyon? (Dahil sa kawalan ng interes.) Wala kang interes kaya’t ayaw mong gawin iyon—ano ang problema rito? Ito ay ang iyong pagpili ng tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan at personal na panlasa, at hindi ka nagpapasakop. Wala kang pagpapasakop, at iyon ang problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, samakatuwid ay hindi ka tunay na nagpapakita ng gaanong tunay na pagpapasakop” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pagdating sa mga tungkuling interesado ako, kung saan ako magaling, makakakuha ng papuri, at makakakuha ng paghanga ng iba, handa akong magsumikap na gawin ang mga iyon nang maayos. Gayumpaman, sa mga tungkuling hindi ko gusto at kung saan hindi ko maipapakita ang mga kakayahan ko, ayaw kong sumuong sa mga hamon. Ipinakita nito na pinipili ko pala ang mga tungkulin batay sa mga personal kong kagustuhan, at kulang ako sa pagpapasakop sa Diyos. Sa pagbabalik-tanaw sa pag-aaral ko ng teknolohiya ng kompyuter, naramdaman ko na kapag may mga pagkakataon akong maipakita ang aking kakayahan, ibinubuhos ko ang sarili ko sa pananaliksik, at kapag nakakamit ko ang kaunting tagumpay, ang tingin ko sa sarili ko ay katangi-tangi na. Kapag nakakatanggap ako ng papuri at paghanga mula sa iba, labis akong nasisiyahan sa aking sarili, pero kapag nagkakaproblema ako sa tungkulin ko bilang lider at hindi ko malutas ang mga ito, napapahiya ako at nagkakaroon ako ng pagtutol o pagnanais na iwasan ang sitwasyon. Kaya sa halip, nagsisingit ako ng oras para mag-aral ng teknolohiya, na sa huli ay nakaantala sa mga talagang tungkulin ko. Talagang pinababayaan ko ang talagang tungkulin ko! Bilang isang lider ng iglesia, kapag nahihirapan ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin at hindi ako epektibong makapagbahagi, dapat sana ay umasa ako sa Diyos para hanapin ang katotohanan o humingi ng tulong sa mga nakakaunawa ng katotohanan para gabayan at tulungan ako. Pero dahil hindi ko maprotektahan ang reputasyon at katayuan ko sa mata ng mga tao, gusto ko na lang umiwas at umatras. Ginagawa ko pala ang tungkulin ko batay sa mga personal na interes at kagustuhan, hinahangad na bigyang-kasiyahan ang sarili kong katayuan at reputasyon sa halip na isagawa ang katotohanan, at hindi ako nakatayo sa posisyon ng isang nilikha para magpasakop sa Diyos. Ang ganitong saloobin ko sa tungkulin ay kasuklam-suklam sa Diyos. Pagkatapos magkamit ng kaunting pagkaunawa, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ayoko nang kumilos batay sa mga kagustuhan ko. Handa akong ituon ang puso ko sa aking tungkulin at taimtim itong gampanan nang maayos.” Kalaunan, medyo napanatag ang puso ko, at sinimulan kong pag-ukulan ng masusing pag-iisip ang aking pangunahing gawain. Kapag may mga paghihirap sa gawain ko, nakikipag-usap ako sa mga kapatid na katuwang ko, hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito.
Pagsapit ng Abril 2021, dahil sa kakulangan ng pagiging epektibo sa gawain ng ebanghelyo, pinungusan ako ng nakatataas na pamunuan, pero sa halip na pagnilayan ang sarili ko, agad akong umatras at nagmungkahi akong magbitiw bilang pag-ako sa aking pagkakamali. Nakita ng nakatataas na pamunuan na hindi ako nagninilay o pumapasok sa katotohanan at na naging sukdulan ang pagkanegatibo ko, kaya pumayag sila sa aking pagbibitiw. Makalipas ang ilang araw, ginampanan ko ang isang tungkuling may kaugnayan sa teknolohiya ng kompyuter, at medyo masaya ako, iniisip na nababagay sa akin ang tungkuling ito at na maipapakita ko ang aking halaga. Ibinuhos ko ang sarili ko sa pag-aaral ng teknolohiya at mabilis kong natutunan ang ilang pangunahing kasanayan, at nalutas ko ang lahat ng problema sa kompyuter ng mga kapatid. Kapag tinuturuan ko ang mga kapatid, kumpiyansa ako at taas-noo, at nakita kong napakakasiya-siya ng tungkuling ito.
Sa hindi inaasahan, makalipas ang ilang buwan, nakaranas ako ng ilang panganib sa seguridad at hindi ko na nagawa ang aking tungkulin. Madalas akong malungkot at hindi umiimik, at naisip ko, “Napakabilis mag-update at magbago ng teknolohiya. Napakaraming oras na ang nasayang ko kaya tiyak na maiiwanan ako.” Para hindi masyadong mahuli, sinubukan ko ang lahat para mag-aral ng teknolohiya, umaasa na balang araw ay magagawa ko pa rin ang mga teknikal na tungkulin. Kalaunan, pagkatapos kong basahin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May likas na instinto sa mga tao. Kung hindi nila kailanman malalaman kung ano ang kanilang mga kalakasan, kung ano ang kanilang mga hilig at libangan, mararamdaman nilang wala silang presensiya, hindi nila mapagtatanto ang sarili nilang halaga, at mararamdaman nilang wala silang halaga. Hindi nila magawang ipakita ang kanilang halaga. Gayumpaman, sa sandaling matuklasan ng isang tao ang kanyang mga hilig at libangan, gagawin niya itong tulay o isang pambuwelo para maipamalas ang kanyang halaga. Handa siyang magbayad ng halaga para hangarin ang kanyang mga adhikain, para mamuhay ng mas makabuluhang buhay, para maging isang kapaki-pakinabang na indibidwal, para mamukod-tangi sa karamihan at mapansin, para hangaan at sang-ayunan, at para maging isang katangi-tanging tao. Sa ganitong paraan, makapamumuhay siya nang kontento, magkakaroon ng matagumpay na propesyon sa mundong ito, at maisasakatuparan ang kanyang mga adhikain at pagnanais, at sa gayon ay magiging makabuluhan ang kanyang buhay. Kung titingnan ang karamihan sa mga tao, iilan lamang ang likas na kasingtalino niya, na nakapagtakda ng matatayog na adhikain at pagnanais, at na sa huli ay nakapagkamit ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap. Nakabuo siya ng propesyon habang ginagawa ang gusto niya, natamo niya ang kasikatan, pakinabang, at katanyagan na nais niya, naipakita ang kanyang kabuluhan, at naipamalas ang kanyang halaga. Ito ang paghahangad ng mga tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (8)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na lagi kong gustong gawin ang mga tungkuling may kaugnayan sa mga interes at libangan ko para makamit ang aking mga mithiin at pagnanais, na maging isang taong may teknikal na talento na hinahangaan ng iba, at sa huli ay makuha ang kasikatan, pakinabang, at katayuan na ninanais ko. Nang matuklasan ko na ang pagiging mahusay sa teknolohiya ng kompyuter ay maaaring magdulot sa akin ng papuri at paghanga, nakaramdam ako ng matinding pakiramdam ng pagkilala at tagumpay. Kaya, lalo akong naging interesado sa teknolohiya ng kompyuter, handang magsumikap at magbanat ng buto sa pag-aaral mula umaga hanggang gabi para mapabuti ang aking mga kasanayan, sinusubukang maging sanay sa larangang ito para mas maraming tao ang pumuri at humanga sa akin. Gayunpaman, masyado akong kulang sa aking tungkulin bilang lider, at wala akong kaisipang maging masigasig. Kapag nakakaranas ako ng mga paghihirap at kabiguan, nagiging negatibo ako at umaatras, nagbibitiw pa nga at nagiging isang takas. Itinuring ko ang aking mga interes at libangan bilang isang tuntungan para matupad ang halaga ng aking sarili. Gusto kong makuha ang paghanga ng iba sa pamamagitan ng pag-aaral ng teknolohiya ng kompyuter. Ito ay pagtatangka para sa personal na pakinabang, at ginagawa ko ito para maitatag ang aking imahe at katayuan sa puso ng mga tao at bigyang-kasiyahan ang aking mga ambisyon at pagnanais!
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa mga nakatagong motibo sa likod ng aking pamamaraang batay sa kagustuhan sa aking mga tungkulin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nakapaloob sa kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o ang lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya kinokonsidera nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. Kung kaya’t para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, labis akong naantig. Itinuring ko ang reputasyon at katayuan bilang isang bagay na kasinghalaga ng buhay mismo, at palagi kong hinahangad ang paghanga ng iba. Naiimpluwensyahan ako ng mga satanikong lason tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at palagi kong hinahangad na magkaroon ng katayuan at magandang imahe sa puso ng iba. Handa akong gawin ang anumang tungkulin na magbibigay-daan sa akin na magkaroon ng pangalan at hangaan. Handa akong magdusa at pasanin ang gastos ng gayong tungkulin, ngunit iniiwasan at tinatanggihan ko ang anumang tungkulin na maaaring makasira sa aking reputasyon at katayuan. Tulad ng sa teknolohiya ng kompyuter, dahil binigyan ako nito ng pagkakataong magkaroon ng pangalan, handa akong pag-aralan ito nang masigasig, nakatitig sa screen ng kompyuter buong araw, at kahit na masakit ang mga mata ko at sumasakit ang leeg ko, nagpupumilit pa rin akong magpatuloy. Sa kabaligtaran, napakapasibo ko sa aking tungkulin bilang lider, dahil natatakot ako na kung hindi ko malutas ang mga problema, mawawala ang magandang imahe ko sa mata ng aking mga kapatid. Para protektahan ang aking reputasyon at katayuan, nagawa ko pa ngang magbitiw at maging isang takas. Ang kalooban ng Diyos ay para hangarin ng mga tao ang katotohanan at lutasin ang kanilang katiwalian habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Pero ako sa halip ay hinangad ko ang reputasyon at katayuan para bigyang-kasiyahan ang aking banidad, na lubusang kasalungat ng mga hinihingi ng Diyos. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo, at kahit na nabigyang-kasiyahan ang aking banidad, hindi magbabago ang aking tiwaling disposisyon, at sa huli, matitiwalag pa rin ako. Labis akong nagsisi, at nagpatirapa ako sa harap ng Diyos para manalangin at bumalik sa Kanya, at hiniling ko sa Diyos na gabayan ako sa landas ng paghahangad sa katotohanan.
Pagkatapos ay nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko kung paano pakitunguhan ang aking mga interes at libangan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mula sa araw na ito, isa ka nang tunay na miyembro ng sambahayan ng Diyos, ibig sabihin, kinikilala mo ang iyong sarili bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Dahil dito, mula sa araw na ito, dapat mong muling planuhin ang mga plano mo sa buhay. Hindi mo na dapat hangarin at sa halip ay bitiwan mo na dapat ang mga adhikain, pagnanais, at layon na dati mong itinakda sa buhay mo. Sa halip, dapat mong baguhin ang iyong pagkakakilanlan at perspektiba para makapagplano sa mga layon at direksiyon sa buhay na dapat mayroon ang isang nilikha. Una sa lahat, hindi ang pagiging isang lider ang dapat mong layon at direksiyon, o ang mamuno o mangibabaw sa anumang industriya, o ang maging isang kilalang taong gumagawa ng partikular na gampanin o isang taong bihasa sa partikular na kasanayan. Ang layon mo dapat ay ang tumanggap ng iyong tungkulin mula sa Diyos, ibig sabihin, ang alamin kung ano dapat ang gawain mo ngayon, sa sandaling ito, at unawain kung anong tungkulin ang kailangan mong gampanan. Kailangan mong itanong kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos at kung anong tungkulin ang isinaayos para sa iyo sa Kanyang sambahayan. Dapat kang makaunawa at malinawan sa mga prinsipyong dapat maintindihan, mapanghawakan, at masunod tungkol sa tungkuling iyon. Kung hindi mo maalala ang mga ito, maaari mong isulat ang mga ito sa papel o i-rekord ang mga ito sa iyong computer. Maglaan ka ng oras para suriin at pag-isipan ang mga ito. Bilang miyembro ng mga nilikha, ang dapat na pangunahin mong layon sa buhay ay ang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kalipikadong nilikha. Ito dapat ang pinakapangunahing layon mo sa buhay. Ang pangalawa at mas partikular ay kung paano gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kalipikadong nilikha. Siyempre, dapat lang na talikuran ang anumang layon o direksyon na nauugnay sa iyong reputasyon, katayuan, banidad, kinabukasan, at iba pa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (7)). “Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dahil handa kang sikaping matamo ang katotohanan at nais mong kamtin ang kaligtasan, kailangan mong bitiwan ang iyong mga paghahangad, adhikain, at pagnanais, kailangan mong talikuran ang landas na ito, na landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at bitiwan ang mga adhikain at pagnanais na ito. Hindi mo dapat piliing layon sa buhay mo ang pagsasakatuparan ng iyong mga adhikain at pagnanais; sa halip, ang layon mo dapat ay ang sikaping matamoang katotohanan at kamtin ang kaligtasan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (8)). Oo. Bilang isang nilikha, ang layuning dapat kong taglayin ay ang hangaring gampanan nang maayos ang aking mga tungkulin bilang isang nilikha, at hindi ang maghangad ng reputasyon at katayuan, o para tuparin ang aking mga mithiin sa pamamagitan ng pagiging isang taong namumukod-tangi, isang propesyonal, o isang taong may teknikal na talento. Mula ngayon, anuman ang iatas sa akin ng iglesia, kailangan ko itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Gusto ko ang teknolohiya ng kompyuter, at kapag kailangan ito sa gawain ng iglesia, pag-aaralan ko ito nang masigasig, ilalapat ito sa aking mga tungkulin upang makamit ang magagandang resulta, pero kailangan ko ring lutasin ang anumang hindi wastong intensyon sa loob ko; kung hindi, sa paggawa ko ng mga tungkulin nang may tiwaling disposisyon, hindi ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung sa hinaharap ay iatas sa akin ng iglesia na gumawa ng ibang mga tungkulin batay sa mga pangangailangan sa gawain, kahit na hindi ko ito kalakasan, dapat kong harapin at lampasan ang mga hamong lilitaw, magsumikap nang higit sa mga prinsipyo ng katotohanan, at matuto nang higit pa mula sa aking mga kapatid tungkol sa mga bagay na hindi ko kayang gawin. Kaya nanalangin ako sa Diyos, handang bitiwan ang aking reputasyon at katayuan, na magpasakop sa anumang tungkuling iatas sa akin ng sambahayan ng Diyos, at hindi na gampanan ang aking mga tungkulin batay sa aking mga kagustuhan.
Kalaunan, bumalik ako sa aking bayan at muling ginampanan ang aking tungkulin sa teknolohiya ng kompyuter. Makalipas ang limang buwan, nakatanggap ako ng liham mula sa pamunuan, na nagsasabing kagyat na kailangan nila ng isang taong tutulong sa tungkuling nakabatay sa teksto. Dahil alam ng pamunuan na dati ko nang ginawa ang tungkuling ito, tinanong nila kung handa akong akuin ito. Noong panahong iyon, nag-aaral ako ng isang bagong teknolohiya, at itinuturing akong medyo namumukod-tangi sa larangang ito sa loob ng iglesia. Kaya, talagang nanghinayang akong isantabi ito, at sa isang sandali, muli akong nagdalawang-isip. Pinagnilayan ko kung paano ko hinangad ang reputasyon at katayuan noon, at alam kong sa pagkakataong ito, kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang aking mga isyu. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat kang matutong sumunod kapag binago ang pagkakatalaga ng tungkulin mo. Pagkatapos mong makapagsanay sa iyong bagong tungkulin sa loob ng ilang panahon at makapagtamo ng mga resulta sa paggampan nito, makikita mo na mas angkop kang gumampan sa tungkuling ito, at mapagtatanto mo na mali ang pumili ng mga tungkulin batay sa sarili mong kagustuhan. Hindi ba’t nilulutas nito ang isyu? Ang pinakamahalaga, isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan ng mga tao ang ilang tungkulin nang hindi batay sa kagustuhan ng mga tao, kundi batay sa mga pangangailangan ng gawain at kung makakapagkamit ba ng mga resulta ang paggampan ng isang tao sa tungkuling iyon. Masasabi ba ninyo na nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos ng mga tungkulin batay sa mga indibidwal na kagustuhan? Dapat ba nitong gamitin ang mga tao batay sa kondisyon na matutugunan ang mga personal nilang kagustuhan? (Hindi.) Alin sa mga ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao? Alin ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay ang pagpili sa mga tao ayon sa mga pangangailangan ng gawain sa sambahayan ng Diyos at sa mga resulta ng pagganap ng mga tao sa mga tungkulin nila. May mga hilig at interes ka, at may kaunti kang kagustuhang magampanan ang mga tungkulin mo, pero dapat bang mauna ang iyong mga kagustuhan, interes, at hilig kaysa sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Kung nagmamatigas ka sa paggigiit nito, sinasabing, ‘Dapat kong gawin ang gawaing ito; kung hindi ako tutulutan na gawin ito, ayaw ko nang mabuhay, ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin. Kung hindi ako tutulutan na gawin ang gawaing ito, hindi na ako gaganahang gumawa ng iba pa, hindi ko na rin ibibigay ang aking buong pagsusumikap dito,’ hindi ba’t ipinapakita nito na may problema sa iyong saloobin sa paggampan ng tungkulin? Hindi ba’t iyon ay lubusang kawalan ng konsensiya at katwiran? Para matugunan ang mga personal mong kagustuhan, interes, at hilig, hindi ka nag-aatubiling apektuhan at antalain ang gawain ng iglesia. Naaayon ba ito sa katotohanan? Paano dapat tratuhin ng isang tao ang mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan? … Ang isa pa, na siyang pinakaimportante, ay na kahit anong antas pa ng pagkaunawa ang makamit mo o kung kaya mo mang unawain ang mga bagay na ito, kapag may ginagawang mga pagsasaayos ang sambahayan ng Diyos para sa iyo, dapat magkaroon ka man lang muna ng saloobin ng pagsunod, sa halip na maging mapili o pihikan, o magkaroon ng sarili mong mga plano at desisyon. Ito ang katwirang dapat mong taglayin higit sa lahat” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Naantig ako ng mga salita ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay nag-aatas ng mga tungkulin hindi batay sa personal na kagustuhan kundi ayon sa mga pangangailangan ng gawain. Bagama’t gusto kong gawin ang tungkuling may kaugnayan sa teknolohiya, hindi ko dapat ipangibabaw ang aking mga interes sa gawain ng iglesia. Saka, sa panahong iyon, walang kakulangan ng mga taong gagawa sa gawaing ito, pero may kakulangan ng mga tao para sa gawaing nakabatay sa teksto. Dati na akong gumawa ng tungkuling nakabatay sa teksto, kaya may kaunti akong pagkaunawa sa mga prinsipyong kasama rito. Dapat kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, sundin ang mga pagsasaayos ng iglesia, at unahin ang gawain ng iglesia. Matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, nanalangin ako sa Diyos na ituwid ang aking kalagayan at pagkatapos ay ginampanan ko ang tungkuling nakabatay sa teksto.
Ang paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos ang nagpatanto sa akin sa aking mga maling hangarin. Natutunan ko rin kung paano pakitunguhan nang wasto ang aking mga interes at libangan. Salamat sa patnubay ng Diyos! Sa hinaharap, anuman ang mga sitwasyong kaharapin ko, handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at hangarin ang katotohanan upang magampanan nang maayos ang aking mga tungkulin.